Chapter 03
❝ Kung may bagay na hindi ko pagsisisihan
'Yun ay no'ng sinabi ko sa 'yo na maikli lang ang buhay.
Pero ang mga salitang 'yon pala
Ay sa maling oras ko pala naibigay. ❞
Tang ina, bakit may pagkindat? Pota, anong gagawin ko ro'n?!
Ilang oras na ang lumipas simula nang ginawa niya 'yon pero paulit-ulit ko pa ring naaalala kung paano niya ginawa 'yon dahil lang pinakopya ko siya ng assignment sa Calculus.
Kung gano'n naman pala ang kapalit ng pagpapakopya ng assignment sa Calculus, eh 'di . . .
Napakamot ako nang matindi sa ulo ko bago isinubsob ang mukha sa table habang nagpapaliwanag ang professor namin para sa unang subject namin na English.
Tang ina, Caleb! Ano bang iniisip mo?!
Nang tumunog ang alarm sa eskwelahan tatlong minuto bago mag-alas dose, nagmamadali ang mga kaklase kong magligpit ng gamit habang binabanggit ng prof ang mga dapat tandaan bago tuluyang lumabas ng classroom. Ang alarm talaga ang hudyat na tapos ang klase sa umaga at simula na ng lunchbreak.
Naaalala ko talaga sa mga kaklase ko yung aso sa theory ni Pavlov sa Classical Conditioning. Mga nagmamadaling magligpit kapag naririnig ang bell, eh.
"Okay, you may all go now," huling sabi ni prof bago tuluyan nang nag-unahan sa paglabas ang mga kaklase ko habang nag-iingay.
Napapailing na lang ako bago kinuha ang bag at nagsimula nang lumabas ng classroom kasama ang kaunting kaklase na natira sa loob. Habang naglalakad papunta sa pintuan, nag-iisip na ako ng lugar kung saan kakain para makapag-yosi pagkatapos. Ayaw na ayaw kong kumain sa cafeteria dahil sa dami at ingay ng mga tao kaya madalas, lumalabas pa ako.
Oras na humakbang ako palabas ng pintuan, narinig ko na naman ang matinis na boses ng babaeng makulit na 'to.
"Caleb!"
Lumingon ako sa kan'ya nang hindi binabago ang kawalan ko ng ekspresiyon. Malawak ang ngiti niya habang nakatingin sa akin ang makinang niyang mga mata.
Napalunok ako nang maalala ko na naman yung ginawa niya kanina.
"Oh, bakit?" tanong ko.
Hanggang kailan ba ako kukulitin nito?
"Sabay na tayo kumain! Wala akong kasabay kumain sa cafeteria palagi, eh."
Umirap ako. "Ayaw ko."
Nagsimula na akong maglakad palayo sa kan'ya pero rinig ko pa rin ang mga hakbang niyang nagmamadali para mahabol ako.
"Sige na! Ikaw lang ang friend ko dito!"
Tumingin ako sa kan'ya nang hindi makapaniwala. "Hindi tayo magkaibigan."
Bahagyang umawang ang bibig niya bago sumagot habang sumusunod pa rin sa akin. "Pero pinakopya mo na ako sa Basic Calculus, tapos sabay pa tayong umuwi kahapon tsaka pumasok kanina! Friends na tayo, Caleb!"
Napapailing na lang ako. Ano siya, paladesisyon? Ayaw ko ng kaibigan.
"Hindi."
"Basta sasabay ako sa 'yong kumain!"
Matapos niyang sabihin 'yon, nanahimik na siyang naglalakad kasabay ko habang nakabulsa ang dalawang kamay sa suot niyang jacket.
Wala na kami sa loob ng classroom. Ang init-init na, pero hindi pa rin siya naghuhubad ng jacket. Ano bang trip nito?
Lakad lang ako nang lakad habang siya, tahimik lang na sunod nang sunod, hanggang sa makarating kami malapit sa gate.
"Uhh, Caleb, doon yata yung daan sa cafeteria. Ano sa tingin mo?" sabi niya habang hinihila ang dulo ng sleeve ng uniform ko.
Gusto kong tumawa dahil para siyang bata sa part na 'yon pero pinigilan ko na lang at hindi na siya pinansin pa. Nagtuloy-tuloy lang ako hanggang sa makalabas na kami ng gate.
"Uy, bakit tayo lalabas?"
Lumingon ako sa kan'ya kasabay ng paghinto sa paglalakad. Base sa itsura niya ngayon, mukhang takot na takot siya.
Tinaasan ko siya ng kaliwang kilay. "Bakit kasi sunod ka nang sunod? Ayaw kong kumain sa cafeteria. Kung gusto mo, bumalik ka at doon kumain. Sumabay ka sa mga kaklase natin. 'Wag kang sumunod sa akin kung ayaw mo."
Lumunok siya nang sunod-sunod bago sumagot. "S-Sasama ako sa 'yo."
Nagbuga ako ng malalim na buntonghininga bago nagsimula na ulit maglakad. Limang minutong lakad lang naman ang layo ng isa sa mga kinakainan ko. Bahala na siya sa buhay niya kung mapapagod siya. 'Wag siyang magrereklamo dahil hindi ko naman siya pinilit sumama sa akin. Tss.
Nang makarating sa isang malaking karinderya, binati kaagad ako ng may-ari nito.
"Caleb, hijo! Ngayon ka lang ulit gumawi rito!" malakas na sabi ni Aling Margarita.
Tumango ako bilang pagbati. "Ano pong ulam niyo?"
"Marami! Halika na!" Tumingin siya sa bandang likod ko saka ngumiti nang malawak. "Ay, kasintahan mo ba 'yang kasama mo, ha?"
Napakunot-noo ako bago lumingon sa nasa likod ko. Mahigpit ang hawak niya sa dalawang strap ng backpack niya habang pilit ang ngiti na nakatingin kay Aling Margarita. Ibinalik ko ang tingin dito at sinagot ang tanong kanina.
"Nako, hindi ho. Makulit lang na kaklase."
Ngumisi siya. "Nakuuu! Ikaw, ha!"
Napailing na lang ako bago dumiretso sa linya ng mga ulam na niluto niya. Um-order ako ng menudo at pork chop saka tatlong cup ng rice. Nang maibigay sa akin ang order ko, nagbayad na ako bago umalis doon para maghanap ng pwesto.
Marami rin tao sa karinderyang 'to pero hindi tulad sa cafeteria na sobrang dami na nga, sobrang ingay pa. Kahit na sobrang laki ng cafeteria na 'yon, parang nagiging sobrang crowded sa ingay ng mga estudyante kaya ayaw na ayaw kong kumain do'n, lalo na't ako lang din namang mag-isa.
Nang makaupo na, magsisimula na sana akong kumain nang maalala kong may kasama nga pala ako. Napabuntonghininga ako bago sumandal sa upuan at ibinaba na muna ang kaninang hawak na kutsara't tinidor. Sinilip ko si Ramona mula sa counter para tingnan kung ano nang ginagawa niya. Nakita ko siyang nakikipag-usap kay Aling Margarita, mukhang nakasimangot ang mukha.
Ano namang isinisimangot n'on? Ang daming putahe ng ulam. Hindi ba siya makapili?
Teka. 'Wag niyang sabihing hindi siya kumakain sa ganito?
Ilang sandali pa, nagsimula na siyang maglakad papunta sa pwesto ko kaya nagkunwari akong nagsisimula nang kumain bago pa siya dumating. Naupo siya sa harap ko dala ang plato na may isang cup ng rice at ulam niyang purong gulay.
Tang ina, vegetarian ba 'to? At isang cup ng rice, mabubusog ba siya do'n?!
"Hindi mo man lang ako hinintay. Hmp . . ." sabi niya habang inaalis ang pagkakasukbit ng backpack sa likod.
"Pakialam ko sa 'yo?" sagot ko bago sumubo ng pagkain. Tumawa siya nang dahil do'n.
Napailing na lang ako sa loob ko. Kung iba ang sinabihan ko n'on, baka na-offend na 'yon at iniwan ako. Pero siya, tinawanan niya lang ako. Ang weird, ah?
Tahimik lang kaming kumain nang sabay. Hindi ko man pinapakita pero inoobserbahan ko kung paano siya kumain. Sobrang hinhin at sobrang bagal. Parang walang gana.
Tumikhim ako bago nagsalita nang nakakunot-noo. "Hindi ba masarap 'yang ulam mo?"
Tumingin siya sa akin nang nanlalaki ang mga mata. "Huh? H-Hindi naman sa gano'n!"
"Bakit gan'yan ka kumain? Napakahinhin. Malayong-malayo sa kung paano ka makitungo sa akin."
Ngumiti siya nang maliit bago ibinaba ang tingin sa ulam habang mabagal itong iginagalaw-galaw ng hawak niyang tinidor.
"Nakakasawa na kumain ng ganito."
Napakunot ako ng noo. "Anong ganito?"
Tumingin siya sa akin bago ngumiti. "Gulay."
Napairap ako sa sinabi niya. "Eh 'di 'wag kang kumain ng gulay kung sawa ka na. Ang laki ng problema, ah?" Napailing na lang ako bago sumubo ng pagkain.
"Ito lang daw kasi dapat."
"Sino nagsabi?" tanong ko habang ngumunguya.
"Mama ko."
Tumawa ako nang bahagya. "Pakisabi sa mama mo, hindi dapat siya nagdedesisyon sa kung anong dapat kainin ng isang tao. Hindi naman siya ang ngunguya, lulunok at mabubusog."
Napapailing na lang ako bago itinuloy na ang pagkain. Hindi na siya nagsalita pagkatapos n'on kaya lihim ulit akong tumingin sa kan'ya. Bahagya siyang nakasimangot bago sumubo ng pagkain na may ampalaya. Tahimik lang siya hanggang sa maubos na niya ang kanin niya pero marami pa rin natirang gulay.
Ibinaba ko ang kutsara't tinidor saka sumandal sa upuan.
"Malalaman ba ng mama mo kung hindi ka kakain ng gulay? Wala naman siya, ah?"
Tumingin siya sa akin na parang hindi maintindihan kung anong pinupunto ko.
"Ano bang kinakatakot mo?" tanong ko.
Nagbuntonghininga siya. "Magalit sila."
"Nasaan ba sila?"
"Nasa trabaho. Lawyer sila."
"Eh ikaw, nasaan ka?"
Nagkunot-noo siya. "Nandito?"
"Oh, eh 'di walang magagalit." Nagbuntonghininga ako bago kinuha ulit ang kutsara't tinidor saka nagsimulang kumain. "Kainin mo lahat ng gusto mong kainin. Maikli lang ang buhay para sumimangot sa harap ng pagkain."
Pagkatapos kong sabihin 'yon, hindi na ulit siya nagsalita. Nagulat na lang ako na makalipas ang halos isang minuto, tumayo siya para umalis. Sinundan ko siya ng tingin at nakitang bumalik siya sa counter para um-order ulit ng pagkain.
Ilang sandali pa, bumalik siya nang may dalang isang cup ng rice at isang bowl ng Bistek na may maraming sibuyas.
"Kanina ko pa gustong kumain ng baboy kasi puro baboy ang ulam mo. Ilang taon na no'ng huling beses na kumain ako nito. Ngayon ko na lang ulit matitikman 'to," masayang sabi niya bago nagsimulang kumain ulit.
Hindi ko alam kung anong nangyari sa akin dahil para akong hinampas sa dibdib nang marinig ang saya sa boses niya matapos ng ilang minutong pananahimik niya magmula pa kanina, noong lumabas kami ng campus.
Hindi ko rin maisip na darating ang araw na mas matutuwa akong panoorin siyang kumain ulit ng karne nang may ngiti sa labi, kaysa kainin ang sarili kong pagkain.
Hindi ko alam kung anong nangyari, pero alam kong malaki ang naging epekto nito sa akin.
Nang matapos kaming kumain, narinig ko ang pagdighay niya matapos uminom ng tubig. Hinimas niya pa ang tiyan niya kasabay ng pagbuga ng malalim na hininga.
"Ang sarap! Thank you, Lord!" sabi niya habang hinihimas ang tiyan niya.
Tuluyan na akong natawa nang bahagya bago kinuha ang bag ko at isinukbit, saka tumayo at naglakad palabas ng karinderya. Rinig ko ang pagmamadali ni Ramona sa pagkuha ng gamit at pagsunod sa akin.
Habang nasa sidewalk kami at naghihintay na maubos ang sasakyan bago tumawid, narinig ko siyang magsalita.
"You know what? You're not that bad."
Tumingin ako sa kan'ya nang nagtataka. Ngumiti siya bago nagsalita ulit.
"You're not that coldhearted."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top