Chapter 8
SA PANAHON NGAYON, ang mindset ng mga lalaki; kapag nagsuot ka shorts at sando — nagbibigay ka na agad ng consent sa kanilang pag-isipan ka ng masama. Kaya parang 'pag nagsalita ka tungkol sa bagay na makakapag-uplift ng pagkababae mo at ng kapwa mo babae — tinatanggalan ka nila ng karapatan na magsalita dahil nga raw “hindi pormal” ang mga sinusuot mo.
May mga pagkakataon sa buhay ni Daniella na sinumpa nya ang bagsak at itim nyang buhok na bumagay sa maliit nyang mukha, mahabang pilikmata, malalim at nang-aakit na mga mata at manipis at mapulang labi. Dahil pinararamdam sa kanya ng sarili nyang “kagandahan” na wala syang karapatang huminga 'pag hindi sya sang-ayon sa gusto ng mga lalaki kung paano dapat sila mamumuhay na mga lalaki.
Iyon ang core memory ng pagkabata nya. At kung bakit sya napunta sa gantong buhay? Dahil namulat sya sa mundong pagnanasa, pagpapahirap, at nakakasakal na mundo. Na kung saan sunod-sunuran lang ang mama nya sa papa nya at na hindi dapat sila tumaliwas sa kagustuhan nya.
"Hindi ko maintindihan. Paanong hindi ikaw si Daniella?" naguguluhang tanong ni Kaloy nang magkasama sila ni Lollita sa loob ng apartment nito. "Nasaan sya kung gano'n?"
Tumigil si Lollita sa pagsusuklay ng mahabang buhok nya. Kung si Daniella ay mahilig humarap sa salamin at hanapin ang validation sa repleksyon nito. Si Lollita ay mas gugustuhin pang hindi makita ang mukha nya kung lagi naman syang pagkakamalang ibang tao.
"Marami kami, Karlos," pag-amin ni Lollita habang nakatitig sa kawalan. "Hindi lang ako ang nag-iisa. Hindi pwedeng si Daniella lang ang naninirahan dito."
Hinarap nya si Kaloy na gulong-gulo na ang mukha. May gusto syang itanong pero hindi nya matukoy kung ano. Parang nasa dulo ng dila nya dahil sino bang maniniwala sa isang narrative ng taong kilala nya at nakakasama nya tapos biglang sasabihin na hindi raw sya ito?
Lumapit si Lollita sa tabi nya at tinitigan sya sa mga mata. "Gusto mo si Daniella, hindi ba? Bakit hindi na lang ako?" halos magmakaawa ang boses nito. "Mas maganda naman ako sa kanya. Mas mabait. Mas gusto ka."
Umiling si Kaloy. "Magkasing ganda kayo dahil iisa lang naman kayo."
Nasaktan ang damdamin ni Lollita sa narinig. Matagal na nyang nararamdaman na paulit-ulit tinataboy ni Daniella ang lalaking nasa harapan nya. Kung pwede lang na sya na lang ang gustuhin nito, pipilitin nya. Kung pwede lang hindi na makabalik si Daniella sa katawan na 'to, ayos lang sa kanya.
"Hindi nga sya ako..."
Napabuga ng hangin ang binata. "Naguguluhan ako, Lollita. Paano mo mapapatunayan na hindi ikaw sya? Sige nga."
Matagal silang nagkatitigan. Sa tagal na panahong nilalabanan ni Daniella ang presensya ni Lollita ay alam nyang nananaig ang hindi nito pagkakagusto sa binata kaya naiintindihan nyang naguguluhan ito.
Kaya naman ngayong may pagkakataon na sya, sasagarin na nya. "Halikan mo ako."
"Nahihibang ka na ba? Itulak mo ako palayo—"
"Hindi ako si Daniella. At ako, gusto kita. Kaya halikan mo ako," mariin na utos nya.
Napalunok si Kaloy sa narinig. Iniisip kung patibong na naman ba itong muli. Ayaw na nyang magkamali kay Daniella. Ni hindi pa nga sya nakakabawi sa dalaga. Dadagdagan pa ba nya ang kasalanan nya?
Kaya naman ay tumayo si Kaloy palayo kay Lollita. Tumalikod sya sa dalaga. Naisip kasi nyang tama si Kaloy, kahit na pinatitigil na sya ni Daniella na ligawan sya pagtapos ang nangyari sa pagitan nila, alam nyang hindi nya kakayaning talikuran ang dalaga.
Ngunit nahigit nya ang hininga nya nang maramdamang pumulupot ang braso nito sa katawan nya't isinandal pa ang ulo sa likod nya. "Karlos..."
Tinanggal nya ang braso nito ngunit hinila lang sya sa siko at hinarap sa kanya. Hinawakan ng dalaga ang magkabilang pisngi nya at medyo napayuko sya habang tinititigan sya nito sa mga mata.
"Hindi ako si Daniella," pagdidiin nya rito. "Oo, siguro kanya 'tong katawan. Sya ang nakakasama mo. Sya ang una mong nakilala. Pero ako ang nakakaramdam ng pagkagusto sayo. Mahal kita..."
"Paano si Drake?"
Nababaliw na si Kaloy kasi naisip nya pa si Drake kahit na halos lumuhod na sa harapan nya si Lollita.
"Si Drake ang gusto ni Daniella. Pero hindi na rin naman sigurado kung makakabalik pa sya," ani Lollita.
"Anong ibig mong sabihin?"
Bumitiw si Lollita kay Kaloy at naglakad papunta sa gilid ng kama nito kung nasaan ang binaliktad nyang body mirror ni Daniella. Ibinalik nya iyon sa dati at sa unang pagkakataon simula nang magising sya sa katawan nito ay nakita nya ang sarili nya. Maputla at matamlay ang mga mata ngunit sa kabila no'n ay litaw na litaw pa rin ang kagandahan.
"Nakakulong na si Daniella."
Kinuha ng dalaga ang ashtray nito na nakapatong sa headboard ng kama at tinaob dahilan upang mahulog sa semento ang mga abo ng sigarilyo ni Daniella.
Pagtapos no'n ay yumuko sya sa ilalim ng body mirror at kinuha ang kinumos na papel sa ilalim nito. Iyon ang papel na kinumos ni Daniella noong nakaraang gabi.
"Nakakulong na sya sa mga alaala nya," sabi pa ni Lollita bago inayos ang papel na may naglalaman ng sulat para sa dalaga.
Hinarap nya si Kaloy na tulala na lang sa kawalan.
"Takot na takot sya, Kaloy. Iyon ang dahilan kung bakit wala sya ngayon at kami ang humaharap ngayon. Hindi sya makakabalik hangga't hindi nya nakakalimutan lahat ng alaala nya," wika pa nito. "Tingin ko nga, kulang na lang, ibenta na nya ang kaluluwa nya sa demonyo matapos lang ang paghihirap nya."
At ang pagpapalit ng mukha? Pangalan at alaala? Hinding-hindi sya matatakasan. Iyon ang nasa isipan ni Lollita ng mga oras na 'yon.
Si Daniella ang totoong nakalimot. Hindi ang tao sa paligid nya. At iyon din ang hindi maintindihan ni Lollita, dahil sya na mismo ang nagkulong sa sarili nyang mga alaala.
Ikaw lang ang may kakayahanang magpakawala ng sarili mo sa haulang 'yan, Daniella.
Wala nang iba.
Ikaw lang . . .
Alam ni Lollita na hangga't hindi tinatanggap ni Daniella ang katotohanan ay hindi sya makakalabas sa mundo nya.
Maaaring oo, at maaaring hindi na.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top