Chapter 02:

❝ Ang lungkot ng kanta.

Malayong-malayo sa kung sino ka.

Pero hindi pala talaga kita kilala.

Sana tinanong kita,

Kung anong mayro'n sa kanta—

At bakit gan'yan ang pinakikinggan mo

Kahit nakangiti ka? ❞

   

"Caleb!"

Naalimpungatan ako sa matinis na boses na tumawag sa pangalan ko habang natutulog sa jeep. Tiningnan ko kung sino 'yon at nakita si Ramona na papasok sa loob ng jeep kung saan ako nakasakay. Naghihintay na lang ang driver na mapuno ang jeep bago ito umalis.

Tagal, pota. Kaninang-kanina pa ako dito!

Napabuntonghininga na lang ako. Nakita ko siyang naupo sa kanang parte na medyo malayo sa akin.

Buti na lang hindi sa harap ko.

"Kumusta? Nagawa mo na yung assignment sa Basic Calculus?" nakangiti niyang tanong.

Basic Calculus amputa.

"Oo," simpleng sagot ko bago isinandal ulit ang ulo at ipinikit ang mga mata.

Parte na ng umaga ko na sumakay ng jeep at pumwesto sa dulong kaliwa nito. Para makatulog ako nang maayos at hindi masayang ang tatlumpung minuto ng buhay ko sa pagbyahe mula sa bahay hanggang sa campus.

Minsan kapag wala ako sa mood, hindi ako sumasakay sa jeep kapag may nakaupo na ang pwesto ko. Pero kapag wala nang choice at kailangan nang pumasok o umuwi, sumasakay na rin ako. Tutal, huli naman ako palaging bumababa kaya palagi naman akong nakakapwesto sa dulo.

"Pakopya!"

Nagbuga ako ng buntonghininga at hindi nagbukas ng mga mata. Pinagkrus ko ang mga braso ko at umayos ng pwesto, kunwari'y hindi siya narinig.

"Caleb! Wala pa akong assignment! Pakopya ako!"

Tang ina naman, ang kulit-kulit.

"Maya," simpleng sagot ko nang hindi pa rin siya tinitingnan.

Hindi na siya nagsalita pa kaya naman lihim kong binuksan nang dahan-dahan ang mga mata ko para tingnan siya. Inobserbahan ko ang suot niya ngayon. Suot niya ang uniporme naming white blouse na may ribbon na navy blue sa kuwelyo pati ang navy blue na pencil cut skirt. Pero kakaiba talaga ang fashion nito dahil naka-itim pa siyang stockings at jacket.

Ang init-init ngayong July, putang ina. Hindi kaya humahagulgol ang kili-kili nito?

Ipipikit ko na sana ulit ang mga mata ko nang mapatingin ako sa mukha niya. Bakas ang makeup na ginamit niya dito, ang pampapula ng labi at pisngi pati ang pampahaba ng pilik-mata niya na hindi ko malaman kung ano ba ang mga tawag nila. Tahimik lang siyang nakatuon ang atensiyon sa labas.

Bakit nagmi-makeup pa siya? Ang ganda-ganda na niya.

Ilang sandali pa, gumalaw siya, dahilan para mataranta ako. Ipinikit ko ulit ang mga mata ko pero gusto kong malaman kung anong gagawin niya. Binigyan ko ng kaunting paningin ang isang mata ko at nakitang kinuha niya sa bag ang cellphone at earphones niya. Isinaksak niya ang earphone jack sa cellphone at inilagay ang earbuds sa magkabilang tainga bago nagtipa. Matapos n'on, ibinulsa na niya ang cellphone at sumandal, saka ipinikit ang mga mata.

Napalunok ako sa panibagong siya na nakita ko. Dahil nakapikit na ang mga mata niya, naging malaya akong titigan siya nang walang takot.

Kita ko ang malalim na buntonghininga niya at hindi ko mapigilang mapatanong sa sarili ko kung . . . bakit? Para saan ang malalim na buntonghininga na 'yon?

Sobrang payapa niyang tingnan ngayon. Hindi mo iisiping makulit siyang tao sa araw-araw at mayroon siyang matinis at masayahing boses.

Ang ganda niya.

Nanatili siyang nakapikit sa ilang minutong nagdaan habang unti-unting nadadagdagan at nababawasan ang pasahero ng jeep na sinasakyan namin. Bahagya na lang akong napangiti sa loob ko nang mapagtantong kanina pa rin ako nakatitig sa kan'ya.

Bakit ko ba siya tinititigan? Baka ano pang isipin niya sa akin.

Pero ano bang pakialam ko sa iisipin niya? Pumikit na ulit ako at hindi na pinansin pa ang lahat ng tao sa paligid.

Ilang minuto pa ang nagdaan, naramdaman kong may umupo sa tabi ko. Wala akong balak na magmulat ng mga mata dahil wala akong pakialam sa kung sino pa siya o sila pero nagulat na lang ako nang maramdaman ko ang paglagay nito ng earbud sa tainga ko.

Isang pamilyar na kanta ang narinig ko mula dito. Hindi ko alam kung anong pamagat pero sigurado akong narinig ko na 'to.

"When you hurt under the surface
Like troubled water running cold
Well, time can heal but this won't . . ."

Iminulat ko ang mga mata ko at nakita si Ramona na nakaupo na sa tabi ko habang nasa kandungan ang backpack niya. Ngumiti siya sa akin at nginuso ang earbud na nasa tainga ko na parang sinasabing, mag-focus ako sa pakikinig ng kanta na pinakikinggan niya.

"So, before you go
Was there something I could've said
To make your heart beat better?
If only I'd have known you had a storm to weather . . ."

Tahimik lang akong nakinig sa kanta na tumutugtog sa magkabilang tainga namin. Parang sobrang lungkot naman ng kanta na 'to, bakit siya nakikinig ng mga ganitong kanta? Mukha naman siyang masayahing tao na nakikinig ng mga electrodance music ng KPOP, ah?

"So, before you go
Was there something I could've said
To make it all stop hurting?
It kills me how your mind can make you feel so worthless
So, before you go . . ."

Napakunot ako sa sumunod na linyang narinig ko. Akala ko, breakup song ito. Parang pagpapaalam naman sa taong mamamatay. Tang ina, ang weird, bakit naisip kong pang-broken hearted ang kantang ito nang dahil lang sa unang linya ng chorus?

"Was never the right time, whenever you called
Went little, by little, by little until there was nothing at all
Our every moment, I start to replay
But all I can think about is seeing that look on your face . . ."

Napalingon ako sa kan'ya nang marinig ang pag-hum niya kasabay ng tugtog nito. Lumingon siya sa akin at ngumiti bago ibinalik sa dati ang paningin.

Ano ba 'tong nararamdaman ko? Parang may iba. Gusto kong magtanong kung anong mayro'n, bakit ipinaparinig niya sa akin 'to at bakit ganito 'tong kanta na 'to. Pero ano bang pakialam ko, hindi ba? Kan'ya-kan'ya naman ng choice of music 'yan.

At wala akong pakialam.

Makalipas ang mahigit sampung minuto simula nang maupo siya sa tabi ko, nakarating na kami sa harap ng campus. Tinanggal ko na ang earphone sa tainga ko at ibinalik sa kan'ya, saka bumaba na ng jeep. Nauna na akong pumasok sa kan'ya sa loob ng campus matapos ma-scan ang ID ko. Ilang sandali pa, narinig ko ang mga hakbang niya papalapit sa akin.

"Caleb, waaait!"

Napabuntonghininga ako nang maramdaman ko ang paghawak niya sa bag ko para pigilan akong lumakad. Kung nagtuloy-tuloy ako sa paglalakad, baka nakaladkad ko itong babaeng 'to.

"Ano?"

Bahagya siyang ngumuso bago nagsalita. "Pakopya, please. Ayoko ng Calculus."

Gusto kong umirap dahil parang kanina lang, sabi niya, Basic Calculus. Oo, pangalan talaga ng subject 'yon pero siya lang at mga professor dito ang tumatawag ng basic sa putang inang Calculus na 'yan.

"Sa room na."

Ngumiti siya nang malawak bago tumango. Pinipilit niyang sumabay sa paglalakad ko kahit na alam kong nahihirapan siya dahil sa malalaking hakbang ko. Para siyang bata na nagmamadali sa paglalakad 'wag lang maiwan ng magulang sa pasyalan.

Napailing na lang ako sa naisip ko.

Magulang . . .

Nang makarating sa loob ng classroom, hindi pa rin ako iniiwan ni Ramona. Pansin ko ang kakaibang tingin sa kan'ya ng mga kaklase namin dahil siya lang talaga ang malakas ang loob na kulitin ako nang ganito. Natatakot kasi ang iba sa akin.

"Bilis na, malapit nang dumating si prof!" sabi niya habang nakaupo sa harap ko.

Napailing na lang ako bago kinuha sa loob ng bag ko ang papel at iniabot sa kan'ya. Malapad ang mga ngiti niyang kinuha 'yon sa akin.

"Thank you! You're the best!"

Bago siya pumunta sa upuan niya para magsimulang kumopya, kinindatan niya ako, dahilan para umawang ang bibig ko at hindi makakilos nang ilang segundo.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top