Chapter 62

❝ Buong akala ko noon

Sinasabi mo lang ang tungkol dito

Para mapapayag ako sa sulat na hinihingi mo.

Pero totoo pala talaga na . . . iba sa pakiramdam kapag

Ang isang taong walang pakialam y nag-alala sa 'yo.

Sana magkakilala kayo. ❞

    

"Pasensiya na, anak. Hindi ako makakauwi sa graduation mo. Limang buwan na kasi ang tiyan ng Tita Susie mo, kailangan niya ako rito. Bawi na lang ako sa 'yo, ha?"

Napabuntonghininga ako habang hawak ang cellphone na nakatapat sa tainga ko. "Ayos lang. Hindi ko naman kailangan ng kasama sa graduation ko."

Ilang segundong natahimik si Papa bago nagsalita. "Do you want anything for a gift? I'll get it for you, son."

"Wala akong kailangan. May pera pa ako. Sige na, maaga pa ako bukas kukuha ng toga."

Pagkatapos kong sabihin 'yon, ibinaba ko na ang tawag at inilapag sa center table ang cellphone. Kumuha ako ng yosi sa bulsa at sinindihan, saka humithit ng usok.

Wala naman talaga akong pakialam kung pumunta ang mga magulang ko sa graduation ko o hindi. Sanay ako na si Tita Esme lang ang nag-aakyat sa akin sa stage para kuhanin ang award ko, at ngayon, kahit walang mag-akyat sa akin, wala na rin akong pakialam.

Parang wala na rin akong ganang um-attend ng graduation sa isang araw.

Simula noong nag-away kami ni Ramona hanggang sa nawala siya, napagtanto ko na ang dami kong sinasayang na pagmamahal ng mga tao sa kasalukuyan dahil paulit-ulit akong umaasa sa mga tao sa nakaraan ko na wala na ngang pakialam sa akin. Natutunan ko na . . . kung sino lang ang handang maglaan ng oras para sa 'yo ngayon, sila lang 'yung totoong nagmamahal sa 'yo.

At sa puntong ito, naniniwala ako na hindi na kasama ang mga magulang ko sa totoong nagmamahal sa akin.

Napabuntonghininga ako nang muli kong maalala ang folder ni Ramona na ibinigay sa akin ni Miss Nimfa. Hanggang ngayon, hindi ko pa ulit nabubuklat 'yon. Parang ayaw ko pa rin basahin ang nakasulat do'n dahil natatakot ako. Baka mas lalo kong pagsisihan na inaway ko siya--na pinabayaan ko siya--kapag nabasa ko ang lahat ng isinulat niya tungkol sa akin.

At isa pa . . . gusto ko lang mabasa ang lahat ng 'yon kapag nakabalik na siya. Kapag nagkita kami ulit.

I'm sorry, Miss Nimfa, pero walang ibang makakatulong sa akin ngayon kung hindi ang pagbabalik niya.

🚬

Kinabukasan, maaga akong nagising pero hindi kaagad ako bumangon para kumain at gumayak. Mamayang 9:00 AM pa naman ang kuhanan n'on at 6:00 AM pa lang. Wala rin akong ganang kumilos.

Nang mag-7:30 AM na, bumangon na ako dahil wala namang maitutulong ang pagtatanga ko. Tapusin ko na lang ang lahat ng dapat kong gawin saka ako magtatanga ulit o matutulog.

Pagkalabas ko ng k'warto, narinig ko ang mga tunog ng kung ano-ano sa kusina. Do'n pa lang, alam ko na kaagad kung sino ang tao ro'n. Siya lang naman ang kilala kong maingay magtrabaho sa kusina. Ewan ko ba kung bakit. Simula noong mag-work immersion ako, dumalas ang pagdalaw at pag-asikaso niya sa akin kahit na ilang beses ko nang sinabi sa kan'ya na hindi kailangan.

Hinayaan ko na rin dahil may pagkamatigas ang ulo. Mana sa kan'ya si Solari.

Naglakad ako papunta ro'n. Nakita ko si Tita Esme na nakatalikod sa pwesto ko habang nagsasandok ng mga iniluto niya. Oras na humarap siya dala ang bowl na may lamang fried rice, nanlaki pa ang mga mata niya.

"Gising ka na pala, hijo! Ipinagluto kita! Halika, kumain ka na muna. Sabi sa akin ni Solari, ngayon raw ang kuhanan n'yo ng toga," sabi ni Tita Esme bago inilapag ang bowl sa lamesa. "Solari, anak, sumabay ka na sa amin! Huwag ka nang magtanga r'yan at hindi mabubuhay ang mga halaman kahit titigan mo pa 'yan maghapon!"

Napakunot-noo ako bago tiningnan ang pintuan papunta sa backyard na madalang ko lang bisitahin. Ilang segundo lang, padabog na pumasok mula ro'n si Solari at naglakad papunta sa dining table. Hinila niya ang upuan at saka naupo ro'n.

"Ang aga-aga, nakasimangot ka! Ayos-ayusin mo 'yang pagmumukha mo, ha!" bulyaw ni Tita sa anak.

Iritang kumamot sa ulo niya si Solari bago tumingin nang masama sa nanay niya. "Mama, wala tayo sa bahay natin para magdiwara ka!"

"Oh, ano? Nahihiya ka ngayon kay Caleb kasi nasa bahay niya tayo? Pero kapag siya ang nandoon sa atin, kung irap-irapan mo, parang nakapatay siya ng tao!" sabi ni Tita Esme habang kumukuha ng fresh milk sa ref. "Maupo ka na, hijo, sabay-sabay na tayong kumain."

Napalunok pa ako bago hinila ang upuan sa harap ni Solari. Salubong ang kilay niyang nakasimangot habang nakahalukipkip at nakasandal sa sandalan ng upuan. Gusto kong matawa dahil kahit masungit siya, nakakatuwa pa rin naman siya minsan.

Naupo na si Tita Esme sa kabisera ng lamesa.

"Magdasal na tayo."

Sabay-sabay kaming nag-sign of the cross saka nagdasal.

"Panginoon, maraming salamat sa biyayang inihandog Mo sa amin ngayon at sa bawat araw ng buhay namin. Patuloy Mo sana kaming biyayaan ng kaginhawaan sa buhay at malulusog na katawan. Ingatan at gabayan Mo ho kami sa bawat araw, lalo na si Solari at Caleb. At araw-araw ko hong ipagdarasal ang kaligtasan ng kasintahan ni Caleb na si Mona. Maraming salamat, Panginoon. Amen."

Napadilat ako ng mga mata matapos kong marinig ang pangalan na 'yon mula sa dasal ni Tita Esme. Nagsimula na itong mag-sign of the cross ulit, kaya napalingon ako kay Solari. Tumikhim siya at nag-iwas ng tingin bago nag-sign of the cross na rin. Wala akong ibang nagawa kung hindi ang magkrus na rin, saka kami nagsimulang kumain.

Maraming naging tanong si Tita Esme pero hindi na muling lumalabas sa bibig niya ang pangalan ni Ramona. Nagtatanong siya tungkol sa awards ko, grades at kung ano-ano pa.

"Hindi mo naikwento sa akin na magkaklase pala kayo ni Calista."

Uminom ako ng tubig bago sumagot. "Hindi ko po alam na kamag-anak n'yo."

Tumawa si Tita Esme. "Nandoon siya sa tuwing birthday ni Solari, ah? Kapag nandoon ka, nando'n din siya, hijo. Hindi mo ba siya napapansin?"

"Hindi niya mapapansin, paano laging naninigarilyo sa isang tabi!" singit ni Solari.

Tumawa si Tita Esme. "Mana ka talaga sa papa mo. Namana mo ang bisyo niya," napapailing na sabi niya bago sumubo ng pagkain. Ngumuya siya nang bahagya bago nagsalitang muli. "Tumawag o nag-text ka na ba sa mama mo? Tumawag na kasi sa akin ang papa mo kagabi at sinabing tinawagan ka na raw niya."

Bigla akong nakaramdam ng umay sa pagkain nang itanong niya 'yon. Ni hindi ko masagot.

"Hindi pa?" Umiling ako. Nakita ko ang pag-angat ni Solari ng tingin sa akin, kasabay ng pagbagal ng mga nguya niya. "Mama mo 'yon, karapatan niyang malaman 'yon."

Napangisi ako nang sarkastiko sa narinig bago tumingin ulit sa plato. "Nagkita na kami noong nakaraan, sa tulong ni Ramona, pero hindi niya nagustuhang makita ako. Nagalit pa siya kay Ramona dahil hindi raw nito sinabi sa kan'ya na kasama ako sa pagkikita nila." Napapailing akong tumawa. "Sa tingin ko naman, wala na siyang kailangang malaman tungkol sa akin. Wala na siyang gustong malaman tungkol sa akin."

"Ano?" hindi makapaniwalang tanong ni Tita Esme. "Hindi niya nagustuhan na magkita kayo? Parang hindi naman siguro gagawin 'yon ng mama mo, Caleb. Baka naman nagkamali--"

"Hindi. Kilala ko ang nanay ko, Tita," matigas na sagot ko.

Nagbuntonghininga si Tita Esme habang may lungkot ang mga matang nakatingin sa akin. "Sabihin mo man lang sa kan'ya na graduation mo bukas. Malay mo, gusto pala niyang iakyat ka."

Bahagya akong ngumiti. "Ayaw ko ring iakyat niya ako sa stage. Kaya kong gawin mag-isa 'yon."

"Caleb!"

Napatingin ako kay Solari na tumawag sa akin. Napayuko ako nang makita ang sama ng tingin niya sa akin dahil alam ko na sa pagkakataong ito, nagkamali ako dahil nagiging pabalang na ang pagsagot ko sa nanay niya.

"Kung gano'n . . . gusto mo bang ako na lang ang mag-akyat sa 'yo sa stage?" tanong ni Tita Esme.

Mabilis akong napatingin kay Solari. Nakita ko ang paghigpit ng hawak niya sa kutsara't tinidor at pagbagal ng nguya niya ulit pero hindi tumingin sa akin. Sumubo ulit siya ng pagkain na parang walang narinig kaya naman tumingin ako kay Tita Esme bago magsalita.

"Hindi na. P'wede namang ako na lang--"

"Tama si Mama. Bakit hindi na lang siya ulit ang mag-akyat sa 'yo? Kung ako rin ang nasa kalagayan mo, hindi ako papayag na ang mag-aakyat sa akin ay 'yung taong pinabayaan akong mag-isa for years," pagsingit ni Solari sa mahinahon na boses na siyang ikinagulat ko.

Umawang ang bibig ko bago lumingon sa kan'ya. Hindi pa rin nagbabago ang posisyon niya. Ni hindi siya tumitingin sa akin o sa mama niya.

"Solari--" naputol kaagad ang pagsasalita ko nang mag-angat siya ng tingin sa akin. Tinaasan niya ako ng kaliwang kilay. "W-Wala."

Narinig ko ang mahinang pagtawa niya bago niya itinuloy ang pagkain.

"So, okay lang? Ako na lang ang mag-aakyat ulit sa 'yo?" Tumingin ako kay Tita Esme at nakita ang magagandang ngiti niya habang nakatingin sa akin. "Ayos lang naman kung ayaw mo."

Bahagya akong ngumiti. "Sige, Tita Esme. Ikaw na lang ang mag-akyat sa akin. Ikaw lang din ang naiisip kong p'wedeng mag-akyat sa akin."

Nakita ko ang pagkinang ng mga mata niya na para bang naiiyak na siya bago hinawakan ang kanang kamay ko. "Maraming salamat, hijo."

Hindi ko alam kung ano 'yung naramdaman ko. Pero kung pagbabasehan ko ang mga nakakadiring line sa aklat, parang nahipo ang puso ko sa sinabi niyang 'yon. Ako dapat ang nagpapasalamat sa kan'ya dahil hindi naman niya kailangang gawin ang mga ginagawa niya para sa akin, pero bakit hindi ko masabi 'yon sa kan'ya?

Tumingin ako kay Solari at nakitang nakatingin siya sa mama niya habang hawak ang baso na may lamang fresh milk. Tumingin siya sa akin at ngumiti nang maliit. Bahagya akong ngumiti sa kan'ya saka tumango.

Nang matapos kumain, hindi na ulit ako pinaghugas pa ni Tita Esme ng mga pinagkainan.

"Ang daya! Bakit kapag ako sa bahay, pinipilit mong maghugas, bakit si Caleb, ikaw pa nagkukusang maghugas ng mga pinagkainan?! Nakakainis ka talaga, Mama!"

"Tumigil ka nga at magligpit na lang d'yan, Solari!" bulyaw ni Tita Esme habang naghuhugas ng mga pinagkainan.

Natatawa akong umalis doon at iniwan silang mag-away. Nagsimula na akong gumayak para sa pagpunta sa campus. Hindi ko alam kung magandang idea ba na two weeks na kaming hindi nagsusuot ng uniform. Wala na akong maisip na ibang maisuot. 'Tang ina, dapat pala namimili rin ako ng damit paminsan-minsan para hindi ako madalas umulit ng damit.

Nang mag-8:30 AM na, lumabas na ako ng k'warto. Nakita ko si Solari na nakahiga sa couch habang nanonood at kumakain ng chichirya. Lumapit ako sa kan'ya at kinuha ang yosi ko na nasa center table. Nag-angat siya ng tingin sa akin.

"Aalis ka na?" tanong niya. Tumango ako. "Ohh, okay."

"Ikaw, wala ka bang pasok sa university?"

Umiling siya habang nasa TV ang atensiyon, nanonood ng anime sa Netflix ko. "Katatapos lang ng final exam namin last week. Wala namang gagawing importante na kaya um-absent ako ngayon."

Tumango ako. "Okay, sige. Sulitin mo lang Netflix ko. Aalis na ako." Lumapit ako sa kusina at nakitang naghahanap na naman si Tita Esme ng gagawin do'n. "Tita, aalis na po ako!"

"Ingat, Caleb!"

Nagsimula na ulit akong maglakad paalis. Nalampasan ko na si Solari nang marinig ko ang pagtawag niya sa akin.

"Caleb . . ."

Huminto ako sa paglalakad bago lumingon sa kan'ya. "Bakit?"

Ilang segundo pa ang hinintay ko bago siya nagsalita. "She'll be okay. Trust yourself. Trust her," sabi niya nang nasa TV pa rin ang atensiyon.

Napalunok ako at napatigil ng ilang segundo sa narinig. Hindi ko na kinailangan pang itanong kung ano ang ibig sabihin niya dahil alam ko . . . alam kong tungkol 'yon kay Ramona.

"Salamat."

'Yon na lang ang tangi kong nasabi bago tuluyang lumabas ng bahay. Habang naglalakad ako palabas ng village, wala akong ibang iniisip kung hindi ang sinabi ni Solari.

She'll be okay.

Trust yourself.

Trust her.

Narinig ko na kay Calista ang halos katulad ng sinabi ni Solari, pero bakit iba ang dating kapag . . . kapag 'yung iniisip mong walang pakialam 'yung nagsabi n'on sa 'yo?

Ganito rin ba ang naramdaman ni Ramona noong unang beses niyang napatunayan sa sariling may pakialam talaga ako? Kasi . . . wala naman talagang pakialam sa akin si Solari. Galit nga siya sa akin simula noong bata pa kami. Kaya ngayong nararamdaman ko ang pagpapagaan niya ng loob ko at ang pag-aalala sa akin noong gabing nagdala siya ng pagkain sa bahay, iba 'yung naging dating sa akin.

Iba nga siguro talaga ang pakiramdam kapag nag-alala sa 'yo ang taong wala namang pakialam. Ngayon . . . naiintindihan ko na.

Nang makarating sa sakayan, mabilis akong sumakay ng jeep na halos puno na sa loob. Hindi na ako nakapwesto sa paborito ko dahil na-late din ako ng dating pero hindi ko na inisip pa 'yon. Hinayaan ko na lang.

Ramona . . . bumalik ka na.

Ipapakilala pa kita sa kan'ya.

Nang makarating sa campus, nakita ko na nagdaratingan pa lang din ang mga kaklase ko. Wala akong ka-close sa kanila bukod kay Mark at sa kaibigan ni Ramona na si Calista at Frieda, kaya sa kanila na lang ako sumama.

Sabay-sabay kaming pumunta sa auditorium para pumila at kuhanin ang mga toga na gagamitin namin para sa gaganapin na graduation bukas. Sobrang ingay ni Mark at Frieda pero naging isa sa mga dahilan 'yon para mabawasan ang pag-iisip ko tungkol kay Ramona.

Sana . . . sana nandito ka na lang din.

Gusto kong makita ka suot ang kulay blue na toga na 'to. Pakiramdam ko, sobrang bagay sa 'yo nito.

Mas magiging maingay siguro ang gawi ng pilahan na ito kung nandito ka at inaasar-asar ni Frieda at Calista. Sama mo pa itong may gusto pala dati sa 'yo na si Mark. Sigurado akong magiging masaya tayong lahat dito kung nandito ka.

Napabuntonghininga ako nang malalim.

Miss na kita . . . sobra.

Matapos kumuha ng toga, nauna na akong umalis kina Mark ng campus. Gusto pa raw nilang magtambay ro'n dahil last naman na pero masyado akong maraming maaalala d'yan na kasama si Ramona kaya nagpasya akong umalis na lang.

Hindi pa ako nakakalabas ng campus, napatigil na ako sa paglalakad nang makita ko ang taong hindi ko inaasahang makikita ko pa nang ganito ulit.

Nagtakip siya ng bibig na parang naiiyak bago humakbang papalapit sa akin.

"Anak . . ."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top