Chapter 3 (The Past)
FRANCE
KATULAD NG buhay dito sa probinsya, ang hanapbuhay ng mga tao rito ay simple lang din. Karamihan ng tao rito'y kumikita dahil sa pagtatanim ng mga gulay at pag-aalaga ng mga hayop. Isa na kami sa mga taong 'yon. At wala man kaming boss at oras na kailangang sundin, maaga kaming gumigising para gawin ang mga dapat naming gawin.
Noong araw ng pagtatanim ng mga gulay, tumulong ako. Ngayo'y oras na upang magdilig at muli akong tutulong. Iniisip siguro ng karamihan, lalo na ng mga taong walang alam tungkol sa buhay sa probinsya, na ang mga gawain dito ay mabigat at hindi maganda. Ngunit ang totoo, para sa akin, ang mga gawain dito ang pinaka-madaling trabaho sa lahat. At saka mahal ko na rin ito kaya't naging magaan na ito sa akin.
"Ang sipag mo talaga, France," komento ni ate na hindi ko napansing nasa likuran ko na pala.
Alas singko pa lang, gising na ako, kaya maaga rin akong nakatulong kay papa. Noong bumangon ako, natutulog pa si ate at ngayo'y kagigising lang niya.
Ibinaba ko ang baldeng may lamang tubig at lumingon kay ate. "Magandang umaga, mahal na prinsesa," pang-aasar ko.
Binigyan niya ako ng walang emosyong tingin. "Hindi ako prinsesa, I'm a queen," tugon niya at tumingin sa mga dinidiligan ko. "Malapit ka na bang matapos magdilig?"
Tumango ako. "Opo, dahil kanina pa ako nagdidilig. Pero kung maaga kang nagising at tinulungan mo ako, ate, siguro kanina pa ako natapos."
"Hindi ako nakikipagbiruan, France," seryosong sabi niya.
"Alam ko po."
Ganyan talaga si Ate Freya, seryoso at parang laging may regla. Ngunit minsa'y nagagawa naman niyang ngumiti, tumawa, at magpatawa. Katulad ng ibang babae, pabago-bago ang mood ng ate ko kaya't madalas, hindi ko alam kung ano ang sasabihin at kung paano ko dapat siya pakitunguhan. Tama si ate, hanggang ngayo'y hindi ko pa rin nauunawaan ang mga babae. Kung may lalaking nakauunawa nang lubos sa mga babae, siguradong napakalawak ng kanyang pang-unawa dahil katulad ng sinabi ni ate, weird ang mga babae.
"Nasaan pala si papa?" Inilibot niya ang kanyang paningin upang hanapin si papa.
"Kinuha niya 'yong kalabaw roon, ate," sabi ko sabay turo sa isang direksyon. "Ipupunta niya rito 'yon para hindi mainitan at madali niyang mapainom mamaya."
Tumango siya. "Ah, okay. Ipagpatuloy mo lang 'yang ginagawa mo at magluluto na ako."
"Sige po, mahal na prinsesa."
Binigyan niya ako ng masamang tingin. "Prinsesa? May prinsesa bang nagluluto?"
Ngumiti ako. "Ikaw, ate."
"E di wow," tugon niya na naging dahilan upang matawa ako nang mahina. Tumalikod siya at naglakad papunta sa bahay.
Binuhat ko ang baldeng bitbit ko kanina at ipinagpatuloy ang pagdidilig ng mga tanim namin.
Kahit hindi ako ganoon katalino at wala akong talent, hindi ko kailanman naramdaman na wala akong silbi dahil sa ginagawa kong pagtulong. Isa 'yon sa mga dahilan kung bakit mahal ko ang ginagawa ko. Kung nagtatrabaho ang iba upang magkaroon ng pera, ako nama'y nagtatrabaho upang magkaroon ng direksyon ang aking buhay at upang maramdaman kong espesyal ako kahit papaano.
Pagkatapos kong magdilig, nagwalis ako. Kasabay ng pagwawalis ko ay ang pagmamasid ko sa paligid. Napakatahimik at napaka-payapa talaga rito. Noong mas bata pa ako, hindi ko magawang ma-appreciate ang buhay at kapayapaang mayroon ako. Noon kasi, hindi ko pa nakikita ang tunay nitong kahalagahan at kagandahan. Ngunit tinuruan ako ng pamilya ko na mahalin ito. Ang ibang tao'y iniisip na ang pinakamagagandang bagay sa mundo ay mga materyal na bagay na maaari nating hawakan o mga bagay na nagiging dahilan ng pagkakaroon ng kumpetisyon. Ngunit para sa akin, ang pinaka-simpleng bagay sa mundo ang tunay na kayamanan. Iilan na lang talaga ang tao sa mundo na kayang makuntento at magpasalamat para rito.
Mga tao lang tayo at minsan, nagiging mapaghangad tayo. 'Yon ang dahilan kaya't iniisip nating kailangan nating ipagpalit ang mga simpleng bagay na nagpapaligaya sa atin para sa mga bagay na hinahangad ng karamihan. 'Yon din ang nagtutulak sa atin na makipagkumpitensya para makuha ang mga bagay na pinalalabas ng lahat na kailangan natin at pinakamahalaga sa lahat. At hindi ko kailanman ginustong maging isa sa mga taong 'yon. At hindi naman siguro ako maaaring tawaging duwag dahil dito?
Matapos kong magwalis, dumating na si papa dala ang kalabaw.
"France at 'pa, kakain na tayo!" malakas na sigaw ni mama.
"Papunta na kami, mahal!" nakangiting sagot nito. Lumapit siya sa akin at inilagay niya ang kanyang braso sa ibabaw ng kong balikat. "Halika na, anak. Kailangan mong kumain para mas matulungan mo pa si papa."
Sabay kaming naglakad ni papa.
"'Pa, kahit wala na akong makain o lakas, tutulungan ko pa rin kayo. Mahal ko kayo at ganoon na rin ang buhay natin dito."
Lumawak ang kanyang ngiti. "'Yan ang dahilan kaya mahal na mahal kita, eh. Mabuti na lang talaga't nagkaroon ako ng lalaking anak na nakatutulong sa akin. Salamat, anak."
"Wala 'yon, 'pa. Basta't palagi n'yo po akong bibigyan ng pera pagkatapos nating magbenta ng mga gulay."
"Oh, sige! 'Yon lang naman pala ang gusto ng masipag kong anak, eh."
Pagdating namin sa hapag-kainan, handa na ang aming umagahan. Habang ako'y tumutulong kay papa sa pagtatanim, pagdidilig, at paggawa ng iba pa niyang gawain, si ate nama'y tumutulong kay mama sa mga gawain nito. Nagkakaisa kami. Hindi perpekto ang pamilya namin, ngunit nagmumukha naman itong perpekto. Nagkakaroon din kami ng problema, may mga pagkakataong nag-aaway sina mama't papa, at may hindi rin pagkakaunawaan sa loob ng aming tahanan minsan. Ngunit ang patuloy naming pag-uusap at pag-unawa sa isa't isa, ang sabay-sabay naming pagkain at pagme-meryenda, at ang pagkakaroon namin ng bonding ang nagpapatibay ng aming relasyon.
Ang pamilyang ito ay kasama sa maraming dahilan kung bakit hindi na ako naghahangad ng mas higit pa sa buhay na mayroon ako at kung bakit nais kong manatili sa lugar na ito habambuhay. Ngunit kung hindi ganito kaganda ang aming pamilya, baka hangarin kong umalis sa lugar na ito. Karamihan sa mga taong umaalis sa isang lugar ay ginagawa 'yon hindi dahil ayaw nilang manatili kundi dahil may nais silang takasan. Kung hindi 'yon isang madilim na nakaraan, maaaring isa 'yong mabigat na ala-ala o masakit na katotohanan.
"Croo! Croo! Croo!"
Ngayo'y nagpapakain ako ng mga alaga naming manok. Dahil hindi ganoon karami ang mga ito, hindi na kami gumawa ng kulungan. Malawak naman ang aming lupa kaya't malaya silang magpunta sa kung saan-saan. At saka magkakalayo ang mga bahay rito at wala naman sigurong magtatangkang magnakaw o umangkin sa mga ito kaya't hinahayaan namin silang maging malaya.
Pagkatapos kong magpakain ng manok, nanood ako ng TV sandali. Noong mainip ako, lumabas ako ng aming bahay. Kasabay no'n, nakita ko si papa, na hawak ang isang bote na halatang may lamang malamig na tubig, na naglalakad papalayo.
Tumakbo ako upang lumapit sa kanya. "Saan ka pupunta pa?"
Huminto siya sa paglalakad. "Pupunta ako sa may mga sitaw at okra, anak. Tatanggalin ko 'yong mga damong nakapaligid sa kanila."
Ilang araw na nga palang nililinis ni papa ang paligid ng mga tanim namin. Bukod sa nais nitong magmukha itong malinis, nakaaapekto rin sa pagtubo at paglaki ng mga sitaw at okra ang mga damo.
"Tulungan na kita, 'pa," sabi ko. Wala naman akong maisip gawin kaya't tutulong na lang ako kay papa. Pero ang totoo, gusto kong puntahan si Beatrice, ngunit hindi magandang bawat oras ay nandoon ako. Halos araw-araw na nga akong nandoon at ayoko na 'yong palalain pa.
"Ang init-init, France, kaya huwag na. Doon ka na lang sa loob ng bahay," tugon nito.
Kahit gusto ni papa ang pagtulong ko sa kanya sa kanyang mga gawain, ayaw niyang gumagawa ako ng mga mabibigat na trabaho at mahirapan ako. Pero hindi naman mabigat na trabaho ang paglilinis sa paligid ng mga tanim, ah. Hindi rin naman ako mahihirapan kung kasabay no'n ay ang pagbababad ko sa ilalim ng mainit na araw. Kayang-kaya ko 'yon.
"'Pa, payagan n'yo na ako. Ang boring po kaya sa bahay."
"E di manood ka."
"Katatapos ko lang pong manood ng TV."
"Magbasa ka na lang. Gayahin mo ang ate mo."
Napakamot ako sa aking ulo. "'Pa, mas mahirap pong magbasa kaysa magtanggal ng damo." Kumunot ang kanyang noo. "Hindi ko po sinasabing ayaw kong mag-aral o matuto. Ang ibig ko pong sabihin, magkaiba kami ni ate at hindi lahat ng bagay na nakakaaliw sa kanya ay nakakaaliw rin sa akin."
"Ganoon ba?" Nag-isip ito sandali. "Hiramin mo na lang 'yong cell phone ko sa mama mo at maglaro ka o manood doon."
Halos mapairap ako. "'Pa, ayaw ko rin po no'n."
Wala akong sariling cell phone. Hindi ito dahil wala kaming pambili o ayaw akong bilhan nina mama't papa. Ayaw ko ang may ayaw nito. Bukod sa ayokong gumastos sila, tingin ko'y wala namang magandang maibibigay sa aking ang paggamit ng cell phone. Karamihan sa mga kilala kong may cell phone ay naadik. Isa na yata roon ang ate ko? Biro lang.
"Eh, ano ba'ng gusto mo? Gusto mo bang mag-meryenda?"
"Gusto ko po kayong tulungan."
Natawa si papa. "Hindi ka talaga susuko, ha?"
"'Yon po talaga ang gusto ko, eh. Mas okay po 'yon para mas mabilis matapos ang gawain n'yo."
Ngumiti siya. "Matulungin ka talaga, anak. Isa ka talagang biyaya. Kayo ng ate mo ay biyaya mula sa Diyos at ang pinaka-magandang regalong natanggap ko."
"Eh, si mama po?"
"Siyempre, kasama na rin siya roon. Kung wala siya, wala kayo. Kung kayo ang regalo, siya ang lalagyan." Pareho kaming tumawa. "Tara na upang masimulan na nating maglinis."
Matapos naming maglinis ni papa, nag-meryenda kami. Kasama naming nag-meryenda sina mama't ate. Katatapos lang namin nang biglang dumating ang kaibigan ni papa na halatang lasing at may dala pang alak. Nakapasok siya sapagkat nakabukas ang aming gate. Nalimutan ko 'yong isara kanina kasi nasanay na akong isara lang 'yon kapag gabi na.
"Pare! Inom tayo!" Halos hindi ko naunawaan ang sinabi niya dahil para siyang ngungo.
Nag-iinom din si papa kaya't may kaibigan siyang mahilig uminom. Isa 'yon sa mga sanhi ng pag-aaway nila ni mama. Hindi ko naman ako nagtataka kung bakit dahil kahit ako, naiinis kapag nasosobrahan ni papa ang pag-inom ng alak. Kapag kasi sobra ang alak na nainom ni papa, para siyang nawawala sa sarili, katulad na lang ng kaibigan niyang nandito ngayon na si Uncle Mario.
Mula pa noon, mahilig nang uminom ng alak si Uncle Mario. Ngunit mas lumala siya. Kung tama ang narinig kong balita, iniwan siya ng kanyang asawa para sumama sa isang dayuhan. Bukod sa gwapo raw ang dayuhang 'yon, mayaman din ito. Wala silang anak kaya't mag-isa na lang siya ngayon. Wala na siguro siyang nakikitang dahilan para mabuhay kaya't wala na siyang maisip gawin kundi sirain ang buhay niya.
"Pareng Mario, sobrang aga pa, lasing na lasing ka na. Itigil mo na 'yan, p're, para hindi masira ang kalusugan mo."
Tumawa siya. "Pareng Benjie, hindi pa ako lasing. Kayang-kaya ko pang uminom ng maraming alak," tugon niya.
"Pare, tama na 'yan." Tumayo si papa. "Ibigay mo nga sa akin 'yang alak mo."
Tahimik lang kaming lahat. Si mama'y katulad ko na pinanonood lang sila. Si ate nama'y nagpanggap na abala sa paggamit ng kanyang cell phone kahit halata namang nakikinig at nag-o-obserba siya.
Inilayo niya ang bote mula kay papa. "Pare, huwag mo na akong pigilan. Dapat sinasamahan mo na lang akong uminom. Alam mo namang malaki ang problema ko ngayon, 'di ba?"
"Pare, alam ko naman 'yon. May problema ka kaya mas dapat mong itigil ang pag-inom. Paano mo mahaharap at malalampasan ang problema kung magsasayang ka ng oras sa pag-inom ng alak?"
Kahit umiinom ng alak si papa, magaganda at matibay ang kanyang paniniwala kaya't hinahangaan ko pa rin siya. Pero may mga paniniwala siyang nababali niya minsan at kapag sobra ang nainom niya, parang nagiging ibang tao siya, at hindi ko talaga gusto 'yon. Hindi ko lang kailanman ipinaalam 'yon sa kanya.
Tumawa siya at itinuro si papa. Hindi tuwid ang kanyang pagtayo at para na siyang sumasayaw. Halatang lasing na lasing talaga siya. "Ikaw ba talaga 'yan, pare? Kung magsalita ka, parang hindi ka umiinom tulad ko, ah."
"Oo, umiinom ako, pero alam ko ang limitasyon ko."
Hiniling ko sa isip ko na sana'y palaging alam ni papa ang kanyang limitasyon para hindi na siya uminom nang sobra at hindi na siya mawala sa sarili.
"Ang seryoso mo naman, pare." Tumawa siya na parang may nakakatawa talaga. "Kung ayaw mong maglasing, dapat sinabi mo na sa akin kaagad. Sige, aalis na ako. Maghahanap na lang ako ng ibang kainuman." Naglakad siya papalayo.
Hinintay kong mawala muna siya bago ako lumapit sa gate upang isara 'yon. Gusto ko lang siguruhing wala nang lasing na lalaking papasok dito. Baka mapalapit pa kami sa gulo. Kahit gaano pa kapayapa ang lugar na ito, dahil sa mga taong walang ibang magawa, nagkakaroon ng ingay, away, at gulo rito.
"Hindi pa rin okay si Mario. Halos palagi na siyang naglalasing." Ang komento ni mama na 'yon ang una kong narinig pagkabalik ko. Mukhang nagsimula na silang mag-usap.
"Paano naman siya magiging maayos? Pinagtaksilan lang naman siya ng kanyang asawa dahil sa gwapo at mayamang foreigner," tugon ni papa. "Daig talaga ng gwapo't may perang lalaki ang isang mapagmahal na asawa."
"Pero ano ba ang alam natin, 'pa? Baka nagsawa lang 'yong asawa niya kasi mahilig siyang mag-inom."
Parang naging malungkot ang mukha ni papa. "Eh, ako? Umiinom din ako. Magsasawa ka rin ba sa akin?"
Lumapit si mama sa kanya, naupo sa kanyang tabi, at ipinatong nito ang kanyang ulo sa kanyang balikat. "'Pa, huwag kang ganyan. Siyempre, hindi ako magsasawa sa 'yo. Mahal na mahal kaya kita." Lumayo si mama kaunti upang tingnan si papa. "At saka huwag mo akong ikukumpara sa asawa ng kaibigan mo dahil magkaiba kami. Hindi ako katulad niya."
Ngumiti si papa. "Alam ko naman 'yon, mahal. Pasensya na."
Napangiti ako. Kinikilig ako habang pinanonood sila. Nawala ang ngiti ko noong mapunta sa mukha ni ate ang aking paningin. Kanina niya pa pala ako binibigyan ng nandidiring tingin. Tinaas ko lang kilay ko upang bigyan siya ng nagtatanong na tingin. Hindi ba siya kinikilig? Babae siya, 'di ba? Baka hindi?
"Okay lang 'yon, 'pa. Basta't lagi mong tatandaan na kahit hindi ikaw ang pinakagwapo at pinakamayamang lalaki sa mundo, iyong-iyo lang ang puso ko. Hinding-hindi kita ipagpapalit."
Lumawak ang kanyang ngiti at parang naging pula ang kanyang pisngi? Nagba-blush ba si papa? "Mahal kita, 'ma," sabi nito't ilalapit na sana ang kanyang mukha sa mukha ni mama, ngunit naalala nitong nandito kami. "Nanonood pala ang mga anak natin." Tumawa si papa.
"'Pa, bakit po hindi nagsampa ng kaso si Uncle Mario laban sa asawa niya kung kasal sila?" tanong ko ng hindi nagdadalawang-isip.
Kung hindi ako nagkakamali, pwedeng kasuhan ng isang asawa ang kanyang taksil na asawa. Kailangan lang yata niya ng pruweba? Pero nagsasama na ang ibang lalaki ng asawa ni uncle at kung tama ako, dinadala pa niya ang anak no'ng dayuhan.
Pinalo ako ni ate nang mahina sa braso. "Huwag kang sumasali sa usapan ng mga matatanda."
"Ate Freya, nagtatanong lang naman po ako. Wala pong masama ro'n, 'di ba? At saka sabi nila, marunong ang nagtatanong."
Umirap siya. "Gumawa ka pa ng excuses."
"Freya, hayaan mo na ang kapatid mo. At tama naman siya, marunong talaga ang nagtatanong." Tumingin sa akin si papa. "France, kahit may bisyo ang uncle mo, mahal na mahal niya ang asawa niya kaya't hindi na siya nagsampa ng kaso. Kahit nga kasama niya pa noon sa ilalim ng iisang bubong ang auntie mo noong nalaman niyang nabuntis siya ng iba niyang lalaki, hindi niya ito sinaktan. At saka kahit magsampa siya ng kaso, hindi naman babalik sa kanya ang asawa niya. Ang kaya niya lang gawin ay ang mag-inom ng alak at gumawa ng gulo."
Nag-isip ako ng sunod kong itatanong. "Bakit po kaya daig ng lalaking may magandang itsura at maraming pera ang lalaking mabait at mapagmahal?"
Bakit may mga babaing dumudurog ng puso ng mga lalaking mabubuti dahil sa mga lalaking gwapo't may kayamanan? Dahil ba hindi sapat ang pag-ibig lang? Hindi rin naman sapat ang panlabas na anyo at pera, ah. Bakit ba ang daming babaing manloloko? Naniniwala ang marami na ang marunong lang manloko ay ang mga lalaki, ngunit ang totoo, pati ang mga babae ay nanloloko rin. Kung uunawain mo ang buhay, makikita mong hindi ito unfair at patas lang ang lahat. Ngunit para sa mga taong nasaktan at naloko, madaya ang buhay.
"Hindi ko alam, anak, eh. Paano ko naman malalaman kung may mabuti't mapagmahal akong asawa?" Ngumiti ito at tumingin kay mama.
"Oo nga naman," sabi naman ni mama.
Dahil wala pa akong karanasan at masyado pa akong bata, kahit ako, hindi alam ang sagot sa aking tanong. Ngunit para sa akin, ang tanong ko na: bakit may mga babaing mas pinipili ang lalaking gwapo't mayaman kaysa ang lalaking may mabuting puso? ay kasing-simple ng tanong na bakit may mga taong mas pinipili ang kumplikadong buhay sa siyudad kaysa sa napaka-simpleng buhay sa probinsya?
Matutulog na sana kami sa gabi nang may biglang tumawag sa pangalan ni papa. "Uncle Benjie!" sigaw ng isang boses. "Tulungan n'yo po si Uncle Mario!"
Lahat kami'y napatayo. Si ate ay nanatili sa loob ng bahay. Ako nama'y sumama kina mama't papa sa pagpunta sa may gate. Sinubukan akong pigilan ni ate at sinabi pa niyang huwag akong makikialam, ngunit hindi ko siya pinakinggan. Tumayo lang ako sa likod ng aking mga magulang kasabay ng pakikipag-usap nila sa batang nagngangalang Jane, pamangkin siya ni Uncle Mario.
"Bakit? Ano ba ang nangyayari?" tanong ni papa.
"Si uncle po, nakahanap ng kaaway. Nagkukwentuhan lang naman po sila at nagtatawanan tapos bigla na lang po siyang sinuntok ng kainuman niya," kwento niya.
Isa lang 'yan sa mga hindi magagandang naidudulot ng sobrang kalasingan. Marami talagang pangit na bunga ang pag-iinom ng alak.
"Gano'n ba? Sige, pupunta--"
Hindi pinatapos ni mama ang sasabihin ni papa bago siya nagsalita. "Wala bang ibang tao roon? Imposible naman yata 'yon? Bakit walang sumubok na patigilin ang gulo at kinailangan mo pang puntahan kami rito para humingi ng tulong?"
Kung may ibang nakarinig kay mama, tiyak hinusgahan na nila siya at marami na silang nasabing hindi magagandang komento tungkol sa kanya. Ngunit ang mga taong gagawa no'n ay ang mga taong makikitid ang utak. Nauunawaan ko si mama. Gusto lang niyang protektahan si papa. Kapag may kaguluhan, hindi magagawang sumali ng mga asawang babae sa laban. Ang kaya lang nilang gawin ay tulungan ang kanilang asawa na umiwas sa gulo o 'di kaya'y sumigaw. Kaya nga sila tinawag na ilaw ng tahanan. Sila ang liwanag at ang gulo'y sumisimbolo ng kadiliman.
Naniniwala akong ang mabuting asawa'y hindi itutulak ang kanyang asawa na lumapit o pumasok sa gulo. Kahit magmukha pa siyang makasarili't masama, mas pipiliin niyang pigilan ang asawa niyang tulungan ang ibang tao sa isang kaguluhan kaysa gawin ang kabaligtaran.
"Mahal..." bulong ni papa kay mama, ngunit hindi siya nito pinansin at nanatili lang ang kanyang paningin sa bata.
Umiling si Jane. "Wala pong nagtangkang gawin 'yon. Marami po ang nanonood sa nangyayari, pero wala silang pakialam ano man ang mangyari sa mga nagbubugbugan."
"Eh, bakit sa amin ka lumalapit--"
"Nasaan ba siya?" tanong ni papa.
Tuluyan na siyang tiningnan ni mama at binigyan siya nito ng nagbababalang tingin. "Benjie, hindi kita pinapayagang makisali sa gulo ng iba."
"Mahal," sabi nito sabay hawak sa kanyang magkabilaang balikat. "Hindi naman ako sasali sa gulo. Tutulungan ko lang si pare. Magtiwala ka sa akin." Ngumiti pa si papa.
"Sinabi mo rin 'yan sa akin dati, pero ano'ng nangyari? Umuwi kang puno ng dugo at ikaw pa ang nagmukhang masama sa dulo dahil iniisip ng lahat na isa lang pakialamero. Huwag ka na ngang magpakabayani dahil wala namang kikilala sa 'yo. Mas may masasabi lang sila sa 'yo kaya't huwag mo nang gawin ang binabalak mo."
Isa lamang ang pagiging bayani ni papa sa mga sanhi ng ilang pag-aaway nila ni mama. Hindi naman na ako nagtataka kung bakit.
Bigla kong naalala ang nangyari noon kay papa. Nagkaroon noon ng gulo. Ang sanhi ng gulong 'yon ay ang babaing nagsuot ng maiksing damit at parang kinulang sa tela. Binastos daw siya ng isang lalaki na naging dahilan upang suntukin ito ng kanyang boyfriend na kainuman at kaibigan ng bumastos sa kanya. Sinubukang pahintuin ni papa ang mga lalaking 'yon sa pagsasakitan. Ngunit sumali naman ang dalawang kaibigan ng lalaki na nandoon din at nagtulungan silang saktan ang papa ko. Sa huli, umuwi si papa na halos basag ang kanyang mukha at hinusgahan pa siya ng mga tao. Sinabi nila na away raw 'yon ng mga bata at hindi raw dapat siya nakisali. Wala naman daw 'yong kinalaman sa kanya at hindi taga-rito ang mga lalaking nag-inuman (dahil 'yong babae lang ang taga-rito) kaya't hindi raw siya dapat nakialam.
Hindi ko talaga alam kung matutuwa at hahanga ako kay papa noong mga sandaling 'yon. At noong mga oras na 'yon, naitanong ko sa sarili ko kung tama bang umakto ka na parang isang bayani kahit ang kapalit nito'y ang sarili mong buhay at ang kapayapaang mayroon ka? Kung magiging isang bayani ako ng walang kapalit, wala 'yong problema sa akin. Katulad ito ng pagtulong ko sa mga gawain ni papa, kahit wala itong kapalit, masaya akong tumulong. Ngunit kung wala na nga akong matatanggap tapos mayroon pang mawawala sa akin dahil sa pagtulong ko, ibang usapan na 'yon.
"Mahal, magtiwala ka sa akin," sabi nito, hindi inaalis ang ngiti sa labi. Bumaling siya kay Jane. "Sasama ako. Nasaan siya?" Sinimulang buksan ni papa ang gate.
"Benjie--"
Hinawakan ko ang kamay ni mama kaya't napatingin siya sa akin. "Ma, huwag na po kayong mag-alala. Sasama po ako kay papa."
Umiling si mama. "Huwag."
Ngunit hindi ko sinunod ang sinabi niya at pagkabukas na pagkabukas ng gate, sumama ako kay papa sa pag-alis.
Kung gusto nina mama't ate na manatili sa bahay, walang problema roon. Ngunit hindi ko magagawang gawin 'yon habang si papa'y sinusubukang solusyon ang problemang sinimulan ng ibang tao. Kahit bata pa ako, alam ko na kung ano ang dapat gawin ng isang lalaking anak na gaya ko. Inaasahan ako ni papa. Ako ang dapat na palaging nasa tabi niya't handang tumulong sa kanya, lalo na sa ganitong klase ng pagkakataon.
"G*g* ka, ah! Totoo naman 'yong sinabi ko! Pareho kayo ng asawa ko, hindi kayang makuntento kaya't marami kang naging kabit!" sigaw ni Uncle Mario sabay suntok nang paulit-ulit sa lalaking nakilala ko pagkatapos ng ilang segundong pagtitig sa mukha nito.
Si Uncle Freddie 'yon, isa sa mga nakainuman na ni papa ngunit hindi niya ito kaibigan. Ang totoo, noong umpisa'y magkaibigan sila ngunit sinabihan ni mama si papa na layuan siya dahil hindi siya magandang impluwensiya. Takot siguro si mama na magawa ito kay Uncle Freddie na isang taksil na asawa't mahilig sa mga babae, lalo na sa mas bata.
Sinuntok din siya nito nang paulit-ulit ngunit napahinto siya nang biglang lumitaw si papa. Nasa pagitan na nila siya ngayon at sinusubukan silang paglayuin. Dahil patuloy sila sa pagsuntok, ang ama ko ang nasasaktan nila. Parang gusto ko tuloy pumunta roon at basagin ang mga mukha nila.
"Itigil n'yo na 'to! Tama na!" Mataas ang kanyang boses.
Huminto sila sa pagsuntok ngunit hindi sila tumigil. Sa halip ay sinubukan nilang lapitan ang isa't isa habang patuloy si papa sa pagtulak sa kanila upang hindi ito mangyari.
"Papatayin kita!" sigaw ni Uncle Freddie. "Akala ko ba, magkaibigan tayo? Ha?! Bastos ka pala, eh!"
Tumawa si Uncle Mario. Nababaliw na siguro siya dahil sa pinagdaraanan niya. "Totoo 'yong sinabi ko, pare. Pareho kayo ng asawa ko, manloloko kayo! Pare, pwede mo bang i-kwento sa akin ang sanhi kung bakit kayo nagiging makati?"
Sinubukan nitong lapitan si Uncle Mario. "Papatayin talaga kita! Magkaiba kami ng asawa mo, ul*l! Mas nakakahiya 'yong ginawa niya dahil hindi lang siya nagpagamit sa ibang lalaki, minahal niya pa ito. Eh, ako? Kahit gumamit pa ako ng maraming babae, uuwi at uuwi pa rin ako sa asawa ko. Ikaw, pare, hinding-hindi ka na niya babalikan. At saka siguro wala kang kwenta--"
Ang bilis ng pangyayari. Sa isang iglap, muli na naman silang nagsusuntukan. Pati si papa, nagulat kaya't hindi siya nakakilos kaagad. Mukhang galit na galit si Uncle Mario.
"Ikaw ang papatayin ko, animal ka! Ikaw ang walang kwenta!" Binigyan niya ito ng mabibigat sa suntok sa pisngi't tiyan.
"Magsama tayo sa impyerno, ul*l!" Sumuntok din ito nang paulit-ulit.
Sinubukan silang patigilin ni papa. Halos mapahinto na sila nito nang bigla na lang sakayan ni Uncle Freddie si Uncle Mario at binigyan ito ng sunod-sunod na suntok.
"Mamatay ka na!"
Nagpasuntok naman ang kaibigan ni papa. Mukha namang may lakas pa siya at kaya pa niyang lumaban, ngunit hindi na niya sinubukan. Sobra siyang nasasaktan. Sobrang nadurog ang puso niya. Gusto niya lang siguro ng bagay na tutulong sa kanyang magising dahil parang isang malaking bangungot ang mga ng pangyayari sa buhay niya. Ngunit kahit suntukin pa siya nang suntukin at kahit mabasag pa ang kanyang mukha, hindi na nito mababago ang katotohanang iniwan na siya ng kanyang asawa. Siguradong napakasakit maiwan at dahil doon, hiniling kong sana'y hindi mangyari sa akin 'yon.
COME BACK TO MY SIDE
TiffGRa (Tiffany)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top