Q4 (i) Panayam kay acheloisly

1. Maaari mo bang ibahagi sa amin ang kuwento sa likod ng iyong Wattpad username?

Walang malalim na kahalugan o nakakapukaw interes na kwento sa likod ng ang aking username. Noong 2019 ay naisipan ko lang na palitan ang naunang username ko ng hindi inaalis dito ang pen name na gamit ko. Sa ilang pag-eeksperimento ng username ay nakita ko ang pangalan ng Greek Goddess na si Achelois at agad ko namang nagustuhan ang karakter niya, tumutukoy ang pangalan niya sa pagpawi ng sakit ng kalooban o pagpapagaan ng kalooban. Mula sa pangalan ni Achelois ay dito ko na idinugtong ang dulo ng aking pen name na Ly at dito nabigyang buhay ang aking pseudonym na Acheloisly.

2. Ano o sino ang nagsisilbing inspirasyon sa iyong pagsusulat?

Tulad ng ibang manunulat ay napakaraming bagay ang siyang nagbibigay ng inspirasyon sa akin sa pagbabasa, mula sa panonood at pagbabasa lamang o mga pangyayaring kinahaharap ko ay maaari na itong magsilbing inspirasyon. Subalit sa dami ng nakukuha kong inspirasyon, ang mga guro ko noon sa journalism ang pinakamalaki ang epekto sa akin.

Sa dami ng naging guro ko sa journalism mula elementarya at sekondarya ay walang sinoman sa kanila ang naniwala sa kakayahan at talento ko sa pagsusulat. Gusto kong patunayan sa kanila at ipakita sa kanila na isang pagkakamali na pagsarahan nila ako ng pintuan sa pagsusulat.

3. Ano ang pinakamahirap na aspeto ng pagiging manunulat?

Para sa akin, ang pinakamahirap na aspeto ng pagsusulat sa kasalukuyan ay iyong may ideya o tagpong sumagi sa isip ko subalit hindi ko kaagad naitala ang ideyang iyon sa aking kwaderno. Minsan sa dami ng bagay na tumatakbo sa isipan ko, iyong iba ay naiiwan at hindi ko na magawang balikan pa.

4. May maipapayo ka ba sa mga bagong manunulat?

Mahalagang malaman muna nila kung bakit sila nagsusulat o bakit sila magsusulat. Dahil ang sagot sa tanong na ito ang siyang magiging pundasyon nila sa pagsusulat. Mula sa pagbuo ng bagong mundo na nagmula sa kanilang mga imahinasyon hanggang sa pagbibigay buhay ng mga tauhan na kanilang isusulat.

5. Ano ang mensahe mo sa iyong mga mambabasa?

Maingat kong inilalapat ang bawat salita sa mga kwentong inilalatha ko, kung kaya't labis akong magagalak oras na malaman kong naunawaan ninyo ang mga bagay na nais kong maipahayag. Kung sinoman kayo, masaya akong maibahagi sa inyo ang nobelang isinusulat ko! 


FIVE FUN FACTS / TRIVIA ABOUT YOU OR YOUR STORIES:

1. Mayroong akong higit kumulang 80 drafts ng aking mga kuwento, karamihan dito ay maiikling kwento at ang iba ay mga kwentong nasimulan subalit kailangan pang sumailalim sa mahabang revisions.

2. Isa sa mga pangarap ko ang maisama sa mga ilalaban sa DSPC at masama iyong pangalan ko sa mga nagsulat sa school paper namin.

3. Kahit na hilig ko ang pagsusulat, ay kailanman hindi ako sumugal sa programs na may kinalaman sa malikhaing pagsusulat noong college admissions.

4. Napakadali para sa akin ang bumuo ng kwento subalit parati akong lagapak pagdating sa pagsusulat ng pamagat. Noong 2018, nang isulat ko ang unang romance/teen fiction novel ko ang title nito ay 'Walang Forever Sa Word Na Walang Forever' na maging ang mga kaibigan ko ay hindi maintindihan kung ano ang tinutukoy ko sa pamagat ko.

5. Iyong mga tauhan na binubuo ko, madalas ay reflection sila kung sino ako o kung ano iyong mga bagay na gusto kong maabot. 



THEME: Magsulat ng kuwento na may tatlong elemento na babanggitin: traffic, fiesta, and childhood friend.

WALANG usad ang mga sasakyan habang basang-basa ang kapaligiran. Animo'y umulan dahil mapasasakyan, tao, bagay o mga hayop man ay basang-basa dulot ng Wattah Wattah Festival dito sa San Juan.

Napabuntong hininga na lamang ako habang tahimik na pinagmamasdan ang lahat sa loob ng kotse kung nasaan ako. Nakagat ko na lang ang pang-ibabang labi ko dahil sa pagbuhos ng mga alaala sa akin.

Ang fiesta ang isa sa pinakapaborito mong okasyon noong mga bata pa tayo, kaya nga wala pa mang isang linggo noon bago ang fiesta ay nakahanda na ang water gun mo pambasa sa mga kalaro mo. At oras na dumating ang fiesta tiyak na wala ka na namang humpay sa kakwento kung paano kayo nakipagbasaan sa kalye. Maging ako tuloy na hindi naman pupwede sa ganoong mga okasyon ay nasasabik na sa pagdating ng Wattah Wattah Festival.

Hindi ako nakakalimot na abangan ang pagdating ng fiesta. Subalit ikaw? Hindi lang ata ang fiesta ang siyang nakalimutan mo dahil maging ako ay kinalimutan mo na.

Kung hindi mo lang ako iniligtas sa pagkakalunod noong mga bata pa tayo, kung hindi lang ako allergic sa tubig. Siguro ay ayos pa ang lahat.

Subalit hanggang ngayon ay patuloy pa rin akong naghihintay sa iyo, kahit wala naman na akong hihintayin, kasi hinding-hindi ka na makakabalik. Unti-unti ko ng nakakalimutan ang mukha mo maging ang boses mo.

Kung maaari ko lang na makita ulit ang mga ngiti mo.

Tahimik ko na lang na pinaandar ang kotse ng umusad ang traffic.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top