Chapter 55
❝ Ang sabi mo, mag-uusap pa tayo
Ang sabi mo, magkikita pa tayo.
Hinintay kita buong araw at linggo
Pero nasaan ka na, mahal ko?
Ilang taon na ang lumipas, nandito pa rin ako
Sa kung saan ako ay iniwan mo. ❞
Hindi ko magawang matulog no'ng gabing 'yon kaiisip kay Ramona. Ramdam na ramdam ko na may kakaiba at hindi ako mapakali. Parang . . . parang may iba na hindi ko maipaliwanag. Parang may nakakalimutan ako.
Maaga akong nakagayak kinaumagahan. Gusto ko pa ngang dumaan sa bahay ni Ramona pero parang hindi ko pa kayang gawin.
At isa pa, nahihiya ako dahil matapos ko siyang itrato nang gano'n nitong mga nakalipas na araw, pupuntahan ko siya sa kanila? Parang wala akong mukhang maihaharap. Subukan ko na lang siguro siyang kausapin mamaya sa school.
Hindi pa man ako nakakarating sa sakayan ng jeep, nakita ko na ang pamilyar na babaeng nakaupo habang may hawak na stick at ipinangsusulat sa sahig. Medyo basa pa ang buhok niya kaya alam kong kadarating niya lang dito. Minsan kasi, hindi naman niya naibo-blower nang mabuti ang buhok niya kaya may mga natitira pang parte na basa.
Tulad na lang ngayon.
"Ramona . . ."
Mabilis siyang nag-angat ng tingin sa akin. Matamlay siyang ngumiti bago tumayo saka itinapon sa kung saan ang stick na hawak.
"A-Ang aga mo ngayon . . ." sabi niya bago itinago ang mga braso sa likod.
"Hindi ako . . . makatulog nang mabuti," sagot ko.
Sobrang awkward namin sa isa't isa ngayon na para akong nagliliyab dahil sa init ng pakiramdam. Medyo malamig ang umaga pero ramdam ko ang pamumuo ng pawis sa noo at leeg ko.
'Tang ina . . . parang hindi ako makahinga ngayong kinakausap ko si Ramona.
"P-Pasok na tayo," sabi ko nang naiwas ng tingin.
"Uhh . . ." Lumingon ako sa kan'ya. Nakaiwas din ang tingin niya sa akin. "Hindi ka ba magyoyosi?"
Ahh . . .
Kasama nga pala sa bawat umaga ko ang magyosi dito. Siya ang kasama ko sa bawat umaga na papasok ako sa school at pauwi sa bahay. Siya ang kasama ko sa pagyoyosi sa mga oras na gusto ko.
"Hindi na."
Tumango siya bago sumunod sa akin sa sakayan ng jeep. Pinauna ko na siyang sumakay. Nagbigay siya ng space para doon ako makaupo sa paborito kong p'westo. Gusto kong magpasalamat pero parang sobrang awkward n'on. Kahit isang beses, hindi ko nagawang mag-thank you sa kan'ya sa tuwing ginagawa niya 'to.
Ilang sandali pa, dumami na ang laman na pasahero ng jeep kaya naman nagsimula na rin mag-drive paalis ang driver. Tahimik lang si Ramona sa kabuuan ng byahe. Hindi man lang siya nagsasalita at nasa labas lang ng bintana ang atensiyon niya.
Hanggang sa makarating na kami sa harap ng campus at makababa ng jeep. Wala pa rin siyang sinasabi. Parang ang lalim ng iniisip niya. Parang kasama ko lang siya pero 'yung isip niya, nasa ibang lugar.
Magkasabay kaming naglalakad sa hallway papunta sa building namin. Gusto kong hawakan ang kamay niya habang naglalakad kami, katulad ng dati. Gusto kong pagsalikupin ang mga daliri namin pero hindi ko magawa.
Bukod sa hindi ko magawa, parang iniiwas sa akin ni Ramona ang braso niya. Tulad ng dati, suot niya pa rin ang jacket niya; pero ngayon, magkahawak ang dalawang kamay sa likuran niya.
Gusto kong hawakan ang kamay niya pero . . . pero parang ayaw niya.
Hanggang sa makarating na kami sa loob ng classroom. Dumeretso siya sa upuan niya para maupo at magsimulang mag-aral habang ako ay pinanonood lang siya bago maupo sa upuan ko.
Hindi ko alam kung bakit natatakot ako sa inaasal ni Ramona ngayon. Masiyadong nakabibingi ang katahimikan niya. Hindi ko magawang masanay.
Naupo na lang ako sa upuan ko at ibinulsa ang dalawang kamay, saka pinanood siya kahit na likod niya lang naman ang nakikita ko.
Ilang minuto pa ang nagdaan nang may marinig akong malakas na boses mula sa tabi ko.
"Yo, pare! Magandang umaga sa 'yo! Na-miss kita, ah! Pa-kiss nga!"
Hindi ko pinansin ang pagsigaw-sigaw ni Mark. Inialis ko lang ang pagkakaakbay niya pero pinanatili ko ang atensiyon ko kay Ramona. Nakita kong nagulat siya sa pagsigaw ni Mark kanina pero hindi naman lumingon sa amin.
May mali. At alam kong kasalanan ko 'yon.
"Nag-usap na ba kayo ng bata mo?" mahinahong tanong ni Mark.
Tumango ako. "Kagabi."
"Ayos na kayo?" Umiling ako. "'Yan ang sinasabi ko kay Mona. Makulit siya, eh."
Tumingin ako sa kan'ya. Umayos siya ng upo bago lumunok at mag-iwas ng tingin.
"Feeling ko naman tama siya." Lumingon siya sa akin nang nakakunot-noo. "Ang daming nasasayang na oras na dapat . . . masaya kami. Masiyado kong inilalayo ang sarili ko sa kan'ya dahil lang nasaktan ako. Eh, p'wede namang pag-usapan na lang."
Napabuntonghininga ako nang mapagtanto lahat ng pagkakamali ko. Masiyado akong nag-focus sa nakaraan, nakakalimutan ko na 'yung mga taong nagmamahal sa akin sa kasalukuyan.
"Mainam at alam mo 'yung mali mo. Kausapin mo na at makipag-ayos ka." Pumangalumbaba siya sa desk habang pinanonood si Ramona. "Alam mo kahapon, hindi naman siya gan'yan. Parang may iba sa kan'ya ngayon. Hindi ko mai-explain kung 'yung maitim niyang eyebags ba 'yon o 'yung pamumutla niya, o pareho. O baka may iba pa. Pero mas okay siyang tingnan kahapon tsaka noong mga nagdaang araw kaysa ngayon."
Naibalik ko ang tingin kay Ramona. Bahagya siyang nakayuko habang nagsusulat sa papel ng kung ano. Gumagawa yata ng reviewer dahil may iba't ibang kulay ng ballpen akong nakikita.
Siguro kakausapin ko na lang siya mamaya. Sana okay lang sa kan'ya. Gusto ko nang makipag-ayos. Miss ko na rin siya. Ngayon ko pa napagtanto ang lahat kung kailan nagkasakitan na kaming dalawa.
Napasabunot ako sa sarili bago isinubsob ang mukha sa desk. Ilang minuto pa ang nagdaan, tumunog na ang bell. Kasunod nito ay ang pagbati ng professor sa unang klase ngayong umaga.
🚬
Nang matapos ang klase sa umaga, sabay kaming kumain ni Ramona sa madalas naming kinakainan na carinderia. Magkasabay kami palagi sa paglalakad pero palaging may distansiya. Bihira lang din siyang magsalita kanina noong kumakain kami. Puro pa tungkol sa exam ang pinag-uusapan namin.
"Sana ma-maintain mo 'yung high honors mo. Please do well sa exam, Caleb," sabi niya bago itinuon ang buong atensiyon sa pagkain.
Pagkatapos n'on, mas naging tipid siya sa pagsasalita. Hinintay niya pa rin akong matapos sa pagyoyosi pagkatapos mag-lunch pero hindi na siya nagsasalita.
Dati, nagtatanong siya ng kung ano-ano. Ngayon, nakatingin lang siya sa malayo at tahimik na naghihintay sa akin.
Anong ginawa ko? Bakit ka nagkaganito?
Sana, pagkatapos nating mag-usap, pagkatapos nating mapag-usapan ang lahat, sana maging maayos ka na ulit.
I'm sorry, Ramona.
Buong klase ng hapon, habang nagbibigay ng pointers to review ang mga professor, natulog lang ako. Siguro dahil masiyado akong puyat at may natitira pa sa hangover ko kahapon kaya ganito ako ngayon. Nagising na lang ako nang tapos na ang klase at ginigising na ako ni Mark.
"'Tang ina mo, kanina pa kita ginigising!" bulyaw sa akin ni Mark habang nililigpit ang mga gamit ko. "Labas labas pa kunwari ng notebook, props lang pala amputa! Tumayo ka na d'yan! Ikaw na lang natitira dito, gago!"
Iniangat ko ang ulo ko at inikot ang paningin. Wala nang ibang tao sa loob ng classroom. Maaliwalas na sa loob at magulong mga upuan na lang ang nandoon.
Bigla kong naalala si Ramona.
Tumingin ako sa labas. Mga taong naglalakad paalis lang ang nakita ko at walang Ramona na naghihintay sa akin.
"Nasaan si Ramona?" tanong ko.
Ibinato sa akin ni Mark ang bag ko bago sumagot. "Kanina pa sila nakaalis! Kanina pa naglabasan, mga ten minutes na! 'Tang ina mo talaga!"
Kinuha ko ang bag ko ay nagpasalamat kay Mark. Sabay kaming lumabas ng classroom saka hinanap sa building si Ramona. Tumingin na rin ako mula sa terrace para makita kung nasa ibaba siya pero wala akong nakitang Ramona na naglalakad doon.
Kinuha ko sa bag ang cellphone ko at hinanap ang number ni Ramona habang nagmamadali akong bumaba sa hagdan.
"'Tang ina, bakit ka ba nagmamadali!!! Hinintay kita ah, gago ka!"
Hindi na ako sumagot pa. Hindi ko alam kung bakit naging triple ang kaba ko ngayong hindi ko nakita si Ramona at hindi siya naghintay sa akin.
May mali . . .
"Hoy, Caleb!"
"Sandali," mahinahon na sagot ko.
Nang tuluyan na kaming makalabas ng building at may sapat nang signal, tumigil muna ako sa paglalakad at ni-dial ang number ni Ramona. Itinapat ko sa kanang tainga ang cellphone at pinakinggan ang pagri-ring nito. Kabang-kaba ako habang naghihintay sa pagsagot niya ng tawag ko. Bawat ring ng number niya, parang dumadagdag sa kaba na nararamdaman ko.
"Ano bang nangyayari, ha?" tanong ni Mark na naghihintay din habang nakatayo sa harap ko, nakakunot-noo.
Ilang segundo pa ang nagdaan nang, sa wakas, sinagot niya ang tawag ko.
"R-Ramona!"
Napalunok ako matapos kong banggitin ang pangalan niya. Parang naubusan na naman ako ng sasabihin. Ni hindi ko alam kung anong sasabihin ko ngayong sinagot na niya ang tawag ko.
"Hello . . ."
Palakas nang palakas ang tibok ng puso ko ngayong narinig ko ang boses niya sa kabilang linya. Sobrang dalang namin mag-usap sa cellphone kaya parang bago sa akin ang ganito.
"N-Nasaan ka?" kinakabahang tanong ko.
Hindi nakatakas sa paningin ko ang curious na mga tingin ni Mark sa akin na para bang hindi maintindihan ang nangyayari. Sa dami ng nagawa niya para sa akin, pakiramdam ko may karapatan naman siyang malaman ang ilang detalye, kaya mamaya siguro, sasabihan ko na lang siya.
Ilang segundo ang nagdaan bago ko narinig ang mahinang pagbuntonghininga niya. Hindi ko alam kung nasaan siya. Masiyadong tahimik sa kabilang linya at tanging boses at paghinga niya lang ang naririnig ko.
"Uhh, pasensiya na, hindi kita nahintay. May . . . pupuntahan kasi ako. Kailangan kong magmadali. Hindi pala kita nasabihan kahit sa text. I'm sorry."
Matapos kong marinig ang paliwanag niya, para akong nakahinga nang maluwag.
"Ohh . . . okay lang. Nasaan ka ngayon? Saan ka pupunta? Samahan na kita."
Laging may ilang segundo na pagitan ang mga sagot niya sa bawat pagtatanong ko kaya naman sa tuwing lumilipas ang mga segundo, kinakabahan ako kahit na alam kong hindi naman na dapat dahil kausap ko na siya.
"Kasama ko si Mama. May family gathering lang na need puntahan. S-Sinundo niya ako. Kaya kailangan talagang magmadali."
Napaawang ang bibig ko nang bahagya matapos niyang banggitin ang Mama niya. Naalala ko rin kung paano ako itrato nito noon at lahat ng kwento ni Ramona tungkol sa kan'ya, kaya alam ko na wala akong laban ngayon.
Nagbuntonghininga ako bago pinilit na ngumiti. "Ohh, okay. Ingat kayo. Mag-text ka na lang, ha?"
Narinig ko ang mahinang singhot niya. "Oo. Mag-review ka na lang mamaya. May exam na starting tomorrow." Tumawa siya nang mahina. "Galingan mo, okay? Alam kong kayang-kaya mo 'yan."
Bahagya akong ngumiti. "Oo naman." Napabuntonghininga ulit ako. "Ramona, I'm sorry."
Malakas na buntonghininga ang pumutol sa pagsasalita ko. "Sige na, Caleb. Mag-usap na lang tayo mamaya. Okay? Kailangan ko nang mag-prepare, eh."
"Okay, then. Text mo ako kapag nakauwi ka na mamaya, ha?"
"Oo." Muli siyang tumawa nang mahina. "Bye, Caleb. See you."
Magsasalita pa sana ako nang pinatay na niya ang tawag. Gusto kong sabihin na may sasabihin ako sa kan'ya bukas pero mukhang nagmamadali siya.
"Oh, ano?" tanong ni Mark.
Bahagya akong ngumiti. "May family gathering sila."
"Hintayin mo na lang bukas. Magkikita pa naman kayo."
Tumango ako at nag-aya nang umalis.
🚬
Kinabukasan, walang Ramona ang nagpakita o nagparamdam man lang kahit isang segundo.
Ramona . . . akala ko ba mag-uusap pa tayo?
Nasaan ka na? Bakit . . . bakit nakapatay ang cellphone mo?
Ramona . . . ano na bang nangyayari sa 'yo?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top