Chapter Fifty Three


"ANAK, ang yaman pala ng pamilya ni Kiefer ano?" sabi ng kanyang ina kinabukasan. May hang-over pa ito sa nangyari kagabi at iyon pa rin ang binibida habang nag-aalmusal sila.

"Nakakalula ang laki ng mansyon nila. Tapos mag-isa lang pala si Isme nakatira doon.."

Napangiti siya nang banggitin ng kanyang mama ang pangalan ng ina ni Kiefer. Sabagay, magka-edad lang ang dalawa at nakakarelate sa isa't isa. Hatinggabi na nga sila nakauwi kagabi dahil sa haba ng pag-uusap ng mga ito. Si Kiefer ang naghatid sa kanila pauwi.

"Eh, nagtataka ako. Bakit pala nakabukod na si Kiefer? Wala pa naman siyang pamilya para magkaroon ng sariling mansyon."

"Hindi ko rin alam, 'Ma. Ganon naman talaga ang mayayaman. Advance siguro mag-isip."

"Baka naman may balak na ibahay.." pagsabat ni Marsh, may panunukso sa ngiti.

"Tumigil ka, Marsh." sabi niya at pilit na nilunok ang pagkain.

Naramdaman din niya ang interes na kumislap sa mata ng Mama niya at tumingin sa kaibigan niya.

"Tingin mo Marsh, sa simbahan ang tuloy ni Kiefer at ng anak ko?"

"Ma," saway niya.

"Naku, hindi malabo, mader! Pero mukhang tumatanggi pa si Shamcey.. Hinahabol-habol na nga ni Kiefer, nagpapakipot pa. Sabihan mo kaya Tita Sash 'yang junakis mo na wag na pa-hard to get?"

"Walangya ka, Marsh, wag mo sulsulan si Mama."

""Bakit nga may ganoon pa 'nak? May problema ka ba kay Kiefer?" Agad agad nasa kanya na ang atensyon nito. "Mukha namang mabait na bata si Kiefer. Kahit mayaman, napaka-welcoming niya at ng ina niya. Hindi matapobre. Siya pa talaga ang nag-effort para makilala ako at makasama tayo sa dinner. Sa panahon ngayon ang hirap na hanapin ng mga lalaking maginoo at magalang."

"Kapag kaharap kayo."

"Ay, paanong pag kaharap lang kami maginoo at magalang? So meaning, pag kayo lang dalawa binabastos ka?" nagtaas ng kilay si Marsh.

"Totoo ba, Shamcey?" Napakunot-noo ang mama niya.

"Jusko!" Kunwari ay nahindik si Marsh. "Kawawa naman ang Shamcey namin! Wag ka mag-alala, kaibigan ko. Ako ang sasambot ng pambabastos niya sa 'yo. I volunteer!" ala-Katniss Everdeen pa 'tong tumayo.

Nasapo niya ang noo.

"Nak, kung ayaw mo kay Kiefer, sabihin mo na agad sa kanya. Magdesisyon ka na talaga ng tapos para hindi umaasa 'yong tao." seryosong sabi ng kanyang ina.

"Ako, wala akong pakialam kung anong relasyon meron kayo. Basta ba hindi ka niya sinasaktan, niloloko. Ako ang makakaharap niya."

Tumango siya, at bumuntong hininga. "Komplikado lang ang relasyon namin ngayon, Ma. Pero tama kayo, mabait naman siya sa atin. Pati ang mama niya kaya dapat ko ikonsidera 'yun na mainit nila tayong tinanggap at hinarap."

"Matanong ko lang.. Wala na bang ama si Kiefer? Wala akong nakikitang picture niya o naririnig man lang sa kanilang mag-ina. Nakakahiya naman mag-usisa."

Natigilan siya. Ang totoo iyon din ang isa sa mga tanong niya sa isip na hindi pa nasasagot.

"Hindi ko rin nauusisa, Ma. At sa palagay ko, wala na tayo doon."

Tumango na lang ito. But come to think of it, hindi man lang nga sa kanya naikwento ni Kiefer kahit minsan ang tungkol sa ama nito. Pag tungkol sa pamilya nito, parang iniiwasan nito na maikwento sa kanya. Maiintindihan niya na privacy nito 'yon. Maintindihan niya na may mga bagay na hindi pa ito handang i-open sa kanya. Igagalang niya iyon. Hihintayin niya na ito naman ang mag-open sa kanya.

Iyon ay kung gagawin ni Kiefer iyon.. That's the real question. Handa ba nito buksan ang sarili sa kanya?

PINIGILAN NI Shamcey ang mapangiti nang makita ang pangalan ni Kiefer sa screen. Agad niyang sinagot 'yon. "Ano na naman?"

"Nasaan ka? Wala ka dito."

Napangisi siya. "Di ba sabi ko naman sa 'yo magreresign na ako? So, bakit mo pa ako hinahanap dyan?"

"Hindi ko tinatanggap ang pag-alis mo. Bumalik ka dito." puno ng awtoridad ang boses nito. Naririnig niya ang tono nitong 'yon sa ibang salita, at parang sinilaban agad ang pakiramdam niya. She can imagine him being that demanding in the bedroom.

"Nakalimutan mo yata na hindi ka rin naman matatanggap sa iba hangga't hindi kita hinahayaan.. Tinutupad ko ang mga sinasabi ko, Shamcey. Don't test me." mababa ang tinig nito at nanghahamon.

Nakagat niya ang ibabang-labi kasabay ng pagtaas ng balahibo niya sa batok.

"Nasaan ka ba ngayon?"

"Bakit ko sa 'yo sasabihin?" pang-aasar niya.

"Shamcey.." Rinig niya ang iritasyon sa boses nito. Naiimagine na niya ang pamumula ng mukha nito sa inis. Bahala 'to mastress sa kanya. Napadaan siya sa malaking christmas tree nang biglang umugong ang boses ni Jose Mari Chan.

"Nasa mall ka ba ngayon?" sabi nito.

"Paano mo nasabe?"

"Shamcey, don't play with me. Hindi mo gugustuhin makipaglaro sa akin."

She rolled her eyes. "Oo na, masyado ka seryoso." Sinabi niya dito kung nasaan siya.

"Pupuntahan kita d'yan. In ten minutes."

"Okay.. Aalis na ako.."

"Subukan mo. Alam ko naman kung saan ka pupuntahan eh. I-text mo sa akin kung saan kita pupuntahan dyan." Pinagbabaan na siya nito ng phone bago pa siya makasagot. Bastos!

Nag-iikot siya sa may department store nang may pamilyar na bulto siyang nahagip ng tingin. Kunot-noo na binalikan niya ito ng tingin. Nanlaki ang mata niya nang makilala ang babae.

"Shy," bulong niya. Na-excite siya na makita ito. Mula nang magkita sila sa restaurant noong kasama niya si Kiefer. Hindi rin sila masyadong nagkakausap ngayon. Hinayaan niya ito. Sabi ni Marsh, hinahayaan din daw muna niya si Shy na mag-isang i-figure out ang relasyon nito kay Jude. Alam niya hindi rin madali ang pinagdaanan nito. At ayaw niya ito I-judge kung pinili nitong makipagbalikan pa rin sa ex.

Dali-daling nilapitan niya ang kaibigan. "Shy!"

"S-Shamcey," gulat itong napalingon sa kanya. Pagkatapos ay napangiti. "Ikaw pala 'yan.. Kumusta ka na?"

"Okay lang naman ako. Ikaw? Uy, pasensya ka na.. Hindi ako nakakabisita sa 'yo."

"That's okay. Busy rin naman ako ngayon. At saka alam mo na.." Tumingin ito sa daliri nito. Nandoon na ulit ang engagement ring nito.

Tumango siya. Naiintindihan niya.

"Hindi kita huhusgahan.. Support lang ako kahit ano maging desisyon mo. Sayang, hindi ko naisama si Marsh ngayon."

"Nagkita na rin naman kami last time. Dinayo pa talaga ako nun."

"Talaga ba? Ang daya nun!"

"Busy ka na rin naman yata sa love life.. Siya pala ang boyfriend mo."

Tumango siya. "Sayang, hindi kita naipakilala sa kanya." Tumingin siya sa cellphone niya. Nagtext na si Kiefer na nagpaparking na.

"K-Kasama mo ba siya ngayon?" tanong ni Shy.

Umiling siya. "Hindi, kaso magkikita kami ngayon. Mag-isa ka lang ba? Tara, ipakilala kita. Ang unfair naman kasi hindi ko pa siya naipapakilala sa 'yo. SI Marsh nameet na niya ng ilang beses."

"Hindi, okay lang bes." Sunod sunod itong umiling, pilit ang ngiti. "Next time. May kasama ako ngayon mamili eh."

"Sino?" tanong niya.

"Tita!" Parehas silang napalingon ni Shy sa pinanggalingan ng boses na 'yon. Nakita niya ang isang batang lalaki na palapit sa kanila. Siguro ay nasa apat na taong gulang na. May hawak itong isang box na naglalaman ng Captain America na laruan habang masiglang lumapit kay Shy. "Ta! Buy me this!"

Bumaba si Shy at hinaplos ang buhok ng batang lalaki. "No, no, baby. You already have enough toys yesterday."

Nag-pout ang bata, pagkatapos ay malungkot na napatungo. Sino ang batang ito?

"Shy?"

Nag-angat ang kaibigan ng tingin sa kanya. Kasabay ng pagtingala sa kanya ng bata. Agad na sumalubong sa kanya ang kulay brown nitong mga mata..

Pamilyar ang mga mata ng batang ito. Parang nakita na niya ang mga iyon.. Hindi lang ang mga mata nito, kundi ang maamong mukha nito.

"Who she, Tita?" tanong ng bata. May accent pa ang bata. Parang sa ibang bansa ito lumaki.

Lumipat ang tingin niya kay Shy. Nagtatanong.

"Pasensya ka na, Shamcey.. Hindi ko nasabi sa 'yo. Pamangkin ko nga pala."

Napaawang ang labi niya. "Ahh.. Anak ng kapatid mo na sa ibang bansa nakatira?"

Tumango ito. "Oo, kasama niyang umuwi."

Tinitigan niya ang batang lalaki na kunot-noong nakatingala sa kanya.. May kumikislap sa isip niyang kahawig nito, pero malabo 'yun. Hindi niya masabi.

"Ang gwapong bata niya."

"Oo, tama ka.. Mana sa ama niya." Nag-iwas ito ng tingin, malungkot na ngumiti at hinaplos ang buhok ng bata. Gusto niyang mag-usisa pa. Pero biglang tumunog ang cellphone niya. Si Kiefer iyon, tinatawagan siya. Kinailangan na niyang magpaalam kay Shy.

"Shy, I need to go. Nice to see you here.. Minsan labas tayo, ha?"

"S-Sure, bes."

Nagpaalam ulit siya sa kaibigan at sinulyapan ang batang lalaki. Nakatingin ito sa kanya. Hindi niya alam kung bakit parang malambot ang puso niya habang nakatitig dito. Parang gusto tuloy niya muna itong yakapin at panggigilan.

Ngunit kinailangan na niyang umalis.


Itutuloy..

IG: race.darwin

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top