Hiling

Sabay tayong tumingala sa langit,
Nagbabalak na kausapin ang himpapawid,
Na sana mga pangarap natin ay ating makamit,
Habang ang banayad na hangin sa ati'y kumakalabit.

Napatingin ako sa iyong kinalalagyan,
May kung anong mga butil sa iyong mata ang nagsilabasan,
Bakit ka umiiyak, kaibigan?
Hindi ka ba masayang kasama akong humihiling sa payapang kalangitan?

Hindi ko namalayan na luha ko rin ay tumagaktak,
Sa bawat patak nito ang puso ko'y nawawasak,
Tila pinagsamantalahan ako ng maraming saksak,
Habang patuloy ka pa rin sa pag-iyak.

Ano nga ba ang iyong hiniling?
Bakit ganoon na lang kung ito'y iyong dibdibin?
At naestatwa ako ng bigla kang nagsalita sa hangin,
Na sana hindi na lang nangyari ang una mong hiniling.

Ngayon, ang hiling mo'y nagkatotoo,
Tuluyan na nga akong namayapa sa lupang kinatatayuan mo,
Ako'y naunang mamuhay sa kabilang mundo,
Kung saan walang poot at inggit sa puso ng mga tao.

-PHIEMHARC

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top