Introduction

❝ Cute ka pala.

'Yon ang una kong nasabi sa sarili

Nang ikaw ay magpakilala.

Sana pala sinabi ko sa 'yo—

Wala sana akong pinagsisisihan ngayon. ❞

     

"Class, dismiss!"

Naalimpungatan ako nang marinig ko ang boses ng professor namin na sabihin ang dalawang salitang kanina ko pa hinihintay na sabihin niya. Naghikab ako bago iniligpit ang libro na nasa table ko at inilagay sa loob ng bag, saka tumayo para lumabas ng classroom.

Bakit ba kailangan pa nating mag-aral kung mamamatay din naman tayong lahat?

Palabas na ako ng classroom nang may nauntog sa puwitan ko, dahilan para mapahinto ako. Lumingon at tumingin ako sa baba para malaman kung ano 'yon. Nakita kong yung babaeng bagong kaklase namin para sa taon na ito ang nakabunggo sa puwitan ko, parang may pinupulot.

Tumayo siya nang maayos habang hawak ang ulo. "Sorry, gumulong kasi mga barya ko."

Tumango lang ako at tuluyan nang lumabas ng classroom, iniiwanan siyang inilalagay ang mga barya sa coin purse niya. Ibinulsa ko na ang dalawang kamay ko at tahimik na naglakad palabas ng campus.

"Sandali lang, p'wede ba akong sumabay sa 'yo pauwi?"

Hindi ko na pinansin pa ang boses niyang 'yon dahil hindi naman ako sigurado kung sino ba ang kausap niya . . . at wala naman akong pakialam sa kan'ya.

Cute lang siya pero wala akong pakialam.

"Caleb, uy!"

Napalunok ako nang marinig ang pangalan ko sa kan'ya. Huminto ako sa paglalakad kasabay ng paghinto niya sa tabi ko.

"Sabay na ako sa 'yo! Iisa lang naman daan natin pauwi!"

Huh? Paano? Hindi ko nga siya kilala!

"Anong pinagsasabi mo d'yan?" kunot-noo kong tanong.

She smiled cutely. "Palagi tayong magkasabay sa jeep kapag papasok! Kapag pauwi naman, hindi kasi may iba ka pang pinupuntahan, 'di ba? Nakikita rin kitang nagyoyosi sa labas kaya nauuna na akong umuwi." She pouted slightly. "Hindi mo ako napapansin?"

Umismid lang ako bilang tugon. Maglalakad na sana ako paalis ulit nang magsalita na naman siya.

Ang daldal naman nito, putang ina!

"Sabagay, lagi kang natutulog, eh. Okay lang!" She chuckled a little. "Magpapakilala ako sa 'yo. Ako si Ramona Castillo. You can call me Mona." She extended her arm for a shake hand. Tiningnan ko lang 'yon at hindi pinansin. Ilang sandali pa, binawi niya rin 'yon at hinawakan ang dalawang strap ng suot na backpack. "Hindi mo na kailangang magpakilala sa akin kasi kilala naman na kita. Ikaw si Caleb Eusebio, hindi ba?"

I scoffed. "Tapos ka na ba? Gusto ko nang magpausok."

Ngumuso siya bago nag-iwas ng tingin. "Uhm . . . sama ako?" Tumingala siya para tingnan ako nang mabuti. "Gusto kong sumabay sa 'yo pauwi."

Nagbuga ako ng buntonghininga at nagsimula nang maglakad. Naririnig ko pa ang halakhak niya na parang tuwang-tuwa. Siguro, dahil hinayaan ko na lang siya sa gusto niyang gawin. Wala namang mawawala sa akin kung hahayaan ko siya. Bahala siya sa trip niya sa buhay.

Nang makarating sa smoking area sa labas ng campus, kinuha ko sa bag ang sigarilyo at lighter ko. Kumuha ako ng isang stick bago isinubo at sinindihan. Pagkatapos n'on, ibinulsa ko na ang mga 'yon bago humithit ng usok sa sigarilyo.

Aaahhhh . . . sarap.

Tumingin ako sa babaeng nakatayo sa tabi ko, nakangiti lang habang pinanonood ang mga tao at sasakyan na nagdaraan. Lumilingon pa siya sa akin saka ngingiti.

Ang saya naman ng taong 'to. Wala ba 'tong problema? Tang ina, sana all, ha?

Narinig ko ang pagbuntonghininga niya. "P'wedeng magtanong?"

"Hindi."

Bahagya siyang tumawa. "Bakit parang galit ka sa mundo?"

Napabuntonghininga ako. Hindi na sana siya nagtanong kung p'wede. Hindi naman pala niya papansinin ang sagot ko.

"Bakit hindi ako magagalit?"

Lumingon ako sa kan'ya. Pinanonood niya lang akong humithit at magbuga ng usok. Wala siyang pakialam sa mga usok na napupunta sa kan'ya at sa mga nalalanghap niya. Pakiramdam ko nga minsan, sinisinghot niya pa talaga.

Ano bang trip nito? P'wede naman siyang manghingi. Bibigyan ko naman siya.

"I wonder what the world did to you, Caleb." She smiled a little. "I know that there is always a reason why we lose our smiles. I know that you weren't like this before. Sana mahanap mo na ulit dahilan mo para ngumiti."

Napakunot-noo ako sa itinawag niya sa akin. Anong akala niya, close kami? Ngayon nga lang kami nagkita at nagkausap nang ganito. Ang feeling close naman nitong babaeng lamigin na 'to.

"Hindi ko kailangan ng dahilan para ngumiti. Ngingiti ako kung kailan ko gusto."

Ibinalik ko na ang tingin ko sa harap bago ipinatong ang paa sa pader na sinasandalan ko saka muling nagbuga ng usok. Naging tahimik siya matapos kong sabihin 'yon, dahilan ng pagtataka ko. Muli akong lumingon sa kan'ya at napansin ang noon ko pa napansin sa kan'ya simula noong lumipat siya dito.

Noong una, wala naman akong pakialam kung hindi siya naka-uniform na pumapasok sa campus kasi nga, transferee. Wala naman talaga akong pakialam. Pero patapos na ang first quarterly exam namin, naka-civilian pa rin siya madalas. Minsan naman, naka-uniform pero laging may suot na jacket o sweater.

"Bakit ba lagi kang naka-civilian?" kunot-noo kong tanong. "Anak ka ba ng may-ari ng school na 'to?"

Lumingon siya sa akin nang may kunot-noo bago humagalpak ng tawa. Tumawa siya nang tumawa hanggang sa humahawak na siya sa tiyan niya. Hindi ko naman maintindihan kung anong nakakatawa sa tanong ko kaya napapailing na lang ako bago hinithit ang natitira sa sigarilyo ko, saka itinapon ang upos nito.

Kinuha ko ang pakete ng sigarilyo sa bulsa para kumuha ulit ng isang stick, saka sinubo at sinindihan.

"Sorry sa biglaang pagtawa," natatawang sabi niya. Unti-unti lang din, kumalma na siya. "Ngayon lang may nagtanong sa akin niyan, eh. Pasensiya na."

I scoffed. "What the fuck is funny about that?"

She chuckled. "Wala naman. Hindi ko rin alam." She sighed. "Sipunin kasi ako. Lamigin, gano'n. Alam mo na, malamig sa classroom kasi malakas ang aircon."

Napailing na lang ako sa rason niya. Alam naman niya na 'yon, bakit dito pa siya lumipat? Ang daming eskwelahan na iba sa lugar na 'to.

"Eh 'di sana sa iba ka nag-aral."

Tumawa siya nang bahagya. "Dito kasi ako maikukulong ng mga magulang ko. Dito nila malalaman kailan ako umaalis ng campus habang may klase."

Lumingon ulit ako sa kan'ya. Maliit na ngiti na lang ang nasa labi niya ngayon habang nakatitig sa sapatos niya. Marahan niya itong iginagalaw sa sahig na parang kinakaskas o tinatanggal ang marumi sa ilalim.

Sa maikling pagkakataon, naka-relate ako sa dahilan niya.

Ganoon din ang dahilan kung bakit dito ako nag-aaral ngayon. Gustong masiguro ng mga magulang kong hindi ako nagbubulakbol dahil oras na lumabas ako ng campus habang may klase, malalaman nila 'yon dahil makaka-receive sila ng text mula dito.

Akala naman nila, mapipigilan ako ng bagay na 'yon. Lalabas at lalabas pa rin naman ako ng campus kung gugustuhin ko. Tinatamad lang ako ngayon.

"Caleb."

Napalunok ako nang tumingin siya sa akin pero hindi ko ipinahalata ang tensiyon na naramdaman ko sa maikling oras na 'yon.

"P'wedeng . . . humingi ng pabor?"

Umismid ako bago humithit sa sigarilyo saka nag-iwas ng tingin. "Hindi tayo close."

Bahagya siyang tumawa. "P'wede bang . . ."

Sabi ko na nga ba, kahit hindi ako pumayag, hindi rin siya papayag. Mga babae talaga.

"Ano?" kunot-noo kong tanong.

She pursed her lips before she talked. "P'wede bang gawaan mo ako ng letter?"

Napakunot-noo ulit ako sa sinabi niya. "Anong letter?" natatawang tanong ko.

"Sulat."

Tinagalog lang, eh. Putang ina.

"Sulat na magbibigay sa akin ng dahilan para . . . magpatuloy."

"Magpatuloy saan?"

"Sa lahat."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top