31. Bintang

C H A P T E R 31:
Bintang

Nakauwi na rin si Ate Monica pagkatapos ng tatlong araw na pananatili sa ospital, tinulungan kami ni Tita Vicky at ng mga magulang ni Chris sa mga bayarin sa ospital.

Nakulong na rin si Chris at ang dalawa niya pang kasama kaya nakahinga na ako nang maluwag. Nagpasya rin akong umalis na ng boarding house para masamahan si Ate Monica sa bahay. Hindi na nagpakita pa si Ate Carrie, malamang ay nahihiya siya kay Ate dahil sa mga kasalanan niya.

"Okay na ako rito, Marife. Kailangan mo nang pumasok sa school," sabi ni Ate Monica pagkatapos ko siyang tulungan na makaupo sa kama niya. "At saka 'yong trabaho mo, napapabayaan mo na."  

Bumuntong-hininga ako at umupo sa gilid ng kama niya. Tumititig ako sa mukha niya. Wala na siyang benda at nabawasan na rin ang pagiging visible ng mga pasa niya kaya napangiti ako.

"Walang mag-aalaga sa'yo rito. At saka maiintindihan naman ni Sir Mike na hindi ako nakapasok dahil inaalagaan kita."

"Sus, may iniiwasan ka lang yata, eh," pang-aasar niya. 

"Sino naman?" Tumaas ang kilay ko.

"Iyong iniiyakan mo nang magising ako."

"Wala 'yon, Ate. Atleast iniyak ko, eh ikaw? Parang hindi ka pa yata umiiyak magmula nang magising ka."

"Bakit ko iiyakan 'yon?" Umiwas siya ng tingin. "Oo. Nasaktan ako sa ginawa niya pero ubos na, eh. Naubos na ang mga luha ko sa kaniya."

Nabura ang ngiti ko. Kahit hindi niya sabihin, alam kong nasasaktan pa rin siya sa ginawa ni Ate Carrie. Nasa boses niya, nasa mga mata niya ang ebidensya.

"Ate..." Hinawakan ko ang kamay niya.

"Alam ko naman na niloloko niya ako kahit noon pa," dagdag niya. "Noong pumunta ka rito at sinabi mong may kasama siyang foreigner, naniwala ako sa'yo. Pero ewan ko ba, mas pinili kong magbulag-bulagan kasi hindi ko kayang tanggapin. Binigay ko sa kaniya lahat pero niloko niya pa rin ako para sa pera." Umiling siya at tumawa nang pagak. "Ewan...siguro gano'n talaga kapag hindi ka tunay na lalake. Hindi makukuntento sa'yo ang isang tao kasi may kulang sa pagkatao mo, kahit ibigay mo lahat, makukulangan pa rin sila. Tatanda na lang yata akong mag-isa."

"Ano ka? Sinong may sabi sa'yo niyan?!" sabi ko kaagad. "Hindi ka mag-isa kasi nandito lang ako! Hindi kita iiwan!"

"Sus, iiwan mo rin ako kapag may asawa ka na." Pabiro niya akong inirapan.

"Hindi ako mag-aasawa! Walang magkakagusto sa akin kasi pangit ako!"

At wala na yata akong ibang magugustuhan kung hindi si Hiroshin lang. 

"Ayan ka na naman sa pangit, eh! Walang pangit sa lahi natin!" Kinurot niya ang ilong ko.

"So, ampon ako?!"

Kinurot niya ulit ang ilong ko, natatawa. Natawa na rin ako at niyakap siya. 

"Sorry, Ate. Sorry sa mga pagkukulang ko sa'yo…."

"Shh…" Hinagod niya ang likod ko. "Ang importante ay nandito ka na. Hindi tayo mag-iiwanan kasi magkapatid tayo." Kumalas siya at tinitigan ang mukha ko. "Ako dapat ang humingi ng tawad dahil hindi kita nabigyan ng tamang atensyon noon. Binigay ko lahat kay Carrie at hindi ko napansin na nasasaktan na pala kita. I'm sorry…" 

Nag-init ang mga mata ko. "Sorry din, Ate…"

"Puro ka sorry." Hinatak niya ang buhok ko kaya napatili ako.

"Ate!!!"

Pagdating ng gabi ay inasikaso ko ang mga gamit ko sa school dahil papasok na ako bukas. Tatlong araw ang na-missed kong klase at ayokong mahuli sa lessons.

Tapos na kaming kumain ni Ate Monica at nagpapahinga na siya sa loob ng kwarto. Nasa sala ako at hawak ang gitara habang panay ang strum. Iniisip ko si Hiroshin. Wala pa ngang isang linggo na hindi ko siya nakikita ay miss na miss ko na siya. Pero para wala nang gulo ay ako na lang ang kusang lumayo sa kaniya para matahimik na si Yumi. Ayokong ako ang maging dahilan para maghiwalay sila. Masasaktan silang dalawa, at ayokong mangyari 'yon lalo pa't pareho silang importante sa'kin.

Tiningnan ko ang phone ko nang may dumating na notification galing sa Tiktok. Nag-post na naman ng video sila Hiroshin at Yumi. Hindi ko tiningnan dahil ayokong makaramdam na naman ng selos.

Nakatulala lang ako nang biglang may kumatok sa nakabukas na pinto. Nanlaki ang mga mata ko nang makita si Hiroshin, nakasuot pa ng school uniform at nakasabit sa balikat ang itim na bag. As usual, nakabaliktad na naman ang pagkakalagay ng sumbrero sa ulo niya.

Tumayo ako at pinahiga sa sofa ang gitara para harapin siya. 

"Pwede ba akong pumasok?" tanong niya.

"Anong kailangan mo?" malamig na tugon ko.

Humakbang siya paabante kaya nakita kong nang malinaw ang mukha niya. May mga kalmot siya sa magkabilang pisngi at mukhang bago lang 'yon base sa nakikita kong kaunting dugo. May kaunting gusot din ang suot niyang uniform at nawawala ang isang botones.

"A-Anong nangyari sa'yo?" tanong ko, nag-aalala. "Bakit ganyan ang itsura mo? Nag-away na naman kayo ni Oliver?"

Hindi siya sumagot. Nasa mga mata niya ang pagod kaya hindi ko maiwasang mag-alala.

Bumuntong-hininga siya at nagbaba ng tingin bago kinuha mula sa bag ang isang notebook.

"Nagsulat ako ng notes para sa'yo para pagbalik mo, makahabol ka sa mga lessons," sabi niya, hindi sinagot ang tanong ko. Inabot niya sa'kin ang notebook pero tiningnan ko lang iyon.

"Bakit nag-abala ka pa? Baka mamaya malaman 'yan ni Yumi at magalit na naman siya sa'kin." 

Napabuntong-hininga siya at ibinaba ang kamay na may hawak na notebook. "Bakit kailangan n'yong mag-away dahil sa'kin? At bakit hindi mo ako kinakausap? Text, chat, tawag, hindi mo pinapansin. Bakit ka ganyan?"

"Ayokong maging dahilan ng pagtatalo n'yo ni Yumi. Nagseselos siya sa'kin kaya mas mabuting lumayo ako."

"Gano'n lang 'yon sa'yo?" Napuno ng hinanakit ang mga mata niya. "Babalewalain mo 'yong pagiging magkaibigan natin nang ilang taon dahil lang sa pagseselos ni Yumi?"

"Huwag mong maliitin ang pagseselos ni Yumi," mariing tugon ko. "Hindi siya magseselos kung wala siyang napapansin."

"Napapansin na ano? Na may gusto ka sa'kin? Hindi ba sabi mo wala? Anong dahilan para magselos siya?"

"Hindi ko alam! Siguro sa closeness nating dalawa! Kaya nga lumalayo na ako sa'yo, eh!"

Marahas siyang napabuntong-hininga at naihilamos sa sariling bibig ang isang palad. 

"Tulad ngayon, pumunta ka rito tapos anong iisipin niya? Hiroshin, tanggapin mo na lang na nagseselos ang girlfriend mo at kailangan mo na akong layuan."

Hindi siya nakasagot pero nanatiling nakatuon ang mga mata niya sa akin. 

"Hindi ba matagal mo nang pangarap si Yumi? Ngayong nasungkit mo na, sana naman alagaan mo siya at huwag hayaang masaktan. Hindi ba 'yon ang ayaw mong mangyari? Ang makapanakit ka ng iba?"

Hindi ulit siya sumagot. Nagsimulang kumislap ang mga mata niya dahil sa mga luhang nagbabadyang tumulo.

"Mahal mo si Yumi, hindi ba?" tanong ko at tumango naman siya bilang sagot. "Kung gano'n, gawin mo ang lahat para mapasaya siya. Huwag mong iparamdam sa kaniya na kayang-kaya mo siyang palitan."

Umawang ang bibig niya kasabay ng pagtulo ng mga luha mula sa mga mata niya. "K-Kaibigan kita…"

"At girlfriend mo siya," halos pumiyok ang boses na sambit ko. "Magkakaroon ka ng ibang kaibigan pero hindi ka na ulit makakakita ng katulad ni Yumi. Kaya sige na...umalis ka na."

Napayuko siya at nakita ko ang paglaglagan ng mga butil ng luha niya sa sahig. Dahan-dahan siyang umatras at bago siya tuluyang tumalikod ay tumingin siya sa'kin.

"A-Ang daya mo..." Tuluyan na siyang tumalikod at naglakad paalis.

Sinilip ko siya sa bintana at sinundan ng tingin hanggang sa makalabas siya ng gate. Doon na ako napahagulhol.

Para sa inyo naman ni Yumi itong ginagawa ko, Hiroshin. At para na rin sa sarili ko, para hindi na ako masaktan dahil araw-araw, mas lalong lumalalim ang nararamdaman ko para sa'yo. 

Hindi ko alam kung ilang oras akong umiyak noong gabing 'yon.

***

Kinabukasan ay nagdesisyon akong pumasok na ng school. Hinanda ko ang sarili ko sa pagkikita namin ni Hiroshin at Yumi pero hindi pala 'yon gano'n kadali.

Magkatabi kami ng upuan ni Hiroshin. Masyadong awkward para sa aming dalawa at nakakapanibago dahil kailangan naming ignorahin ang isa't isa. 

Nang makita niya ako kanina ay umiwas kaagad siya ng tingin. Gano'n din si Yumi, umiiwas siya ng tingin tuwing nagtatama ang mga mata naming dalawa. 

Maraming nangamusta sa akin na mga kaklase ko dahil nabalitaan daw nila 'yong nangyari sa kapatid ko, sinabi ko sa kanila na okay na ang ate ko kaya nawala rin sa'kin ang atensyon nila. Gano'n naman sila, eh. Mapapansin lang nila ako kapag may nangyayari.

Pagkatapos ng first subject namin ay pumunta kaming lahat sa mga locker namin para kunin ang mga libro namin para sa susunod na subject.

"Magkaaway kayo?" usisa ni Lovely habang inaayos ko ang pagkakalagay ng mga libro ko sa loob ng locker. 

Lumingon ako sa kaniya. Magkatabi kasi ang locker naming dalawa. "Hindi ka lang pala assumera, chismosa ka pa." Inirapan ko siya.

"Wala lang. Ang saya n'yo kasing panoorin na magkaaway ni Hiroshin." Maarte siyang tumawa.

Nagdikit ang mga labi ko at pabagsak na sinara ang pinto ng locker ko. Halos mapatalon siya sa gulat at nanlalaki ang mga matang napatitig sa'kin.

Sisinghalan ko sana siya pero biglang dumaan si Dominggo sa likod niya at hindi sinasadyang nasagi siya ng balikat nito.

Napaatras ako nang madapa si Lovely sa harap ko kasabay ng paglaglagan ng mga gamit niya sa mula sa loob ng locker.

"Hoy, ano ba!" sigaw ni Lovely kay Dominggo.

"Sorry! Ikaw pala 'yan!" Tinulungan siyang makatayo ni Dominggo pero tinulak niya ito.

"Bwesit ka, ah! Ang lawak-lawak ng daan, talagang dito ka pa sa likod ko?!" 

Napailing ako sa reaksyon ni Lovely. Magmula nang mapahiya siya ni Hope noon, nagbago na talaga ang ugali niya. Hindi na siya plastik. Naninigaw na siya at hindi nagkukunwaring mabait. Para sa'kin ay okay 'yon… pero hindi sa lahat ng oras.

"Pasensya na! Hindi naman sinasadya, eh!" sigaw pabalik ni Dominggo.

Napatingin na sa kanila ang iba pa naming kaklase dahil sa sigawan ng dalawa. Napailing ulit ako at yumuko na lang para pulutin ang mga gamit niya na nahulog sa sahig.

Puro iyon mga notebooks at libro at napatigil ako nang makita ang isang notebook na pamilyar sa akin. Nang buksan ko iyon ay kumunot ang noo ko nang mabasa ang nakasulat na pangalan sa unang page.

Mayumi Rizal Night Class 10

Tiningnan ko pa ang ibang notebooks at libro at puro pangalan ni Yumi ang nakita ko.

Hindi na lingid sa kaalaman ko na siya ang may pakana sa mga nawawalang gamit ni Yumi pero nagulat pa rin ako. 

Tanga ba siya? Gagawa na lang siya ng kalokohan pero hindi niya pa magawa nang maayos. Dito pa talaga niya tinago?

"Kailan pa naging palengke 'tong locker area?" Narinig ko ang boses ni Hope. 

Pag-angat ko ng tingin ay nakita ko siyang nakatayo na sa harap ni Dominggo at Lovely, nakahalukipkip at poker-faced ang mukha.

"Ano bang pakialam mo?!" asik ni Lovely bago yumuko at nagsimulang pulutin ang mga nahulog na libro. Natigilan siya nang makitang hawak ko ang ilan sa mga notebook at libro na nahulog. 

"B-Bakit mo hawak 'yan?!" Akmang aagawin niya ang mga hawak ko pero tumayo ako nang maayos para iiwas iyon sa kaniya.

"Ano 'yan?" Lumapit sa amin si Hope at tiningnan ang hawak ko. 

"Bakit mo ba pinapakialaman 'yan?!" sigaw sa akin ni Lovely. Bago niya pa maagaw sa akin ang mga hawak ko ay nakuha na 'yon ni Hope mula sa akin. 

"Mga notebook at libro 'to ni Yumi, 'di ba?" tanong sa akin ni Hope sabay tingin kay Lovely na ngayon ay namumutla na. 

"Ano, bakit hindi ka makapagsalita?" hamon ko sa kaniya. 

"Sabi ko na nga ba, eh…" sambit ni Hope, masama na ang tingin kay Lovely. "Ikaw ang sumasabotahe kay Yumi."

"H-Hindi sa akin galing 'yan!" tanggi ni Lovely. 

"Hindi sa'yo galing pero nasa locker mo? Ganyan ka ba talaga katanga?" sarkastikong sambit ni Hope. Bumaling kami kay Yumi na ngayon ay katabi ni Hiroshin at pinapanood ang nangyayari. "Yumi, sa'yo 'to, 'di ba?"

Naglakad si Yumi palapit para tingnan ang mga hawak ni Hope. Tiningnan niya rin ang iba pang mga libro na nahulog sa sahig.

"Akin 'to lahat," sabi ni Yumi maya-maya. Tumingin siya kay Lovely, nakaawang ang bibig. "I-Ikaw ang...kumukuha ng mga gamit ko?"

Nagkaroon ng bulungan ang mga kaklase naming nanonood, binibigyan ng nag-aakusang tingin si Lovely na ngayon ay nakatingin lang sa sahig at hindi makatingin nang deretso kay Yumi.

"B-Bakit mo ginawa 'yon?" malumanay na tanong ni Yumi sa nanginginig na boses. "W-Wala naman akong ginawang masama sa'yo, ah."

"Sa'kin wala…" tugon ni Lovely bago nag-angat ng tingin nang may nakapaskil na ngisi sa mga labi. "Pero kay Marife...marami.."

Nagsalubong ang mga kilay ko nang sabihin iyon ni Lovely. Napatingin tuloy sa akin si Yumi at Hope, maging ang mga kaklase namin na nanonood.

"A-Anong sinasabi mo?!" 

Tumingin sa akin si Lovely, nakangisi. "Hindi ba ikaw ang nag-utos sa akin na nakawin ang mga notebook at libro niya? Kasi...gusto mong maging top one sa klase. At para mangyari 'yon, kailangan mong pabagsakin si Yumi para ikaw ang pumalit. Hindi ba nagtagumpay ka?"

"Sinungaling ka!" sigaw ko, nanginginig sa galit. "Wala akong alam sa sinasabi mo!"

"Talaga? Wala kang alam?" hamon niya. "Matagal mo nang alam na ako ang nagnanakaw, 'di ba? Pero hindi mo sinabi kay Yumi."

Nagkuyom ang mga kamao ko. Gusto kong paliparin iyon sa mukha niya pero nagpigil ako.

Anong sinasabi niya?! Hindi ko siya inutusan! Hindi ko magagawa 'yon! 

"M-Mhae?"

Napatingin ako kay Yumi nang tawagin niya ang atensyon ko. Nakita ko ang pagbabadya ng luha sa mga mata niya habang nakatingin sa akin, naghihintay ng sagot.

Umiling ako. "H-Hindi ko kayang gawin 'yon sa'yo—"

"Anong hindi?" sabad ni Lovely. "Hindi ba inggit na inggit ka sa kaniya kahit noon pa? Kaya nga mas pinili mong tapusin ang friendship n'yo, eh. Nainggit ka sa pagiging top one niya, sa mga achievements na nakukuha niya at nainggit ka dahil siya ang gusto ni—"

"Tumigil ka!" asik ko sa kaniya. "Kapag hindi ko tumahimik, paduduguin ko ang nguso mo!" 

"Teka, teka nga! Huwag kayong mag-away dito! Pwede namang pag-usapan 'to, eh!" Pumagitna si Tadeo. Kasunod niya si Hiroshin na nakatingin sa akin, nagtatanong ang mga mata. 

Umiwas ako ng tingin at paulit-ulit na lumunok.

"M-Mhae, totoo ba?" puno ng hinanakit na tanong ni Yumi sa akin. Tuluyan nang bumuhos ang mga luha mula sa mga mata niya. "N-Nainggit ka sa'kin kaya mo 'ko nilayuan?" 

Natutop ko ang bibig ko at hindi nakasagot. Nagsimulang lumabo ang paningin ko dahil sa mga luha.

"K-Kaya pala bigla kang nanlamig," dagdag ni Yumi. "K-Kaya pala hindi mo na ako kinausap kasi may mas malalim na dahilan…"

"S-Sorry…" Iyon lang ang lumabas mula sa bibig ko.

"Ikaw pala ang may pakana nito, Marife?" tanong ni Hope. "Akala ko mahinhin ka lang talaga, nasa ilalim pala ang kulo mo. Makakarating 'to kay Ma'am Veronica—"

"Huwag, Hope." Mabilis na umiling si Yumi sabay punas ng mga luha. "Paniguradong paparusahan sila—"

"Iyon ang dapat," giit ni Hope. "Dapat silang maparusahan ni Lovely dahil sa ginawa nila sa'yo."

Pero umiling ulit si Yumi. "Hindi na kailangan. Wala na rin namang mangyayari kahit parusahan sila, wala na ako sa top ten. At may kasalanan din naman ako kung bakit ako bumagsak, nagpabaya ako."

Napabuntong-hininga si Hope, napapailing. "Alam mo, kaya ka inaabuso, eh, dahil diyan kabaitan mo. Darating ang panahon na mauubos ka rin, Yumi." Umalis na siya sa harap namin. "Walang magsasabi kay Ma'am Veronica tungkol dito. Kailangan na nating pumunta sa Lab, hinihintay na tayo roon," sabi niya sa lahat habang naglalakad paalis.

Muli kong hinarap si Yumi pero nakita ko siyang naglakad na rin paalis. Susundan ko sana siya pero pinigilan ako ni Hiroshin sa braso.

"Pa'no mo nagawa 'yon?" puno ng hinanakit na tanong niya sa'kin.

"W-Wala akong ginawa. W-Wala akong kinalaman—"

"Pero totoo 'yong sinabi ni Lovely na nainggit ka kay Yumi?" sabad ni Tadeo. "Kasi kung oo…hindi imposible na ikaw nga ang kasabwat ni Lovely."

"H-Hindi nga ako!" mariing tanggi ko. "Maniwala naman kayo sa'kin! Kaibigan n'yo 'ko, 'di ba?!"

"Si Yumi nga na matalik mong kaibigan dati, nagawa mong traydurin, eh. Kami pa kaya? Sorry, Marife, pero malabo, eh." Umiling si Tadeo at saka naglakad na rin paalis.

"T-Tadeo!" tawag ko pero hindi na siya nag-abalang lumingon pa. 

Nang tingnan ko si Hiroshin ay nakatitig lang siya sa'kin nang puno ng mga tanong ang mga mata.

Hinawakan ko kaagad ang braso niya nang akmang aalis na rin siya. "M-Maniwala ka naman..." lumuluhang pakiusap ko.

"Kailangan ako ng girlfriend ko..." malamig na tugon niya bago inalis ang braso mula sa pagkakahawak ko.

Nang tuluyan na siyang umalis ay doon tuluyang bumuhos ang mga luha ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top