Chapter 36
❝ Simula nang makilala kita
Dumami na ang emosyon na aking nadarama
Mahalaga pa ba ang lahat ng 'to--
Ang iba't ibang emosyon na ito
Kung ang nangingibabaw lang sa araw-araw ay
'Masaya ako sa 'yo?' ❞
Nang matapos ang klase, hindi ako mapakali pagkauwi sa bahay dahil ito ang unang beses na pupunta ako sa bahay ni Ramona. Nag-iisip ako kung ano ang isusuot ko dahil baka mamaya, umuwi ang mga magulang niya. Gusto kong maayos akong tingnan kung sakali man na magkita nga kami ng mga ito.
Isa pa, birthday niya at ako lang ang inimbita niya sa bahay nila. Wala akong maisip na p'wedeng ibigay na regalo sa kan'ya dahil wala naman akong nabili. Hindi ko naman akalain na bigla niya akong iimbitahin sa kanila.
Napabuga ako ng malalim na buntonghininga bago ibinagsak ang katawan sa couch. Tiningnan ko ang oras sa suot na relo. 6:30 PM pa naman ang usapan namin at 4:40 PM pa lang ngayon. May halos dalawang oras pa ako para pumunta ng mall at maghanap ng p'wedeng maipanregalo sa kan'ya.
Nang tuluyang makapagdesisyon saka bumangon at nagpalit ng damit. Mamaya na lang ako maliligo ulit kapag pupunta na ako sa bahay nila.
Pagkalabas ko ng village, saktong may dumaang jeep na papunta ng mall kaya nagmamadali akong sumakay do'n at nagbayad ng pamasahe. Makalipas ang 15 minutes, nakarating na ako sa mall.
Para akong tanga na hindi malaman kung ano ba ang ipinunta sa lugar na 'yon dahil parang sasabog ang utak ko sa dami ng nakita ko p'wedeng bilhin para kay Ramona. Halos isang oras akong nagpaikot-ikot sa mall.
Naisipan ko pa na bilhan siya ng Instax camera dahil pakiramdam ko, mahilig siya sa gano'n at magugustuhan niya 'yon pero dahil estudyante pa lang ako at may kamahalan ang gano'ng camera, nag-isip na muna ako nang mabuti.
Sampong minuto bago sumapit ang alas sais ng hapon, napahinto ako sa harap ng isang jewelry shop. Kanina ko pa ito nadaraanan at nalalampasan pero parang ngayon lang may pumasok na idea sa isip ko. Pumasok ako sa loob ng jewelry store at nagtingin-tingin ng mga naka-display doon.
Hindi ko alam kung bakit may pakiramdam ako na pansamantala lang ang lahat ng mayroon ngayon. Bigla akong napaisip ng bagay na p'wedeng magpaalala sa kan'ya tungkol sa akin. Halos limang minuto na ang nakalipas nang magsalita ang saleslady.
"Good afternoon, sir! Para kanino po?"
Napalunok ako bago ibinaba ang tingin sa mga charm na naka-display. Para silang pastel colors na pendant at charms ng bracelet pero hindi ko maipaliwanag kung saan gawa. Itinuro ko ang parte kung nasaan nakalagay ang mga pendant para sa silver na kwintas.
"Enamel or vintage, sir? What do you prefer?"
Ahh . . . enamel pala.
Napalunok ako bago sumagot. "May design ba kayong . . . cigarette? Para sa necklace sana."
Ngumiti nang maganda ang saleslady. "Mayro'n po. Ito po ang enamel at vintage. Mas bagay po sa silver na chain ang enamel, lalo na kung babae po ang pagbibigyan n'yo. Vintage is also nice for vintage chains. Ito po."
Inilapag niya sa akin ang magkaibang style ng cigarette pendant. Kung ako ang papipiliin, mas gugustuhin ko ang vintage dahil parang may kung ano ito na pinapakita ang pagkaluma niya, pero mas bagay kay Ramona ang enamel pendant. Parang candy na cigarette ito kung titingnan at p'wedeng pambata pero . . . maganda. Sigurado akong bagay sa kan'ya.
"Kuhanin ko po 'yung enamel cigarette."
Ngumiti ulit ang saleslady bago nagsimulang iligpit ang mga design na inilabas. "Okay po, sir, Pack ko lang po. Pay na lang po sa counter. Thank you."
Tumango ako bago dumiretso sa cashier. Kumuha ako sa wallet ng dalawang libong buo. Ilang sandali pa, sinabi na ng cashier ang total ng babayaran. Iniabot ko sa kan'ya ang bayad saka ako sinuklian ng three hundred pesos. Kasabay nito ay ang pag-abot sa akin ng paper bag na may pangalan ng store nila at sa loob nito ay ang box kung saan nakalagay ang kwintas.
"Thank you, sir!"
Tumango na lang ako bago nagmamadaling lumabas ng store. Patakbo kong tinungo ang exit at mabilis na pumunta sa sakayan ng jeep. Ilang minuto pa akong naghintay, dahilan para mataranta na ako dahil pasado alas sais na at pakiramdam ko, mata-traffic pa ako pauwi. Mabuti na lang, may dumating kaagad na jeep makalipas ang limang minuto ng paghihintay. Umalis din kaagad ito dahil mabilis lang na napuno.
Tulad ng inaasahan ko, na-traffic ako sa kalagitnaan ng byahe pauwi. Ang 15 minutes na byahe, inabot na ng 20 minutes pero malayo-layo pa ako. Dumukot ako sa bulsa para sana mag-text kay Ramona na mali-late ako ng dating pero hindi ko pala nadala ang cellphone ko!
Putang . . . ina.
6:35 PM nang tuluyang nagdere-deretso ang pag-andar ng sinasakyan kong jeep hanggang sa lumipas ang limang minuto, doon pa lang ako nakauwi sa bahay.
Ibinaba ko sa center table ang paper bag na hawak ko at mabilis na pumasok sa loob ng CR. Nagmamadali akong naligo at ginawa ang mga dapat gawin, bago lumabas at dumiretso sa k'warto. Naghanap ako ng damit na maganda-ganda pero simple lang sa paningin dahil, tulad ng nasa isip ko kanina, baka dumating ang mga magulang niya. Gusto kong presentable akong tingnan kung sakali man.
Nagsuot ako ng navy blue shorts at white pocket tees. Sinuklay ko ang basang buhok na humahaba na ngayon bago nag-spray ng pabango. Pagkatapos n'on, kinuha ko ang cellphone, wallet, at ang paper bag sa lamesa, saka tinakbo ang daan palabas ng village.
Gusto ko sanang i-text si Ramona para sabihing papunta na ako pero parang mas magtatagal pa kung gagawin ko 'yon kaya naman tumakbo na lang ako nang tumakbo hanggang sa makarating ako sa guard house ng village na tinitirhan niya nang hinihingal.
"Magandang gabi, sir. Ano ho 'yon?" pagbati ng guwardiya na naka-duty. Hindi siya ang nakakakilala sa akin kaya siguro naitanong niya kung anong kailangan ko ro'n.
"K-Kay . . ." Hindi ko maituloy ang pagsasalita nang maayos dahil sa malakas na paghingal. "R-Ramona Castillo po."
"Ahh . . . kayo ho ba si Caleb Eusebio?" Tumango ako. "Pasok na ho kayo, kanina pa ho tumatawag si Ma'am Mona dito at tinatanong kung dumating ka na. Kanina pa yata kayo hinihintay."
Tumango ako, patuloy pa rin sa paghingal. "A-Anong oras na po?"
"Alas siyete-kinse na ho, sir."
Napakamot ako sa ulo bago tumango at nagpasalamat sa kan'ya. Itinuro niya sa akin ang daan papunta kina Ramona dahil hindi ko talaga alam ang eksaktong address niya.
Tinakbo ko papasok ang loob ng village pagkatapos n'on. Medyo malayo ang bahay nila sa gate kaya naman ang tagal pa ng itinakbo ko, hanggang sa huminto ako sa harap ng bahay kung saan nakalagay ang house number na sinabi sa akin ng guard.
Isang . . . napakalaking bahay. Kulay itim ang bubungan at puting-puti ang bahay. Ang malaking gate na nasa harap ko ngayon ay kulay itim din. Halatang . . . mayaman ang mga taong nakatira dito.
Napatingin ako sa nakaupo na parang bata sa harap ng mas maliit na gate. Mukhang kanina pa siya ro'n naghihintay sa akin. Nakaangat ang tingin niya sa akin habang nakasimangot. Namumula rin ang ilong niya--siguro dahil malamig na at nasa labas pa siya. Pero hindi naman siguro dahil sa lamig 'yon dahil naka-love sleeve at pants naman siya.
"B-Bakit ngayon ka lang?" tanong niya gamit ang mababang boses.
Naupo ako sa harap niya at ipinakita ang paper bag na hawak ko. "Bumili ako ng regalo. I'm sorry, na-traffic ako."
Unti-unting namula ang mga mata niya, kasabay ng pangingilid ng mga luha dito. "Bakit bumili ka p?" Saktong pagpikit at pagbaba niya ng tingin, pumatak sa sahig ang mga luha niya. "Hindi ka nagsabi." Suminghot siya ng ilang ulit bago nagsalita ulit. "A-Akala ko hindi ka na pupunta."
Napabuntonghininga ako kasabay ng pagtawa ko. Hinila ko siya nang marahan at niyakap nang mahigpit.
"Sorry na. Hindi ko kasi nadala ang cellphone ko." Humalik ako sa ulo niya para pagaanin ang loob niya. "Kapag sinabi kong pupunta ako, pupunta ako. Hindi mo alam kung gaano ko katagal hinintay 'yung pagkakataon na 'to."
Ilang hikbi ang lumabas sa bibig niya bago siya kumalas sa yakap. Pinunasan niya ang luha gamit ang magkabilang likod ng palad niya. Inilahad ko sa kan'ya ang paper bag kung nasaan ang regalo ko sa kan'ya.
"What's that?"
"Open it."
Kinuha niya sa akin ang paper bag. Binuksan niya 'yon at ang kulay pink na box na nasa loob. Ilang segundo siyang napatitig do'n kaya kinuha ko 'yon sa kan'ya.
"I bought you this so that you'll never forget that there is a chainsmoker who likes you a lot . . . and will possibly like you for a very long time." Kinuha ko sa box ang kwintas at isinuot 'yon sa kan'ya. "Gusto kong dala mo ako kahit saan ka man pumunta. Gusto kong may isang bagay na makakapagpaalala sa 'yo na . . . mayroon kang ako na wala sila."
Nang matapos kong i-lock ang kwintas, lumayo ako nang bahagya sa kan'ya at ngumiti. Hinawakan niya ang pendant na yosi kasabay ng pagtawa.
"I will never forget about you even just for a second, Caleb." She smiled before leaning forward to plant a soft kiss on my lips. "And here you are . . . always close to my heart no matter how far we've come from each other."
Hindi ko alam kung bakit pero parang tumayo ang balahibo ko sa sinabi niya.
Ito ba 'yung kilabot na nararamdaman mo kapag sobrang saya mo dahil sa isang tao?
Ito ba 'yung pakiramdam nang . . . kuntento ka na sa lahat ng mayroon ka ngayon, gaano man karami ang mga tao at bagay na wala sa 'yo?
🚬
The photo I used for this chapter is not mine. Credits to etsy.com for this cute cigarette enamel pendant of a necklace. ♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top