Chapter 47

❝ Isang bagay na napagtanto ko

Sa lahat ng oras na naging mahina ako

Ay palagi kang nand'yan para maging lakas ko—

Para maging suporta ko—

Sa mga oras na pakiramdam ko . . . mag-isa lang ako. ❞

   

Pasado alas-onse na nang makababa kami ng bus dahil sa traffic at sa paghihintay na mapuno ng pasahero ang loob. Dumeretso kami ni Ramona sa isang karinderya at doon kumain.

Malakas na nagdighay si Ramona matapos kumain at uminom ng softdrinks. "Ang sarap! Hindi ko talaga maintindihan bakit nandidiri ang nanay ko sa baboy!"

Sumandal siya habang hinihimas ang tiyan na siguradong maraming nakain.

"Ano bang religion ng mama mo?" tanong ko.

Nagkibit-balikat siya. "Catholic kami. Pero sa pagkakaalam ko, iba ang religion niya bago siya nagpakasal kay Papa. Hindi ko na rin naitanong kung ano, pero simula pa noon, puro gulay lang kasi talaga ang gusto niya. Ayaw niya ng mga karne at kung ano pang non-vegan foods."

Napatango na lang ako. Hindi ako sigurado kung tama ang nasa isip ko, pero isang religion lang ang naisip ko na hindi kumakain ng mga baboy.

"Yung papa mo ba, kahit noon pa, hindi na rin siya kumakain ng karne?"

Nagbuga siya ng buntonghininga at nag-isip ng isasagot. Ilang segundo pa ang hinintay ko bago siya lumingon ulit sa akin saka nagsalita.

"Hindi ako sigurado, pero noong minsan, nahuli ako ni Papa na kumakain sa labas ng karne. Hindi niya naman ako isinumbong kay Mama. Hindi rin naman siya nagalit sa akin." Nagkibit-balikat ulit siya. "Kung si Mama ang nakakita sa akin, baka napahiya na ako sa mismong lugar na pinagkakainan kong 'yon."

Napatango ako matapos marinig ang paliwanag niya.

Kung gano'n, ibig sabihin, 'yung mama niya lang ang mahigpit sa kan'ya? Mukhang okay naman ang papa niya. Mukhang hindi siya kinokontrol nito sa mga dapat at hindi niya dapat gawin.

"After this, simba na tayo?" tanong niya.

Oo nga pala, magsisimba kami.

Tumango ako. "Magyosi lang ako ng isa."

Ngumiti siya bago kinuha ang kamay kong nakapatong sa lamesa. "Wala na ba 'yung withdrawal mo? Hindi na siya nanginginig?"

Bahagya akong tumawa bago hinawakan ang kamay niyang nakahawak sa isang kamay ko. "Wala na. Basta hahawakan mo lang palagi ang kamay ko, Ramona."

Tumawa siya nang mahina bago pinagsalikop ang mga daliri ng kanang kamay ko at kaliwang kamay niya.

"Hindi ko na 'to bibitiwan, kung gano'n."

Napangiti na lang ako sa sinabi niya.

Ramona . . . sigurado na ako. Pero paano ko sasabihin sa 'yo?

Nang makatapos magyosi, sumakay kami ng tricycle papuntang simbahan. Dala pa rin namin ang mga bag namin dahil hindi pa kami umuuwi.

Ilang sandali pa, nakarating na kami ng simbahan. Halos walang tao. Kung mayroon man, kaunti lang.

"Tapos na yata ang misa. Baka mamaya pang hapon ang susunod, Caleb. Gusto mo bang bumalik na lang?" tanong ni Ramona habang nakatingala sa akin.

Napangiti ako nang mapagtanto ko ang height difference namin. Kung yayakapin ko siya ngayon, nakatapat ang tainga niya sa dibdib ko. Maririnig niya ang lakas ng tibok ng puso ko ngayon sa kaba dahil sa mga salitang gusto kong banggitin pero hindi alam kung paano.

Nagbuntonghininga ako bago tumingin sa simbahang nasa harap namin.

"Tara, magdasal na lang tayo. Magsimba na lang ulit tayo sa susunod na linggo kung gusto mo."

Hinawakan ko ang kamay niya at pinagsalikop ang mga daliri namin, saka kami sabay na naglakad papasok sa loob. May mangilan-ngilan ang nakaluhod sa luhuran ng bangko habang mataimtim na nagdarasal. Walang kahit na anong ingay ang maririnig kung hindi ang electric fan na gumagana sa loob ng simbahan.

"Tara na," sabi ni Ramona bago ako hinila nang marahan papunta sa bangko malapit sa altar.

Nang makaupo, napatitig ako sa magandang disenyo ng altar na nasa harap ko. Kitang-kita ko rin ang malaking krus kung saan nakapako si Hesu Kristo.

Parang ang tagal-tagal na ng panahon simula noong huling beses na nakapasok ako ng simbahan. Ang tagal-tagap na . . . na pakiramdam ko, bago ang lahat ng ito para sa akin.

"Magdarasal na ako, ha?" pagpapaalam ni Ramona bago lumuhod.

Nag-sign of the cross siya bago ipinikit ang mga mata at pinagsalikop ang daliri ng magkabilang kamay, saka tahimik na nagdasal.

Anong . . . anong ipagdarasal ko?

Ano bang sasabihin ko sa Kan'ya?

May karapatan ba akong kausapin Siya, matapos ang napakatagal na panahong hindi ko Siya nadalaw man lang?

Ano bang hinihiling ng mga tao dito sa Kan'ya? Bakit ang dali para sa kanila na lumuhod at magdasal? Bakit ang dali para sa kanila na kausapin Siya, samantala ako, hindi ko alam kung saan magsisimula?

Hindi ko na alam kung paano Siya kakausapin.

Hindi ko na alam kung paano magsisimula sa mga dapat kong sabihin sa Kan'ya.

Napatingin akong muli kay Ramona na hanggang ngayon, nagdarasal pa rin.

Ramona . . . ano bang ipinagdarasal mo? Anong gusto mong sabihin sa Kan'ya?

Bakit ang dali para sa 'yo na lumuhod at kausapin Siya?

Sigurado ka bang . . . may nakikinig sa 'yo, Ramona?

Ilang minutong napuno ng kung ano-anong bagay ang isip ko. Sa buong mga minutong nagdaan, hindi ko man lang nagawang gumalaw o lumuhod, katulad nila.

Nakapag-sign of the cross na ulit si Ramona at bumalik na sa pagkakaupo sa tabi ko, pero ako, wala pa ring nagawa.

"Wala ka bang gustong sabihin sa Kan'ya?"

Napangisi ako kasabay ng pag-iwas ng tingin. "Sino namang kakausapin ko dito? Wala naman Siya."

"Nand'yan Siya."

Lumingon ako kay Ramona. "Paano ka nakakasigurado? Paano mo pinaniniwalaan 'yung hindi mo naman nakikita?"

Ngumiti siya nang maliit aa akin bago hinawakan ang kamay ko. "Kung maniniwala ka sa Kan'ya, magiging totoo siya. Kung paniniwalain mo ang puso at isip mo na nand'yan Siya at nakikinig sa lahat ng ipinagdarasal mo, gagaan ang loob mo." Bahagya niyang hinigpitan ang hawak sa kamay ko. "Wala namang mawawala kung maniniwala ka sa Diyos, Caleb. Hindi naman masamang maniwala sa hindi mo nakikita."

Mabilis akong nag-iwas ng tingin nang maramdaman kong nag-init muli ang mga sulok ng mga mata ko.

"Kung totoo Siya, bakit mag-isa lang ako? Bakit ramdam ko ang pag-iisa? Kung totoong nand'yan Siya, bakit hindi ko siya naramdaman noong mga panahong hinahanap ko ang pagmamahal ng mga magulang ko?" Lumunok ako nang ilang sunod bago nagsalitang muli. "Kung nand'yan Siya, kung totoo Siya, bakit wala Siya noong mga panahong kailangan ko ng makakasama?"

"Caleb . . ."

Lumingon ako sa kan'ya habang pinipigilan ang sarili sa pag-iyak. "Hindi Siya totoo. Ilang beses akong nagdasal noon na sana, bumalik ang mga magulang ko sa akin, at alagaan nila ako ulit katulad ng dati. Pero hindi Niya pinakinggan lahat ng pagmamakaawa ko."

Nagbuntonghininga siya. "Caleb, hindi ganoon 'yun."

"Ramona, hindi Siya totoo. Kung totoo Siya, sana pinakinggan Niya ang mga dasal ko noon. Sana, pinabalik Niya sa akin ang mga magulang ko. Pero hindi Niya nagawa."

"Caleb, may tamang panahon para sa lahat ng bagay."

Natawa na lang ako nang marinig ang isa sa pinakamadalas na alibi ng mga relihiyoso tungkol sa kung bakit hindi natutupad ang mga hiling nila.

"Hindi pa ba tamang panahon na bata ako noon at kailangan ko ng magulang na gagabay sa akin? Hindi pa ba tamang panahon 'yon, Ramona?"

Nag-iwas siya ng tingin sa akin pero mahigpit pa rin ang mga hawak sa kamay ko.

"But it made you stronger, right?"

"Hindi ko kailangang maging matatag noon, Ramona!" medyo malakas na sabi ko, dahilan para mapalingon sa akin ang iilang nasa loob ng simbahan. Nag-iwas ako ng tingin. "Kailangan ko noon ng magulang."

Isang malalim na buntonghininga ulit ang narinig ko sa kan'ya. Gusto kong alisin ang pagkakahawak niya sa mga kamay ko pero sa hindi ko malamang dahilan, hindi ko magawa.

Natatakot ako sa p'wedeng mangyari kung sakali mang alisin ko ang kamay niya sa akin.

"Pero ikaw ang nag-aya na magsimba, Caleb."

Napatigil ako sa sinabi niyang 'yon at naramdaman ang malakas na tibok ng puso ko.

"You see, nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Caleb, hindi naman kontrol ng Diyos ang takbo ng isip ng mga tao. Kaya nga maraming krimen na nagaganap sa mundo." Hinila niya ang kaliwang kamay ko para ipagsalikop ang mga daliri namin. "I know that God made His way to get your message to your parents. Nasa mga magulang mo ang desisyon kung uuwi sila sa 'yo."

Ilang lunok ang nagawa ko, bago ako yumuko at tuluyang napaiyak nang tahimik.

"Alam kong naniniwala ka sa Kan'ya. Masama lang ang loob mo dahil sa mga nangyari sa 'yo noon. At . . . baka nahihiya ka dahil ang tagal na ng panahon noong huling beses na nagsimba ka at kausapin Siya."

Hinawakan ni Ramona ang mukha ko at pinunasan ang mga luhang dumadaloy sa pisngi ko.

"Pero hindi pa naman huli ang lahat, Caleb. Gusto mo pa rin ba na makasama sila?" 

Parang bata na tumango ako bilang tugon, kasabay ng sunod-sunod na paghikbi.

"Hingin mong muli ang tulong Niya. Malay mo, gusto Niya lang na marinig ka ulit na kausapin mo Siya, hindi ba?"

Ramona . . .

Wala akong ibang nagawa kung hindi ang yakapin siya at umiyak nang umiyak sa balikat niya.

Bakit palagi mo na lang akong pinapaiyak, Ramona?

Bakit palagi mo na lang tinatamaan lahat ng bagay kung saan mahina ako, Ramona?

At bakit wala akong pakialam na maging mahina sa harap mo . . . Ramona?

🚬

A/N:

Hello!

I had a change of plans for Habit Series. A new plot idea has sparked in my mind. Mas vivid ang plot nito kaysa sa--supposed to be--second installment nitong series.

So, we all know that Calista is the protagonist of the story: Falling In Love At The Coffee Shop.

It was supposed to be the second installment of Habit Series but, due to some happenings (hahaha), a new story sparked in my mind and for the past days and weeks that I wasn't updating regularly, nabuo ang story ni Solari. So, Calista's story will be the third installment under this series.

Solari and Klein's story will be the new second installment of Habit Series. The story is entitled: A Kiss To Reminisce.

Posted na po ang Introduction ng story ni Solari. You might want to check it now  since Caleb and Mona's story will be finished soon. Then, susunod na ang story ni Solari.

I promise to give you another heart-breaking, yet, a healing story. I promise that you will also enjoy it, the way you all enjoyed Caleb and Mona's.

That will be a lighter than this story so it will be easy to absorb. 😆

Thank you! Sana magustuhan n'yo! And thank you for staying with Caleb and Mona! Please stay with them until the end! ❤️

-mari 🌻

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top