Chapter 8 (The Past) - Cocos Beach Is The Perfect Place


FRANCE

KULANG ANG tulog ko. Halos hindi ako nakatulog kagabi dahil sa kakaisip tungkol sa pagpunta namin sa Cocos Beach Resort at sa mga bagay na maaaring mangyari roon. Mas naunahan kong magising si mama, ngunit siya naman ang unang bumangon. Kanina pa ako gising, ngunit nanatili akong nakahiga hanggang sa gusto ko nang bumangon.

Natutulog pa sina papa't ate. Dahil ayoko namang maupo sa sala nang mag-isa at tumitig lang sa kawalan, pumunta ako sa kusina upang tingnan ang ginagawa ni mama. Naabutan ko siyang nagluluto ng pansit. Tiningnan ko ang mesa at ang mga naroroon. Nandoon 'yong spring rolls na ginawa ni mama kagabi na mukhang ipiprito na niya ngayon at mayroon ding pasta at spaghetti sauce doon.

Naramdaman nito ang aking presensya at lumingon siya kung nasaan ako. Tumaas ang kanyang kilay. "France, sobrang aga mo namang nagising. Dapat natutulog ka pa sa oras na 'to."

"Hindi po kaya," sagot ko. Itinuro ko ang labas ng bintana. "Papalabas na po ang araw, oh."

"Halatang sabik ka nang mag-beach, ah?"

"Hindi po 'yon ang dahilan kaya't excited ako."

"At alam ko na kung sino 'yon." Itinuro niya ang upuan gamit ang kanyang kamay. "Maupo ka na lang diyan."

"Ang aga mong magluto, 'ma. Pagdating po natin doon, hindi na 'yan mainit."

Hinalo nito ang pansit bago lumingon sa akin at sumagot, "Kailangan, anak. Maaga rin kasi tayong aalis dahil mahaba pa ang biyahe natin. At saka talagang pagdating natin doon, hindi na 'to mainit kasi medyo malayo ang pupuntahan natin."

"Ah, oo nga po pala."

Pinanonood ko ang likuran ni mama na gumalaw dahil sa paghalo nito sa pansit. "Sigurado ka bang wala kang nalimutang ilagay sa bag? Kumpleto ba 'yong mga damit mo? May brief ka ba roon? Dapat kumpleto na 'yon kasi kapag sinabi na ng papa mo na aalis na tayo, aalis na talaga tayo at wala ka nang time para isipin pa 'yon," sabi nito ng hindi ako tinatapunan ng tingin.

"Kumpleto na po 'yon," sagot ko. "At saka kahit wala naman po akong madalang damit, okay lang kasi hindi tayo mag-i-stay doon hanggang gabi. Pagkatapos nating maligo, uuwi po tayo kaagad, 'di ba?"

"Hindi pwede, ah," sabi nito sabay lingon sa akin. "Kailangan mong magdala ng damit mo doon para pagkatapos mong maligo, magpapalit ka kaagad ng damit. Matagal ang biyahe pauwi kaya hindi pwede umuwi ka ng hindi mo pinapalitan ang basa mong damit."

Napaisip ako. "Oo nga po, 'no? The best ka talaga, ma."

"Siyempre." Ibinalik na nito ang kanyang atensyon sa pansit. "Bata ka pa rin talaga, France. Kailangan mo pa rin ang mama mo."

"Siyempre rin, 'ma. At kahit malaki na ako, kakailanganin pa rin kita. Kahit tumanda ako, hindi magbabago ang katotohanang mayroon akong mga magulang."

"Tama," sambit nito sabay tingin sa akin. "At kahit magkaroon ka pa ng sarili mong pamilya, huwag na huwag mong kalilimutan ang pamilyang ito at kami ng papa mo. Sana'y habambuhay kaming manatili sa puso mo."

"Mananatili po kayo rito." Itinuro ko ang aking dibdib.

Ngumiti lang si mama.

Nagkasya kaming anim sa aming tricycle. Katulad ng napag-usapan ng mga magulang namin, sina ate, mama at tita ang nandoon sa loob. Kaming tatlo naman ang nasa labas. Hindi ko talaga gustong magkaroon ng katabi rito dahil kapag nagkaroon ako ng kasama rito, magiging maliit na ang space para sa akin at medyo kumakati at sumasakit ang aking pwet, lalo na kapag dumaraan kami sa patag na daan. Pero ngayon, okay lang sa akin na magkaroon ng katabi dahil ang makakatabi ko naman ay ang babaing gusto ko.

Sumakay kami ng pamilya sa aming sasakyan at pinuntahan ang bahay ng pamilya ni Beatrice upang hindi na sila maglakad papunta sa amin. Mas lumawak ang ngiti ko noong makita ko ang maganda niyang mukha at dahil sobrang saya ko, ako ang nagbuhat ng halos lahat ng mga dala nila. Kahit hindi ako masaya, matulungin at mabait na ako. Paano pa kaya kapag sobrang saya't excited ko na? E di baka magmukha na akong perpekto?

"Wala na ba tayong nakalimutan?" malakas na tanong ni mama.

"Wala na, 'ma," sagot ni ate, na nakaupo doon sa maliit na upuan sa loob. Hindi ko alam kung hindi niya gusto ang pag-upo niya roon o wala 'yon sa kanya dahil wala na namang emosyon ang kanyang mukha. "Nandito na tayo, ang mga gamit at baon natin. Nadala na natin ang kailangan nating dalhin."

"Kung gano'n, maaari na siguro tayong umalis?"

"Hindi pa po," sagot ko at umalis mula sa inuupuan ko. Pumunta ako sa harapan ng mga nasa loob at halos ipinasok ang aking ulo sa loob. "'Ma, pakibigay nga po sa akin 'yong tuwalya ko."

"Bakit?" Nakakunot ang kanyang noo at sandali niyang pinagmasdan ang aking katawan. "Nilalamig ka ba? Mukhang okay ka--"

"Para kay Beatrice po 'yan."

Natahimik sila sandali.

"Sandali lang." Sinimulang hanapin ni mama sa aming bag ang aking tuwalya at saka 'yon iniabot sa akin. "Para saan ba talaga 'yan? Para ano?"

"Ipantatakip ko po 'to sa mga hita ni Beatrice. Maiksi po kasi ang suot niya kaya baka ginawin siya habang bumibiyahe tayo mamaya."

Kumunot ang kanilang mga noo at nauunawaan ko kung bakit. Hindi na ako nagpaliwanag pa at agad nang pumunta sa upuan ko.

Nagsinungaling ako. Hindi 'yon ang tunay na dahilan kaya't gusto kong lagyan ng towel ang mga hita ni Beatrice. Ayokong may makakita sa mga 'yon. Kung nasa loob siya ng sasakyan, okay lang kahit hindi ko na ipatong itong towel. Ngunit nandito siya sa labas kasama ko at makikita siya ng mga taong madaraanan namin. Hindi nila maaaring makita ang mapuputi't makikinis niyang hita. Hindi ito maaaring makita ng ibang lalaki. Karamihan sa mga lalaki'y marurumi ang isip.

"Salamat, France," sabi niya matapos kong ilagay 'yon sa kanyang hita.

Ngumiti lang ako at tumango.

Ang totoo, gusto kong sabihin sa kanya na huwag na siyang magsusuot ulit ng ganoon kaikling shorts kapag lalabas siya, ngunit pinili kong huwag gawin. Mukhang komportable siya sa ganoong short kaya't dapat ko siyang hayaang isuot 'yon kung kailan niya gusto. Alam ko ring hindi niya 'yon ginagawa para mapansin siya ng ibang lalaki. Alam kong mabuti siyang babae at hindi siya isang attention-seeker. At saka wala naman akong karapatan na sabihin 'yon sa kanya, hindi ba? Ano ba ako sa kanya? Ako lang naman si France na isa sa mga "kaibigan lang" niya.

"Tara na po."

Habang bumibiyahe kami, pinagmamasdan ni Beatrice ang bawat madaraanan namin. Nasa mga bahay, puno, hayop, at mga tao lang na nadaraanan namin ang kanyang paningin habang nasa kanya naman ang aking mga mata. Dahil doon, kitang-kita ko kung paano lumipad ang bawat hibla ng kanyang buhok, kung paano siya ngumiti at kung paano niyang tingnan ang bawat bagay. Nagmukha siyang mas maganda sa paningin ko. Ang kagandahan niya'y tila hindi makatotohanan. Para siyang anghel na nahulog mula sa langit.

Ang ganda-ganda ng kanyang malambot at mahabang buhok. Dahil mahaba ito, minsa'y napupunta ito sa mukha ko't nagagawa ko itong amuyin nang palihim. Napakabago nito at ito'y amoy-bulaklak. Para na tuloy akong mahihimatay dahil parang hindi ko na kaya ang lahat ng ito.

Nang tiningnan niya ako, agad akong tumingin sa malayo hindi dahil ayokong malaman niyang nakatitig ako sa kanya. Ayoko lang na tumingin sa kanyang mga mata dahil baka hindi ko na talaga ito kayanin. Malaki na ang epekto sa akin ng pagtingin ko sa kanya nang palihim. Paano pa ang pakikipagtitigan sa kanya? Ewan ko lang.

"Napakaganda, wow!"

Pumunta kami sa cottage at inilagay namin doon ang mga gamit namin. Hindi namin binabayaran itong cottage. Ang babayaran lang dito ay 'yong entrance fee at 'yong swimming pool. Matapos kong ilagay sa mesa na gawa sa kahoy ang dala ko, pinagmasdan ko ang kulay-bughaw na tubig sa dagat na talagang napakalinis. Hindi pa rin nagbabago ang lugar na ito, maganda pa rin at malinis.

"France, tara roon." Ngumiti siya sa akin at bigla niyang hinawakan ang kamay ko. Nakataas ang kanyang kilay.

"Maglakad-lakad muna kayo diyan sa dalampasigan. Huwag lang kayong lalayo, ha?"

Parang wala akong narinig. Ni hindi ko alam kung sino ang nagsabi na bawal kaming lumayo. Nakatitig lang ako sa nakangiting mukha ni Beatrice habang pinipigilan ang sarili ko na maihi o mahimatay sa mismong harapan niya.

"Tara!" Hinila niya ako at sumunod ako sa kanya.

Nakatitig pa rin ako sa kanya at dahil doon, muntik na akong madapa at matumba. Kung hindi niya ako hinahawakan, baka kanina pa ako napahiga sa buhangin na parang lasing. Parang mas daig ko pa nga ang isang lasing dahil ang lasing, medyo nakakapag-isip pa nang maayos kahit marami nang nainom. Eh, ako? Ni hindi pa nga ako umiinom, parang mahihimatay na ako. Kinikilig ako.

"May sea shells kaya rito?" Lumuhod siya upang maghanap ng sea shells. Noong hindi ako sumagot, tumingala siya at nagtanong ulit, "France? Narinig mo ba 'yong tanong ko?"

Nagsimulang umayos ang takbo ng aking isipan. "Ha? Ano ba 'yong tanong mo?"

"May sea shells ba rito?" Tumayo siya at inilibot niya ang kanyang paningin sa paligid. "Gusto ko sanang kumuha at mag-ipon ng sea shells. Kung hindi ako nagkakamali, nakapunta ka na rito noo. Kaya tinatanong kita kung mayroon no'n dito." Ibinalik niya ang paningin niya sa akin.

"Ewan." Nagkibit-balikat ako. "Sa tuwing pumupunta kami rito, hindi ako naghahanap ng kung ano-ano. Ang ginagawa ko lang ay kumain at lumangoy, 'yon lang. At saka saan mo ba makikita ang sea shells? Siyempre sa dagat, kaya siguradong mayroon no'n dito."

Tama 'yong sinabi ko, 'di ba?

"Sigurado ka?" Nakataas ang kanyang kilay. Hindi ako nakasagot. Tumawa siya at tumingin sa malayo. "Tama ka, siguradong mayroong sea shells dito. Pero kailangan natin ng sapat na time para makapaghanap ng magaganda. Baka maging kulang ang oras natin kasi hanggang hapon lang tayo rito, kaya bumalik na lang tayo sa kubo at huwag nang maghanap ng sea shells."

"Ha? Bakit hindi? Maghahanap ako no'n para sa 'yo!"

Maghahanap ako? Halos hindi ko nga alam kung ano ang itsura no'n, eh. Hindi kasi ako mahilig maghanap ng kung ano-ano. Ang totoo, kadalasan, ang mga wala ay hindi ko hinahanap. Kung pwede mo namang palitan ang nawawala, bakit ka pa magsasayang ng oras para maghanap? Wala kayang kasiguruhang mahahanap mo ang hinahanap kaya isa 'yong malaking pag-aaksaya ng oras.

"Huwag na. Biglang ayoko na rin namang maghanap ng mga gano'n." Tumingin siya sa likuran at gano'n din ang ginawa ko. Nakita ko ang isang puno at itinuro niya 'yon. "Maupo tayo roon."

Tumango ako at sumunod sa kanya.

"Ang ganda rito." Nakatingin siya sa dagat at ako nama'y nakatingin sa mukha niyang mala-diyosa. Ang ganda niya talaga. "Ito talaga ang first time na nakapunta ako rito."

Gusto ko siyang tanungin kung bakit, pero tingin ko'y itutuloy niya rin ang sinasabi niya kaya't nanatili akong tahimik at hinintay ko siyang magsalita ulit. At tama nga ako.

"Actually, binalak ni mama noon na pumunta kami rito sa Cocos Beach Resort. Sikat ito at napakaganda raw at gusto ni mama na ma-experience kong pumunta rito. Pero sinabi ko sa kanya na huwag kaming pupunta rito kung hindi namin kasama si papa. Dahil ang gusto ko, ang first time na pagpunta ko rito ay kasama ko ang papa ko." Tumingin siya sa akin at naramdaman kong uminit ang aking pisngi. "Pero hindi 'yon nangyari dahil nandito kami ngayon ni mama. . . ng wala si papa. Nakakalungkot lang." Tumingin siyang muli sa dagat at ganoon na rin ako.

"Gano'n talaga. May mga bagay na gusto nating mangyari na hindi nangyayari sa huli." Naramdaman ko ang pagtingin niya sa akin. Para akong matutunaw dahil ang init ng mga tingin niya. "Pero palagi namang may umaga pagkatapos ng gabi. Kung hindi mo natupad ang mga plano mo noon. Gumawa ka ng better na mga plano at 'yon ang tuparin at pagtuunan mo ng pansin."

"Wait, parang narinig ko na mula sa isang kanta 'yang line na sinabi mo, ah?"

Tumingin ako sa kanya at binigyan siya ng nagtatanong na tingin. "Talaga? Saan naman? Ano'ng title?"

Nagkibit-balikat siya. "'Di ko alam. Basta tingin ko narinig may kantang may ganyang lyrics."

Tumawa ako. "Iniisip mo bang kinuha ko lang doon ang sinabi ko sa 'yo? Na-realize ko 'yon ng mag-isa ng walang pinakikingang kahit anong kanta, ha."

Umiling siya. "Hindi ko 'yon inisip, ha."

"Talaga ba?" Umiling-iling siya. Tumawa naman ako. "Alam ko."

Tumawa rin siya.

Ipinagpatuloy namin ang pagkukwentuhan at nag-enjoy talaga kami nang husto. Ang dami kong nasabi sa kanya. Katulad ng halos lahat ng beach na napuntahan ko at kung ano ang mga na-experience ko sa pagpunta ko sa bawat isa sa mga 'yon. Marami na akong beach na napuntahan at lahat ng 'yon ay magaganda. Minsan, sumasagi sa isip ko na kailangan ko ng cell phone upang makuhanan ko ng litrato ang bawat moment sa buhay ko na magaganda. Pero matapos kong magkwento sa kanya, tingin ko, mas maganda ang magagandang kwento kaysa sa mga magagandang litrato.

Sa tuwing nagsasalita siya, titingin siya sa dagat at ako nama'y tititig sa kanya. Napakaganda't mahinahon ang boses niya at para siyang kumakanta kaya't halos makatulog ako habang pinakikingan ko siya. Pero ang totoo, halos wala akong naunawaan sa mga sinabi niya dahil nakatuon lang sa mala-anghel niyang mukha ang halos buo kong atensyon. Hindi ko alam kung napansin niya 'yon, pero hindi naman 'yon mahalaga. Ang mahalaga'y malaya akong pagmasdan siya nang matagal.

"Masaya talagang pumunta sa mga beach, pero mas masaya sana kung buo ang pamilya mo sa tuwing pupunta ka roon." Nakatitig lang ako sa mukha niya. Parang wala na akong naririnig at gumagalaw lang ang mga labi niya ng walang lumalabas na tinig mula roon. "Kahit gaano pa kaganda ang lugar na mapuntahan ko, ramdam kong may kulang sa tuwing hindi ko kasama ang isa sa mga magulang ko. May time pa na sumama ako sa tita ko na mag-beach kasama ng mga kaibigan niya at napakasaya talaga no'n. Pero wala hindi ko kasama sina mama't papa kaya nakaramdam ako ng kaunting lungkot."

Kapag nagkaroon kami ng mga anak, magiging kasing-ganda kaya ng mukha niya ang mga mukha nila? Kung ako ang papapiliin, gusto kong maging kamukha nila siya hindi dahil ayoko sa itsura ko. Gusto ko lang na sa tuwing tinitingnan ko ang mga anak namin, maaalala ko siya at parang siya na rin ang nasa harapan ko.

". . . France? Nakikinig ka ba? Hey!" Iwinagayway niya ang kanyang kamay sa harapan ng mukha ko at bumalik naman ako sa reyalidad at napakurap-kurap pa. "Kanina ka pa nakatulala. Okay ka lang ba? Boring ba ang mga kwento ko?"

"Ha? Ano. . . Hindi, ah! Ang ganda nga ng mga kwento mo, eh. Ang dami ko lang nare-realize habang pinakikingan kita."

"Like what?"

Katulad ng ano ba? Bakit kasi 'yon ang sinabi ko? Pwede namang hindi ko na lang sinabi 'yong huli kong sinabi. Hindi na yata ako nag-iisip nang tama.

"Tama ka. Mas maganda talaga kung kasama natin ang pamilya natin kapag magbi-beach tayo."

Sana'y tama ang sinabi ko. Sana'y hindi ako mukhang baliw ngayon.

"'Yon lang ang nasa isip mo?"

Tumango ako. "Oo. Tama naman 'yon, 'di ba?" hindi siguradong sabi ko.

Tumango-tango siya at ngumiti. "Siyempre, totoo 'yon. Masaya kung mag-e-enjoy kang mag-isa, pero mas masaya kung kasama mong mag-e-enjoy ang mga mahal mo sa buhay. Halatang nakikinig ka sa akin mula pa sa simula, ha?"

"Bakit naman hindi?" Nakahinga ako nang maluwag. Mabuti na lang at tama ang sinabi ko. Tumayo ako at iniabot sa kanya ang aking palad. "Halika at bumalik na tayo sa cottage. May speaker at microphone kaming dinala kaya pwede kang kumanta."

Ngumiti siya at tinggap niya ang aking palad. "Sige!"

Lumapit ako kay ate pagkarating namin sa cottage. Abala siya sa paggamit ng kanyang cell phone. Hanggang dito, hindi magawang bitawan ni ang phone niya na parang best friend na niya.

"Ate, may load ka ba?"

Tumingala siya at tumango. "Oh, bro. Yup, may load ako. Why?"

"Kakanta si Beatrice." Sumulyap ako kay Beatrice na kumakain ng spring roll at ibinalik ko rin kaagad ang aking paningin sa nakakatanda kong kapatid. "Ipahiram mo nga muna ang cell phone mo, ate, at 'yan ang iko-connect namin sa speaker."

"Okay, oh." Iniabot niya 'yon sa akin at agad ko 'yong kinuha. Magpapasalamat na sana ako nang magsalita siya ulit, "May signal dito, pero hindi ganoon kalakas kaya hindi magiging tuloy-tuloy ang pagpi-play ng bawat video."

Ngumiti ako. "Okay lang 'yon, ate."

Okay 'yon basta't marinig ko lang ang magandang boses ng babaing gusto ko na kumakanta.

Binuksan ko ang speaker, pinatay ko ang ilaw nito upang hindi ito mabilis ma-ubusan ng battery at icinonnect ko agad doon ang cell phone ni ate. Tumabi ako kay Beatrice. "Ano ang gusto mong kanta at ako ang mag-s-search."

"The Show by Lenka."

Agad akong nag-type at agad ko 'yong tinap matapos nitong magpakita. Isinindi naman niya ang microphone at nagsimula na siyang kumanta. Katulad ng sinabi ni ate, mahina ang signal kaya't may times na hindi tuloy-tuloy ang pagkanta ni Beatrice at nagpo-pause ang video ng kinakanta niya. Pero kasabay ng paglipas ng oras ay ang paglakas ng signal kaya't hindi na humihinto ngayon sa pagpi-play ang videos.

Ang ganda talaga ng boses at katulad lang ng kanyang mukha, mala-anghel. Ang ugali, boses, at mukha niya ay mala-anghel lahat. Lahat ng tungkol sa kanya ay napakaganda. Mas nagugustuhan ko lang siya.

Ang dami niyang kinanta at lahat 'yon ay perfect para sa akin. Lahat ng 'yon ay nagustuhan ko, ngunit may isa akong paborito sa lahat. 'Yon ay ang kantang "Huling Sandali" by "December Avenue". 'Yong lyrics ay napakaganda at napakalalim ng kahulugan. Pakiramdam ko rin, ang kanta na 'yon ay parang ginawa para sa amin. At mukhang tama ang pakiramdam kong 'yon dahil ang mga nangyari sa hinaharap sa amin ay parang katulad ng nasa kanta.

"Titig pa more."

Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses at nakita ko ang walang emosyong mukha ni ate. Nasa tabi ko na pala siya. Ni hindi ko 'yon namalayan. Magkakrus pa ang kanyang mga braso sa harapan ng kanyang dibdib. Minsan talaga, parang nakakatakot si ate. Minsan lang ba talaga?

"Obvious ba, ate?" Lumapit ako sa kanya upang ibulong 'yon.

Umiling siya. "Hindi, hindi nga halatang gusto mo siya, eh," sabi niya, pero halatang nang-aasar siya. "I don't wanna say this, but you looked like an idiot. Tinitingnan mo siya na parang isa kang magmimina na nakakita ng ginto. Para ka ring unggoy na nakakita ng saging. Masayado kang namamangha sa kanya."

Sumulyap ako kay Beatrice. "Eh, amazing kasi talaga siya, ate," sabi ko at saka ibinalik ang aking paningin sa kanya. "Nasa kanya na yata ang lahat. Mayroon siyang malambot na puso, magandang mukha, plus, magandang boses. Sino ang hindi mamamangha sa kanya?"

"You're wrong, wala sa kanya ang lahat. You were just saying that dahil gusto mo siya."

"Ate, ikaw ang mali sa ating dalawa," tugon ko. Tumaas ang kanyang kilay. "Hindi mo ako maiintindihan, ate, dahil hindi ka pa naman nai-in love."

Binigyan niya ako ng tingin na parang nang-iinsulto. "Hindi talaga kita maiintindihan, hindi dahil kulang ako sa kaalaman kundi dahil ibang-iba ka compared sa akin. Halos wala ka pa talagang alam, bro. Kailangan mo pang lumaki at mas matuto. At ano naman kung hindi ko na na-experience ma-in love? Kaya ko namang mabuhay ng walang pag-ibig. And it's better dahil hindi ko na kailangang magmukhang baliw."

"Mas masayang mabuhay kung alam mong magmahal, ate. Mas magiging excited kang gumising sa umaga at mas gugustuhin mong magpatuloy sa buhay kapag nakakaramdam ka ng kilig."

Binigyan niya ako ng tila nandidiring tingin. "I don't wanna say this, pero mukha ka talagang *anga--"

"*Anga? Ano'ng meaning no'n?" kunot-noong tanong ko.

"There was silent t sa simula. Alam mo na?" Nawala ang kunot sa aking noo at tumango ako. "And do you call that love? You said you like her. Gusto mo siya at hindi mahal, France. Magkaiba ang dalawang 'yon."

"Parang parehas lang 'yon," sabi ko at tiningnan so Beatrice na nag-s-search ng bago niyang kakantahin. "Hindi na nga ako sigurado kung gusto ko pa rin siya o mahal ko na siya."

"Bro, parang nababaliw ka na talaga." Ibinaling ko ang paningin ko kay Ate Freya Lene at umiiling-iling siya. "You're so young at sumagi na 'yan sa isip mo? Kung 'yan ang paniniwalaan mo, hindi malabong makabuntis ka nang maaga."

Tumawa ako. "Ate Freya Lene, ikaw ba talaga 'yan? Parang nagiging si mama ka na, ha."

Nawala ang ngisi sa aking mukha nang naging mas seryoso ang kanyang mukha. "Kung palagi mong iisipin ang nararamdaman mo para kay Beatrice at paniniwalaan mong mahal mo na siya, 'yon ang magiging totoo sa mga mata mo. And believe me, France, gusto kitang maging masaya. If you like her? It's okay with me. Pero hindi okay na magmahal ka, lalo na kung sobra at sa ganyan kabatang edad. Hindi rin pwedeng naka-depende lang sa kanya ang kaligayahan mo. Masyado ka pang bata, bro. Ni hindi ka pa nga tuluyang nagbibinata. Huwag kang magmadali."

"Bakit hindi pwedeng mahalin ko siya, ate?"

"Masasaktan ka." Natahimik ako. "Ni hindi mo alam kung gusto ka rin niya kagaya ng pagkagusto mo sa kanya. At saka kahit gusto ka pa niya, masyado pa kayong bata. At akala mo ba wala akong alam? Alam ko na ano mang oras ay maaaring umalis sila sa lugar na ito dahil nasa ibang lugar ang papa niya at pati ang trabaho nito. Kung hindi lang ito ang tahanan ng mama ni Beatrice at hindi niya ito mahal, I'm sure matagal na niya silang isinama sa Manila."

Lumipas ang ilang minuto ng katahimikan. Mukhang ayaw pa munang magsalita ni ate ulit kahit halatang may nais pa siyang idagdag. Lumingon ako kay Beatrice at pinagmasdan ko siya. Ngumiti ako. Napunta sa kanyang mga gumagalaw na labi ang aking mga mata. Perfect at mapupula ang mga 'yon. Mas lumawak ang aking ngiti at ibinalik ko ang aking paningin sa kanyang mukha kasabay ng pakikinig ko sa kanyang kumakantang boses.

Ang galing-galing niya at tingin ko'y maaari siyang maging isang sikat na singer.

"Bakit hindi mo na lang isiping crush mo lang siya? Bata ka pa at dapat puppy love pa lang ang alam mo." Muling nagsalita si ate.

"Hindi ko yata kaya 'yon, ate," sagot ko ng hindi siya tinatapunan ng tingin.

Natapos nang kumanta si Beatrice. Parami na nang parami ang tao rito kaya mas umingay na. Kilala talaga ang lugar na ito at patuloy ito sa pag-i-improve kaya't hindi nagsasawa ang mga taong pumunta rito. Okay lang naman sa akin 'yon dahil mas okay kapag marami ang mga tao rito. May araw nga na pumunta kami rito at halos kami lang ang nandito no'n at hindi 'yon ganoon kasaya. Ang hindi okay sa akin ay ang pagdami ng mga lalaking halos kaedad lang namin ni Beatrice na napapasulyap sa kanya. Mayroon pa ngang isang lalaking nahuli kong nakatitig sa kanya na binigyan ko ng masamang tingin. Mukhang naunawaan naman niya 'yon at hindi niya na 'yon inulit.

Mahirap talagang magkagusto sa isang tao na mukhang anghel, sabi ko sa isip ko.

"Ang galing mo," sabi ko matapos kong lumapit sa kanya. May ngiti sa aking labi.

"Thank you."

"Kumain na tayo para makalangoy na tayo sa swimming pool!" sabi ni mama at nagsimula naman silang kumuha ng kanilang pagkain.

"Diyan ka lang, ha? Ako na ang kukuha ng pagkain mo."

"Ah? Hindi na, kaya ko--"

Pinigilan ko siya gamit ang aking kamay. "Ako na ang kukuha. Diyan ka lang." Nagtungo ako sa mesa, kumuha ng paper plate at nagsimulang lagyan 'yon ng iba't ibang makakain niya.

Nilagyan ko ang kanyang plato ng lahat ng uri ng pagkaing nasa mesa. Sring rolls ang pinakamarami. Alam ko kasing gusto niya 'yon dahil may sukang pagsasawsawan nito. Ginamit ko ang plastik na baso na lalagyan ng suka.

"Ubusin mo 'yan lahat, ha?"

Tumitig siya roon. "Ang dami naman nito. Baka hindi ko 'to maubos."

"Dapat mo 'yang ubusin para magkaroon ka ng sapat na lakas para kumanta ulit at lumangoy. At saka ako ang naglagay niyan kaya hindi ka maaaring magsayang. Kapag hindi mo 'yan naubos, baka magtampo ako."

Tumingala siya at sumimangot naman ako para ipakitang seryoso ang sinabi ko. Ngumiti siya. "Sige, uubusin ko na 'to kaya huwag ka nang magtampo." May itinuro siya at tumingin naman ako roon. Ang nakita ko ay ang mesang punom-puno ng mga pagkaing binaon namin. Noong tingnan ko siya, nakatingin na siya sa akin. "Kumain ka na rin. Hindi pwedeng ako lang ang mabusog."

Napangiti ako at ginawa ko ang sinabi niya.

COME BACK TO MY SIDE
TiffGRa (Tiffany)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top