34. It's Mhae
C H A P T E R 34:
It's Mhae
Hindi malala ang sugat sa ulo ni Yumi kaya nakahinga kami nang maluwag nang dumilat na ang mga mata niya. Pero hindi pa rin kami lubusang masaya dahil panggising niya ay nagwala siya, takot na takot at parang nawawala sa sarili. Wala kaming nagawa kundi panoorin siyang magkagano'n habang tinuturukan ng pampakalma ng mga nurse.
"D-Dios ko..." umiiyak na sambit ni Tita Vicky. "Anak ko..."
"T-Tita Vicky..." Dinaluhan ko kaagad siya nang sumuray ang tayo niya. Mabuti na lang at nasa tabi niya si Oliver at naalalayan siya nito.
Inalalayan muna namin siya papunta sa labas para pakalmahin siya. Naiintindihan ko kung bakit siya nagkakaganito. Mahirap para sa isang ina ang makitang nasa gano'ng sitwasyon ang anak. Hindi ko tuloy mapigil ang pagbuhos ng mga luha ko habang pinapakalma namin siya ni Oliver.
Sinisisi ko ang sarili ko. Sana hindi ko na lang tinext si Hiroshin. Sana hindi niya iniwan si Yumi para sa'kin.
"A-Ang bait-bait ng anak ko," umiiyak na sambit ni Tita Vicky. "Bakit kailangan niyang maranasan 'to? Wala naman siyang tinapakang tao, bakit siya ginaganito?"
"M-May mga tao po kasi na...hindi masaya sa mga nararating niya. Maraming naiinggit at mas piniling saktan siya kahit wala siyang ginagawang masama…"
At isa na ako roon. Pero hindi ko ginusto 'to. Hindi ko ginusto na mapahamak siya. Pero kahit anong isipin ko, hindi pa rin maiaalis niyon ang katotohanan na isa ako sa dahilan kung bakit nagkaganito si Yumi...kung bakit nagkaganito ang kaibigan ko.
Iniwan ko si Tita Vicky at Oliver sa mahabang upuan para tingnan kung ano na ang sitwasyon ni Yumi sa loob. Pagbukas ko ng pinto ay nakita ko si Hiroshin na nakaupo sa gilid ng natutulog na Yumi at hawak ang kamay nito, umiiyak.
"S-Sorry. Mahal kita. Mahal na mahal kita. Please...patawarin mo 'ko… Mahal kita..." Paulit-ulit iyon na sinambit ni Hiroshin sa harap ni Yumi.
Napahawak ako sa dibdib nang maramdaman ang pagsikip nito. Bumuntong-hininga ako nang paulit-ulit para maalis iyon, hindi ito ang tamang oras para masaktan ako sa nakikita ko.
Si Yumi. Siya lang dapat ang isipin ko ngayon.
Humigpit ang pagkakahawak ko sa door knob nang makitang hinalikan ni Hiroshin ang noo ni Yumi. Napapikit ako nang mariin at nagdesisyon na huwag na lang pumasok.
Nagpaalam na rin ako kay Tita Vicky na uuwi muna ako para magpahinga at sinabing dadalaw ulit ako. Pero imbes na dumiretso sa bahay ay pumunta ako sa boarding house kung saan nakatira si Lovely. Alam kong nando'n siya at hindi ko palalampasin ang ginawa niya.
"Makikipag-away ka ba?" tanong ni Oliver na kanina pa ako sinusundan. Kakababa lang namin ng jeep.
"Ano ngayon kung makikipag-away ako?" tugon ko bago marahas na binuksan ang gate.
"Hindi ako sanay umawat ng nagsasabunutan na babae—"
"Sinong may sabi sa'yo na sasabunutan ko siya?" Umismid ako.
Pagpasok ko sa loob ay bumungad ang nagtatakang mukha ng mga lalakeng boarders. Ang alam kasi nila ay hindi na ako rito nakatira. Hindi ko sila pinansin at dire-diretso akong umakyat sa taas. Walang katao-tao roon kaya dumiretso ako sa kwarto ni Lovely. Sinipa ko ang pinto para mabuksan at bumungad sa akin ang gulat na gulat na si Lovely. Napatayo siya mula sa pagkakaupo sa vanity chair niya at binigyan ako ng nagtatakang tingin.
"Anong ginagawa mo—" Hindi ko na siya pinatapos sa pagsasalita dahil sinugod ko na siya at hinawakan nang mariin ang leeg niya.
Nawalan siya ng balanse at napasandig sa vanity mirror. Naglaglagan ang mga make up niya na nakapatong sa table pero hindi ko iyon pinansin.
"A-Ano ba!" nahihirapan na sambit niya at pilit inaalis ang kamay ko sa leeg niya. Magkahalong pagtataka at takot ang nababasa ko ngayon sa mga mata niya.
"Bakit mo ginawa kay Yumi 'to?! Anong kasalanan niya sa'yo?!" nanggigigil na sigaw ko sa mismong mukha niya.
Mabuti na lang talaga at may natitira pa akong katinuan at hindi ko hinihigpitan ang pagkakasakal ko sa kaniya. Kaunti na lang talaga! Sagutin niya lang ako nang pabalang ay hindi ko na alam ang magagawa ko!
"P-Paano ako makapagsalita kung…" Napangiwi siya nang higpitan ko lalo ang pagkakahawak sa leeg niya. "K-Kung sinasakal mo 'ko?"
Naglapat ang mga labi ko. "Wala akong maalala na ginawang masama sa'yo si Yumi! Sa akin, pwede pa! Sa akin ka magalit dahil ako ang dahilan kung bakit ka nabuking! Huwag mo nang idamay si Yumi dahil wala siyang ginawang masama sa'yo!"
"Marife!" Naramdaman ko ang paghatak sa akin ni Oliver palayo kay Lovely. "Papatayin mo sa sakal 'yong tao!"
Hindi ko siya pinansin at hinayaan ko lang na hawakan niya ako sa magkabilang braso. Umubo nang umubo si Lovely habang hawak ang sariling leeg, hinahabol ang hininga.
"W-Wala akong kinalaman sa sinasabi mo!" hinihingal na sigaw niya. "Bakit bigla-bigla kang sumusugod?!"
"Magmamaang-maangan ka pa talaga?! Nasa presinto na 'yong dalawang lalakeng inutusan mo para gawan ng masama si Yumi! Hayop ka, eh! Pati kaibigan ko dinamay mo!"
Kumunot ang noo niya at umawang ang bibig. "Anong inutusan?! Wala akong inutusan!"
"Talaga ba?! Eh umamin 'yong mga inutusan mo, eh! Sabi nila, ikaw ang nag-utos sa kanila!"
Mas lalong kumunot ang noo niya. Napatitig siya sa sahig na para bang may inaalala.
"Bobo ba sila? Anong inutusan?" Kausap niya ang sarili niya. "Mga tropa 'yon ng kapatid ko pero hindi ko sila inutusan!"
"Tropa ng kapatid…" ulit ko. "Huwag mo akong lokohin dahil wala kang kapatid!"
"May kapatid ako!" giit niya. "Mas marunong ka pa?!"
"Totoo ang sinasabi niya." Nangibabaw ang boses ng isang lalake mula sa likod ko.
Paglingon ko ay nakita ko 'yong lalakeng kahalikan ni Lovely dati, 'yong gwapong basketball player.
"Wala siyang kinalaman sa binibintang n'yo," dagdag niya sabay tingin kay Lovely.
"Paano mo nasabi?" mariing tanong ko. "Kilala ko na 'yang babaeng 'yan, eh." Tinuro ko si Lovely. "Nag-uumapaw sa inggit ang katawan niyan."
"She was with me earlier. She ranted about the embarrassing moment she got at the party but I didn't hear her gave a command to those asshole to harass your friend."
"Pero 'yon ang sinabi ng mga lalakeng—"
"Probably, they just want to involve Lovely's name," putol niya sa sinasabi ko. "Kilala ko ang mga taong 'yon. Ayaw nilang may nananakit o nagpapahiya sa kapatid ng tropa nila. And yes, she has a brother…in case you don't know. Maybe they misunderstood what Lovely said earlier, which is why they resorted to this."
"Gago…" Natakpan ni Oliver ang ilong niya. "Puta, wala akong naintindihan."
Napapikit ako sa inis at paulit-ulit na bumuntong-hininga. Mukha namang nagsasabi siya ng totoo dahil sa pagkakaalam ko ay hindi sila magkasundo ni Lovely, kaya wala siyang dahilan para pagtakpan ito.
"Magre-report ako sa pulis tungkol sa mga alam ko." Akala ko ay ako ang kinakausap ng lalake, pero kay Lovely siya nakatingin. "Next time, you watch the words coming from your mouth. Para hindi ka…" Tumingin siya sa'kin. "napagbibintangan kaagad…"
Hindi na ako nakapagsalita. Tiningnan ko si Lovely na ngayon ay masama ang tingin sa akin. Napailing ako at kumawala sa pagkakahawak sa akin ni Oliver para makaalis na sa kwartong iyon.
Hinatid ako ni Oliver sa bahay at hindi na ako nagsalita pa hanggang sa makarating kami.
"Huwag ka na umiyak," sabi ni Oliver nang huminto kami sa tapat ng gate namin. "Huwag mong sisisihin ang sarili mo. Wala kang kasalanan."
"Wala akong kasalanan pero isa ako sa dahilan kung bakit nangyari 'yon sa kaniya," sagot, nakatulala. "Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung natuloy ang balak ng mga lalakeng 'yon." Tumulo ang mga luha ko. "Hindi ko tuloy alam kung paano ko siya haharapin. Hindi ko alam kung mapapatawad niya ako…"
"Kung talagang kaibigan pa rin ang turing niya sa'yo, hindi ka niya sisisihin," tugon ni Oliver. "Hindi mo ginusto ang nangyari."
Tinakpan ko ang mukha ko at doon humagulhol. Ang bigat sa dibdib dahil kahit anong gawin ko, nakatatak pa rin sa isip ko na ako ang may kasalanan sa nangyari kay Yumi.
Naramdaman ko ang pagyakap ni Oliver sa akin. Inalis ko ang takip sa mukha ko at sinubsob iyon sa dibdib niya at doon ako umiyak nang umiyak.
"Huwag ka nang mahiya, pwede mong gawing singahan ang jacket ko—Aray!" reklamo niya nang hampasin ko ang dibdib niya.
Kahit papa'no, gumaan ang loob ko dahil nasa tabi ko si Oliver ngayon. Kahit wala siyang alam sa nangyari ay naiintindihan niya ang sitwasyon ko...at kinampihan niya pa ako nang pagbuntunan ako ng galit ni Hiroshin.
"Magpahinga ka na sa loob, tama na 'yang kakaiyak mo." Hinawi niya ang buhok ko na nagkagulo-gulo na sa pagkakatali. "Pangit mo na tuloy."
"Matagal na." Umismid ako at pinunasan ang mga luha sa pisngi ko. "Sige na. Umuwi ka na rin. Ikaw na ang bahala kay Hiroshin. Alalayan mo ang kapatid mo."
Hindi siya sumagot pero tumango na lang siya. Mabibigat ang hakbang na naglakad ako papasok ng bahay. Naabutan ko si Ate Monica na naghahanda na para pumasok sa trabaho niya. Niyakap niya kaagad ako nang makita niya 'ko.
"Kamusta si Yumi?"
"H-Hindi siya okay, Ate…" Nagsimula na namang bumuhos ang mga luha ko.
"Gusto ko siyang dalawin pero may trabaho pa ako. Bukas ko na lang siya dadalawin." Pinunasan niya ang mga luha ko. "Tahan na. Magiging okay din si Yumi."
Tumango ako, naniniwalang magiging okay siya sa kabila ng mga nangyari.
Kailangan mong maging okay, Yumi. Babawi pa ako sa'yo.
Hindi ko alam kung paano ako nakatulog noong gabing iyon sa kabila ng mga iniiisip ko. Nakatulog na lang ako sa kakaiyak ko.
Walang pasok kinabukasan kaya hinayaan ko ang sarili ko na magising nang tanghali. Nagising lang ako nang dumating si Ate Monica.
"Nanggaling na ako sa ospital. Sumabay na rin ako nang ma-discharge si Yumi."
Napatigil ako pagtimpla ng gatas nang marinig ang sinabi ni Ate Monica.
"Na-discharge na si Yumi?"
"Oo. Pinauwi na siya ng doktor."
"P-Pwede ko ba siyang puntahan?"
Tumingin siya sa'kin, nag-aalala ang mga mata. "Bakit kailangan mo pang magtanong nang ganyan? Siempre pwede."
"Natatakot lang ako sa sasabihin ni Tita Vicky, Ate…"
"Hindi ka niya sinisisi, pati nga si Hiroshin ay hindi niya sinisi sa nangyari sa anak niya." Hinawakan niya ang kamay ko. "Puntahan mo na siya. Ang sabi ng doktor, kailangan ni Yumi ng kakausap sa kaniya. Kailangan ka niya, Marife."
***
"Nasa kwarto siya..."
"S-Salamat po," nakangiting tugon ko kay Tita Vicky.
Sinamahan niya ako papunta sa kwarto ni Yumi. Tahimik ang buong paligid kaya rinig na rinig ko ang malakas na kabog ng dibdib ko.
"Malaking trauma ang idinulot sa kaniya ng pangyayaring 'yon," basag ang tinig na sambit ni Tita Vicky nang makapasok kami sa kwarto ng kaibigan ko.
Pinagmasdan ko si Yumi habang nakaupo sa kama at yakap ang mga tuhod, sa labas ng bintana ang tingin at nakatulala.
"H-Halos hindi na siya kumain," patuloy ni Tita Vicky. "A-Awang-awa na 'ko sa anak ko, Marife."
Nakaramdam na naman ako ng kirot sa puso ko nang marinig ko ang hikbi ni Tita Vicky. Kinuyom ko ang mga kamao ko at ilang ulit na bumuntong-hininga, pinipigilan ang maluha.
Nandito ako para sa kaibigan ko. Nandito ako para humingi ng tawad. Kasalanan ko lahat. Kasalanan ko ang nangyari sa kanya.
"Malalagpasan din niya 'to, Tita Vicky," alo ko. "Matapang ang anak n'yo. Matapang ang kaibigan ko..."
Nginitian niya ako sa kabila ng luhaan niyang mga mata. "Sana nga. Maiwan muna kita rito."
Tumango ako sa kaniya bago ko muling binalingan si Yumi. Narinig ko ang pagsara ng pinto at alam kong kaming dalawa na lang ng kaibigan ko ang narito sa kwarto.
Dahan-dahan akong umupo sa gilid ng kama, malapit kay Yumi. Hindi niya man lang ako tinapunan ng tingin pero alam kong alam niya na nandito ako.
"Yumi..." Pumiyok na kaagad ang boses ko kaya paulit-ulit akong lumunok. Nag-umpisa na ring sumikip ang dibdib ko dahil sa pinipigilang emosyon. "Y-Yumi...Sorry..."
Tinakpan ko ang bibig ko nang mag-umpisa na akong humagulhol. Bumuhos na ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Unti-unti, nilalamon na naman ako ng galit at paninisi ko sa sarili ko.
"K-Kung alam mo lang kung gaano ko sinisisi ang sarili ko sa mga nangyari sa'yo. H-Hindi ko alam kung mapapatawad mo pa ako..."
Naging mabuti siyang kaibigan sa akin pero ito ang isinukli ko sa kaniya.
"S-Sa sobrang inggit ko sa mga achievements mo...s-sa mga kaibigan na mayroon ka...s-sa mga papuring n-natatanggap mo...ay nabulagan ako at nakalimutan ko na naging kaibigan kita, na tayo dapat ang magkakampi...na tayo dapat ang nagtutulungan." Muli akong humagulhol. "P-Pero iniwan kita...a-at sinaktan..."
Nasasaktan ako na nakikita ko siya sa ganitong sitwasyon. Oo, nagalit ako sa kaniya pero hindi ko gusto na maranasan niya ito. Hindi ako gano'n kasama.
Hinawakan ko ang kamay niya. Malabo na ang paningin ko dahil sa mga luha pero nakita ko pa rin na napatingin siya sa kamay kong nakahawak sa kaniya.
"S-Sorry, Mayumi...Ako na ulit 'to, si Mhae na matalik mong kaibigan, 'yong pwede mong sandalan, 'yong pwede mong pagsabihan ng mga problema mo. 'Yong Mhae na hindi ka kayang saktan kasi mahal na mahal ka niya..."
Pinunasan ko ang mga luha sa pisngi ko at nakita ko nang malinaw ang pagpatak ng mga luha mula sa mga mata niya, pero sa kabila niyon ay wala pa ring reaksyon ang mukha niya.
Kumurap siya nang dalawang beses at saka muling tumingin sa bintana.
"A-Akala ko ay naranasan ko na ang pinakamasakit na nangyari sa buhay ko. Pero...pero mas masakit pala ang mawalan ng kaibigan...ng totoong kaibigan. Kaya sana bumalik ka na. Bumalik ka na, Yumi. Miss na miss na kita..."
Humagulhol lang ako habang hawak ko ang kamay niya. Paulit-ulit akong humihingi ng tawad pero hindi siya sumasagot. Doon ko na-realize na sobrang lalim ng sugat na ginawa ko sa pagkatao niya.
Niyakap ko siya nang mahigpit pero hindi man lang siya gumalaw. Napapikit ako habang inaalala ang mga pinagsamahan naming dalawa. Napangiti ako at hindi ko napigilang kantahin ang isang partikular na kanta.
"Hey, it's me...the one who'll always cared for you. Oh, yes it's me...the one who'll always love you. I just hope you still remember...and I wish it crossed your mind...all the memories that we have left behind..."
All the memories that we have left behind...
Hanggang alaala na lang yata ang lahat ng iyon. Dahil sinira ko siya. Sinira ko ang pagkakaibigan naming dalawa.
Mariin ko pang pinikit ang mga mata ko para alalahanin ang masayang nakaraan.
Kung hindi ko kaya ginawa ang mga ginawa ko noon, mangyayari ba ang lahat ng ito? Mangyayari ba 'to kay Yumi?
Dumilat ako at pinunasan ang mga luhang dumaloy sa pisngi ko. Napatingin ako sa gilid kung saan nakalagay ang maliit na bookshelves ni Yumi. Natuon ang atensyon ko sa isang journal na kulay pink na nakasuksok sa pinakadulo.
Dala ng curiosity, tumayo ako at kinuha iyon. Halos madurog ang puso ko nang buklatin iyon...at nakita ko ang pictures namin ni Yumi noong Grade 6 kami. Magkayakap kami at parehong nakatingin sa camera, magkadikit ang mga pisngi at may ngiti sa mga labi.
'She's Mhae, my best of friends.' Iyon ang nakasulat sa baba ng picture naming dalawa ni Yumi.
Tinakpan ko ang bibig ko para hindi magkaroon ng tunog ang paghagulhol ko. Tiningnan ko lahat ng laman niyon at wala akong ibang nakita kundi mga pictures namin ni Yumi habang magkasama. Napakainosente pa namin noon. Ni hindi ko pa alam kung paano mainggit sa kaniya kasi ang alam ko lang noon ay mag-bestfriend kami at kung ano ang achievement na nakuha niya ay achievement ko na rin.
Nakakalungkot lang na binabago ng panahon kung paano mag-isip ang mga tao.
Sunod kong tiningnan ang isang notebook na pamilyar sa akin. Kinuha ko iyon at binuklat. Hindi nga ako nagkamali nang makita ko ang lumang Slumbook ni Cathy. Tandang-tanda ko pa na nagsulat din ako roon.
Napangiti ako sa kabila ng pagluha ko. Naalala ko pa na isa ito sa dahilan kung bakit nagtanim ako ng galit kay Yumi. Nakita ko kasi ang sinagot niya sa tanong na kung sino ang bestfriend niya—at hindi ako kasama sa sinulat niya.
Binalikan ko ang page kung saan naroon ang pangalan ni Yumi at ang mga sinagutan niyang tanong. Natigilan ako nang makitang may nakasulat pa pala sa pinakababa ng papel. Hindi ko iyon napansin noon dahil sobrang liit lang. Sulat kamay iyon ni Yumi at napaluha ako lalo nang mabasa ang nakasulat.
Who is your best best friend? Mhae. :)
Best best friend. Iyon ang tingin niya sa'kin kaya hindi niya ako sinama sa pangalan ni Cathy, Hope at Sole.
Napatakan ng mga luha ko ang papel kaya sinara ko iyon at nilagay sa dibdib ko. Ang bigat sa dibdib na inisip ko na kinalimutan niya ako noon, dahil ang totoo ay ako—ako ang nakalimot sa pagiging magkaibigan naming dalawa. Ang sama-sama kong kaibigan.
"M-Mhae…"
Natigil ako sa pag-iyak nang marinig ko ang boses ni Yumi. Napalingon ako sa kama kung saan naroon pa rin siya at nakaupo. Kumikislap ang mga mata niya dahil sa nagbabadyang pagluha habang nakatingin sa akin. Pakiramdam ko ay piniga ang puso ko nang bigyan niya ako ng isang matamis na ngiti.
"Y-Yumi..." Ibinalik ko sa shelf ang notebook at patakbo siyang nilapitan para yakapin nang mahigpit. Doon na bumuhos ang emosyon ko.
"Y-Yumi...s-sorry...sorry…"
Hinagod niya ang balikat ko at naramdaman ko ang mainit na likidong tumulo sa balikat ko.
"N-Narinig kita..." mahinang sambit niya. "At hindi mo kailangan sisihin ang sarili mo. Hindi kita sinisisi. Hindi ko gagawin 'yon kasi kaibigan kita. Kaibigan pa rin kita kahit matagal tayong hindi nag-usap. Mahal kita..."
Kumalas ako sa pagkakayakap sa kaniya kaya nakita ko ang basang-basa na pisngi niya dulot ng mga luha.
"K-Kamusta ang pakiramdam mo, ha? May masakit ba sa'yo?" Hinawakan ko ang magkabila niyang pisngi. "Ano, saan ang masakit?"
"Kaya kong tiisin ang sakit," nakangiti sambit niya. "Basta nasa tabi ko kayong mga taong importante sa buhay ko…"
"Yumi…" Hinawakan ko ang magkabila niyang kamay. "Yumi, patawarin mo 'ko. Patawarin mo 'ko sa lahat ng ginawa ko sa'yo. Hindi ko gusto na mangyari sa'yo 'to, hindi ko gustong saktan ka…"
"Shh…" Ngumiti siya at pinunasan ang mga luha ko. "Wala kang dapat ihingi ng tawad kasi kahit anong gawin mo sa'kin, hindi ko kayang magalit sa'yo. Mhae, ikaw ang kaibigan at kakampi ko mula pa noong mga bata tayo...at mananatili 'yon dito sa puso ko."
"B-Bakit ba ang bait mo, Yumi—"
"Kasi gano'n ako magmahal. Kaibigan kita at papatawarin kita nang paulit-ulit-ulit…"
"K-Kahit nainggit ako sa'yo?"
Ngumiti siya. "Aaminin kong nasaktan ako nang malaman ko 'yan pero naiintindihan kita, pinili kong intindihin ka kasi wala ako sa sitwasyon mo para i-invalidate ang nararamdaman mo."
"Pero mali ang maiinggit ako sa'yo lalo't kaibigan kita, Yumi…"
"At parte 'yon ng pag-grow natin, Mhae. Kaya sana... patawarin mo na ang sarili mo." Hinalikan niya ang noo ko at niyakap ako nang mahigpit. "A-Alam kong hindi mo pa rin pinapakawalan ang nakaraan sa pagkamatay ng mga magulang mo pero kailangan mo nang alisin sa isip mo na hindi lahat ng tao ay huhusgahan ka base sa itsura mo."
"Tandaan mo na nadadaya ang mga mata, pero hindi ang puso. Kahit gaano pa kapangit ang isang tao, mangingibabaw ang ganda mula sa loob nito. Maganda ka, Mhae. Maganda ang kalooban mo at kailangan mo lang mahalin ang sarili mo at lalabas ang totoong ikaw. 'Yong hindi mahiyain, 'yong hindi maiinggit sa iba kasi alam niyang may itinakda rin para sa kaniya ang Dios, 'yong kayang itaas ang noo niya habang naglalakad sa gitna ng maraming tao kasi alam niya sa sarili niya na maganda siya."
Napapikit ako at hinayaang bumuhos ang mga luha mula sa mga mata ko, dinadama ang bawat salitang sinasabi ni Yumi.
"S-Salamat, Yumi. Maraming salamat..."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top