Chapter 1: Prominent School


"TINGNAN mo ate Jamie! Nagpa-flash sa TV ang Merton Academy." Dali-dali akong tumakbo tungo sa sala at tumutok din sa TV. Ang Merton Academy ang isa sa mga prominenteng paaralan sa Pilipinas. Hindi pera ang nagiging batayan para makapasok sa paaralang ito... kung hindi talino.

Ipinapakita sa TV ang mga estudyante ng Merton Academy na nag-e-excel sa iba't ibang sports at maging ang mga awards at trophy na nakuha ng paaralan. Kapag sa Merton Academy nakapasok ang isang estudyante. 90% ang rate na makakakuha ka agad ng magandang trabaho na mayroong magandang sweldo.

Aminado akong hindi ako ganoon katalino, pero gagawin ko ang lahat para makapasok sa paaralang ito. Magaganap ang entrance exam sa susunod na linggo kung kaya't puspusang pagre-review ang ginagawa ko.

"Maaapak ko rin ang paa ko sa dream school ko na 'yan, soon!" sabi ko ng punong-puno ng determinasyon. Nai-imagine ko na nga ang sarili ko na suot ang uniporme ng paaralan, at sigurado ako na babagay sa akin iyon.

"Ayon lang, mataas din mangarap. Muntik ka nang bumagsak nung Grade 12 ka ate, naawa lang ang mga professor sa 'yo kasi ga-graduate ka." Pag-e-epal ng kapatid kong si Jason, he's 14 years old at mas bata lang sa akin ng apat na taon.

Nawala ang ngiti sa aking labi at bumaling ang tingin ko sa kanya. "Alam mo, epal ka. Akala mo kung sinong matalino, palakol din ang grades mo sa math."

"Atleast ako, alam kong bobo ako. Ikaw, bobo na nga, nangangarap ka pang makapasok sa school na matatalino. Gising din uuuy!" sabi niya sa akin.

Huminga ako ng malalim. "Mamaaa! Si Jason nga nang-aasar na naman, batukan mo nga 'tong hinayupak na 'to, pitong beses sunod-sunod." Sa aming magkapatid, ako ang panganay pero ako parati ang inis talo. Malakas mang-asar itong kapatid ko, palibhasa lalaki. Lahat ng kagaguhan ay nakadikit sa katawan.

"Hoy kayong dalawa! Nag-aaway na naman kayo, isa pang marinig ko kayong magsigawan, lalayas kayong dalawa." Sermon ni mama. "Ikaw, Jamie, akala ko ba gusto mong makapasok diyan? Ba't 'di ka mag-review?"

Sumimalmal ako at nagmartsa na pabalik sa kwarto. Ibinuklat ko ulit yung Calculus book ko. "Makikita mo Jason, kapag ako nakapasok dito, isasampal ko sa 'yo 'tong calculus book at itutusok ko sa 'yo 'tong faber castel na ballpen. Makikita mo."

Habang nag-aaral ako ay hindi ko maiwasang mapatingin sa mga fairies na poster sa kwarto ko. Bata pa lang ako ay malaki na ang attachment ko sa mga Fantasies, siguro nga ay lumaki ako na naniniwala na nag-e-exist ang mga taong may powers, o kaya naman mga dragons or other mythical creatures. Dati ay nauubos ang oras ko sa panunuod ng mga videos na totoong nag-e-exist ang mga mermaid, ang mga taong may kapangyarihan daw, at mga fantasy movies.

Mahilig pa rin naman ako sa fantasies... hindi na nga lang ako naniniwala rito. Ginagawa na lang nilang makulay ang mga bagay-bagay na naiisip ko. Gaya na rin ng word na 'Fantasy,' hindi 'to nag-e-exist, gawa-gawa lang 'to ng mga taong malilikot ang imahinasyon.

"Tingnan mo, nagre-review daw, lumilipad naman ang isip. Luh, don't me, sis." Hindi ko na napansin na nakadungaw na sa pinto ang may ugaling demonyo kong kapatid.

"Umalis ka ngang hinayupak ka! Kapag nakikita ko 'yang pagmumukha mo, nawawala lahat nang pinag-aralan ko." Reklamo ko na tinawanan lang naman ng aking kapatid. See? Kahit kailan ay hindi ko talaga siya mabibwisit.

***

ARAW na ng exam, nakatayo na ako sa harap ng Merton Academy, pinagmamasdan ko ang nakakamanghang disenyo ng school gate nito. Mula sa disenyo, masasabi mo talagang magagaling na architect ang nag-design ng buong school dahil sa ganda at astig nito.

Pagkapasok sa school ay sasalubong na agad ang malaking fountain nito, sa kanang bahagi ay may school building samantalang sa kaliwang bahagi naman ay ang malawak na school field. "Wow, ang laki." Pagpupuri ko at ini-flash ko ulit ang camera ng cellphone ko. "Ang ganda ng shot ko rito. Pang-instagram."

"Mag-e-exam ka?" Isang lalaki ang lumapit sa akin na may suot na school uniform ng paaralan. Kilala ko 'to! Kilala ko siya! "By the way, I will introduce myself first, I am Nickolas Agoncillo or you can call me kuya Nick na lang. I am one of the students na nag-a-assist sa mga estudyante mag-e-entrance exam sa paaralan namin." Nakangiti niyang sabi.

I knew him! Nakita ko na siya dati sa TV at nakikita ko rin siya sa mga top students nitong Merton Academy. He's the popular student na nanalo sa isang math competition, INTERNATIONAL last year.

"A-Ako naman si Jamie. Jamie Hernandez."

Sumunod ako sa kanya at hindi ko pa rin maalis ang tingin ko sa kanya, pakiramdam ko ay nakatingin ako sa isang celebrity. Mas guwapo siya sa personal at sobrang bagay na bagay ang modern quiff niyang hairstyle at eyeglasses niya. Mukhang napansin niyang nakatingin ako sa kanya at ngumiti ito sa akin.

"By just observing on how you looked at me. Mukhang kilala mo 'ko," natatawa niyang sabi.

"Y-Yes, puwedeng magpa-picture? Promise, hindi ko 'to ipo-post sa facebook!" I raised my right hand. "Sa twitter lang para less toxic."

Natawa siya sa akin. "You know what, madali kang pakisamahan. Sure, let's take a picture, bihira lang din akong makakilala ng tao na sobrang nakakatawa." sabi niya sa akin. The good thing about Nick, he's approachable.

Nag-request ako kay Nick kung maaari kaming dumaan sa classroom ng Class zero pero hindi raw kami puwedeng lumapit sa classroom na ito. Itinuro niya lang sa akin kung saan makikita ang class zero. "Walang mga estudyante ang pinahihintulutan na makalapit sa classroom ng class zero, nakabukod ang classroom nila at nakhiwalay sa main building. Only the class zero itself can enter the room and authorize professors. Why?"

"Pangarap ko kasing maging parte nung klaseng 'yan, eh." sabi ko sa kanya.

"That's also my dream. But I believed; only the gifted ones can be part of the class zero. Tingnan mo 'ko, I am not boasting pero ang talino ko na pero hindi ako naging parte ng klaseng iyan." Sabi niya sa akin. Oh gosh! Kung hindi pala parte itong si Nick ng class zero, paano pa 'ko na kinaawaan lang ng teacher kaya naka-graduate?

Syempre! Hindi ko isusuko ang pangarap ko. Matanggap man sa class zero o hindi, ang goal ko is makapasok sa Merton Academy.

Hindi ko inaalis ang tingin ko sa class 0 nung may makita akong kulay pulang liwanag mula sa bintana ng class zero. Mabilis lang ang pagkislap na iyon. "Nakita mo 'yon?" Tanong ko kay Nick.

"Ang alin?" he asked.

"Yung pulang liwanag!" Akmang lalakad ako papunta sa class 0 pero hinawakan ni Nick ang braso ko upang pigilan ako.

"Parehas tayong mapapagalitan kung pupunta ka sa classroom nila. Trust me, wala akong liwanag na nakita. Walang tao sa class zero ngayon." sabi niya sa akin.

Tumingin si Nick sa kanyang wristwatch. "It's almost time for your exam, kailangan mo nang pumunta sa designated room na naka-assign ka."

Hinatid na ako ni Nick patungo sa classroom kung saan ako mag-e-exam, he also cheered me before he leave. Nung pumatak na ang kamay ng orasan sa 10:00am. Doon na nagsimula ang exam namin.

Okay, first exam... English... uhm... pass!

Lipat muna ako sa Science part dahil mahina ako sa English... pass!

Okay, hindi ko rin favorite ang science, sa arts part muna ako... uhm...

Idinukdok ko na ang mukha ko sa lamesa at nangingiyak na ako dahil sa hirap ng exam. Hindi ko naman inasahan na pang bar exam pala ang lalabas na mga tanong dito sa entrance exam. Napakahirap! Tanging matatalino nga lang na estudyante ang makakasagot ng mga 'to eh.

Habang nasa kalagitnaan ako ng pag-e-exam ay biglang huminto ang pagtunog ng orasan, maging ang mga kasama kong nag-e-exam ay nakatigil at maging ang pagbagsak ng dahon sa kalapit na puno ay tumigil din sa ere. "A-Anong nangyayari?" mahina kong bulong sa aking sarili.

Feeling ko ay nagha-hallucinate na ako dahil sa hirap ng exam. Sinabi ko na nga ba dapat ay maaga akong natulog kagabi, kung ano-ano tuloy ang na-e-experience ko ngayon.

"A-Ate, okay ka lang?" tanong ko sa babaeng katabi ko pero wala pa rin siyang kibo. Diretso siyang nakatingin sa kanyang test paper at nakahinto talaga silang lahat.

Nabigla ako noong may isang lalaki ang pumasok sa loob ng classroom. Siya lang ang bukod tanging gumagalaw sa lahat ng tao na nandito! Teka nga, ano bang nangyayari?! Nakatulog ba ako sa exam... wala na nga akong masagot, nakatulog pa ako. Wala na talagang pag-asa Jamie.

Naglakad papasok ang lalaki at tumingin-tingin sa paligid. Noong nakita niyang ako lang ang nakakagalaw sa hindi ko maintindihan na sitwasyon na ito ay napangisi ito. "Anong pangalan mo?" He asked at binuklat niya ang kanyang hawak na notebook.

"B-Bakit po? Bagsak na po ba ako?" tanong ko.

"This batch will be pretty interesting," he chuckled. "Nakadepende ang pagbagsak mo sa kung paano mo sasagutan ang test paper. So anong pangalan mo, bata?"

Ang weird lang dahil nag-uusap kaming dalawa na nakatigil ang lahat. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari pero feeling ko nakatulog na nga ako sa hirap ng exam at isang malaking panaginip 'tong nangyayari na ito.

"J-Jamie, Jamie Hernandez po." Sagot ko. He listed my name on his notebook and he snapped his finger.

Wala na siya sa aking harap at bumalik na muli ang ingay ng paligid. Nag-hallucinate ba ako nang ilang segundo?

"Ate," tawag ko sa katabi kong mag-exam at lumingon siya sa akin. "Nakita mo ba 'yong lalaking pumasok kanina?"

"Huh? Bawal pumasok ang kahit na sino habang nag-e-exa—"

"Shhh! Eyes on your paper." Na-guilty naman ako ng 3% dahil napagalitan si ate ng dahil sa akin.

Ilang beses sumagi sa isip ko 'yong nangyari kanina pero napili kong mag-focus sa exam.

Matapos ang exam ay umuwi akong lumbay na lumbay. Ang dami kong hinulaan na sagot, lalo sa math na part, isang sure tapos 24 na yung hinulaan ko. Mukhang wala na akong pag-asa na makapasok dito sa paaralang ito. Kailangan ko na yatang maghanap ng iba pang school na kung saan ako maaaring mag-entrance exam.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top