[2] The Forgotten Past
Hi kina LeocharmGomez, arianne015, at bilbilingpilipina! Thanks sa pagbasa!
EPISODE 2:
The Forgotten Past
Kumurap-kurap si Ella nang tumama ang sinag ng araw sa nakasara niyang mga mata. Nasilaw pa siya ng konti nang buksan niya ang mga mata, subalit naka-adjust din siya sa liwanag. Kumunot ang noo niya.
Tiningnan niya ang orasan. Kaka-alasais pa naman, pero maliwanag na parang alas otso.
Pagkatapos magligpit ng higaan ay lumabas siya ng silid. Katabi niya sina Amy at Benny sa iisang kwarto, at tulog pa ang mga ito. Malakas ang hilik ni Benny na halatang pagod na pagod sa paggala nito kina Macky kagabi. Kinumutan na lang din niya si Amy na nakatungko sa isang tabi at giniginaw. Inagawan yata ng kapatid ng kumot pati unan dahil balot na balot naman si Benny sa isang banda.
Paglabas niya ay nakita niya ang lola niya na abala sa pag-luluto sa kusina. Kinusot-kusot niya ang mga mata habang nakatingin dito.
"La, wala na naman po ba kayong tulog? Maaga pa ah, " sabi niya rito.
Lumingon ang lola niya at ngumiti sa kanya.
"Ella. Buti naman gising ka na. Halika, magkape ka na rito," magiliw nitong bati sa kanya.
Inaya siya nito na umupo sa mesa nilang gawa sa kahoy. Simple lang ang bahay ng lola nila, at hanggang ngayon ay gawa pa rin ito sa kahoy. Kung may improvements at renovation man, hindi masyadong malakihan. Ayon kasi sa lola niya, mas gusto nitong manatiling simple ang bahay kaya naman inaayos na lang tuwing may sira.
Pero, kumpleto naman sa gamit mula TV hanggang sa ref. Na pinilit binigay ng mga anak nito para naman may mga magamit itong makabagong appliances.
"Hindi, maaga lang ako nagising," pagpapatuloy nito sa sinabi saka siya binigyan ng isang mug ng kape.
"Salamat."
"Sina Benny at Amy, tulog pa?" tanong nito.
"Tulog mantika pa rin. Si Fredo po, nasaan?" sabi ni Ella.
"Ay, ayon, sinundo nina Jean at Macky dito. Papasyal daw sila doon sa bagong resort sa kabilang baranggay. Maagang pumunta ang dalawa dito eh, pero sinabihan ko na 'wag muna kayong distorbohin dahil may byahe pa kayo mamaya," pagkukwento nito. Umupo rin ito sa mesa katapat niya at nagsimulang magkape.
"'Yong mga 'yon talaga. Para talagang hindi kami muntikang napa-trobol noong isang araw," sabi ni Ella.
"Ano ka ba, minsan lang naman nakakabakasyon dito si Frederic, kaya hayaan mo na na lang. Sinabihan ko rin naman na' wag nang gagawa ng kalokohan at talagang mananagot na sila sa akin."
Natawa naman ng konti si Ella.
"Sabagay. Pero hindi ba aalis na rin si Frederic kasama namin mamaya?"
Tumango ang lola niya. "Ah, oo. Pero sabi niyon na dadaanan niya na muna ang mga dating classmates sa elementary," sabi ng lola niya. Tiningnan naman siya nito ng mataman. "Eh, ikaw, hindi ka ba makikipagkita sa mga dati mong kaibigan?"
Sumeryoso naman ang mukha ni Ella. "Hindi. Hindi rin naman siguro nila ako naalala na eh."
Ang totoo niyan, ang gusto talaga niyang sabihin ay malamang wala sa mga ito ang gustong makipag-usap sa kanya dahil nga sa nangyari noon. Lalo na siguro kapag nakita siya ng mga magulang ng mga dati niyang kaklase. Kaya nga kapag nagbabakasyon siya rito ay halos nasa bahay lang siya ng lola niya palagi dahil ayaw niyang makasalamuha ang mga ito. Lalo na't hanggang ngayon ay alam niyang siya pa rin ang sinisisi ng mga ito sa nangyari at tinuturing pa rin siyang sumpa ng mga matatanda sa kanila. Magsasalita na sana ulit ang lola niya pero pinili niyang ibahin ang usapan. Matagal na 'yong nangyari kaya naman hindi na mahalaga 'yon, para sa kanya.
"Siya nga pala, Lola, anong nangyari kina kapitan? Na-busy ako sa biglaang assignment na pinadala sa'min eh, kaya hindi ko na napakinggan 'yong mga sinabi nila Tito at Tita," aniya na tinutukoy ang mga magulang ni Macky.
"Ayon. Na-kwestyon sila ni Mayor kung anong ginagawa nila doon sa bahay ni Father Amantini. Nagbanta nga na pakakasuhan niya si Kapitan, pati na 'yong mga kasama niyang kagawad at tauhan ng baranggay," sabi ng lola niya.
"Buti nga sa kanya," sabi ni Ella.
Kilala kasi ang Kapitan nila na sakim at malupit. Ilang beses na itong nakukwestyon dahil sa mga ilegal na bagay na konektado dito. Isa pa, hindi ito nangingiming parusahan ang kahit sino na tumututol sa pangmamalupit nito.
Noon ngang kagawad pa ito ay pinagalitan sila ni Frederic dahil minsan silang namitas ng dahon sa eskwelehan. Sabi na hindi daw nila pag-aari yon kaya di sila dapat kumukuha ng gulay doon. Muntikan pa silang dalhin sa youth center kung di lang dumating ang tito at tita nila na mga magulang ni Macky.
"Sinabi mo pa. Ang sabi ng tita mo, nakikiusap daw ngayon si Kapitan kay Mayor para hindi ituloy ang kaso. Pero parang gusto talaga ituloy ni Mayor para magtanda siya."
Natahimik sila habang humihigop pa rin ng kanya-kanyang kape, saka naman siya may naalala bigla. Napatingin siya sa kanyang lola.
"'La. Alam ba ni Mayor na nandoon din kami?" tanong niya. Tumango ito. "Nagalit siya?"
"Siguro. Pero hindi naman niya inusisang mabuti ang tito at tita niyo nang sabihin nila ang tungkol sa nahulog na camera. Binalaan lang yata na 'wag na kayong gagawa ng ganoong kalokohan. At magpatulong na lang sa kanila kung sakaling maulit ang ganoon," sabi ng lola niya na sumimangot. "Kung alam ko lang din na sa loob nila naiwan ang camera, eh di sana hindi ko na lang kayo pinapunta."
Muli silang natahimik at naging abala sa pag-aagahan.
Nang maalala ni Ella ang abandonadong mansyon, ay muli siyang napatingin sa kanyang lola.
"Siya nga pala, pari ho pala ang may-ari ng mansyong 'yon?" sabi ni Ella na hindi makapaniwala.
Tumango ang lola niya at nilagay ang tasa sa mesa.
"Oo. Si Father Amantini, naalala mo pa ba siya?" Umiling si Ella. "Siya nga rin 'yong pari na nagbinyag sa'yo noong sanggol ka pa. Siya din ang nagkasal sa tito at tita mo, noong nag-flower girl ka."
Lalo lang umiling si Ella, na nabulunan nang marinig ang salitang "flower girl". "Siya ho ba 'yon? Masyado na kasing matagal kaya hindi ko na siya maalala."
"Uh-hmm. Magkaibigan sila noon ni Mayor, kahit na 'yong tatay niya pa 'yong alkade at nagtatrabaho pa siya sa munisipyo. Kaya malamang, nagalit talaga si Mayor sa tangkang pagnanakaw nila Kapitan."
"Pero hindi pa rin ako makapaniwala na--isang pari ang may-ari ng lugar na 'yon ay isang pari," aniya na naging pabulong na lang ang pagkakasabi sa ibang mga kataga.
Biglang bumalik sa ala-ala ni Ella ang mga nangyari doon sa abandonadong mansyon. Ang mga kakaibang ilaw, ang mga estatwa, at ang boses na 'yon...
Lumalim ang kunot sa noo ni Ella.
"Bakit, ano naman kung pari ang may-ari? Ano bang nakita niyo roon talaga?" takang-tanong ng lola niya.
Nang tingnan niya ang lola ay nakita niya na ang pag-aalala at duda roon. Dapat ko nga bang sabihin? sabi ni Ella. Kasi, ang totoo niyan, hindi rin niya alam kung totoo ba 'yong lahat ng nasaksihan niya sa silid na 'yon, o kathang isip lang ba 'yon.
Nang akala ni Ella ay mahuhuli na siya ni kapitan at ng mga kasama nito, namalayan na lang niyang tumahimik bigla ang silid. Walang mga estatwa. Walang mga kakaibang ilaw. Pero 'yon ang silid na pinasukan niya. Subalit sa dulo ng silid ay may nakita siyang pinto.
Pagbukas niya ay bumungad sa kanya ang isang hagdanan pababa, diretso sa labas ng mansyon. Nakalabas din siya sa gate dahil may shortcut pala doon. At pagkarating niya sa kalsada, ay nakita niyang naroroon na ang mga pinsan niya, nag-aalala kung bakit ang tagal niyang nakalabas.
Wala siyang sinabihan tungkol sa mga nangyari sa misteryosong silid na 'yon. Wala siyang sinabihan tungkol sa mga boses na narinig niya. Wala siyang sinabihan tungkol sa nilalang na nagligtas sa kanya.
Kasi hindi rin niya alam kung imahinasyon niya lang ba 'yon o nanaginip lang siya ng gising.
"Ngayon, ay pag-aari na kita, mortal."
Waring may dumaan na malamig na hangin nang maalala niya ang mga salitang 'yon. Nanginig siya, bagama't parang natuwa at nahiwagaan sa kung anong dahilan.
"Ella?"
Napakurap si Ella nang marinig ang tinig ng kanyang lola. Dahil bakas sa mukha nito ang pag-aalala ay binigyan niya ito ng pilit na ngiti.
"Anong nangyari sa'yo?" tanong ng lola niya.
"Wala ho. L-lutang lang," sabi niya.
Umismid ito. "Ayan. Siguro sa kakaselpon mo 'yan eh. Baka hindi ka kumakain ng tama doon sa inyo, no?"
Natawa si Ella. "La naman. Lahat na lang dahil sa cellphone? Hindi, naalala ko lang ho na pasukan na pala sa senior high. Hindi pa ako prepared eh."
Napailing na lang ang lola niya. Nagpatuloy ito sa pagsasalita, at pagkukwento tungkol sa mga taga-roon sa kanila. Masaya naman siyang nakinig na lang at sumasagot kung kinakailangan.
Hindi na lang siguro niya sasabihin ang tungkol doon. Hindi rin naman siya sigurado kung totoo lahat ng nangyari, o baka guni-guni lang niya 'yon. Ngayon, hindi niya pa alam kung alin ang mas pipiliin: ang maging paranoid o bumalik 'yong nangyari sa kanya dati.
Maya-maya pa'y nagising na rin sina Benny at Amy. Fraternal twins ang dalawa at halos magkasabay silang lumaki. Noong sa San Angeles pa nag-aaral si Ella, kaklase niya palagi sila dahil magkakasing-edad lang sila.
Natatawa nga si Ella minsan dahil kahit magkakambal sina Benny at Amy ay baliktad naman ang ugali ng mga ito. Kung gaano ka-clumsy si Benny, ganoon naman ka-astig si Amy. Si Benny, laging nabu-bully noong bata pa sila. Habang si Amy naman ang tagapagtanggol nito.
Actually, hindi lang si Benny ang pinagtatanggol nito. Pati na rin siya. Lalo na noong panahong tinalikuran na siya ng lahat, si Amy lang ang isa sa mga bukod-tanging taong nagtanggol sa kanya.
"Oy, kayong dalawa, maligo kayo ng maaga ha. Para di tayo mahuli sa bus," sabi ni Ella sa mga ito habang kumakain. Panay pa rin ang hikab ni Benny. Siniko naman ito ni Amy dahil nakaharap nga sa pagkain.
"Pwede di na lang ako maligo? Ang ginaw eh," maktol ni Benny.
"Maawa ka naman sa ibang mga pasahero, Benito," malamig na sabi ni Amy na sinipat ang kapatid.
Inamoy naman ni Benny ang sarili. "Naligo naman ako kahapon, ah? Ella, doon na lang tayo sa likuran ng bus umupo."
"Hindi. Susuka ka na naman," sabi ni Ella. "Kaya maligo ka, hoy, sanayin mo na ang sarili mo na maligo. Sa city ka na mag-aaral kaya di ka na pwedeng pumasok ng walang ligo."
Sumimangot naman si Benny. "Ano bang kaibahan sa mga eskwelahan doon dito sa atin, Ella? Marami daw matatalino doon? Marami daw strict teachers?"
Nagkibit-balikat si Ella. "Depende. Pero pareho lang naman yata ang eskwelahan dito sa probinsya at doon, baka mas standard lang," sagot niya. "Siya nga pala, naihanda niyo na ba ang mga documents mo? Baka makalimutan niyo 'yung forms niyo makauwi pa tayo ng de oras dito."
"Nasa bag na lahat. Pati kay Benito," sabi ni Amy. Tumango naman si Ella.
"Diba doon ka na sa Gremora nag-aral mula first year high school ng Junior High, Ella?" sabi ni Benny. "Sabihin mo nga sa'min ano aasahan namin doon para makapaghanda naman kami."
Noong isang buwan kasi ay sumama na ang nanay nina Benny at Amy sa tatay nila na nasa ibang bansa. Dahil wala ng magbabantay sa mga ito, ay naisipan nilang doon na lang ito sa syudad pa-highschoolin, kasama si Ella. Nasa Gremora naman din si Frederic, pero nasa college na ito. Nahihiya din naman kasi ang nanay nina Benny na iwan sila sa lola niya, kung naroon na lagi sina Jean at ang mga kapatid nito.
Kaya noong araw na 'yon ay sasama na sa kanya sina Benny at Amy sa Gremora City para doon na mag-aral.
"Hmmm, ang totoo niyan, nasa magkaibang lugar kasi ang Junior High division at Senior High division ng Gremora. Kabisado ko ang Junior High, pero ang Senior High, hindi," sagot niya.
"Paanong magkaibang lugar?" usisa ni Amy.
"Nasa magkaibang baranggay ang Gremora Junior High at Senior High," sabi ni Ella. Kumunot ang noo ng dalawa. "Bale, 'yung original na Gremora High School, 'yon yung kinatitirikan ngayo ng Junior High. Nang lumaki na ang eskwelahan, nilipat nila ang Senior High sa ibang lugar."
"Ah," sabi ni Benny. "Nakapunta ka na doon? Sa Senior High?"
Umiling si Ella. "Di pa ako nakakapasok sa loob." Kumunot ang noo niya. "P-pero ang sabi nila, haunted daw ang Senior High."
Nanlaki ang mga mata ni Benny sa narinig. "Eh?"
"'Yon ang sabi. Kasi 'yung tinayuan ng eskwelahan, 'yon yung dating college ba 'yon na nasunog. Basta," sabi ni Ella. "Syempre, kwento-kwento lang naman na haunted 'yon, no. Tsaka 'yung dating college building nasa likod na talaga ng property, at nasa may kalsada lang ang high school. Malaki kasi talaga ang premises."
"Eh? Mas malaki pa sa San Angeles High School?" Tumango naman si Ella. "Ang galing. Parang private!"
Tumango si Ella at inubos na ang pagkain. "Maghahanda na ako ng mga gamit. Aalis tayo ng tanghali."
Nakarinig naman sila ng kotse na tumigil sa harapan ng bahay ng lola nila. Dali-daling sumilip si Benny sa bintana. Nakisilip na rin sina Ella at Amy.
Nakita naman nilang lumabas sina Frederic, Macky, at Jean sa kotse. Magtatanong na sana si Ella kung paano nagkaroon ng magarang kotse ang mga ito, nang makita niya kung sino ang nagmamaneho. Nanlaki ang mga mata niya.
"Liam! Salamat sa paghatid mo sa'min dito, ha, da best ka talaga!" sabi ni Macky na ang laki-laki ng ngiti.
"Ayos lang 'yon. Syempre naman magkakaibigan tayo eh," sabi ng lalaking nagmamaneho.
Hindi makagalaw si Ella sa kinatatayuan habang nakatitig sa usapan ng magpipinsan at sa bisita nito.
Nang biglang lumingon si Liam sa bintana ay agad na nagtago si Ella. Napansin naman siya nina Benny at Amy, pero nilagay lang niya ang daliri sa harap ng bibig. Muli namang tumingin ang mga ito sa labas. Kumaway pa ang mga ito kay Liam, at narinig niyang tinawag ito ng lalaki.
"Ingat ka, Liam. Salamat ulit," sabi naman ni Frederic. Narinig ni Ella ang tunog ng papaalis na sasakyan. Maya-maya pa'y nawala na rin ang tunog. Bumuga ng hangin si Ella na na-relieve ng sobra.
Hindi niya aakalaing makakakita siya ng pamilyar na mukha kahit nagtatago na nga siya sa bahay ng lola niya.
Pumasok naman sina Frederic, Jean, at Macky. Dumiretso ang mga ito sa kusina kung nasaan ang lola nila.
Umupo sina Ella at Amy sa balkonahe sa pamimilit na rin ng pinsan niya. Ayaw sana ni Ella dahil baka may dating kaklase na naman niya ang mapadpad sa kung anong dahilan doon. Pero sinabi lang nitong papasok sila agad sa oras na mangyari 'yon.
"Ang tagal na noon, Ella. Tingin mo ba talaga naaalala pa nila 'yon?" tanong ni Amy sa kanya.
Dumilim ang mukha niya. "Syempre naman, no. Nakita mo sana 'yong tinging binigay sa'kin ng mga matatanda noong pumunta ako sa palengke last year."
Tumango ito. "Sinabi nga ni Mama. Grabe naman 'yong mga tao. Tsaka mga bata pa naman tayo noon."
Natahimik ng matagal-tagal si Ella.
"Baka nakakalimutan mo na may-nawala noong gabing 'yon nang dahil sa'kin," saad niya.
"Hindi mo naman kasalanan 'yon. Siya 'yong humiwalay sa grupo bigla," sabi ni Amy. "Tsaka hindi pa ba nare-realize ng mga gurang na 'yon na kusang sumama 'yong mga kaklase natin noon sa'yo. Wala kang pinilit ni isa sa kanila."
"Pero hindi naman 'yon ang pinaniniwalaan nila. At-kahit bali-baliktarin ang mundo, ako pa rin ang nagpasimuno niyon, kaya ako talaga ang sisihin nila," tahimik na sabi niya.
***
Ilang taon na ang nakakaraan ay doon din sa San Angeles nag-aaral si Ella. Elementarya pa siya noon. Normal naman ang buhay niya. Marami siyang kaibigan at sa katunayan popular pa nga siya sa eskwelahan. Friendly kasi siya, at madali lang para sa kanya ang makasalamuha ang mga ibang bata, kaklase niya man o hindi.
Kaya lang, nagbago ang lahat noong maisipan ni Ella na magtayo ng "Spirits Club". Pwedeng sumali ang kahit sinong interesadong maging ghost hunter. Syempre, si Ella ang namuno niyon.
Noong una ay maayos pa naman ang takbo ng lahat. Puro mga kalokohan lang ang ginagawa nila bilang "ghost hunters", na nagsimula lang din sa tsismis na dating sementeryo ang eskwelahan nila. Hanggang sa nakilala nila si Nora.
Estudyante rin si Nora, pero nasa ibang section ito. Madaling naging close sina Nora at Ella dahil nababaitan siya rito. May bumabagabag kay Nora, at pansin 'yon ni Ella mula pa noong una silang magkakilala nito. Ang sabi nito, nami-miss daw nito ang nakababata nitong kapatid at mga magulang na namatay noong bata pa ito.
Dahil naawa si Ella rito, ay pinangakuan niya itong tutulungang makausap ang pamilya nitong sumakabilang buhay na.
Hindi naman talaga siya nakakakita noon ng mga multo, o kahit nakakaramdam man lang. Pero, gusto rin niya noon na sana makakita talaga siya.
Bagay na nagkakatotoo nga.
Isang gabi ng scouts camping, ay napagdesisyunan ng Spirits Club para i-contact ang kahit sino sa pamilya ni Nora na sumakabilang buhay na. Kasama pa nila noon si Amy dahil pati ito ay myembro ng club na tinatag niya. Doon sila sa kampo nina Ella nagpulong. Hindi nakasama si Benny dahil masakit ang tiyan nito.
Una ay sinubukan lang nilan tawagin ang ispirito ng kapatid nito. Noong una ay walang nangyari. Ngunit biglang nanginig si Nora.
Nagulat sila dahil bigla na lang itong nagsalita sa iba't-ibang boses. Saka ito tumakbo papunta kung saan.
Hinabol ito nina Ella, hanggang sa nakarating nga sila sa sementeryo ng San Angeles. Hindi na masyadong maalala ni Ella ang lahat ng eksaktong nangyari, pero hindi pa rin niya malimutan ang lakas ng malamig na hangin at ang pagbabadya ng ulan.
Sa gitna ng sementeryo ng San Angeles sila nagpang-abot. Dahil umulan nang malakas ay nagpasilong siya sa isang museleyo. Doon niya nakita si Nora na tinatawag ng kung anong nilalang.
Tumakbo siya papunta kay Nora. Tandang-tanda niyang may kausap ito. Nagmamakaawa. Hindi niya maintindihan kung anong hinihingi nito, pero dinig na dinig niya ang iyak nito.
Napunit na lang ang maulang gabi nang dahil sa sigaw ni Nora. Kahit natatakot ay pinilit pa rin itong puntahan ni Ella, pero naglaho ito. Nadapa siya. Hihimatayin na sana siya sa sobrang pagod, ngunit isang kahindik-hindik na nilalang ang lumapit sa kanya.
Wari itong pinaghalo-halong nilalang na may features ng lobo, uwak, at ahas. Napakabaho rin nito na parang nabubulok na hayop. Sa labis na takot ni Ella ay napatitig na lang siya rito, habang nanginginig.
Hinawakan nito ang baba niya gamit ang madulas at malamig nitong mga kamay, na puno rin ng mabahong putik. May sinabi ito sa kanya ngunit hindi na niya maalala kung ano 'yon. Basta ang sunod na lang niyang natandaan ay tinakpan nito ang mga mata niya, at nasaksihan niya ang mga kakila-kilabot na mga pangyayari sa isip niya.
Tapos ay hinimatay na siya.
Ang sunod na lang niyang namalayan, ay nakahiga na siya sa isa sa mga kasama ng school clinic. Handa na sana niyang sabihin ang nangyari kay Nora doon sa sementeryo, pero mas magugulat siya sa nalaman.
Mahigit kalahati sa mga myembro ng Spirits Club ay sinapian din pala gabing 'yon. Pagkaalis nina Ella at Nora ay sunod-sunod ring sinapian ang iba pang mga estudyante. Narinig ng mga guro at scout masters ang komosyon, kaya tiningnan nila ang kampo. Doon nila nakita ang mga estudyanteng nagwawala at nagsisisigaw. Si Amy at ang iba pang myembro na hindi "nasapian" ay kuntodo depensa at tago sa CR para hindi sila masaktan ng mga nagwawalang estudyante.
Agad na kinansela ang scouts camping at pinatawag ang mga magulang ng mga estudyante. Nagpatawag din daw ng pari para i-exorcise ang nasa higit sampung mga estudyante.
Nang mapansin na nawawala sila ni Nora ay pinahanap sila ng mga magulang at guro. Ang sabi, tumulong pa ang kalahati sa mga scouts master pati na mga elder scouts para hanapin sila. Nakasama pa nga sina Frederic sa paghahanap sa kanila.
Hanggang sa nakita nga siya sa sementeryo, sa harap ng puntod ng mga kapamilya ni Nora.
Habang ito naman ay hindi na natagpuan pa mula noong gabing 'yon.
Si Liam pa ang nagkwento sa kanya tungkol sa nangyari nang sumunod na araw. Wala na kasing mga estudyante ang lumalapit sa kanya. Wala na rin silang mga guro na gustong kumausap sa kanya.
Lahat ng mga tao roon ay tinalikuran na siya.
Bukod tanging si Liam lang ang nag-abala na sagutin ang mga tanong niya. Pero pagkatapos din noon, ay hindi na rin siya kinausap nito.
Siya ang sinisi ng mga magulang ng mga schoolmates niya dahil sa nangyari. Kahit ang mga magulang ng mga estudyanteng hindi naman nakasama sa Spirits Club nila ay pinagsasalitaan siya ng masama. Humantong pa nga na binu-bully na siya ng lahat nang dahil sa nangyari. Maging ang mga guro niya ay lumamig din ang pakikitungo sa kanya. Tinuturing siyang sumpa at anak ng diyablo ng mga matatanda sa kanila. Kaya napagdesisyunan ng lola niya na doon na muna siya mag-aral sa malayo, dahil lagi na lang siyang iyak ng iyak.
Subalit, hindi pa pala tapos ang lahat para sa kanya.
Mula ng araw na 'yon ay nakakakita na ng multo at kung anu-anong klase ng nilalang si Ella. Lagi na rin siyang dinadalaw ng bangungot. Humantong ito sa muntikan nang pagkakaospital niya.
Nasolusyunan lang 'yon dahil kay Father Pietrilcina. Na-destino si Father Pietrilcina sa Gremora Cathedral ng halos isang taon. Nang malaman niya na exorcist si Father Pietrilcina, ay lumapit siya rito para mawala ang kinamumuhian niyang third eye.
Sinamahan pa siya noon ng mga kaibigan niya sa Gremora Junior High, at pagkatapos nga ng ilang buwan, ay sa wakas parang naputol na ang sumpa. Hindi na siya binabagabag ng mga multo at ng bangungot. Bago umalis si Father Pietrilcina ay dinalhan niya ito ng maraming biko, para na rin magpasalamat sa tulong nito.
***
Bumuga ng hangin si Ella.
"Matagal na naman 'yon kaya naman hindi na ako nasasaktan sa mga sinasabi nila. Ayaw ko lang magkagulo kasi syempre pag nakarinig si lola na inaaway na naman ako ng mga taga-rito sa atin, siguradong magagalit na naman 'yon. Alam mo naman 'yon," sabi ni Ella kay Amy.
"Sabagay. Warrior si Lola, eh," sabi nito. Tumingin ito sa kanya. "Tigilan mo na ang kasisisi sa nangyari noon. Lalo na sa nangyari kay Nora."
"Wala naman akong magagawa eh. Minsan naaalala ko pa rin 'yon hanggang ngayon," sabi ni Ella. "Kung nasaan man ngayon si Nora, sana mapatawad niya ako."
"Tch," sabi ni Amy na tumayo na. Nagtaka naman siya bigla sa pagbabago ng tono nito. "Kung tutuusin, kasalanan niya kung bakit nangyari 'yon sa kanya."
"Huh?" takang-tanong ni Ella.
"Naalala mo ba 'yong medallion na binigay niya sa'yo noong pinilit ka niya na simulan niyo ang ritual?" sabi nito.
Tumango si Ella. "Oo. Diba galing daw 'yong simbahan?"
"Nagsinungaling siya."
Lalong lumalim ang kunot sa noo ni Ella. "Si Nora? Anong ibig mong sabihin?"
"Isang Satanic medallion ang pinahawakan niya sa'yo noon," sabi ni Amy.
"P-paano mo nasabi?"
"Hindi ko kasi makalimutan 'yong simbolo na nakaukit sa medallion niya."
"Huh? Diba krus 'yon?"
Umiling si Amy. "Krus nga 'yon. Pero hindi 'yon krus ng liwanag. Leviathan's cross 'yon," sabi ni Amy na may madilim na mukha. "Sa isa sa mga arts class namin, nakita ko ang simbolo na 'yon. Nung ni-research ko nalaman ko na Satanic cross pala ang nakaukit sa medallion."
Maang namang napatingin si Ella kay Amy dahil sa sinabi nito. Iyon ang pinakahindi niya inaasahang marinig, maraming taon matapos ang trahedyang iyon.
"Pati 'yong tinuro niya sa atin na Latin, ganoon din," sabi ni Amy.
Hindi pa rin makapaniwala si Ella sa narinig. "I-imposible. Pero baka hindi lang niya alam-"
"Alam niya. Alam din niya na hindi spirito ang tinatawag natin kung hindi demonyo," sabi ni Amy. "Nang trinanslate ko 'yung mga naalala kong salita sa Latin prayer niya, nalaman ko na humihingi 'yon ng pabor sa demonyo."
Nakanganga lang si Ella habang nakatingin kay Amy. Tigagal pa rin siya sa rebelasyong narinig mula rito.
"Paano ko rin nalaman? Diba naalala mo na sabi ni Nora sa atin noon ay may Latin dictionary ang lola niya?" sabi ni Amy. "Kaya imposibleng hindi niya alam ang dalang panganib noon."
"Kung ganoon, bakit niya naman gagawin 'yon?"
"Tingin ko hinihingi niyang makasama ang pamilya niya," tahimik na saad ni Amy. "Hindi man lang naisip ng mga taga-bayan na muntikan ka na ring namatay noon. Tsaka-"
Nakita niya na lalong sumeryoso ang mukha nito. "Tsaka ano?"
"Ang totoo niyan, may iba pa akong napansin noong gabi ng camping natin."
"H-ha? Ano naman 'yon?"
Matagal bago ito muling nagsalita.
"W-wala akong pinagsabihan nito kahit na sino dahil n-natatakot ako na baka tawagin din nila akong baliw, pero-" sabi ni Amy. "May nakita akong ibang tao na kasama natin sa kampo. Maliban sa ating mga taga-Spirits Club."
"Ano? S-sino?"
"Hindi ko kilala. Akala ko nga estudyante lang din, pero hindi siya nakasuot ng uniporme natin. Lalaki siya, at may mahaba't puting buhok. Nakaupo lang siya sa likuran ng classroom, habang nanonood," sabi ni Amy. Nagbuntong-hininga ito. "Baka imahinasyon ko lang din 'yon, hindi ako sigurado. Kasi sino ba namang estudyanteng puro uban na ang buhok, diba?"
"S-sabagay," sabi ni Ella. "Baka multo lang din 'yon, o ano."
Sumilip si Amy sa loob ng bahay. Naroon sa sala ang mga pinsan at lola nila na masayang nagkukwentuhan.
"Malapit nang mananghalian. Maligo na tayo. Si-sermon-sermon ka kay Benny, hindi ka pa nga rin naliligo eh," sabi ni Amy.
Natawa na lang si Ella at pabirong hinampas ang pinsan sa braso.
***
Sa terminal ng San Angeles, ay naghintay sina Ella at Amy. Matapos silang mananghalian kanina at magpaalam sa lola't iba pang mga pinsan, ay pumunta na sila sa sentro ng bayan. Kaya lang, pagdating nila sa terminal ay nagpaalam sina Frederic at Benny para bumili ng pagkaing babaunin sa byahe. Naiwan naman sila ni Amy at ngayon ay nakaupo silang dalawa sa mga bag at maleta.
"Gremora, Gremora! Aalis na tayo!" sabi ng kundoktor. Tinawag sila nito. "Kayo mga miss, hindi pa ba kayo sasakay? Maiiwan na kayo ng bus, sige."
"Sandali lang po, manong. Paparating na rin 'yong mga kasama namin," sabi ni Ella. Inip niyang pinadyak ang paa sa sahig. "Nasaan na ba kasi 'yong mga siraulong 'yon?"
"Ewan. Baka pinakyaw na nila ang bakery," sabi ni Amy. "Sa dami ng nilalamon ni Frederic, paanong hindi siya tumataba?"
"Nag-gi-gym."
Lumingon sila. Nakita nila si Frederic at Benny na dala-dala nga ang sandamakmak na junkfood, tinapay, at mga softdrinks. Ang lawak-lawak ng ngiti ni Benny.
"Hindi lang pala bakery. Ang buong palengke na ang pinakyaw nila," komento ni Amy.
"Bakit ngayon lang kayo? Ang tagal niyo!" sita ni Ella.
"Aalis na ang bus. Kayong mga bata, maiiwan na talaga kayo, sige," tawag ng kundoktor sa kanila.
"Nandyan na po kami, manong!" sabi ni Ella at pinagbubuhat na ang mga bag. "Dalhin niyo 'yang mga bag. Hindi 'yong pagkain ang siguraduhin niyo!"
Dali-dali namang sumakay sa bus ang magpipinsan. Saktong nakasampa na silang apat ay umandar naman ito. Pinili nila ang upuan na nasa gitna. Magkatabi sila ni Amy, habang sina Frederic at Benny sa likuran nila. Ang iingay pa rin ng mga ito.
Kahit umaandar na ang bus ay tumayo ulit si Ella para ilagay ang backpack niya sa lagayan ng mga bag sa itaas. Nahirapan pa siya dahil medyo maliit nga siya, at hindi man lang tumulong si Frederic na abala pa rin sa pakikipagbiruan kay Benny. Napailing na lang siya.
"Hay naku. Sa susunod agahan niyo ang pagpunta sa terminal para di kayo maiwan. Naku naman o," sabi ng kundoktor. Lilingon na sana siya dahil akala niya ay siya ang kausap nito. Subalit isang malalim na boses ng lalaki ang sumagot.
"Ihatid mo ako sa Gremora. Heto ang pambayad," sabi pa nito. Kumunot ang noo ni Ella dahil parang pamilyar ang boses nito.
"Naku, mamaya na lang bossing. Wala pa akong maisusukli eh, hindi pa nagbabayad ang ibang mga pasahero-"
"'Wag mo na akong suklian," sagot ng pamilyar na boses. Lumingon si Ella sa likuran kung nasaan nanggagaling ang boses nito para tingnan kung sino ito. Subalit biglang gumalaw ang bus, kaya nawala siya sa balanse at muntikan na niyang maihulog ang bag.
"Ah!" tili niya. Ngunit bago pa siya nito natamaan ay isang matangkad na lalaki ang sumalo sa kanya sa likuran, pati na sa kanyang bag. Pinatayo siya nito at walang kahirap-hirap nitong na inilagay sa itaas.
Nilingon ito ni Ella. "S-salamat-"
"Mag-ingat ka sa susunod, mortal," sabi ng boses. Napantig naman ang tainga ni Ella sa sinabi nito. Pero dahil tinawag na siya ng mga pinsan ay umupo na lang siya, bago pa ulit siya matumba na naman.
Nainis naman bigla si Ella sa lalaking 'yon. Tinulungan nga siya, pero sinupladuhan naman siya. Iniangat niya ang mukha para hanapin ang lalaki sa likuran ng bus, pero hindi niya nakita ang mukha nito kaya hindi niya alam kung sino sa mga kasama niya sa bus ang tumawag sa kanya ng 'mortal'.
"Kung maka-'mortal', para namang hindi siya tao," maktol niya sa sarili. Pilit na lang niyang pinalis sa isip ang lalaking tumulong sa kanya. Tutal, tinulungan naman siya, di baleng medyo may attitude. Nagkibit-balikat na lang siya, at tumingin sa labas ng bintana.
***
Habang sa may likurang bahagi naman ng parehong bus ay mag-isang nakaupo si Baal, na kasalukuyang nasa anyong tao niya. Hindi niya napansin ang babaeng sa unahan ng bus. Panay ang lingon nito sa likuran na parang naghahanap. Hanggang sa pumalatak na lang ang babae at muling umayos ng upo.
Nakasuot siya ng itim na jacket na may hood, at nakatanaw din sa labas ng bintana. Walang kahit anong kinang na makikita sa mapupula niyang mga irises, na halos natatabunan na rin ng mahaba niyang buhok.
Ngayong nakalaya na siya pagkatapos ng mahabang panahon, ay panahon na para bawiin niya ang dapat sa kanya. Nabasa niya mula sa mga sinulat ni Amantini, ang may-ari noong bahay, na naroroon ang hinahanap niya sa syudad na tinatawag na Gremora.
Ang taong iyon ang una niyang pupuntahan upang muli siyang makabalik sa kapangyarihan. Sa wakas, ay mapaghigantihan na rin niya lahat ng mga nagtraydor at nagpatalsik sa kanya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top