Chapter 2 (The Past)
FRANCE
SA MGA napapanood ko, halos laging ang bidang lalaki ay mayaman at may sariling sasakyan. Minsan pa nga'y may sarili pa itong driver. Napaka-cool no'n at sa palagay ko, isa 'yon sa mga dahilan kung bakit ang mga gano'ng lalaki ay nagugustuhan ng mga babae.
Pinangarap kong magkaroon ng mga bagay na mayroon ang mga lalaking 'yon. Siguro'y kung ganoon ako ka-cool, mas mapapansin ako ni Beatrice at baka magustuhan niya rin ako gaya ng pagkagusto ko sa kanya. Ngunit hindi 'yon natupad. Bukod sa bata pa ako at walang kakayahang magkaroon ng gano'ng mga bagay, isa lang akong simpleng probinsyano. At saka wala ako sa isang movie o libro kung saan ang imposible'y maaaring maging posible.
Ngayong araw, ako, si Beatrice at ang dalawa pa naming kaibigan na sina Mavin at April ay mapapasok sa school. Sabay-sabay kaming naglalakad ngayon gaya ng lagi naming ginagawa tuwing may pasok. Palagi kong hinihiling na kaming dalawa na lang ni Beatrice ang magkasama, pati sa paglalakad, ngunit hindi ito nangyayari.
"Beatrice, napakaganda mo ngayon," komento ko habang pinagmamasdan ang maganda niyang mukha.
Halos palagi ko siyang pinupuri. Pagpuri nga ba ang tawag doon o pagsasabi ng totoo? Bukod sa gusto kong mas mapansin niya ako, hindi ko mapigilan ang sarili kong gawin 'yon. Bakit kasi sobrang ganda niya? Para siyang diyosa.
Ngumiti siya. "Salamat--"
Hindi hinintay ni Mavin na matapos niya ang sasabihin niya bago siya nagsalita. "Ngayon lang ba siya maganda, France? Bakit parang iniinsulto mo siya?" kunot-noong sabi niya.
Halos mapairap ako dahil sa sinabi niya. Si Mavin talaga, hindi na nagbago. Ganyan ba siya dahil mas matanda siya kaysa sa akin o gusto niyang sirain ang diskarte ko? Isa ito sa maraming dahilan kung bakit gusto kong kaming dalawa lang ni Beatrice ang magkasama.
"At France, hindi mo ba papansinin ang kagandahan ko?" Biglang nagsalita si April. Nakakunot ang kanyang noo at pumunta siya sa aking tabi. "Bakit palaging si Beatrice na lang ang napapansin mo? Pwede bang kahit minsan, purihin mo naman ako?" Nagpa-cute pa siya.
Halos mapairap na naman ako. Nakakainis din itong si April. Attention-seeker talaga siya. Bakit kasi hindi siya nabigyan ng sapat na pansin ng pamilya niya? Nagsisimula talaga sa loob ng tahanan ang lahat. Ang nagawa ko na lang ay humiling na lumitaw ang maraming lalaki rito upang hindi na siya sa akin magpapansin. Ngunit walang nangyari. Ang nakikita ko pa rin ay ang mga puno, damo, halaman, bahay, at ang bughaw na kalangitan.
Wala bang ibang magawa ang dalawang ito kaya't sinisira na lang nila ang diskarte ko? Sa isang kwento, hindi talaga mawawala ang mga kontrabida, 'no?
"Mavin, papuri 'yon at hindi insulto, okay? Hindi naman ikaw ang kinakausap ko, eh."
Mas kumunot ang kanyang noo. Palaging masungit ang kanyang itsura na parang may sumira ng araw niya kaya parang nagmumukha na siyang babae. "France, hindi mo na ako iginagalang. Baka nakakalimutan mong mas matanda ako sa 'yo?"
"Hindi ko 'yon nakakalimutan, Mavin. Bukod sa isang taon lang ang lamang ng edad mo sa akin, hindi ko rin alam kung kuya o ate ang itatawag ko sa 'yo. Mukha ka na kasing babae." Pinigilan ko ang aking sarili mula sa pagngisi.
"Ano?!" Tumaas ang kanyang boses. "Lumapit ka nga sa akin, France!"
Pumunta ako sa likuran ni Beatrice para magtago. "Beatrice, iligtas mo ako. Nariyan na naman kasi ang monster na napaka-sungit."
Sinubukan akong lapitan ni Mavin, ngunit prinotektahan ako ni Beatrice. Kung isa siyang monster, si Beatrice ang aking savior. "Mavin, tama na. Sinusubukan ka lang niyang asarin at hinayaan mo naman siyang magtagumpay."
"Beatrice, huwag mo nang ipagtanggol ang lalaking 'yan. Deserve niyang masaktan dahil bastos niya."
"Paano naman ako naging bastos?"
Bumulong sa akin si Beatrice, "France, tumigil ka na."
Agad akong nanahimik dahil 'yon ang gusto niya.
"France, kahit magpinsan tayo, hindi tayo close kaya huwag kang feeling-close. Si Beatrice lang ang pwedeng tumawag sa pangalan ko lang, at ikaw at si April, kailangan n'yo akong igalang."
Oo, pinsan ko si Mavin at oo, hindi kami ganoon ka-close kahit magkaibigan kami. Mas close pa nga sila ni Beatrice, eh. Hindi naman ako nagseselos dahil atensyon lang naman ni Beatrice ang kailangan ko, at saka may tiwala ako sa kanya dahil para siyang bakla. Sana lang, tama ang hinala ko at hindi niya subukang agawin si Beatrice mula sa akin.
"Life is so unfair!" April said. "Si France, si Beatrice lang ang pinupuri at ikaw naman, si Beatrice lang ang ka-close. May lugar pa ba ako sa mundo? Bakit parang hindi ako part ng pagkakaibigang ito?"
Ang arte talaga ng babaing ito. Hindi ko gusto ang pananalita at pagkilos niya. Ang totoo, siya mismo ay hindi ko gusto at lahat ng bagay na tungkol sa kanya. Hindi ko nga alam kung bakit at paano ko siya naging kaibigan. Pero kahit na gano'n, mas maganda pa ring magkaroon ng mas maraming kaibigan kaya't wala akong balak na burahin siya sa buhay ko.
"Life isn't unfair. Sadyang wala lang may gusto sa 'yo," sabi naman ni Mavin na naging dahilan upang matawa ako.
Bakit gano'n ang boses at pananalita ni Mavin? Medyo maarte at halos katulad ng kay April. Para talaga siyang bakla. Ang kulang na lang ay gamitin niya ang lengguwaheng ginagamit ng mga bakla.
"Nakakainis ka, Mavin!" Tumingin siya sa akin. "At ikaw rin France! Nakakainis talaga! Wala ba akong kakampi rito? Mag-isa lang ba talaga ako? This is not right!"
Hinawakan ni Beatrice ang kanyang balikat. "April, huwag mong seryoso-hin 'yong sinabi ni Mavin dahil nagbibiro lang siya. At sigurado akong mayroong nagkakagusto sa 'yo at gusto kong malaman mo na kakampi mo ako."
Niyakap niya si Beatrice. "You're so kind, Beatrice! True friend ka talaga! Love kita!"
"Ako rin, mahal din kita," nakangiting sabi niya.
Napangiti ako.
Nagpatuloy kami sa paglalakad. Nanahimik na ako. Samantala, silang tatlo'y nagsimulang mag-usap tungkol sa iba't ibang bagay. Hinayaan ko lang sila. Madalas talaga akong ganito kapag magkakasama kaming apat, tamihik lang. Nawawalan kasi ako ng sigla at ang gusto ko, sa harapan lang ni Beatrice ako di-diskarte. Hindi sa wala akong tiwala kina Mavin at April. Mas komportable lang ako kapag si Beatrice lang ang kasama ko.
"Balita ko, naghiwalay na si Kent at ang girlfriend niya. Crush mo siya, 'di ba? At balita ko rin, may bagong business na ang family niya. Ang swerte mo! Siya ang tunay na prize, bonus na lang 'yong kayamanan nila kaya huwag ka mo nang hintaying dumating ang Pasko at kumilos ka na, Beatrice!" sabi ni Mavin.
Isa 'yon sa mga rason kung bakit naisip kong bakla ang aking pinsan. Katulad ng mga pangkaraniwang babae, mahilig din siyang makipag-usap tungkol sa mga lalaki o sa crush ng iba. Kung sinabi niyang may crush siyang lalaki, iisipin ko na nang tuluyan ng walang duda na bakla siya. Ngunit kahit kailan ay hindi niya pa nabanggit ang kanyang crush kaya't may pagdududa pa rin ako
Gusto kong magsalita, ngunit nanahimik ako. Ang nagawa ko lang muna ay pakunutin ang aking noo.
"Nag-break na sila? Hindi ba't noong nakaraang linggo lang naging sila? At saka sino ang nagsabing crush ko siya?" kunot-noong tanong ni Beatrice.
Nangangahulugan kaya 'yon na hindi niya gusto si Kent? Para akong nakahinga nang maluwag.
"Hindi na 'yon kailangang sabihin ng kahit sino sa akin dahil halata namang crush mo siya. Hindi mo ako maloloko, Beatrice."
Hindi siya titigil? Nagsisimula na akong mainis sa kanya. Bakit ba interesado siyang malaman at pag-usapan ang crush ng iba? Wala yata talaga siyang ibang magawa.
"Aminin mo na kasi, Beatrice, kung crush mo siya. Tayo lang naman ang nandito at mga kaibigan mo kami. Magtiwala ka sa amin kahit hindi kami mukhang katiwa-tiwala."
Nagsalita na ako. "April, kahit kaibigan tayo ni Beatrice, wala tayong karapatang malaman ang mga bagay na dapat ay sikreto lang niya. At ikaw na rin ang nagsabi, kaibigan niya tayo kaya dapat alam natin ang limitasyon natin. Baguhin n'yo na lang ang topic ninyo."
Umirap si Mavin sabay sabi, "Eh, bakit ka ba biglang nagsasalita, France? Hindi ka naman namin kinakausap, ah."
Kumunot ang aking noo. "Mavin, kaibigan n'yo rin ako kaya may karapatan akong magsalita rito."
Tumaas ang kanyang kilay. "Oh, talaga? Kaibigan ka namin? Eh, bakit tahimik ka pa mula kanina at parang may sarili kang mundo?"
Hindi ko na napigilan ang aking sarili mula sa pagkainis sa kanya. Bakit ba palagi niyang kinokontra ang mga sinasabi ko? Pinsan ko ba talaga siya? Ang magkakadugo, dapat nagtutulungan. Isa 'yon sa mga itinuro sa akin ng mga magulang ko. Pero siya pa mismo ang sumisira sa mga diskarte ko.
"Mavin, huwag ka namang ganyan," sabi ni Beatrice. "At dahil ang crush ko ang sanhi kung bakit kayo nagkakaganyan, sasabihin ko na sa inyo ang totoo. Crush ko nga si Kent."
Binigyan ko siya ng hindi makapaniwalang tingin. Hindi ko inasahang 'yon ang sasabihin niya kaya't mas nasaktan ako. Nagsimulang matusok ang aking dibdib at madurog ang aking puso. Parang katapusan na ng mundo. Mas gusto ko pang malaman na wala siyang crush at walang pag-asang magustuhan niya rin ako kaysa ang malamang may crush siyang iba at hindi ako 'yon.
Parang ayaw ko nang mabuhay at gusto ko na lang mamatay. Ganito pala ang pakiramdam kapag sawi ka sa pag-ibig? Sobrang sakit!
"Sabi ko na nga ba," sabi ni Mavin.
"Ayieeh!"
Dumagdag pa ang dalawang ito. Nasasaktan na ako habang sila'y halatang masaya at handang suportahan si Beatrice at ang kanyang crush. Mga kaibigan ko ba talaga sila?
"Crush ko lang siya which means hinahangaan ko lang siya. Tingin ko dahil lang 'yon sa maganda niyang mukha at 'yon lang 'yon."
Mas nasaktan pa ako. Gwapo si Kent sa paningin niya. Eh, ako? Ano ako sa paningin niya? Pangit ba ako? Hindi ba ako karapat-dapat sa atensyon at paghanga niya? Parang gusto ko nang simulang isiping unfair ang buhay.
"Baka hindi mo lang siya crush? Hindi ba't crush mo na siya simula pa noong pasukan?"
Tumango siya. "Oo, pero sigurado ako sa kung ano ang nararamdaman para sa kanya. Paghanga lang ito."
"Weh? Hindi ako naniniwala, Beatrice. Babae rin ako at tulad ni Mavin, hindi mo ako maloloko," sabi ni April.
"Hindi ko kayo sinusubukang lokohin. Crush ko lang siya at tingin ko, malapit na ring mawala ang paghanga ko sa kanya."
"Bakit?"
"Dahil hindi siya mabuting tao. Hindi maganda ang mga tsismis na kumakalat tungkol sa kanya at kinakalat niya sa buong school na lahat ng babaing naka-reslasyon niya ay nahalikan na niya. Hindi maganda ang ugali niya at hindi niya nirerespeto ang mga babae."
"Totoo ba 'yan, Beatrice?" sabi ni April. Mukhang wala siyang balak na tumahimik. "Hindi magaganda ang sinasabi ng labi mo tungkol sa kanya, pero ang totoo, gusto mong maging boyfriend siya, 'no? Girl, huwag ka nang magkunwari. Minsan, ganyan din ako kasi ganyan tayong mga babae."
"Babae ako, pero hindi tayo magkatulad, April." Naging seryoso ang mukha't boses ni Beatrice. Parang sinampal si April at gusto ko namang tumawa. "Hinahangaan ko lang talaga si Kent at hindi ko gustong maka-relasyon siya. At saka masyado pa akong bata, hindi ko pa dapat iniisip 'yan."
"Hindi kita kokontrahin dahil hindi talaga tayo magkatulad." Nag-iba ang boses niya. Halatang hindi niya nagustuhan ang sinabi ni Beatrice at kung paano niya ito sinabi. "Ikaw kasi, masyadong seryoso at parang matanda kung mag-isip. Ako, young na young at hindi conservative gaya mo. Ngayong bata pa lang ako, dapat magkaroon na ako ng experience pagdating sa ganyang bagay para hindi ako maging ignorante."
"Okay," sabi naman ni Beatrice. Ayaw na niyang makipagtalo sa kanya.
Gumaan kaunti ang aking loob. Kahit masakit malamang may iba siyang crush, pinatunayan niya naman na kakaiba talaga siya at siya ang babaing karapat-dapat na magustuhan ng isang lalaki. May iba nga siyang crush pero at least hindi siya easy-to-get at hindi siya isa sa mga babaing handang magpahalik sa isang lalaki basta't may gwapo itong mukha. Gano'n lang siguro talaga sa buhay, hindi lahat ng gusto mo ay nakukuha mo at napupunta sa 'yo. At kahit hindi ko alam kung magugustuhan niya rin ako, hindi pa rin ako titigil na gustuhin siya.
Sa loob ng klase, nasa kanya lang ang buo kong atensyon. Halos wala akong narinig at naunawaan sa mga sinabi ng aming guro. Kung hindi ko lang kinailangang magpanggap na nakikinig ako sa tuwing susulyap sa akin ang aming guro, tuluyan nang walang pumasok na kahit ano sa aking utak tungkol sa ipinaliliwanag niya.
Kahit masayang maging kaklase mo ang taong gusto mo, hindi pa rin 'yon maganda. Alam ko 'yon. Hindi mo kasi maibibigay ang buo mong pansin sa pag-aaral. Pinaghalong distraction at inspirasyon ang pagkagusto sa kaklase mo o sa taong nag-aaral sa parehong school kung saan ka pumapasok.
Noong break time, magkakasama na naman kaming apat sa iisang table. Sabay-sabay naming pinanonood ang mga mag-aaral na gaya namin na maglaro ng batuhan ng bola o tinatawag na dodgeball sa ingles.
Kakainin ko na sana ang kutsinta na ipinabaon sa akin ni mama na may yema pa, ngunit hindi ko ito itinuloy nang makita kong nakatingin doon si Beatrice. Tiningnan ko ang hawak niyang tinapay, tapos ang hawak kong kutsinta. Mukhang gusto niya nito. Hindi ako nagdalawang-isip na iabot 'yon sa kanya.
Napunta sa aking mukha ang kanyang paningin kasabay ng pagtaas ng kanyang mga kilay. "Bakit, France?"
Ngumiti ako. "Iyo na lang ito. Busog pa ako, eh." Hinawakan ko pa ang aking tiyan upang magmukha itong kapani-paniwala.
"Ha?"
"France, paano naman kami?" tanong ni April. "Ang dami naman niyang kutsinta mo, pwede bang bigyan mo rin kami?"
"Ayoko niyan," sabi ni Mavin na parang may pakialam ako sa gusto at hindi niya gusto.
Binigyan ko ng nanghihingi-ng-tawad na tingin si April. "Sorry, pero naibigay ko na kasi kay Beatrice 'yon. May pagkain ka pa naman, oh," sagot ko sabay tingin sa kanyang binaon.
Binigyan niya ako ng masamang tingin. "Eh, may tinapay naman si Beatrice, pero ibinigay mo pa rin sa kanya 'yong pagkain mo. Ang life talaga, ang unfair-unfair!"
"Sorry."
Pwede ko namang sabihin kay Beatrice na hati sila roon ni April, ngunit hindi ko ginawa at ayaw kong gawin. Gusto 'yon ni Beatrice at dapat sa kanya lang 'yon. Kahit nagugutom ako, nagpanggap ako na hindi para lang ibigay 'yon sa kanya. Kapag naghati sila roon ni April, mawawalan ng saysay ang sakripisyo ko.
"France, seryoso ka ba talaga? Hindi ka nagugutom?"
Tumango ako at ngumiti. "Oo nga. Tingin ko, dahil ito sa kinain ko kagabi. Hanggang ngayon, hindi pa rin ito natutunaw sa tiyan ko. Magdyu-juice na lang ako," sabi ko at binuksan ang aking bottle para uminom ng juice.
"Thank you, France." Tumingin siya kay April. "April, bibigyan kita rito kaya huwag ka nang malungkot."
"Hindi ako malungkot. Naiinis ako," sabi niya sabay bato sa akin ng masamang tingin. "Sa 'yo na lang 'yan kasi mayroon pa naman akong pagkain. 'Di ba, France?"
Nagpakita ako ng pekeng ngiti. "Ah, oo."
"Pero--"
Binigyan niya ng seryosong tingin si Beatrice. "Huwag ka nang kumontra. Kanina, gusto ko 'yan, pero ngayon, hindi na." Noong bumaling siya sa akin, umirap siya.
Hindi ko na lang 'yon pinansin.
"Beatrice, ako na ang magbubuhat ng bag mo," sabi ko kay Beatrice pagkalabas na pagkalabas namin ng classroom.
"Wow! Sana all may taga-buhat ng bag!" sarkastikong komento ni April na hindi ko napansing nasa tabi ko pala. "France, matagal na akong may napapansing kakaiba sa 'yo. Bakit ganyan ka?"
Kumunot ang aking noo. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
Umiling siya. "Wala."
"Ah, okay."
"Hindi mo ako pipiliting ipaalam sa 'yo ang ibig kong sabihin? Wala ka talagang pakialam sa akin, 'no?"
Bakit ba siya nagkakaganito? Tumaas na naman yata ang level ng pagiging attention-seeker niya.
"Okay ka lang, April?"
Lumiit ang kanyang mga mata, pagkatapos ay bumuga siya ng hangin na parang sumusuko at tumango. "Oo, okay ako."
Tumingin ako kay Beatrice na nanonood lang sa amin. "Ibigay mo na sa akin 'yang bag mo."
"Huwag na, France. Kaya ko naman 'tong buhatin."
"Alam ko 'yon, pero hayaan mo sanang ako na ang magdala niyan para sa 'yo. Malayo pa ang lalakarin natin."
"France, limang araw sa isang linggo natin nilalakad ang napakahabang daan ng dalawang beses. Kaya ko na ito. Salamat na lang."
"Beatrice, ibigay mo na 'yan sa akin. Ihahatid na rin kita sa bahay n'yo," sabi ko at tinitigan siya.
Nakipagtitigan din siya sa akin, ngunit siya ang unang huminto. "Okay," tugon niya at iniabot sa akin ang kanyang bag. "Salamat, France."
"Kailangan ko na bang umalis? Sagabal na ba ako sa love story ng iba?" sabi ni April.
Lumapit si Beatrice sa kanya. "April, ako na ang magbubuhat ng bag mo." Kumunot ang aking noo. "Hindi ka sagabal at walang love story rito. Mabait lang talaga si France."
Tiningnan ako ni April. "Talaga? Mabait siya? Bakit hindi ko 'yon alam?"
Halos mapairap ako. Kulang talaga siya sa pansin.
"Para hindi mo maramdamang unfair ang buhay pagdating sa 'yo, ako na ang magbubuhat ng bag mo."
"Sure ka?"
Tumango siya.
Ibinigay niya ang kanyang bag ng may ngiti. Tinanggap 'yon ni Beatrice at binuhat. Tumingin ako sa ibang direksyon at umirap.
"Oh, guys, tayo na!" Biglang lumitaw si Mavin at nagsimula na kaming umalis.
***
PAGKARATING NA pagkarating ko pa lang sa bahay, agad na akong naghanap ng makakain ko. Gutom na gutom ako. Mabuti na lang at mayroon pang kanin at ulam. Nasa labas si mama at nagwawalis kaya't akala ko'y wala nang makakikita sa akin, ngunit nalimutan kong nandito pala si ate.
"Ang takaw mo, ah," komento niya. "Bakit kumakain ka na parang ang tagal mong hindi kumain?" Binigyan niya ako ng naghihinalang tingin.
Sumubo muna ako at lumunok. "Gutom lang talaga ako, ate. At saka mas okay 'to para mas magkalaman ako."
Nagpatuloy siya sa pagtingin sa akin na parang may sikreto akong itinatago. Bakit kasi nagkaroon ako ng ateng hindi madaling linlangin? "Hindi, mayroong mali."
Nagpakita ako ng pekeng ngiti. Sana'y hindi napansin ni ate na hindi 'yon tunay. "Ate, walang mali. Para ka na namang si Detective Conan. Ang hilig mong kasing manood at magbasa ng kung ano-ano, ate, kaya nagkakaganyan ka na."
Hindi niya ako pinakinggan. Sa halip ay kinuha niya ang aking bag at hinanap ang aking baunan. Nang makita niya na wala itong laman, kumunot ang kanyang noo. Pagkatapos ay tumingin siya sa akin. "Pwede bang sabihin mo na sa akin ang totoo, France? Naubos mo 'yong kutsinta at binaon mo kaya bakit gutom na gutom ka."
Uminom muna ako ng tubig. "Ate, walang mali. Hindi ba pwedeng sobrang gutom lang ako kaya kahit naubos ko ang--"
"You're lying."
Umiling-iling ako. "Ate, hindi," sabi ko.
Bakit kasi hindi ko katulad si ate na normal lang at hindi ganoon katalino? Sobrang talino ba talaga ng ate ko o mapag-obserba lang siya? Kahit ano pa ang tawag sa katangian na 'yon ni ate, hindi pa rin no'n mababago ang katotohanang hindi kami magkatulad. Madalas, nagpapasalamat ako na ganyan ang aking ate. Dahil sa kanyang katalinuhan at malawak na pang-unawa, maraming problema na sa loob ng aming tahanan ang nagawa niya ng solusyon. Nakakatulong si ate upang mapanatiling maayos ang relasyon namin. Isa siyang biyaya. Pero minsan, hindi ko maiwasang hilingin na sana'y wala siyang gano'ng katangian upang magawa na niyang huwag pansinin ang maraming bagay. Parang lahat kasi, napapansin ni ate, lalo na ako at ang mga ginagawa ko.
Tinitigan niya ako nang matagal na naging dahilan upang tumingin ako sa malayo at tumigil sa pagkain. "You gave your food to her."
Sinubukan kong tingnan siya. Umakto ako na nalilito. "Ano, ate?"
"Ibinigay mo ang binaon mo sa kanya. Kung hindi ako nagkakamali, lahat 'yon ay ibinigay mo sa kanya."
Ang totoo, nagkamali si ate. Hindi ko ibinigay ang lahat ng binaon ko kay Beatrice. Lahat ng kutsinta'y ibinigay ko sa kanya, ngunit 'yong ulam ko, pinaghati-hatian naming apat. Ang plano ko lang talaga noong nagla-lunch kami ay bigyan si Beatrice ng kaunting ulam na mayroon ako. Ngunit nanghingi 'yong dalawa kaya't upang hindi sila maghinala at upang wala nang manguwestiyon sa akin, binigyan ko na lang din sila. Kaunti lang tuloy ang nakain ko. 'Yon ang dahilan kaya't gutom na gutom ako ngayon.
"Sino ang tinutukoy mo--"
"Si Beatrice ang tinutukoy ko at sigurado akong alam mo 'yon," sagot nito. Tumingin ako sa ibang direksyon. "France, I know you like her, pero huwag mo sanang ibigay ang lahat ng mayroon ka sa kanya. Dahil kung hindi, walang matitira sa 'yo sa huli."
Ano ba'ng sinasabi ni ate?
Tiningnan ko si ate. "Hindi ko po ibinigay sa kanya ang lahat. At saka pagkain lang 'yon, ate."
"So talagang ibinigay mo sa kanya ang pagkain mo? Tama pala talaga ako?"
Kumunot ang aking noo.
Ngumisi si ate. "Suspicion ko lang na ibinigay mo sa kanya ang binaon mo, bro. And you just confirmed it." Tumaas ang aking kilay. "I wasn't really sure if that was true, sinubukan lang kitang paaminin. At umamin ka naman."
Kakaiba talaga si ate. 'Yan ang resulta ng araw-araw niyang pananatili sa loob ng kanyang kwarto. Parang nagsisimula na akong makaramdam ng takot. Biro lang!
"Ang galing mo, ate, 'no?" sarkastikong sabi ko.
"Thanks, bro. I'll take that as a compliment," tugon niya. "Balik tayo sa pinag-uusapan natin kanina. Bro, okay lang sa akin kung gusto mo siya. Si Beatrice, mukha namang walang problema sa kanya. She is beautiful, nice, and looks genuine--"
"At hindi lang 'yon, ate, matalino rin siya. Hindi kagaya ko."
"Tama ka," tugon niya sabay tango.
Parang gusto ko namang saktan si ate matapos niyang sabihin 'yon, pero hindi ko ginawa. Naging tapat lang si ate. 'Yon talaga ang totoo, eh. Hindi ako kasing-talino at talented ni Beatrice. Bukod sa paglalaro ng chess, kaya niya ring kumanta, sumayaw, at mag-perform sa harapan ng maraming tao. At ako? Hindi ko alam kung ano'ng espesyal na bagay ang mayroon sa akin.
"Uulitin ko, it's okay with me if you have feelings for that girl. Ang hindi okay sa akin ay ang paglimot mo sa sarili mo dahil sa kanya." Huminto sandali si ate. "France, normal lang na magkagusto ka sa isang tao. Lalaki ka at may nararamdaman ka. Pero mas mabuting ngayon pa lang, itatak mo na sa isip mo na maling ibigay mo ang lahat ng mayroon ka para sa kanya."
Tumawa ako. "Ang lalim naman ng sinasabi mo, ate."
"Makinig ka. Hindi ako nagpapatawa," seryosong sabi niya. "Hindi ko 'to sinasabi para ipakita sa 'yo kung gaano ako katalino. Sinasabi ko ito dahil kailangan mo itong marinig. Napapansin ko kasi na handa kang gawin ang halos lahat ng bagay para kay Beatrice at hindi 'yon pwede. Kung ipagpapatuloy mo 'yan, malaki ang mawawala sa 'yo."
"..."
"Pwede kang patuloy na magkagusto sa kanya, pero utak ang pairalin mo at hindi ang puso," sabi nito sabay turo sa kanyang ulo't dibdib. "Pwede kang magbigay, pero magtira ka para sa sarili mo. Pwede mo rin siyang mahalin, pero magtira ka ng pagmamahal para sa sarili mo, bro. Lahat ng bagay na magaganda, kapag sobra, nagiging hindi maganda. Tandaan mo, lahat ng sobra ay may sukli. At kung sino ang nagbigay ng sobra, malamang siya ang tatanggap ng sukli. Kung ibinigay mo ang lahat, ikaw ang masasawi."
Hindi na naman ako nakapagsalita. Si ate ba talaga ang kaharap ko ngayon o si mama?
Ngumiti siya. "Okay lang magkagusto sa isang tao o umibig, bro, basta't alam mo kung ano ang dapat at hindi mo dapat gawin."
Tumango-tango ako upang unti-unting alalahanin at unawain ang mga sinabi ni ate. Pagkatapos ay may tanong na biglang pumasok sa aking isipan. "Ate, may tanong ako."
Tumaas ang kanyang kilay. "What is it?"
"Babae ka po kaya siguro'y alam n'yo po ang sagot dito," panimula ko. "Tingin n'yo po ba, may pag-asang magustuhan din ako ni Beatrice?"
Tumitig muna sa akin si ate. Pagkatapos ng ilang segundo, nabuo ang ngiti sa kanyang mga labi. "Siyempre naman, bro. Gwapo ka at mabait--"
"Pero hindi po ako talented."
"No, it's not that you're not talented. You just haven't discovered your talents yet. At saka sobrang bata mo pa talaga, France, at hindi mo pa talaga nauunawaan ang mga babae."
"Sigurado po kayo? May pag-asa?"
Tumango siya. "Maniwala ka sa akin, bro. Ipagpatuloy mo ang pagiging nice boy mo sa kanya, huwag mo lang sobrahan. And I'm sure she'll like you too. Baka nga may gusto na rin siya sa 'yo ngayon, eh."
"Talaga?"
"Oo," sagot niya. "Kung ako siya, nagkagusto na ako sa 'yo, pero magkaiba kami. Ang nasisiguro ko lang, kung ipagpapatuloy mo 'yan, magugustuhan ka rin niya. Yeah, girls are weird most of the time. But the simplest things are what we really want. Hindi lang 'yon halata."
Dahil sa sinabi ni ate, nagkaroon ako ng pag-asa. Dahil din doon, nabura sa memorya ko na may crush na iba si Beatrice. Hindi pa naman ako huli, hindi ba? At sapat pa ang panahong natitira upang ako'y makakilos at makagawa ng mga diskarteng magtutulak sa kanya upang pansinin na ako nang tuluyan, tama? Sana nga, sana.
COME BACK TO MY SIDE
TiffGRa (Tiffany)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top