Chapter 09

❝ Gusto kong laging naririnig ang boses mo

'Yon ang tanging laman ng isip ko noon

Hindi ko alam noon kung bakit pa

Pero ngayon naiintindihan ko na . . . ❞


Napatigil ako sa paglalakad at bahagyang nag-angat ng tingin nang marinig ko ang pamilyar na boses na 'yon. Nasa harap ko ngayon si Ramona--nakasuot ng brown na long sleeve at itim na leggings na parang ginaw na ginaw kahit na ang init-init naman.

Nasa harap siya ng bahay ko ngayon habang may hawak na envelop.

"Anong ginagawa mo d'yan?" tanong ko.

Nagkibit-balikat siya. "Nakita kitang umalis kanina at mukhang malayo ang pupuntahan mo kaya ginawa ko na ang assignment natin sa Pre-Calculus. Nagpatulong ako sa pinsan ko sa Manila kaya sure akong tama 'to!"

Bakit . . .

Bakit niya ginagawa 'to?

Bakit ba nangingialam siya?

"Umuwi ka na. Kaya kong gawin 'yan mag-isa."

Lumapit na ako sa gate at in-unlock ang padlock gamit ang susi.

"Ginawa ko 'to para hindi mo na gawin ngayon. Para makatulog ka na. Ito lang ang magagawa ko para sa 'yo bilang . . . birthday gift. Kahit na tapos na ang birthday mo twenty minutes ago, p'wede pa rin naman. Late celebration lang."

Kinagat ko ang ilalim ng labi ko habang hawak ang kandado ng gate matapos marinig ang sinabi ni Ramona. Hindi ko alam kung bakit nagkakaganito ako ngayon.

Gusto kong sumigaw.

Gusto ko siyang sigawan nang sigawan.

Gusto kong umiyak sa harapan niya kasi naalala ko 'yong tinanong niya kanina.

"Malungkot ka rin ba?"

Hindi ko alam ang sagot kasi hindi naman pala ako naging masaya sa buhay simula nang maging mag-isa na lang ako. At ngayon . . . nagbabalik lahat ng sakit.

"Umuwi ka na!" sigaw ko habang nakatalikod sa kan'ya.

Hindi na ako nag-abala pang tingnan ang reaksiyon niya dahil alam kong kapag nakita ko . . . magsisisi lang ako. Tulad noong unang beses na nasigawan ko siya sa harap ng mga kaklase namin.

"Caleb--"

Hindi ko na napigilan pa ang harapin siya saka muling sumigaw.

"Bakit ba ang hilig hilig mong mangialam, Ramona?!"

Namumula ang mga mata niyang nakatitig sa akin habang bahagyang nakaawang ang bibig. Ilang sandali pa, lumunok siya.

"Pero--"

"Ang sabi ko, umalis ka na!"

Yumuko siya at nagbuntonghininga bago nakapikit na naglakad papalapit sa akin . . . saka mabilis na binalot ng mga braso niya ang baywang ko.

Noong mga oras na 'yon, hindi ko alam kung bakit guminhawa ang pakiramdam ko.

Noong mga oras na pikit-mata siyang naglakad papalapit sa akin para yakapin ako, parang tinakasan ako ng sarili kong lakas. Pakiramdam ko, nanlalambot ang mga tuhod ko at si Mona ang tanging suporta para manatili akong nakatayo ngayon.

"Bakit ka umiiyak, Caleb?" malungkot at mahina ang boses na tanong niya.

Doon ko lang napagtanto kung bakit hindi siya mukhang takot sa akin kanina kahit na paulit-ulit ko siyang sinisigawan.

Doon ko lang napagtanto na ang pamumula ng mga mata niya at ang pag-awang ng bibig niya ay senyales ng pag-aalala . . . hindi takot.

Hindi ko na alam kung ano ang itsura ng iba't ibang emosyon. Nakalimutan ko na.

"I'm sorry that you have to cry just twenty minutes after your birthday. You don't deserve that. Tell me, what do you need?"

Naipikit ko ang mga mata ko matapos kong marinig ang huling tanong niya. Hindi naitanong sa akin ng dalawang magulang ko kung anong kailangan ko kasi ang buong akala nila, naibibigay na nila 'yon dahil sa napakalaking financial support na naibibigay nila sa akin.

Bakit kailangan na sa ibang tao ko pa marinig at maramdaman lahat ng kailangan ko?

Nagbuga ako ng buntonghininga bago yumakap kay Ramona saka umiyak nang umiyak sa balikat niya. Paulit-ulit niyang hinagod at tinapik ang likod ko hindi para pakalmahin, kung hindi para iparamdam sa akin na . . . kahit magwala ako, nandito lang siya.

Ito yung yakap na alam kong hindi ako bibitiwan.

Ito yung yakap na ang tagal kong hiniling na maramdaman.

Ito yung yakap na . . . noon ko pa gustong gawin sa mga magulang ko.

Sino ka ba sa tingin mo, Mona? Bakit naibibigay mo sa akin lahat ng mga kailangan ko kahit na hindi ko sabihin? Sino ka ba sa tingin mo para yakapin ako at tapikin ang likod ko?

Sino ka para gawin ang assignment ko dahil lang alam mong malayo ang pinuntahan ko?

Sino ka ba, Mona, para mag-alala sa akin nang ganito?

At sino ba ako para bigyan mo ng ganito kagrabeng atensiyon mo?

"Naiintindihan ko."

Lalo akong naiyak nang maalala ko lahat ng sinabi ko sa kan'ya kanina habang naninigarilyo ako bago kami pumasok sa klase sa hapon.

"Minsan, kailangan lang naman ng tao ng kahit isa lang na makakaintindi sa kan'ya."

Lalo kong hinigpitan ang yakap ko sa kan'ya kasi alam ko sa sarili ko . . . siya 'yung isang tao na kailangan ko ngayon. Yung makikinig, sasamahan at iintinidihin ako sa kabila ng katahimikan ko.

At hindi ko alam kung bakit sa isang taong hindi ko naman talaga kilala ko pa mararamdaman lahat ng nararamdaman ko ngayon.

Nang makalma na ako mula sa biglaan kong pag-iyak, tuluyan ko nang binuksan ang gate saka siya pinapasok.

"Wow, papapasukin mo na ako sa bahay mo! Ibig bang sabihin nito, friends na tayo?" excited na sabi niya.

Napairap ako bago siya pinagbuksan ng pinto. "Hindi."

Tumawa siya nang tumawa bago pumasok sa loob. Binuksan ko ang ilaw sa living room kaya naman kitang-kita kung gaano kakalat ang bahay ngayon at kung gaano siya ka-minimal sa appliances.

Walang masyadong gamit . . . pero sobrang daming kalat.

"Nasaan ang parents mo?" tanong niya bago naupo sa couch. "Maghe-hello ako sa kanila!"

"Wala sila. Ako lang mag-isa," sagot ko bago dumiretso sa kusina.

Binuksan ko ang ref para tingnan kung anong p'wede kong ipakain sa kan'ya. Wala rin akong makitang p'wede dahil puro tubig, alak at kung ano-ano na hindi naman p'wedeng ipakain sa bisita. Kinuha ko ang cellphone sa bulsa ko at nag-order na lang ng pizza at drinks.

Bahala na.

Bumalik na ako sa living room at binuksan ang TV.

"Sana all mag-isa sa bahay!" Tumawa siya bago ibinaba ang envelop sa center table. "Kailan ka pa mag-isa dito?"

Nagbuntonghininga ako. "Wala kang paki."

Tumawa ulit siya nang tumawa na para bang sobrang galing kong komedyante sa paningin niya. Naghanap ako ng palabas sa Netflix at tumigil sa crime documentary na bagong labas.

"Ayaw ko 'yan, akin na nga 'yang remote!" sabi niya bago inagaw sa akin ang remote.

Napailing na lang ako bago humiga sa single couch, nakapatong ang ulo sa kaliwang arm rest habang ang mga binti ko naman ay nakapatong sa kanan nito. Ipinikit ko ang mga mata ko at pinakinggan ang ingay niya.

"Ano ba magandang series ngayon? Wala ba 'yung nakakakilig? Hala, Doctor Stranger! Alam mo ba sobrang ganda nito?! Panoorin mo 'to! After mo panoorin 'yan, papangarapin mo na rin na maging doctor!"

Pinagkrus ko ang mga braso ko at patuloy na pinakinggan ang mga kwento niya tungkol sa KDrama na paulit-ulit daw niyang pinanonood.

"Maganda 'to! Alam mo ba na doctor siya sa North Korea tapos sobrang galing niya?! Mana siya sa papa niya, eh. Tapos yung girlfriend niya rin, magaling na doctor! Ganoon 'yung gusto kong i-specialize! Kasi naima-manipulate niya yung consciousness ng taong naka-coma! Sana lahat ganoon kagaling! Tumakas sila sa North Korea tapos ayun! Nakarating sila ng South Korea kaso nahuli 'yung girlfriend niya!"

Unti-unti nang humihina sa pandinig ko ang boses niya at pakiramdam ko, kung mananatili akong nakapikit sa ganitong posisyon, makakatulugan ko siya.

"Maganda rin 'yung Doctor Romantic! Huy, panoorin mo, ah?!"

Gusto kong imulat ang mga mata ko kasi gusto ko pang marinig ang boses niya. Ayaw ko ng ganitong pakiramdam na parang humihina ang boses niya. Gusto kong sabihin sa kan'ya na lakasan niya pa ang boses niya kasi gusto kong makinig.

Gustong-gusto kitang marinig . . .

Pero hindi ko magawa. Parang pagod na pagod ang katawan ko sa ginawa kong pagbyahe ng halos walong oras na wala naman akong napala.

Parang pagod na pagod din ang mga mata ko sa ginawa kong pag-iyak kanina.

Tang ina . . . bakit ba ako umiyak? Putang ina naman.

Hindi ko na napansin. Tuluyan na ngang nawala sa pandinig ko ang boses ni Ramona. Tanging katahimikan na lang ang nanaig . . . hanggang sa wala akong kalaban-laban . . . tuluyan na nga akong nahulog sa mundo ng panaginip.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top