Chapter 3

Celine

Kahit na negative ang sinabi sa akin ni Mary ngayong umaga ay hindi ko pinansin iyon. Ngumiti lang ako sakanya at nagsalita.

"Halika, samahan mo ako magluto ng pagkain para sa aming dalawa. Sigurado naman ako na pagod si Anthony galing sa trabaho mamaya kaya ipagluluto ko siya ngayong anniversary namin." sabi ko kay Mary

"Ano bang plano mo sa buhay ha? Alam mo namang niloloko mo lang sarili mo pero patuloy ka pa din sa pagiging tanga. Gumising ka nga sa katotohanan!" sagot naman ni Mary sa akin

"Haynaku, ano ka ba? Ayos lang naman ako ah. Naniniwala pa din ako na isang araw, mamahalin niya ako ulit tulad ng dati. Hindi naman iyon imposible eh, asawa pa din niya ako." sagot ko naman kay Mary

"Diyos ko! Kung hindi lang talaga kita kaibigan, Celine! Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang tapang mo sa pagloko sa sarili mo, ang tibay mo." sagot naman ni Mary

Sa totoo lang, hindi ko din alam kung saan ako patungo sa desisyon kong ito. Sa desisyon kung saan alam ko naman na ako'y masasaktan, alam ko naman na walang patutunguhan.

Sinusubukan ko lang parati dahil umaasa ako na baka magbago, baka pwede pa ulit, baka nakalimutan niya lang ako saglit.

Sa ngayon, sa pagmamahal ko para sakanya na lang ako kumakapit. Sabi kasi nila, kesa magalit ka sa taong mahal mo eh mahalin mo na lang siya kahit patago.

"Sige na, samahan mo na ako magluto ha? Huwag mag-alala, libre naman ang pagkain mo mamaya kapag naluto na mga paborito ni Anthony." sagot ko naman kay Mary

Napakamot na lang sa ulo si Mary dahil sa inis at tumayo para kunin ang bag niya sa sofa. Kinuha ko na rin ang gamit ko para makapunta na kami sa palengke.

"Ano pa bang magagawa ko? Edi suportahan ang tanga sa pag-ibig kong kaibigan! Tara na, baka mahuli pa tayo sa palengke. Madaming tao ngayon, magkaubusan pa ng bibilhing sangkap." sagot ni Mary sa akin

Bumili na kami ng dapat naming lutuin, sana maagang umuwi ng bahay si Anthony para makain niya agad ang iluluto namin para sakanya.

Noong nabili na namin ang mga dapat bilhin sa pagluluto ay umuwi na kami. Excited ako dahil ipagluluto namin siya ni Mary ng paborito niyang adobo. Malay natin, dito ko siya makuha.

"Uy babae, sure ka ba dito sa ginagawa natin? Paalala ko lang ha? Tatlong taon na nating ginagawa lahat pero hindi ka naman pinapansin ni Anthony." sabi sa akin ni Mary

"Malay mo naman iba na ngayon, malay mo batiin niya na ako this year. Baka nakalimutan niya lang sabihin kanina." sagot ko naman

"Puro ka ganyan tapos mamaya hindi naman mangyayari iyang nasa isip mo. Naku, kung hindi lang talaga kita mahal eh hindi kita susuportahan dito sa katangahan mo." sagot naman sa akin ni Mary

Napatawa na lang ako dahil sa sinabi niya. Napaka-blessed ko dahil meron akong kaibigan katulad ni Mary. Yung tao na handang makinig kahit sa mismong katangahan ko.

"Tulungan mo na lang akong magluto para mamaya, ang dami mo pang satsat eh. Libre na pagkain mo mamaya, tulungan mo lang ako dito." sagot ko naman kay Mary

Napakamot na lang sa ulo si Mary at tinulungan niya na akong magluto. Hindi rin talaga ako kayang tiisin ng kaibigan ko, kaya mahal na mahal ko siya eh.

Pagkatapos namin sa pagluluto ay nagpaalam na siya sa akin. Marami pa raw siyang gagawin sakanila kaya hindi na niya ako masasamahan na mahintay si Anthony na umuwi.

Pinagdala ko na lang siya ng adobo para naman may tanghalian sila ng anak niya.

Nagpahinga muna ako saglit, nagpasya ako na mamaya na lang kumain kapag andyan na si Anthony, hapon naman ang uwi niya.

Pagkagising ko, 6pm na pala. Dali-dali akong lumabas para tingnan kung nasa bahay na si Anthony, pero kahit anino niya ay hindi ko nakita.

Ginawa nanaman niya sa akin ang ginawa niya noon. Hindi nanaman siya sumipot sa anniversary namin. Halos lumamig na ang adobo dahil sa kakahintay sakanya.

Umupo lang ako sa dining area, tiningnan ang bawat sulok ng bahay namin. Ako lang mag-isa, ako nanaman mag-isa. Icecelebrate ko nanaman ang anniversary namin na ako lang.

Hindi ko na namalayan na tumutulo na pala ang luha ko dahil sa lungkot. Sinaktan nanaman niya ako, hinayaan ko nanamang gawin niya sa akin iyon. Bakit ba hindi na ko natuto?

Hindi na ako kumain. Tinago ko na lang ang adobo sa ref at humiga ulit sa kama. Sobrang sakit, sobrang sakit na naulit nanaman ito.

Umiyak lang ako hanggang sa nakatulog. Hindi ko na siya nahintay dahil mukhang wala naman siyang balak umuwi sa akin. Hindi ba talaga niya naaalala kung anong meron sa araw na ito? Hindi ba niya naalala o sadyang kinalimutan niya na ako sa lumipas na tatlong taon?

Paggising ko, alas tres na ng madaling araw. Nilibot ko ang buong kwarto, wala pa din siya. Kinabahan ako, baka kung ano na ang nangyari sa asawa ko.

Kaya naman napabalikwas ako sa aking higaan, kinuha ko ang aking cellphone at tinawagan ko si Anthony. Bakit kaya alas tres na ng madaling araw ay wala pa din siya? Napano na si Anthony?

Nagring ang cellphone niya, nabuhayan ako ng pag-asa na nasa maayos siyang kalagayan. Napangiti tuloy ako.

May sumagot na sa kabilang linya. Boses ng isang babae, nadurog ang puso ko dahil doon.. Paanong babae ang may hawak ng cellphone niya? Pinakinggan ko kung anong sinabi ng babae sa kabilang linya.

"Yes? Sino 'to? Sorry ha, tulog na si Anthony eh. Napasarap yata sa hinain ko sakanya. Sino ka ba? Sasabihin ko na lang na tumawag ka sakanya oras na gumising siya." sabi noong babae sa kabilang linya

Doon na nadurog ang puso ko. Kaya pala malamig na siya sa akin dahil nag-iinit na siya sa iba. Kaya pala wala na siyang paki sa akin dahil may kasama siya ngayon at masaya siya.

Di ako sumagot. Hindi ko kayang sumagot. Durog na durog ang puso ko, paulit-ulit kong naririnig yung boses ng babae sa utak ko.

Pinatay ko na ang tawag. Humiga ako ulit, sino ang babaeng iyon? Bakit nagawa niya akong lokohin? Bakit ganito pa? Bakit kahit ganoon siya sa akin ay pinipili ko pa din na mahalin siya?

Hindi na ako nakatulog dahil sa kakaisip. Ano ang sasabihin ko kay Anthony pag-uwi niya dito sa bahay? Kaya ko ba siyang harapin? Kaya ko bang harapin ang taong sumira sa akin ng paulit-ulit?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top