Chapter 18
❝ Hindi ako umiiyak sa kahit anong dahilan
Pero matapos kong makumpirma
Lahat ng mga pagdududa
Parang paulit-ulit akong ibinagsak
Mula sa isang mataas na palapag.
Ibang hulog ang gusto ko . . .
Hindi yung ganito. ❞

Nagsimula na ang klase para sa PE ngayong umaga. Ipinaliwanag na kailangan ng warm-up bago ang paglalaro. Ang siyang matalo, kailangan tumakbo ng five to ten laps sa field, depende sa kung gaano kababa ang magiging score ng bawat team para sa volleyball.
"Hindi naman ako magre-receive ng ball kapag nagtrabaho na ako sa hospital," reklamo ni Ramona sa gilid ko.
"Magre-receive ka ng ball in the future, Mona," sagot ng isa naming kaklaseng babae na hindi ko alam ang pangalan. "Ibang ball."
Nagtawanan ang lahat ng mga kaklase namin na nakarinig n'on. Kahit na na-gets ko ang sinabi niya, hindi ako natawa. Wala namang nakakatawa. Ako pa ang nakaramdam ng hiya para kay Mona.
Pinaypayan ko ang sarili ko sa init na naramdaman ngayon dito sa open field.
Nagsimula na ang game para sa mga babae pagkatapos ng pagwa-warm up. Hinati sila sa dalawang team kaya naman unang-unang laro pa lang, naglalaro na kaagad si Ramona. Pinanonood ko lang siyang malito sa position at iwasan ang mga bola na dumarating sa kan'ya.
Patapos na ang set at sobrang laki ng lamang ng kalaban nila.
"Huwag mong iwasan 'yung bola, Mona! Matatalo tayo!" sigaw ng setter ng team nila.
Ngumuso siya. "Sorry na."
Nag-iwas ako ng tingin nang palitan siya ng mga kasama niya ng isang member nila na nakabangko. Nagsimulang mas maging maayos ang laro ng team nila. Natalo sila pero hindi na kasing-laki ng kanina ang lamang. Kung kanina ay 8 points ang lamang ng kalaban, nang pinalitan si Ramona, naging 3 points na lang.
"'Wag mong masamain," sabi ko sa nakasimangot na si Ramona sa tabi ko. "Gusto lang nilang manalo."
Tumingin siya sa akin nang nakasimangot pa rin. "Hindi ko naman minamasama. Nahihiya lang ako."
"Bakit?"
"Kasi natalo kami dahil sa akin."
Tinawanan ko lang ang sinabi niya. "Hindi lang ikaw ang hindi marunong sa atin. Marami kayo. 'Wag mong sisihin sarili mo."
Tumakbo na ako papunta sa mga teammates ko at nakinig sa paliwanag ng professor na nag-a-act bilang referee. Ilang sandali pa, nagsimula na ang game ng dalawang team ng mga lalaki.
Sa tuwing nakaka-spike at nakaka-score ako para sa team namin, palaging hindi ko napipigilan ang sarili kong tumingin kay Ramona para malaman kung nakita niya ba 'yon o hindi. Sa tuwing tumitingin ako sa kan'ya, nakikita ko naman siya na nakatingin sa akin at nakangiti habang pumapalakpak.
Parang nabu-boost ang energy ko dahil do'n. Hindi ko alam.
Hindi masyadong nagtagal ang laro, nanalo ang team namin. Binati ako ng mga ka-team ko dahil para sa kanila, ako raw ang nagdala ng laro. Hindi ko na sila pinansin at lumapit kay Ramona habang pinupunasan ang pawis.
"Congrats!" nakangiting sabi niya bago ako inabutan ng bottled water. "Sana all marunong!"
Tumawa ako bago kinuha sa kan'ya ang bottled water saka ito binuksan. "Madali lang naman 'yon. Subukan mo rin kasing aralin."
Ngumuso siya bago itinuon ang atensiyon sa field. "Hindi ko talaga hilig ang sports. Hindi ako interesado."
Tumango ako bago tinakpan ulit ang bottled water saka inilagay sa gilid. "Paano 'yan, tatakbo ka."
Tumingin siya sa akin at saka ngumiti. "Sus! Lagi naman akong tumatakbo sa isip mo, wala namang pinagbago."
Matapos niyang sabihin 'yon, tumayo siya at pumunta sa mga nagtitipon naming mga kaklase, iniwan akong hindi makapagsalita nang dahil sa sinabi niyang 'yon.
Hoy, Ramona! Sino ka sa akala mo para sabihin 'yan, ha? Anong akala mo, may gusto ako sa 'yo? Baka ikaw ang may gusto sa akin!
Napapailing akong tumayo at naglakad papunta sa mga kaklase kong nakatipon dahil sasabihin na ang mga pangalan ng mga hindi nakagawa nang maayos sa laro kanina.
Hindi na ako magtataka kung kasama si Ramona doon. Halos lahat ng bola kanina, iniwasan niya. Alam niya rin naman 'yon.
"Ramona Castillo. Seven laps."
Napalingon ako sa kan'ya. Halatang hindi na siya nagulat nang dahil do'n. Bahagya siyang nakangiti habang nakatingin sa professor.
"Can you--"
Hindi na pinatapos ni Ramona na magsalita ang prof. "Kaya ko po, sir!"
Tumango ang prof bago itinuloy ang pag-announce ng mga tatakbo sa field. Nang matapos nang banggitin ang lahat, nagpunta na kami sa gilid habang ang mga tatakbo ay naiwan doon habang kinakausap ang professor namin. Pinanood ko si Ramona na makipag-usap nang nakangiti sa prof namin na parang kinukumbinsi niya ito sa hindi ko maintindihang dahilan.
Alam ba ng mga prof namin ang sinasabi niyang skin allergy niya?
Nagsimula nang mag-ingay ang mga kaklase ko dahil wala nang ginagawa. Nagkukwentuhan na sila ng tungkol sa naging laro kanina habang ako, pinanonood lang na mag-stretching si Ramona kasama ng mga kaklase namin na tatakbo rin sa field.
Hindi ko alam kung bakit kinakabahan ako nang ganito. Bakit parang hindi maganda ang kutob ko?
Ilang sandali pa, luminya na silang sampo, hanggang sa nagsimula na silang tumakbo sa field. Natahimik ang mga kaklase ko na nagkukwentuhan kanina at itinuon ang atensiyon sa mga tumatakbo. Nagmukhang karera ang punishment kahit hindi naman sila nag-uunahan dahil sa paraan kung paano nila i-cheer ang mga kaklase namin.
"Mona Ganda! Kaya mo 'yan!" sigaw ng kaninang nang-asar sa kan'ya tungkol sa ball.
Natapos na ang apat na may three laps lang. Anim na lang ang tumatakbo sa field, kasama na ro'n si Ramona na naliligo na ng pawis ngayon. Basang-basa na ang gilid ng mukha niya ng pawis. Mas lalo akong kinabahan nang dahil do'n.
Natapos na ulit ang tatlo kaya naman tatlo na lang silang tumatakbo sa field. Nagsimula na ulit umingay ang mga kaklase kong hindi na nanonood sa mga tumatakbo ngayon. Wala nang nagchi-cheer sa kanila. Pabagal na rin nang pabagal ang pagtakbo ni Mona.
Hanggang sa huminto siya . . . napakuyom ang kamao ko.
Mona . . .
Isisigaw ko na sana ang pangalan niya para sabihing kaya niya 'yon nang mabigla ako dahil nakita ko siyang matumba sa kinatatayuan niya. Mabilis akong tumayo at tumakbo papunta sa kung nasaan siya.
"Ramona!"
Kabang-kaba ako nang makarating ako sa kung nasaan siya. Basang-basa siya ng pawis at namumutla na siya. Mabilis kong tinanggal sa pagkaka-zipper ang jacket na suot niya para maginhawaan siya, pero nabigla ako sa nakita ko.
"Eusebio, move!"
Napalingon ako sa professor namin na tumatakbo rin na pumunta dito. Isinarado niya ulit ang jacket ni Ramona. Bubuhatin na sana niya ito nang pinigilan ko siya.
"Ako na, sir."
Tumingin lang siya sa akin, bago sa mga kaklase namin na tumatakbo na rin na pumunta sa lugar namin ngayon, bago tumango at hinayaan ako. Naupo ako at ipinasan ko sa likod si Ramona, saka ko tinakbo ang distansya mula open field hanggang sa clinic.
Nang maihiga sa kama ng clinic si Ramona, pinanood ko silang tanggalin ang suot niyang jacket. Doon mas luminaw sa akin na alam ng mga tao school kung anong mayroon sa kan'ya. Alam nila . . . kaya hinayaan nila siya na magsuot ng jacket sa araw-araw.
"Salamat sa pagdala kay Mona dito. P'wede ka nang bumalik sa klase mo," sabi ng school nurse bago ako pinalabas.
Tuliro akong naglakad pabalik sa open field, hindi maalis sa isip ang lahat ng nakita sa braso ni Mona matapos kong buksan ang jacket niya kanina.
Ang dami . . .
Sobrang daming peklat at sugat. Hindi ganoon ang skin allergy.
Hanggang sa makarating ako sa open field, hindi pa rin ako makapagsalita. Parang bumalik sa normal ang mga kaklase ko na parang walang nangyari kanina.
Wala ba talagang may pakialam kay Mona? Bakit ganito sila kabilis bumalik sa normal nilang ginagawa matapos nilang makita ang nangyari kanina?!
"Class, dismiss. You can grab your lunch now."
Nagsialisan na ang mga kaklase ko habang ako, hindi pa rin makapaniwala . . . kahit na inasahan ko naman na 'yon noong unang beses na makita ko ang sumilip na sugat sa braso niya noon.
Paalis na sana ako sa open field nang makita ko ang prof namin at naalala ang naging reaksiyon niya kanina.
"S-Sir."
Tumigil ito sa ginagawang pagliligpit bago tumingin sa akin. "Oh, Caleb. Bakit nandito ka pa?"
Lumunok ako bago muling nagsalita. "A-Alam niyo ho ba yung tungkol kay . . . Ramona?" Hindi siya kaagad nakasagot. "Yung tungkol sa . . . sa jacket niya. Kung bakit palagi siyang naka-jacket. Alam niyo ho ba 'yon?"
Nagbuga siya ng buntonghininga bago nagsalita. "Ayaw siyang payagan ng school na magsuot ng jacket habang nasa klase para itago lahat ng sugat at peklat na mayroon siya, Caleb. Binigyan siya ng dean ng pagkakataon na magpakonsulta at humingi ng diagnosis kung bakit siya may ganoon, kasama ang medical certificate na nagsasabing clinically diagnosed siyang may depression. Lahat ng sugat at peklat na nakita mo sa kan'ya, nanggaling mismo 'yon sa kamay niya."
Nanginig ang mga kamay ko sa narinig. Para akong binuhusan ng malamig na tubig kahit na inasahan ko naman na ang mga naririnig ko ngayon.
"Ayaw niyang ipakita sa lahat dahil gusto niyang maging normal na estudyante lang, katulad ng iba. Kung gusto mong maging komportable pa rin sa 'yo ang kaibigan mo, 'wag mong iparamdam sa kan'ya yung nararamdaman mo ngayon."
Napaangat ang tingin ko sa huling sinabi niya.
"Anong nararamdaman ko?" kunot-noong tanong ko. "Ano ho bang alam niyo sa nararamdaman ko?"
Lumunok siya bago nagsalita. "Huwag kang maawa. Yun ang gusto niya. Huwag siyang kaawaan."
"Hindi ako naaawa sa kan'ya." Bahagya akong tumawa dahil sa sinabi niyang 'yon. "Wala kayong alam sa nararamdaman ko."
Bahagya siyang tumango. "Ano bang nararamdaman mo? Ipaalam mo sa akin para matulungan din kita."
Ano . . .
Ano bang nararamdaman ko?
Sunud-sunod ang paghinga ko, kasabay ng panginginig ng tuhod.
"Hindi ko rin ho alam." Yumuko ako at itinukod ang kamay sa tuhod bilang suporta para makatayo pa rin nang maayos. "Sumisikip ho ang dibdib ko sa nalaman ko."
Nag-init ang sulok ng mga mata ko sa sinabi kong 'yon. Ilang sandali pa, naramdaman kong hinawakan niya ang dalawang balikat ko at ginabayan akong maglakad papunta sa upuan para makaupo.
"Caleb, alam kong masakit na makita ang kaibigan mo sa ganoong sitwasyon, kaya ngayon pa lang, hihingin ko ang tulong mo. Tulungan mo siya. Sa lahat ng paraan na alam mo, tulungan mo siya."
Hindi pa rin kumakalma ang paghinga ko at alam ko sa sarili ko na kung hindi ko pinipigilan ang sarili ko ngayon, baka umiiyak na ako sa harap niya mismo.
"Sa 'yo lang nakikinig si Mona. Ikaw lang ang itinuturing niyang kaibigan. Alam kong matutulungan mo siya."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top