Chapter 13
❝ Kung tinanong mo ako
Kung sino ang gusto ko,
Magiging matapang kaya ako
Na banggitin ang pangalan mo
Bilang sagot sa katanungan mo? ❞
Itinuloy namin ang paggawa ng assignments sa loob ng Library Hub. Mas nagtagal dahil ayaw ni Mona nang basta kokopyahin niya lang ang mga naging sagot ko dahil gusto niya, alam niya kung paano ko nakuha ang tamang sagot.
"Kailangan kong patunayan sa parents ko na natuto talaga ako sa strand na 'to kaya hindi p'wede na kopya lang ako nang kopya," paliwanag niya habang nagsusulat sa papel. "Malay mo, 'di ba? Pumayag sila sa kurso na gusto ko." She smiled at me.
Pumangalumbaba ako habang pinanonood ang kamay niyang marahan na magsulat sa papel. Hanga talaga ako sa kung gaano siya kaganda at kalinis na magsulat. Mabagal nga lang pero hindi naman mas'yado.
Sa bawat pagsabi niya ng tungkol sa course na gusto niya, paulit-ulit ko tuloy naaalala yung naging kwento niya tungkol sa kanila noong unang beses kaming kumain nang magkasabay. Maikling kwento lang naman 'yon kaya hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit naaalala ko pa pati 'yon.
Tang ina talaga.
"Gusto ka bang maging lawyer ng mga magulang mo?" bigla kong naitanong habang nanonood sa paggalaw ng kamay niyang may hawak na ballpen.
Gusto kong bawiin dahil nasa isip ko lang naman sana 'yon. Gusto kong manatili yung image ko na walang pakialam sa kan'ya. Pero paano ko pa babawiin? Sa pagtigil niya sa pagsusulat at pagtingin niya sa akin, alam kong malinaw na malinaw niyang narinig ang naging tanong ko, gaano man kahina ang boses ko.
"Uhh . . . paano mo nalaman?"
Napalunok ako bago nag-iwas ng tingin, saka sumandal sa sandalan ng inuupuan ko. Tumikhim ako kasabay ng paghalukipkip ko.
"Naalala ko lang na parehong lawyer ang mga magulang mo."
Bumilog ang bibig niya sa naging sagot ko. "Talaga?! Sinabi ko ba 'yon sa 'yo?! Kailan?!" pataas nang pataas ang boses na tanong niya.
Tumingin ako sa librarian dahil baka mamaya, naririnig ang boses niya. Mabuti na lang at may iba itong inoobserbahan nang mga oras na 'yon kaya hindi kami mapapagalitan. Nagbuga ako ng malalim na buntonghininga bago sumagot.
"H-Hindi ko na maalala. Basta sinabi mo," nakaiwas ang mga tingin na sabi ko.
"Huh?" mahinang tugon niya.
Lumingon ako sa kan'ya at nakitang kinakagat ng mapula niyang labi ang dulo ng ballpen habang nakatingin sa kawalan, parang nag-iisip nang malalim.
"Kailan ko kaya nasabi? Bakit hindi ko maalala?" mahinang tanong sa sarili niya.
Hindi ko na napigilan ang bahagyang pagngiti. Mabilis lang din at tumikhim ako para bawiin 'yon bago niya pa makita. Umayos ako nang upo bago nagsalita.
"Tapusin mo na 'yan."
Ngumuso siya bago nagsulat ulit. "Puro ikaw ang gumawa ng lahat ngayon." Tumingin siya sa akin nang seryoso. "Next time ako naman ang gagawa ng lahat. Mukha lang akong naglalaro pero seryoso ako sa acads ko, ah?" Bahagya siyang tuamwa bago ibinalik ang buong atensiyon sa papel saka nagsulat. "Hindi ka naman malas sa ka-partner mo, donchuwori."
Napangisi ako matapos marinig 'yon. Alam ko namang hindi ako malas sa kan'ya. Alam kong matalino siya at napatunayan ko kanina na hindi niya talaga ayaw sa Calculus, katulad ng palagi niyang sinasabi.
Pero hindi 'yon ang dahilan kung bakit alam kong hindi ako malas na maging partner siya. Basta alam ko lang . . . na naging masaya ako kahit papaano . . . dahil siya ang kasama ko sa paggawa ng PerDev project na ito.
Pero ano bang depinisyon ng pagiging masaya?
Masaya na bang masasabi kung ngumingiti ka?
Masaya na bang masasabi kung . . . nakuha ko yung gusto ko na maging partner siya?
Masaya na bang masasabi kung . . . may kakaiba na sa akin ngayon dahil sa kan'ya?
Pero ano ba yung kakaiba na sinasabi ko? Hindi ko pa alam, sa totoo lang. Ramdam ko lang na may nag-iba. Hindi ko pa lang maipaliwanag sa ngayon, pero maipapaliwanag ko rin siguro sa mga susunod na araw . . . tutal, araw-araw at mas matagal ko naman nang makakasama si Ramona.
Ramona . . . protecting hands . . .
Ayaw mo sa pangalan mo pero sobrang ganda ng ibig sabihin niyan. Pakiramdam ko minsan, ikaw yung mga kamay na pumoprotekta sa akin sa mga bagay na p'wedeng makapagpahamak sa akin.
Parang ikaw yung mga kamay na pumoprotekta sa akin . . . mula sa sarili ko.
Argh! Putang ina, kailan pa ako naging makata?!
Kailan pa ako naging ganito kakorni para maisip lahat ng nasa isip ko ngayon?!
Isinubsob ko ang mukha sa lamesa habang hinihintay siyang matapos sa paggawa ng assignments. Tang ina, sobrang bagal mo, Ramona! Wala ka pa sa kalahati!
Hindi ko na napansin ang oras, pati ang sarili ko. Naramdaman ko na lang ang pagtapik niya sa pisngi ko. Marahan kong idinilat ang mga mata ko at ang maganda niyang mukha ang una kong nakita.
"Halika na? May pasok pa tayo bukas."
Umayos ako ng upo bago tiningnan kung anong oras na. 10:04 PM na pala! Tang ina, 8:12 PM lang nang matapos ko lahat ng assignments at magsimulang maghintay sa kan'ya, ah?!
"K-Kanina pa ba ako natutulog?" tanong ko. Tumango siya. "Kanina ka pa tapos?" Tumango ulit siya. "Sana kanina mo pa ako ginising."
Nagkibit-balikat siya bago isinukbit ang bag. "Kailangan mong matulog, Caleb. Okay lang naman, hanggang 11:00 PM naman bukas ang Library Hub."
Tumango na lang ako bago kinuha ang mga gamit. "Uwi na tayo?"
"Kain muna tayo ng dinner."
Napabuntonghininga ako bago tumayo. Tang ina, hindi nga pala ako mag-isa ngayon! Kung sanay akong hindi kumain nang tama sa oras, si Ramona, hindi! Argh!
"Sige."
"Treat ko," malawak ang mga ngiti na sabi niya bago tumayo at sumunod sa akin palabas ng Library Hub.
Ha! Anong treat mo?
Naglakad-lakad kami sa sidewalk, naghahanap ng bukas pa na restaurant. Dahil sobrang late na, karamihan sa mga natitirang bukas pa ay ang mga fast food. Hindi ako mahilig sa gano'n dahil parang hindi naman totoong mga pagkain ang nandoon pero kung wala nang ibang restaurant na bukas, wala naman akong choice kung hindi doon na lang kumain.
Para lang hindi na masyadong malipasan ng gutom si Ramona.
"Caleb," pagtawag niya sa akin sabay ng paghila sa laylayan ng shirt ko.
Huminto ako sa paglalakad bago lumingon sa kan'ya. "Oh?"
Itinuro niya ang restaurant na bukas. Mamahalin ang mga pagkain doon pero dahil may pera naman ako, inaya ko na siya na kumain doon.
Nang makapasok at makakuha ng table for two person, mabilis kaming dinaluhan ng waiter para kuhanin ang mga order namin.
"Mag-pure veggies muna ako ngayon. Sabi ni Mama, tumataba na naman daw ako. She's starting to suspect that I'm not eating healthy foods sa school." Nagkibit-balikat siya bago sinabi ang order sa waiter.
Ano naman?
Ano naman ngayon kung tumataba ka? Maganda ka pa rin naman, ah?
Napapailing na lang ako dahil hindi ko maintindihan kung ano bang dapat maging concern nila sa bahagyang pagtaba nila. Ganito ba talaga ang mga babae? Ganito ba sila ka-concious sa figure nila?
Napabuntonghininga ako bago ibinigay ang menu sa waiter. "Ganoon na lang din 'yung sa akin."
"Huh?!" Lumingon ako kay Ramona dahil sa naging reaksiyon niya, kasabay ng pag-alis ng waiter. "Bakit mo ginaya order ko?"
Nagkibit-balikat ako bago sumandal sa sandalan. "Baka mainggit ka kapag um-order ako ng steak. Masira pa ang diet mo." Umirap ako bago humalukipkip.
"Tss. Hindi ako nagdi-diet, 'no. Wala akong pakialam kahit tumaba ako nang tumaba."
Hindi raw nagdi-diet pero bumalik sa pagkain ng gulay dahil lang sinabi ng mama niya na tumataba na siya. Tss.
"Si Mama lang talaga ang concern sa mga kinakain ko. Hindi ako."
Naibalik ko ang tingin sa kan'ya nang dahil do'n. Gusto kong magtanong . . . pero para saan? At bakit ako magtatanong, 'di ba?
Anong . . . pakialam ko?
"Bakit?" tanong ko.
Nagkibit-balikat siya. "Vegetarian sila ni Papa."
Ohh . . .
Ang ganda naman ng gano'n pero nakakasawa naman yata kung puro gulay lang nang gulay. Lalo na't nasa Pilipinas sila nakatira. Hindi maiiwasang kumain ng mga karne dahil karamihan ng mga Pilipino, mahilig sa karne.
"Simula pagkabata ko, puro na kami gulay. Kaso noong nag-Junior high ako, doon ako naging curious sa kung anong lasa ng karne. Being a teenager, siyempre, curious ako. Tumikim ako, tapos nasarapan ko. Naadik yata ako to the point na ayaw ko nang kumain kung gulay lang din naman ang kakainin. Nalaman ni Mama 'yon, kaya she became more strict sa mga kinakain ko."
Ngumiti siya bago tumingin sa akin.
"Ngayon na lang ulit ako sumuway. It still feels good to break a rule. I really have fallen in love with breaking rules."
Na-curious na naman ako.
Anong rule ang paborito niyang na-break?
Kapag ba itinanong ko 'yon . . . anong magiging tingin niya sa akin?
"Do you have something in your mind?" she asked.
"Uhh . . ." Nag-iwas ako ng tingin. "Wala naman."
"P'wede ka namang magtanong. Isipin mo na lang na para sa PerDev project natin kaya 'wag kang ma-conscious."
Ahh . . . oo nga.
Tumingin ako sa kan'ya. Deretso ang mga tingin niya sa akin habang nakapatong ang magkakrus niyang braso sa lamesa.
"Anong . . . rule yung . . . pinakagusto mong sinira?"
Maliit na ngiti ang ibinigay niya sa akin bago nagsalita.
"Lahat ng rule na sinira at sisirain ko . . . para lang makasama ang taong gusto ko."
This chapter is dedicated to ShadyAss27. Thank you so much for the votes and comments!
I give dedications to readers who will show support on this story so keep the votes and comments coming! Thank you so much for reading this new story of mine! I hope you're all enjoying your stay! Stay safe and God bless. ♥
-mari
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top