[4] Second Encounter
EPISODE 4:
Second Encounter
Inis na hinila ni Ella ang lock. Ngunit kahit anong gawin niya ay hindi talaga ito tumitinag.
Bumuga siya ng hangin at luminga-linga. Baka kailangan pa nilang basagin ngayon ang lock para makapasok sila.
Si Benny na nakaupo sa gilid ng kalsada ay lumingon sa kanya. Halata namang inaantok na ito. "May problema ba, Ella?"
"Sira ang lock," sabi niya na napailing. Tumingin lang si Amy sa kanya sa likod ng bangs nito. "Sana pala pinasama na muna natin si Frederick."
Kahit na sa Gremora rin nag-aaral si Frederick, ay hindi nila ito kasamang titira sa bahay na 'yon. Sa halip, nakatira ito ngayon sa isang boarding house sa sentro ng Gremora, malapit sa university at part time job na pinapasukan nito.
Mula nang makarating sila sa Gremora ilang araw na ang nakakaraan, ay hindi na muna dumiretso sina Ella sa bagong bahay na titirhan nila. Nagsiksikan na muna sila sa dorm room ni Frederick, dahil na rin sa mga requirements na aasikasuhin nina Amy at Benny. Kaysa mamasahe sila ng mahal sa layo ng byahe, ay doon na lang muna sila natulog ng ilang araw para naman kaya lang lakarin ang City Hall.
Pumunta na rin sila sa dating eskwelahan ni Ella, ang Gremora Junior High. Doon na nila in-update lahat ng kanilang mga requirements para pagpunta nila sa Senior High ay wala na silang poproblehamhin.
Nang matapos na sila sa lahat ng dapat na asikasuhin, ay nagpaalam na sila kay Frederick. Napagdesisyunan nilang pumunta na doon sa bahay na titirhan talaga nilang tatlo.
Tinanong naman sila ni Frederick kung magpapasama pa ba ang mga ito sa bahay na titirhan nila. Pero sabi ni Ella na magiging maayos lang sila, kasi nakita na naman niya ang bahay bago pa siya umuwi sa San Angeles.
"Baka naman hindi na 'yan ang lock dito," sabi ni Amy. Confused niya itong tiningnan. "Ang ibig ko lang sabihin, mahigit isang linggo ka ring nagbakasyon sa'tin. Baka pinalitan na 'yan ng lock ng may-ari."
"Malabo 'yon," sabi ni Ella. "Eh patay na nga ang may-ari nito, diba?"
Exasperated niyang hinila ang lock, saka nagbuntong-hininga.
"Ella," tawag ni Benny. "Hindi naman tayo nag-iisquat dito, no? Ayos lang ba talaga na dito tayo tumira."
Nilingon niya ito. Tumayo na pala ito, habang nakatingin sa kabuuan ng bahay.
"Ang ibig kong sabihin—masyado yata 'tong magara para ipamigay lang ng basta-basta," sabi ni Benny.
Napatingin din si Ella sa bahay—o mas tamang sabihin, sa mansyong nasa harap nila.
Ilang buwan na ang nakakaraan, ay lumipat si Ella sa grandiosong bahay na ito. Dati, nakatira siya sa pinsan ng lola niya. Malapit ito at ang lola niya, kaya naman para talagang apo na rin ang turing nito sa kanya. Sa loob ng ilang taon, ay doon siya nakitira, kapalit naman ng pagtulong niya sa mga gawaing bahay doon.
Kaya lang, pumanaw kamakailan ang Tiyang Soleng niya. Ngayon, ay mga anak na nito ang nakatira sa bahay nito. Inalok naman siya ng mga ito na doon manatili, pero ayaw niyang tumanaw ng utang na loob mula rito. Kahit na mabait ang mga ito ngayon, baka magkaiba ang mga anak ni Tiyang Soleng niya kaysa rito. Hindi niya alam kung ano ang ugali ng mga ito, kaya naman minabuti niyang maghanap ng ibang matutuluyan.
Saka naman sinabi ng lola niya na baka pwede siyang tumira na muna sa mansyong iyon. Ang mansyong iyon ay pag-aari ng organization na kinabibilangan ng lola niya. Isang organization na sakop din ng simbahan, at pinangunguluhan noon ni Father Amantini.
Ang sabi ng lola niya, welcome daw doon ang kahit sinong myembro ng organization nila, dahil doon nga rin daw sila nag-ko-congregate tuwing may mga missions sila. Kaya lang, halos lahat ng mga myembro ng organization na 'yon ay parang patay na yata, kabilang na mismo si Father Amantini.
Sa madaling salita, wala nang ibang mag-aalaga sa mansyong iyon kung hindi ang lola niya na lang, bilang ito na lang ang natitirang myembro.
Pero sa sinabi ngayon ni Benny, ay parang nagdadalawang-isip siya kung okay lang ba talaga na tumira sila doon.
"Hindi naman pinamigay 'to. Pinapatirhan lang sa'tin," sagot ni Ella. "Tsk. Pero nabuksan ko pa 'to noon, eh. Noong chi-neck namin ni Lola ang bahay. Maayos naman lahat."
"Baka nga habang nagbabakasyon ka, may nakatira na rito," sabi ni Amy. "Sino ba talagang may-ari nito? Alam ko 'yong Sacred Knights na organization ba 'yon nina Lola ang gumagamit nito, pero kanino ito nakatitulo?"
Kumunot ang noo ni Ella. "Uhm. Hindi ko talaga alam. Baka si Father Amantini."
"Paano kung may dumating na kamag-anak niya at bawiin itong mansyon?" sabi ni Amy.
Bumuga ng hangin si Ella. "Kung ganoon, wala na tayong magagawa. Pero imposible na ngayon talaga. Tsaka, parang wala namang tao, diba?"
Sumilip si Benny sa gate. "Oo nga. Nakapatay naman ang ilaw—"
Saktong pagsabi nito niyon ay tumahol ang aso. Isang malaki at itim na aso ang tumatahol sa likuran nila. Nangangalit pa ito habang nakatitig sa kanila.
Takot silang napalingong tatlo. Lagot na! Ngayon, kailangan na talaga nilang pumasok!
"Arf! Arf!" tahol nito. Umalulong ito bigla.
Sa sobrang pagkataranta nina Ella, Benny, at Amy, ay wala silang nagawa kung hindi maghanap ng pagtataguan. Buti na lang ay may nakita silang puno. Agad silang umakyat doon, bago pa sila maabutan ng aso.
Si Benny ay muntik na namang nahulog. Buti na lang ay nahawakan ito pareho nina Ella at Amy. Tinulungan nila itong makaakyat sa puno.
"Bakit bigla na lang may aso dito?!" sabi ni Benny. "Ano nang gagawin natin?"
Tumatahol pa rin ito ng malakas sa kanila.
"Wala tayong magagawa. Tumalon na lang tayo sa kabilang bahagi," sabi ni Ella. Maingat siyang tumayo, at tumapak sa pader ng mansyon.
"Eh?" angal ni Benny.
"Tara na, Benito. Bago ka pa mapagkamalang buto ng aso," sabi ni Amy na sumunod na rin kay Ella. Tumalon na sila parehong babae sa loob ng gate.
"T-teka, hintay!" sabi ni Benny, saka alangang tumalon na rin.
Nang makaapak na silang lahat sa loob ng mansyon ay nakahinga na sila ng maluwag. Sa kabilang banda ng gate ay dinig pa rin nila ang tahol nito.
Lumingon silang tatlo sa likuran, saka nagsimulang maglakad.
"Siguro naman hindi na tayo mahahabol ng aso dito—" sabi ni Ella. Ngunit saktong pagsabi niya noon, ay laking gulat nila nang biglang tumalon ang aso papasok sa gate.
"Arf! Arf!" galit na tawag nito. Kita naman nila na nakalabas na ang ngipin ng aso, at parang naghahanda na lapain sila.
Sabay-sabay naman silang napasigaw tatlo, saka nagkarerahan papunta sa pinto ng mansyon. Hinabol naman sila nito habang malakas pa ring tumatahol.
"Paano 'yon nakatalon dito?" sabi ni Benny na mukhang naiiyak na.
"Hindi ko alam!" sagot ni Ella. "Kita mo naman kung gaano siya kalaking aso, diba?!"
"Magdasal na lang kayo na hindi naka-lock ang gate dahil kung hindi, dog food tayong tatlo!" sabi ni Amy.
Dahil nga medyo malaki-laki ang grounds ay higit isandaang metro pa ang tinakbo nila bago nakarating sa pinto ng mansyon. Nang makatapak sa staircase, ay tarantang pinihit ni Ella ang pinto. Hindi naka-lock! Agad naman niyang pinagtutulak sina Amy at Benny papunta sa loob, saka siya pumasok.
Buti naman ay nasara na nila ang pinto bago pa sila maabutan ng aso. Galit na dinamba ng aso ang pinto, at umatungal ito sa likod niyon. Kabado namang ini-lock nina Ella at Amy ang pinto para hindi sila masundan nito.
Maya-maya pa'y narinig nilang nag-whimper ito, saka naglakad yata papaalis. Bumuga siya ng hangin. Buti naman tinantanan na rin sila nito.
Sumandal sina Ella at Amy sa likod ng pinto, hingal na hingal. Nakatakbo tuloy sila ng de oras dahil sa asong 'yon. Hindi niya alam kung sino ang may-ari ng malaking asong 'yon, lalo pa't hindi niya kilala ang mga kapitbahay. Rather, malalayo ang mga bahay-bahay dahil mukhang parte ito ng isang mayamang subdivision.
"Taga-rito ba 'yong asong 'yon?" tanong ni Amy.
Umiling siya. "Ngayon ko lang siya nakita. Baka asong gala lang o ano." Lumingon siya rito nang may maalala. "S-si Benny, kasama naman natin, diba?"
Kunot-noong tumingin sa kanya si Amy. Ngunit bago pa sila makapagsalita, ay umimik na rin ito sa wakas.
"G-guys?" nag-aalangang tanong ni Benny. Bakas ang kaba sa boses nito. Sabay silang lumingon ni Amy kay Benny, na nakatayo pala malapit sa kanila. May tinuturo ito.
Nang sundan nila 'yon ng tingin ay ganoon na lang ang gulat nila nang makitang naglulutangan ang mga gamit sa malaking sala: mula sa sofa, mesa, hanggang sa grandfather clock. Dagdagan pa na nakabalot ito ng mga puting kumot, ay mas lalo itong naging katakut-takot.
Ang mas malala, nagpapatay-sindi ang ilaw.
Magkakasabay namang napasigaw ang magpipinsan.
"AAAAAAHHHH!"
***
Sa isang banda ng mansyon ng Sacred Knights society, ay nakaupo si Baal sa ere. Actually, nakalutang siya. Nagme-meditate. Kasabay ng paglutang niya, ay lumutang din ang lahat ng mga bagay sa paligid niya.
Umalis din siya mula sa opisina nina Vassago matapos silang mag-usap. Naghanap siya ng lugar kung saan pwede siyang manatili na muna. Inalok naman siya ni Vassago na doon na muna tumuloy sa kanya, pero parang napipilitan lang din ito kaya minabuti na lang niyang tanggihan ito.
Hindi sa nahihiya siya, syempre. Pero mula nang magkita sila ni Vassago, at nakita niya na may kasama pala ito sa "negosyo" nito, ay may hinala siyang may tinatago sa kanya ang dating kasamahang demon.
Pero hindi niya mabasa ang isipan nito. At hindi naman siguro niya dapat panghimasukan ito, kaya hindi na niya muna inusisa.
Habang nakaupo siya kanina sa isang parke, ay binasa niya ang ibang mga liham ni Amantini. Nagulat pa siya nang may makita siyang isa roon—na naka-address sa kanya.
"Ginoong Demonyo," panimula pa ng sulat. "Kung nababasa mo ito ngayon, siguro ay wala na ako. Wala rin talaga akong intensyong sabihin sa'yo ito, pero malala na ang sakit ko. Maaaring mamatay na ako bago ko pa man maisagawa ang misyon ko.
Masaklap man, pero siguro kailangan ko nang ihanda ang sarili ko kapag nangyari iyon. Pero baka matulungan pa kita.
Nagtataka ka siguro bakit tutulungan ng isang pari ang demonyong kagaya mo. Pero puntahan mo ang bahay na ito sa Gremora. Hindi ko maipapaliwanag sa'yo dito lahat. Malalaman mo rin kapag pumayag ka na tumira sa lugar na 'yon.
Nakapangalan na ang bahay na 'yon sa'yo. Kung paano, hanapin mo na lang din doon sa mansyong 'yon.
- Amantini"
Hindi pa rin niya lubos maintindihan anong ibig nitong sabihin. Pero nang makita niya ang sinaunang simbolo ng mga Archdemons, ay doon niya napagpasyahang pagkatiwalaan na muna ito. Sa ngayon. Lalo pa't hindi pa tuluyang bumabalik ang kapangyarihan niya.
Subalit, nagtataka pa rin siya sa tunay na katauhan ni Amantini. Sino ka ba talagang pari ka? sabi ni Baal sa isipan. O, ano ka ba talaga?
Bumuga ng hangin si Baal. Tsk. Distorbo, aniya sa isipan, saka muling bumalik sa pag-aayuno.
Iyon ang isa sa mga ginagawa ni Baal para ma-preserve ang kanyang lakas. Para na rin bumalik kahit pakonti-konti ang kapangyarihan niya. Hindi man buo, pero at least nararamdaman na niya ang panunumbalik ng mga kakayahan niya.
Mula nang makarating siya rito, ay wala siyang sinayang na oras. Sinubukan niyang gamitin ang kapangyarihan niya. Pero nahirapan siya sa pag-kontrol niyon, lalo pa't hindi niya masyadong nagamit 'yon nang matagal.
Maliban sa isang insidente na may kinalaman sa babaeng trespasser na 'yon... Halos ginamit na niya ang buong lakas niya noon, pero ayos din naman. Dahil nakalaya na rin siya sa wakas.
Pero hindi na niya alam kung anong nangyari doon sa babae. Siguro naman nakatakas ito, pero wala na siyang pakialam doon.
Hmp, sabi ni Baal sa sarili, may silbi rin naman pala ang mga mortal dito.
Muli niyang nilakasan ang pagpapalabas ng pwersa. Nagsimula namang magpatay-sindi ang ilaw sa paligid niya.
Lalong tumaas ang mga nakalutang na bagay. Naramdaman niya rin ang unti-unting pagbugso ng hangin. Magaling. Kahit papaano ay may lumalabas na kapangyarihan mula sa kanya.
"Aaah!"
Naputol naman ang konsentrasyon ni Baal nang makarinig siya ng mga sigaw. Hindi naman ito malapit sa kanya, ngunit alam niyang nanggaling lang 'yon sa mismong loob ng bahay.
Iminulat niya ang kanyang mga mata. May nakapasok dito nang hindi ko namamalayan? aniya sa sarili. Kahit na hindi pa bumabalik ang totoong lakas niya, ay matalas pa rin ang pakiramdam niya. Kaya imposibleng hindi niya namalayan na may pumasok dito.
Pinakinggang mabuti ni Baal ang sigaw. Mukhang takot na takot ang mga ito. Nakarinig siya ng pinto na pilit binubuksan.
Hmp, aniya sa sarili. Muli siyang pumikit. Hindi ko naman pala kailangang puntahan sila ng personal. Lalo pa't mukhang sila na mismo ang tatakbo mula rito. Hula niya ay ramdam sa buong bahay ang kapangyarihan niya, kaya maaaring natakot ang mga kunsino mang tumapak doon nang walang paalam.
"Umilag ka, Benny!" sigaw ng isang pamilyar na boses.
Ang boses na 'yon, aniya sa isipan, saan ko nga 'yon narinig?
"Tara na!"
Muling naimulat ni Baal ang kanyang mga mata. Saka dahan-dahang ibinaba ang mga paa, hanggang sa tuluyan na siyang nakatapak sa sahig.
Binalingan ni Baal ang pinto, at kunot-noong naglakad papunta rito.
***
Pilit na binubuksan nina Ella, Amy, at Benny ang malaking pinto ng mansyon. Pero kahit na anong pilit nila ay hindi ito tumitinag.
Sa wakas, ay nagawa rin nila itong hilahin, ngunit sakto ring tumahol ang aso naghihintay pala ulit sa labas!
"Aaaaaah!" Nagpapanic na naman nilang sinara ang pinto, bago pa ito tuluyang makapasok.
"Ano nang gagawin natin? Anong gagawin natin?" paulit-ulit na sigaw ni Benny.
"Hindi ko alam! Hindi ko alam!" paulit-ulit din na sigaw ni Ella.
"Hindi tayo makalabas dahil sa aso pero hindi rin tayo pwedeng manatili sa loob nitong haunted house!" halos mapaos na si Benny sa kakasigaw. "Anong gagawin natin? Tulong!"
"Tulong!" Nagsimula na ring magpanic si Ella, natatakot na bigla na namang bumalik ang third eye niya dahil dito.
"Pwede bang tumahimik na muna kayo! Mas lalo tayong matataranta sa kakasigaw niyo eh!" sita ni Amy. Hinampas nito ang pinto. Natahimik bigla sina Ella at Benny na mas natakot kay Amy. "Maghanap tayo ng ibang exit!"
Naalala ni Ella ang daan papunta sa kusina. "Dito!" aniya na tinuro ang isang pasilyo sa gilid.
Kuntodo takbo sila sa direksyong tinuro ni Ella. Gaya sa sala, ay nagpapatay-sindi din ang mga ilaw doon. Buti na lang ay walang lumulutang na bagay—
Subalit, isang silya ang biglang lumabas sa dining room nang mag-isa at humarang sa dinadaanan nila, dahilan para mapahinto sila.
Muli silang napasigaw at naghanap ng ibang madadaanan.
Bumalik sila sa sala, para lang makita na naglulutangan pa ang mga gamit doon.
"Anong nangyayari? Anong nangyayari?" sabi ni Benny. "Bakit ganito 'tong bahay na 'to, Ella!"
"Hindi ko alam!" sagot din niya pabalik.
Hindi nagtagal ay na-corner na sila ng mga naglulutangang gamit sa lahat ng bahagi. Na-trap sila sa gitna ng sala, nasa likod ang isa't-isa. Tinaas ni Benny ang kanyang bag para pang-depensa. Habang si Ella naman ay kinuha ang unang bagay na nasa loob din ng backpack niya—isang payong. Samantalang si Amy, ay naglabas ng patalim.
Pareho namang nagulat sina Ella at Benny, na nagtataka kung saan nito nakuha 'yon. At wala silang kamalay-malay na may dala-dala pala itong patalim!
Hindi lang basta-bastang patalim. Ngunit isa talagang custom-made na balisong.
Amy?! maang na sabi ni Ella sa isipan.
Ngunit, mas magugulat pa sila nang naglabas ito ng hindi lang isa, kung hindi dalawang patalim. Pinamigay nito 'yon sa kanila ni Benny.
"Tama lang talaga na nagdala ako ng ganito. Hawakan niyong mabuti 'yan," sabi ni Amy.
"Bakit ka may ganito?" gulat na tanong ng pinsan niya.
"Saan 'to galing?" sabi naman ni Ella.
"Pinagawa ko 'yan doon sa San Angeles," anito.
"Ha?!" sabi ni Benny. "Kung ganoon, dala-dala mo na 'yan mula pa noong isang araw? At paano ito nakalusot sa bus terminal—?"
"Tumahimik ka na lang at hawakan 'yan!" ani Amy at pinagtulakan ang mga balisong sa kanila. Kuntodo harang naman sina Ella at Benny sa takot na masaksak nito ng di sinasadya. Pero tinanggap na lang din nila ang may kabigatang balisong. Nilakasan ni Amy ang boses. "Hoy! Kung sino ka mang impakto ka, magpakita ka sa amin!"
"Amy!" sita niya rito. "Manghahamon ka talaga ngayon ng away? At sa multo pa?"
"Amy nasisiraan ka na ba talaga ng bait? Hindi natatablan ng kutsilyo ang multo!" ani Benny. Sa ere ay sinabi nito. "Please kung nandyan ka man, 'wag mong seryosohin ang sinabi ng kapatid ko. Mabait talaga siya kahit hindi halata, kaya pakiusap—"
Hindi na naituloy ni Benny ang sinasabi dahil biglang namatay ng tuluyan ang ilaw.
Impit na napatili si Benny.
Sa dilim ay mas lalo silang nagsiksikang magpipinsan. Si Benny, napakapit kay Ella. Si Ella naman, ay napakapit kay Amy. Habang si Amy, ay kumapit kay Benny para siguraduhing hindi na naman mawala ang kapatid nito.
Sa sobrang tahimik ng paligid ay wala siyang ibang naririnig kung hindi ang mga malalalim nilang hininga. Dahil walang maaninag, ay lalong natakot si Ella. Hindi lang para sa kanya, ngunit para na rin sa mga pinsan niya. Paano kung—paano kung—bumalik ang third eye niya? At siya ang sadya ng mga multong ito ngayon?
Ngunit muli ring bumukas ang ilaw.
Nakababa na ang lahat ng mga gamit. Nakapwesto na ito na parang walang nangyaring kababalaghan kanina. Hindi na rin tumatahol ang aso sa labas.
Dahan-dahan naman nilang ibinaba ang kanilang mga balisong, pati na si Amy.
"A-anong nangyari ngayon lang?" sabi ni Amy.
Hinila sila ni Benny sa damit. "U-umalis na lang tayo, b-baka ano pang mangyari sa atin. M-makitulog na lang muna tayo kay Frederic."
Hindi naman agad sumagot si Ella. Dahan-dahan siyang naglakad-lakad, habang inikot ang paningin sa paligid. Normal na normal ang salas. Sumilip siya sa direksyon ng kusina. Ganoon din. Ni wala na nga 'yong silya na humarang sa dinadaanan nila kanina.
Posible bang, tumigil na ang multo? aniya sa isipan. O baka naman—wala talagang multo at ilusyon lang 'yong nakita namin kanina?
Pero parang ang labo naman yata, aniya sa isipan.
Makalipas ang ilang sandali at wala pa ring nangyari, naisipan ni Ella na baka nga dala lang ito sa pagod. Wala rin naman silang maayos na tulog nitong mga nakaraang araw at ang dami nilang inasikaso, kaya baka nga, guni-guni lang nila 'yon kanina.
Kahit hindi pa tuluyang kumbinsido ay bumuga siya ng hangin at binaba ang balisong. Baka nga imahinasyon lang nila 'yon. Sabagay, hindi naman sila nakakita ng maayos kanina dahil nga sa patay-sindi ang ilaw.
"Bakit kayo nandito?"
Napatalon silang tatlo sa gulat. Sumigaw si Benny, muli namang itinaas ni Amy ang armas nito. Habang si Ella ay hinanap ang pinanggalingan ng boses.
Si Ella ang unang nakakakita rito. Namilog ang mga mata niya.
Isang pigura ang lumabas mula sa isa sa mga pinto. Lalo niyang hinigpitan ang hawak sa balisong. Hindi niya ito makita ng buo, ngunit maya-maya pang unti-unti ring nalantad ang katauhan nito.
Noong una ay akala niya pa babae ito sa sobrang haba ng buhok, ngunit nang maaninagan niya ang mukha nito ay napagtanto niyang hindi.
Naglingunan na rin ang mga pinsan niya na pareho ring hindi makapagsalita.
Malamig sila nitong tiningnan.
"Sino kayo at anong ginagawa niyo sa pamamahay ko?"
***
Sa gitna ng katahimikang namayani, ay nanatili lang silang nakatitig sa estrangherong lalaki. Mukhang bata pa ito, mukhang nasa early 20s pa lang, at may nakakamatay na titig. Literal na nakakamatay na titig.
"S-sino ka?" sabi ni Ella. "Anong ginagawa mo rito?"
Kumunot ang noo nito. "Hindi ba ako ang nagtatanong?"
"Isa ka bang maligno?" biglang singit ni Amy. Muli nitong iniumang ang balisong. Napatalon sila pareho ni Benny sa sobrang tapang ng boses nito. "Tinatanong kita: ikaw ba ang maligno na nakatira rito?!"
Mas lalo lang nagsalubong ang kilay ng lalaki.
"Amy!" bulong ni Benny na sinuko ang kapatid. "Anong ginagawa mo?"
"Ano pa ba sa tingin mo? Malamang inaalam ko kung maligno ba talaga siya rito," sagot ni Amy.
"Paano kung oo? Paano kung oo, ha? Anong gagawin natin?" sabi ni Benny. "'Wag mo siyang hahamunin kasi wala tayong laban kung sakali!"
Ipinikit ni Ella ang mga mata habang nagtatalo ang dalawa sa likuran niya. Gusto niya sanang sitahin, pero kailangan niyang bantayan itong estranghero na nasa harap nila. Kung magkagipitan, kailangang mapatakas niya itong dalawa, pero bago 'yon, kailangan niya munang alamin kung anong klase ng kalaban itong kaharap nila kung sakali.
Ngunit nakita niyang nakatingin din pala ito kina Amy at Benny sa likuran niya. Base sa eskpresyon nito ay mukhang naiinis ito o nababagot. Subalit, bigla na lang din itong tumingin sa kanya.
Ugh, ani Ella sa isipan na napaatras. Nagulat naman sina Benny at Amy sa biglaang paggalaw niya. Paano ba naman kasi, para siyang sinusuri nito nuot hanggang kaluluwa sa itsura nito ngayon.
Tinulak ni Amy ang mukha ni Benny, saka muling humarap sa lalaki.
"Hoy ikaw. Maligno ka ba rito? Sagutin mo ang tanong namin!" sabi nito.
Umiling ito. "Hindi ko talaga alam anong pinagsasabi niyo."
"I-ikaw ba ang nagpalutang ng mga gamit kanina?" tanong ni Benny. Nang tumingin ang lalaki sa pinsan niya ay napaatras ito ng konti. "N-nagtatanong lang—"
"'Lumulutang na gamit'?" ulit nito, saka luminga-linga. "Wala naman akong nakikitang lumulutang na gamit, ah?"
"Kanina," sabi ni Ella. "Bago ka dumating dito. Naglutangan ang mga gamit at nagpatay-sindi ang ilaw. Ikaw ba ang may gawa niyon?"
Mas lalo lang kumunot ang noo nito na para bang nakatingin ito sa grupo ng mga paslit.
"Alam niyo, hindi ko talaga alam kung anong pinagsasabi niyo. Siguro sa sobrang lawak ng imahinasyon niyo, kung anu-ano nang nakikita niyo," sabi nito. "Umalis na nga kayo. Baka hinahanap na kayo ng mga magulang niyo, eh."
Nagkatinginan silang magpipinsan. Kung ganoon, imahinasyon lang ba talaga nila 'yong nasaksihan nila kanina? Kahit parang ang labo isipin dahil sila talagang tatlo ang nakakita ng kababalaghan na 'yon, posible din namang napagkamalan lang nila na lumulutang ang mga gamit. Lalo pa't balot ng puti na tela ang mga ito, na parang mga multo.
Binalingan ulit nila ang lalaki sa may pinto at tiningnang mabuti. Mukha naman itong tao; maputla nga lang. Nilapitan nito ang isang bagay sa sahig, saka pinulot 'yon.
Narinig naman niya ang pagsinghap ni Benny. "C-cellphone ko 'yan!"
Tila ba nakalimutan nito bigla ang takot, ay tumakbo si Benny papunta sa estrangherong lalaki. Nagtataka naman nitong tiningnan ang cellphone, pero binigay din nito 'yon kay Benny. Nagpasalamat naman ang pinsan niya, saka naglakad pabalik sa kinatatayuan nila ni Amy. Ngunit napalingon ito saglit sa lalaki na may kunot sa noo, saka sila nilapitan.
"Hindi siya see-through," anito. "Solido siya."
Namilog naman ang mga mata nila ni Amy. Lumapit sila kay Benny ng konti.
"Pero, malamig ba ang mga kamay niya?" tanong ng kakambal nito.
Umiling si Benny. "Hindi rin. Normal temperature lang. K-kung ganoon, hindi nga siya multo?"
Magkakasabay ulit silang napatingin sa lalaki. Nakatitig lang din ito sa kanila, na halatang naiinis at nababagot pa rin.
Nagbuntong-hininga ito.
"Hindi ko alam kung kayo lang ba talaga ang klase ng mga tao na mahilig manloob sa bahay ng may bahay. Pero kung ako sa inyo, umalis na kayo," anito at tumalikod na. "Hindi ko na naman siguro kailangang kaladkarin kayo palabas, diba?"
Nagsimula na itong umalis.
Doon ay waring nagising si Ella. Kumunot ang noo niya.
"Teka lang," tawag niya rito. "Bakit kami ang pinapaalis mo rito, eh kami nga ang titira dito eh!"
Napahinto naman ito sa paglalakad, saka lumingon ng konti.
"Anong sabi mo?" tanong nito. Muli sila nitong hinarap.
"K-kami ang bagong titira rito," sabi ni Ella. "Kaya kung prank mo lang din na mangangkin ng bahay ng may bahay, p-pwedeng umalis ka na lang din?"
"Huh." Naghalukipkip ito. "Bakit naman ako ang aalis? Diba sabi ko nga kanina, na bahay ko ito?"
Gulat namang napatingin si Ella rito. :Ha?"
"Narinig mo ang sinabi ko. Bahay ko ito, kaya mabuti pang umalis na kayo bago ko kayo ipahabol kay Cerberus."
"C-cerberus—" tanong ni Benny na napatingin sa kanila. Pati sila ni Amy ay walang ideya.
"Alis na. Maghanap kayo ng ibang haunted house. 'Yong wala ako," sabi nito at tumalikod na ulit.
Kunot-noong napatingin si Ella rito. Bakit parang may laman ang sinabi nito? Alam ba nito na nanloob sila ng haunted house nitong nakaraan? Pero—imposible naman yata?
"Ella, siya daw ang may-ari ng bahay," bulong ni Benny.
"Narinig ko," bulong din niya pabalik.
"Sabi ko na nga ba mukhang may nagmamay-ari na rito. Bakit ba naman kasi aabandunahin ang ganito kagandang bahay? Bumalik na lang tayo kina Fredo, tsk," puna ni Amy.
Tumango si Benny bilang pagsang-ayon.
Iyon nga siguro ang mas madali na paraan. Ngunit—
Tumingin ulit siya sa estranghero.
Sinabi ng lola niya na pwede silang tumira rito. At may tiwala siya sa kanyang lola kahit sino pa man. Kaya hindi siya papayag na basta-basta na lang sila papaalisin dito. Lalo na ng taong ito.
Umayos siya ng pagkakatindig.
"Anong pinagsasabi mo? Sa pagkakaalam namin, walang nakatira rito at lalong walang may-ari ang bahay na ito maliban sa organisasyon nina Lola, kaya naman trespassing ang ginagawa mo rito—kung sino ka man."
Nagsalubong ulit ang kilay ng lalaki, na para bang inaalisa ang mga sinabi nila. Subalit isang misteryosong ngiti ang sumilay sa labi nito kapagkuwan.
"Ah, siguro myembro kayo ng order na pinamunuan dati ni Uncle?" sabi nito. Lalong kumunot ang noo ni Ella sa narinig. "Pasensyahan na lang tayo, pero bilang natitirang kamag-anak niya sa mundo, mas may karapatan ako rito kaysa sa inyong mga paslit."
"K-kung maka-paslit ka naman, eh bata ka pa nga rin eh," sabi ni Benny. Pero nang ito na ang tingnan ng lalaki ay agad itong nagtago sa likod ni Amy.
Uncle? May pamangkin pala si Father Amantini? sabi ni Ella sa isipan. Sabagay. Base sa itsura ng lalaki, mukhang may lahi ito. Mukhang Eurasian, kaya baka naman talaga totoo ang sinasabi niya.
Ngunit hindi. Hindi pa rin siya basta-basta maniniwala rito. Mas lalong hindi siya magpapatalo rito.
"Ganoon ba? Teka lang," aniya rito. Umupo siya at binuksan ang bag, saka kinuha ang isang envelop. Mula roon ay may inilabas siyang papel at itinaas iyon para ipakita sa estranghero.
"Ito ang titulo na hawak ng lola ko, pati na ang mga dokumento kung saan nakalagay ang katibayan na may karapatan kaming tumira rito. Nandito ang pangalan niya bilang isa sa mga benefactors ni Father Amantini," sabi ni Ella. "Kung wala kang maipapakita na mas mabigat na katibayan, hindi kami aalis dito."
Sa sinabi niyang iyon ay humakbang paabante si Amy para suportahan siya. Si Benny naman ay huminga ng malalim saka humakbang rin, pero halata namang sinusubukan lang nito na magmatapang.
Matalim silang tiningnan ng estranghero. Lalo na si Ella.
"Tama. For all we know, tresspaser ka lang din talaga. O baka nga ikaw talaga ang haunted house enthusiast dito, eh," sabi ni Amy.
"Hindi kami aalis. May titulo ka naman pala, Ella, eh, bakit di mo sinabi?" natutuwang sabi ni Benny. Sa estranghero naman: "Ano ka ngayon, ha?"
Matagal bago nakasagot ang estranghero. Ngunit kung akala ni Ella na sumuko na rin ito, ay nagkakamali siya.
Itinaas nito ang isang kumpol ng susi. "Paano ba 'yan? Nasa inyo ang titulo pero nasa akin ang lahat ng mga susi ng bahay." Napanganga sina Ella, Amy, at Benny. "Hindi kayo makakalabas-pasok dito hangga't nasa akin ang mga susi na binigay sa'kin ni Uncle. Hindi kayo makakapasok sa mga kwarto. At hindi rin kayo makakalabas ng gate."
"P-pero—" sabi ni Ella.
"Paanong—!" tanong ni Amy.
"Naloko na—!" nagpapanic naman na bulalas ni Benny.
Mas lalong lumawak ang ngiti ng misteryosong estranghero at talagang iwinagayway pa ang mga susi sa harapan nila.
"Pero pwede niyo namang hilingin na pag-usapan muna natin ito," anito pa. Tumalim bigla ang tingin nito at kumislap. "Iyon, ay kung ayaw niyong matulog sa labas ng bahay na kinakamkam niyo? Ano? Payag ba kayo?"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top