Chapter 08

❝ Hindi ko lubos maisip kung bakit

Palagi kang nand'yan sa tuwing kailangan kong mapag-isa

Dahil ba alam mong kailangan kita

O dahil alam mong kailangan natin ang isa't isa? ❞


Mabagal akong naglakad pauwi mula sa harap ng village kung saan nakatira si Ramona. Paulit-ulit sa pandinig ko kung paano niya ako binati ngayon . . .

Bakit niya inaalala ang mga bagay na kahit ako . . . hindi ko naman pinagtutuunan ng pansin?

Nawawalan na ba ako ng sense sa date at time kaya nawala sa loob kong birthday ko ngayon . . . o nawalan na lang talaga ako ng pakialam, pati sa sarili ko?

Nang makauwi ako, dumiretso ako sa k'warto at ibinagsak ang katawan sa kama matapos kong maibalibag ang bag sa gilid. Ipinikit ko ang mga mata at inisip kung kumusta na ba si Mama ngayon.

Naaalala niya kaya na birthday ko?

Si Papa . . . alam kaya niya?

Bumangon ako at nagpalit ng damit, saka lumabas ng village dala ang wallet at cellphone ko na hindi ko rin naman gaanong nagagamit. Sumakay ako ng bus at nagpahatid sa kung saan nakatira si Mama.

Nang makalipas ang apat na oras na byahe, nakarating na ako sa harap ng bahay ni Mama. Sa sobrang laking bahay kung saan kasama na niya ang bago niyang pamilya. Hindi ko alam kung bakit hinahayaan na lang ako ng guard ng village na maglabas-pasok dito.

Siguro dahil alam niyang . . . madalas, "wala" naman ang ipinunta ko dito.

Madilim na at hindi ko alam kung makakauwi pa ba ako sa bahay kung sakali pero ayaw kong matapos ang araw na 'to nang hindi ko man lang nakikita ang kahit na isa lang sa mga magulang ko.

Kahit ikaw lang . . . Mama.

Paulit-ulit kong pinindot ang doorbell ng napakalaking bahay sa harap ko. Ilang minuto lang akong naghintay, binuksan ng katulong ang gate.

Alam ko na ang sasabihin niya.

"Wala ho si Ma'am, eh. Umalis po."

Sabi ko na . . .

Bahagya akong yumuko, kasabay ng pagngiti, saka ibinalik ang tingin sa kan'ya. "Ahh . . . gano'n po ba? Mga anong oras po siya babalik? Okay lang naman po sa aking maghintay kahit dito lang."

Lumunok ang katulong at ilang ulit na nag-iwas ng tingin sa akin, hindi makasagot.

"Uhm . . . h-hindi ko rin alam, Sir. Wala kasing ibinilin."

Ilang sandali pa, dumating ang isang napakakintab na sasakyan saka huminto sa harap ng bahay na 'to. Lumabas ang isang babae na sa tingin ko, siyam o sampong taong gulang na. Nakaisip ako ng paraan dahil do'n.

"Hi, Manang!" pagbati ng bata sa katulong.

Ngumiti ang katulong sa kan'ya. Tumikhim ako bago nagsalita nang medyo malakas.

"Pakisabi na lang ho kay Ma'am Cristina pagkauwi niya na dumaan ho ako, ha? Saka pakisabi po na July 28 po ang date ngayon. 'Yun lang po, salamat po."

Marahan akong naglakad paalis do'n at pinakinggan ang boses ng batang bumaba ng sasakyan kanina.

"Pero nandito naman si Mama, hindi naman siya sumama sa amin ni Daddy, ah? Hi, Mama! May naghahanap sa 'yo kanina!"

Sampong taon . . .

Sampong taon na.

Sampong taon na kayong masaya sa mga buhay niyo.

Mas matagal pa ang isinaya niyo sa iba kaysa sa pananatili niyo sa akin.

Tuluyan na akong lumabas ng village at hindi na lumingon pa sa mansyon na 'yon.

Sampong taon na akong nagpapabalik-balik dito na parang tanga. Palagi na lang walang naaabutan sa tuwing sinusubukan kong pumunta.

Gusto lang naman kitang makita, Mama. 'Yun lang naman ang gusto ko.

Sumakay ako ng bus at kinuha ang cellphone sa bulsa ko. Gusto kong tawagan si Papa kahit na alam kong mahal ang load dahil wala naman siya sa Pilipinas. Pero . . . paano kung hindi rin niya sagutin? Paano kung . . . ayaw niyang makausap ako?

Paano kung nakalimutan niya?

Nagbuga ako ng buntonghininga at kinalimutan ang lahat ng nasa isip. Walang mangyayari kung wala akong gagawin. Kung ayaw din ni Papa na makausap ako, o kung busy siya sa trabaho, hayaan ko na lang. At least . . . sinubukan ko.

Nang mahanap ko na ang number ni Papa, ida-dial ko na sana nang maka-receive ako ng text mula sa number ni Mama.

Mama:

Nag-deposit ako ng 50 thousand sa account mo. Spend it in any way you want and message me if it's not enough. Happy birthday, son!

Sunud-sunod na paglunok ang tanging nagawa ko habang mahigpit ang hawak sa cellphone na galing din sa kan'ya.

Pera ba?

Pera ba ang sagot sa lahat?

Bakit sa tuwing pinupuntahan kita . . . lagi mo itong ginagawa?

Ang gusto ko lang naman, makita kita. Hindi ko kailangan ng pera kasi marami na ako niyan at galing din ang lahat ng 'yon sa inyo ni Papa.

Ang gusto ko . . . makita kita ngayon, kasi birthday ko. Mas madali ba ang bigyan ako ng sangkatutak na pera na hindi ko naman kailangan, kaysa ang lumabas ng mansyon mo at harapin ako?

Hindi naman ako galit sa 'yo.

Gusto ko lang naman na makita ka. Ilang taon na, Mama.

Nagbuga ako ng malalim na buntonghininga nang maramdaman ko ang pag-init ng sulok ng mga mata ko. Itinuloy ko na lang ang pag-dial sa number ni Papa. Ilang sandali pa, sinagot niya 'yon.

"Hello, son! Do you need anything? I'm on my way to my breakfast meeting."

I checked the time. 9 PM na pala. Ibig sabihin, 9 AM ngayon sa Canada.

"Uhm . . ."

Kung umaga na doon . . . ibig sabihin, birthday ko na rin doon. Hindi ba niya naalala?

"Uhh . . . wala naman po."

Bahagyang tumawa si Papa. "Tell me if you need anything. I'll give it to you. Sa ngayon, I think I need to end the call because I'm currently driving. Is that okay?"

Nagbuga ako ng buntonghininga bago nagsalita. "Pa . . . what's the day today?"

Narinig ko siyang gumalaw o may ginawa na kung ano bago nagsalita. "Ohh! It's the 28th of July! I'm sorry, son. Happy birthday! What do you want? Tell me and I'll give it to you."

Napalunok ako bago sumagot. "Gusto ko kayong makita ni Mama."

Natahimik siya nang dahil doon. Ilang segundo pa ang nagdaan bago siya magsalita ulit. "You can always go to her. I can't go to you right away. Alam mong nasa Canada ako."

"Alam ko."

He sighed. "I must assume that you understand, son?"

"Naiintindihan ko," mabilis na sagot ko.

Bahagya siyang tumawa. "Good. I'll send money to your account. Buy all the things that you want and tell me if you want something else, okay? I need to end the call. Happy birthday, son!"

Katulad ng kanina, sunud-sunod na paglunok lang ang nagawa ko matapos mamatay ng tawag namin ni Papa. At tulad kanina, wala akong ibang naramdaman kung hindi ang sakit at pangungulila sa kanilang dalawa.

Ipinikit ko ang mga mata ko at isinandal ang ulo sa bintana, naghihintay na makauwi na sa bahay ko.

Mabilis ang naging byahe dahil madaling-araw na kaya naman 12:15 AM lang, nakarating na ako sa harap ng village namin. Mabagal ang paglalakad ko dahil paulit-ulit kong inaalala ang text ni Mama sa akin at ang naging pag-uusap namin ni Papa.

Wala na talagang pakialam sa akin ang mga magulang ko. Hindi ko alam kung bakit pinagpipilitan ko pa ang sarili ko sa mga taong wala na ngang pakialam sa akin.

Bakit ba pinagpipilitan ko ang sarili ko sa mundong isinusuka na nga ako?

Pero anong nagawa kong mali para maging ganito ang buhay ko? Pinarurusahan ba ako?

"Caleb!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top