January 2021 (i) Panayam kay AkoSiIbarra

1. Kailan ka nagsimulang magsulat ng mga kuwento? Ano ang nagtulak sa'yo na magsulat?

Nagsimula akong magsulat noong nasa elementary pa lamang ako. Posibleng naimpluwesiyahan ako ng mga nilalaro ko noong RPG (role-playing games) at MMORPG (massively multiplayer online role-playing games) kung saan ako ang kumokontrol at nagdedesisyon kung ano ang gagawin ng character ko. Tuluyan akong nabighani ng pagsusulat nang makapanood at ma-inspire ako ng mga anime at drama noon. May mga senaryong nabuo sa aking isipan hanggang sa napagdesisyunan kong isulat sa papel ang mga ito. 


2. Paano mo natuklasan ang Wattpad, at bakit napagdesisyunan mong ilathala ang iyong mga akda rito? 

Natuklasan ko ang Wattpad noong makita ko ang tweet ng aking schoolmate noong 2014. Sinabi kasi niya na magkakaroon ng movie adaptation ang Wattpad story na isinulat ng kanyang ate. Chineck ko ang kwento sa nasabing website. Mula roon, nagsimula akong mag-explore hanggang sa tuluyan na akong gumawa ng account. Nakita ko ang potensyal nito para mabigyan ng platform ang aking mga ideya. 


3. Sino ang iyong paboritong manunulat, at bakit? 

Kung classic ang pag-uusapan, si Dr. Jose Rizal ang nangunguna at walang kakompetensya. Nagustuhan ko kung paano niya ginamit ang tinta ng kanyang pluma upang magpunla ng ideya sa ating mga kababayan na gumising sa kanila. 

Kung sa kasalukuyan ang pag-uusapan, si Bob Ong. Una kong nabasa ang kanyang Bakit Baligtad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino at Ang Paboritong Libro ni Hudas noong nasa high school ako. Namangha ako kung paano niya nagawang entertaining ang paghahabi ng kanyang mga salita. 


4. May paborito ka bang manunulat o kuwento sa Wattpad? Sino o ano ito, at bakit? 

Wala akong masasabing paborito dahil hindi ako masyadong nagbabasa ng mga kuwento sa Wattpad. 


5. Maaari mo bang ibahagi sa amin kung tungkol saan ang iyong kuwento, at gaano katagal mo nang isinusulat ito? 

Mahilig ako sa mga detective story, dala ng maagang exposure ko sa anime na Detective Conan at pagbabasa ng Sherlock Holmes stories. Project LOKI ang aking "flagship story" dahil 'yon ang unang kuwento ko na pumatok sa mga mambabasa at pinaggugulan talaga ng panahon. Limang taon ko itong isinulat na magtatapos/nagtapos sa December 30, 2020. 

6. May maipapayo ka ba sa mga bagong manunulat? 

Kailangan mong magbasa nang magbasa upang mas lumawak ang iyong kaalaman at bokabularyo. At kapag nagbabasa ka, kailangan mo ring magbasa nang may pang-unawa. Kunin mo ang iyong paboritong libro, basahin ito at himayin ang istruktura nito. Paano ipinakilala ng may-akda ang kanyang mga tauhan? Paano niya in-establish ang setting? Paano niya inilahad ang mga importanteng plot point? Dito ka matututo. 

Siyempre, kailangan mong ilagay sa practice kung ano ang natutunan mo sa pagbabasa. Kailangan mong magsulat nang magsulat. Kahit hindi pa gano'n kapulido, ayos lang. Ang importante'y nailalabas mo ang iyong mga ideya at nahahasa mo ang iyong prosa. Gawin mo itong habit at magiging master ka nito. 


7. Maaari ba naming malaman ang iyong reaksyon ng ikaw ay naging official Wattpad Star?

Itinuturing ko ito na isang malaking karangalan dahil hindi lahat ng Wattpad writers ay binibigyan ng pagkakataon na mapabilang sa mga bituin. 


8. Sa lahat ng kinatha mong kwento, ano ang pinakapaborito sa mga ito? Bakit? 

Project LOKI. Ito kasi talaga ang turning point sa buhay ko. Dahil sa kwentong ito, marami akong na-experience, marami akong nakilala, marami akong natutunan habang isinusulat ito. 


9. Kung may pagkakataon kang buhayin ang isa sa mga karakter mo, sino ito at bakit? 

Si Loki Mendez siguro, ang focal character ng Project LOKI. Sa tingin ko'y magkakasundo kami sa maraming bagay, lalo na sa mga perspective namin sa buhay. 


10. May kwento ba sa likod ng iyong username? Kung meron, maaari mo bang ipaliwanag kung bakit AkoSiIbarra ang iyong pangalan? 

Fan ako ng dalawang nobela ni Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Galing ang pen name ko na AKOSIIBARRA o CRIS IBARRA mula sa tauhan niyang si Crisostomo Ibarra. Noong nabasa ko ang Noli, naka-relate ako sa pagiging idealistic niya. Tumatak din sa akin ang kanyang karakter.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top