35. Harap-Harapan
C H A P T E R 35:
Harap-harapan
Ang sarap sa pakiramdam na 'yong tipong puro sakit ang nararamdaman mo tapos kinabukasan ay naging okay ang lahat.
Naging okay kami ni Yumi. At dahil doon, nakapag-celebrate kami ng Christmas nang masaya. Sa bahay nila Yumi kami nag-celebrate ng Christmas ni Ate Monica para magsalo na lang kami sa iisang handa.
Ang saya ko no'ng gabing 'yon dahil pumunta rin ang tatlo kong tropang lalake—maliban kay Hiroshin dahil hindi ko alam kung kaibigan pa ang turing niya sa'kin. Hindi pa kami nag-uusap mula nang sisihin niya ako sa nangyari kay Yumi.
"Tama na, tama na! Uuwi pa tayo, gago!" angil ni Tadeo sabay agaw ng shotglass kay Echo.
"Siraulo ka ba? Isang shot pa lang naiinom ko!" sagot ni Echo.
"Alam ko na gagawin mo kapag nalasing ka! Advanced lang ako mag-isip!"
"Huwag nga kayong magsigawan diyan," saway sa kanila ni Hiroshin. "Mahiya naman kayo kay Tita Vicky."
Nasa iisang sofa silang tatlo habang kami ni Yumi ay nasa two-seater na sofa at busy sa pag-edit ng Tiktok video kung saan magkasama kami. Ayoko sana pero pinilit niya ako, eh! Simpleng sayaw lang naman iyon at trending sa Tiktok kaya inayos ko na rin kaysa mapahiya ako.
Ang daming fans ni Yumi sa Tiktok kaya naman ngayong ni-reveal niya na ako talaga ang bestfriend niya mula elementary ay dumami na rin ang followers ko sa Tiktok kahit wala akong video kahit isa! Ganito pala kapag may kaibigan kang sikat. Noong si Hiroshin kasi ay palagi naman naming kasama si Tadeo at Echo kaya ang akala ng mga fans ni Hiroshin ay close friend lang ako.
'With my best bestfriend @MariMhae Love you!' Iyon ang caption niya nang i-upload ang video.
"Malapit nang mag-12 midnight!" announce ni Yumi nang mag-Tiktok live siya. Hawak niya sa isang kamay ang phone niya, pinapakita kaming lahat na nakaupo sa sofa. "Thank you sa support n'yo, guys! Ang daming nag-send ng gifts sa amin ni Babe! And thank you pala kay Ate Jen, sa president ng fans club ko! I love the cake you sent to me!" Tumawa siya. "And of course sa mga nagtatanong kung okay na ako after ng incident last week, I could say na I'm getting better everyday lalo na ngayong napapaligiran ako ng mga taong mahal ko at nagmamahal sa'kin! Merry Christmas!"
Napangiti ako habang pinagmamasdan ko si Yumi. Ang mga ngiti at tawa niya ay alam kong hindi pilit. Totoong nagiging okay na siya matapos ang nangyari sa kaniya, nakikita ko 'yon sa mga mata niya.
"Oh! I'm not getting rude but please, don't ever try to say unnecessary words to my bestfriend again! I will list down your username and haunt you down!"
Natawa ako sa sinabi niya. Malamang ay may sinabi na naman ang iba niyang fans tungkol sa'kin. Actually, nababasa ko naman 'yon sa mga comments pero hindi ko na lang pinansin dahil alam ko sa sarili ko na hindi ako pangit—katulad ng sinabi ni Yumi.
Ngayong tinititigan ko si Yumi ay ramdam ko ang kakaibang gaan sa puso ko, 'yong tipong masaya ako para sa kaniya nang walang inggit na nararamdaman. Ganito pala ang feeling kapag mas pinili mong maging masaya para sa iba.
"Ay hello, Philippines!" Kumaway si Tadeo sa harap ng phone ni Yumi. "Tropa ako ni Hiroshin! Follow n'yo rin ako, ah!"
"Gagi!" Tumawa nang malakas si Echo. "User, amp!"
"Mga kaibigan sila ng boyfriend ko but friends ko na rin sila since naging kami ni Hiroshin!" nakangiting paliwanag ni Yumi sa mga viewers. "Height reveal?" basa ni Yumi sa comment. Tumingin siya kay Tadeo. "Tadeo, height reveal mo raw!"
Napaubo si Tadeo at naibaba ang hawak na shotglass. "Aba, bastos 'yon, ah! Sinong nagtanong n'on?!"
"Ako!" Tumawa si Hiroshin kaya pinagsusuntok siya ni Tadeo. Mas lalo tuloy lumakas ang tawa ni Echo.
"And may nagtatanong din sa'yo Echo!" sabi ni Yumi, binabasa ang mga comment. "Name reveal!"
"Wala!" Si Tadeo ang sumagot. "Pahinga muna siya!"
Tumayo ako mula sa kinauupuan ko habang nagkakasiyahan sila roon. Pinuntahan ko sa likod sila Ate Monica at Tita Vicky na nag-iihaw ng pusit at barbeque.
"Merry Christmas, Ate..." Niyakap ko mula sa likuran si Ate Monica.
Tumawa siya at hinawakan ang pisngi ko habang pinapaypayan pa rin ang mga iniihaw. "Merry Christmas. Gutom ka na ba?"
Umiling ako at ngumiti. Sunod kong niyakap si Tita Vicky na inaayos sa malaking container ang mga naihaw na.
"Merry Christmas, Tita Vicky. Thank you sa lahat." Niyakap ko rin siya nang mahigpit.
"Naku, naglambing ang bata..." natatawang sabi niya at saka ginulo ang buhok ko. "Merry Christmas din sa'yo. Bibigay ko regalo ko sa'yo mamaya."
"Nag-abala pa po kayo. Pero thank you po!" Hinalikan ko siya sa pisngi pati na rin si Ate Monica bago naglakad pabalik sa loob.
"Oh! Ano ba naman 'yan!"
Muntik na kaming magkabungguan ni Oliver. Papalabas kasi siya galing ng kusina habang ako ay papasok sa loob. May hawak siyang container na may laman na suman.
"Sungit mo!" natatawang sabi ko. "Magchi-christmas na, oh!"
"Alam ko!" Inismiran niya ako bago nilapag sa mahabang mesa ang suman.
Marami nang nakalapag na pagkain sa mesa katulad ng Spaghetti, Lumpiang Shanghai, Pancit Palabok, mga prutas, cake at iba't ibang uri ng kakanin.
"Bakit ang sungit mo?" Tumayo ako sa harap ni Oliver para harangan siya.
"Pa'no, malapit nang mag-12 midnight pero hindi mo pa rin ako binabati!" Halos iduldol niya na ang mukha niya sa mukha ko kaya napaatras ako nang kaunti.
"Eh sira ka pala, eh! Hindi pa naman kasi Christmas!"
"Eh bakit sila Ate Monica binati mo na?!"
"Malamang! Special sila sa'kin, eh!"
"At ako, hindi?!"
Natawa ako at tumingkayad para pitikin ang noo niya. "Ang drama mo. Oh, sige na! Merry Christmas, Oliver!" Sinadya kong palambingin ang boses ko.
Umiwas siya ng tingin at kinamot ang tungki ng ilong. "D-Dapat may kiss din ako."
Hinampas ko siya sa balikat na ikinatawa niya. "Kiss mo mukha mo!" Nilayasan ko na siya bago pa siya makapagsalita ng kung ano-ano.
"Merry Christmas din!" pahabol niya, tumatawa.
Pagbalik ko ng sala ay naabutan ko si Yumi na umiinom ng alak mula sa shotglass.
"Babe, tama na! Hindi ka pa pwedeng uminom," sabi ni Hiroshin habang inaagaw ang shotglass mula kay Yumi.
"Isa lang naman, babe, eh. At saka may okasyon naman ngayon. Gusto ko lang tikman."
Bumuntong-hininga si Hiroshin. "Okay. Pero tama na 'yan."
"Teka, ubusin ko lang—"
"Pangalawa mo na 'yan, babe. Akin na." Pilit inagaw ni Hiroshin ang shotglass mula sa kamay ng kaibigan ko pero nahulog ito sa sahig at lumikha ng ingay.
"Oh! Sorry!" sigaw ni Yumi, nanlalaki ang mga mata. Unti-unting napalitan ng takot ang gulat sa mga mata niya habang nakatitig sa nabasag na baso.
Lumapit kaagad ako nang makita ang reaksyon niya pero napatigil din nang hawakan siya ni Hiroshin sa magkabilang pisngi.
"Babe... tumingin ka sa'kin. Hinga ka nang malalim," sambit ni Hiroshin habang pilit na pinapatingin si Yumi sa mga mata niya.
Unti-unting namuo ang mga luha sa mga mata ni Yumi habang nakaawang ang bibig, takot na takot.
"Nandito lang ako..." Niyakap siya ni Hiroshin. "Nandito lang ako…"
Mabuti na lang at napakalma siya ni Hiroshin matapos iyon. Pumunta ako ng kusina para kumuha ng tubig ni Yumi pero hindi ko inasahan na susunod sa akin si Hiroshin.
"Uh...kukunin ko lang ang walis sa gilid," sabi niya habang nasa harap ako ng refrigerator at nilalagyan ng tubig ang hawak kong baso.
Tinapos ko muna ang paglalagay ng tubig bago ko sinara ang pinto ng refrigerator at umalis doon.
"Marife..."
Lumingon kaagad ako sa kaniya nang tawagin niya ako. Hawak niya na ang walis at dust pan na gagamitin niya panlinis sa nabasag na baso.
"Hindi pa pala ako nakakapag-sorry sa'yo sa…mga nasabi ko noong nakaraang linggo. Sorry, hindi ko sinasadya."
Umawang ang bibig ko, hindi inasahan ang sinabi niya. Nang makabawi ay ngumiti ako.
"Okay na 'yon. Huwag kang mag-alala, hindi ako nagtanim ng sama ng loob sa'yo."
Napangiti rin siya at hindi na nagsalita pa. Tumalikod na ako para lumabas na pero nagsalita ulit siya.
"Masaya ako na okay na kayo ni Yumi."
Napangiti ulit ako pero hindi na nag-abalang lumingon sa kaniya ulit. "Masaya rin ako dahil naging okay ulit kayo ni Yumi."
Wala akong narinig na sagot mula sa kaniya kaya naglakad na ulit ako palabas ng kusina. Pagbalik ko sa sala ay pinainom ko ng tubig si Yumi. Sumunod si Hiroshin na nagsimulang alisin ang mga piraso ng nabasag na baso.
Pagdating ng 12 midnight ay sabay-sabay kaming kumain nila Tita Vicky, Ate Monica, Yumi, Hiroshin at Oliver. Wala na si Echo at Tadeo dahil umuwi na sila at piniling i-celebrate ang Christmas kasama ang mga pamilya nila. Sobrang saya ko noong gabing iyon. Iyon ang isa sa mga araw na paborito ko dahil kasama ko sa iisang bubong ang halos lahat ng mga taong mahalaga sa akin.
Nasundan pa ang naging pag-uusap namin ni Hiroshin noong gabing iyon dahil pagdating ng buwan ng Enero ay unti-unti kaming bumalik sa dati. Napag-usapan na rin naman kasi namin ni Yumi ang pagiging close namin ni Hiroshin at sinabi niya na wala nang kaso sa kaniya iyon at na-realize niya na ang immature niya nang pagselosan niya ako dahil doon.
Dumating ang buwan ng Pebrero at bago sumapit ang araw ng Valentine's Day ay ginanap ang malaking event na hinihintay ng karamihan lalo na ng mga estudyanteng katulad namin—ang JS Prom.
Hindi sana ako sasama dahil nahihiya akong magsuot ng gown pero pinilit ako ni Yumi. Siya pa nga ang nagpresintang mag-make up sa'kin dahil hindi ako marunong!
"Wow! Ang ganda-ganda mo, Marife!" puri ni Yumi nang matapos siya sa pag-make up sa'kin.
Light make up lang ang ginawa niya sa'kin pero lumitaw ang pagiging matangos ng ilong ko. Bago pa dumating ang araw ng Prom ay nagpa-rebond na ako ng buhok ko para naman maranasan ko ang maglugay ng buhok bago ako mag-Senior High School.
Kaya naman, hindi na muna ginalaw ni Yumi ang buhok ko at inipit lang ang ilang hibla ng buhok ko sa gilid para magkaroon ng kaunting style, bumagay sa suot kong kulay pink na gown na may pa-balloon na style.
"Para naman akong ballerina nito," natatawang sabi ko habang sinisipat ang sarili sa salamin.
"Maganda kaya! Ang ganda-ganda mo! Picture tayo, dali!"
Hindi na lang ako umangal nang mag-picture kaming dalawa. Nakasuot siya ng silver na gown na backless at medyo malalim ang neckline. Abot hanggang tuhod ang haba niyon at para siyang Diyosa sa paningin ko. Ang ganda niya lalo na ngayong kulot ang buhok niya sa eleganteng paraan.
Pagkatapos niyon ay sinundo na kami ni Hiroshin na nakasuot ng tuxedo na may pulang bow sa bandang collar. Nakaayos pagilid ang buhok niya kaya lumitaw ang magagandang features ng mukha niya. Napangiti ako kahit kay Yumi siya nakatingin.
"Ganda, pa-autograph naman," nakangising sabi ni Hiroshin kay Yumi matapos itong halikan.
"Mamaya. Busy pa 'ko, eh." Humagikhik si Yumi sabay hawak sa pisngi ng kasintahan. "Ang gwapo naman ng escort ko."
"Ang gwapo at ang bango naman..." nakangiting puri ni Tita Vicky na kakalabas lang ng kwarto.
"Good evening po, Tita," nakangiting bati ni Hiroshin. "Susunduin ko na po mga anak n'yo."
Kinagat ko ang pang-itaas kong labi nang mapatingin siya sa direksyon ko. Pinasadahan niya ako mula ulo hanggang paa at saka ngumiti nang malawak sabay thumbs-up.
"Oh, sige na at umalis na kayo. Aba, hindi pwedeng ma-late ang ganyan kagwapo at kagagandang babae!" sabi ni Tita Vicky. "At ikaw, Marife, nasaan na ang escort mo?"
"Hello, hello!" Biglang pumasok si Tadeo na nakasuot din ng Tuxedo na may kulay pulang coat at itim na bow sa may collar.
Oo, siya ang escort ko ngayon dahil wala raw siyang ibang gustong maka-partner kundi akong kaibigan niya.
"Late ba 'ko?" Napatingin si Tadeo sa'kin. "Huwaw! Ganda naman!" Napatingin din siya kay Yumi. "Wow! Gaganda!"
"Ang ingay mo. Tara na..." aya ni Hiroshin bago hinawakan ang kamay ni Yumi. "Tita, alis na po kami."
"Ingat kayo!"
Magkahiwalay kaming sumakay ng tricycle kasi mahirap lang kami, 'di ba? Kasama ko sa tricycle si Tadeo na walang ibang ginawa kundi banggitin ang pangalan ng... girlfriend niya.
"Hindi ba magseselos 'yon?" usisa ko.
"Hindi. Ano bang magagawa niya? Taga ibang school siya, eh. Alangan naman papuntahin ko siya sa Prom natin."
"Bakit galit ka?" Tumawa ako.
"Hehe. Hindi naman."
Pagdating namin ng convention hall ay narinig ko na kaagad ang malakas at hype na hype na tugtugan mula sa loob. Ang daming sasakyang nakaparada sa harap, malamang ay mga taga-Regular Class ang may-ari ng mga 'yon.
Magkasabay kaming naglakad ng red carpet papunta sa loob. Nakaangkla ako sa braso ni Tadeo, gano'n din si Yumi kay Hiroshin. Maliwanag na maliwanag ang buong paligid pagkapasok namin. Nasa gilid ng hall ang mahabang buffet table at nasa harap naman ang malaking stage na puno ng dekorasyon na may pinaghalong kulay ng violet at pink. Nasa harap niyon ang dalawang upuan na mistulang trono at alam kong para 'yon sa tatanghaling 'Prom Sweethearts'.
Maraming napatingin sa direksyon naming apat habang naglalakad kami sa red carpet. May mga lalakeng napapatingin sa'kin pero hindi nagtagal iyon dahil lumipat ang mga mata nila kay Yumi. Okay lang, atleast napalingon ko sila.
Nakarinig ako ng impit na mga tili mula sa mga babaeng nakatingin kay Hiroshin, at infairness, may mga napapatingin din kay Tadeo. Gwapo naman kasi siya at height lang talaga ang kulang sa kaniya, pero overall ay mukhang malalaglag ang panty ng mga babae kapag nagseryoso ang mukha ng escort ko na 'to.
Humanap na kami ng mauupuan at pinili namin roon sa pinakaharap, kasama ang iba naming kaklase sa Night Class.
Maya-maya pa ay nagsimula na ang program sa pamamagitan ng doxology na sinundan ng speech ng dean at ng mayor na imbitado rin sa event. May katagalan ang speech ni Mayor kaya nakipag-usap muna ako kay Yumi.
"May performance kayo ni Yuehan mamaya, 'di ba?" tanong ko.
Tumango siya. "Oo. Pero sa last part na 'yon ng program kaya kapag nawala ako mamaya, ibig sabihin nag-aayos na ako."
"Bakit kayong dalawa lang ni Yuehan? Baka kasi...anong isipin ng mga fans n'yo kapag nalaman nilang...alam mo na."
Iniisip ko lang ang iisipin ng HiroMi fans. Ayokong makatanggap sila pareho ng bash lalo na't ma-issue ang mga tao kahit sa simpleng bagay lang.
"Kaming dalawa raw kasi ang may chemistry sa pagsasayaw." Nagkibit-balikat siya at nilaro ang mga daliri sa kamay. "At saka okay lang 'yon. Isang performance lang naman, eh. At saka anong magagawa nila? Hindi member si Hiroshin ng dance troupe."
"Sabagay." Nagkibit-balikat na rin ako.
Hindi nagtagal ay nagsimula na ang kainan. Siempre sinulit ko ang pagkuha ng mga pagkain sa buffet table at inenjoy ang pagkain.
Hanggang sa dumating ang pinakahihintay ng lahat, nagsimula nang tumugtog ng sunod-sunod na lovesong mula sa sound system. Inaya na ako ni Tadeo para sumayaw habang si Yumi naman ay pinilahan na kaagad ng mga lalake.
Sana all. Joke.
"Buti na lang ako ang kapartner mo," tumatawang sabi ni Tadeo habang isinasayaw ako. Mas mataas siya sa'kin nang kaunti kahit nakasuot ako ng heels kaya kinailangan ko pa rin tumingala sa kaniya para samaan siya ng tingin. Natatapilok pa ako minsan at nawawalan ng balanse dahil hindi ako sanay magsuot ng heels.
"Bakit? Kasi mahihirapan ako kapag matangkad na lalake ang kasayaw ko?"
Tumawa siya. "Joke lang. Kung nandito si Echo, paniguradong ikaw din ang gusto n'on makapartner."
Hindi ako sumagot dahil nakita ko si Hiroshin at Yumi sa di-kalayuan, nagsasayaw at parehong nakangiti sa isa't isa.
Ang perfect nilang dalawa habang magkasama.
"Hoy, Hiroshin!" tawag ni Tadeo. "Ang dami pang nakapila na gustong isayaw si Yumi! Pagbigyan mo naman!"
"Ako muna." Tumawa si Hiroshin. "Gusto mo palit muna tayo?"
"Ayoko nga! Aagawin mo pa partner ko!"
"Hayaan mo namang isayaw ng iba si Marife, Tadeo," nakangiting sabi ni Yumi. Para niya na ring sinabi na okay lang sa kaniya na isayaw ako ni Hiroshin.
"Ayoko kasing magsayaw ng ibang babae, pero sige!" Tila napilitan pa si Tadeo.
"Buti nga hindi ka pumila, eh." Tumawa si Hiroshin at binitawan na si Yumi para pumunta sa akin. Binitawan na rin ako ni Tadeo kahit mukhang napipilitan.
"Hi," nakangiting bati ni Hiroshin sa'kin. Hinawakan niya ang bewang ko kaya nilagay ko na rin ang mga kamay ko sa balikat niya.
"Dami mong fans, oh." Inginuso ko ang mga babaeng nakatingin sa direksyon namin.
Hindi man lang iyon nilingon ni Hiroshin dahil nakatutok ang mga mata niya sa'kin. Natapos na ang kanta kaya pumalit ang isang pamilyar na tugtugin mula kay Ed Sheeran na ang title ay 'Perfect'.
"Alam mo, maganda ka kapag confident ka sa sarili mo," nakangiting sabi niya, dahilan para makita ko na naman ang dimple niya.
"Huwag ka nang mambola. Anong feeling na maisayaw ang kaibigan kong pinapangarap ng marami?" pag-iiba ko ng topic. Nagwawala na kasi ang puso ko ngayong magkalapit kami. Kahit ayaw ko nang maramdaman ito, nagkukusa pa rin.
Tumawa siya. "Satisfying. Eh ikaw? Anong pakiramdam na makasayaw mo 'ko kahit..." Lumingon siya sa mga babaeng nakatingin sa kaniya sa likod. "kahit maraming nakaabang?"
Iyong totoo? Hindi ko maipaliwanag. Basta ang alam ko, ibang-iba ang nararamdaman ko kapag nasa malapit ka lang.
"Nakaka-proud." Iyon lang ang nasabi ko kahit gustong-gusto kong sabihin sa kaniya ang totoo. Pero bakit pa? Ayokong makasira sa kanila ni Yumi. Ang perfect na nilang dalawa, sisirain ko pa ba?
Ngumiti siya at kinuha ang isa kong kamay para paikutin ako. Tumawa ako sa ginawa niya. Hindi niya binitawan ang kamay ko para makasabay ako sa pagsayaw.
"Nabanggit sa'kin ni Yumi na may performance sila ni Yuehan mamaya," kwento ko.
"Ah, oo. Anong meron do'n?"
"Hindi ka ba magseselos na may ibang ka-partner sa pagsasayaw si Yumi? I mean, hindi naman sa pinipilit kitang magselos pero gusto kong malaman ang opinyon mo."
"Pwede kang maging interviewer, alam mo ba 'yon?" Tumawa siya. "Pero hindi. Hindi ako nagseselos. At wala naman akong dapat ikaselos."
"Swerte niya sa'yo," sambit ko, nakatulala sa mukha niya.
Medyo nabura ang ngiti niya sa sinabi ko. "Swerte? Baka ako ang swerte sa kaniya." Umiwas siya ng tingin na parang may inaalala.
"Pareho kayong swerte sa isa't isa," giit ko.
"Bakit ba 'yan ang pinag-uusapan natin? Pag-usapan naman natin ang lovelife mo." Halatang sinadya niyang ibahin ang topic. "Wala ka pang boyfriend?"
"Wala. Walang nagkakamali. At kung meron man, ipapakilala ko 'yon sa inyo ni Tadeo."
"Dapat lang. Dadaan muna siya sa'min bago ka niya maligawan." Tumawa siya.
Lumapit ang mga babaeng kanina pa tumitingin kay Hiroshin. Bumitaw na ako para pagbigyan sila at umupo na lang muna sa pwesto namin. Wala pang kalahating oras pero ang sakit na ng paa ko dahil sa suot kong heels. Umupo na lang ako roon at hindi na tumayo pa kahit may ilan na nag-aya para makipagsayaw sa'kin. Gusto ko sana pero hindi na kaya ng paa ko!
Pinanood ko na lang si Yumi at Hiroshin na hindi na magkandaugaga sa dami ng gustong makipagsayaw sa kanila. Napangiti ako sa sarili ko. Pakiramdam ko ay ang swerte ko dahil parte ako ng buhay ng dalawang tao na hinahangaan nila.
Hindi ko alam kung ilang oras ang itinagal ng sayawan na 'yon hanggang sa i-announce na ng emcee kung sinong lalake ang makakatanggap ng Royal Cape. Ibinibigay iyon sa lalakeng hinahangaan ng karamihan at mukhang alam ko na kung sino ang makakatanggap niyon.
"Mr. Hiroshin Iscalera!" masiglang announce ng emcee.
Umugong ang hiyawan at palakpakan. Napangiti ako at nakipagsabayan na rin sa pagpalakpak.
"Hooh! Tropa namin 'yan!" malakas na sigaw ni Tadeo.
Nakita ko si Hiroshin na nakangiting naglakad papunta sa stage. Nakakabingi ang palakpakan at hiyawan ng mga babae. Parang mapuputol na ang mga ugat sa leeg nila sa lakas nilang tumili. Pero hindi ko sila masisisi. Si Hiroshin 'yon, eh. Pangarap siya ng karamihan... pangarap ko.
Sinuot kay Hiroshin ang Royal Cape at hindi ko napigilan ang humanga nang husto sa kaniya. Para siyang prinsepe sa paningin ko—sa paningin naming lahat.
Deserve mo 'yan, Hiroshin. Deserve na deserve mo 'yan.
Binigyan si Hiroshin ng isang microphone para marinig ang sasabihin niya. Iyon na kasi ang oras para pumili siya ng prinsesa niya—na alam naman naming lahat kung sino.
"Will you be my princess..." Nangibabaw ang boses ni Hiroshin sa buong hall. Nakangiti siyang bumaba ng stage para puntahan si Yumi. Nahawi sa gitna ang dinadaanan niya.
Tiningnan ko si Yumi na ngayon ay katabi ko at hawak ang kamay ko nang mahigpit.
"Kinikilig ka?" mapang-asar na tanong ko sa kaniya.
Isang ngiti lang ang sinagot niya sa'kin. Nang huminto sa harap namin si Hiroshin ay tumingin muna siya sa'kin bago itinuon ang mga mata kay Yumi. Dahan-dahan niyang inilahad ang kamay sa harap ni Yumi.
"Will you be my princess….babe?"
Dumoble ang hiyawan at tilian ng lahat nang sinabi iyon ni Hiroshin habang nakatingin kay Yumi. Napangiti ako kahit may nararamdaman akong kirot sa puso ko.
Nakangiting tinanggap ni Yumi ang kamay ni Hiroshin at dahan-dahan silang naglakad papunta sa gitna.
Hindi na yata tumigil ang tilian ng mga babae dahil kay Hiroshin at Yumi hanggang sa matapos ang programang iyon.
Malapit nang 12 midnight nang i-announce na ng emcee ang dance performance ni Yumi at Yuehan. Kanina pa nawawala si Yumi at Yuehan at alam kong naghahanda na sila para sa huling performance na masisilayan ng lahat ngayong gabi ng Prom.
"Napagod ka yata," natatawang puna ni Tadeo kay Hiroshin na kakaupo lang sa pwesto namin. "Nawala lang si Yumi pinagkaguluhan ka na."
"Hindi ka makaka-relate. Hindi ka kasi pogi," biro ni Hiroshin habang niluluwagan ang pagkakalagay ng bow sa may leeg niya. Mukhang napagod siya sa pagpapa-picture sa kaniya ng mga babae kanina.
"Yabang nito, matangkad ka lang naman!" pikon na sagot ni Tadeo. Natawa tuloy ako.
Maya-maya pa ay biglang namatay ang mga ilaw at natira na lang ang ilaw na para sa stage. Natahimik kaming lahat, hinihintay ang susunod na mangyayari.
"Brown out?" tanong ni Tadeo.
Napatingin ako sa stage nang magsimulang tumugtog ang kantang 'The Secret Love Song' ng Little Mix. Kasabay niyon ay ang paglabas ni Yumi at Yuehan sa magkabilang gilid ng stage.
Nakasuot si Yumi ng puting dress na lampas tuhod ang haba at ang makapal niyang buhok ay nakalugay lang. Si Yuehan naman ay simpleng itim na sleeveless shirt ang suot na fit sa katawan na pinaresan ng maong na pantalon. Pareho silang walang sapin sa mga paa kaya alam kong contemporary dance ang gagawin nilang dalawa.
"When you hold me in the street and you kiss me on the dance floor..."
Nagsimulang sumayaw si Yumi at Yuehan. Unang galaw pa lang ng mga paa at kamay nilang dalawa ay nagdala na ng kakaibang kilabot sa akin.
Madalas kong makita si Yumi na sumasayaw pero hindi sa gano'ng genre. Madalas ay puro hip hop at mabibilis ang mga galaw niya kasama ang ibang dance troupe members. Pero ngayon, mabagal ang musika, maraming emosyon at silang dalawa lang ni Yuehan ang nakikita ko.
Pagdating ng chorus ay naghiyawan na ang lahat lalo na nang binuhat ni Yuehan si Yumi at gumawa ng stunt, 'yong tipong halos ibato siya ni Yuehan at mabuti na lang ay hindi sila sumasablay.
Painit nang painit ang bawat galaw ng dalawa lalo na kapag nagdidikit ang mga katawan nila. Hindi ko maipagkakaila at alam kong nararamdaman din ng mga kasama kong nanonood ang chemistry na mayroon ang dalawa. Ayokong sabihin pero mas malakas yata ang spark ni Yuehan at Yumi kaysa noong unang magsayaw ng contemporary dance si Hiroshin at Yumi.
"Ang angas..." dinig kong bulong ni Tadeo. "May tinatagong angas pala sa pagsayaw 'tong si Yuehan, eh. Ang galing nila pareho."
Tiningnan ko si Hiroshin para makita ang reaksyon niya pero nakangiti lang siya habang nanonood.
Paulit-ulit na gumawa ng stunt si Yumi at Yuehan at napanganga na lang kaming lahat. Ang intimate ng mga galawan nila.
Si Yumi...mahinhin siya pero para siyang halimaw pagdating sa sayawan. At si Yuehan...may kakaiba sa appeal niya kapag sumasayaw, dinagdagan pa ng toned niyang pangangatawan. Oo, sasabihin ko na—ang hot nilang dalawa. Ang hot nila lalo na ngayong basa na ng pawis ang mga buhok nila dahil sa kasasayaw.
Sa huling parte ay bumagal nang bumagal ang pagsayaw nilang dalawa.
"I wished that we could be like that...why can't we be like….that?" pagtatapos ng kanta.
Nagtapos ang kanta habang hawak ni Yuehan ang bewang ni Yumi, ang isang kamay ay nasa pisngi ng huli. Magkalapit ang mga mukha nila, hinihingal pareho at may kakaibang emosyon sa mga mata habang nakatitig sa isa't isa.
Napakunot ang noo ko dahil tapos na ang kanta at nagpalakpakan na kaming lahat pero hindi pa rin sila naghihiwalay.
"Baka magkapalitan sila ng mukha niyan..." natatawang biro ni Tadeo.
Tiningnan ko si Hiroshin para makita ang reaksyon niya pero blangkong ekspresyon lang ang nakita ko sa mga mata niya.
Pagbalik ko ng tingin kay Yumi at Yuehan ay nanlaki ang mga mata ko kasabay ng mga singhap mula sa mga kasama kong nanonood.
Pusangina.
"Anong ginagawa nila?!"
"Hoy, umayos kayo!"
"Grabe! Bakit niya ginawa 'yon?!"
"Ay, gagi…" rinig kong sabi ni Tadeo. "Harap-harapan?!"
Mabilis kong nilingon si Hiroshin para makita ang reaksyon niya pero nakaawang lang ang bibig niya habang nakatingin kay Yumi at Yuehan...na naghahalikan sa harap namin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top