Chapter 06

❝ Hindi ko maintindihan kung ano yung katotohanan

Na gusto mong mabasa sa sulat na sinasabi mo.

Gusto mo ba ng katotohanan na ikaw ay masasaktan

O ng katotohanan tungkol sa 'yo

Na noon ko pa nararamdaman? ❞


Isang linggo matapos akong lapitan ni Ramona, hindi na siya natigil pa sa pagsasalita tuwing kasama ako. Hindi na siya nawawalan ng kwento at hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit . . . bakit hinahayaan ko siya at nakikinig ako.

"Alam mo ba, ayaw ko naman talagang mag-STEM. Kaso, gusto ko kasing maging doctor. HUMSS ang pinapakuha sa akin kaso sabi ko, hindi na lang ako mag-aaral kung 'yun ang kukuhanin ko," mahabang kwento niya habang kumakain kami sa karinderya na kinainan namin noon.

Pinanood ko siyang sarap na sarap sa ulam niyang kare-kare. Kapag pinanonood ko siyang ganito, parang nabubusog na rin ako, eh. Para bang ang tagal-tagal ng hinintay niya para magawa 'to.

Bakit ba kasi pinipilit siya ng mga magulang niya na 'wag kainin ang ayaw nila?

"Tapos, alam mo ba kung bakit gusto nila akong mag-HUMSS?"

Sumubo ako ng pagkain para ipakita sana sa kan'ya na wala akong pakialam. Hindi ko na nga siya tinitingnan pero kahihintay ko sa susunod niyang sasabihin, napapatingin ako sa kan'ya. Nakita ko siyang ngumiti nang bahagya nang makitang tumitingin-tingin ako sa kan'ya.

"Hindi mo ba itatanong kung bakit?" tanong niya.

Umiling ako. "Wala naman akong paki."

Bahagya siyang tumawa. "Okay, then. Hindi ko na lang sasabihin."

Napatingin ulit ako sa kan'ya nang dahil do'n. Itinuloy na lang niya ang pagsubo ng pagkain na nasa plato niya na parang ligayang-ligaya. Hindi ko alam kung bakit ang saya-saya nitong babaeng 'to.

Ano bang dapat ikasaya? Hindi ko maintindihan.

"Treat mo naman ako. Ikaw na magbayad nitong kinain ko, ah? Ngayon lang! Next time, ako naman mag-treat sa 'yo."

Napapailing na lang ako bago tinapos ang pagkain ko.

Matapos naming kumain at magbayad ng lahat ng kinain, tahimik na kaming naglakad pabalik ng campus. Katulad ng araw-araw kong ginagawa, humihinto ako sa smoking area para humithit ng dalawa o tatlong sigarilyo bago pumasok sa unang klase para sa hapon.

Habang sinisindihan ko ang unang sigarilyo ko para sa tanghali, pinanood ko si Ramona na tahimik na nakatayo sa gilid ko habang magkahawak ang dalawang kamay sa likod niya. Para siyang bata na naghihintay sa akin . . . parang bata na sobrang haba ng pasensiya.

Parang bata . . . pero hindi na bata.

"Anong . . ."

Napaiwas ako ng tingin nang magsimula ulit siyang magsalita makalipas ang ilang minutong katahimikan mula kanina. Sa unang hithit ko ng sigarilyo, ramdam na ramdam ko kung paano ako maginhawaan.

This effect is something I could never understand before. Mabuti na lang talaga, sinubukan ko.

"Ano?" tanong ko.

Ngumiti siya. "Anong feeling ng naninigarilyo?" tanong niya.

Napalunok ako at napatingin sa sigarilyong hawak ko. Ibinalik ko ang tingin kay Ramona at nakitang nakatingin siya ro'n.

Bakit pakiramdam ko . . . gusto niyang i-try?

At bakit parang . . . parang ayaw ko?

Parang noon lang, sabi ko pa sa sarili ko, kung gusto niyang subukan, bibigyan ko naman siya. Hindi naman ako madamot.

"Wala."

Kunot-noo siyang tumingin sa akin. "Anong wala???"

Nagkibit-balikat ako bago humithit ng sigarilyo. Mabilis kong nalasahan ang nicotine mula sa filter nito.

"Wala nga."

"Eh, bakit naaadik ka na d'yan?"

Ako? Naaadik sa sigarilyo?

"Hindi ako naaadik sa sigarilyo," matigas na sabi ko.

Bahagya siyang ngumiti. "Hindi mo nga kayang pumasok sa umaga nang hindi naninigarilyo. Hindi mo rin kaya nang hindi naninigarilyo pagkatapos kumain. Tapos bago umuwi, naninigarilyo ka rin. Sigurado na habang nasa bahay ka, naninigarilyo ka rin. Hindi ba't parang 'yung mga klase lang ang pumipigil sa 'yo para manigarilyo?"

Napaiwas ako ng tingin.

Gusto kong sabihin na tama siya. Yung mga klase at ang mismong eskwelahan lang ang pumipigil sa aking manigarilyo. Sa lahat ng oras, bago at pagkatapos kumain ng hapunan, habang tumatae, habang naglalaro o nagbabasa ng kung anu-ano, habang naglalakad, naninigarilyo ako.

Adik?

"Hindi ako adik sa sigarilyo. May dahilan ako."

Sumulyap ako sa kan'ya. Ngumuso siya nang bahagya bago nagkibit-balikat--nananatiling magkahawak ang dalawa niyang kamay sa likuran.

"Try ko nga?"

Napakunot-noo ako bago lumingon sa kan'ya. "Bakit?"

"Gusto ko kasing malaman ano epekto for you. Baka maka-relate ako. I want to understand you, eh."

Napairap ako bago humithit sa sigarilyong ngayon ay kalahati na. "Hindi p'wede sa 'yo 'to."

Bahagya siyang tumawa. "Parang wala namang pinagkaiba kung manigarilyo ako ngayon o hindi, kasi nalalanghap ko naman yung mga usok na ibinubuga mo. Kaya pa-try! Isa lang. Promise!"

Tumingin ako nang masama sa kan'ya, dahilan para mawala ang ngiti at umawang ang bibig niya.

"Kahit kailan, hindi kita pinilit na maghintay o sumunod-sunod sa akin sa tuwing nagyoyosi ako kaya 'wag na 'wag mong sinusumbat sa akin 'yan, Mona. Desisyon mo gawin lahat ng ginagawa mo. 'Wag mong isisi sa ibang tao lahat ng resulta kung ikaw mismo ang gumagawa niyan sa sarili mo."

Malakas kong hinithit ang sigarilyo at nagbuga ng pagkarami-raming usok mula sa bibig ko. Nakaramdam ako ng hilo dahil sa ginawa kong 'yon pero hindi ko kasi maintindihan kung bakit sasabihin pa ni Ramona 'yon.

Sinabihan ko ba siyang hintayin ako?

Sinabihan ko ba siyang langhapin niya lahat ng usok na ibinubuga ko?

"Kung gusto mong sirain ang buhay mo, 'wag mo akong idamay. Mas'yado nang sira 'yung sa akin para dagdagan ko pa ng dahilan para sirain ulit."

Hinithit ko ang natitira sa silgarilyo bago tinapon at tinapakan para patayin ang sindi. Pagkatapos n'on, kumuha ako ng panibagong stick mula sa kaha at sinindihang muli. Hindi na nagsalita pa si Ramona matapos kong sabihin 'yon . . . dahilan para lihim akong tumingin sa kan'ya.

Nakangiti siya . . .

Nakangiti si Ramona . . .

Bakit ka nakangiti? Hindi ba dapat magalit ka kasi pinagalitan kita?

"Caleb . . ."

Tuluyan na akong lumingon sa kan'ya matapos niyang tawagin ang pangalan ko.

"Bakit?"

Ngumiti siya ulit bago tumingin deretso sa mga mata ko.

"Kailangan ko pa rin yung letter. Ikaw lang talaga ang kaisa-isang taong gusto kong hingian n'on."

Napalunok ako at hindi makahanap ng tamang salita na babanggitin sa kan'ya.

Gusto ko siyang irapan at pagtawanan dahil wala akong balak gumawa ng sulat para lang sa kan'ya. Kung may sasabihin man ako, bakit kailangan ko pang idaan sa sulat?

Hindi ako gano'n ka-corny na tao para gumawa n'on.

"Naniniwala ako sa 'yo."

Napakunot-noo ako lalo sa sinabi niya.

Ano? Anong naniniwala? Saan?!

Bakit?!

Bakit ka maniniwala sa akin?!

Sino ka para bigyan ako ng gan'yang responsibilidad?!

Sinong nagsabi sa 'yo na dapat kang maniwala sa akin?! Walang mangyayari sa mga pinaniniwalaan mo, Ramona Castillo!

Ngumisi ako bago humithit sa sigarilyo. "Mona, wala kang aasahan sa akin." Bahagya akong tumawa. "Ano bang gusto mong mabasa sa sulat? Sasabihin ko na lang sa 'yo. 'Wag ka nang umasa na isusulat ko 'yon dahil sinasabi ko naman lahat ng dapat na sabihin."

Ngumuso siya bago tumingin sa sapatos. "Yung katotohanan mula sa 'yo."

Napakunot-noo ako nang dahil do'n. "Katotohanan?"

"Katotohanan tungkol sa akin." Tumingin siya sa akin at ngumiti nang maliit. "At katotohanan tungkol sa buhay."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top