30. Ate
C H A P T E R 30:
Ate
Trigger Warning ⚠️
Violence
Wala pa rin kaming pasok kinabukasan kaya nagpasya akong puntahan si Ate Monica. Ang sabi ni Hiroshin ay pupunta rin daw siya kay Yumi kaya sumabay na siya sa akin sa pag-commute.
Pinagkiskis ko ang dalawa kong palad. Hindi naman malamig pero nanginginig ang buong katawan ko.
"Nilalamig ka?" tanong ni Hiroshin. "Hindi naman malamig, ah. Ang init nga, eh."
"Ewan ko. Parang kinakabahan ako, eh."
"Relax ka lang. Dadalawin mo lang naman ang Ate Monica mo, eh." Tumawa siya.
Kinagat ko ang pang-itaas kong labi.
Oo nga. Dadalawin ko lang naman siya pero bakit kinakabahan ako?
Pagdating namin sa kanto ay sinamahan pa ako ni Hiroshin hanggang sa makarating kami sa tapat ng gate ng bahay ni Ate Monica.
"Huwag na kayong mag-aaway, huh?" bilin ni Hiroshin.
"Anong akala mo sa'kin, warfreak?" natatawang sabi ko. "Sige na. Puntahan mo na si Yumi."
Tumango at bago mabagal na naglakad paalis. Tumingin ako sa may pinto ng bahay, nakabukas iyon at wala akong naririnig na ingay mula sa loob.
Nasa loob kaya si Ate Monica at Ate Carrie? Bakit parang ang tahimik?
"Huwag! Maawa ka! Huwag!"
Halos mapatalon ako sa gulat nang marinig ko ang sigaw ni Ate Carrie. Nanlaki ang mga mata ko at dali-daling binuksan ang gate. Patakbo akong pumasok ng bahay at nagulantang ako sa nadatnan ko sa sala.
"H-Hoy! Anong ginagawa n'yo ?!" sigaw ko sa tatlong lalakeng nakatalikod sa direksyon ko.
Nakasalampak sa sahig si Ate Carrie, umiiyak habang yakap ang sarili.
Lumingon sa akin ang tatlong lalake at napaawang ang bibig ko nang mamukhaan ko sila.
Sila 'yong mga lalake na muntik nang makaaway nila Echo sa Timezone noon!
Tiningnan ko si Ate Carrie at saka lang naging malinaw sa akin na ang babaeng kasama ng mga lalake noon sa Timezone ay si Ate Carrie!
"M-Marife, umalis ka na rito! Sasaktan ka nila!" umiiyak na sigaw ni Ate Carrie.
"Tumahimik ka!" malakas na sigaw ng lalakeng nasa gitna. Siya 'yong lalakeng nag-angas kay Echo noon. Lumuhod siya sa tabi ni Ate Carrie at hinawakan nang mariin ang pisngi nito. "Ang tagal mo 'kong naloko! Una, may boyfriend kang 'kano! Tapos ngayon, malaman-laman ko na may tomboy ka pa?! Galing mo! Ang galing-galing mo!"
Napaatras ako dahil sa takot. Gusto kong tumakbo palayo pero hindi ko pwedeng iwan si Ate Carrie! Pero kung hindi ako aalis, hindi ako makakahingi ng tulong!
Napapalunok na humakbang ako paatras pero nakita kaagad ako ng dalawa pang lalake.
"Saan ka pupunta?!" Mabilis akong nahuli ng dalawa sa magkabilang braso.
"B-Bitawan n'yo 'ko!" Nagpupumiglas ako pero sobrang higpit ng pagkakahawak nila sa magkabila kong braso!
Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko at hindi ko alam kung anong gagawin ko.
"Huwag n'yo na silang idamay dito, Chris! Ako ang may kasalanan! Sige na, please! Pakawalan n'yo na sila!" pagmamakaawa ni Ate Carrie.
Sila? Nandito rin si Ate Monica? Nasaan siya?
"Tingin mo palalampasin ko ang ginawa mo? Ha?!" asik ng lalake na tinawag ni Ate Carrie na Chris. "Ang dami mong nahuthot na pera sa'kin! Ginamit mo lang ako!"
"B-Babayaran ko 'yon! Pakawalan n'yo lang kami! Please! Parang awa mo na!"
Tumawa nang sarkastiko si Chris at tumayo habang hindi inaalis ang matalim na tingin kay Ate Carrie.
"Sabagay...nakaganti naman na ako." Yumukod siya at inilapit ang sariling mukha sa mukha ni Ate Carrie. "Hindi kita kayang saktan, eh. Kaya pakisabi na lang sa tomboy mo, pasensya na lang kamo at siya ang sumalo ng galit ko—"
"Anong ginawa mo sa Ate Monica ko?!" naiiyak na tanong ko, nagpupumiglas. "Ha?! Anong ginawa mo?!"
Lumipat sa direksyon ko ang matatalim na tingin ni Chris. "Bakit hindi mo puntahan sa kwarto niya?"
"Hayop ka! Anong ginawa mo sa kapatid ko?!" Nagpupumiglas ako. "Hayop ka!"
"Tumahimik ka nga!" Tinulak ako ng dalawang lalakeng may hawak sa'kin kaya nasubsob ako sa sofa.
"Tara na," aya ni Chris sa mga kasama. Nakapaskil sa mga labi niya ang isang maangas na ngisi habang nakatingin kay Ate Carrie. "Pasalamat ka at hindi ko dinala ang buong gang. Kung hindi...basag na ang ulo ng tomboy mo."
"Umalis na kayo!" Binato ko sila ng vase na nadampot ko sa gilid. Nakailag sila kaya sa pader iyon dumiretso.
"Aba, matapang ka, ah!" Sinugod ako ni Chris pero sinipa ko ang isang single-seater na sofa at tumama iyon sa tuhod niya, dahilan para mapatigil siya sa pagsugod sa'kin.
Nagtagis ang bagang ni Chris pero hindi ako nagpakita ng takot. Susugod pa sana siya pero pinigilan siya ng dalawa niyang kasama.
"Tama na 'yan. Hindi siya ang ipinunta natin dito," awat ng isa.
"Alam ko!" asik ni Chris bago ako muling binalingan at dinuro. "Hindi pa tayo tapos."
Napalunok ako sa sinabi niya pero nakipagtagisan pa rin ako ng tingin para ipakitang hindi ako natatakot. Maya-maya pa ay nagsialisan na sila. Hindi na ako nagsayang ng segundo at tumakbo na ako papunta sa kwarto ni Ate Monica, narinig ko ang pagsunod ni Ate Carrie pero hindi ko na siya inintindi pa dahil gusto kong makita ang kalagayan ni Ate.
Parang dinurog ang puso ko nang madatnan ko si Ate Monica na nakaupo sa sahig at nakasandig ang likod sa gilid ng kama, namimilipit sa sakit.
"A-Ate!" Dinaluhan ko siya at lumuhod ako sa harap niya para makita ang kabuuan niya. Parang dam na bumuhos ang mga luha ko nang makita ang itsura niya.
Halos hindi niya na maidilat ang mga mata dahil sa sugat na natamo. Dumudugo rin ang kilay at gilid ng labi niya at may mga pasa rin siya sa mga braso.
"A-Ate..." Tinakpan ko ang bibig ko at paulit-ulit na umiling. Ayaw tanggapin ng mga mata ko ang nakikita kong kalagayan niya ngayon.
Pilit na idinilat niya ang mga mata para makita ako. Nang magtama ang mga mata namin ay niyakap ko na siya nang sobrang higpit.
"A-Ate, sorry! Dapat hindi kita iniwan, dapat nanatili ako rito, dapat hindi kita sinukuan!" puno ng pagsisisi na sambit ko.
Humiwalay siya sa'kin para tingnan ang mukha ko. Hindi siya makapagsalita dahil sa dami ng sugat niya. Hinawakan niya lang ang pisngi ko habang nakangiwi pa rin, bakas sa mukha ang paghihirap.
"Ano ba kasing ginawa mo?!" baling ko kay Ate Carrie. Nasa likod ko lang siya at nakatayo habang umiiyak pa rin.
"K-Kasalanan ko..." umiiyak na sagot niya.
Dahil sa pinaghalong galit at pag-aalala ko ay tumayo ako at hinarap siya.
"Ano, ganyan lang ang masasabi mo?! Kasalanan mo?! Oo, kasalanan mo! Kasalanan mo kasi hindi ka nakuntento sa ate ko! Kasalanan mo kasi naghanap ka ng iba dahil hindi maibigay ng kapatid ko ang lahat ng luho mo!"
Napayuko siya habang walang tigil sa pag-iyak. Hindi niya matagalan ang harap-harapang paninisi ko sa kaniya. Bakit? Sino pa bang ibang sisisihin ko?!
"H-Hindi ko alam na aabot sa ganito, Marife," nauutal at nanginginig na sagot niya. "G-Gusto ko lang mabayaran ang mga utang ko kaya ko nagawang kumabit sa iba. Natalo kasi ako sa sugal kaya—"
"Utang? Sugal?" gigil na ulit ko sa sinabi niya. "Punyemas naman, Ate Carrie! Okay sana kung may trabaho ka, eh! Kahit sumugal ka nang sumugal at umutang nang umutang, okay lang kasi pera mo 'yon, eh! Pero ang masama rito, si Ate Monica ang sumalo! Tapos hindi ka pa nakuntento! Niloko mo pa siya para lang sa pera!"
"M-Mahal ko ang kapatid mo—"
"Mahal?!" Tumawa ako nang sarkastiko at tinuro si Ate Monica. "Ganito ba ang itsura ng pagmamahal para sa'yo, Ate Carrie?! Eh halos mabura na ang mukha ng kapatid ko, eh! Ano, Ate Carrie?! Hindi ba binigay naman sa'yo ni Ate ang lahat?! Halos nawalan nga siya ng atensyon sa'kin dahil sa'yo niya binuhos ang lahat! Umalis na nga ako para hindi na ako maging pabigat pero ano 'to?! Bakit ganito ang napala ng kapatid ko sa'yo?!"
"S-Sorry." Nag-angat siya ng tingin. Basang-basa na ang pisngi niya dahil sa mga luha. "P-Patawarin n'yo 'ko..."
Umiling ako, paulit-ulit at puno ng pagkasuklam na tinitigan siya.
"Dati naiinggit ako sa'yo kasi ang ganda mo," malumanay na sabi ko. "Pero napagtanto ko na hindi man ako kasingganda mo, hinding-hindi mo naman mapapantayan ang pagmamahal ko para sa kapatid ko. Kasi 'yong pagmamahal ko para sa kaniya, hindi man kasinglalim ng iba pero handa akong makipagpatayan para maipagtanggol lang siya."
Lumuhod ulit ako sa harap ni Ate Monica. "A-Ate, dadalhin kita sa ospital, huh? Kapit ka lang. H-Hindi na kita iiwan… S-Sorry…"
Tinulungan ko siyang makatayo. Sinabit ko ang isa niyang braso sa balikat ko at inalalayan siya maglakad.
Hindi ko alam kung nagkataon lang pero paglabas namin ng gate ay nakita ko si Hiroshin at Yumi na naglalakad habang magkahawak ang mga kamay. Natigilan sila nang makita ako at si Ate Monica.
"Marife!" Nanlaki ang mga mata ni Hiroshin at kaagad binitawan ang kamay ni Yumi para tumakbo palapit sa amin. "Anong nangyari?"
"T-Tulungan mo kami," naiiyak na pagmamakaawa ko sa kaniya.
***
"Ano ba kasing nangyari, ha? Bakit nagkagano'n?" tanong ni Tita Vicky habang nasa harap kami ng hospital bed ni Ate Monica.
Siya ang tumulong sa'kin para madala namin sa ospital ang kapatid ko. Siya ang nag-asikaso at siya na raw ang bahala sa mga gastusin. Kaya naman, hindi ko alam kung nakailang ulit na ako sa pagpapasalamat sa kaniya.
Sinabi ko sa kaniya ang lahat ng alam ko, na si Ate Carrie ang dahilan kung bakit binugbog ni Chris si Ate Monica. Speaking of Chris, hinahanap na siya ng mga pulis ngayon at ang dalawa niya pang kasama.
Tiningnan ko si Ate Monica na ngayon ay payapa nang natutulog. May benda siya sa mga sugat na natamo at hindi ko napigilan ang mapaluha habang nakikita ko siya sa gano'ng kalagayan.
"Magpakatatag ka, Marife..." Hinawakan ni Tita Vicky ang balikat ko. "Nandito lang kami ni Yumi."
Napangiti ako. "Salamat po. Nasaan nga po pala si Tito Damian?"
Ibinaba niya ang kamay na nakahawak sa balikat ko at dahan-dahang napayuko.
"Kami ni Tito Damian mo..." Hindi niya maituloy ang gustong sabihin. Bago niya pa masagot ang tanong ko ay dumating na si Yumi at Hiroshin.
"Mhae..." tawag sa akin ni Yumi. Magsasalita sana ako pero niyakap niya na ako nang mahigpit. "Nandito lang kami, ha?" Naramdaman ko ang paghaplos ng mga palad niya sa likod ko.
Hindi ako nakayakap pabalik dahil nakatuon ang mga mata ko kay Hiroshin na ngayon ay nasa akin ang tingin. Hindi siya nakangiti pero nasa mga mata niya ang simpatya, na kahit hindi siya magsalita ay naiintindihan ko ang gusto niyang maiparating sa akin.
Kumalas ako sa pagkakayakap ni Yumi. "Salamat," matipid na sabi ko sa kaniya.
"Alam kong nasasaktan ka ngayon. Pero sana huwag mong kalimutan na kaibigan mo pa rin ako," nakangiting sabi niya.
Bakit sa'kin mo sinasabi 'yan? Ikaw ang unang nakalimot na magkaibigan tayo. Ikaw ang unang nakahanap ng ibang kaibigan, hindi ako.
Tumango na lang ako at hindi nagsalita. Hindi ito ang tamang oras para isipin ko 'yon.
Umalis din si Tita Vicky para umuwi saglit sa bahay nila. Naiwan si Yumi at Hiroshin para samahan ako.
"Babe oh, uminom ka ng gamot mo."
Mula sa pagtitig kay Ate Monica ay lumipat ang tingin ko kay Yumi nang abutan niya ng gamot at isang bote ng tubig si Hiroshin.
Nakaupo sila sa kabilang gilid ng kama ni Ate Monica habang nasa kabila naman ako, dahilan kaya kitang-kita ko ang ginagawa nila.
"Umuwi ka na lang kaya?" sabi ni Yumi pagkatapos salatin ang noo ni Hiroshin.
Umiling si Hiroshin. Ngayon ko lang napansin na panay ang singhot niya at maluha-luha rin ang mga mata niya.
"Okay lang ako, babe. Kailangan kong samahan si Marife." Tumingin siya sa'kin. "Kailangan niya ng kasama ngayon."
"Oh sige. Punta muna ako sa labas. Bibili lang ako ng pagkain." Bumaling sa akin si Yumi. "Mhae, anong gusto mo?"
Ngumiti ako at umiling. "Wala akong ganang kumain. Salamat na lang."
"Hindi pwedeng hindi ka kumain, Marife," pamimilit niya. "Ibibili kita ng pagkain. Saglit lang ako."
Hinawakan niya ang pisngi ni Hiroshin bago naglakad palabas. Sinundan ko siya ng tingin kaya hindi ko napansin ang pag-upo ni Hiroshin sa tabi ko.
"Bakit hindi ka umiiyak?" tanong niya, nakatitig sa mga mata ko.
Hindi ako kaagad nakasagot dahil sa presensya niya sa tabi ko. Tumitig ako sa mukha niyang medyo maputla ngayon. Hindi siya nakasuot ng sumbrero ngayon kaya kitang-kita ko ang maiitim at bagsak niyang buhok na may ilang hibla sa may noo.
Lumipat ang tingin ko sa mga mata niya. Pakiramdam ko, niyaya ako nito para umiyak, para ilabas ang nararamdaman kong bigat sa dibdib ko.
Hindi ako nagsalita pero kusang bumuhos ang mga luha ko habang nakatingin pa rin sa mga mata niya. Ang hirap. Ang hirap pigilan ng pagbuhos ng emosyon ko kapag siya na lang ang kasama ko. Siguro totoo nga talaga na nagiging totoo ako sa sarili ko kapag siya ang kaharap ko. Siya ang kahinaan ko pagdating sa pagtatago ng nararamdaman.
"Iiyak mo lang 'yan..." nakangiti at malumanay na sambit niya. "Kailangan mong ilabas 'yan."
"A-Awang-awa na 'ko sa kapatid ko, Hiroshin..." umiiyak na sambit ko. "Hindi niya sana 'to naranasan kung hindi ko siya iniwan. Kung hindi sana ako umalis, malalaman ko ang mga ginagawa ni Ate Carrie, malalaman ko kung anong nangyayari sa bahay, kung bakit siya namayat, kung bakit hindi siya nakaka-aattend ng meeting sa school, kung bakit minsan niya lang ako kamustahin."
Binaon ko ang mukha ko sa mga palad ko. "Buong akala ko wala siyang pakialam sa'kin pero hindi ko alam na nahihirapan din siya. Ang sama kong kapatid…pakiramdam ko wala akong kwenta..."
"Huwag mong sabihin 'yan. Nagkamali ka lang, pero hindi ka masamang kapatid," pagtatama niya. "Lahat naman tayo nakakagawa ng pagkakamali. At naalala mo ba 'yung sinabi mo sa'kin? Hindi tayo pinanganak ng mga nanay natin para tawagin sabihing wala tayong kwenta. Hindi ang mga pagkakamali natin ang didikta sa kung anong klaseng tao tayo."
Humagulhol lamang ako at hindi sumagot. Naramdaman ko ang mga kamay sa pupulsuhan ko kaya napilitan akong alisin ang mga kamay ko sa mukha ko para tingnan siya.
Ngumiti siya sa'kin at masuyong pinahid ang mga luha sa pisngi ko gamit ang sariling hinlalaki.
"Kapag masyado nang mabigat ang mundo para sa'yo, ipatong mo lang sa balikat ko para gumaan ang nararamdaman mo…" malumanay na sambit niya, nakangiti pa rin at nakatitig sa mga mata ko.
Gusto kong matawa dahil ginaya niya lang ang sinabi ko sa kaniya noong may pinagdadaanan din siya.
Hinawakan ko ang kamay niyang nasa pisngi ko para sana alisin iyon pero biglang bumukas ang pinto.
"Babe, nakalimutan kong tanungin kung…." Natigilan si Yumi at napatingin sa kamay ni Hiroshin na hawak ko. "...anong gusto mo…."
Mabilis kong binitawan ang kamay ni Hiroshin nang makita ang reaksyon niya. Tumikhim si Hiroshin at tumayo para lapitan si Yumi. Umiwas ako ng tingin nang tumingin sa akin si Yumi.
Narinig ko ang pagsara ng pinto, senyales na lumabas sila saglit. Napabuntong-hininga ako at pinunasan ang mga luhang natira sa pisngi ko bago hinawakan ang isang kamay ni Ate Monica.
"Ate...promise, hindi na kita iiwan. Kapag nagising ka na, babawi ako." Ngumiti ako at idinikit ang kamay niya sa pisngi ko.
Limang minuto ang lumipas at pumasok na ulit si Yumi, wala na si Hiroshin.
"Si Hiroshin na lang daw ang bibili ng pagkain," sabi niya nang makita ang pagtataka ko.
Hindi niya sinara ang pinto kaya napakunot ang noo ko.
"Pwede ba tayong mag-usap?"
Sabi na nga ba, eh.
Nauna siyang lumabas kaya tumayo ako at sumunod sa kaniya. Sinara ko ang pinto at humarap kay Yumi, hinihintay na magsalita siya.
Bumaba siya ng tingin at nilaro ang mga daliri sa kamay, kagat ang pang-ibabang labi.
"A-Ayoko na sanang sabihin 'to kasi ayokong maulit 'yong pangyayari na nag-away tayong dalawa," nakayukong panimula niya. "At saka...may pinagdadaanan ka ngayon—"
"Ano bang gusto mong sabihin?" putol ko sa sinasabi niya.
Nag-angat siya ng tingin sa akin at saka bumuntong-hininga. "Hindi ko gusto ang nakita ko kanina."
"Ano bang nakita mo?" tanong ko pabalik, hindi nagpapatalo sa pakikipagtagisan ng tingin sa kaniya.
"Hindi na importante kung anong nakita ko dahil hindi lang iyon ang napapansin ko."
"Ano ba talagang gusto mo, Yumi?" Kumunot ang noo ko. "Ginusto mo rin na magkaayos kami ni Hiroshin pero ngayong close na kami ulit, bakit nagkakaganyan ka na naman? Ano ba talaga?"
"Hindi ko gusto ang closeness na nakikita ko sa inyong dalawa ng boyfriend ko," matigas na sagot niya, sinadyang diinan ang huling salita.
Tumango ako. "Tama ka. Boyfriend mo siya. Boyfriend mo siya at hindi pag-aari. Hindi niya kailangang baguhin ang pagiging close namin para sa'yo. At saka ano pa bang nirereklamo mo? Magmula nang maging kayo, nilimitahan ko na ang pagiging close namin ni Hiroshin. Halos mawalan nga siya ng oras sa aming mga kaibigan niya dahil binuhos niya sa'yo lahat ng atensyon. Hindi pa ba sapat 'yon?"
Umiling siya. "Hindi mo 'ko naiintindihan, eh. Nakikita ko, Mhae. Nakikita at nararamdaman ko na gusto mo si Hiroshin, bakit kailangan mong magsinungaling na wala?"
"Ano ngayon kung meron?!" Tumaas na ang boses ko. "Gumawa ba ako ng paraan para agawin siya sa'yo? Inakit ko ba siya?"
"Hindi!" Tumaas na rin ang boses niya. "Pero gusto kong malaman kung para kanino 'yang pagpapaganda mo. Iyan!" Tinuro niya ang mukha ko. "Hindi ka dating ganyan, Mhae. Binabago mo ang sarili mo para magustuhan ka ni Hiroshin. Akala mo hindi ko napapansin—"
"At kaninong poncio pilato mo naman narinig na para kay Hiroshin ang pagpapaganda ko?!" Tuluyan nang tumaas ang boses ko. "Para lang sa kaalaman mo, Yumi...ginagawa ko 'to para sa sarili ko at hindi para makakuha ng atensyon ng iba. Masama bang alagaan ko ang sarili ko? Sabagay, hindi mo maiintindihan 'yon kasi hindi ka naman pangit. Halos perpekto ka na kaya hindi mo 'ko maiintindihan."
"Wala namang kaso sa'kin 'yon, Mhae," giit ko. "Pero gusto kong malaman mo ang nararamdaman ko kasi ayoko nito. Ayokong nagseselos ako, ayokong nag-ooverthink ako. Sana maintindihan mo na girlfriend ako kaya may karapatan akong magselos sa kaibigan ng boyfriend ko."
Natawa ako nang pagak. Hindi ko na alam kung anong gusto niya. Gusto niya bang layuan ko na si Hiroshin? Parang hindi naman tama 'yon. Naiintindihan ko ang pagseselos niya pero wala sa lugar, eh.
Tinitigan ko siya. Maluha-luha na ang mga mata niya habang hindi pa rin bumibitaw ng tingin sa akin.
"Please, Mhae...huwag mo namang kalimutan na naging magkaibigan din tayo. Ayokong umabot sa punto na si Hiroshin ang maging dahilan kung bakit tayo magkakasira—"
"Matagal na tayong sira," giit ko, nakakuyom ang mga kamao. "Grabe, 'no? Iba talaga ang nagagawa ng selos. Nakikita mo ba ang sarili mo ngayon, Yumi? Halos magmakaawa ka na sa'kin na huwag kong agawin si Hiroshin. At sa akin pa talaga, ha?" Tumawa ako nang sarkastiko.
"Nakikita mo ba ang itsura ng pinagseselosan mo?" Tinuro ko ang mukha ko. "Hindi ako maganda. Lamang ka sa'kin sa lahat ng aspeto."
"Si Hiroshin ang tipo ng lalakeng hindi tumitingin sa itsura ng isang tao," sagot niya. "K-Kaya natatakot ako na—"
"Na baka magustuhan niya ako? Yumi naman. Tingnan mo nga ang sarili mo. Ang ganda-ganda mo. Bakit pa siya maghahanap ng iba kung jackpot na siya sa'yo?"
"Hindi mo naiintindihan!"
"Talagang hindi kita maintindihan!" sigaw ko pa pabalik. "Hindi ko alam kung anong pumasok sa utak mo, eh. Alam mo, gusto kong matawa. Isang babaeng mala-dyosa ang ganda ay pinagseselosan ang pangit na katulad ko? Aba, mag-ingat ka. Baka sa kakaselos mo, tuluyan nang mawala sa'yo si Hiroshin at—" Natigil ako sa pagsasalita nang lumagapak ang palad niya sa pisngi ko.
Bumaling ang ulo ko sa kanan dahil sa ginawa niya. Pakiramdam ko ay namula ang pisngi ko sa lakas ng pagkakasampal niya. Umawang ang bibig ko sa pagkabigla. Nang tingnan ko siya ulit ay nakatutop na ang palad niya sa sariling bibig, naiiyak.
"I-I'm sorry, Mhae. N-Nabigla lang ako—" Hindi ko na siya pinatapos sa pagsasalita dahil sinampal ko na rin siya bilang ganti. Sa lakas niyon ay halos matumba siya. Buti na lang at napahawak siya sa pader.
"Marife!"
Natuod ako sa kinatatayuan ko nang marinig ang boses ni Hiroshin mula sa likod ko. Lumingon ako at kitang-kita ko ang pagsasalubong ng mga kilay niya habang nakatingin sa akin.
"Bakit mo sinasaktan si Yumi?" tanong niya pero halatang galit at nagpipigil lang.
Nilapitan niya si Yumi na ngayon ay umiiyak na at hindi makatingin sa akin.
"Bakit kayo nag-aaway?" tanong niya habang yakap-yakap si Yumi. Binigyan niya ako ng nag-aakusang tingin. "Marife, ano 'to?"
"Tanungin mo 'yang girlfriend mo!" asik ko bago ako pumasok ulit sa loob ng kwarto ni Ate Monica.
Pagkasara ko ng pinto ay sumandig ako sa pinto at doon napahagulhol.
Hindi ako galit kay Yumi. Galit ako sa sarili ko. Dahil ngayon ko lang napagtanto na ganito pala ang pakiramdam ng pagselosan ka kahit wala ka namang ginagawang masama.
Ganito siguro ang naramdaman ni Yumi noong mga panahong naging malamig ako sa kaniya dahil nagselos ako nang malaman kong siya ang gusto ni Hiroshin. Napuno ng pagsisisi ang puso ko.
Ang mga mata ni Yumi kanina ay puno ng pakikiusap habang lumuluha. Naiintindihan ko na ayaw niyang mawala si Hiroshin at bilang dati niyang kaibigan, kaya kong layuan ang boyfriend niya para sa ikatatahimik niya.
"M-Marife?"
Natigil ako sa pag-iyak nang makita ko si Ate Monica, dilat na ang mga mata at nakatingin sa akin.
"A-Ate Monica..." Sinugod ko siya ng yakap.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top