Chapter 10 (The Past)


FRANCE

PUNO NG kaba ang aking dibdib. Ang aking mukha'y basang-basa na nang dahil sa pawis. Kahit ang mga palad ko, pinagpapawisan na rin. Ang lakas ng pag-ihip ng malamig na hangin, ngunit para akong naiinitian nang sobra at hindi na ako makahinga. Para na rin akong maiihi sa kinatatayuan ko ano mang oras.

Nasa harapan ako ngayon ng babaing gusto ko. Lumiit nang kaunti ang kanyang mga mata kasabay ng pagngiti ng mga ito sa akin. Medyo nakakurba ang kanyang mga labi. Lumilipad ang kanyang buhok dahil sa walang tigil na paghangin nang malakas. Mas lalo akong kinabahan. Ipinunas ko sa aking pantalon ang basa kong palad.

Tingin ko'y ito na ang perfect na pagkakataon kaya't naisipan kong sabihin na sa kanya ang tunay kong nararamdaman. Hindi ko talaga alam kung paano ko ito sisimulan. Hindi ko rin alam kung ano ang magiging reaksyon niya at kung ano ang mangyayari sa pagkakaibigan namin pagkatapos kong umamin. Ilan lang 'yon sa mga dahilan kung bakit halos mamatay na ako dahil sa kaba.

"Isa kang diyosa," mahinang sabi ko habang nakatitig sa kanyang mukha. "Ikaw ang pinakamaganda."

Tumaas ang kanyang kilay. "Ako?" Itinuro niya ang kanyang sarili. "Sigurado ka, France?"

Tumango-tango ako. "Siguradong-siguradong-sigurado."

Siguro'y dahil na rin wala akong ibang maisip na maaari kong sabihin kaya't inulit ko na lang ang isang salita. Pero totoo 'yon, nakasisiguro akong siya ang pinakamaganda sa lahat. Kahit na alam kong nagustuhan niya ang sinabi ko dahil sa paglawak ng kanyang ngiti at pagpula ng kanyang mga pisngi, kailangan ko pa ring mag-isip ng tamang mga linya na bibigkasin ko sa harapan niya. Matagal ko itong hinintay at kailangang maging perfect ang takbo ng pagkakataong ito . . . na para sa aming dalawa lamang.

Nakita ko ang paglunok niya at halos napangisi ako dahil doon. Binuksan niya ang kanyang bunganga at pinilit ang kanyang sariling magsalita. "Thank you," tugon niya. "Ikaw, ano . . . ang gwapo mo. At . . ."

Binigyan ko siya ng nagtatanong na tingin. "At . . .?"

Tumingin siya sa ibaba upang itago ang kanyang namumulang mukha. Ang cute-cute niya! "At ikaw ang ano . . .?"

"Ang ano?" nakangiti kong tanong sabay lapit ng aking mukha sa kanya.

Pumikit siya. "Ikaw rin ang pinakagwapo sa lahat!"

Lumawak ang aking ngiti. Nanatili sa kanya ang aking paningin. Noong napansin niyang nagkaroon ng ilang sandaling katahimikan sa pagitan namin, unti-unti niyang iniangat ang kanyang ulo upang tingnan ang mukha ko. Mas lumawak ang malawak ko nang ngiti.

"Thank you rin." Binasag ko ang katahimikan. Bigla akong sumimangot kahit sobra ang kaligayahang nasa aking dibdib. "Pero mula ba 'yon sa puso mo? O sinabi mo lang 'yon dahil sinabi kong ikaw ang pinakamaganda? Si Kent ang gusto mo, hindi ba?"

Hindi ko na sana 'yon maaalala ngunit mag-isang sinabi 'yon ng aking mga labi. Nagsimulang mabuhay ang insecurities ko na mula pa noon ay nasa loob ko na. Tumingin ako sa ibaba at kinagat nang kaunti ang aking ibabang labi. Bumagsak din ang aking mga balikat. Bumigat nang husto ang aking pakiramdam at parang ano mang oras ay mawawalan ako ng balanse at babagsak sa lupa.

"Hindi ko siya gusto."

Iniangat ko ang aking ulo at nang makita ko ang kanyang perpektong mukha, tila isa-isang tinangay ng hangin ang lahat ng insecurities ko. Unti-unting naglaho ang bigat na nararamdaman ko. Tumitig ako sa kanyang mga mata at tila ba sinusubukan nilang makipag-usap sa akin at sabihin na ang narinig ko ay totoo. Para bang sinasabi rin ng mga ito na ang taong nagmamay-ari ng puso ay ang ang taong nasa harapan niya ngayon. At ang taong 'yon ay ako.

Nabuhay ang marami kong pag-asa na hindi ko inakalang mayroon pala. Umasa akong gusto niya rin ako. Umasa akong totoo ang nakikita ko sa mga oras na ito. Umasa akong matutupad ang lahat ng gusto kong mangyari sa aming dalawa at ang mga bagay na pinangarap kong gagawin namin nang magkasama.

"Kung gano'n, sino ang gusto mo?" Nagkaroon ako ng sapat na lakas ng loob upang itanong ang katanungang 'yon. Halos hindi ako kumurap o huminga. "Ako ba ang taong 'yon?"

Hindi lahat ng nakikita ng tao ay totoo. Isa 'yon sa maraming bagay na tumatak sa isipan ko.

Mayroon kaming kilalang isang school principal na inisip naming mayroong perpektong buhay. Kapatid siya ng isa sa mga kaibigan ni mama kaya't marami kaming alam tungkol sa kanya at dito rin sila nakatira noon ng pamilya niya. Isang magaling na engineer ang asawa niya at mayroon silang dalawang anak. Nasa USA ang kanyang panganay at doon ito nagtatrabaho. Hindi ko na maalala kung ano ang kanyang trabaho at ang natatandaan ko lang ay maganda raw ito at para lamang sa mga taong matatalino. Palagi namang nangunguna sa klase ang pangalawa nitong anak. Napaka-sweet ng kanyang asawa sa kanya at parang perpekto ang kanilang relasyon.

Ngunit ang nakikita ng lahat ay isang malaking kasinungalingan. Mayroong isang babae noon na nagkwento sa mama ko tungkol sa tunay na kalagayan ng kanilang pamilya. Hindi totoong nasa ibang bansa ang panganay na anak ng school principal na ito. Ang totoo'y nasa Pilipinas siya (hindi ko na matandaan kung saan 'yon) kung nasaan ang lalaking nakabuntis sa kanya sa murang edad. Lumayo siya upang makasama ito at para na rin makalayo sa kahihiyan. Mayroon din daw sakit ang school principal at malala na ito. Pinalabas na nila na okay ang lahat, ngunit hindi 'yon ang totoo. Nagulat na lang kami noong mabalitaan naming nagpakamatay ito dahil sa kadahilanang malaman niyang may ibang babae ang kanyang asawa at hindi niya ito kinaya.

Dahil doon, napagtanto ko na karamihan sa ipinapakita ng mga tao sa paligid natin ay totoo. Kadalasan, ito'y isang kasinungalingan o pagpapanggap lamang. Ang totoo, halos hilingin ko pa noon na sana'y ganoon din kaayos ang pamilyang mayroon ako. Sana'y kasing-talino ako ng bunsong anak ng school principal na 'yon, sabi ko sa sarili ko. Sana'y engineer din ang tatay ko. Ngunit napagtanto ko rin na ang inggit ay nagiging dahilan upang mabulag tayo at hindi natin ma-appreciate kung ano ang nasa harapan natin at mayroon tayo. Dahil doon, naging mas thankful at kunteto ako. Mas nakita ko ang halaga ng pamilya at buhay na ibinigay sa akin.

Hindi ako matalino, ngunit may mga mata ako na kayang tingnan ang katotohanan. May puso ako na kayang maramdaman ang hindi pinapansin ng iba. At higit sa lahat, may utak ako na may kakayahang sabihin at ipaunawa sa akin ang hindi kayang unawain ng iba.

At nakikita ko na gusto niya rin ako, ngunit ayoko pang maniwala. Hindi ako tuluyang maniniwala hangga't hindi niya ginagawang malinaw ang lahat.

Lumapit siya sa aking tainga at bumulong, "Oo, ikaw ang gusto ko. Gusto kita, France. At tingin ko, mahal na rin kita." Lumayo siya sa akin at tumitig sa aking mukha.

Tinitigan ko siya. Tumitig kami sa mga mata ng isa't isa. Hindi ako makapagsalita kahit ang dami kong gustong bigkasin. Para kaming napunta sa ibang planeta o sa isang lugar na hindi ko pa kailanman napuntahan at kami lang naroroon. Parang may magic na nagdala sa amin doon.

"Mahal kita, France." Siya ang unang bumasag sa katahimikan na naging dahilan upang bumalik ako sa reyalidad.

Kumurap-kurap ako. Iniangat ko pa ang aking kamay upang pisilin ang aking pisngi. Hindi ito isang panaginip lang, 'di ba? Hanggang ngayo'y hindi pa rin ako makapaniwalang nangyayari ito. Parang nalimutan ko ang lahat ng bagay at wala akong naunawaan na kahit ano sa mga sinabi niya. Tila naging blangko ang utak ko at mahirap para sa aking i-absorb ang lahat ng ito.

"Mahal kita," muling sabi niya na naging dahilan upang halos hindi na ako makahinga. Pwede bang dahan-dahan muna? "Ikaw? May nararamdaman ka ba para sa akin? Mahal mo rin ba ako?"

"Hindi ko alam," Nag-iba ang ekspresyon ng kanyang mukha. Mukhang hindi 'yon ang ine-expect niyang marinig. Nasaktan siya, "Hindi ko alam ang sasabihin, 'yon ang ibig kong sabihin."

Tumaas ang kanyang kilay at tila naguluhan siya. "Hindi ko maintindihan. Pwede bang sagutin mo na lang ang tanong ko? Mahal mo ba ako? Oo o hindi?" Mahinahon pa rin ang kanyang boses kahit parang naiinis siya.

Humakbang ako upang maging mas malapit kami sa isa't isa. Tapos inilapit ko ang aking mga labi sa kanyang tainga at bumulong, "Mahal din kita, Beatrice. Mahal na mahal kita."

Totoo ba 'yong sinabi ko? Kailan ko nalamang mahal ko na siya? Gusto ko siya at 'yon pa lang ang nasisiguro ko. Siguro'y 'yon ang tunay kong nararamdaman at puso ko ang nagtulak sa bunganga ko na bigkasin ang mga salitang 'yon. Baka nga.

Tumitig siya sa akin at gano'n din ang ginawa ko sa kanya. Tila huminto ang lahat. Tila tumigil ang pagtibok ng aking puso, ang pagtakbo ng oras, at pati ang pag-ikot ng mundo. At sa isang iglap, wala na kami sa lugar kung nasaan kami kanina at tila napunta na naman kami sa ibang planeta. Tila sinasabi sa akin ng universe na talagang sa amin lang ang mga sandaling ito at dapat namin itong angkinin. Kailangan ko itong gawing perpekto.

Dahil nasimulan ko na ito, tatapusin ko ito. Dahan-dahan akong mas lumapit sa kanya hanggang sa magkadikit na ang aming mga labi. Ito ang unang pagkakataong humalik ako ng babae kaya't hindi ako magaling pagdating dito. Dahil ayokong masira ang moment na ito, ginamit ko ang nalalaman ko tungkol sa paghalik na karamihan ay nakuha ko mula sa mga napanood ko sa TV. Nakita ko ang mabagal na pagpikit ng kanyang mga mata. Unti-unti rin akong pumikit at sabay naming inangkin ang moment na 'yon.

Pagkatapos no'n, binigyan niya ako ng kakaibang ngiti. "Mahal kita." Ngumiti rin ako. "Pero . . . sa palagay mo ba, para tayo sa isa't isa?"

Nag-iba ang ihip ng hangin kasabay ng paglipad ng kanyang buhok. Kumunot ang aking noo at bigla akong naguluhan. May mali rito.

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Mahal natin ang isa't isa, pero kailangan nating magkalayo. Mahal kita, pero kailangan kong umalis?" Pagkatapos niyang sabihin 'yon, unti-unti siyang naglaho. Sinubukan ko siyang hawakan, ngunit hindi ko na nagawa. Ang huling nawala ay ang mala-diyosa at nakangiti niyang mukha.

"Bakit?!"

Kasabay ng pagsigaw ko ay ang pagbangon at paggising ko. Inilibot ko ang aking paningin sa aking paligid. Mayroong apat na pader at isang pintuan. Medyo madilim ang paligid at ang liwanag na nagmumula lang sa labas ng mga bintanang nakasara at mayroong kurtina ang mayroon dito. Nandito ako sa aking kwarto. Tumingin ako sa aking katawan na nababalot ng kumot. Nakaupo ako ngayon sa aking kama. Tumitig ako sa kawalan.

Panaginip lang ang lahat. Oo, panaginip nga. Ngunit bakit parang totoong-totoong 'yon?

Biglang bumukas ang pinto at nagpakita si ate. Binuksan niya ang ilaw, sumandal sa pader at pinagkrus ang kanyang mga braso sa harapan ng kanyang dibdib. Binigyan niya ako ng seryosong tingin. "Nagkaroon ka ng bangungot?"

Tumingin ako sa aking bintana. "Ate Freya, anong oras na?"

Alam kong maaga na dahil sa sinag ng araw na nasisilayan ko, ngunit nagtanong pa rin ako. Late na ba akong nagising? Pagkatapos ng mahabang panahon, nagising na naman ako nang late at tingin ko dahil ito sa masama kong panaginip kanina. Ang panaginip na 'yon, parang totoong nangyari. Ang bawat detalye ay tila tumatak sa aking memorya.

"Lagpas 6:00 pa lang sa umaga," sagot ni ate. Nasa bintana pa rin ang aking paningin. "Bigla ka na lang sumigaw. Tungkol saan 'yong bangungot mo? Tungkol sa multo? Sa black or white lady? Gusto mo bang i-kwento 'yon sa akin? Makikinig ako para mabawasan ang takot na naramdaman mo."

Ibinalik ko sa seryosong mukha ni ate ang aking paningin. Alam kong nag-aalala siya sa akin kahit hindi 'yon ganoon kahalata. Gusto niyang pagaanin ang loob ko kaya niya 'yon sinabi. Pero wala 'yong naitulong. Hanggang ngayo'y nasa dibdib ko pa rin ang mabigat na pakiramdam na hindi ko maunawaan. Siguro kong lumapit si ate sa akin at naupo sa aking tabi o kahit binigyan niya man lang ako ng maliit na ngiti, baka gumaan ang pakiramdam ko. Gusto ko sanang sabihin sa kanya na mas nakakatakot ang kanyang mukha kaysa sa kahit anong bangungot, ngunit hindi ko ginawa.

Huminga muna ako nang malalim bago ako sumagot, "Hindi 'yon tungkol sa multo, ate. At hindi na ako 'yong batang natatakot sa mga multo, ate, kung hindi mo pa nalalaman."

Noong mas bata pa ako, isa sa mga kinatatakutan ko ang mga multo. Naniniwala ako na nag-e-exist sila kahit ang totoo'y sa mga bangungot ko lang naman sila nakikita. Palagi ko kasing iniisip na baka may multo sa tabi ko o na nanonood sa akin at halos gabi-gabi akong nagigising noon sa gitna ng gabi dahil lagi akong nagkakaroon ng bangungot. Dahil ayoko nang magpatuloy pa 'yon at wala pa naman akong nakikitang multo kahit kailan, pinilit kong paniwalaang hindi sila totoo. At paunti-unting nawala ang takot kong 'yon.

"Huwag ka nang magsinungaling. Hindi kita pagtatawanan at hindi ko ipagsasabi na hanggang ngayo'y may takot ka pa rin sa mga multo. So just tell it to me. Kapag ginawa mo 'yon, siguradong gagaan ang pakiramdam mo."

"Alam ko po 'yon, Ate Freya."

Hindi ako kailanman pinagtawanan o ininsulto ni ate dahil sa takot kong 'yon. Halos hindi nga siya tumatawa at nagsasalita, eh. Alam ko ring hindi niya itsi-chika 'yon sa kahit kanino dahil bukod sa hindi siya mahilig makipag-usap, wala naman siyang mapagsasabihan no'n. Alam ko ring ang pagkukwento sa kanya ay makapagpapagaan sa aking loob. Noon kasi, halos palagi akong nagku-kwento sa kanya o kay mama o sa kanilang lahat sa tuwing nagkakaroon ako ng bangungot.

"Eh, bakit ayaw mo pang magkwento?" Lumapit siya sa akin at katulad ng hiniling kong gawin niya, naupo siya sa aking tabi. Iniba niya pa ang ekspresyon ng kanyang mukha. "Nahihiya ka ba? Huwag kang mahiya."

Umiling ako. "Hindi po at salamat sa kagustuhan mong burahin ang takot ko, ate. Pero wala talaga akong nararamdamang takot dahil hindi naman tungkol sa multo ang panaginip ko at totoo 'yong sinabi ko, hindi na ako takot sa mga multo ngayon."

Lumiit ang kanyang mga mata at tinitigan niya ako. Mukhang inaalam niya ang totoo. Wala akong itinatago kaya't tumitig na lang din ako sa kanya. "Mukhang totoo nga," sabi niya sa wakas. "Eh, about saan ang masama mong panaginip at napasigaw ka pa?"

Ayokong sagutin ang tanong ni ate. Siguro'y ayoko lang marinig ang komento niya tungkol sa nararamdaman ko kay Beatrice.

"Naniniwala ka po ba na may kahulugan ang mga panaginip?" tanong ko sa halip na sagutin ang kanyang tanong.

Paano kung may kahulugan ang masama kong panaginip? Magkakatotoo kaya 'yon? Bigla kong naalala ang katotohanang hindi 'yon malabo. Nangangahulugan ba 'yon na kapag umalis siya, hinding-hindi na kami magkikita at habambuhay na akong mabubuhay ng wala siya? Parang gusto kong umiyak.

Tumango siya. "It means that you're over thinking. Sa sobrang pag-iisip mo, nagkakaroon ka ng mga panaginip. At kadalasan, ang laman ng panaginip mo ay ang iniisip mo."

Halos umikot ang aking mga mata. "Hindi po 'yon ang ibig kong sabihin. May nais bang iparating sa 'yo ang panaginip mo? Naniniwala ka bang ang panaginip ang mismo o kabaligtaran nito ang mangyayari sa reality?"

Kahit alam kong malaki ang tsansang mangyayari ang nangyari sa panaginip ko, umaasa pa rin akong ang panaginip ko'y walang kahit anong ibig sabihin. Umaasa akong magkakaroon ng himala kahit sinasabi nilang walang himala.

Umiling siya. "I don't," sagot niya at napagaan nito ang aking loob kahit papaano. "Bunga lang ng pag-o-over think mo ang panaginip mo. Kung mangyari man ang nakita mo roon, I don't think it's because it's meant to happen. Ikaw ang gumagawa ng reality mo. That's what I do believe."

"Pero may mga bagay na hindi natin kontrolado at hindi sa atin naka-depende."

Tumango siya. "Well, I agree with you. That's truth so just focus on the things you can control. The rest, just forget about it." Tumayo siya. "Alam kong ayaw mong magkwento kaya hindi kita pipilitin. I just hope gumaan ang pakiramdam mo." Tumalikod siya at lumabas sa aking kwarto ng hindi pinapatay ang ilaw.

***

BIRTHDAY NGAYON ni Mavin, ng pinsan kong parang hindi ko pinsan. Hindi kami close, ngunit nag-effort pa rin ako upang bilhan siya ng regalo. Hindi man ganoon kaganda ang relasyon namin, hindi naman kami magkaaway. At saka nakakahiya kung pupunta ako sa bahay nila ng walang dala.

"Wala pala akong regalo para sa kanya," sabi ni Beatrice nang mapunta sa dala kong box na nasa plastic bag ang kanyang mga mata.

Kaibigan din ni Mavin si Beatrice kaya't kailangang nandoon siya. Pumunta ako sa bahay nila upang sunduin siya't sabay na kaming pumunta sa bahay ng pinsan ko.

Nag-isip ako ng sasabihin ko. "Okay lang 'yon."

Well, totoong okay lang 'yon. Pero hindi man 'yon kasing-nakakahiya ng paghuhubad sa harapan ng maraming tao, mahihiya pa rin ako kung wala akong maibibigay na regalo kay Mavin. Hindi ko talaga alam ang eksaktong rason kung bakit. Siguro'y isa na ito sa mga magaganda kong katangian? O baka ayoko lang na magmukhang pumunta roon para lang kumain?

"Hindi, hindi 'yon okay sa akin. Baka magtampo si Mavin. Hindi niya ipinapahalata kapag masama ang loob niya, pero siguradong malulungkot kapag wala akong nairegalo sa kanya kahit simpleng bagay lang."

"Sabihin mo na lang na wala kang pambili. Mga bata pa naman tayo at wala pa tayong trabaho na magbibigay sa atin ng pera. Itong pinambili ko sa regalo ko para sa kanya, mula lang sa naipon ko."

"Ayokong gawin 'yan. Hindi naman niyan mababago ang fact na wala akong regalo para sa kanya. Kailangan kong magkaroon ng regalo," tugon niya. "Ano'ng gagawin ko, France?"

Ano ba ang maaari niyang gawin? Kahit nahirapan akong mag-isip, pinilit kong magkaroon ng idea. Ayokong isipin niyang talagang mangmang ako.

"Ganito," Tumaas ang kanyang kilay, naghihintay sa naisip ko, "Kunin mo itong regalo ko at ikaw ang mag-abot nito sa kanya. Pagkatapos no'n, ikaw ang iisipin niyang bumili nito at wala nang problema."

Kumunot ang kanyang noo. "Pero ikaw naman ang walang maireregalo."

Oo nga. May maibibigay siyang regalo at mawawala ang hiya na nararamdaman niya, ngunit ako naman ang makararamdam ng hiya. Pero okay lang 'yon. Mas okay na na ako ang magmukhang pumunta lang sa birthday party ni Mavin para makikain lang kaysa siya. At saka hindi naman kami ganoon ka-close ni Mavin kaya parang wala lang 'yon.

"Okay lang 'yon sa akin."

Umiling-iling siya. "Hindi pwede. Dapat pareho tayong may mairegalo sa kanya." Tumingin siya sa ibang direksyon at tumitig sa kawalan, nag-iisip. "Aha! Alam ko na! Ibigay mo sa akin 'yang regalo mo."

"Okay 'yong naisip ko, 'di ba? Wala nang prob--"

"May much better akong idea. Give that to me now."

Agad kong iniabot 'yon sa kanya. Bigla naman siyang naglaho at pumasok sa loob ng kanilang bahay. Sumilip ako, ngunit hindi na ako pumasok. Hinintay ko na lang siyang lumabas.

"Ano'ng ginawa mo?" taas-kilay kong tanong noong lumitaw na siya.

Wala na ang pag-aalala niya at may malawak nang ngiti sa kanyang mukha. Mukhang na-solve na niya ang problema. "Heto, oh," sabi niya sabay pakita sa akin ng box na mayroon nang sulat ngayon.

To: Mavin
From: France and Stephanie

Tumitig ako roon. Ang ganda ng sulat niya. Nakakamangha ito. Mas namangha ako nang mapagtanto kong ang ganda nga ng idea niya. Matalino talaga siya.

Noong mapunta sa kanyang mukha ang aking paningin, ang matamis niyang ngiti ang una kong nasilayan. "Ang galing mo. Mayroon ka bang kapintasan o ipinanganak kang perpekto?"

Parang bigla siyang nahiya. "Salamat, France."

Ngumiti ako. "Nagsasabi lang ako ng totoo, Beatrice." Pumunta ako sa kanyang gilid at hinawakan ko ang kanyang kamay. Mukhang nagulat siya. Ang totoo, pati ako, nagulat din. Parang may sariling utak na ang aking katawan at basta nitong ginawa ang gusto nito. "Let's go?"

Bigla pa akong nag-english, ha? Pero ang cool no'n, ha. Mabuti na lang at nanonood ako ng romance movies na English.

Tumitig siya sandali sa aking mukha bago ngumiti at nagsalita. "Let's go!"

Pagdating namin doon, sina Mavin at April ang sumalubong sa amin. Si Beatrice ang nag-abot ng regalo namin kay Mavin.

"France, wala kang regalo para sa friend natin?" kunot-noong tanong ni April sabay turo pa sa akin.

Bakit kaya hindi na lang tumahimik ang babaing ito? KSP talaga siya, eh, 'no?

"Ah, Mavin, regalo namin 'yan sa 'yo ni France," sabi ni Beatrice upang sagutin ang tanong ni April na para sa akin. Mas kumunot tuloy ang noo ng KSP naming kaibigan. "Pinagsama namin ang perang naipon namin para mabili 'yan." Nginitian niya si April.

Nagsinungaling si Beatrice, ngunit alam ko ang dahilan niya. Ginawa niya 'yon upang hindi sila magtaka, ngunit mukhang dahil doon, mas nagtaka si April. May hinala na siya, nakasisiguro ako roon.

"Bakit iisa lang ang regalo ninyo kung pwede namang tig-isa kayo ng ibibigay sa friend nating si Mavin?" Lumapit siya kay Mavin at nagtanong sa kanya, "Mavin, hindi ka ba nagtataka? Look at the gift, mukhang maliit lang, pero parehong ipon nila ang ginamit nila para mabili 'yan. Bakit kaya?"

Halos mapairap ako. Hayan na naman siya. "Hindi naka-depende sa laki ng binili namin ang presyo niyan, April." Napatingin siya sa akin. "Ni hindi mo pa nga alam kung ano ang nasa loob ng kahong 'yan, eh."

"Pero halata namang maliit--"

"Mahal 'yan," sabi ko. "Hindi ko 'yan mabibili kong pera ko lang ang gagamitin ko kaya sinabi ko kay Beatrice na pagsamahin namin ang naipon naming pera para mabili 'yan. Sigurado kaming magugustuhan 'yan ni Mavin kaya 'yan ang binili namin. Quality is always better than quantity."

"Eh, sigurado ba kayong maganda ang quality ng binili n'yo?"

Kung kanina'y nagsisimula lang akong mainis dahil sa kanya, ngayo'y sobra-sobra na akong naiinis sa kanya. May hinaharap na problema ba ang babaing 'to? Siguro'y wala at gusto niya lang talagang maging bida na naman.

"Oo," madiing sabi ko. Seryoso ang aking mukha.

Tumitig siya sa aking mukha sa paraang hindi ko mailarawan. Bakit parang nakakita siya ng multo bigla? Lumapit siya sa akin. Nakangiti na siya. "France, ang seryoso mo masyado. Mas lalo ka tuloy nagiging gwapo." Pinisil niya ang aking pisngi na naging dahilan upang kumunot ang aking noo. Tapos tinusok-tusok niya ang tagiliran ko na parang may karapatan siyang gawin 'yon. "Ngumiti ka na. Friends tayo kaya maging nice ka sa akin."

"Nice? Hindi ako kailanman naging masama sa 'yo, April."

Sinaniban kaya siya? Kanina'y halos magmukha na siyang matanda dahil sa noo niyang nakakunot nang sobra. Ngayo'y mukha siyang baliw na nakangiti sa akin. Ang mga babaing gaya niya na mabilis magbago ang mood ang pinaka-complicated.

"Yeah, hindi ka mean, pero hindi ka rin naman nice," tugon niya. "Smile ka na kasi. Mas gwapo ka kapag nakangiti ka." Hahawakan sana niya ang dalawa kong pisngi upang pangitiin ako, ngunit pinigilan ko siya.

"Okay, heto na." Ngumiti ako nang kaunti. "Pwede na 'yan?"

"Mas okay kung--"

"Guys, tara na roon kasi magsisimula na ang birthday party ko. Tama na muna ang landian, April at France."

Lumingon si April sa kanya. "Panira ka ng moment, Mavin. Alam mo bang nagsisimula nang ma-fall sa akin si France?" Tumingin siya sa akin at tinaas niya ang kanyang kilay. "Right, France?"

Gusto kong sumuka. Hindi ako sumagot sa walang kwentang tanong niya.

"Tara na!"

"Happy birthday to you! Happy birthday to you! Happy birthday, happy birthday! Happy birthday, Mavin!"

Kumanta muna kami bago kami nagsimulang kumain. Simple lang ang birthday celebration ni Mavin at hindi ganoon karami ang mga tao rito. Halos lahat ng naririto ay taga-rito rin at iilan ang mga taong hindi pamilyar. Mayroong video oke na ginagamit ng nanay ni Mavin sa tuwing may ia-anunsiyo ito. Sakto lang ang kanyang handa. Mayroong spaghetti, pansit, spring roll, graham cake, at iba pa.

Nagsimula nang kumuha ng kani-kanyang pagkain ang bawat isa nang lumapit si Mavin kay Beatrice. "Kumanta ka, ha? Idagdag mo na 'yon sa regalo mo sa akin. Gusto kong malaman nila na may friend akong magaling kumanta," dinig kong sabi niya.

"Sure," walang pagdadalawang-isip na sagot niya.

Napangiti ako. Maririnig ko na naman ang boses niya.

"Kumuha ka muna ng pagkain mo, then sasamahan kitang pumunta sa harapan ng video oke. Habang kumakanta ka, dapat nasa tabi mo ako," dagdag pa niya.

Tumango naman si Beatrice at sabay silang sumali sa pila kung nasaan ang mga bisita.

"France!"

Hindi ako lumingon. Alam ko kung sino ang taong 'yon. Si April 'yon. Siya lang ang mayroong gano'ng boses na hindi pangit, ngunit hindi rin maganda. Umakto ako na walang naririnig at lalapit na sana sa pila ngunit hinawakan niya ang aking kamay.

"Bingi ka ba? I called your name. Hindi mo ba ako narinig?"

Humarap ako sa kanya at tinanggal ko ang kamay niya na nakahawak sa kamay ko. "Wala akong narinig, eh."

Ayokong maging masama o bastos sa kanya. Pero hindi ko talaga siya gusto kaya nga umiiwas ako sa kanya. Pero nandito siya ngayon at kinukuha ang atensyon ko na ayaw kong ibigay.

"Ha? Ang loud kaya ng voice ko."

Ayoko rin ang paraan niya ng pagsasalita.

"Siguro hindi lang sapat ang lakas no'n para marinig ko. Marami rin kasi ang tao rito." Inilibot ko ang paningin ko upang itago ang inis na nasa loob ko. Hindi ko alam kung bakit nais ako dahil sa kanya kahit wala naman siyang ginagawang masama.

"Ah, tama ka nga. Next time, mas malakas na ang pagtawag ko sa name mo, lalo na kung maraming tao sa paligid natin." Attention-seeker talaga siya. Itinuro niya ang pila at muling hinawakan ang aking kamay. "Pumila na tayo para makakain na tayo. I'm hungry na, eh." Maarte niyang hinawakan ang kanyang tiyan.

Matapos naming kumuha ng aming pagkain, humanap kami ng upuan namin. Binuhat ko 'yong upuan ko at inilagay 'yon sa tabi ni Beatrice na nagsimula nang kumanta. Halos walang gumagawa ng ingay habang kumakanta siya. Halatang hinahangaan nila siya. Tumabi sa akin ang KSP naming kaibigan at nagsimula siyang chumika tungkol sa mga bagay na para sa akin ay walang kwenta.

"Kaya flawless ang mukha ko. 'Yon kasi ang sabon na ginagamit ko. Ang mahal lang no'n."

"Ahhh."

Halos wala akong naintindihan sa sinabi niya. Malakas ang boses niya, pero mas malakas ang video oke. Plus, nagpapanggap lang ako na nakikinig.

"Kahit sandali, palayain ang pusong 'di mapigil.~~~"

Halos mapapikit ako habang pinakikingan si Beatrice na kumanta. Kinakanta na naman niya ang kantang "Huling Sandali" by "December Avenue". Ang sarap talaga nitong pakinggan.

"Ang galing mo talaga," komento ko matapos niyang kumanta.

Tumingin siya sa akin at tumitig. Huminto ang lahat at tila kami lang ang tao rito. Kinalabit ako ni April na naging dahilan upang bumalik ang lahat sa normal. Ngunit hindi ko inalis ang aking paningin mula kay Beatrice.

"France, makinig ka nga sa stories ko. Kanina pa ako daldal nang daldal, pero hindi ka na pala nakikinig." Napahinto siya sa pagsasalita at naramdaman ko ang pagtingin niya mula sa akin papunta kay Beatrice. "Ano ba'ng ginagawa ninyo?"

Tumingin si Beatrice sa kanya. "April."

"Beatrice, alam mo pa palang nandito pa ako? Ako 'to, si April, 'yong friend mo. 'Yong inagawan mo ng kakwentuhan." Ang bitter ng boses niya.

"Sorry," sabi niya rito at tumingin sa akin. "France, makinig ka na kay April. And thank you sa pagsasabi no'n." Ngumiti siya.

Ngumiti ako. Bumaling ako kay April. "Ano 'yong sinasabi mo?"

Umirap siya at nagsimulang magkwento ng mga walang kwentang bagay ulit.

COME BACK TO MY SIDE
TiffGRa (Tiffany)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top