Chapter 57

❝ Walang naging laman ang mga dasal ko

Kung hindi ang umuwi ka na sa inyo

Kahit hindi na sa akin

Kahit kalimutan mo na ang tungkol sa akin

Gusto ko lang makita pa kitang muli.

Gusto ko lang makita ulit kitang ngumiti

Kahit hindi na nang dahil sa akin. ❞

    

Pagkatapos na pagkatapos ng exam, nagmadali akong lumabas ng campus para sumakay ng jeep. Inip na inip pa ako habang naghihintay na umalis 'yon dahil hindi pa napupuno ng pasahero ang loob. Mabilis lang namang napuno dahil sabay-sabay natapos ang exam pero pakiramdam ko, ang daming nasasayang na oras.

Nang sa wakas ay umalis na ang jeep, kahit papaano ay nakahinga ako nang maluwag. Pero sa kalagitnaan ng byahe, patigil-tigil ang jeep dahil sa sobrang traffic.

Kung p'wede ko lang palitan ang driver at paliparin itong jeep hanggang sa makarating kami sa babaan ko, ginawa ko na. 'Tang ina, ngayon lang ako nagmadali nang ganito sa buong buhay ko.

Makalipas ang mahigit kalahating oras, nakarating na kami sa babaan ko. Pagkababa ko ng jeep, mabilis kong tinakbo ang daan papunta sa village kung saan nakatira si Ramona.

Pagkarating ko ro'n, mabilis akong lumapit sa guard na naka-duty para magtanong.

"Kuya, p'wedeng magtanong?" hinihingal na sabi ko.

"Ano 'yon?"

"Nakita niyo ho ba si Ra--si Mona po? Mona Castillo?"

Napakunot-noo siya bago sumagot. "Day-off ko kahapon, eh. Pero hindi ko pa nakita si Miss Mona ngayon. Bakit? Gusto mo bang tumawag ako sa bahay nila?"

Kahit papaano ay nabuhayan ako at nagkaroon ng pag-asa dahil sa sinabi niya. Mabilis akong napangiti at sunod-sunod na tumango bilang tugon. Ilang sandali pa, binuklat niya ang isang logbook at hinanap doon ang number ng telephone sa bahay nina Ramona. Hanggang sa itinapat na niya ang telepono sa tainga at pumindot ng numero, saka hinintay na may sumagot sa kabilang linya.

Buong oras na pinanonood ko siyang gawin 'yon, palakas nang palakas ang kabog ng dibdib ko. Hanggang sa umayos ng tayo ang guwardiya at nagsalita.

"Magandang hapon, Eba."

Hindi ko alam na may mas ibibilis pa pala ang tibok ng puso ko. Parang gusto nang sumabog ng dibdib ko. Sumasabay pa ang paghingal ko dahil sa ginawang pagtakbo kanina.

'Tang ina, ano ba nangyayari sa akin?

"Ahh, ehh gusto ko lang sanang magtanong kung nariyan ba si Miss Mona. May naghahanap kasi sa kan'ya." Tumingin sa akin ang guwardiya at nagsalita nang mahina. "Ano na ngang pangalan mo, hijo?"

Napalunok ako. "C-Caleb po."

Ibinalik niya ang atensiyon sa telepono. "Caleb raw, Eba. Kaibigan yata ng amo mo."

Matagal nanahimik ang guwardiya, nakikinig sa lahat ng sinasabi ni Manang sa kabilang linya. Gusto ko sanang agawin ang telepono sa kan'ya at ako na ang kumausap kay Manang pero hindi ko naman p'wedeng gawin.

'Tang ina.

"Ohh, sige. Sasabihin ko lahat. Maraming salamat." Pagkatapos niyang sabihin 'yon, ibinaba na niya ang telepono saka tumingin sa akin. "Kahapon pa raw hindi umuuwi si Miss Mona, pero hindi mo raw kailangang mag-alala. Binanggit daw sa kan'ya ni Miss Mona na, kapag hinanap mo raw siya kay Eba, sabihin raw sa 'yo na hindi pa siya nakakauwi. At huwag ka raw mag-alala sa kan'ya."

Wala na akong naiintindihan sa mga naririnig at nangyayari ngayon. Hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang maniwala sa paliwanag ni Manang. Parang hindi totoo. Parang may pinagtatakpan. Parang nagsisinungaling siya.

Hindi ko alam kung ako lang ba 'tong nag-iisip ng kung ano, pero . . . natatakot ako. Natatakot ako ngayong hindi ko alam kung nasaan si Ramona.

"G-Gano'n po ba? Uhm . . . p'wede ko ho bang hingin na lang 'yung number ng telephone nila?"

Umawang ang bibig ng guwardiya. "Naku, pasensiya ka na, hijo. Bawal 'yon, eh. Kung gusto mong kausapin si Manang Eba, p'wede namang tawagan ko na lang siya ulit at kausapin mo. 'Yun nga lang, mukhang may ginagawa yata dahil naro'n ang mga amo niya. Mukhang abalang-abala sa trabaho, eh."

Napakunot-noo ako sa sinabi niya.

Akala ko ba, may family gathering sila? Kung pinapasabi niya sa akin na hindi pa siya nakakauwi, bakit nandito ang mga magulang niya? Posible bang nandito rin si Ramona? Ayaw niya ba akong . . . harapin?

Ayaw na ba niyang magkaayos kami?

Lumunok ako bago nagsalita. "P-P'wedeng pakitawagan po ulit? May importante lang sana akong sasabihin."

Nagkamot siya ng batok bago tumango at pumindot sa telepono. Iniabot niya sa akin 'yon na siya namang mabilis kong itinapat sa tainga ko. Ilang sandali pa, may sumagot na sa kabilang linya.

"Castillo residence. Magandang hapon po," pagsagot ni Manang Eba sa kabilang linya.

Tumikhim ako bago nagsalita. "M-Manang . . ."

Matagal siyang nanahimik sa kabilang linya na parang hindi niya inaasahan na ako 'yung tumawag. Ilang sandali pa, nagsalita na siya. "O-Ohh, Caleb! N-Napatawag ka?"

Nagbuga ako ng buntonghininga bago nagsalita. "Nasaan po si Ramona? Wala ba talaga siya d'yan?" Hindi kaagad siya sumagot kaya dinugtungan ko ang sinasabi ko. "Ang sabi kahapon sa akin ni Ramona, sinundo siya ng mama niya para sa family gathering nila. Pero ang sabi sa akin ng guwardiya dito, nand'yan daw ang mga amo mo at abala ka ngayon sa trabaho." Nagbuntonghininga ako. "Manang, sabihin mo na po 'yung totoo kasi nag-aalala ako."

Ilang sandali pa, suminghot si Manang bago sumagot. "Naglayas si Mona."

Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa narinig ko mula sa kan'ya.

"Tumawag siya sa akin kahapon at inutusan na, kapag tumawag ka, sabihin ko sa 'yo 'yung mga sinabi ko sa guwardiya kanina. Nagpaalam siyang aalis pero hindi namin alam kung saan siya pumunta, kaya nandito ngayon ang mama at papa niya para hanapin siya."

Rinig ko ang pagkabasag ng boses ni Manang sa kabilang linya pero wala na akong iba pang maisip kung hindi ang nauna niyang sinabi.

Naglayas . . . bakit?

"Nakikipag-coordinate na ang mga magulang ni Mona sa mga pulis kaya huwag ka nang mag-alala. Magiging maayos din ang lahat. Magtiwala lang tayo sa kan'ya, hijo." Suminghot ulit siya. "Wala kang dapat na gawin. Babalitaan na lang kita, Caleb."

Natapos na ang tawag pero hindi pa rin ako makakilos sa kinatatayuan ko. Ni hindi ko magawang ibaba ang teleponong nakatapat sa tainga ko dahil sa pagkabigla sa narinig. Hindi ako makapaniwala na . . . kung mas takot ako kanina, mas malala ang takot ko ngayon.

Nagbalik lahat ng alaala ko noong mga panahong bago pa lang kaming nagiging malapit ni Ramona. Noong kinukulit niya pa lang ako tungkol sa letter, kung paano ako ma-curious dahil palagi siyang naka-jacket . . .

Noong mga oras na nakita ko ang lahat ng sugat at peklat niya noong hinimatay siya sa PE class, kapag namumutla siya dahil hindi siya nakatulog at hindi nakakain . . . lahat bumalik sa alaala ko.

Sabi ko na nga ba . . . may nakalimutan ako.

Sabi ko na nga ba . . . may mali sa mga nangyayari ngayon.

Sa sobrang focus ko sa sama ng loob ko sa nanay ko, nakalimutan ko na hindi siya okay. Na kailangan niya ako katulad na lang ng pangangailangan ko sa kan'ya.

"Kailangan kita, Caleb, sa paraan na kailangan mo rin ako . . ."

Naibagsak ko ang teleponong hawak ko at muntik nang nawalan ng balanse nang maalala ang sinabi niya noong gabing magkasama kami.

"Hijo, ayos ka lang? Maupo ka na muna . . ."

Kumuha ng upuan ang guwardiya at pinaupo ako ro'n. May mga sinasabi pa siya na hindi ko na inintindi pa dahil wala nang ibang laman ang isip ko kung hindi ang lahat ng napagtanto ko.

Kailangan niya ako . . . sa paraang kailangan ko rin siya.

Tama naman siya. Kaya ba noong nagkaroon kami ng problema at ilang beses ko siyang pinagtulakan, naiparamdam ko ba sa kan'ya na hindi ko na siya kailangan?

Nakalimutan ko . . .

Nakalimutan ko na hindi lang ako ang may pinagdaraanan. Nakalimutan ko lahat ng sugat ni Ramona dahil masiyado akong nag-focus sa galos ko na gawa lang naman ng nakaraan. Nakalimutan ko ang lahat . . . dahil nagalit ako--dahil sumama ang loob ko.

Pinaramdam ko sa kan'ya na hindi ko na siya kailangan kaya akala niya, wala na siyang karapatan na kailanganin ako.

'Tang ina, ano bang ginawa ko?

Nang medyo naikalma ko na ang sarili, nagpasalamat ako sa guard. Kinuha ko ang number ng telephone ng bahay nila Ramona at sinabi sa guwardiya na pumayag si Manang Eba doon, at saka ako naglakad pauwi sa bahay.

Pagkauwi ko, wala akong ibang ginawa kung hindi ang magyosi nang magyosi. Hindi ko na nagawa pang hubarin ang uniform na suot ko dahil gusto kong pakalmahin ang sarili ko. Akala ko, mapapakalma ako ng yosi at mababawasan ang pag-iisip ko ng kung ano-ano tungkol kay Ramona, pero hindi.

Hindi nawala sa isip ko na baka sinasaktan niya ulit ang sarili niya, kaya iniiwas niya ang braso niya sa akin kahapon noong magkasama kami.

Hindi nawala sa isip ko na baka mag-isa lang siya ngayon at kung ano-ano na ang iniisip na gawin, kasi baka tuluyan na siyang nawalan ng pag-asa.

Hindi nawala sa isip ko na baka . . . baka may ginawa na siyang makakapagpahamak sa kan'ya.

Napahithit ako sa yosi kasabay ng pangingilid ng luha ko sa huling naisip.

Natatakot ako, Ramona. Paano kung . . . paano kung tuluyan ka nang mawala sa akin? 'Wag mo sanang sukuan ang buhay mo, please lang. Nandito pa ako--kami ng pamilya mo--na nagmamahal sa 'yo.

Nandito ako. Hindi kita iniwan kahit kailan.

Mabilis na umagos ang mga luha ko nang ipinikit ko ang mga mata. Ipinatong ko ang braso at doon, umiyak nang umiyak nang tahimik.

Ramona . . . please. Umuwi ka na.

🚬

Hello. Hindi ko na na-edit ang chapter na ito dahil . . . tinatamad ako. xD Sana po nagustuhan niyo ang update! Lapit na po tayo matapos. Hihihi


-mari

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top