Chapter 7 (The Past)
FRANCE
NAKATITIG lang ako sa mama ko na abala sa pagsasalita at pagkausap sa mama ni Beatrice. Ang dami na nitong nasabi, ngunit karamihan sa mga 'yon ay walang kwenta o 'di kaya'y tsismis lang. Kanina pa ako nakararamdam ng hiya at pinipigilan ang aking sariling maging bastos at pahintuin ito. Bakit ba ganito minsan si mama? Minsan nga lang ba o madalas?
Nanonood kaming tatlo (ako, si Beatrice, at ang kanyang ina) ng isang horror move nang biglang dumating si mama. Nai-imagine ko pa ang ngiti sa kanyang mukha nang siya'y lumitaw. Hindi ko alam na darating si mama. Siguro'y wala itong magawa sa bahay at nainip kaya't naisipan makipag-chika-han muna. Okay lang naman sa akin na pumunta rito si mama't nakipag-kwentuhan kay tita. Ang problema ay ang mga sinasabi nito na wala talagang kwenta.
"Oo, mare, totoo 'yon. Kalat na kaya ang balitang 'yon. Hindi mo ba 'yon nabalitaan?"
Umiling ang kausap nito. "Hindi, eh. Alam mo namang halos hindi ako lumalabas, mare."
"Ah, oo nga, 'no?" tumatangong sabi niya. Tinapik nito ang braso ni tita nang mahina. "Minsan kasi, pumunta ka rin doon sa amin. Doon ang maraming tsismis kaya hinding-hindi ka maiinip doon. Kung gusto mo ng kausap, hanapin mo lang ako't ima-Marites ko sa 'yo ang lahat ng nalalaman ko."
Pinigilan ko ang aking sarili mula sa pag-irap. Ang nagawa ko lang ay tumingin sa malayo't naglabas ng hangin sa aking bunganga.
Tumawa ito. "Oh, sige. Hindi naman siguro kita maaabala, 'no?"
"Hay naku, mare!" Muli nitong tinapik ang braso ni tita. Hindi ba nahihiya si mama? Okay lang kahit ilabas ni mama ang tunay na siya, pero huwag naman sana sa ina ni Beatrice, ina ng babaing gusto ko. "Kailan pa ako naging busy? Pumunta ka lang sa bahay. Palagi kang welcome doon."
"Sinabi mo 'yan, ha?"
Nagpatuloy sila sa pagtsi-chika-han. Dahil halos hindi ko na kayang pakinggan ang boses ni mama, ginaya ko na lang si Beatrice na abala sa panonood ng horror movie. Kahit mahirap dahil malapit lang mula sa amin sina mama't tita, sinubukan kong magpanggap na wala akong naririnig. Minsan, parang hindi ko maiwasang hilingin na sana'y bingi na lang ako. Ngayon ko lang naisip na maswerte rin pala ang mga bingi dahil hindi nila naririnig ang mga nakakainis na ingay na likha ng mga tao at ng mundong ito.
Akala ko'y wala nang masasabi si mama kay tita na maganda, ngunit mukhang nagkamali ako.
"Sigurado na 'yan, mare, ha?" Napakalawak ng kanyang ngiti. "Bukas na bukas ay magbi-beach tayo nang magkakasama?"
Nagpanggap akong patuloy na nanonood kahit ang totoo'y pinakikingan ko ang kanilang pag-uusap. Tama 'yan, 'ma. Gumawa ka ng paraan para makasama ko si Beatrice at upang mas mapalapit kami sa isa't isa. Siguro'y kalilimutan ko na ang pagsasabi ni mama ng hindi magagandang chika sa ina ng babaing gusto ko.
"Oo, mare, pero may inaalala ako, eh."
Kumunot ang aking noo, nasa TV pa rin ang aking paningin.
"Ano 'yon, mare? Akala ko ba sigurado na 'yong napag-usapan natin? Dapat sigurado na ring sasama kayo ng pamilya mo."
"Si Beatrice lang ang kasama ko dahil hindi makakauwi ang tatay niya."
"Ganoon ba siya ka-busy, mare?"
Tumango ito. "Halos wala na nga siyang bakanteng oras at pahinga, eh."
"Eh, sigurado ka bang trabaho lang ang inaasikaso niya? Kasi kung mahal niya kayo ni Beatrice, magkakaroon siya ng kahit kaunting panahon man lang para maka-bonding kayo. Ang mga lalaki kasi ngayon, katulad ng mundo at panahon, mare, nagbago na. Mahirap na silang pagkatiwalaan."
Hindi ko napigilan ang aking sarili mula sa pag-irap. Heto na naman si mama, nagsasabi ng kung ano-ano. Well, totoo 'yong sinabi niya at wala namang mali roon. Pero kinailangan niya ba talagang sabihin 'yon? Okay lang sa akin kung sa ibang tao niya 'yon sinabi. Pero sinabi niya sa harapan ng mama ni Beatrice. Dapat nag-iingat siya sa binibigkas niya. At saka bigla kong naitanong--Hindi kaya pinagkakatiwalaan ni mama si papa? Kahit ganoon kabuti ang ama ko, iniisip pa rin kaya ni mama na may tsansang pagtaksilan siya nito?
Oo nga pala, walang nakakaalam kung ano ang mangyayari. Sa buhay, walang kasiguruhan. Ang katotohanang 'yon ang nagtutulak sa atin upang isipin ang walang katapusang posibilidad at upang mag-alala tungkol sa kinabukasan. Pero mayroon namang pattern sa buhay na kapag naunawaan mo'y magiging dahilan upang magkaroon ka ng lakas ng loob kasabay ng pagharap mo sa future. Ang kasalukuyan ay naka-depende sa mga nangyari sa nakaraan. At ang hinaharap ay naka-depende sa nangyayari sa kasalukuyan.
Hindi ako ganoon katalino, ngunit minsan, ginagamit ko rin ang utak ko.
"Mare, kilala ko ang asawa ko. Mahal na mahal niya ang anak at pamilya namin at sigurado akong hindi siya gagawa ng sisira at makakapanakit dito." Hindi ganoon katibay ang pagkakasabi nito doon. Halatang mayroong pagdududa si tita.
"Mare, nagbabago ang lahat. Ang kaibigan mo ngayon ay maaari mong kaaway bukas. Ang taong mahal na mahal mo ngayon ay maaaring maging estranghero na lang sa 'yo isang araw." Napangiti ako at halos mapatango. Ang cool pakinggan no'n, ah. Mabuti't hindi ako muling ipinahiya ni mama. "At hindi malabong magkaroon ng kabit ang asawa mo, lalo't malayo ka sa kanya. Wala ka sa tabi niya para ibigay ang pangangailangan niya. Tao rin siya, mare, at 'yon ang totoo."
"Sang-ayon ako," tugon nito. "Pero naniniwala akong hindi dapat ako mag-alala tungkol doon dahil naka-depende naman 'yon sa asawa ko. Kahit pagurin ko ang sarili ko sa kaiisip at kakaduda, asawa ko pa rin ang pipili ng gagawin 'yon. Kung pagtaksilan niya ako, masasaktan ako nang sobra, pero at least alam kong wala akong ginawang mali."
Tinapik siya ni mama. "Nakakahanga ka naman, mare." Ang lawak ng kanyang ngiti. "Ah, ano nga pala 'yong inaalala mo?"
"'Yong sasakyan namin, mare," sagot nito. "Naalala kong may tricycle kayo. Eh, paano kami? Saan kami sasakay ni Beatrice? Napag-usapan pa nating maaga tayong aalis. Eh, paano kami makakasabay sa inyo? Malayo pa naman ang lugar natin sa kalsada kung saan may mga sasakyang dumaraan."
"Mare, hindi mo na dapat inaalala 'yan," sabi ni mama. "Katulad ng sinabi mo, may sasakyan kami. Aapat lang naman kami. Pwedeng doon ka, ako, at si Freya sa loob at doon naman si Beatrice at France sa likod kasama ni pare mo."
"Okay lang ba 'yon, mare?"
Ngumiti si mama. "Bakit naman hindi? Ako ang nagyayang mag-beach tayo tapos magiging madamot ako? Hindi pwede 'yon, mare. At saka parang pamilya na rin namin kayo. Hindi ba't plano pa naming ipakasal ang mga anak natin? Oh, e di magiging isa rin talaga tayong pamilya."
Naglabas ng pekeng tawa si tita. "Ah, oo."
"Pag-usapan na natin ang lahat ng kailangan nating pag-usapan tungkol doon para planado na ang lahat."
Napangiti ako.
Sana nga'y mangyari 'yon. Sana'y kahit marami ang maaaring maging sagabal, magkakasama pa rin kami ni Beatrice sa dulo. Sana'y huwag siyang umalis at hindi niya ako iwan. Ang magagawa ko lang ay humiling kaya't 'yon ang palagi kong ginagawa. Kung lalayo siya, ang magagawa ko naman ay maghintay lang.
Masayang-masaya ako. Hindi 'yong pagpunta namin sa beach ang dahilan. Masaya ako dahil makakasama ko si Beatrice at perfect na lugar ang beach. Parang magdi-date na rin kami. Kinikilig ako. Hindi ko rin kinalimutang magpasalamat sa dahilan kung bakit mangyayari ito, ang mama ko.
"'Ma, thank you po, sobra-sobra-sobra. Dahil po sa inyo, makaka-date ko si Beatrice," nakangiting sabi ko kay mama.
Kumakain kami ng dinner namin ngayon at ang ulam namin ay gulay. Kung kanina'y masaya ako, mas masaya ako ngayon dahil bukod sa excited akong pumunta sa beach kasama ang babaing gusto ko, gusto ko pa ang ulam namin.
Ano pa kaya ang magandang bagay na darating at mangyayari?
"Date, huh?" dinig kong bulong ni ate.
Sinulyapan ko siya. Nakakunot ang kanyang noo. Hindi talaga mawawala ang mga panira-ng-moment, 'no? Pero ayokong mabura ang kasiyahang nararamdaman ko kaya't nginitian ko na lang siya. Binigyan niya naman ako ng hindi makapaniwala at parang nandidiring tingin. Si ate talaga, oo, hindi pa rin nagbabago.
"Gustong-gusto mo talaga ang batang 'yon, France, ha," komento ni mama.
"Oo naman po."
At mas nagugustuhan ko pa siya.
"At ano'ng tawag mo roon? Date ba?" Tumango-tango ako. "Ang bata-bata mo pa, ang dami mo nang alam. Baka malapit nang dumating ang araw na magiging isa na akong lola? Huwag naman sana, mga anak. Isang biyaya ang sanggol, ngunit tandaan n'yo 'to: may tamang pagkakataon para sa bawat bagay. Huwag kayong magmadali, ha."
"Si France lang po ang pagsabihan n'yo." Napatingin kami sa walang emosyong mukha ni ate. "Ang in love na kagaya niya ang halatang handang bumuo ng pamilya nang maaga."
"Sigurado ka ba diyan, ate?" tanong ko. Tumaas ang kanyang kilay. "Sa buhay, walang kasiguruhan. At saka babae ka, ate, at lalaki naman ako, kaya mas madali kang matatangay ng emosyon."
"Babae ako, pero utak ko ang sinusunod ko at hindi ang damdamin ko," tugon niya. "Eh, ikaw? Para kang nabubuhay sa isang malaking imahinasyon kung saan palaging may happy endings. Ang corny." Umirap pa siya.
"Tumigil na nga kayo." Binigyan ni mama ng nagbababalang tingin si Ate Freya. "Freya, wala ka ngang magsalita nang ganyan sa kapatid mo. Matalino ka at mas matanda at ang kapatid mo nama'y bata pa't marami pang kailangang matutunan. Huwag mong insultuhin ang kapatid mo. Dapat nga, tinuturuan mo na lang siya."
"'Ma, hindi po insult 'yong sinabi ko, truth 'yon." Tinapunan niya ako ng tingin. "Corny po talaga si France at parang prinsepeng naghahanap ng magiging prinsesa niya."
Biglang nagsalita si papa. "Hindi siya corny, Freya. May emosyon lang talaga ang kapatid mo at alam niya rin ang salitang pagmamahal. Mama siya sa akin. Eh, ikaw? Kanino ka kaya nagmana? Hindi naman sa mama mo dahil may emosyon din siya."
Halos matawa ako. Halata namang nainis si ate at pinipigilan niya lang ang kanyang sarili mula sa pag-irap. "'Pa, I know I am different. Utak ang pinaiiral ko, but that doesn't mean na hindi ako nakararamdam ng emosyon. Tao at babae rin po ako. And honestly, nasasaktan po ako sa tuwing pinararamdam ninyo sa akin na wala akong kakampi at mag-isa lang ako."
Nag-iba ang ihip ng hangin. Tumitig ako sa kanyang mukha. Hindi ko alam na gano'n ang nararamdaman ni ate sa tuwing sa akin kumakampi sina mama't papa. Kakaiba kasi talaga siya at para siyang walang emosyon kaya't kahit kailan, hindi 'yon sumagi sa isip ko. Minsan nga, parang naiisip kong baka isa siyang robot na kinupkop ng mga magulang ko.
Hinawakan ni mama ang kanyang kamay na nakapatong sa mesa. Tiningnan naman siya ni ate. May lungkot na makikita sa kanyang mga mata. "Freya, anak, mahal namin kayong pareho ng papa mo. Wala kaming paborito o mas mahal sa inyo. Pantay ang pagmamahal ko para sa inyo dahil pareho ko kayong anak." Parang hinaplos ang aking puso. Sumulyap sa akin si mama. "Pakiramdam namin, mas mahina ang loob ni France at kailangan niya ng kakampi kaya't ipinararamdam namin sa kanya na nandito lang kami para sa kanya."
Ngumiti ako.
"Mas malakas ang loob mo, anak, at alam naming wala kang hindi kakayanin." Tumingin sa akin si papa. "At si France naman, halatang kailangan pa ng suporta kaya siya ang sinusuportahan namin. Hindi nangangahulugan ang pagkampi namin sa kanya na hindi ka namin mahal. May tiwala lang kami sa 'yo."
Eh, sa akin kaya? Walang tiwala sina mama't papa? Kung wala, mauunawaan ko.
"Alam ko naman po 'yon," sabi ni ate. Nasa kanya na ang atensyon ng lahat. "Ang totoo, mas gusto ko nga po na mas mahal n'yo si France kaysa sa akin. Pero minsan, hindi ko maiwasang makaramdam ng inggit."
"Huwag kang maiinggit, anak. Kung prinsepe namin si France, ikaw naman ang nag-iisa naming prinsesa at walang papalapit sa 'yo. Hinding-hindi mawawala ang pagmamahal namin ng papa mo para sa 'yo."
Ngumiti si ate. "Thank you, 'ma, 'pa." Tumingin siya sa akin. "And France, sorry at nagseselos ako sa 'yo minsan."
"Okay lang 'yon, ate." Ngumiti ako at gano'n din siya. "Alam mo na pala kung paano maging ma-drama, ate?" Tumawa ako.
Umirap siya at tumawa naman ako at sina mama't papa.
Matapos naming kumain, agad naming inihanda ang mga dadalhin namin bukas.
"France, maghanap ka na ng damit mo at ilagay mo na sa bag," sabi ni mama sabay turo sa bag. "Ikaw na lang ang walang damit diyan."
"Ilang damit po ang dadalhin ko? Mag-i-stay po ba tayo sa Cocos Beach hanggang gabi?"
Ang Cocos Beach Resort ang napili nina mama't tita. Ito'y isang kilala't napakagandang beach resort sa Bolinao, Pangasinan. Maraming beses na kaming nakapunta roon. Malinaw ang tubig doon sa dagat. Mayroon pang swimming pool na perfect kung nais mong matutong maglangoy dahil hindi ito ganoon kalalim at parang ginawa para sa lahat, lalo na sa mga bata.
"Hindi, France. Hanggang hapon lang tayo roon, pero kailangan mo pa ring kumuha ng damit mong pampalit para hindi ka malamigan at magkasakit."
Tumango ako't ngumiti. "Sige po."
Sapat na siguro ang halos isang araw para sa amin ni Beatrice? Upang ang bukas ay maging sobrang espesyal, kay Beatrice lang ako didikit. Hindi ako aalis sa tabi niya. Kailangan kong gawin 'yon. At saka baka may mga lalaki roon na mga KSP (Kulang-Sa-Pansin) at aagaw sa kanyang atensyon. Dapat bukas, nasa akin lang ang paningin niya't atensyon. Ako lang ang dapat na makapagpasaya sa kanya. Para mas mapalapit siya sa akin at kung maaari'y magustuhan na niya ako.
"Pumili ka na ng mga damit mo at gagawa naman ako ng spring rolls at graham cake na babaunin natin bukas."
Tumango ako.
Sobrang excited na akong pumunta sa beach at magkaroon ng special moments kasama ng babaing gusto ko. Pinilit kong matulog nang maaga upang masigurong hindi ako magmumukhang pangit kinabukasan, ngunit hindi ko nagawa. Gusto kong masilayan si Beatrice. Ano kaya'ng ginagawa niya sa mga oras na ito?
Tumayo ako mula sa kama. Puntahan ko kaya siya? Tama, pupuntahan ko siya! Magpapaalam muna ako sa magulang ko. Umatras ako at umiling. Hindi pwede. Baka hindi na nila ako payagan at pagsabihan lang nila ako. Supportive at nice si mama, pero madalas ay mahigpit siya. Nai-imagine ko na siyang pinagsasabihan ako na dapat matulog na lang ako at hintaying dumating ang umaga para makita si Beatrice.
Eh, ano'ng gagawin ko? Ewan. Ang alam ko lang, hindi ko maaaring sabihin sa kanila na nais kong pumunta sa bahay nina Beatrice.
Dahan-dahan kong binuksan ang aking pinto at palihim na pinagmasdan sina ate't papa na abala sa panonood ng TV sa sala. Mukhang hindi sila kasing-excited ko at nauunawaan ko kung bakit. Well, bitter si ate at hindi niya naman makikita't makakasama bukas ang taong gusto niya, at si papa nama'y palaging nasa tabi ng taong mahal niya. Si mama nama'y abala sa paggawa ng mga kakainin namin bukas. Gusto ko sana siyang tulungan, pero sa mga oras na ito, mas gusto kong makita ang mukha ni Beatrice.
Alam ko na ang gagawin ko! Aalis ako ng hindi nagpapaalam at hindi nila nalalaman!
Pero paano ko gagawin 'yon?
Dalawa ang aming pintuan para makapasok at makalabas sa bahay: isa roon sa harapan at isa pa sa likod. Naisip kong dumaan nang palihim sa likod. Ngunit nandoon naman 'yon sa may kusina at nasa kusina si mama ngayon. Naglakad ako na parang magnanakaw papunta sa kusina at nakita ko roon si mama. Nagtago ako upang hindi niya ako makita, ngunit hindi na pala 'yon kailangan dahil nakatalikod naman siya sa akin.
Mukhang sinuswerte ako, ha!
Tahimik, ngunit mabilis akong naglakad papalabas at dahan-dahan kong binuksan ang pintuan. Mabuti na lang at hindi ito nakagawa ng ingay at nagtagumpay ako. Binilisan kong maglakad papalayo na halos tumatakbo na ako na parang kabayo. Hindi naman halatang sobrang excited akong makita siya, 'no? Gusto ko talaga siya!
Pagkarating ko sa harapan ng kanilang bahay, agad na lumapit sa akin ang kanilang asong si Pat. Inaamoy-amoy ako nito't dinilaan. Lumuhod naman ako upang maging magkapantay kami at hinaplos-haplos ko ang kanyang ulo't malambot na balahiho.
"Ang cute mo talaga, Pat," komento ko. Ngumiti ako rito. "Huwag mong kalilimutan 'yong sinasabi ko sa 'yo palagi, ha? Palagi mong babantayan si Beatrice at sisiguruhing ligtas. Okay?"
Tumahol naman siya at tumalon-talon na parang paraan niya ng pagtugon.
Muli ko siyang hinaplos at huminahon naman siya. "You're a good dog." Tumayo na ako at sinimulang kumatok.
Inasahan kong si Beatrice ang makikita ko, ngunit ang mama niya ang unang nagpakita. Medyo nagulat siya't ngumiti pagkatapos ng ilang segundo. "France, ano'ng ginagawa mo rito sa ganitong oras?"
Ngumiti ako. "Good evening, tita. Nandito po ako para makita ang anak ninyo." Tumingin-tingin ako sa kanyang likuran. "Ano po'ng ginagawa niya? Tulog na po ba siya? Kasi kung oo po, aalis--"
Lumawak ang kanyang ngiti at umalis sa aking tapat. "Hindi pa siya tulog. Nandoon siya sa kwarto niya. Pasok ka."
Nagpasalamat ako't agad na pumasok. Nakabukas ang pintuan ni Beatrice kaya't hindi na ako kumatok pa. Tinawag ko na lang ang pangalan niya kasabay ng pagpasok ko.
Huminto siya sa paglalagay ng tuwalya sa kanyang bag at lumingon sa akin. "France? Good evening! Bakit ka nandito?"
"Siyempre, dahil gusto kong makita ang maganda mong mukha."
Namula siya at hindi nakapagsalita.
Tumingin ako sa kanyang bag at kama. Mukhang kakasimula niya lang ihanda ang mga gamit niya dahil nandoon pa rin sa kama ang kanyang mga damit. Napunta sa isang tela ang aking paningin. Underwear 'yon, tama? Napangisi ako. Pink 'yon at may flowers pa talaga.
"Ano 'yang tinitingnan--" Napahinto siya sa pagsasalita at agad siyang naupo sa kanyang kama upang takpan ang kanyang underwear. "Pumikit ka o tumalikod!"
Natawa ako. Pulang-pula na ang kanyang mukha at hindi ko masabi kung kinikilig siya o nahihiya. Ang cute niya. "Bakit naman?" Sinubukan kong huwag magtunog na nang-aasar.
"Basta! Gawin mo na lang!"
"Nahihiya ka ba?" natatawang sabi ko.
"I told you to turn your back to me! Follow what I said, France!" Kahit tumaas na ang kanyang boses, parang ang hinahon pa rin niyang magsalita. At kailangan ba talaga niyang mag-English? Ang mga matatalino, iba kung magalit at madalas ay napapa-ingles na lang. "And just forget about it. Huwag mo rin akong aasarin."
Ginawa ko ang utos niya. "Huwag kang mahiya dahil hindi naman kita--"
"Shut up! Manatili kang nakatalikod until I tell you na pwede ka nang humarap."
"Okay, Miss Gorgeous," sagot ko.
Kahit hindi ko siya nakikita, alam ko kung ano ang ginagawa niya. Inilalagay niya ang bagay na 'yon sa bag para hindi ko na muling makita. Muntik na naman akong matawa. Nagpakita sa isip ko ang itsura no'n. Kulay-pink 'yon na may mga bulaklak. Ang cute nga, eh. Bakit ba siya nahihiya?
"Pwede ka nang humarap."
"Thank you naman." Humarap ako sa kanya at nagkunwaring may hinahanap. "Nasaan na 'yon? Bakit hindi ko na makita? Itinago mo na?" Pinigilan ko ang aking sarili na matawa.
"Huwag mo akong aasarin, sabi ko, 'di ba?" Binigyan niya ako ng nagbababalang tingin.
"Oo nga pala. Sorry na, Miss Gorgeous." Itinuro ko ang space sa tabi niya. "Makikiupo ako, ha?"
Tumango siya at naupo naman ako kaagad. "Bakit ka nga pala nandito?"
"Ayaw mo ba akong makita?" nakasimangot na tanong ko. "Nasagot na kita, ha. Nandito ako dahil gusto kong makita ang mala-diyosa mong mukha."
Namula siya at tumingin sa malayo. Kinikilig siya, 'di ba? Kinikilig nga siya! Kinikilig na rin tuloy ako! "Pwede bang tumigil ka na?" Humina ang kanyang boses.
Sige, ipahalata mo pang kinikilig ka. Hindi mo ba alam na mas kinikilig ako dahil diyan? Para na tuloy akong maiihi rito. Huwag naman sana.
"Ano ang ititigil ko?"
"'Yang ginagawa mo."
"Ano? 'Yong pagpapakilig ko ba sa 'yo?"
Tumingin na siya sa akin. "Basta tumigil ka na," sabi niya't muling iniwasang tingnan ako.
"Oh, sige."
Ayoko siyang asarin. Baka mas lalo pa akong kiligin at makaihi ako sa kama niya. Seryoso ako. Sobra ang kilig na nararamdaman ko at nagiging dahilan ito upang uminit ang katawan ko kaya't hindi ako nagbibiro nang maisip kong maaari akong maihi rito. Kapag naihian ko ang kama niya, baka mamatay na nang tuluyan ang pag-asang magustuhan niya ako. At ayaw na ayaw kong mangyari 'yon.
"Excited ka ba?" tanong ko upang basagin ang katahimikan.
Tumango siya. "Oo naman."
"Bakit?"
Tumingin siya sa mismong mga mata ko at gano'n din ang ginawa ko. Heto na naman 'yong kakaibang moment at pakiramdam. Parang nakikita ko na naman ang kaluluwa't buong pagkatao niya. Sa tuwing ginagawa namin ito, parang nakikita ko ang lahat ng tungkol sa kanya at wala na siyang maitatago sa akin. At gusto ko 'yon.
"Dahil. . .sure akong magiging masaya 'yon. Magsasaya ako kasama ni mama. . .at ikaw at ang family mo rin."
"Kung excited ka, mas excited ako," nakangiting sabi ko. "Bakit? Dahil makakasama ko ang mga taong mahal ko. Ang totoo, wala naman akong pakialam kahit saan pa kami pumunta. Ang mahalaga'y kasama ko sila't masaya kami."
Tumitig kami sa isa't isa. Kahit ilang segundo lang 'yon, parang napakahaba no'n. Nakapaligid sa amin ang katahimikan, ngunit nagustuhan ko 'yon. Parang gusto ko pa ngang lumapit sa kanya't hayaan ang katawan kong gawin ang nais nitong gawin. Bakit kasi nanonood ako ng romance movies? Alam ko na tuloy kung paano humalik ng babae.
Wala pang nakakakuha sa aking first kiss dahil hindi ko pa naman naranasang humalik. Sobrang bata ko pa at saka parang sina Beatrice lang at April ang mga babae sa buhay ko maliban sa mama't ate ko. Nirerespeto ko si Beatrice at nakatatak sa isip ko ang payo ng mga magulang ko kaya't hindi ko siya kailanman hinalikan, kahit gustong-gusto ko siya. Hindi ko naman gusto si April. Bukod sa ayoko sa ugali niya, ayoko ring siya ang maging first kiss ko.
Gusto ko sanang si Beatrice ang una kong mahalikan at gusto kong maging espesyal ang halik namin. Bakit ko ba ito iniisip? Resulta ito ng panonood ng romance movies. Natutunan ko tuloy na kung nais mong manatiling inosente o walang alam, mang-ingat ka sa pinapanood o tinitingnan mo.
"Pareho pala tayo, eh," sabi niya matapos ang ilang segundo. "'Yon din ang mahalaga sa akin." Tumingin siya sa malayo. "At gusto ko rin sanang makasama si papa, kahit isang buong araw lang. Wala akong pakialam kahit dito lang kami sa loob ng bahay sa araw na 'yon. Ang mahalaga'y makasama ko siya."
"Pero busy siya sa pagtatrabaho sa Manila?"
Tumingin siya sa akin at tumango. "Palagi siyang busy. Wala yatang araw na wala siyang ginagawa. I just hope nakakapagpahinga pa rin siya at hindi siya magkasakit."
"Ang bait mo talaga," komento ko at ngiti lang ang isinukli niya. "Busy ang papa mo, pero siguradong ngayon lang 'yon. Feeling ko, malapit nang dumating ang araw na magkakaroon na siya ng maraming free time at magkakasama na kayo nang matagal ulit."
"Talaga?" Tumango ako. "Sana nga, mangyari 'yan."
"Mangyayari 'yan. Kailangan mo lang maniwala."
Muli kaming binalot ng katahimikan, ngunit agad niya rin 'yong binasag. "Wait, pinayagan ka ba ng mama mo na pumunta rito sa ganitong oras? Noon kasi, pinapayagan ka lang niya kapag Pasko o Bagong Taon."
Ngumiti ako. Ang talino talaga niya. Maaari naman akong magsinungaling, ngunit hindi 'yon ang pinili kong gawin.
"Hindi, eh," sagot ko. "Tumakas lang talaga ako. Hindi kasi ako makatulong dahil sa sobrang excitement at saka gustong-gusto kitang makita. Alam ko namang hindi ako papayagang umalis nina mama kapag nagpaalam ako kaya pinili kong huwag sabihin sa kanila."
"Bakit mo 'yon ginawa?" hindi makapaniwalang sabi niya. "Magkikita naman tayo bukas, ha. Baka mapagalitan ka."
Tumayo ako. "Tama ka. Mukhang makakatulog na ako dahil nakita na kita. Aalis na ako. Matulog ka nang sapat at mabuti. Bye na!"
Agad akong nagpaalam kay tita at tumakbo papaalis. Pagdating ko sa bahay, ginawa ko ang ginawa ko noong umalis ako. Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan at dahan-dahan din akong humakbang. Ngunit napahinto ako nang makita ko si mama sa aking harapan. Magkakrus ang kanyang mga braso at walang emosyon ang kanyang mukha. Nagmukha siyang parang si ate.
"Akala mo hindi ko malalaman, ha?"
COME BACK TO MY SIDE
TiffGRa (Tiffany)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top