Chapter 49
❝ Sa hindi maipaliwanag na dahilan
Pumasok sa aking isipan
Lahat ng mga araw na sinabi mong mahal mo ako—
Mga salitang hindi ko naman napapalitan.
Pagmamahal na hindi humihingi ng kapalit—
Ganoong pagmamahal ba ang ibinibigay mo sa akin? ❞
Nang matapos kumain ng miryenda, tinapos na ni Tita ang mga ginagawa niya sa likod bago nagpaalam sa amin na uuwi na.
"Babalik na lang ako, hijo," sabi niya habang isinusukbit ang shoulder bag.
"Tita—"
"Babalik ako." Tumalikod na ito sa amin at nagsimula nang maglakad papunta ng pintuan. "Ihatid mo si Mona pauwi, ha?"
Natatawa na lang ako dahil wala talaga akong laban pagdating sa kan'ya.
"Oo naman po, Tita. Ingat po kayo."
"Ingat po, Tita Esme!" pagpapaalam ni Ramona bago tuluyang nakalabas ng bahay si Tita. Lumingon siya sa akin at ngumiti. "May gagawin ka ba mamaya?"
Napakunot-noo ako sa biglaang pagiging seryoso niya. "Wala naman. Bakit?"
Ngumiti aiya bago tumingin sa cellphone niya. "Okay lang mag-dinner tayo sa labas?"
Natatawa akong sumagot. "Hindi ba masarap ang luto ko?"
Tumawa siya bago umiling nang umiling. "Masarap! Promise! Gusto ko lang lumabas mamaya."
Ngumiti ako. "Oo naman. Kahit saan mo gusto."
Ilang sandali pa, hindi ko napigilan ang paghikab dahil sa pagod na nararamdaman ko simula pa kahapon.
"Magpahinga ka na muna. Mahiga ka na muna d'yan, oh?" sabi niya sabay turo sa couch.
"Paano ka?"
"I'm okay here. Sasagutan ko na lang ang natitira sa questionnaires ko. Dala ko naman 'yon."
Tumango ako bago naglakad papunta ng couch saka nahiga. Pinagpatong ko ang dalawang kamay saka ginawang unan, bago pinikit ang mga mata.
"Magsalita ka. Ayaw kong matulog," sabi ko. "Kausap-kausapin mo ako."
Bahagya siyang tumawa. "Okay. Pero . . . ano namang sasabihin ko?" tanong niya kasabay ng tunog ng paglipat niya ng papel. Siguro, inaayos na niya ang questionnaires para sa PerDev. "Wala akong maisip kahit tanong."
"Kahit na ano. Kahit random lang. Ayaw kong matulog."
Ilang segundo siyang natahimik. Unti-unti na akong nakakaramdam ng malalim na antok. Pakiramdam ko, kapag hindi pa nagsalita si Ramona sa loob ng isang minuto tuluyan na akong makakatulog.
Hanggang sa . . .
"H-How was your mom like?"
Nawala ang antok na nararamdaman ko sa naging tanong niya. Hindi ko alam kung magandang idea ba na nagtanong siya nang ganoon o hindi, kasi sa tuwing pinag-uusapan ang mga magulang ko, ang daming masasakit na pakiramdam ang dumadating sa akin.
"Uhm . . ."
"Hindi mo kailangang sagutin." Tumawa siya nang pilit. "Mag-iisip na lang ako ng ibang tanong. Uhm . . . ano--"
Nagbuntonghininga ako bago nagmulat ng mga mata nang bahagya saka nagsalita. "Napakaganda niya. Para sa akin, siya ang pinakamagandang babae na nakita ko. Kahit na noong hindi ko na siya nakikita, kahit na nakakita na ako ng maraming magagandang babae sa mundo, siya at siya pa rin ang pinakamagandang babae para sa akin. Hindi dahil nanay ko siya, pero totoong sobrang ganda niya. Hindi na ako nagtaka kung bakit sobra-sobra ang pagmamahal ni Papa sa kan'ya."
Wala akong narinig na sagot kay Ramona. Walang kahit na anong tunog ng papel at ballpen din akong narinig, kaya alam ko na nakikinig siya nang mabuti sa akin.
"Para din siyang doctor kasi sa bawat pag-aalaga niya sa tuwing nagkakasakit ako, napapagaling ako ng halik at yakap niya. Sobrang sarap niya rin magluto. Parang chef. Miss ko na ang chicken curry niya." Bahagya akong tumawa. "Para din siyang teacher kasi ang talino niya. Siya ang nagturo sa akin na magsulat at magbasa, magbilang at maging marunong sa Math."
Nagbuga ako ng malalim na buntonghininga nang maalala ko ang lahat ng 'yon noong bata pa ako.
"Busy siya sa trabaho niya pero kapag kailangan ko siya, lagi siyang nandoon. Kapag kuhanan ng grades, kapag may FPTA meeting sa school, kapag may award ako, siya palagi ang nag-aakyat sa akin sa stage. Siya palagi ang nagkakabit ng ribbon at nagsasabit ng medal sa akin. Busy siya sa trabaho pero palagi siyang naglalaan ng oras para sa akin. Makikita mo sa kan'ya noon na . . . sa akin umiikot ang mundo niya."
Narinig ko ang buntonghininga niya. "O-Ohh . . . she must be a wonderful woman."
Bahagya akong tumawa. "Sobra. Kaya hindi ko noon maintindihan kung bakit nagawa niya akong iwan kay Papa. Alam naman niyang sasama ako sa kan'ya kung sakaling kuhanin niya ako. Siya ang buhay ko, Ramona. Kaya noong nawala siya, noong iniwan niya ako, nawalan ng saysay ang buhay ko."
Muli kong narinig ang paggalaw ng mga papel pero hindi ko na alam kung anong ginagawa niya. Ayaw ko rin tumingin dahil ayaw ko nang makita niya kung gaano ako kahina pagdating sa ganitong usapan.
"Hindi ka nagalit sa mama ko noong nalaman mong nagkamali siya?"
I sighed. "Sumama ang loob ko. Pero may parte sa akin na hindi ko siya kayang sisihin. Kasi, kahit ako na anak, hindi ko nararamdaman si Papa noon." Lumunok ako nang ilang ulit bago itinuloy ang sasabihin. "Katatrabaho niya para makuha kami ni Mama at mabigyan ng marangyang buhay sa Canada, nakalimutan na niyang kailangan namin siya. Sa sobrang pagmamahal niya kay Mama at sa kagustuhan niyang mabigyan ito ng marangyang buhay, hindi niya na naisip na nakakalimutan na niyang may pamilya siya. Kaya kung mayroon mang isang tao na nakaramdam ako ng galit, kay Papa 'yon."
"Dahil doon?"
Tumango ako. "At dahil . . . dahil noong nawala si Mama sa amin, nawala rin siya sa akin. Pakiramdam ko noon, si Mama lang talaga ang minahal niya, hindi ako. At kaya hindi niya ako ibinibigay kay Mama, 'yon ay para parusahan ito sa ginawang pagkakamali at gamitin ako para bumalik si Mama sa kan'ya."
"Baka naman . . . nagkakamali ka lang, Caleb?"
Bahagya akong natawa. "Magulang ko sila. Kilala ko sila." Ilang segundo akong natahimik bago muling nagsalita. "Kung nagkakamali ako . . . bakit hindi siya nag-aabalang alagaan ako? Bakit ipinagkatiwala na lang niya ako sa kapatid niya?" Nagbuntonghininga ako. "Si Mama lang ang mahal ni Papa nang buo. Minahal niya lang ako dahil may parte ni Mama sa pagkatao ko."
Matapos kong sabihin 'yon, wala nang nagsalita pa sa aming dalawa. Kahit kaunting ingay ng galaw, wala akong narinig sa loob ng ilang minuto.
Hanggang sa binasag niya ulit ang katahimikan. "So, kahit nagkamali ang mama mo sa inyo, siya pa rin ang pipiliin mo kung sakaling pinapili ka?"
"Walang pagdadalawang-isip na oo." Bahagya akong tumawa. "Hindi ko pa nga naririnig ang side ni Mama tungkol sa pagkakamali niya. Pero marinig ko man o hindi, hindi naman maiaalis ng pagkakamali niya ang pagiging ina niya sa akin. Bago si Tita Esme, si Mama lang ang nagparamdam sa akin ng totoong pagmamahal. 'Yung pagmamahal na walang hinihinging kapalit."
I love you . . .
Bigla kong naalala 'yung mga beses na sinabi sa akin ni Ramona 'yon pero hindi ko masabi sa kan'ya. At hindi 'yon naging problema sa kan'ya.
"Well . . . a mother's love is the purest form of love, they say." She sighed. "D-Do you still want to see your mom? Do you still . . . want to be with her?"
Ipinikit ko ang mga mata kasabay ng maliit na pagngiti. "Kung mayroon akong pangarap sa buhay ko . . . 'yun ay ang makasama ko ulit ang mama ko."
At hindi ko alam kung bakit naging sapat na dahilan 'yon para maibsan ang sakit na naramdaman ko.
Hindi ko alam kung bakit pagkatapos n'on, tuluyan na akong nakatulog sa hinihigaan ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top