Chapter 48

❝ Nang ipakilala kita sa kaisa-isang tao

Na tumayo bilang magulang ko

Gusto kong ipagsigawan sa mundo

Ikaw na ang makakasama ko hanggang dulo

Pero paano ko na maaabot ang dulo

Kung wala ka na ngayon sa tabi ko? ❞

   

Pagkatapos namin sa simbahan, dumeretso kami ni Ramona sa bahay ko. Ayaw niya pa raw umuwi dahil wala naman ang mga magulang niya. Maayos din naman ang lagay ni Chase, ayon sa update na binigay sa kan'ya ni Manang.

"Marunong ka bang magluto?" tanong niya habang naglalakad kami papasok sa loob ng village.

"Tss. Oo naman."

"Nice! Kung gano'n, ipagluto mo ako, ah?"

Matapos niyang sabihin 'yon, ngumiti siya nang malawak bago tumakbo papalayo sa akin. Tinawanan ko na lang siya bago sumunod sa kan'ya.

Nang makarating kami sa harap ng gate ng bahay ko, nakita kong hindi naka-lock 'yon. Napabuntonghininga ako dahil alam ko na kung sino ang nasa loob.

"Hindi ka nag-lock?" tanong ni Ramona.

Nagbuntonghininga ako bago binuksan ang gate. "Nag-lock. May bisita ako."

"Ohh . . ."

Nang makapasok kami sa loob ng bahay, rinig na rinig namin ang malakas na tunog ng washing machine sa likod. Malinis din ang kabuuan ng bahay, maging ang labas na dinaanan namin kanina.

"Wow, ang sipag naman ng bisita mo. Sino 'yon?" tanong ni Ramona bago naupo sa couch.

Nagbuntonghininga ulit ako bago ibinaba ang gamit sa gilid ng couch. "Si Tita Esme."

Dumeretso ako sa likod kung nasaan siya. Nakita ko doon ang nakatambak na maruruming damit ko kung saan magkahiwalay ang puti at de-kolor. Nakita ko siya na nakatalikod habang binabanlawan ang tapos nang paikuran sa washing machine.

Isang malalim na buntonghininga ulit ang lumabas sa bibig ko. "Tita . . ."

"Ay, kabayo ka!" malakas na sabi niya bago tumayo at lumingon sa akin. "Ikaw na bata ka, nand'yan ka na pala!"

"Tita, sabi ko sa inyo, hindi mo na kailangang gawin 'yan, eh."

Nag-iwas siya ng tingin sa akin bago bumalik sa pagkakaupo at muling nagbanlaw ng nilalabhan.

"Madali lang naman ito. Hayaan mo na ako. Ngayon na nga lang kita nabisita at gawin itong mga 'to, ayaw mo pa akong pagbigyan."

Napalunok ako bago naupo malapit sa kan'ya. "Hindi mo ako anak, Tita. Hindi mo ako kailangang alagaan nang ganito. Kaya ko na."

Padabog niyang ibinaba ang damit sa tubig bago tumingin nang masama sa akin. "Caleb, hindi ko naman sinabing hindi mo kaya. Gusto ko lang iparamdam sa 'yo na hindi ka nag-iisa. Hayaan mo na akong alagaan ka paminsan-minsan dahil gusto ko ito. I-Itinuring din naman kitang tunay na anak dahil nakasama mo ako noon pa. Hayaan mo na ako. 'Wag mo akong pigilan."

Hindi ko alam kung nakailan na akong buntonghininga simula nang dumating kami ni Ramona sa bahay ko. Pero hindi ko rin maikakaila na sumaya ako nang malamang nandito ulit si Tita Esme, hindi dahil ginagawa niya ang mga gawaing-bahay na dapat ako ang gumagawa.

Siya ang kaisa-isang taong nagparamdam sa akin na may magulang pa rin ako kahit wala sila sa piling ko.

"Hindi mo ako obligasyon, Tita."

"Hindi ko naman ginagawa 'to dahil obligasyon ang tingin ko sa 'yo." Suminghot siya, dahilan para mapatigil ako. "Nami-miss na kita, anak. Bawal ba 'yon?"

Anak . . .

Siya ang kaisa-isang taong tumatawag sa akin ng salitang 'yon simula nang umalis sina Mama at Papa.

Siya ang kaisa-isang taong nagparamdam sa akin na anak pa rin ako, wala man akong magulang.

"Ginagawa ko ito dahil gusto ko, hindi dahil obligasyon ang tingin ko sa 'yo." Suminghot ulit siya. "Alam kong galit ka sa mundo pero huwag mo naman akong ipagtulakan palayo, anak. 'Wag mong itulak palayo ang mga taong gusto lang namang mahalin ka."

Nakita kong pinunasan niya ang mga luha niya gamit ang braso at itinuloy ang pagbabanlaw. Wala na akong nagawa. Ayaw ko na rin magsalita dahil kahit naman pamangkin niya lang ako, masakit para sa akin na makita siyang ganito nang dahil sa akin.

"Magluluto na lang ako ng miryenda natin, Tita."

Suminghot ulit siya bago tumayo at humarap sa akin. Ipinunas niya ang basang kamay at braso sa pang-ibabang damit niya bago nagsalita.

"Ako na. Magpahinga ka na muna."

Umiling ako. "Kasama ko ang girlfriend ko. Gusto niyang ipagluto ko siya kaya ipagluluto na rin kita."

Umawang ang bibig niya sa sinabi ko. "Girlfriend? May girlfriend ka?"

Asawa, Tita . . . Hays. Kung p'wede lang talaga, eh. Bakit pa patatagalin kung sigurado na ako sa kan'ya?

Bahagya akong tumawa sa naging reaksiyon niya. "Oo, Tita. Nasa living room siya."

"Talaga? Sandali! Ipakilala mo ako!"

Mabilis niyang inayos ang sarili niya bago ako iniwang mag-isa sa likod. Natatawa akong sumunod sa kan'ya papunta sa living room.

Nang makita kami ni Ramona, tumayo siya at halatang naiilang na tumingin sa akin, parang nagtatanong kung anong gagawin niya.

"Tita, this is Ramona. My girlfriend. P'wede mo na siyang tawaging Mona na lang." Tumingin ako kay Ramona. "Ramona, this is Tita Esme."

Naglahad ng kamay si Ramona para makipag-kamay kay Tita Esme. "Nice to meet you po. I heard so much about you po."

"Nice to meet you din, hija," naiilang na sagot ni Tita bago sila nagbitiw ng kamay. "Ano bang nagustuhan mo rito sa pamangkin ko at naging nobyo mo, ha?"

Napakamot na lang ako sa ulo dahil sa unang tanong ni Tita. Talaga naman . . .

"Galit po kasi sa mundo 'yang pamangkin n'yo, Tita. Nagustuhan ko po tuloy!"

"Ay, nako! Sinabi mo pa! Galit 'yan sa lahat. Ewan ko ba! Nakakapagtaka nga at napaamo mo!"

"Gandang-ganda po yata siya sa akin."

Nagtawanan silang dalawa saka itinuloy ang kwentuhan. Iniwan ko na sila sa living room nang makitang naupo na si Tita sa tabi ni Ramona. Hanggang sa makarating na ako sa kusina, naririnig ko pa ang malakas na tawanan at kwentuhan nila tungkol sa akin.

Napapailing na lang ako.

Binuksan ko ang ref at nakitang puno na naman ng laman 'yon. Hindi na ako nagtaka dahil laging ganoon naman ang ginagawa ni Tita Esme sa tuwing nagpupunta siya dito. Alam niyang wala akong tiyaga mamili ng mga kailangan ko sa bahay at lagi lang akong nagpapa-deliver, kaya siya na ang nagkukusang gumawa.

Tiningnan ko rin ang cabinet sa itaas. May mga pasta at kung ano-anong pwedeng lutuin para sa miryenda. May mga cereals din at oat meal na para naman sa madaliang breakfast.

Ang laki na naman siguro ng bill ni Tita sa grocery dahil punong-puno na naman ng pagkain ang mga cabinet pati ref. Sana binigyan na lang siya ni Papa ng pambili, o kahit nanghingi na lang sa akin, dahil masyado na siyang maraming ginagastos sa akin simula pa noon. Magtatanong na lang siguro ako mamaya, para mabayaran kung sakali mang hindi siya binigyan ni Papa.

Kumuha ako ng isang pack ng pasta at ng mga kailangang ingredients para sa spaghetti. May ground beef din sa freezer. Sakto para mas maging masarap ang sauce.

Hindi naman ako magaling magluto pero magagawa ko naman siguro nang tama ang ganito kasimpleng pagkain. Hindi ko rin alam kung bakit kinakabahan ako ngayon.

Masasarapan kaya si Ramona? Paano kung sinabi niyang hindi? Paano kung hindi niya magustuhan?

"Ano 'yang niluluto mo, hijo?"

Napatalon ako sa gulat nang biglang magsalita si Tita sa tabi ko habang hinahalo ang sauce na niluluto ko. Parang kanina lang, abalang-abala pa silang dalawa na mag-usap doon, ah? Ilang minuto na ba ang nakaraan? Parang ang bilis.

"Spaghetti. Humanda ka, Tita. Baka makalimutan mo ang pangalan mo sa sarap ng luto ko," pagyayabang ko.

Tumawa siya. "Tawagin mo ako kapag kailangan mo ng tulong ko, ha?"

Tumango lang ako at itinuloy na ang pagluluto.

Ilang sandali pa, narinig ko ang yabag ng hakbang ni Ramona papunta sa akin. Lilingon pa lang sana ako nang maramdaman ko na siya sa likod ko, nakayakap sa akin.

Nag-init 'yung mukha ko. 'Tang ina!

"Ang bangooo!" sabi niya kasabay ng paghigpit ng yakap niya mula sa likod ko. "Sigurado akong masarap 'yan!"

Tumawa ako bago humarap sa kan'ya, saka yumakap pabalik habang magkaharap ang mukha namin.

"Sasarapan ko para sa 'yo." Pinatakan ko ng halik ang labi niya. "Bakit pala nandito ka? May kailangan ka?"

Ngumiti siya. "Pahiram cellphone?" Tumawa ako sa ka-cute-an niya bago kinuha sa bulsa ko ang cellphone at iniabot sa kan'ya. "Passcode?"

"Birthday mo," sagot ko. "Babasahin din naman ang fingerprint mo."

"Really??? Kailan mo pa ni-register ang fingerprint ko dito?" hindi makapaniwalang tanong niya.

Tumawa ako bago pinisil ang magkabilang pisngi niya. "Kagabi." Muli ko siyang hinalikan nang mabilis sa labi. "Sige na, doon ka na muna. Hintay ka lang konti, saglit na lang 'to."

Tumango siya saka ngumiti. "Okay."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top