Chapter 04

❝ Ang gago ko sa pagsigaw sa 'yo

Dahil lang ayaw kong sagutin ang tanong mo

Pero mas gago ako—

Nang binitiwan ko ang sigarilyong hawak ko

Magawa ko lang ang hiling mo. ❞


Putang ina, nakalimutan kong mag-yosi!

Gusto kong lumabas ulit ng campus para mag-yosi kahit na isang stick lang. Hindi ako sanay nang hindi nagyoyosi pagkatapos mabusog kaya iba tuloy ang pakiramdam ko ngayong nasa loob na ako ng classroom at hindi pala ako nakapagyosi!

Tang ina, bakit ba nakalimutan ko? Hindi tuloy ako mapakali!

Tiningnan ko ang oras sa suot kong relo. May fifteen minutes pa naman bago magsimula ang klase. Magmamadali na lang ako.

Tumayo ako at kinuha ang bag pero pagkarating ko sa pintuan, humarang sa akin si Ramona. Mukhang galing sa labas.

Naiinis akong nag-iwas ng tingin. "Tabi."

"Saan ka pupunta? Magsisimula na ang klase."

"Tabi sabi," nagpapasensiya na sabi ko.

"Saan ka nga pupunta?" mahinahong tanong niya.

Nagbuga ako ng buntonghininga. "Bakit ba ang kulit mo?! Sinabi nang umalis ka d'yan, dadaan ako!"

Kitang-kita ko ang gulat sa mukha niya dahil sa biglaang pagsigaw ko. Nakaawang ang bibig niya at kita ang pamumula ng mga mata niya na kanina, hindi naman. Tumingin siya sa mga taong nasa paligid namin. Doon ko lang napagtanto na marami pala ang nakakita ng kung anong ginawa ko. Lumunok siya nang sunod-sunod bago tumango at tahimik na nagbigay ng daan sa akin.

Sa maikling segundo, nagdalawang-isip ako kung lalabas pa ba ako o mananatiling nakatayo sa kinatatayuan ko ngayon. Gusto kong mag-sorry sa naging asal ko sa kan'ya pero ano bang nababago ng sorry?

At anong pakialam ko?

Tuluyan na lang akong lumabas ng classroom at hindi na pinansin pa ang bulungan ng mga kaklase namin. Pababa na ako ng hagdan nang marinig ko ang boses niya.

"Caleb!"

Huminto ako sa paglalakad pero hindi ako lumingon sa kan'ya. Rinig at kita sa gilid ng mga mata ko ang pagtakbo niya papunta sa akin. Huminto siya sa tabi ko bago kinuha ang kamay ko at may inilagay na kung ano doon.

"I-Ibibigay ko lang sana 'to kanina, kaya tinatanong ko kung saan ka pupunta. Alam kong may nakalimutan kang gawin kanina pero naisip ko na baka pwedeng maging alternative 'yan habang hindi pa nag-uuwian."

Hindi ako makapagsalita habang nakikinig sa paliwanag niya. Nang binitiwan niya ang kamay ko, pakiramdam ko, naiwan 'yung pakiramdam ng palad niya sa balat ko . . . at hindi ko maintindihan kung bakit pinakaba ako ng mababaw na dahilan na 'yon.

"At . . . sorry sa pangungulit. Bilisan mo lang sana sa labas para . . . para hindi ka ma-late. S-Sige, babalik na ako."

Matapos niyang sabihin 'yon, marahan siyang naglakad pabalik ng classroom, iniiwan akong mag-isa at hindi makapagsalita. Tiningnan ko ang kamay kong hinawakan niya kanina. Nakita ko ro'n ang Doublemint Gum na inilagay niya.

Alternative . . .

Napalunok ako bago 'yon ibinulsa, saka marahang naglakad pababa ng hagdan.

Halos pitong minuto kong tinahak ang daan mula sa building ng Senior High hanggang sa gate kahit na hindi naman gano'n kalayo. Sobrang bagal ng paglalakad ko dahil sa pag-alala ng ginawa ko kanina kay Ramona.

Kung sinagot ko lang siguro ang tanong niya, hindi ko na sana kailangang sumigaw pa.

Nang makarating ako sa smoking area sa labas ng campus, tamad kong kinuha ang pack ng sigarilyo at lighter sa bag ko. Nang makakuha ng isang stick, ibinalik ko na sa bag ang pakete bago sinindihan ang sigarilyong nasa pagitan ng bibig ko.

Siguradong late na ako sa first subject ngayong hapon kung itutuloy-tuloy ko yung kabagalan ng kilos ko ngayon.

Pero anong pakialam ko?

Nakaramdam ako ng kaginhawaan nang maramdaman ang epekto ng sigarilyo matapos kong hithitin 'yon. Parang hinagod ng kung ano ang lalamunan ko na nagpakalma sa akin matapos kong mag-isip nang mahabang minuto.

"Bilisan mo lang sana sa labas para . . . para hindi ka ma-late . . ."

Tang ina . . . ano bang nangyayari sa akin?

Tatlong minuto bago magsimula ang klase, tinapon ko na ang natitirang kalahati ng sigarilyo, saka tumakbo pabalik sa loob ng campus. Nagmamadali kong tinahak ang daan mula sa gate pabalik sa building ng Senior High, hinihiling na sana, umabot pa ako.

Teka . . . ano bang pakialam ko kung ma-late ako? Hindi ba mas okay nga 'yon kasi magkakaroon ng dahilan yung mga magulang ko para pagalitan ako?

Para maramdaman kong may magulang pa ako?

Isang minuto bago mag-ala una, nakarating ako sa pintuan ng classroom namin nang hinihingal. Huminto ako ro'n at humingal nang humingal habang hinahanap ng mga mata ko si Ramona. Halos lahat ng kaklase ko, nakatingin sa akin, nagtataka at nanghuhusga dahil sa ginawa ko kanina.

Pero wala akong pakialam.

Nang makita ko na sa bandang kaliwa si Ramona, nakahinga ako nang maluwag dahil bahagya siyang nakangiti sa akin. Tumango ako bago umayos ng tayo saka naglakad papunta sa upuan ko. Kasabay nito ang pagpasok ng professor para sa unang klase sa hapon at ang pag-ring ng alarm sa buong campus.

"Amoy sigarilyo ampota," natatawang sabi ng katabi kong si Mark.

Hindi ko na siya pinansin pa. Kumuha ako ng Doublemint Gum sa bulsa ko at nginuya-nguya 'yon habang nagro-roll call sa klase ang prof namin.

"Penge," bulong ni Mark.

"Bili ka."

"Damot."

"Castillo, Ramona!"

"Present po!"

Lumingon ako sa kung nasaan siya. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, pakiramdam ko, lumingon din siya sa akin dahil lang sa maliit na paggalaw ng ulo niya. Inisip ko na lang na ngumiti ulit siya sa akin kahit na hindi ko naman nakita.

"Eusebio, Caleb!" pagtawag sa pangalan ko makalipas ang ilang segundo.

Nagtaas lang ako ng kamay bilang pagkumpirma ng attendance ko.

"Isa lang kasi!"

Hindi ko na pinansin pa si Mark. Isinubsob ko na lang ulit ang mukha ko at ipinikit ang mga mata para matulog habang nginunguya ang Doublemint Gum na bigay sa akin ni Ramona.

Tatlong oras at kalahati matapos magsimula ang klase para sa hapon, narinig ko na ulit ang pinakahihintay kong dalawang salita mula sa professor.

"Class, dismiss!"

Masayang nagtayuan ang mga kaklase ko kasabay ng ingay ng mga upuan nila. Hinintay kong maubos ang mga nagkakagulo sa pintuan bago ako tumayo, bitbit ang bag ko. Bago makarating sa pintuan, isinukbit ko na ang isang strap ng backpack ko.

Nang makalabas, nakita ko si Ramona na nakatayo, mukhang may hinihintay. Hindi naman siya nakatingin sa akin. Gusto ko sana siyang lapitan at magpaliwanag tungkol sa nagawa ko kanina, pero . . . paano ko gagawin 'yon?

Gusto kong mag-sorry pero paano?

At bakit ako magso-sorry? Kailan pa ako nagkaroon ng pakialam sa magiging tingin sa akin ng ibang tao? Kung para sa kan'ya gago ako, eh 'di gago na kung gago.

Iniwas ko na ang tingin ko sa kan'ya at nagsimula nang maglakad paalis sa lugar na 'yon.

Habang naglalakad pababa sa hagdan ng building, rinig ko ang marahan ngunit nagmamadaling mga hakbang sa likod ko. Gusto kong lumingon para kumpirmahin kung si Ramona nga ba 'yon o baka kung sino lang. Pero hindi ko alam kung bakit ang lakas ng kutob kong siya nga 'yon.

Nang tuluyan nang makalabas ng building, binagalan ko na ang paglalakad ko at pinakiramdaman kung nagbago ba ang pacing ng bawat hakbang niya. Kapag naging kalmado at hindi na nagmamadali, sigurado na akong siya 'yon.

At hindi nga ako nagkamali.

Binagalan ko pa ang lakad ko hanggang sa maging komportable na siya sa paglalakad, ilang hakbang ang layo mula sa akin. Hindi ko alam kung bakit ginagawa ko 'to . . . pero gusto kong maramdaman niya na hindi niya kailangang magmadali.

Hindi mo kailangang magmadali . . .

Nang makalabas ng campus, dumiretso ulit ako sa smoking area. Kinuha ko ang sigarilyo at lighter mula sa bag ko, kasabay ng pagdaan ni Ramona sa harap ko. Napalunok ako habang sinusundan siya ng mga mata ko. Ang katawan ko'y parang naglaro ng stop dance dahil biglang hindi ako makakilos ngayong nandito na siya.

Huminto siya sa tabi ko. Naglagay siya ng distansya sa pagitan naming dalawa at tahimik lang siyang sumandal do'n habang nakatingin sa mga estudyanteng nagdaraan sa harap namin, pati ang mga sasakyan.

Tuluyan ko nang isinukbit ang bag ko bago sinindihan ang stick na nasa bibig ko. Nang hithitin ko 'yon, binigyan na naman ako nito ng pakiramdam na gustong-gusto ko. Para akong nalalasing sa usok sa maikling segundo. Humahagod sa lalamunan ko ang bawat paghithit ko ng usok mula dito.

Kailan ko ba sinubukan 'to? At kailan ako naging dependent dito na hindi ko na kayang tigilan ngayon?

Nakailang stick pa ako ng sigarilyo bago ko napagdesisyong umuwi na. Lumingon ako kay Ramona na hanggang ngayon, tahimik pa rin sa tabi ko. Nasa malayo pa rin ang tingin niya at hindi sa akin.

Tumikhim ako, dahilan para mapalingon siya sa akin. Hindi na ako nagsalita pa. Tumango na lang ako sa gawi kung saan ang sakayan namin pauwi bago nagsimulang maglakad paalis do'n. Tahimik lang din siyang sumunod sa akin hanggang sa naghihintay na kami ng jeep namin.

Nang dumating ang jeep na sasakyan namin, kaunti lang ang sumakay dahil kaunti na lang kaming naiwan dito kaya naman naupuan ko ang paboritong pwesto ko sa dulo. Tumabi niya sa akin at nanatiling tahimik.

Hindi ko alam kung bakit sobrang komportable para sa akin ng katahimikan na namamagitan sa amin ngayon dahil lang sa ngiti na ibinigay niya sa akin nang bumalik ako sa classroom.

Ano bang nangyayari sa akin?

Mga ilang beses ko pa bang tatanungin ang sarili ko bago ko makuha ang sagot dito?

Sa kabuuan ng byahe naming magkasama, walang salita ang lumabas sa amin kung hindi ang salitang, "bayad po."

Hanggang sa nakababa na kami sa huling babaan, hanggang sa magkasabay na kaming naglalakad papunta sa mga bahay naming dalawa. Hindi na katulad ng kanina na nasa likod ko siya. Ngayon, magkasabay na kaming naglalakad habang may distansya sa pagitan naming dalawa.

Nang makarating kami sa harap ng village nila, pareho kaming huminto sa paglalakad.

"Uhm . . ." Lumingon ako sa kan'ya. Nakaiwas pa rin ang tingin niya. "B-Buti hindi ka na-late kanina."

Napayuko ako dahil sa biglaang kaba na naramdaman. "Muntik na."

Bahagya siyang tumawa. "Uhh . . . mauna na ako?" tanong niya.

Tumingin ako sa kan'ya at tumango. "Sige."

Ngumiti siya, katulad ng mga ngiting palagi niyang ibinibigay sa akin bago kumaway. "Ingat, Caleb! See you tomorrow!"

Tumango ako sa kan'ya at pinanood siyang maglakad palayo sa akin--papasok sa village nila.

Nang tuluyan na siyang nakalayo, nagsimula na akong maglakad pauwi sa bahay, kasabay ng pagbuntonghininga at pagngiti.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top