Prologue
"Nasa kwarto siya..."
"S-Salamat po," nakangiting tugon ko kay Tita Vicky.
Sinamahan niya ako papunta sa kwarto ng kaibigan kong si Yumi.
"Malaking trauma ang idinulot sa kanya ng pangyayaring 'yon," basag ang tinig na sambit ni Tita Vicky nang makapasok kami sa kwarto ng kaibigan ko.
Pinagmasdan ko si Yumi habang nakaupo sa kama at yakap ang mga tuhod, sa labas ng bintana ang tingin at nakatulala.
"H-Halos hindi na siya kumain," pagpapatuloy ni Tita Vicky. "Awang-awa na 'ko sa anak ko, Marife."
Nakaramdam na naman ako ng kirot sa puso ko nang marinig ko ang hikbi ni Tita Vicky. Kinuyom ko ang mga kamao ko at ilang ulit na bumuntong-hininga, pinipigilan ang maluha.
Nandito ako para sa kaibigan ko. Nandito ako para humingi ng tawad. Kasalanan ko lahat. Kasalanan ko ang nangyari sa kanya.
"Malalagpasan din niya 'to, Tita Vicky," alo ko. "Matapang ang anak niyo. Matapang ang kaibigan ko..."
Nginitian niya ako sa kabila ng luhaan niyang mga mata. "Sana nga. Maiwan muna kita rito."
Tumango ako sa kanya bago ko muling binalingan si Yumi. Narinig ko ang pagsara ng pinto at alam kong kaming dalawa na lang ng kaibigan ko ang narito sa kwarto.
Dahan-dahan akong umupo sa gilid ng kama, malapit kay Yumi. Hindi niya man lang ako tinapunan ng tingin pero alam kong alam niya na nandito ako.
"Yumi..." Pumiyok na kaagad ang boses ko kaya paulit-ulit akong lumunok. Nag-umpisa na ring sumikip ang dibdib ko dahil sa pinipigilang emosyon. "Y-Yumi...Sorry..."
Tinakpan ko ang bibig ko nang mag-umpisa na akong humagulhol. Bumuhos na ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Unti-unti, nilalamon na naman ako ng galit at paninisi ko sa sarili ko.
"K-Kung alam mo lang kung gaano ko sinisisi ang sarili ko sa mga nangyari sa'yo. H-Hindi ko alam kung mapapatawad mo pa ako..."
Naging mabuti siyang kaibigan sa akin pero ito ang isinukli ko sa kanya.
"S-Sa sobrang inggit ko sa mga achievements mo...s-sa mga kaibigan na mayroon ka...s-sa mga papuring n-natatanggap mo...ay nabulagan ako at nakalimutan ko na naging kaibigan kita, na tayo dapat ang magkakampi...na tayo dapat ang nagtutulungan." Muli akong humagulhol. "P-Pero iniwan kita...a-at sinaktan..."
Nasasaktan ako na nakikita ko siya sa ganitong sitwasyon. Oo, nagalit ako sa kanya pero hindi ko gusto na maranasan niya ito. Hindi ako gano'n kasama.
Hinawakan ko ang kamay niya. Malabo na ang paningin ko dahil sa mga luha pero nakita ko pa rin na napatingin siya sa kamay kong nakahawak sa kanya.
"S-Sorry, Mayumi...Ako na ulit 'to, si Mhae na matalik mong kaibigan, 'yong pwede mong sandalan, 'yong pwede mong pagsabihan ng mga problema mo. Iyong Mhae na hindi ka kayang saktan kasi mahal na mahal ka niya..."
Pinunasan ko ang mga luha sa pisngi ko at nakita ko nang malinaw ang pagpatak ng mga luha mula sa mga mata niya, pero sa kabila niyon ay wala pa ring reaksyon ang mukha niya.
Kumurap siya nang dalawang beses at saka muling tumingin sa bintana.
"A-Akala ko ay naranasan ko na ang pinakamasakit na nangyari sa buhay ko. Pero...pero mas masakit pala ang mawalan ng kaibigan...ng totoong kaibigan...Kaya sana bumalik ka na. Bumalik ka na, Yumi. Miss na miss na kita..."
Humagulhol lang ako habang hawak ko ang kamay niya. Paulit-ulit akong humihingi ng tawad pero hindi siya sumasagot. Doon ko na-realize na sobrang lalim ng sugat na ginawa ko sa pagkatao niya.
Niyakap ko siya nang mahigpit pero hindi man lang siya gumalaw. Napapikit ako habang inaalala ang mga pinagsamahan naming dalawa. Napangiti ako at hindi ko napigilang kantahin ang paborito kong kanta.
"Hey, it's me...the one who'll always cared for you. Oh, yes it's me...the one who'll always love you. I just hope you still remember...and I wish it crossed your mind...all the memories that we have left behind..."
All the memories that we have left behind...
Hanggang alaala na lang yata ang lahat ng iyon. Dahil sinira ko siya. Sinira ko ang pagkakaibigan naming dalawa.
Mariin ko pang pinikit ang mga mata ko para alalahanin ang masayang nakaraan.
Kung hindi ko kaya ginawa ang mga ginawa ko noon, mangyayari ba ang lahat ng ito? Mangyayari ba 'to kay Yumi?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top