Chapter 11

❝ Akala ko, wala akong pakialam.

Pero simula noong kulit-kulitin mo ako

Napagtanto ko . . .

Hindi pala talaga ako ganito ang gusto ko.

Napagtanto ko ang lahat

Nang dahil sa 'yo. ❞

  

Palabas na kami ng campus dahil tapos na ang klase namin sa buong maghapon. Tahimik lang na naglalakad sa tabi ko si Ramona na parang nag-i-ingat sa sasabihin dahil kung hindi, baka may marinig na naman siyang hindi niya gusto.

Nang tuluyan kaming makalabas ng campus at makarating sa smoking area, tumigil ako sa paglalakad at humarap sa kan'ya. Tumigil din siya sa paglalakad kasabay ng pagyuko.

"Sorry na."

Napakunot-noo ako nang magsalita siya gamit ang mahinang boses.

"Bakit ka nagso-sorry?"

Nag-angat siya ng tingin sa akin. "Baka kasi nagiging FC na ako sa 'yo. Alam ko namang ayaw mo n'on."

Bahagya akong napatango bago sumandal sa dingding at kumuha ng stick ng sigarilyo sa kaha. "Hayaan mo na. 'Wag ka nang mag-sorry. Wala naman akong . . . pakialam."

Isinubo ko ang stick saka ito sinindihan. Ilang sandali pa, nagbuga na ako ng napakaraming usok kasabay ng pagsandal niya sa tabi ko.

"Sorry din kung hindi kita napuntahan kaagad kanina para sa paghahanap ng partner. Ang dami kasing kumakausap sa akin. Pero wala akong ibang balak na kuhanin na partner kung hindi ikaw lang, Caleb."

Lumingon ako sa kan'ya kasabay ng pag-iwas niya ng tingin sa akin.

"T-Totoo yung sinabi ko kanina," dagdag niya.

"Ikaw ang gusto kong makasama sa journey na 'yon. Wala nang iba."

Mabilis akong napaiwas ng tingin matapos maalala ang sinabi niya. Tumikhim ako bago nagsalita.

"Wala nga akong pakialam kahit na sinong kuhanin mong partner. Marami naman tayong kaklase na wala pang partner kanina. Kung p'wede ngang gawin 'yon mag-isa, gagawin ko. Hindi ko kailangan ng partner. Wala akong pakialam."

Hanggang kailan ko ba sasabihin na wala akong pakialam kahit na nakaramdam ako ng takot kanina nang akala ko . . . may nakuha na siyang partner para dito?

"Pero ako may pakialam."

Napalunok ako, nagpapanggap na wala pa rin pakiramdam sa kahit na anong sabihin niya. Humithit ako ng usok mula sa sigarilyo habang nakikinig sa mga sasabihin niya.

"Gusto kitang partner. Gusto kitang . . . kilalanin. Kahit na hanggang sa dulo lang ng sem na 'to. Kasi hindi ko na magagawa 'yon next sem dahil nasa work immersion na tayo."

Bakit ba binibigyan niya ng ultimatum ang mga bagay-bagay? Kapag ba nag-work immersion na kami, doon na lang iikot ang buong buhay namin? Hindi na ba namin p'wedeng gawin itong mga bagay na ginagawa namin ngayon?

"Bakit ako?" tanong ko nang hindi nakatingin sa kan'ya. "Bakit ako nang ako ang gusto mong pinipili sa lahat ng bagay? Una, sa letter na kagaguhan. Pangalawa, kasabay mo sa lunch. Pangatlo . . . dito." Tumingin ako sa kan'ya at nakitang nakayuko siya habang paulit-ulit na isinasandal ang likod sa pader. "Ano bang kailangan mo sa akin?"

Nag-angat siya ng tingin sa akin. Mamula-mula na ang mga mata niya ngayon. "Kasi alam kong . . . kailangan mo rin ako."

Napakunot-noo ako kasabay ng pagkabog ng dibdib ko.

"Pero hindi ako sigurado, H-Hula ko lang naman. Hindi pa naman kita kilala."

Hindi pa rin naman kita kilala, Mona. Pero bakit parang ako . . . kilala mo na?

"Isipin mo na lang na . . . ginagawa ko lahat ng 'to para . . . para makuha ko 'yung letter na hinihingi ko sa 'yo noong simula pa lang. 'Yun na lang. Hindi ko naman alam kung tama akong kailangan mo ako katulad ng kailangan ko yung letter mo. Basta mananatili ako sa 'yo kahit na ilang beses mong sabihing wala kang pakialam."

Sunud-sunod na paglunok ang tanging nagawa ko dahil sa maraming sinabi niya. Hindi ko na rin maibalik ang tingin sa kan'ya dahil pakiramdam ko, guilty ako sa isang kasalanan na hindi ko naman alam kung nagawa ko ba talaga.

"I know that you're the kind of person who cared a lot before. And seeing how you don't care about anything anymore makes me want to . . . to do something for you. Bago pa mahuli ang lahat."

Hindi ko alam kung bakit sinasabi niya lahat ng 'to ngayon sa akin. Parte ba 'to ng Personal Development project? Nabasa na ba niya ang laman ng format? Alam na ba niya 'yung mga tanong na kailangan naming sagutan para sa aming dalawa?

"So, please. Hayaan mo na lang ako. Okay lang kung hindi mo ako ituturing na kaibigan kahit kailan. Just let me stay with you like this . . . and then I'll be okay."

Hindi na ako nakapagsalita pa matapos niyang sabihin 'yon. Nanatili na lang kaming dalawang tahimik habang naninigarilyo ako sa tabi niya. Hanggang sa naubos ko na ang ikalawang stick ko ng sigarilyo, hindi pa rin kami nag-uusap.

Hindi pa rin ako umaalis sa smoking area dahil gusto kong magsindi ulit ng panibagong stick pero hindi ko alam kung anong pumipigil sa akin na gawin 'yon.

Bakit naghe-hesitate ako ngayon? Kailan ko pa pinigilan ang sarili kong manigarilyo? Kailan ko pa nilagyan ng limit ang sarili ko?

Napapailing akong kinuha ang kaha ng sigarilyo sa bulsa ko para kumuha ng stick. Isusubo ko na sana 'yon nang marinig ko ang malalim na buntonghininga niya, dahilan para mapalingon ako sa kan'ya.

Napalunok ako bago magsalita. "Anong nangyayari sa 'yo?"

Nagtataka siyang tumingin sa akin bago iginalaw ang dalawang kamay sa harap ko. "W-Wala! Sorry, sige magyosi ka lang d'yan!"

Napatitig ako sa braso niya nang iniharap niya sa akin kanina ang dalawang kamay niya. Hindi ko alam kung namamalik-mata lang ako . . . pero bakit may gano'n siya?

Kukuhanin ko na sana ang kamay niya para tingnang mabuti ang braso niya nang mabilis at natataranta niyang itinago ang mga 'yon sa likod niya. Tiningnan ko siya nang deretso sa mga mata.

"Mona."

"Oh?" nakaiwas-tingin na sagot niya.

"Ano 'yon?"

Tumingin siya sa akin nang nagtataka. "Alin?"

"Yung nasa braso mo."

Umawang bahagya ang bibig niya na parang napagtanto kung anong sinasabi ko. "May . . . may dust allergy on skin ako. Kaya . . . ayon. K-Kaya lagi rin akong n-naka-long sleeve."

Dust allergy?

Pero bakit . . . bakit nilinis niya ang bahay ko kagabi? Ang tagal nang hindi nalilinisan n'on. Hindi ba umatake yung allergy niya? Bakit ba kasi ginagawa niya 'yon? Hindi ko naman siya inutusang maglinis ng bahay ko!

Tang ina, ano ba kasing pakialam ko? Bakit ba ako nagkakaganito?

Tinapon ko na lang ang walang sindi kong sigarilyo. "Umuwi na nga tayo."

Ngumiti siya bago sumunod sa akin sa paglalakad papunta sa terminal ng jeep. Nang makaupo kami sa loob ng jeep, doon ko lang naalala ang sinabi niya kanina.

"Mona."

Narinig ko ang malalim niyang buntonghininga. "Ramona 'yon sa 'yo, eh," malungkot at mahinang na sabi niya. "Oh?"

Tumingin ako sa kan'ya. Gusto kong tumawa o kahit ngumiti man lang dahil sa tulis ng nguso niya ngayon sa pagsimangot. Tumikhim ako bago sumandal saka nagsalita.

"Wala akong maibibigay na sulat sa 'yo. Una pa lang, sinabi ko na 'yon. 'Wag kang umasa."

Ngumisi siya kasabay ng pag-irap sa akin. "Ano bang paki mo kung gusto kong umasa sa sulat mo? Akala ko ba wala kang pakialam?"

Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa huling naging tanong niya sa akin.

"Sinabi ko naman sa 'yo, it's my choice to have my hopes in getting a letter from you. You're not responsible for my decision and don't pressure yourself about it. Okay?"

Ngumiti siya matapos niyang sabihin 'yon. Tumikhim na lang ako bago ipinikit ang mga mata ko para magkunwaring tulog, kahit na hindi naman talaga ako inaantok.

Ano ba kasing gagawin niya sa letter at bakit gustong-gusto niyang makuha 'yon sa akin?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top