August 2021 (i) Panayam kay blackpearled
1. Kailan ka nagsimulang magsulat ng mga kuwento? Ano ang nagtulak sa 'yo na magsulat?
Noong second years highschool ako, 13 or 14 years old yata ako noon. Pagkatapos kong mabasa ang Harry Potter series, sa pagkakahanga ko sa kuwento, nag-ugat din ang kahilingan kong magkaroon ng ganoong impluwensiya sa paglikha ng mga kuwento.
2. Paano mo natuklasan ang Wattpad, at bakit napagdesisyunan mong ilathala ang iyong mga akda rito?
Napanuod ko ang trailer ng Diary ng Panget noong 2014. Pagkatapos mapanood ang trailer ng pelikula kung saan nakasaad din na adaptation siya sa isang Wattpad story, tinanong ko ang pinsan ko kung ano iyong wattpad at sinabi sa aking maaari akong makapagsulat at basa ng mga kuwento roon ng libre. Naalala ang mga naudlot sinulat noon sa pag-aakala na walang makababasa ng aking mga akda, naisip ko na kung magsusulat ako sa Wattpad, maaaring oportunidad na rin ito na maibahagi ang aking mga kuwento kaya nagpasya akong magsulat sa Wattpad.
3. Sino ang iyong paboritong manunulat, at bakit?
Colleen Hoover. Mula nang mabasa ko ang isa sa mga likha niya ay hindi ko na tinigilan at mas napahanga at iyak pa ako sa mga sumunod. Gustong-gusto ko rin ang paraan niya ng pagsusulat at lalo na ang mga plot twist na siyang nagpamangha sa akin sa kanya.
4. May paborito ka bang manunulat o kuwento sa Wattpad? Sino o ano ito, at bakit?
Montello High. Gusto ko iyong kuwento at lalo na rin ang mga karakter.
5. Maaari mo bang ibahagi sa amin kung tungkol saan ang iyong kuwento, at gaano katagal mo nang isinusulat ito?
Iba-iba ang tema ng mga sinusulat ko. Iyong The Day He Became Ruthless ay maliban sa highschool lovers sila, nangingibabaw rin ang tungkol sa musika. Mga walong buwan ko yata sinulat iyon. Ang mga kuwento sa loob ng Loyal Hearts Series, may iilan doon na sinabi ko ang mga personal na karanasan at mga tanong tungkol sa sarili at buhay na nais kong ibahagi. Tatlong buwan kong sinusulat bawat kuwento. Obsidian Series, ang pinagkakaabalahan ko lalo na ang on-going, Wounded, na sa ngayon ay ang pinakamatagal kong sinusulat na aabutin pa yata ng sampung taon. Haha! Sensitibo ang tema ng Obsidian kaya hindi maaaring walang babala.
6. May maipapayo ka ba sa mga bagong manunulat?
Katulad ko ay lagi rin akong nanghihingi at naghahanap ng payo, at ang lagi kong nakikita ay magbasa at laging sanayain ang sarili na magsulat, kahit iilang linya lamang basta't may maisulat ka at maensayo ang kakayahan. :)
7. Kailan mo napagtanto sa iyong sarili na may kakayahan kang magsulat ng kwento?
Sa totoo lang, hindi ko na-acknowledge sa sarili ang kakayahan dahil lagi ko ring hinuhusgahan ang sarili ko para hindi masyadong makampante. Basta't matapos ko lang iyong kuwento at kuntento naman ako, at naa-appreciate din ng mga mambabasa, okay na ako roon.
8. Ano ang pinakamadaling eksenang isinusulat mo sa iyong mga kwento?
Iyong Epilogue. Haha. Parang summary na rin kasi siya dahil nakalathala na iyong mga eksena sa mga naunang kabanata, ang gagawin ko na lang ay iyong ibahagi ang nararamdaman ng male lead sa eksenang iyon. Pero hindi naman lahat ng bahagi ng wakas dahil kailangan ko rin ikonsidera ang personalidad mismo o ang ugali niya na hindi siya maging out of character.
9. Paano ka nagre-research para sa iyong kwento?
May mga nare-research na ako bago simulan ang kuwento ngunit may iilang impormasyon din na hindi ako sigurado sa gitnang kabanata na o sa kalagitnaan ng sinusulat na kabanata. Sa kasalukuyan kong sinusulat ngayon, hangga't sa maaari ay bawat kabanata akong nagre-research dahil na rin sa sensitibong tema ng kuwento.
10. Paano mo tinatanggap ang literary criticisms?
Sa una, masakit siya kahit na aware ka na rin na may mga taong magki-kritiko talaga ng mga gawa mo at napapaisip ka rin sa kakayahan mo. Pero 'yung sakit na nararamdaman galing sa maling naipahayag, iyon pa ang lagi nating natatandaan at dahil ayaw ko nang maulit ang maling iyon, itatama ko at sa huli, natututo ako.
11. Ano ang pinakapaborito mong kwento na naisulat mo na? Bakit?
Hindi ako sigurado kung naitanong na ito sa akin dati at may tiyak akong naisagot dahil iyon ang naramdaman kong paborito noong mga oras na iyon, pero sa ngayon, masasabi ko na ayaw kong magkaroon ng paboritong storya mula sa mga gawa ko dahil pakiramdamam ko, mga anak ko sila at ang pagkakaroon ko ng paborito, baka magtampo iyong isa. :D Gayunman, may isang storya ako na hiniling kong maging 'the best' sa lahat ng gawa ko para wala akong pagsisihan sa huli.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top