Chapter 43

❝Hindi ko matandaan ang huling beses

Na natakot ako sa p'wedeng mangyari.

Simula nang maisip kong mag-isa ka

Doon ko na lang ulit nadama

'Yung takot na ayaw ko nang balikan pa.❞


Bumalik na kami ng room namin pagkatapos ng isang oras na yoga activity ngayong umaga. Pagkatapos n'on, pinauna ko na siyang maligo para, sa susunod na activity naman namin na Meditation, hindi kami amoy pawis.

"Ang sarap pala sa pakiramdam mag-exercise!" rinig kong sabi niya habang naliligo aa loob ng CR. "Pero grabe, nakakapagod!"

Pinagtawanan ko lang siya dahil wala pa nga ang yoga sa totoong exercise sa gym. Paano na lang kung mag-gym kami pareho, eh 'di lalo siyang nagreklamo.

Nang matapos maligo, dumiretso na kami sa area for meditation. May mga mat na nakalatag sa sahig kung saan uupo ang mga attendees para magkaroon ng kapayapaan habang ipinapahinga ang isip at katawan.

Ipokrito ako kung sasabihin kong hindi ako nainip sa kabuuan ng oras na 'yon. Ilang beses kong ginustong umalis at matulog na lang sa k'warto pero, napansin ko, na sa bawat paglipas ng minuto, nasasanay na rin ako hanggang sa nagiging komportable na ako sa katahimikan.

Nang matapos, magkasabay kaming lumabas ni Ramona ng area para pumunta sa dining area nang mag-11:15 AM na.

"Nakakagutom," sabi niya habang hawak ang tiyan.

"Anong kakainin mo?" tanong ko nang makarating kami sa buffet.

Tumingin siya sa akin at nagkibit-balikat. "Gulay. Mahigit two months na akong sumusuway sa nanay ko. Okay lang 'yung paminsan-minsan siguro na pagkain ng vegan foods."

Tumango ako at hinayaan siyang kuhanin ang mga pagkain na kakainin niya. May mga karne na nakahanda dito pero pinili kong sabayan ulit siya sa pagkain ng mga gulay at vegan foods na makikita sa loob. Pagkatapos, naupo na kami sa isang bakanteng table.

"O, bakit gulay din ang mga foods mo? Vegan ka na???" sarkastikong sabi niya.

Tinawanan ko lang siya. "Gusto ko rin, eh. Bakit ba?"

Tumawa na lang kaming dalawa bago nagsimulang kumain. Kasabay nito ang pagkukwentuhan namin tungkol sa afternoon prayer mamaya.

Ang tagal ko na yatang hindi nagdadasal nang gano'n, ah?

"See? Hindi ko talaga pinili lahat ng spiritual activities. Pareho tayong hindi relihiyoso kaya ayos na siguro 'yung pailan-ilan muna. Tapos, dadagdagan na lang natin as the time goes by, right?" paliwanag niya.

"Ang dami ko rin nakitang religious statue d'yan. Gusto mong maglakad-lakad mamaya pagkatapos kumain?" tanong ko bago uminom ng juice.

Tumingin siya sa akin at ngumiti habang ngumunguya. "Gusto ko! Pasyalin natin 'yung lugar!"

Ngumiti ako sa kan'ya saka tumango.

Nang matapos kumain, hawak-kamay kaming namasyal sa lugar. Hindi ko nadala 'yumg camera dahil hind ko naman dala 'yon kanina noong nagpunta kami ng meditation area. Sayang lang kasi p'wede pa kaming kumuha ng mga picture naming dalawa sa iba't ibang lugar dito. Dalawang pack ng film pa naman ang binili ko.

"Actually . . ." Napalingon ako sa kan'ya nang magsalita siya. Deretso pa rin ang tingin niya sa daanan habang naglalakad kami. "Hindi naman talaga para sa PerDev ang dahilan kung bakit kita inaya dito."

Napakunot-noo ako sa sinabi niya. "Bakit pala?"

Tumingin siya sa akin at ngumiti nang nang magkadikit ang labi. "May group session kasi kung saan gagawa ka ng journal habang nakaupo at nakapaikot ang mga attendees." Ibinalik na ulit niya ang tingin sa daanan. "Sasabihin nila do'n kung sino ang pinakaimportanteng tao para sa kanila, kahit wala siya sa circle na 'yon. Then, they'll explain why and what this person did for them. Also, there's a part na sasabihin ang pangarap na gustong makamit ng bawat isa."

Narinig ko ang malalim na buntonghininga niya bago lumingon sa akin. "Everyone has their dreams in their lives, Caleb. And I want to know what your dream is. Baka lang kasi makatulong sa 'yo 'to . . . para mas makilala ang sarili mo. That's why I want the both of us to attend." Tumawa siya nang mahina. "And to relax for a bit. To take a break from all those bull—sorry—shits that we were going through."

Nang may makita akong bench, marahan kong hinila si Ramona doon para maupo.

"Sabi ko naman sa 'yo, 'di ba? Sasamahan kita sa lahat ng gusto mong puntahan."

Tumawa siya. "Huwag sa lahat, 'no."

Napakunot-noo ako. "Bakit?"

Nagbuntonghininga siya. "Basta." 

Inikot niya ang paningin sa kabuuan ng lugar kung nasaan kami ngayon. Maraming puno at mga halaman. Malakas ang hangin na umiihip at may mangilan-ngilan ding tao na katulad namin ay naglalakad-lakad at nagpapahinga dito.

"Kung hindi ako magiging doctor, isa na lang ang gusto kong makuha ngayon," sabi niya habang nakatingin sa malayo.

"Ano?"

Lumingon siya sa akin at ngumiti. "Yung makilala mo ang sarili mo."

Minsan, gusto kong matuwa dahil lagi niya akong iniisip. Parang . . . lahat ng gusto ni Ramona ay kung anong makakabuti sa kapakanan ko. Katulad na lang ng pagpunta dito—para raw makatulong na mas makilala ko ang sarili ko.

Pero paano naman siya? Bakit hindi niya iniisip kung anong mas makakabuti sa kan'ya? Bakit palagi na lang niyang iniisip ang mga bagay na tungkol sa akin?

"Ramona . . ."

"Huwag mong pakialaman choice ko. This is what will make me truly happy, Caleb. Don't stop me, okay?"

Wala na akong nagawa kung hindi ang hayaan siya.

Sa mga sumunod na oras, nanatili lang kami sa matahimik na lugar na 'yon. Walang nagsasalita sa amin ni Ramona at pansin ko rin na ang ibang tao na nasa lugar ay tahimik lang din. Ibinalik ko ang tingin sa kan'ya na ngayon ay nakapikit na at parang dinarama ang katahimikan at malamig na simoy ng hangin.

"Relax for a bit. Try thinking about some things, Caleb," sabi niya nang maramdaman ang paglingon at paggalaw ko sa tabi niya.

Nagbuntonghininga ako bago sumandal. Yumuko ako at sinubukang ipikit ang mga mata. Nakakaramdam pa ako ng hiya noong una dahil ngayon ko lang ginawa ang mga ganito at ito ang unang beses na um-attend ako sa ganito kaya naiilang pa ako.

Pero nang lumipas ang mga segundo, naging mas komportable ako na parang wala na akong ibang naririnig pa kung hindi sng huni ng mga ibon at simoy ng hangin. Kasabay nito, sinubukan kong mag-isip ng kahit na ano.

What do you want to achieve in life? 

Sinubukan kong isipin kung may gusto ba akong makuha o marating sa buhay. Sinubukan kong isipin ang sarili ko na suot ang mga uniporme ng iba't ibang propesyon . . . pero sa tagal ng pag-iisip, wala akong nakita na posible para sa akin.

Where do you see yourself in five to ten years?

Marahil isa na ito sa pinakamahirap na tanong. Hindi ko makita ang punto ng pag-iisip sa kung ano na ba ako sa paglipas ng mga panahong 'yon. Kahit ilang beses, hindi ko magawang . . . makita ang sarili ko sa mga taon na 'yon.

Kapag ba hindi ko naiisip ang sarili ko sa future, ibig bang sabihin n'on, maaga akong mamamatay?

Napadilat ako nang makalipas ang ilang segundo, wala akong naramdamang takot matapos maisip ang mga bagay na 'yon. Noong naisip ko na hindi ako natatakot mamatay, doon pa lang ako nakaramdam ng takot bago napalingon kay Ramona.

Napatigil ako nang makitang nakatitig siya sa akin at mukhang nagtataka.

"Anong naiisip mo?" tanong niya.

Natakot ako . . .

Umiling ako bago siya hinila papalapit sa akin. "Natakot lang ako."

"Bakit?"

"Kasi . . . hindi ko makita ang sarili ko sa hinaharap."

Tumango siya bago yumakap pabalik at tinapik nang marahan at paulit-ulit ang likod ko.

"It's okay to feel scared. Ibig sabihin, ayaw mo 'yon sa 'yo. At kung natatakot ka na wala ka sa hinaharap, ibig sabihin, gusto mo pang mabuhay nang mas matagal."

Napabuntonghininga ako bago pumikit at mas hinigpitan ang yakap sa kan'ya.

Hindi naman 'yon ang ikinatatakot ko. Natatakot ako na baka dumating ang panahon na mawala nga ako sa mundo . . . at maiwan kitang mag-isa dito.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top