Chapter 61
❝ Dumating na ako sa punto na
Ayaw ko nang gawin ang mga bagay na
Madalas kong ginagawa kasama ka.
Dahil ano pang silbi ng pagpapakalma?
Hindi ko naman masabi sa 'yo na
Mahal kita . . . ❞
Ikatlong araw na ngayon ng graduation practice. Masaya ang lahat at halatang excited sa nalalapit na pagtatapos pero para bang . . . para bang ayaw ko pang dumating ang araw na 'yon. Pakiramdam ko kasi, kapag natapos na ang graduation, kailangan ko nang bitiwan ang lahat ng tungkol sa pagiging high school ko . . . kasama na ro'n si Ramona.
Pero paano ko bibitiwan ang taong hindi man lang nagpaalam na aalis? Kami pa. Walang nangyaring hiwalayan sa aming dalawa kaya para sa akin, walang dahilan para bitiwan ko siya nang basta.
"Eusebio, Caleb! With honors!" malakas na sabi ni Miss Nimfa sa stage hawak ang mic.
Nasa parte na kami ng graduation practice kung saan tatawagin na ang pangalan namin para kuhanin sa stage ang awards namin. Ito ang unang araw na p-in-ractice namin ang parteng ito kaya naman hindi ko alam kung ano ang gagawin dahil hindi rin naman ako nakikinig.
"'Huy, akyat ka na. Practice lang," sabi ni Calista na katabi ko sa upuan dahil naka-alphabetical order kami.
Tumango na lang ako at tumayo. Nasulyapan ko pa ang panonood ni Miss Nimfa sa akin habang nilalakad ko ang daanan papunta sa stage. Nang madaanan ko siya, lumapit siya nang bahagya sa akin para bumulong.
"Meet me at the faculty room later, Mr. Eusebio."
Tumango na lang ako bilang tugon.
Itinuloy ko na ang pagpa-practice at huminto sa mga parte ng stage na sinasabing huminto ako, bago itinuloy ang paglalakad at tuluyang bumaba. Bumalik na ako sa upuan ko na parang walang nangyari. Wala si Calista do'n dahil kasunod ko lang siya kanina sa pag-akyat ng stage.
Lumipas ang mga minuto at oras, ramdam na ramdam ko na ang sobrang pagkainip. Gusto ko na sanang umuwi pero para ano? Para saktan ang sarili ko sa pag-iisip kung nasaan na ba si Ramona ngayon at kung ayos lang ba siya?
"Caleb, I think, Mona's fine. You shouldn't spend so much time thinking about her. Wala ka bang tiwala sa kan'ya?" bulong ni Calista sa akin. Hindi ako sumagot. "I know that she's always hurting herself pero hindi mo ba naisip na, ang tagal na yata niyang may pinagdaraanan. Ngayon pa ba siya susuko?"
Pinadikit ko ang mga labi ko at bahagyang ngumiti sa kan'ya dahil hindi ko masyadong nagustuhan ang sinabi niya. Alam ko 'yung pakiramdam na hinayaan kasi inisip ng lahat na, kaya ko, kaya hindi naging maganda sa akin ang dating n'on.
"Hindi naman sa lahat ng oras, kaya ng tao, Calista. May hangganan lahat ng kakayanan ng mga tao. May hangganan lahat--buhay, oras, pagmamahal o materyal na bagay. Hindi dahil kinaya niya noon, kakayanin niya pa rin ngayon. P'wedeng hindi. 'Wag sana nating hayaan 'yung tao dahil lang alam nating kinaya niya. Baka kasi ito na 'yung mga panahong kailangan na niya talaga ng tulong."
Bahagyang umawang ang bibig niya na para bang nagulat sa lahat ng sinabi ko. Napatikhim at napaiwas ako ng tingin sa kan'ya dahil naparami yata ang sinasabi ko. Parang mali.
"W-Well, sabagay. Tama ka naman. Pero ang tagal na siyang hinahanap ng pamilya niya, 'di ba? Ang tagal mo na siyang hinahanap sa lahat ng lugar na p'wede mo siyang mahanap. Nagpahanap ba siya? Hindi rin. Kung hindi siya okay ngayon, pakiramdam ko, matatagpuan na siya somewhere ng mga taong trabahong hanapin siya. Pero hindi, 'di ba? Can we just think that she's being a vagabond right now? Can we just think of a little possibility that she's fine? Alam ko kasi kung ano nang tumatakbo sa isip mo the past weeks since you heard the news that her family left their home. I know that you're thinking about the worst."
Napabuntonghininga ako dahil gusto ko pang ipaliwanag ang punto ko pero paano ba magpaliwanag ng nararamdaman? Gusto ko na lang matapos 'to.
"Wala namang mali na mag-alala sa taong mahal mo, Calista. Hayaan mo na lang siguro ako. Kung gusto mong isipin na okay lang siya, gano'n ang isipin mo. Pero . . . hayaan mo akong mag-alala para sa kan'ya kasi ako naman 'to."
Nakita ko ang muling pag-awang ng bibig niya bago ako nag-iwas ng tingin sa kan'ya.
"S-Sorry. Sorry sa pangingialam."
Tumango na lang ako bilang tugon.
Nang matapos ang graduation practice, sa halip na umuwi ay dumeretso ako sa faculty room katulad ng sinabi ni Miss Nimfa. Hindi ko alam kung may ano o kung may nalabag na naman ba akong rule sa student handbook pero sa puntong 'to, wala na rin akong pakialam.
Pakiramdam ko, ayaw ko pang g-um-raduate. 'Tang ina.
Nang makarating ako sa harap ng faculty room, nakita ko na may apat na estudyante sa kabilang section na parang takot na takot kumatok at pumasok. Nakaharang sila sa daraanan ko kaya naman tumikhim ako para kuhanin ang atensiyon nila. Napatalon pa ang dalawang babae na malapit sa akin bago sila sabay-sabay na lumingon sa akin. Hindi na ako nagsalita pa at kumatok na lang basta sa pinto, saka ito binuksan.
Nang pumasok ako, narinig ko ang mahinang tawanan at bulungan nila bago sumunod sa akin papasok sa loob. Dumeretso ako kay Miss Nimfa habang ang apat naman ay pumunta sa kabilang dulo pa ng faculty.
"Miss Nimfa, bakit n'yo po ako pinapunta rito?" tanong ko bago naupo sa upuan na nasa harap ng table.
Bahagya siyang ngumiti bago may kinuha sa drawer niya at inilapag sa lamesa. Iniusog niya ito papalapit sa akin bago nagsalita.
"Pakiramdam ko kailangan mong mabasa lahat ng nakasulat d'yan. Pinasa sa akin 'yan ni Miss Castillo bago siya mawala."
Napalunok ako nang marinig ang lahat ng sinabi niya. Sinubukan kong iiwas ang tingin sa folder na nasa harap ko dahil . . . dahil natatakot ako sa p'wede kong mabasa do'n. Natatakot ako na . . . na malaman kung gaano niya ako kakilala habang wala akong nagawang mabuti para sa kan'ya.
"You should read everything that's written in Mona's PerDev project. Baka makatulong sa 'yo. I know you're going through something serious now, Mr. Eusebio . . . but I want the smile you shared with her to come back, especially now that you're graduating. Every student, for me, is very important. I observed every one of you and your changes made me happy and sad at the same time. You used to not care. But you learned to smile and care about your friends when you befriend Mona. And now that she's nowhere to be found, you looked worse than the days that you didn't care about anything. I hope this will help you smile--even just a little."
Matapos niyang ibigay 'yon sa akin at sabihin lahat ng sinabi niya kanina, tumayo na siya at nagpaalam sa akin na may aasikasuhin pa, saka umalis ng faculty room. Naririnig ko pa ang apat na babae na nakikiusap ng extension para sa narrative report nila pero hindi na 'yon ang naging mahalaga sa akin.
Inilipat ko ang tingin sa pamilyar na clear folder na nasa harap ko ngayon. Malinaw ang title ng project na naka-print sa front page, maging ang buong pangalan niya at ng professor namin na si Miss Nimfa. Nandoon din ang grade at section namin at nakalagay rin do'n ang check, pirma, remarks at grades na ibinigay ni Miss Nimfa sa kan'ya.
98%
Great observation and introspection! Congratulations!
Napalunok ako bago kinuha 'yon sa lamesa at binuklat. Unang kita ko pa lang ng sulat-kamay ni Ramona, naramdaman ko na ang pag-init ng sulok ng mga mata ko kaya mabilis ko rin 'yon isinarado at naglakad palabas ng faculty. Hindi ko na napigilan pa ang malakas na pagsarado ng pinto kaya naman bago ako tuluyang makaalis, narinig ko pa ang pagtili ng mga estudyanteng nasa loob.
Dahil half day lang ang pasok ngayong puro graduation practice na lang ang natitirang gagawin, lumabas na ako ng campus at dumeretso sa smoking area, dala ang folder ni Ramona. Kumuha ako ng isang stick ng yosi sa kaha at sinubo, saka sinindihan. Oras na mahithit ko ang usok, nakaramdam ako ng kaunting pagkalma at ginhawa, pero hindi nabawasan kahit na kaunti ang lungkot na nararamdaman ko ngayon.
Ano bang p'wedeng gawin para mabawasan ang lungkot na 'to?
P'wede bang bumalik ka na, Ramona? Ayaw ko na nitong nararamdaman ko.
Nakakadalawang hithit pa lang ako sa yosi, itinapon ko na 'yon dahil wala na ako sa mood para gawin ang madalas kong ginagawa noon kasama siya. Pati sa pagbibisyo, nawawalan na ako ng gana dahil pakiramdam ko, may mali sa ginagawa ko.
Nasanay ako na nand'yan siya sa mga oras na naninigarilyo ako sa labas ng campus, sa waiting shed, at sa kung saan-saan basta magkasama kami. Nasanay ako na nand'yan siya, naghihintay sa akin nang matiyaga, nagkukwento habang humihithit at bumubuga ako ng usok.
Nasanay ako na nandito siya sa tabi ko at paulit-ulit na sumasandal sa pader habang magkahawak ang mga kamay sa likuran niya na parang bata. Nasanay ako na nakikita ko ang curious niyang mga mata habang pinanonood ako kung paano mahumaling sa bisyo ko.
Nasanay ako na nand'yan siya sa mga oras na ganito . . . kaya ngayong wala na siya, hindi ko na rin magawa ang dati namang ginagawa ko noong wala pa siya.
Ramona, nasaan ka na ba?
Sana . . . ayos ka lang kung nasaan ka man ngayon.
Tulad ng sinabi ni Calista . . . sana okay ka lang at nagtatago dahil ayaw mong magpahanap.
Ramona . . . gusto ko pang sabihin sa 'yo nang personal na . . . mahal kita.
Mahal . . . na mahal . . . kita.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top