Chapter 46
❝ Sa lahat ng panahong mahina ako
Ikaw palagi ang kasama ko.
Kaya hindi ko maintindihan kung bakit
Hindi mo ako hinayaang gawin sa 'yo
Ang mga bagay na ginawa mo para sa akin noon? ❞
"Ilagay mo rin 'yung mga natatandaan mong madalas niyong gawin no'ng magkasama pa kayo," paliwanag ni Ramona na nasa likod ko.
Itinuloy ko na ang pagsusulat. Isang oras na lang, aalis na kami ng retreat house na ito kaya kailangan ko nang tapusin ang paggawa nito.
Kung bakit ba naman kasi nagpakabibo ako at nagkusang gagawa ng sulat, eh hindi na nga ako pinagagawa!
"Mamaya ko na lang babasahin 'yan. Basahin mo muna sa harap ni Sister Tricia," dagdag niya bago umalis sa likod ko.
Nagbuga ako ng malalim na buntonghininga bago ipinikit ang mga mata. Inalala ko lahat ng mga araw na kasama ko pa ang mga magulang ko, mga madalas na ginagawa namin, madalas kainin, pati lahat ng mga naramdaman ko noong mga araw na 'yon.
Masaya ako. 'Yon ang pinakaimportante at pinakasigurado ako tungkol sa panahong 'yon.
Masaya ako noong kasama ko sila . . . at hindi ko maiwasang mangulila ngayong mag-isa na lang ako sa buhay habang sila ay masaya pa ring namumuhay, kasama ang bagong mga pamilya nila.
Nagdaan ang maraming minuto, muli akong nagbuntonghininga bago iminulat ang mga mata. Una kong nakita ay ang blangkong papel na nasa harap ko at ang ballpen na nakapatong dito.
Kukuhanin ko na sana ang ballpen nang maramdaman ko ang panginginig ng kamay ko. Napailing ako bago hinawakan ito gamit ang isa pang kamay para patigilin sa panginginig.
"Bakit? Anong nangyayari?" tanong ni Ramona bago nagpunta sa akin. Kinuha niya ang kamay kong nanginginig. "Bakit gumaganito? Caleb?" Hinawakan niya nang mahigpit ang kamay ko para pigilan din. Bakas sa kan'ya ang pag-aalala.
"Withdrawal. Hindi pa ako nagyoyosi simula kahapon."
Suminghap siya nang mahina bago marahang binitiwan ang kamay ko. "So, hindi ka p'wedeng mag-quit sa bad habit mo?"
Kinuha ko ang ballpen at isinulat sa itaas na kanan ng papel ang date ngayon. "P'wede pero hindi biglaan."
"Kung gano'n, kailangan na nating umuwi. Tapusin mo na 'yan para hindi lumala ang withdrawals mo."
Bumalik na siya sa pag-aayos ng gamit habang nagsisimula naman akong magsulat. Hindi ko alam kung nakailang buntonghininga pa ako bago ko tuluyang nakuha 'yung mga salita na dapat kong isulat tungkol sa mga nasa isip at sa nararamdaman ko ngayon.
Nakaligpit na lahat ng gamit namin nang matapos ako sa ginagawa dahil inasikaso na ni Ramona ang lahat. Mabuti na lang at gumayak na muna kami bago ginawa ang lahat ng ito, nang sa gayon, deretso na kami pauwi pagkatapos kong basahin itong sulat sa harap ng madre.
"Tapos ka na!" Pumalakpak siya nang malaki ang mga ngiti habang nakaupo sa gilid ng kama. "Congrats!"
Tumawa ako bago itinupi ang papel. "Tara na?"
Tumango siya bago iniabot sa akin ang bag ko. Isinukbit na niya ang bag niya saka kami sabay na lumabas ng k'warto. Dumiretso kami sa function room kung saan ginanap ang journaling acitivity kahapon. Walang tao ro'n maliban sa madre na si Sister Tricia. Kumatok kami sa pinto bago pumasok sa loob.
"Good morning, Sister Tricia," pagbati ni Ramona sa kan'ya pagkalingon nito sa amin.
"Ohh, good morning to the both of you." Lumingon siya sa akin saka muling ngumiti. "Did you finish writing your letter?"
Tumango ako. "It's written in Tagalog."
"There's no rule in writing a letter, Mr. Caleb. Even though Tagalog is not my mother tongue, maiintindihan ko pa rin 'yan. And if the letter is written sincerely from the heart, a person will understand it no matter how you wrote it."
Ang tagal pa bago ko nakuha yung tapang ko na basahin ang sulat na naglalaman ng isip at nararamdaman ko.
Ang tagal pa ng hinintay naming tatlo dahil sa kaba na nararamdan ko.
Ang tagal kong tumitig sa papel na hawak ko bago binanggit ang unang salita na isinulat ko.
"Mama . . ."
Mabilis na nag-init ang sulok ng mga mata ko habang iniisip na nandito siya kasama namin at nakikinig sa akin. Pero hindi ito sapat para umiyak ako sa harap nila.
Nasasaktan ako . . . nangungulila ako sa kan'ya.
"Hindi ko maintindihan noon kung bakit . . . bakit ayaw mo akong harapin simula nang umalis ka. Ilang beses kong ginawa ang lahat para mapansin mo. Nag-aral ako nang mabuti at kumuha ng matataas na marka, gumawa ng kung ano-anong regalo para sa 'yo na dadalhin ko sa bagong bahay mo, pero sa huli, ang tatanggap lang n'on ay ang katulong ninyo. Ang tagal kong inisip kung anong nagawa kong mali—bakit ayaw mo akong harapin?"
Nang tiningnan ko ang susunod na babasahin ko, bumalik sa akin lahat ng alaala noong huling beses na nakita ko siya sa bahay namin.
"Araw-araw kong iniisip, anong ginawa kong mali? Bakit iniwan mo ako? Bakit ayaw mo akong harapin? Pero sa araw-araw na naaalala ko 'yung paghingi mo ng tawad sa akin bago mo ako tuluyang iwanan . . . doon ko naintindihan ang lahat. Ngayon, naiintindihan ko ang lahat."
Nagbuga ako ng malalim na buntonghininga bago lumingon kay Ramona na nakatayo sa tabi ko at tahimik na pinanonood ako. Ngumiti siya at tumango nang bahagya. Ibinalik ko ang atensiyon sa papel na hawak kahit na sumasakit na ang loob ko ngayon sa pagka-miss kay Mama.
"Nagkamali ka sa akin—sa amin ni Papa. Iniisip ko na . . . baka kaya hindi mo ako hinaharap kasi hindi mo ako kayang harapin? Iniisip mo ba na galit ako sa 'yo, Mama? Nahihiya ka ba sa akin, 'Ma? Sana hindi ganoon . . . kasi kahit nagkamali ka noon, noong mga panahong hindi ko pa maintindihan kung ano 'yung ginawa mong mali, alam ko sa sarili kong hindi ko kayang magtanim ng galit sa 'yo, kasi mahal kita.
"Simula nang ipinanganak ako, alam kong ikaw na palagi ang nasa tabi ko at nag-aalaga sa akin sa araw-araw. Hindi ko pa nakakalimutan 'yung mga araw na pinagluluto mo ako palagi, pinaghahanda nang marami kapag magbi-birthday at pinagbi-bake ng cake ayon sa design na gusto ko. Wala pa akong nakalimutan sa lahat ng 'yon."
Tumingala ako para pigilan ang kung anong nagbabalak na lumabas sa mga mata ko, kasabay ng pananakit ng lalamunan ko. Tumikhim ako bago itinuloy ang pagbabasa.
"Hindi ko pa nakakalimutan 'yung gabing umiiyak ka habang naka-confine ako sa hospital, ilang linggo bago ang 7th birthday ko, dahil sa dengue. Hindi ko nakakalimutan 'yung pag-akyat natin sa stage dahil may award ako sa eskwelahan, kapag honor ako at ang pagluto mo ng marami sa bahay bilang pagse-celebrate ng mga achievement ko."
Muling nanginig ang kamay kong may hawak sa papel, kasabay ng paglabo ng paningin ko dahil sa mga luhang nangingilid sa mga mata ko.
"I-Ikaw ang kasama ko sa lahat ng 'yon, Mama. Kaya kahit na ang sakit para sa akin ng ginawa mo, kahit na nakaramdam ako ng sama ng loob noong unti-unti ko nang naintindihan ang lahat, hindi ko magawang magalit sa 'yo. Kahit kailan, hindi ako nakaramdam ng galit sa 'yo, 'Ma. Kahit kailan . . . hindi."
Pumatak ang luha ko sa papel, dahilan para mabilis kong punasan ang mga mata ko gamit ang isang kamay.
"I'm sorry . . . kung hindi ko maiparamdam sa 'yo na sobrang miss na kita. I'm sorry . . . kung hindi na ako kasing-saya tulad noon, 'Ma. Masyado lang malaki ang nawala sa buhay ko noong nawala ka . . . noong pinabayaan n'yo na ako ni Papa kasi alam n'yong kaya ko na. I'm sorry, Mama, kasi iniisip mo na galit pa rin ako—na galit ako—sa kaisa-isang pagkakamali na nagawa mo. I'm sorry, Mama, kung hindi ko nagawang sabihin sa 'yo . . . na mahal na mahal kita."
Hindi ko napansin ang paglabas ng hikbi sa bibig ko, hanggang sa hinagod na ni Ramona ang likod ko. Gusto kong mag-iwas ng tingin at umalis na dito dahil nahihiya ako, pero hindi ko magawa, dahil alam kong kailangan kong tapusin 'tong sinimulan ko.
"Gusto lang kitang makaharap nang medyo matagal, hindi 'yung isang sulyap lang, 'Ma. Hindi ko na masyadong matandaan ang boses mo. Hindi ko na rin maalala ang mga ngiti mo. Gusto kong makita ulit ang kinang ng mga mata mo. Kaya sana . . . sana, Mama . . . mapatawad mo na ang sarili mo . . . kasi hindi kita kailangang patawarin, 'Ma. Kahit kailan, hindi ako nagalit sa 'yo.
"Panghuli, 'Ma . . . malapit na akong mag-college pero wala akong alam na p'wedeng kuhanin—na p'wedeng pangarapin. Gusto ko lang malaman mo na ito na ako ngayon, kung sakaling hindi mo na ako kilala. Wala akong pangarap, 'Ma. Gusto kong malaman mula sa 'yo kung okay lang ba ang mabuhay nang walang pangarap. Sana, kahit sa isang bagay na ito . . . matulungan mo ako.
"Ma . . . sobrang mahal kita. Sana harapin mo na ako. Caleb."
Matapos kong basahin 'yon, itinupi ko ang papel at ibinaba sa table ng madre. Lumapit siya sa akin nang may magaan na aura at magandang ngiti sa labi, bago ako hinawakan sa magkabilang braso habang nakatitig sa akin.
"Your mother has a wonderful son. She must be really, really proud of you, wherever she may be. Congratulations on letting your feelings out, after all this time."
Niyakap niya ako nang mahigpit, dahilan para lalo akong maiyak na parang bata. Yumakap ako pabalik sa kan'ya at inilabas lahat-lahat.
Kahit sa katauhan lang ni Sister Tricia, maramdaman ko na yakap ko si Mama.
Kahit sa pagkakataong ito lang, maramdaman ko man lang na . . . nandito siya.
Makalipas ang ilang segundo, kumalas na ako sa yakap at lumabas ng function room mang hindi nagpapaalam.
Bago ako tuluyang makalabas, narinig ko ang pagtawag sa akin ni Ramona, pero hindi ko na pinansin dahil alam kong susundan naman niya ako.
Doon ko lang ulit napagtanto . . . nakita na naman ni Ramona ang lahat ng kahinaan ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top