Chapter 1 (The Past)
FRANCE
THEY SAY that first love never dies. Well, I guess that was true. Ang ating first love ang pinaka-espesyal sa lahat ng pag-ibig na maaari nating matagpuan. Ito rin ang pinakamahirap kalimutan. Ngunit hindi lahat ng unang pag-ibig ay nagiging huling pag-ibig din.
Ang dami ko nang napanood na romantic movies at nabasang romantic stories kung saan ang first love ng mga bida ang kanilang nakakatuluyan sa huli. And it seemed so perfect. No, it was perfect. Siguradong masayang umibig at ibigin ng iisang tao lang sa buong buhay mo, at hindi mo na kailangang sumubok nang paulit-ulit at walang katapusang beses para lang mahanap ang taong para talaga sa 'yo. And I wished it would also happen to me. I wished my first love would be my only and last love. I wished my first love would be the one I would marry and spend the rest of my life with.
Ngunit hindi lahat ng hiling ay natutupad. Maybe it was because wishing without doing anything wasn't enough, or it was just that there were wishes that weren't meant to come true.
"Ma, pupunta po ako kina Beatrice!" sigaw ko upang siguradong marinig ito ni mama. Nasa kusina kasi ito, gumagawa ng ginataang bilo-bilo.
Kaibigan ko si Beatrice at gustong-gusto ko talaga siya. 'Yon ang dahilan kaya't halos palagi ko siyang pinupuntahan. At ang totoo, kaninang umaga ko pa siya nais puntahan sa kanilang bahay. Hindi ko lang ginawa dahil hindi naman maaaring palagi akong nandoon sa kanila. At saka kinailangan ko ring tumulong dito sa bahay. Naghugas muna ako ng mga pinggan, naglinis ng bahay, at nagpakain ng mga manok.
Ang buhay sa probinsya ay ganito, simple at mapayapa. Maraming taga-rito noon ang umalis sapagkat hindi ito ang buhay na nais nila. Ang gusto nila ay ang buhay sa siyudad o sa kahit anong lugar kung saan hindi gaanong magkakalayo ang mga bahay, marami ang naninirahan, at may mas higit silang mapaglilibangan. Ngunit ibang-iba ako sa mga taong 'yon. Para sa akin, ang ganitong buhay ang pinakamaganda sa lahat at ito'y hindi matatawag na boring.
Oo, wala akong alam pagdating sa kung ano talaga ang buhay sa siyudad. Siguro'y 'yon ang dahilan kaya't hindi ko kailanman hinangad na lisanin ang lugar na ito. Ngunit hindi ko na 'yon kailangang malaman dahil kuntento na ako sa at mahal ko ang buhay na mayroon ako. Dahil dito, nasanay na akong naiiwan. Hindi ko tuloy maiwasang itanong: Ano ba ang mas masakit, ang mang-iwan o maiwan?
"France, hintayin mo muna ito niluluto kong ginataang bilo-bilo at kumain ka muna. Makapaghihintay naman si Beatrice." Malakas na ang boses ni mama kaya't hindi na niya ito kinailangang taasan pa.
"Ayoko po! Makapaghihintay din naman 'yang ginataang bilo-bilo, ma!"
"Paborito mo 'to, hindi ba?"
"Paborito ko 'yan, ma, pero gusto ko si Beatrice! Siya ang pinipili ko!"
"Ang bata na ito--"
"Paalam, ma!" sabi ko bago pa man matapos ni mama ang sasabihin niya.
Bakit ko naman mas pipiliin ang paborito kong meryenda kaysa kay Beatrice? Kung hindi ko nga lang kinailangang tumulong sa bahay, kanina ko pa siya pinuntahan. At saka siguradong may matitirang ginataang bilo-bilo para sa akin. Alam ni mama na paborito ko 'yon kaya't hindi niya hahayaang maubos 'yon ng hindi man lang ako nakakatikim.
Ang bata-bata ko pa, ngunit nagagawa ko nang sabihing gusto ko ang isang babae. Eh, 'yon ang totoo kaya't bakit hindi ko 'yon aaminin? Hindi ko lang alam kung gusto ko siya dahil kaibigan ko siya't marami siyang magagandang katangian, o may iba pang dahilan. Dahil hindi ako sigurado kung ano ang tunay na dahilan, hindi pa ako umaamin kay Beatrice. Ngunit dahil napakatalino niya, hindi na ako magtataka kapag nalaman kong alam na niya ang sikretong itinatago ko.
Ang bahay nina Beatrice ay medyo malayo mula sa amin, ngunit kahit na gano'n, hindi nagsawang dalawin siya. Kapag hindi kailangan, hindi siya pumupunta sa amin at ayoko rin namang mapagod siya kaya't ako na lang ang kusang pumupunta sa kanila. Bukod sa nais kong makipaglaro sa kanya, nais ko rin siyang makita at malaman kung ayos lang siya.
"Pat, kumusta ka?" sabi ko sa aso nina Beatrice sabay hawak sa kanya.
Siya ang una kong nakita pagkadating ko rito. Isang lalaking aso si Pat. Parang pambabae ang kanyang pangalan kaya't naitanong ko kay Beatrice kung bakit ito ang napili niyang ipangalan dito. Ang sagot niya, wala na raw siyang ibang maisip na cute na pangalan kaya't ito na lang ang pinili niya. Sa tuwing nakikita ako ni Pat, hindi siya tumatahol at hindi niya tinatangkang kagatin ako. Minsa'y titingnan niya lang ako at minsan nama'y lalapit siya sa akin sabay wagayway ng kanyang buntot. Pamilyar na kasi ako sa kanya at nasanay na siyang makita ako.
"Binabantayan mo ba nang mabuti si Beatrice? Siguraduhin mong walang mananakit sa kanya, ha? Kung hindi, baka magalit ako sa 'yo," sabi ko na para bang mauunawaan niya ako't magagawa niyang tumugon.
Tumayo ako at kumatok sa pintuan. "Beatrice, nandito ako."
Agad na bumukas ang pinto at nakita ko ang napakagandang mukha ng kaibigan ko. "Oh, France."
Hindi siya mukhang nagulat. Nasanay na rin kasi siyang makita ako at palagi na rin siguro niyang inaasahang ano mang oras ay magpapakita ako.
"Kumusta ka, Beatrice?" nakangiting tanong ko.
"Okay lang naman," sagot niya. Kumunot ang kanyang noo. "Kagagaling mo lang dito kahapon, ah."
"Oo nga, pero masama bang mangu-musta? Kahit okay ka kahapon, hindi no'n ibig sabihin na okay ka rin ngayon o sa mga susunod na araw."
Tumango-tango siya. "Tama ka naman. Salamat at hindi ka napagod na kumustahin ako. Eh, ikaw, okay ka rin ba?"
Ngumiti ako at tumango. "Bakit naman hindi?"
Okay na okay ako dahil halos araw-araw ko siyang nakikita. Sa tuwing kumakain ako ng mga paborito kong pagkain, napakasaya ko. Sa tuwing binibilhan ako nina mama't papa ng mga bagay na gusto ko, napakasaya ko. Pero walang papantay o hihigit sa sayang nadarama ko sa tuwing nakikita't nakakasama ko si Beatrice.
"Gusto mo bang pumasok?"
Umiling ako. "Hindi, huwag na. Nandiyan ba si tita? Ano'ng ginagawa niya?"
Tita ang tawag ko sa kanyang ina at gano'n din ang tawag niya sa mama ko. Ang mga ina namin ay magkaibigan. 'Yon ang unang-unang dahilan kung bakit at paano kami naging magkaibigan.
"Natutulog siya."
"Maganda talagang matulog sa ganitong oras. Eh, hindi ka ba inaantok?"
Ang totoo, nakararamdam din ako ng antok at gusto ko ring matulog. Ngunit mas gusto kong pumunta rito't makalaro siya.
Umiling siya. "Hindi, eh."
"Pareho lang pala tayo." Nagsinungaling ako. "Laro tayo?"
"Anong laro ba? Takbuhan? Ang init-init, oh," sabi niya sabay turo sa araw.
"Taguan na lang."
"Pero dadalawa lang tayo. Dapat sana, isinama mo sina Mavin at April para marami tayo."
Sina Mavin at April ay kaibigan din namin. Apat talaga kaming magkakaibigan, ngunit ginagawa ko ang lahat upang sa paningin niya, mas nakakahigit ako kumpara sa kanila.
"Mag-chess na lang kaya tayo?"
Halos palaging 'yon na lang ang nilalaro naming dalawa. Mag-isa lang kasi akong pumupunta rito, at saka 'yon din ang larong pinakagusto niya. Matalino si Beatrice kaya't hindi na ako nagtataka kung bakit. Ngunit hindi ako kasing-talino niya. Ayaw ko ng larong chess, hindi ko lang 'yon ipinaaalam sa kanya.
"Taguan naman ngayon ang laruin natin, sige na."
"Oh, sige," tumatangong sagot niya. Mabuti naman. "Pero ikaw ang taya at ako ang hahanapin mo?"
Ngumiti ako. "Okay lang 'yon sa 'kin."
Nagsimula kaming maglaro ni Beatrice. Matapos kong magbilang, agad ko siyang hinanap. Hindi pa man lumilipas ang isang minuto'y nahanap ko na siya, ngunit nagpanggap ako na walang nakita. Pagdating sa taguan, ako ang mas magaling. Hindi ko lang 'yon ipinakikita dahil ayokong mataya siya kaagad. Alam ko rin kasing ayaw niyang siya ang naghahanap.
"Beatrice, alam ko na kung nasaan ka. Nandiyan ka likod ng malaking puno," sabi ko matapos ang halos dalawang minuto. Nagpakita na siya "Ang galing mong magtago kaya nahirapan akong hanapin ka."
"Mas galingan mo pa kasi sa paghahanap," tugon niya sabay tapik sa aking isang balikat. Napatingin ako roon. "Magtago ka na at ako naman ang maghahanap sa 'yo."
Tumalikod siya at humarap sa puno na hinarap ko rin kanina at nagsimulang magsalita. Ako nama'y lumayo at humanap ng maaari kong pagtaguan. Pinalipas ko muna ang ilang segundo bago ko sinadyang ipakita ang aking sarili. Dahil doon, naging taya ako kaagad ulit.
Nagpatuloy kami sa paglalaro ng tagu-taguan hanggang sa napagod na kami. Naupo kami sa iisang upuan upang magpahinga.
"Ano'ng ginagawa ni Mavin, bakit hindi mo siya kasamang pumunta rito?"
"Si Mavin? Siguradong natutulog 'yon sa mga oras na ito."
"Ah, gano'n? Palagi ba siyang natutulog mula tanghali hanggang hapon kaya hindi siya nakapupunta rito?"
Tumango ako. "Gano'n na nga. Mahilig talagang matulog ang lalaking 'yon."
Hindi ko talaga alam kung totoo o hindi ang sinabi ko. Mahilig talaga sa pagtulog sa mga oras na ito si Mavin, ngunit hindi ko alam kung natutulog siya ngayon. Sinabi ko lang 'yon dahil ayokong sabihing sinasadya ko talagang pumunta rito ng mag-isa para kami lang ang magkasama.
"Eh, si April?"
"Kasama niya ang iba niyang mga kaibigan ngayon. Siguro, nagtsi-tsismis-an na naman sila o nag-aayos at naglalagay ng kung ano-ano sa mukha niyang nagmumukha nang coloring book."
Si April ay katulad ng karamihang babae na mahilig makipag-usap tungkol sa mga lalaki at mag-ayos ng kanyang sarili. Maganda si April sa paningin ko, ngunit parang habang mas nakikita ko ang tunay niyang pagkatao, nawawala ang ganda niya. Ayoko ng babaing pangkaraniwan at katulad lang ng iba. Gusto ko ng babaing simple at hindi lang ganda ang tinataglay kundi mabait at matalino rin. Si Beatrice ang babaing 'yon.
Si Beatrice ay napaka-simpleng babae, ngunit napaka-confident. Kakaiba ang paraan niya ng pagdadala sa kanyang sarili. 'Yong paglalakad niya pa nga ay parang pang-model. Hindi siya isang attention-seeker, ngunit napapansin kong nakatutok sa kanya ang spotlight. Hindi ko lang alam kung matutuwa ako o hindi dahil dahil sa pagiging sobrang ganda at confident niya, marami ring lalaki ang nagkakagusto sa kanya.
Tumawa siya. "Kung nandito si April, siguradong napalo ka na niya sa braso."
"Hindi lang talaga maarte ang babaing 'yon, mapanakit din siya."
"Paano kung nagpapapansin lang siya sa 'yo?"
Kumunot ang aking noo. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
Kahit kailan, hindi ko inisip na nagpapapansin sa akin si April. Kulang sa pansin si April kaya't gusto niyang nasa kanya ang atensyon ng lahat. Likas na katangian na niya 'yon mula pa noon.
Ngumiti siya. "Wala, kalimutan mo na 'yon."
"Talaga?" tanong ko.
"Hmm..." sabi niya sabay tango.
Tumingin ako sa itaas, sa kalangitang napakagandang pagmasdan. Pagkatapos ay inilibot ko ang aking aking paningin at pinagmasdan ang mga puno't halaman. Ang lugar na ito ang pinakamagandang lugar sa lahat. Kahit walang mall dito o mga lugar na maaaring pasyalan kumpara sa mayroon sa siyudad, masaya pa rin ako at mahal ko ang lugar na ito. Hinding-hindi ko ito iiwan.
"Parang gusto ko ng mangga," dinig kong sabi ni Beatrice.
Nakangiti akong tumingin sa kanya. "Palagi mo namang gusto ng mangga."
"Nang-aasar ka ba?"
Umiling ako. "Hindi, ah."
"Eh, ba't nakangisi ka pa rin?"
"Nakangisi ba ako?" sabi ko sabay hawak sa gilid ng aking labi. "Hindi naman, ah. Gusto mo bang kumuha tayo ng mangga?"
Tumango siya. "Oo, gusto ko."
"E di tara na't kumuha ng mangga."
Pumunta kami sa bahay ng kanyang lola kung nasaan ang puno ng manggang pinagkukuhanan namin ng mangga sa tuwing maiisipan naming kumain nito. Hindi ako mahilig sa mangga at madalas, ayokong kumain nito. Sumasakit kasi ang tiyan ko pagkatapos kong kumain no'n. Pero ipinakikita ko kay Beatrice na gusto ko ito para mas magustuhan niya pa ako. Palagi kong gustong magpa-impress sa kanya. 'Yon din ang dahilan kaya't kahit may pang-kalawit ng mangga, pinipili kong umakyat na lang sa puno.
"Lola, hingi po kami ng mangga," sabi ni Beatrice sa kanyang lola na abala sa panonood ng TV.
"Sige lang, apo, kumuha na kayo riyan. Basta't huwag lang kayong magsasayang ng mangga. Siguruhin n'yong kakainin n'yo ang lahat ng kukunin ninyo," sagot nito ng hindi kami tinatapunan ng tingin.
"Opo, lola."
Matapos naming hingin ang permiso ng kanyang lola, nagpunta kami sa ilalim ng puno. Pinagmasdan ko siya habang siya'y nakatingin sa mga mangga. Mukhang gustong-gusto na talaga niyang kumain ng mangga. Parang kumikislap pa ang kanyang mga mata. Parang maglalaway rin siya ano mang oras. Napangiti ako.
"Bakit ka nakangiti sa akin?"
Nabigla ako matapos niyang tumingin sa akin at magtanong. Napansin kaya niyang nakatitig ako sa kanya? Pero hindi naman problema kung napansin niya. Okay lang naman sa akin kahit malaman niyang gusto ko siya.
"Wala lang," sagot ko. Kumunot ang kanyang noo. Iniba ko naman ang usapan. "Ang lalaki ng mga mangga rito at mukhang masasarap pa." Tumingin pa ako sa mga mangga.
Hindi totoong masasarap ang mga manggang 'yon sa paningin ko dahil siguradong maaasim ang mga 'yon. Kahit isasawsaw pa namin 'yon sa bagoong na may sili at suka, hindi ko pa rin 'yon magugustuhan. Hindi ko malilimutan ang nangyayari sa tuwing kumakain ako ng mangga.
"Oo nga, eh," sabi niya.
"Dito ka lang, ha? Aakyat na ako."
Kumunot ang kanyang noo. "Aakyat? May pang-kalawit naman ng mangga rito, oh." Itinuro niya 'yong pang-kalawit na malapit lang sa amin.
"Mas okay pa rin kung aakyat ako para kumuha ng mangga. Huwag kang mag-alala, hindi ako mahuhulog. Palagi akong umaakyat sa puno para lang kumuha ng mangga o bayabas para sa 'yo, naaalala mo pa ba?"
"Pero wala kang kapangyarihan, hindi ikaw si batman o superman. Maaari ka pa ring mahulog at mabalian ng buto."
Nabuo ang malawak na ngiti sa aking mukha dahil sa pag-aalala niya sa akin. Ang cute niya kapag nag-aalala. Para naman akong kinikilig. "Huwag ka na ngang mag-alala, hindi ako masasaktan."
Hindi ako maaaring mahulog sa punong ito dahil pakakasalan ko pa siya. Ano ba itong iniisip ko? Nagiging katulad na yata ako ng mga kakilala kong corny.
"Paano kapag nasaktan ka? Sarili ko ang sisisihin ko. Huwag ka na lang kasing umakyat."
Hindi ko siya sinunod, lumapit ako sa puno, at nagsimulang umakyat. Sana'y humanga siya sa akin sa halip na mainis o magalit. Kung mapapahanga siya ng pag-akyat ko, magagawa kong umakyat sa puno araw-araw.
"Ang tigas ng ulo mo, France!" sigaw niya.
Tumawa ako. "Huwag ka na kasing mag-alala."
Kinikilig yata talaga ako. Sino'ng lalaki ba ang hindi kikiligin kung ang babaing gusto nila'y halatang may pakialam at nag-aalala sa kanila? Ang gano'ng lalaki, tiyak na manhid. Pero hindi ako manhid kaya siguro hindi ko mapigilang kiligin. Ang bata-bata ko pa, pero nakararamdam na ako ng ganito. Normal ba ito? O baka dahil lang ito sa panonood ko ng love stories? Bakit kasi ang hilig ni ate at ni mama sa love stories? Nahawaan tuloy ako.
"France!"
"Beatrice!" sabi ko sabay tawa ulit.
"France!" Pumadyak pa siya.
Mas lalo akong natawa. Ang cute-cute niya. Nagmukha siyang batang malapit ng umiyak. Bakit kasi napaka-cute at napakaganda niya? Hindi ko tuloy mapigilang magkagusto sa kanya.
Ngumiti ako bago nagsimulang kumuha ng mga mangga. Pinili ko 'yong mga malalaki at matitigas pa. Gusto kasi niya 'yong maaasim. Mas masarap raw kasing ang maaasim kapag isinawsaw sa bagoong. Para sa kanya lang 'yon. Para sa akin, ang napakaasim na mangga ang isa sa mga hindi dapat kainin. Kung hindi ko lang siya gusto, hinding-hindi ko kailanman uulitin ang pagkain nito.
"France, bumaba ka na diyan. Hindi ko 'yan kakainin."
Paulit-ulit niya akong sinubukang pababain, ngunit hindi ko siya pinakinggan. Nagpatuloy ako sa aking ginagawa. Alam kong hindi niya magagawa ang sinabi niya. Sobrang gusto niya ang mangga kaya't napakahirap para sa kanyang pigilan ang kanyang sarili na kumain nito. Kilalang-kilala ko na kaya siya. Bukod sa matagal na kaming magkaibigan at nagkakasama, palaging nasa kanya ang aking mga mata at atensyon. Palagi ko siyang ino-obserbahan at imine-memorize ko ang bawat bagay tungkol sa kanya.
"France!"
"Malapit na ito, Beatrice, huwag ka nang mainip," sabi ko.
"Bumaba ka na diyan! Hindi ko nga kakainin 'yan. Baka mahulog ka pa."
Matagal na akong nahulog, ngunit hindi sa lupa kundi sa perpektong babaing gaya mo.
Ang corny! Normal lang ba na maging corny ang isang taong may taong nagugustuhan? 'Yong mga nakikita ko sa mga movie, hindi naman ganoon ka-corny. Medyo corny lang 'yon, pero corny pa rin! Normal lang siguro ito, 'no?
"France, aalis na ako. Bahala ka na diyan."
Napahinto ako sa pagpitas ng mangga at tumingin kay Beatrice na nagsimulang maglakad papalayo. Ang bilis ng naging pagkilos ko kaya't naging mali ang galaw ko. "Ahhh!" sigaw ko nang magsimula akong mahulog.
"France! Hindi!"
Akala ko'y mahuhulog na ako nang tuluyan. Mabuti na lang at nakahawak ako sa isang sanga. Nakahinga ako nang maluwag at napapikit. Salamat sa Diyos at ligtas ako. Pakakasalan ko pa si Beatrice.
Ginamit ko ang lahat ng lakas ko upang maiangat ang aking sarili. Pagkatapos no'n, dahan-dahan akong kumilos upang bumaba ng puno. Kinabahan talaga ako nang husto. Kailangan ko nang maging mas maingat simula ngayon.
"Beatrice, heto na ang mga mangga mo," nakangiting sabi ko sabay pakita sa kanya ng mga mangga na nasa aking damit. Ginawa ko itong lalagyan upang marami akong makuha.
Nakatitig lang siya sa akin na parang isa akong bato at hindi siya nagsalita.
"Beatrice? Hindi ka ba masaya?"
"Paano naman ako magiging masaya? Muntik na kayang mahulog ang kaibigan ko at mabalian ng buto." Nanginginig ang kanyang boses at nakita ko ang mga luha sa kanyang mga mata na handa nang bumagsak.
Nawala ang aking ngiti. Nakaramdam ako ng kirot sa aking dibdib. Ang babaing gusto ko, nasaktan ko at malapit nang lumuha. Ano ba'ng ginawa ko?
Tumingin ako sa ibang direksyon. Ayokong makita ang magaganda niyang mata na mayroon nang luha dahil sa akin. "Pasensya na..."
Nahirapan akong magsalita dahil hindi ko talaga alam kung ano ang dapat kong sabihin. Bakit kasi hindi ako nag-ingat? Kasalanan ko ito. At tama siya, pwede namang gamitin na lang namin 'yong pang-kalawit ng mangga sa halip na umakyat ako sa puno. Pero bakit parang hindi ako nagsisisi na ginawa ko 'yon?
"Nag-alala ako at kinabahan nang sobra."
Napatingin ako sa kanya matapos niyang sabihin 'yon. Pinapahid na niya ang kanyang mga luhang nagsimula nang umagos sa kanyang mukha. Parang gusto kong umiyak na rin.
Paano ko ba sasabihin sa kanya na hindi lang siya ang natakot at kinabahan? Paano ko sasabihing sumagi sa isip ko na maaaring ikamatay ko kung sakaling nahulog ako? At paano ko sasabihing natakot akong mawala dahil alam kong masasaktan siya kapag nangyari 'yon?
Sa tuwing may kamag-anak akong umaalis sa lugar na ito, nasasaktan ako. Napakasakit panoorin silang unti-unting mawala't umalis. Minsan, naitatanong ko kung nasasaktan din ba sila sa pag-iwan nila sa amin. Ngunit isa lang ang nasisiguro ko, hindi madali at napakasakit ang maiwan.
"Patawarin mo ako." Nanginig ang aking boses. Ramdam ko na rin ang aking mga luhang nagsimulang mabuo sa gilid ng aking mata. Nasasaktan akong makita siyang nasasaktan.
Lumapit siya sa akin at akala ko'y papaluin niya ako ngunit ipinatong niya lang ang kanyang kamay sa ibabaw ng aking balikat. "Okay lang 'yon basta't huwag mo na 'yong uulitin, ha?"
Nanatili sa kanyang kamay ang aking paningin. Noong mga sandaling 'yon, hinihiling kong sana'y gusto niya akong yakapin at sana'y mas pinili niya na lang na yakapin ako. At ang hiling ko'y hindi nangyari. Ngunit kahit na gano'n, nagpapasalamat pa rin ako dahil pinaramdam niya sa akin na labis ang pag-aalala niya sa akin.
"Hinding-hindi na 'yon mauulit," sagot ko. "Ang tinutukoy ko ay 'yong hindi ko pag-iingat at hindi 'yong pag-akyat ko sa puno."
Kumunot ang kanyang noo at tinanggal niya ang kanyang kamay mula sa aking balikat. "At ang tinutukoy ko naman ay 'yong dalawa."
"Pasensya na, pero aakyat pa rin ako ng puno."
Mas kumunot ang kanyang noo. "Bakit? Hindi ka ba natatakot na mapahamak? Ligtas ka ngayon, pero maaaring hindi ka na swerte-hin sa susunod."
Aakyat talaga ako sa puno kung ito'y para sa kanya. Hangga't hindi siya nagsasawang kumain ng mangga, hindi rin ako magsasawang umakyat sa puno.
"Hindi ko kailangan ng swerte. Sisiguruhin kung hindi na mangyayari sa akin ang nangyari kanina."
"Ang tigas talaga ng ulo mo, 'no?" Tumango ako ng may ngiti. "Mukhang hindi ko na mababago ang isip mo. Ang magagawa ko lang ay hilinging hindi ka mapahamak at sabihan ka na maging mas maingat."
"Huwag ka na ngang mag-alala dahil mas mag-iingat na ako," sabi ko upang mawala na ang pag-aalala sa loob niya. "Bumalik na tayo sa inyo para makain na natin ito."
"Gustong-gusto mo talaga ang mangga, 'no?"
Nagkamali siya. Ayaw na ayaw ko roon. Ngunit nagpapasalamat ako't nagawa kong pagmukhaing katulad niya'y gusto ko rin ang mga ito. Ang galing ko pala sa pagpapanggap.
"Parehas lang tayo," tugon ko.
Pagdating namin sa kanilang bahay, agad naming sinimulan ang pag-ubos sa mga mangga. Sa tuwing hindi nakatingin sa akin si Beatrice, umaakto ako na parang masusuka na. Ngunit kapag titingnan niya ako, sinusubukan kong ngumiti at ipakitang gusto ko ang kinakain ko. Kahit noong dadalawa pa lang ang nakakain ko, ramdam ko na ang sa akin sa aking tiyan.
"Kayong dalawa talaga, ang hilig sa mga mangga," komento ni tita matapos kaming makitang parehong kumakain ng mangga.
"Hi, tita!" bati ko sabay pakita ng isang pilit na ngiti.
Sana'y hindi nahalata ni tita na peke ang aking ngiti. Ayokong malaman niyang hindi ko talaga gusto ang mangga gaya ng ipinapakita ko at ayoko ring isipin niyang mapagpanggap ako.
"Pinaakyat ka na naman ba ni Beatrice sa puno ng mangga, France?"
Umiling ako. "Hindi po, tita. Kusa po akong umakyat."
"Opo, ma, at muntik na po niyang ikapahamak 'yon." Napansin ko ang pagkunot ng kanyang noo.
"France, dapat mo nang itigil ang pag-akyat mo ng puno, baka next time, tuluyan ka nang mapahamak." Tumingin ito kay Beatrice. "At saka Beatrice, dapat sana'y pinigilan mo itong si France sa halip na panoorin lang siyang umakyat o 'di kaya'y ginising n'yo na lang ako para ako na ang kumuha ng mangga para sa inyo."
"Ma, ginawa ko po 'yon," sagot niya at tumingin sa akin. "Pero hindi naman siya nakinig sa akin. Napakatigas talaga ng ulo niya."
Natuwa ako matapos kong muling maramdaman na nag-aalala siya sa akin.
"'Yon naman pala, France, eh. Bakit hindi ka nakinig? Mas mahalaga ang buhay mo kaysa sa mga mangga na 'yan kaya dapat mong mas inisip ang kaligtasan mo."
Yumuko ako kahit hindi ako nagsisisi. "Patawad po, tita."
"Huwag ka nang aakyat sa susunod, at kung aakyat ka naman, siguraduhin mong hindi ka mahuhulog."
"Opo."
"Ipaghahanda ko sana kayo ng meryenda, pero kumakain na kayo ng mangga. Hindi pwedeng halo-halo ang kinakain ninyo dahil siguradong sasakit ang tiyan n'yo."
Sigurado pong gano'n nga ang mangyayari. Mangga pa nga lang ang kinakain ko, sobrang sakit na ng tiyan ko.
Matapos naming maubos ang mga mangga, nanatili ako roon. Nanood kami ng TV. Sa kalagitnaan ng panonood namin, napunta sa litrato nila ang aking paningin. Napakasaya nila roon. Tatlo lamang sila sa kanilang pamilya. Oo, nag-iisang anak si Beatrice at 'yon siguro ang dahilan kaya't mahal na mahal at inaalagaan nila siya nang husto. Nanatili ang aking mga mata sa mukha ng ama ni Beatrice, si Tito Benjie. Hindi nila ito kasama sapagkat nasa Maynila ito at doon nagtatrabaho. Bigla tuloy sumagi sa isip ko ang tanong na: darating kaya ang araw na aalis ang pamilya nila sa lugar na ito para pumunta sa Maynila?
Parang bigla akong simulang saksakin ng mga kutsilyo sa dibdib. Sinubukan kong burahin ang tanong na 'yon sa aking isipan. Posible 'yon, pero mananatili sila rito, 'di ba? Mahal nila ang buhay nila sa lugar na ito katulad namin, 'di ba? Hinihiling kong tama ako. Hinihiling at pinapanalangin kong habambuhay silang mananatili rito at hindi kami magkakahiwalay ni Beatrice. Sana'y marinig ng langit ang aking panalangin. Dahil kung hindi, hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin.
"France, wala ka bang balak umuwi? Malamig na 'yong ginataang bilo-bilo," sabi ni mama matapos nitong biglang lumitaw.
Dahil masyado akong masaya na makasama ang aking kaibigan, nawala sa isip ko na gumawa pala ng meryenda si mama para sa akin. Pero magagawa ko pa kayang kumain no'n kahit masama ang pakiramdam ko dahil sa mangga? Ang mga mangga talaga, hindi magandang kainin.
"Mare, umupo ka muna rito't mag-usap tayo. Hayaan mo na lang muna silang dalawa diyan na manood."
Ginawa ni mama ang sinabi ni tita at nagsimula silang mag-tsismis-an. Dahil hindi sila malayo mula sa amin, dinig na dinig ko ang mga sinasabi nila.
"Talaga, mare? Ang tindi naman niyan," komento ng mama ni Beatrice.
"Napaka-grabe talaga, mare. At saka sino ang babaing hindi magdurusa matapos nilang malamang nagsasaya na pala ang kanilang asawa sa piling ng ibang babae?"
Si mama talaga, oo, katulad pa rin ng dati. Saan ba nakukuha ni mama ang mga nababalitaan niya? Ah, alam ko na. Siguradong mula 'yon sa mga kaibigan niyang tsismosa. Kahit magkakalayo ang mga bahay dito, mayroon pa ring mga tsismis na kumakalat dito. Siguro'y ang pinagkaiba lang dito at sa siyudad ay mas malala ang nangyayari sa siyudad.
Sinubukan kong ituon sa TV ang buo kong atensyon kahit ang lakas-lakas ng boses ng mga nanay namin.
"Apat ang gusto kong apo, mare," sabi ni mama.
"Dalawa lang ang gusto ko, mare," tugon naman ng mama ni Beatrice. "Napakahirap manganak dahil ang isa mong paa ay nasa hukay kapag nanganganak ka. Ayoko namang mahirapan ang anak ko lalo't mahal na mahal ko siya dahil siya lang ang nag-iisa kong anak."
"Ay, ayos na sa akin ang dalawa, mare. Basta't ang kasal ng mga anak natin, bonggang-bongga ha?"
Halos mapatakip ako sa aking mukha matapos ko 'yong marinig. Hindi ba nila alam na naririnig namin sila? Bakit ba kung ano-ano'ng sinasabi ng mama ko?
COME BACK TO MY SIDE
TiffGRa (Tiffany)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top