Chapter 54
❝ Iba na pala ang ibig sabihin
Bawat paghakbang mo palayo sa akin.
Kung alam ko lang noon
Sana hinabol kita nang hinabol
'Wag ka lang mawala sa aking paningin. ❞
Nang maubos ang apat na boteng dala ni Mark at matapos niyang makapagpahinga nang halos isang oras, umuwi na rin siya. Iniwan na niya lahat ng chips na dala niya kasama ang mga alak na inubos namin kanina.
Kahit pala beer, tatamaan din ako. Akala ko ba hindi gaanong nakalalasing 'yon? Bakit nahihilo ako ngayon sa tig-dalawang bote ng alak na ininom naming dalawa? Pakiramdam ko, karugtong talaga 'to ng hangover ko sa ininom ko kahapon, eh. Pero mas maaayos ang pakiramdam ko ngayon kaysa kanina.
Pero ang sakit pa rin ng ulo ko, 'tang ina. Anong oras na kaya? Nakatulog na naman pala ako.
Bumangon ako mula sa pagkakahiga sa couch at tiningnan ang wall clock. Pasado alas-otso na ng gabi. Ang dami pa ring kalat na naiwan kahit na nagligpit naman si Mark bago umalis. Mukhang kailangan kong magligpit nang maigi dahil puro pinagkainan ng chips. Kung hindi, baka dagain ako dito.
Masama ang loob kong tumayo para ligpitin ang mga kalat. Pinulot ko ang mga pinagbalutan ng chips, maging ang mga takip ng bote ng Colt45, saka inilagay sa trash bag. Nang makitang wala na ang mga kalat, kinuha ko na 'yon at ibinuhol, bago dinala sa labas ng bahay, kung saan nakaipon ang mga basura na kinukuha ng mga basurero sa madaling-araw.
Pero nagulat ako nang paglabas ko ng gate, nando'n si Ramona. Nakaupo siya habang natutulog, yakap ang notebook niya. Nagdalawang isip pa ako kung ano bang uunahin ko: gisingin siya at pauwiin o itapon 'tong mga basura na dala ko?
Pero dahil malapit lang naman ang basurahan, itinapon ko na muna 'yon bago bumalik sa kan'ya. Ramdam ko ang kaba ngayong kaming dalawa na lang ulit ang magkasama. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko kapag ginising ko na siya.
'Tang ina, bakit ba dito siya natutulog?!
Tumikhim ako bago nagsalita. "Ramona."
Akala ko, magigising na siya sa pagtawag ko sa pangalan niya, pero hindi! Parang kanina pa siya dito natutulog, ah? Napabuntonghininga ako bago naupo sa harap niya. Tinapik-tapik ko ang pisngi niya at do'n ko napagtanto na medyo malamig siya. Mukhang kanina pa siya nandito, ah? Bakit hindi man lang nag-door bell?
At bakit ba kasi nandito siya?
Inalis ko na lahat ng nasa isip ko at ginising na siya nang mas mabuti.
"Ramona, gising."
Paulit-ulit ko siyang tinapik at tinawag hanggang sa tuluyan na siyang magising. Bahagya pang nanlaki ang mga mata niya nang makitang nasa harap niya na ako.
"C-Caleb!"
Tumikhim ako bago nagsalita. "Bakit dito ka natutulog?"
Hindi siya sumagot. Nakita ko lang ang paggalaw ng ilong niya bago nagtanong ulit. "Uminom ka . . . ulit?"
Nagbuntonghininga ako bago tumayo. "Umuwi ka na. Gabing-gabi na, d'yan ka pa sa labas natutulog."
"Ahh . . ." Tumayo siya habang kinakamot ang ulo. "Ano kasi, walang sumasagot. Baka tulog ka."
"Ano bang ipinunta mo rito?" kunot-noong tanong ko.
Iniabot niya sa akin ang notebook na dala niya. "Ito 'yung l-lessons na na-miss mo kanina. Ginawaan kita ng pointers to review kasi sabi ng professors natin, kasama raw 'yung lessons kanina sa final exam natin. Eh . . . suspended ka, 'di ba? Kaya ginawa ko 'to."
Hindi pa rin ba natututo si Ramona sa mga nangyayari sa aming dalawa? Bakit ba kailangan niyang gawin 'yung mga bagay na 'to na parang hindi ko kaya? Na parang kailangan ko siya palagi sa lahat ng oras?
Nagbuga ako ng malalim na buntonghininga habang masama ang titig sa hawak niyang notebook.
"C-Caleb . . ."
"Ramona, hindi ka pa rin ba natuto sa huling beses na nagkamali ka?" iritang tanong ko bago nag-angat ng tingin sa kan'ya. Nakita ko ang biglaang pamumutla niya. "Akala ko ba kilala mo na ako? Akala ko ba, inoobserbahan mo ako simula pa noon? Bakit parang hindi mo ako kilala, kahit na ngayong sinasabi mong mahal mo ako?"
Mabilis na namula ang mga mata at ilong niya, kasabay ng pagbaba niya ng mga kamay na may hawak na notebook. "G-Gusto ko lang naman mas mapadali--"
"Hindi ko kailangan ng mas madaling pag-aaral!" malakas na sabi ko na nagpagulat sa kan'ya. "Hindi ko kailangan ng taong magpapadali ng buhay ko!"
Gusto kong bawiin ang ginawa at sinabi ko. Gusto kong mag-sorry at sabihing, hindi ko sinasadya na masigawan siya pero paano ko pa magagawa 'yon? Sa lahat ng p'wedeng bitawan ng tao, mga salita ang--kahit kailan--hinding-hindi na mababawi pa.
At hindi naman sa hindi ko sinasadya. Wala na lang din akong kontrol sa sarili kong emosiyon dahil alam ko sa sarili kong hindi pa ako okay sa ginawa niya. Ito ang dahilan kung bakit ayaw ko pa sanang magharap kami, eh.
"S-Sorry--"
"Sorry na naman! Putang ina naman, Ramona! Ilang beses ka na bang nag-sorry dahil do'n sa ginawa mo sa akin at sa nanay ko? May nagbago ba? Wala naman, 'di ba?! Kasi heto ka ngayon sa harap ko, gumagawa na naman ng sariling desisyon para "mapadali" ang buhay ko. 'Tang ina, hindi ko naman kailangan 'yan! Anong akala mo sa akin, hindi makakapasa dahil lang na-suspend?! Alam ng lahat na kaya kong ipasa 'yan at manatili sa honor kahit matulog ako nang matulog sa klase! Akala ko ba kilala mo ako? Akala ko ba naniniwala kang kaya ko? Bakit ginagawa--"
Pinanood ko kung paano siya yumuko at umiyak sa harap ko. Sunod-sunod na paggalaw ng balikat niya ang pumutol sa pagsasalita ko, kasabay ng mga paghikbi niya.
"Gano'n ba talaga kasama ang nagawa ko sa 'yo . . . p-para masamain mo lahat ng ginagawa ko?" Humikbi siya nang ilang ulit bago nagpatuloy sa pagsasalita. Nasa ibaba pa rin ang mga paningin niya habang mahigpit ang hawak sa notebook. "Gusto ko lang naman bumawi. A-Akala ko kasi, makakabawi na ako kapag . . . kapag ginawa ko 'to. Pero . . . mukhang tama si Mark."
Napakunot-noo ako sa huling sinabi niya. Napaiwas ako ng tingin nang bigla siyang mag-angat ng tingin sa akin. Hindi nakatakas sa paningin ko ang mga luha niyang sunod-sunod na tumutulo sa mga pisngi niya.
"Sabi niya, 'wag muna raw kitang kausapin o lapitan kasi . . . kasi baka raw hindi ka pa handa. Kaso . . . miss na kita. Hindi na ako makapaghintay na makasama ka . . . na maging okay na tayo ulit. Miss ko na ang mga ngiti mong ako lang ang pinagbibigyan mo. Miss ko nang maghintay sa 'yo sa sakayan ng jeep, eh. Miss ko nang . . . makakwentuhan ka habang bumabyahe tayo. Miss ko nang maglakad sa hallway nang school habang hawak ko ang kamay mo. Miss na miss na kita at pakiramdam ko . . . nasasayang 'yung mga oras nating dalawa na dapat . . . masaya tayo."
Yumuko siya at pinunasan ang mga luha gamit ang isang kamay. Iyak pa rin siya nang iyak. Pati ang leeg niya, nababasa na rin ng mga luha niya. Gustuhin ko mang punasan ang mga 'yon, gustuhin ko man siyang patahanin at yakapin, hindi ko alam kung paano ko gagawin 'yon.
Ako ang dahilan ng mga luha niya sa mga oras na 'to . . . kaya anong karapatan kong hawakan siya?
"I'm so sorry. I'm sorry for that o-one night that I forced the situation into making you and your m-mom meet. I thought that was a . . . g-gift I could give you. I never thought that a parent could treat her child that way after years of n-not being that near to each other. It was my . . . f-fault. Masiyadong mabait ang mga magulang mo base sa k'wento mo, kaya hindi ko naisip na mangyayari lahat ng 'yon. Hindi ko naisip na masasaktan kita nang gano'n. I'm really sorry that I underestimated your situation. Hindi ko sinasadya. I'm so sorry, Caleb."
Napabuntonghininga ako nang makaramdam ng sobrang sakit matapos niyang humingi ng tawad nang paulit-ulit.
"Ramona . . ."
Hahawakan ko sana siya sa magkabilang balikat niya nang humakbang siya ng isa palayo sa akin habang pinupunasan nang paulit-ulit ang mga luha.
"I was just getting tired of seeing you long for your mom, that's why I did that. And your Tita Esme somehow told me stories about how great your mom was, when she was taking care of you. Kaya akala ko, magandang idea na pagharapin kayo. Hindi ko talaga alam na mangyayari 'yon. Hindi ko sinasadya. Patawarin mo ako."
Humikbi siya nang humikbi hanggang sa mas lumalala na ang pag-iyak niya. Sa tuwing sinusubukan kong hawakan siya, humahakbang siya palayo sa akin. Hindi ko alam kung bakit ang sakit-sakit ng simpleng bagay na ginagawa niyang 'yon. Parang mali.
"Caleb, patawarin mo na sana ako. Kasi hindi ko mapatawad 'yung sarili ko na nasaktan kita nang gano'n. I'm so sorry. I'm really sorry." Humikbi ulit siya nang sunod-sunod bago tumigil sa pagpunas ng mga luha. "Sana mapatawad mo ako . . . kahit hindi ko na mapatawad ang sarili ko sa pananakit sa 'yo nang gano'n. I'm really sorry, Caleb. 'Wag ka na sanang magalit sa akin, please."
Wala akong masabi. Gusto kong sabihin na, oo, pinatatawag ko na siya, pero parang mali naman. Hindi ko maintindihan. Hindi ko alam kung ano ang dapat gawin.
Gusto kong sabihin na hindi ako galit sa kan'ya. Na pinapatawad ko na siya . . . pero hindi ba mali na sabihin 'yon dahil lang sa ganito kami? Hindi ba parang half-baked naman ang kapatawaran kung ibinigay na lang nang basta?
Hindi ba p'wedeng hayaan niya muna akong mag-isa nang ilang araw, saka na lang namin pag-usapan ang tungkol dito? Hindi naman mababaw ang mga dahilan ko, eh.
Magulang ko 'yon . . .
Magulang ko na 'yung pinag-uusapan dito. Sa kanila ako humuhugot ng lakas ng loob para mas pagbutihan, para may dahilan sila para bumalik sa akin. Sa loob ng ilang taon, mga magulang ko lang ang laman ng isip at puso ko. Sila ang dahilan ng bawat araw na gumigising ako . . . ng bawat pag-aaral na pinagbubutihan ko.
Ang mga magulang ko ang dahilan ng lahat-lahat sa akin. Kaya hindi madaling tanggapin sa akin 'yung katotohanan na 'yung ilang taon na umasa akong mahal pa rin ako ng mga magulang ko . . . hindi pala totoo. Ang hirap tanggapin ng katotohanan matapos ipamukha sa akin 'yon noong gabing pinili ni Ramona na pagharapin kami nang hindi ako kinakausap tungkol doon.
Ramona . . . ang hirap.
Hindi ba p'wedeng hayaan niya munang tanggapin ko na wala na 'yung dating mga magulang na minahal ko? Hindi ba p'wede 'yon? Kaunting oras lang naman ang hinihingi ko.
Hindi naman ako mawawala sa kan'ya. Hindi naman kami maghihiwalay. Hindi naman ako makikipaghiwalay sa kan'ya kahit na anong mangyari, kaya bakit pakiramdam niya, nasasayang ang mga oras naming dalawa?
"Ramona . . ."
Wala na ba talagang ibang salitang lalabas sa bibig ko kung hindi ang pangalan niya? Bakit hindi ko magawang sabihin sa kan'ya 'yung mga salitang kailangan niyang marinig?
Bakit hindi ko masabi nang gano'n kadali na pinatatawad ko na siya? Na okay na kami at hindi na niya kailangang mangamba?
Lumapit siya sa akin at yumakap nang mahigpit. Hinayaan ko siyang gawin 'yon nang hindi ako kumikilos. Gusto ko rin siyang yakapin pabalik pero . . . paano? Hindi ko alam kung paano ko siya yayakapin pabalik. Para akong naestatwa sa kinatatayuan ko.
"Caleb . . ." Sunod-sunod na tunog ng iyak at hikbi niya ang kumawala sa bibig niya habang nakasubsob ang mukha niya sa dibdib ko. "Mahal na mahal kita."
Matapos niyang sabihin 'yon, tumingkad siya at hinalikan ako sa labi. Ramdam ko ang mahigpit na kapit niya sa t-shirt ko habang magkalapat ang mga labi naming dalawa.
Gusto kong igalaw ang mga labi ko para halikan siya pabalik pero . . . hindi tama. Mali. May mali. Hindi ko maintindihan ang sarili ko pero pakiramdam ko, mali ang mga oras na 'to.
May mali sa mga oras na 'to.
Parang dapat, hinahayaan lang namin na malayo kami sa isa't isa hanggang sa maging maayos na kaming dalawa, hindi 'yung ganitong pinipilit naming dalawa.
Napabuntonghininga ako bago hinawakan siya sa magkabilang balikat para patigilin siya sa ginagawa niya at palayuin siya sa akin nang bahagya. Ibinaba na niya ang mga paang nakatingkad, maging ang dalawang kamay na mahigpit na nakahawak sa t-shirt ko.
"Sa . . . susunod na tayo mag-usap."
'Yun lang . . .
'Yun lang ang tanging nasabi ko, pero naging sapat para kay Ramona na umiyak nang umiyak, kasabay ng pagyuko. Umiyak siya nang umiyak sa harap ko nang ilang minuto, hanggang sa kumalma na siya.
Ilang sandali pa, nang medyo maayos na siya, tumingin siya sa akin at tumango.
"O-Okay. Uuwi na ako."
Humakbang siya palayo sa akin habang nakangiti. Bakas pa rin ang mga luha sa mga mata niya kaya kahit na ang ganda niya kapag nakangiti, ang pangit tingnan ng mga ngiti niya ngayong gabi.
"B-Bye. Good night."
Kumaway siya sa akin, nananatiling nakangiti, bago naglakad palayo sa akin.
Pinanood ko siyang maglakad palayo nang palayo, hanggang sa mawala na siya sa paningin ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top