33. Tulong
C H A P T E R 33:
Tulong
Hinintay naming tumila ang ulan bago kami umalis sa waiting shed na sinilungan namin ni Hiroshin. Wala siyang imik pero nilagay niya sa balikat ko ang jacket niya para hindi raw ako ginawin. Wala rin akong lakas magsalita. Parang naubos ang lakas ko sa pag-iyak kanina.
"Umuwi ka na at magpahinga," sambit niya nang tumigil kami sa harap ng jeep na naghihintay ng mga pasahero.
"I-Itong jacket mo—"
"Iuwi mo muna 'yan. Mas kailangan mo 'yan kasi malamig at nabasa ka ng ulan kanina," putol niya sa sinasabi ko.
Napatango ako, hindi makatingin sa kaniya. "S-Sige."
Tumalikod na ako pero lumingon ulit nang may maalala. Nakatayo pa rin pala siya roon habang nakapamulsa at nakatingin sa akin.
"A-Alagaan mo si Yumi," sabi ko. "Kailangan ka niya."
Hindi siya nagsalita pero tumango siya bilang sagot. Tumalikod na ako at sumakay na sa jeep. Tinanaw ko siya sa labas at naroon pa rin siya, nakatulala at parang malalim ang iniisip.
Kinagat ko ang pang-itaas kong labi at umiwas na lang ng tingin. Alam ko, nararamdaman ko na ito na ang huling beses na mag-uusap kami ni Hiroshin. Dahil sa mga susunod na araw ay iiwas na lang ako sa kanilang dalawa.
Iyon naman ang mas makakabuti para sa'min, 'di ba? Ang bigyan ng panahon ang isa't isa para maghilom. Okay lang na mag-isa ako, kaya ko naman, eh. Kakayanin ko.
Pag-uwi ko ng bahay ay naabutan ko si Ate Monica na naghahain sa mesa.
"Ate, bakit ka nagluto? Hindi ba sabi ko hintayin mo 'ko?" tanong ko pagkatapos kong magbihis at pumasok ng kusina.
"Hayaan mo na 'ko. Gusto lang kitang alagaan," sagot niya habang naglalagay ng kanin sa plato ko. "Bakit nga pala ang tagal mong nakauwi? Hindi ba 8 PM ang uwi n'yo? Lumampas ka—" Napatigil siya sa pagsasalita nang mapatingin siya sa mukha ko.
Tumulo ang mga luha ko at napaiwas ng tingin. Akala ko tapos na akong umiyak pero hindi pa pala.
"Marife..." nag-aalalang tawag niya. Binitawan niya ang ginagawa at lumapit sa'kin para hawakan ang pisngi ko. "Bakit ka umiiyak? May umaway ba sa'yo? Ano, susuntukin ko ba? Magsalita ka."
"M-Masama ba akong tao, Ate?"
Natigilan siya sa tanong ko. Nag-angat ako ng tingin sa kaniya. "Nainggit ako kay Yumi. Nasaktan ko siya. Hindi ko man lang naisip ang mararamdaman niya. A-Ang sama ko, Ate…"
Niyakap niya ako. Hindi siya nagsalita pero pinaramdam niya sa'kin ang pag-alo niya sa pamamagitan ng paghaplos sa likod ko.
"H-Hirap na hirap na ako, Ate. Gusto ko nang maalis 'tong nararamdaman ko. Hindi dapat ako ganito, hindi dapat ako naiinggit sa iba. Hindi dapat ako nai-insecure sa sarili ko…" umiiyak na sambit ko. Bawat salitang lumalabas sa bibig ko ay napuputol dahil sa paghagulhol ko.
Kumalas sa pagkakayakap sa'kin si Ate Monica at kinulong sa mga palad niya ang mukha ko.
"Bakit ngayon mo lang sinabi 'yan?" Tumulo ang mga luha niya. "Bakit hindi mo pinaalam sa'kin? Sana natulungan kitang alisin 'yan noong bata ka pa. Bakit...bakit hindi mo sinabi? Marife naman..."
"H-Hindi ko alam kung paano sasabihin sa'yo, Ate." Paulit-ulit akong umiling. "Hindi ako nagkaroon ng pagkakataon kasi akala ko natural lang 'yon."
"Pero habang lumalaki ako, lalong lumalala. Ate, nasaktan ko si Yumi. Hindi ko man lang naisip na masasaktan siya. Naging plastik ako sa kaniya, hindi ako naging masaya para sa kaniya tuwing may naa-achieve siya, dinaya ko siya sa battle of the sounds noon kasi gusto ko siyang matalo, natuwa ako noong nakita ko siyang umiiyak dahil kay Lovely. Ate, ang sam..."
"Hindi." Mariing umiling si Ate Monica. "Hindi ka masamang tao. Oo, hindi maganda 'yong mga ginawa mo at hindi rin maganda na nainggit ka kay Yumi pero tandaan mo na hindi ka masama. Naiintindihan mo?"
Hinalikan niya ang noo ko dahilan para makaramdam ako ng kapayapaan sa puso ko.
"Hindi ka dapat naiinggit sa ibang tao kasi may sarili kang daan na tatahakin, Marife," dagdag niya. "Kayang-kaya mong makipagsabayan sa kanila kahit palagi mong sinasabi na hindi ka maganda. Ano naman kung hindi ka kasingganda ni Yumi? Matalino ka at pag-igihan mo 'yon. Kasi kapag nakatingin ka lang sa kung anong kulang sa'yo, hindi ka uusad, paulit-ulit mong mamaliitin ang sarili mo at paulit-ulit ka lang makakasakit sa mga taong nasa paligid mo."
"Wala ka sa kompetensya, Marife. Hindi mo kalaban si Yumi. Kaibigan mo siya at mahal ka niya."
Hindi ako sumagot at umiyak lang nang umiyak habang hinahaplos ni Ate Monica ang pisngi ko. Lahat ng sinabi niya ay tumatak sa isip ko.
Tama siya. Wala ako sa kompetensya. Bakit kailangan kong ikumpara ang sarili ko sa iba? Lahat ng tao ay may kaniya-kaniyang panahon para kuminang.
"Mahalin mo ang sarili mo, Marife. Embrace your flaws."
Noong gabing 'yon, nagnilay ako para sa sarili ko, para mahanap ko ang tunay na halaga ko.
***
Hindi na kami nag-usap pa ni Hiroshin at Yumi pagkatapos ng pangyayaring iyon. Siguro ay dahil alam nilang umiiwas ako kaya umiiwas na rin sila. Kahit sa trabaho ay nag-uusap na lang kami ni Hiroshin kapag kailangan. Hindi ako sanay pero tiniis ko na lang.
Kahit gano'n ang nangyari, nagpapasalamat ako dahil walang nagkalat sa amin tungkol sa ginawa ni Lovely na pwede akong madamay. I mean, mahirap kapag na-issue ang pangalan ko kay Yumi lalo na't marami siyang fans na paniguradong magtatanggol sa kaniya. At ayokong ma-bash dahil paniguradong titirahin nila ang itsura ko. Ayoko niyon.
Sa unang linggo ng Disyembre ay nagkaroon ng meeting kaming mga magkaklase habang wala ang isang lecturer namin. Nasa harap si Hope habang pinag-uusapan kung ano ang mga gagawin sa darating na Christmas party. Hindi sana ako sasama pero nakiusap si Sole sa'kin. Gusto niya raw kasi na kumpleto ang Night Class 10 bago kami maghiwa-hiwalay.
"Guys, guys!" Sumulpot bigla si Sole sa pinto ng classroom namin, hinihingal at mukhang excited. "Pumayag na si Dean! Pwede nating gamitin ang Pavilion para sa Christmas party!"
Naghiyawan sa tuwa ang mga kaklase ko. Matagal na kasing nire-request ng mga kaklase ko na ganapin ang party sa Pavilion dahil malawak ito kumpara sa classroom namin.
"Magpe-perform tayong lahat, ah! Walang tatanggi!" hyper na sabi ni Sole na nakatayo na sa tabi ni Hope. "Kakanta ang mga singer, sasayaw ang mga dancers, basta lahat ng may talent, magkakaroon ng participation. Guys, this is the last Christmas party na magkakasama tayong lahat kaya sana walang killjoy, okay?"
"She's right," segunda ni Hope. "Next year, hindi natin alam kung magkakasama pa tayo kasi alam nating lahat na magkakahiwalay tayo ng school at ng strand sa Senior."
Kinagat ko ang pang-itaas kong labi. Parang ang bilis ng panahon. Patapos na kami sa pagiging Junior at magkakahiwalay-hiwalay na kami ng landas. Parang ang bigat sa dibdib isipin. Kahit hindi ako close sa karamihan, nalulungkot pa rin ako na darating ang araw na maghihiwalay kami.
Sa linggong 'yon ay nagkaroon na rin ng announcement tungkol sa top ten—at ako ulit ang top one. Si Yumi? Wala pa rin siya sa top ten. Walang bumati sa akin, marahil ay iniisip pa rin nila na ako at si Lovely pa rin ang dahilan kung bakit nawala si Yumi. Wala naman akong magagawa kung 'yon ang iisipin nila. Medyo nasasanay na rin lang ako...na walang kakampi.
Pagdating ng Christmas party, nagsuot kami ng mga costume para sa mag-perform sa harap ni Ma'am Veronica. Nahiya pa ako dahil hindi talaga ako sumasayaw pero kinaya ko na lang dahil ayokong maging killjoy.
Pagkatapos niyon ay isang surpresa ang bumungad sa aming lahat. Dumating si Echo. Oo si Echo, si Echo na bigla na lang nawala at sumama sa girlfriend niya.
"Anong nangyari noong wala ako?" tanong ni Echo sa akin habang nakaupo kami sa gilid, pinapanood ang mga kaklase naming naglalaro ng 'The boat is sinking'.
"Marami," sagot ko habang nakayuko. "Napagbintanganan ako sa bagay na hindi ko ginawa. Nagalit sa akin si Hiroshin at Tadeo dahil doon. Tapos...si Yumi…" Napalunok ako. Pakiramdam ko ay may bumara sa lalamunan ko.
"Gago mga 'yon, ah." Sinulyapan niya si Tadeo at Hiroshin. "Nawala lang ako tapos inaway ka na."
Natawa ako nang mahina. "Hindi nila ako inaway. Inalagaan pa nga nila ako. Hayaan mo na."
"Ah, basta. Hindi ako naniniwalang magagawa mo 'yon kay Yumi."
Napangiti ako sa sinabi niya. Tatlong buwan siyang nawala pero wala pa ring nagbago sa kaniya.
Pagkatapos niyon ay niyaya niya akong sumama sa pagsayaw ng 'Girl in the mirror'. Todo ang hiya ko dahil maraming nanonood na Egular ular class na mukhang naaliw na sa panonood sa akin.
Nagkaroon din ng performance ang pagbabalik ng 'Maligalig trio' na sila Tadeo, Echo at Hiroshin dahil request iyon ni Ma'am Veronica. Lumakas ang tilian ng mga nanonood sa kanila, hindi ko sila masisisi dahil malakas naman talaga humatak ng atensyon ang tatlong 'yon.
Pagkatapos ng performance nila ay tinawag ako ni Ma'am Veronica. Inasahan ko na 'yon dahil nakita ko sa program na ginawa ni Hope na kakanta ako. Kaya naman, dinala ko ang gitara ko.
Tahimik ang lahat nang umupo ako sa high chair sa harap mismo ng stand ng microphone.
Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko dahil sa kaba. Paulit-ulit akong bumuntong-hininga bago nagsimulang mag-strum ng gitara.
Naririnig mo ba? Ang pagkabog ng puso ko tuwing kasama ka?
Nadarama mo ba? Mga titig ko tuwing nakatingin ka sa kaniya?
Ang pagtingin sa'yo ay tinatago para hindi ka mahirapan, para hindi ka masaktan.
Unang verse pa lang ay nagpalakpakan na ang mga nanonood, maging ang mga kaklase ko na nakatutok sa akin ang mga mata.
"Ang ganda ng boses niya sa actual, 'no?" rinig kong sabi ni Apple.
"Go, Marife!" pangtsi-cheer ni Echo kaya napangiti ako at mas ginanahan na kumanta.
Nang matapos ako ay dumiretso muna ako ng banyo para umihi. Paglabas ko ay nakasalubong ko si Yumi at binigyan niya ako ng isang tipid na ngiti. Hindi ako ngumiti pabalik dahil nahihiya ako sa kaniya. Umiwas ako ng tingin at dire-diretso siyang nilampasan pero napatigil din ako nang makasalubong ko si Echo kasama si Hiroshin at Tadeo, nagtatawanan. Natigil lang sila nang makita ako.
Nakatuon sa akin ang mga mata nila at napayuko ako para umiwas ng tingin.
"Marife!" Biglang lumapit sa'kin si Tadeo at inakbayan ako. "Galing mo kanina, ah. Wala kang kupas!"
"S-Salamat," sabi ko na lang. Ang awkward kasi ngayon lang ulit kami nag-usap.
Tuluyan akong nag-angat ng tingin nang maramdaman ko ang paglapit ni Echo at Hiroshin sa akin.
"Ano? Ang awkward n'yo naman. Ngayon lang tayo nakumpleto, oh," sabi ni Echo.
Napatingin tuloy ako kay Hiroshin na nakatingin lang sa sahig at halatang iniiwasang mapatingin sa akin.
"Basta ako, Marife, gusto kong mag-sorry sa'yo," sabi ni Tadeo habang nakaakbay pa rin sa akin. "Sorry kung hindi ako naniwala sa'yo noong una. Alam ko naman na sinisiraan ka lang ni Lovely pero hindi ko na alam kung paano ka kakausapin. Nahiya ako sa inasal ko sa'yo."
"Okay na 'yon." Ngumiti ako kay Tadeo. "Hindi ko naman kasi mapipilit na maniwala sa akin ang mga tao sa paligid ko." Tumingin ako kay Hiroshin, nagpaparinig.
Gumalaw ang panga niya at napatingin sa akin. Bubuka sana ang bibig niya para magsalita pero napatingin siya sa likod ko.
"Babe..." Nilampasan ako ni Hiroshin kaya napatingin ako sa likod ko. Nakita ko si Yumi na kakalabas lang ng banyo.
May sinabi si Hiroshin kay Yumi pero hindi namin narinig. Umiwas na lang ako ng tingin at tumingin kay Echo. Tinaasan niya ako ng kilay, nang-aasar ang ngiti.
"Hanggang ngayon ba naman…" Hindi niya natuloy ang sinasabi niya dahil natawa na siya.
"Huwag mo nang biruin 'yan. Baka lalo lang siya masaktan," saway ni Tadeo.
"Wow. Parang dati lang inaasar mo rin siya."
"Nagiging mature na kasi ako, hindi tulad mo!"
"Mature? Neknek mo!"
Napailing na lang ako habang nagtatalo si Echo at Tadeo sa harap ko. Masaya ako dahil na-miss ko ang bardagulan ng dalawa pero nakakarindi pa rin sa tenga kapag nagtatalo sila.
Sabay-sabay na kaming bumalik sa Pavilion kasama si Hiroshin at Yumi na magkahawak pa ang mga kamay habang naglalakad. At siempre, dahil ayoko nang masaktan lalo ay umiiwas na lang ako ng tingin.
Pagbalik namin sa Pavilion ay tahimik ang mga kaklase namin at maging ang mga nanonood. Napakunot ang noo ko nang makita ko si Lovely na umiiyak habang bumababa ng stage.
"Oh, anong nangyari do'n?" tanong ni Echo. "Bakit umiiyak 'yon?"
"Sinabihan kasi siya na huwag nang mag-perform kasi wala naman daw siyang ibang talent kundi pagiging assumera," kwento ni Clover.
Nakaramdam ako ng awa kay Lovely dahil sa narinig ko. Alam kong maraming may ayaw sa kaniya dahil sa ugali niya pero hindi naman siguro tama ang ipahiya siya sa harap ng maraming tao.
"Gano'n talaga..." Bumuntong-hininga si Echo. "Kapag madalas kang magkamali, iyon at iyon na lang ang makikita sa'yo ng mga tao."
"Hugot, ah," pambabara ni Tadeo.
"Hugutin ko ulo mo, eh."
Kahit umalis si Lovely ay tuloy pa rin ang mga performance ng mga kaklase ko hanggang sa naglaro ulit sila—this time, pinilit na ako nila Echo at Tadeo na sumali.
Nakisama na lang ako kahit ayoko maglaro.
Pagkatapos niyon ay kumain na kaming lahat. Nagsialisan na rin ang mga nanonood sa amin dahil tapos na ang palabas namin. Sunod naming ginawa ay ang exchange gifts. Bunutan lang iyon kaya napunta sa akin ang regalo na galing kay Zach—isang coloring book at isang kahon ng crayons.
Hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis dahil iyon ang natanggap ko. Sabagay, okay na rin 'yon kasi pitong na piraso lang naman ng panyo ang laman ng regalo ko. May bunos naman 'yon dahil may iba't ibang kulay iyon galing sa rainbow.
Nang matapos ang exchange gifts ay nagpaalam na sa amin si Echo. Ang sabi niya ay magpapatuloy daw siya ulit sa pag-aral sa susunod na taon. Masaya ako para sa kaniya kasi kahit natigil siya sa pag-aaral ay pursigido pa rin siyang makapagtapos. Naiyak ako nang magpaalam siya sa amin pero hiningi ko naman ang number niya para magkausap kami minsan sa tawag.
Natapos ang party namin bandang 5 PM at pagod na pagod ang lahat. Napagod ako dahil isa ako sa mga naglinis ng kalat namin sa Pavilion dahil tumakas ang iba naming kaklase.
Pagbaba ko ng jeep na sinakyan ko pauwi ay inunat ko ang likod ko, nakangiwi. Ang sakit ng likod ko kakatuwad kanina. Ang dami naming nilinis!
Habang naglalakad na ako sa eskinita papunta sa bahay namin ay tumunog ang phone ko. Napakunot ang noo ko nang makitang si Hiroshin ang nag-text. Ito ang unang beses na nagparamdam siya sa'kin mula nang mangyari 'yong sa waiting shed. Kumirot ang dibdib ko nang maalala ko 'yon.
From: Sasuke
Nakauwi ka na ba?
Kinagat ko ang pang-itaas kong labi bago nag-type ng reply.
To: Sasuke
Dito na 'ko sa eskinita.
Napakunot ang noo ko nang maramdamang may sumusunod sa akin. Lumingon ako sa likod at nakita ko ang isang lalakeng nakasuot ng itim na pantalon at jacket. Nakasuot sa ulo niya ang hood ng jacket kaya hindi ko makita kung sino siya.
Kumabog nang malakas ang dibdib ko dahil sa kaba. Kaunti pa naman ang naglalakad na tao rito kapag ganitong oras. Binilisan ko ang paglalakad ko dahil sa takot na baka holdaper siya.
Dahil sa kaba at takot ay nag-type ako ng text kay Hiroshin habang naglalakad nang mabilis.
To: Sasuke
Lalakeng naka-black pants at jacket. Mga 5'7 ang height. Matipuno ang pangangatawan. Sumusunod sa akin ngayon dito sa eskinita.
"Miss..."
Napahinto ako sa paglalakad nang marinig kong nagsalita siya. Dahan-dahan akong lumingon at napatili ako nang makitang ang lapit niya na sa'kin. Bago niya pa ako masunggaban ay hinampas ko na siya ng sling bag ko sa mukha saka ako tumakbo nang mabilis para tumakas.
Dios ko! Ano ba naman 'to!
Sa kakatakbo ko nang mabilis ay nabunggo ko ang isang lalakeng nakasalubong ko. Nasubsob ako sa dibdib niya kaya nayakap niya ako nang hindi sinasadya.
"S-Sorry—" Natigilan ako nang makita ko ang mukha ng lalakeng nakabangga ko. "O-Oliver!"
Kumunot ang noo niya sa reaksyon ko. "Bakit namumutla ka?"
Hinihingal na lumingon ako sa lalakeng sumusunod sa akin. Tumigil siya sa paglalakad nang makita si Oliver.
"S-Sinusundan ako ng lalakeng 'yan!" turo ko sa lalake. Kaagad itong tumalikod at patakbong umalis para tumakas.
"Dito ka lang, hahabolin ko—"
"H-Huwag na!" pigil ko sa braso ni Oliver. "Baka mamaya may dalang kutsilyo o baril 'yon at mapahamak ka pa!"
"Nakita mo ba 'yong mukha? Anong ginawa sa'yo? Sinaktan ka ba?" sunod-sunod na tanong niya.
"Wala, hindi ko nakita." Bumuga ako ng hangin para pakalmahin ang sarili ko. "Natakot ako. Mabuti na lang nandito ka—" Napakunot ang noo ko at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. "Ano nga palang ginagawa mo rito?"
Nakasuot siya ng jacket na kulay pula at simpleng itim na short. Ang tagal ko rin siyang hindi nakita at nakamusta magmula nang umalis ako sa boarding house.
"Ikaw ang sadya ko rito," sagot niya sabay kamot sa tungki ng ilong. "Hinahanap ko nga kung saang banda ang bahay ninyo, eh. Ang hirap hanapin."
"Kanino mo nalaman na rito ako nakatira?" kunot-noong tanong ko.
"Tinanong ko kay Kuya."
Napakurap ako sa sinabi niya at unti-unting napunit ang labi ko sa isang ngiti, nang-aasar.
"Tinawag mo nang 'kuya' si Hiroshin, ah."
Umiwas siya ng tingin. "Iyon naman ang gusto mo, eh."
"Sabi mo, eh." Nagkibit-balikat ako. "Oh, eh bakit mo ako pinuntahan?"
"Ang dami mong tanong," reklamo niya sabay gulo sa buhok niyang naka-wax yata dahil maayos at hindi messy katulad dati. "Turo mo na lang sa'kin kung saan ang bahay ninyo."
"Bakit nga kasi?" pangungulit ko. "Sasabihin mo o iisipin kong na-miss mo ako kaya—"
"Na-miss kita," putol niya sa sinasabi ko, dahilan para umawang ang bibig ko habang nakatingin sa kaniya.
"A-Ano?" Nabingi ba ako?
Bumuntong-hininga siya. "Tara na kasi."
Mukhang naiinis na siya kaya pinasunod ko na siya sa'kin. Pagdating namin sa bahay ay nadatnan kong tulog si Ate Monica. Pang-gabi kasi ang duty niya sa factory na pinapasukan kaya madalas ay tulog siya sa araw.
"Ang cute ng bahay ninyo," sabi ni Oliver habang panay ang linga sa paligid ng sala namin. "Parang ikaw."
Muntik ko nang mabitawan ang isang tasa ng kape na inaabot ko sa kaniya nang marinig ang sinabi niya.
Tumaas ang sulok ng labi niya nang makita ang reaksyon ko kaya pinandilatan ko siya.
"A-Anong pinagsasasabi mo riyan?" tanong ko nang abutin niya ang tasa ng kape. Umupo ako sa tabi niya nang may isang metrong distansya.
"Sabi ko ang cute mo," ulit niya sabay higop ng kape, sa akin nakatingin.
Napakunot ang noo ko. "Bakit gumaganyan ka na? Saan mo nakuha 'yan? Siguro hindi ka na pumapasok sa ALS at—"
"Pumapasok ako," sabi niya at inilapag sa coffee table ang tasa ng kape. "Bakit ko sasayangin ang effort mo para sa'kin? At saka masaya naman, eh. Masaya palang mag-aral. Ngayon ko lang na-realize 'yon."
Napangiti ako sa sinabi niya. Ginulo ko ang buhok niya sa sobrang saya para sa kaniya.
"Good boy! Ituloy mo lang 'yan, ah!"
Nagsalubong ang mga kilay niya at inilayo ang sariling ulo mula sa kamay ko. "Huwag mo nga akong ganyanin. Ginagawa mo 'kong bata."
"Bata ka pa naman talaga." Tumawa ako.
"17 na ako!"
"At mas matanda ako sa'yo kaya huwag mo akong sigawan!"
"Ano naman kung mas matanda ka sa'kin? Isang taon lang naman, eh. Pwede pa rin kitang ligawan." Tumaas ang sulok ng labi niya.
Nabura tuloy ang ngiti ko.
Kanina pa siya, ah! Akala niya yata hindi ko napapansin ang mga pasimpleng banat niya!
"Anong trip mo ngayon?" kunot-noong tanong ko sa kaniya. "Tigil-tigilan mo 'ko, ah."
Napapitlag ako nang bigla niyang ilapit ang mukha sa akin. "Pa'no kung ayoko?"
Napapalunok na sinalubong ko ang titig niya at hindi nakagalaw dahil sa pagkabigla.
May gusto ba siya sa'kin? Pero imposible! Hindi ako maganda! Bakit ako magugustuhan ng kapatid ni Hiroshin? Nakakahiya naman sa genes nilang magkapatid!
Nakarinig ako ng malakas na tikhim mula sa nakabukas na pinto. Naitulak ko si Oliver nang makita ko si Hiroshin na nakatayo roon, seryoso ang mukha habang nakatingin kay Oliver.
Nang ilipat niya sa'kin ang malamig niyang tingin ay napatayo ako.
"H-Hiroshin, anong ginagawa mo rito?" tanong ko.
"Nag-text ka. Sabi mo may sumusunod sa'yo," seryosong sagot niya bago tumingin kay Oliver. "Mukhang pinagtitripan mo lang ako, ah."
"H-Hindi!" maagap na tanggi ko. "Hindi kita pinagtripan. Totoong may sumusunod sa akin kanina pero mabuti na lang at dumating si Oliver!"
"Huwag ka nang mag-alala. Nandito naman ako, eh," singit ni Oliver, si Hiroshin ang kausap. "Babantayan ko naman siya."
Matagal tumitig si Hiroshin kay Oliver, tila inaarok ang sinabi ng kapatid. Maya-maya ay dahan-dahan siyang tumango bago tumingin ulit sa akin.
"Masaya ako na ligtas ka."
Sasagot sana ako pero biglang tumunog ang phone niya. Kinuha niya iyon mula sa bulsa ng suot na pantalon. Tiningnan niya kung sino ang tumatawag at nakita ko ang pagkabalisa sa mga mata niya.
"B-Babe?" sagot niya sa tawag. "Sorry. Ngayon ko lang napansin na tumatawag ka pala." Kumunot ang noo niya at napuno ng pag-aalala ang mga mata. "Ano?! Teka, pa'nong nangyari...nasaan ka?!"
Kumunot na rin ang noo ko nang makita ang reaksyon ni Hiroshin. Hinintay ko na matapos siya sa pakikipag-usap bago ko siya tinanong kung anong nangyari.
"K-Kailangan kong puntahan si Yumi..." puno ng pag-aalala ang boses na sagot niya.
Sinalakay ng kaba ang dibdib ko nang marinig ang sinabi niya.
"A-Anong nangyari sa kaniya?" Nagsimulang manginig ang buong katawan ko.
"H-Hindi ko alam pero humihingi siya ng tulong. Pupuntahan ko siya—"
"Sasama ako," sabi ko.
Tumango si Hiroshin at nanguna nang maglakad. Sumama na rin si Oliver. Tinext ko na lang si Ate Monica para magpaalam. Natataranta na ako dahil baka kung ano nang nangyari kay Yumi.
Ang sabi ni Hiroshin ay nasa Plaza raw si Yumi kaya doon kami pumunta. Mas lalong lumakas ang kaba ko nang maabutan namin ang nagkukumpulang mga tao sa madilim na parte ng Plaza. Nangibabaw ang kulay pula at asul na ilaw na nanggagaling sa dalawang police car sa tabi at isang ambulansya.
"Yumi!" sigaw ni Hiroshin nang makita si Yumi na ipinapasok sa isang ambulansya ng mga paramedics. Nilapitan niya ito kaya sumunod din ako.
Natutop ko ang bibig ko nang makitang walang malay si Yumi at dumudugo ang gilid ng ulo niya.
"A-Anong nangyari...Yumi!" naluluhang sambit ko. "Hiroshin, anong nangyari?!"
Hindi ako nasagot ni Hiroshin dahil nangibabaw na rin ang iyak niya.
"S-Sasama po ako sa loob! Please, hayaan n'yo po akong sumama sa loob!" pakiusap ni Hiroshin sa mga paramedics.
Pumayag ang mga ito kaya nagdesisyon akong mag-commute para makasunod sa ospital na pagdadalhan kay Yumi. Nasa tabi ko lang si Oliver at hindi niya ako iniwan. Nanginginig man ang buong katawan ko ay nagawa kong tawagan si Tita Vicky para ibalita ang nangyari sa anak niya.
Pagdating ng ospital ay naabutan ko si Hiroshin sa tapat ng emergency room. Nakapatong ang dalawa niyang kamay sa pader habang nakayuko at umiiyak. Kaagad ko siyang nilapitan.
"H-Hiroshin..." Hinawakan ko ang braso niya pero laking gulat ko nang iwakli niya iyon. Tiningnan niya ako nang puno ng galit ang luhaang mga mata.
"Kasalanan mo 'to, eh!" sigaw niya sa'kin na ikinabigla ko. "Kung hindi ka sana nag-text ng gano'n, hindi sana kita pupuntahan! Hindi ko sana iniwan si Yumi sa Plaza at hindi sana nangyari sa kaniya 'to!"
Parang piniga ang puso ko nang marinig ang mga sinabi niya. Umawang ang bibig ko para magsalita pero tinikom ko ulit 'yon dahil nag-unahan na sa pagtulo ang mga luha ko.
"B-Bakit...bakit ako ang sinisisi mo? Sariling mong desisyon ang puntahan ako—"
"Oo, sarili kong desisyon kasi nag-alala ako! Kaibigan kita, eh! Pero alam mo 'yong masakit, ha? Pinuntahan kita para iligtas pero sariling kong girlfriend ay hindi ko nagawang ipagtanggol dahil sa'yo! Kasalanan mo 'to!"
"Gago ka ba?" singit ni Oliver. Humarang siya sa akin para ipagtanggol ako kay Hiroshin. "Bakit siya ang sinisisi mo? Kasalanan niya ba na pinili mong iwan ang girlfriend mo para puntahan siya?"
Hindi nakasagot si Hiroshin at binalingan na lamang ang kaharap na pader. Pinagsusuntok niya iyon habang walang awat sa pagtulo ang mga luha niya.
Tinakpan ko ang bibig ko habang tahimik na umiiyak. Nasaktan ako sa mga sinabi niya pero hindi ko siya masisisi. Mas nasasaktan ako na nakikita ko siyang nagkakaganito.
Inawat siya ni Oliver kaya tumigil siya at napaupo na lang sa sahig. Namumula na ang mga kamao niya. Puno ng sakit at pagsisisi ang mga pag-iyak niya, ramdam ko iyon.
Maya-maya ay dumating na rin si Tita Vicky kasama si…Yuehan, ang kaklase namin na walang pakialam sa mundo.
Sunod kong narinig ang malakas na iyak ni Tita Vicky nang sabihin sa kaniya ni Hiroshin ang nangyari.
"M-Muntik nang ma-rape ang anak ko, Hiroshin," umiiyak na sabi ni Tita Vicky. "N-Nasaan ka ba noong nangyari 'yon, ha?"
"S-Sorry po…" humahagulhol na sabi ni Hiroshin, nakayuko at hindi makatingin kay Tita Vicky. "I-Iniwan ko po siya. S-Sorry po..."
"Nasa presinto na ang mga suspect." Nangibabaw ang tinig ni Yuehan. Seryoso lang siyang nakatingin ngayon kay Hiroshin. "Sabi sa statement...si Lovely Shayne daw ang nag-utos sa kanila na gawin 'yon kay Yumi…" Tumingin siya sa'kin na ikinabigla ko. "At pati sa'yo, Marife. Kayong dalawa ni Yumi ang target nila."
Umawang ang bibig ko, inaalala 'yong lalakeng nakasunod sa akin kanina.
"B-Bakit?! Anong ginawa namin ni Yumi kay Lovely para ganituhin niya kami?!" tanong ko kay Yuehan, nangigigil.
Namulsa si Yuehan sa bulsa ng suot niyang Varsity jacket. "Gusto raw gumanti ni Lovely sa pamamahiyang nangyari sa kaniya kanina sa party. At kayong dalawa raw ang may atraso sa kaniya."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top