Chapter 1

"DANIELLA, MINSAN NA lang kita makita dito, ah?” bungad sa kanya ni Aling Beth, ang pinagbibilhan ni Daniella ng pagkain nya tuwing umuuwi sya ng tenament.

“Bayad na ‘ko sa utang, diba?” aniya sabay dukot ng trenta pesos pambili ng sigarilyo. “Camel.”

“Sungit mo talagang bata ka,” sagot ni Aling Beth at kinuha naman sigarilyo na lagi nyang binibili. “Ano, mayaman ka na ba?”

Natawa si Daniella bago kuhanin ang biniling sigarilyo. Sinindihan nya ’yon gamit ang lighter na nakasabit sa bukana ng tindahan ni Aling Beth. “May nakakayaman ba sa pagpasok ng bar?”

Iba rin ang turnilyo sa utak ng mga taga-tenament. Dahil lahat ng kagaya nyang nagtatrabaho sa bar, inaakala nilang yumayaman. Puntahan daw kasi ng iba’t ibang lahi kaya ang chismis madali na lang daw magpalahi.

“Aba’y oo naman! Si Cecille, diba kasama mo sa bar ’yon dati? Sya pa ang nagpasok sa ’yo doon? Ngayon, may sasakyan na!”

Ah, si Cecille...

Si Cecille na pinangakuan si Daniella na waitress lang naman daw ang tatrabahuhin nya sa bar na nasa gilid ng gasoline station sa palengke. Pero muntik na syang ibenta sa amo n’yang fifty plus na’t chinese smuggler na laging binibisita si Cecille sa bar.

Buti na lang naging close ni Daniella ’yong waiter na malakas sa bar na ’yon, si Fidel. Tinulungan sya. Kaya ayon, waitress sya ngayon.

Humithit siya sa sigarilyo sabay unti-unting binuga ang usok. “‘Di na kami nagpapansinan no’n ni Cecille.”

Kung hindi lang naman gipit si Daniella nunkang papasok s’ya sa bar para magtrabaho. Kaso sabi nga, ang mga katulad n’yang walang pag-asa sa mundong ibabaw hanggang kapit patalim na lang.

“Oh? Sayang! Hingi sana ako pambalato,” dinig sa boses n’ya pagkahinayang.

Napailing na lang si Daniella at umalis sa tindahan na ’yon. Wala syang mapapala kung makikipag-usap sya sa kapwa n’yang walang-wala dahil pangit ang lumalabas sa mga bibig.

Maingay ang buong court dahil sa mga nagba-basketball sa tapat ng building na puno ng mga bahay. Hindi rin mawawala ang mga chismisan ng mga matatanda sa kung sinong nanganak ng kapitbahay, sinong tumigil sa pag-aaral, sinong nakaalis na sa tenament dahil naiangat na sa buhay, at mga gawa-gawang kwento para sa mga taong katulad n’ya na hindi nila mahagilap sa lugar nila.

“Daniella!”

Bigla s’yang tinawag ni Kaloy, kilala itong masugid na manliligaw ni Daniella—pero s’ya lang ang nakakaalam na nanliligaw pala sya sa dalaga kasi wala naman itong pakialam sa kanya.

“Oh?” Napatigil s’ya sa paglalakad.

Tumakbo ito palapit sa kanya. Malawak pa ang ngiti na akala mo nagco-commercial ng kilalang brand ng toothpaste. “Hindi na kita nakikita rito, ha?”

“Nagtatrabaho ako,” malamig nyang tugon.

Basag doon si Kaloy. Nga naman. Alangan naman gayahin n’ya ang mga kababaihan dito na kasing edad n’ya na walang ginawa kundi tumunganga sa harapan ng cellphone at maghangad ng mga gamit na mamahalin dahil uso. O, di kaya ’yong laging tambay sa court para tilian ’yong mga nagba-basketball na mga amoy araw.

“Papasok ka ba bukas?” may himig na umaasa ang boses ni Kaloy.

“Titingnan ko.”

“Huh? Bakit titingnan pa? Sabado na nga lang ’yong pasok natin, e.”

Sabik din ’tong si Kaloy kasi Sabado nga lang naman talaga ang pasok nila tas hindi pa nya makikita ang babaeng gusto nya. May Open Highschool kasi ang Santa Barbara; kung saan ang tinutukoy ni Kaloy na Open Highschool ay para sa mga estudyanteng hindi kayang makipagsabayan sa regular na klase.

Binibigyan lang sila ng mga module na s’yang lesson sa buong linggo ng regular na klase tapos pinapasa nila tuwing sabado at may kaunting klase na rin na ginaganap para sa kanila. Programa ’yon ng municipality ng Santa Barbara at parte si Daniella ng programang ’yon.

Sarkastikong natawa si Daniella dahil kung umasta ito parang mag-shota sila. “Wala kang pakialam.”

Nakarinig si Daniella ng halakhakan at asaran sa likod ni Kaloy dahil sa sinagot nya. Harsh man kung pakinggan kaso...iyon sya eh. Take it or leave it. Hindi s’ya ang mag-a-adjust para sa mga tao.

Kaya ayon, iniwan nyang tulala ang kawawang si Kaloy at umuwi na sa apartment nya.

Pagsarado nya ng pinto—tahimik na naman.

Ang kaninang maingay na paligid ay tila naging background music nya na lang.

Nangingibabaw sana ang iba’t ibang ingay dahil nasa ibaba lang naman ng apartment nya ’yon pero mas nanlalaban ang demonyo nya sa kanyang isipan.

Kailan ba matatapos ’to?

Lumapit sya sa kama nya at kinuha sa ilalim ng unan ang kanyang lipstick. Nagsusumigaw ang shade of red sa lalagyanan palang. Tapos, humarap sya do’n sa body mirror na nasa tabi ng kama n’ya at binuksan ito para gamitin.

Nanginginig ang labi n’yang ngumiti sa harapan ng salamin.

“Ang ganda mo,” bulong n’ya sa hangin habang nakikipagtitigan sa sariling repleksyon.

Mas’yadong peke.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top