29. Tell Me Where It Hurts
C H A P T E R 29:
Tell me where it hurts
Trigger Warning ⚠️
Violence, Harrasment
Anong ginagawa niya rito?!
Naglakad siya palapit sa akin, dahan-dahan. Kahit malakas ang patak ng ulan ay naririnig ko pa rin ang ingay na dulot ng pagtapak ng suot niyang sapatos sa sementadong daan.
"B-Bakit ka nandito? S-Sinusundan mo ba 'ko?" nauutal na tanong ko.
Okay, Marife. Kapag patuloy siyang lumapit, hampasin mo siya ng payong mo!
"Nag-eenjoy lang naman ako sa pagsunod sa'yo, eh..." sabi niya, nakangisi.
Umatras ako nang umatras para lumayo sa kaniya. Nanginginig na ang mga kamay ko pero nagawa ko pa ring kunin ang phone ko para tawagan ang isang numero sa call logs ko. Bahala na kung sino ang matawagan ko!
"A-Akala ko pa naman mabait ka. S-Stalker ka pala! Adik ka ba, ha?!" sigaw ko sa kabila ng takot na nararamdaman.
Kung minamalas ka nga naman at wala man lang dumadaan na sasakyan ngayon. Ni wala ring tao! Ano ba 'to!
"Kumagat ka naman sa kabaitan ko." Tumawa siya na parang demonyo. "Halika. Punta tayong langit."
"L-Langit mo mukha mo! Hindi ka makakapasok do'n!" Hinampas ko siya ng payong na hawak ko at tumakbo palayo.
"Marife!" galit na sigaw niya.
Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko habang tumatakbo ako. Wala na rin akong pakialam kahit nababasa na ako ng ulan at hindi ko na siya nilingon pa.
"H-Hello?!" Dinikit ko sa tenga ko ang cellphone ko dahil kanina pa pala may sumagot sa tawag ko.
"Marife! Ano ba, kanina pa ako nagsasalita rito! Ano bang nangyayari sa'yo?!"
Tiningnan ko ang screen ng phone ko para makita kung sino ang natawagan ko.
Si Hiroshin!
"H-Hiroshin! N-Nasaan ka?!"
Napatili ako nang biglang kumidlat nang malakas. Nakita ko ang isang waiting shed sa tabi at sumilong ako roon.
"Hello! Ano, nasaan ka ba?!" Bakas ang pag-aalala sa boses niya kaya hindi niya na naiwasang sumigaw.
Naluluhang inilibot ko ang paningin ko sa paligid. "N-Nasa waiting shed ako...m-malapit sa Plaza. Hiroshin, walang tao rito. Wala akong mahingian ng tulong."
"T-Teka, diyan ka lang! Huwag kang aalis!"
"Hiroshin, sinusundan niya 'ko!" natatarantang sigaw ko. "Hindi ako pwedeng—Ump!"
Nanlaki ang mga mata ko nang biglang lumitaw si Glen sa harap ko at tinakpan ang bibig ko. Nabitawan ko ang phone ko at bumagsak iyon sa sahig.
"Ano ba! Bitawan mo 'ko!" malakas na sigaw ko nang kinarga niya ako mula sa likod. Kinawag ko ang mga paa ko para makatakas ako sa kaniya pero sobrang higpit ng pagkakayakap niya sa tiyan ko. Tinakpan niya ang bibig ko para hindi ako makasigaw.
Hindi ko na alam kung anong ginagawa ko. Kawag lang ako nang kawag para makawala. Humalo na rin ang mga luha at pawis sa mga patak ng ulan sa mukha ko.
Hanggang sa pakiramdam ko ay susuko na ako, saka ko naramdaman ang paglayo sa akin ni Glen. Bumagsak ako sa basang kalsada, nanghihina at nanlalabo ang mga mata sa luha.
Tinukod ko ang mga kamay ko sa basang kalsada at inangat ang tingin kay Glen. Pinunasan ko ang mga mata ko para makita nang maayos ang nangyayari.
Si Glen... nakahandusay sa lupa habang pinapaulanan ng suntok ni Oliver.
Oo, si Oliver. Siya ang dumating at hindi si Hiroshin.
Iniluhod niya ang isang tuhod at inalis ang hood ng raincoat ni Glen.
"Sandy?!" Nanlaki ang mga mata ni Oliver at kaagad ibinaba ang nakaumang na kamao. "Gago ka, anong ginawa mo?!"
Napakunot ang noo ko. "M-Magkakilala kayo?"
Tumingin sa akin si Oliver, nagpapaliwanag ang mga mata. "O-Oo, pero hindi na kami nag-uusap! Hindi ko nga alam na may balak siyang ganito, eh!"
Binalingan niya si Glen na Sandy pala ang pangalan. "Ang daming pwedeng biktimahin, bakit siya pa?!"
"Siya ang tipo ko! Ano bang pakialam mo?!" asik ni Glen.
"Gago ka palang tangina ka, eh!" Hinatak ni Oliver ang damit nito at sapilitang pinatayo. "Dadalhin kita sa presintong hayop ka!"
Mabuti na lang at may napadaan na tricycle sa wakas. Pinasakay ako roon ni Oliver at makasama naming dinala sa presinto si Glen. Humingi ng statement sa akin ang mga pulis bago kami pinauwi.
"Mabuti na lang at nakita ko 'yong flashdrive mo at naisipan kong isunod sa'yo," sabi ni Oliver pagkababa namin sa tapat ng boarding house. "Pa'no kung hindi ako dumating? Baka ano nang nagawa sa'yo ng lalakeng 'yon."
"Bakit mo siya kilala?" tanong ko habang yakap ang sarili. Basang-basa kami ng ulan kanina at inuna naming dalhin sa presinto si Glen.
"Gang," maikling sagot niya. "Pero matagal na 'yon."
"S-Salamat. Kung hindi ka dumating…" Kinagat ko ang pang-itaas kong labi. "Kung hindi ka dumating, hindi ko alam kung anong mangyayari sa'kin."
"Sa susunod, huwag kang aalis nang alanganin." Iyon lang ang sinabi niya bago naunang pumasok sa loob ng boarding house.
Tumigil ako sa tapat ng pinto at napatingin sa phone ko. Naalala ko na tinawagan ko pala si Hiroshin kanina...pero hindi siya dumating.
Okay lang. Hindi niya naman ako responsibilidad, eh.
Kinagat ko ang pang-itaas kong labi bago naglakad papasok. Walang katao-tao dahil nagsiuwian lahat ng boarders—at kami lang ni Oliver at Lovely ang naiwan. Pumasok ako ng kwarto ko at naligo para palitan ang suot kong basang-basa sa ulan.
Pagkatapos niyon ay nagtimpla ako ng kape para kay Oliver. Paniguradong nilamig siya kanina at pa-thank you ko na rin dahil niligtas niya ako.
Pagbaba ko ay wala siya sa sala kaya pumunta ako sa kwarto nila. Naabutan ko siyang sinusuot ang isang gray na t-shirt. Basa ang buhok niya, halatang naligo.
"Kape ka muna," sabi ko.
Sinulyapan niya lang ako at inayos ang sariling damit bago naglakad palapit sa akin, seryoso ang mukha.
"Bakit ka ganyan makatingin—Hoy!" Napasigaw ako nang hatakin niya ang kabilang braso ko, dahilan para mauntog ang ulo ko sa baba niya.
"May gasgas ka..." sabi niya habang nakatingin sa likod ng braso ko. Naitukod ko kasi iyon kanina.
"Alam ko!" Umatras ako palayo sa kaniya at inabot sa kaniya ang hawak kong tasa. "Magkape ka na, para mainitan 'yang sikmura mo."
Nakangising kinuha niya iyon at inamoy bago dahan-dahang hinigop, sa akin pa rin nakatingin.
Pinaningkitan ko siya. "Bakit ganyan ka makatitig?"
Umiling lang siya, nakangisi pa rin. Sinimangutan ko siya at pumihit patalikod para lumabas na. Pero palabas pa lang ako ay nakita ko na si Hiroshin sa sala.
Mukhang kakarating niya lang. Inalis niya ang suot na sumbrero at pinagpag ang nabasang buhok sabay hagis ng cellphone niya sa malambot na sofa. Paulit-ulit siyang bumuntong-hininga habang sinasabunutan ang sariling buhok.
Tumunog ang phone niya at pinulot niya kaagad iyon.
"Babe..." Bumuntong-hininga siya nang sinagot niya ang tumatawag. "S-Sorry. Nasaan ka ngayon? Gusto mo bang puntahan pa kita?"
Tumikhim ako at gulat siyang napatingin sa akin. Nanlaki ang mga mata niya at naibaba ang kamay na may hawak ng cellphone niya.
"M-Marife…" Naglakad siya palapit sa akin at tiningnan ang kabuuan ko. "Anong nangyari sa'yo? Hindi ba tumawag ka kanina—"
"Okay na ako," nakangiting putol ko sa sasabihin niya. "Dumating si Oliver kaya hindi natuloy ni Glen ang balak niya."
"Teka, si Glen?" Nagsalubong ang mga kilay niya. "Iyong ka-chat mo?"
"Oo. Stalker ko pala 'yon, eh." Tumawa ako nang alanganin. "Mabuti na lang talaga—"
"Hindi ba sinasabi ko na sa'yo na mag-ingat ka?" Tumaas ang boses niya na ikinatigil ko. "Alam mong delikado na makipag-chat ka sa kung sino-sino lang tapos ginawa mo pa rin?"
Umawang ang bibig ko, hindi nagugustuhan ang tono ng pananalita niya.
"Ano bang nakukuha mo riyan? Atensyon? Hindi pa ba sapat 'yong atensyon na binibigay naming mga kaibigan mo sa'yo?"
Naglapat ang mga labi ko kasabay ng pagkuyom ng mga kamao ko. Napansin niya siguro ang reaksyon ko kaya natigil siya sa pagsasalita.
Atensyon? Sa isang katulad ko na hindi kagandahan, malamang gusto ko ng atensyon kahit minsan lang. Kasi roon ko nararamdaman na maganda ako kahit ang totoo ay hindi, doon ako nakakaramdam ng kaunting tuwa. Iba pa rin 'yong naa-appreciate ako ng ibang tao pero bakit pakiramdam ko ay mababaw lang 'yon para sa kaniya?
Marahas siyang bumuntong-hininga at umiling nang dalawang beses, nakayuko na.
"S-Sorry. Ayoko lang na napapahamak ka, Marife. Nag-iisa ka naming kaibigan na babae. Ayaw lang namin na nababastos ka."
Tumango ako, pinipigilan ang maluha. Ayokong umiyak sa harap niya. Naiintindihan ko naman. Concern lang siya sa'kin.
"Nadala ko na sa presinto si Sandy," sabad ni Oliver na nasa likod ko na pala.
Lumipat sa kaniya ang tingin ni Hiroshin at napalitan ng galit ang mga mata niya. "Sandy? Iyong kasama mo sa gang?"
"Dati," pagtatama ni Oliver. "Glen ang pakilala niya kay Marife. Malamang, natipuhan siya nito."
"Sigurado ka bang wala kang alam sa nangyari kay Marife?" Humakbang si Hiroshin patungo kay Oliver.
Nakaramdam ako na mag-aaway sila kaya pumagitna na kaagad ako sa kanilang dalawa.
"Ano bang akala mo sa'kin? Ipapahamak ko si Marife?" maangas na sagot ni Oliver.
"Dahil kilala kita."
"Oh, sige!" Tumawa nang sarkastiko si Oliver. "Isipin mo na kung anong gusto mong isipin. Total, para sa'yo, wala na akong ginawang tama—"
"Bakit, meron ba?! Palagi kang galit, 'di ba? At dahil galit ka sa mundo, dinadamay mo ang mga tao sa paligid mo!"
"Hiroshin!" awat ko pero mukhang ayaw niyang magpaawat.
"Hindi mo ba nakikita? Binabago ko ang sarili ko! Pero dahil wala kang pakialam sa'kin, hindi mo nakikita 'yon!"
"Wala akong pakialam, gano'n ba?!" Humakbang ulit si Hiroshin para hamunin si Oliver kaya tinukod ko ang isa kong kamay sa dibdib niya para pigilan siya.
"Oo! Hindi mo nga alam na birthday ko ngayon, eh! Kasi nga, wala kang pakialam sa'kin!"
Umawang ang bibig ko sa sinabi ni Oliver. Napatitig ako sa kaniya at nakita ko ang pagbakas ng sakit sa mga mata niya.
Birthday niya pero wala siyang binanggit sa'kin kanina.
"Wala akong pakialam?!" ulit ni Hiroshin. Nang tingnan ko siya ay bakas din ang sakit sa mga mata niya.
Pumunta siya sa may sofa at kinuha mula roon ang isang puting paper bag. Bumalik siya sa pwesto namin at ibinato iyon sa dibdib ni Oliver na nasalo naman ng huli.
"Regalo ko 'yan sa'yo! Kasi nga wala akong pakialam sa'yo, 'di ba?!" Umalis siya kaagad sa harap namin at dumiretso sa loob ng kwarto.
Saglit akong napatulala bago binalingan si Oliver. Nakatulala rin siya sa paper bag na may tatak ng sikat na designer brand. Kahit hindi ko nakikita ay alam kong damit ang laman n'on. So, hindi niya nakalimutan ang birthday ni Oliver.
Tinapik ko ang balikat ni Oliver at nang tingnan niya ako ay nakita ko ang maluha-luha niyang mga mata.
"P-Pabo... Paborito kong brand ng damit 'to. Hindi ko lang mabili kasi wala akong pera," halos pabulong na sabi niya.
"Kakausapin ko siya," sabi ko bago pumasok sa kwarto para kausapin si Hiroshin.
Naabutan ko siyang nakaupo sa higaan niya at napatong ang gitara sa sariling hita. Kinakalabit niya ang string n'on pero sa agresibong paraan na para bang gusto niyang sirain ang gitara niya.
"Hiroshin..."
Tumigil siya sa pagkalabit ng gitara at tumingin lang sa sahig, iniiwasan ang tingin ko.
"Sorry kung gano'n ako, Marife. Hindi ko na makontrol ang sarili ko na magalit kapag may ibang taong nakakakita. Sorry kung kailangan mong makita ang pag-aaway namin."
Bumuntong-hininga ako at dahan-dahang naglakad palapit sa kaniya at umupo sa tabi niya.
"Masama ba akong kapatid, Marife?" mahinang tanong niya. "Pakiramdam ko ang sama-sama kong kapatid kasi gano'n kagalit sa'kin si Oliver. Ano bang nagawa ko?"
"Hindi lang kayo nagkakaintindihan," giit ko.
"Matagal ko na siyang iniintindi. At kahit galit ako sa ginagawa niya, kahit gusto ko siyang sapakin, kahit sobrang sama ng loob ko sa kaniya, kapatid ko pa rin siya at may pakialam ako sa kaniya. Paano niya nasasabi na wala akong pakialam? Hindi ko sinasabi na may pakialam ako pero pinaparamdam ko 'yon sa kaniya sa simpleng paraan. Hindi niya nakikita 'yon, eh."
Napaawang ang bibig ko sa sinabi niya. Sa isang iglap, umalingawngaw sa loob ng isip ko ang mga salitang binitawan ni Ate Monica noon.
"Mahal kita, Marife! Kapatid kita, eh! Kahit minsan sinisigawan kita, kahit minsan napapabayaan kita, hindi pa rin magbabago na mahal kita kasi kapatid kita! Gusto kong bumawi sa'yo kasi hindi kita napagtutuonan ng pansin nitong mga nakaraang buwan. Aaminin ko na napabayaan kita pero hindi ibig sabihin na wala na akong pakialam sa'yo!"
Natakpan ko ang bibig ko para mapigilan ang hikbi na kumawala. Hindi ko maintindihan pero bigla kong nakita kay Hiroshin ang kapatid ko. Katulad ni Oliver, sarado ang isip ko noon kay Ate Monica at hindi ako naniwala na may pakialam siya sa'kin, na mahal niya ako. Pero hindi ko man lang siya pinakinggan.
Tumitig ako kay Hiroshin. Ganito rin siguro si Ate Monica noong pinamukha ko sa kaniya ang mga pagkukulang niya. Ganito rin siguro siya masaktan kasi mga mali niya lang ang nakita ko.
"Hindi lang naman siya ang galit sa mundo, hindi lang siya ang nahihirapan. Magkaiba kami, eh. Hindi ko pinapakita na nahihirapan ako kasi panganay ako, samantalang siya, puro reklamo, galit na galit siya sa nangyayari sa buhay niya."
Pinunasan ko ang luhang tumulo sa pisngi ko. "Kaya nga tinulungan ko siyang makapag-enrol sa ALS. Para... makapagtapos siya ng pag-aaral at magkaroon siya ng trabaho sa future, para matulungan niya ang sarili niya at para matulungan ka. Magtulungan kayo at huwag sukuan ang isa't isa."
Kasi iyon ang hindi ko nagawa para kay Ate Monica. Sinukuan ko siya...at iniwan. Iniwan ko siya kahit alam kong niloloko siya ni Ate Carrie.
Tumingin sa akin si Hiroshin kaya nakita ko ang maluha-luha niyang mga mata.
Ngumiti ako. "Kailangan niya ng pag-intindi mo. Iparamdam mo sa kaniya na mahal mo siya sa kabila ng mga kalokohang ginagawa niya, kasi doon niya mararamdaman na importante siya sa'yo."
Ngumiti siya pabalik kasabay ng pagpatak ng mga luha niya. Bumaba ang tingin ko sa hawak niyang gitara. Napangiti ako at kinuha iyon mula sa kaniya at nagsimulang tugtugin ang intro ng 'Tell me where it hurts' ng MYMP.
Hindi ako kumanta, hinayaan ko lang na iparinig sa kaniya ang musika na alam kong magpapawala ng lungkot niya.
Hindi nawala ang ngiti niya at hindi rin siya bumitaw sa pagtitig ng sa'kin.
Salamat, Hiroshin. Salamat dahil ikaw ang naging inspirasyon ko sa lahat ng bagay. Naging daan ka para makita ko ang halaga ng pagiging magkapatid.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top