25. Balikat

C H A P T E R 25:
Balikat


Trigger Warning ⚠️
Self-harm, Violence

Nagawa ko siyang pakalmahin noong gabing 'yon. Ayoko sanang iwan siya pero sabi niya ay kaya niya na. Nagpasalamat siya sa'kin no'ng gabing 'yon.

Kinabukasan ay Linggo at maaga akong nagising—o baka hindi talaga ako nakatulog nang maayos kakaisip ko kay Hiroshin.

Wala ang mga boardmates ko ngayon dahil umuwi sa mga bahay nila. Kaya naman, mag-isa rin akong uminom ng gatas sa dining table. Tumunog ang notification sa phone ko kaya tiningnan ko 'yon at nakita kong nag-chat si Echo sa GC namin.

From: Echo Escobar

Gagi, nakita ko si crush kahapon sa covered court. 

Kumunot ang noo ko. Ang dami niyang crush. Sino do'n?

From: Marife Mhae Garcia

Sinong crush? Ang dami, eh.

From: Echo Escobar

Taga-Regular Class! Pupunta nga kami ni Tadeo ulit sa cover court. Alam n'yo na. Mwehehe.

From: Marife Mhae Garcia

Mag-ingat ka. Baka maging karma mo 'yan.

From: Echo Escobar

Shut up ka na lang. Palibhasa hindi ka crush ng crush mo.

Umawang ang bibig ko nang mabasa ang chat ni Echo. Magta-type pa lang sana ako ng rebut pero biglang nag-seen si Hiroshin.

From: Hiroshin Iscalera

Good morning. Sinong crush?

Muntik ko nang mabitawan ang phone ko.

From: Echo Escobar

Hahaha. Secret.

Napapadyak ako at parang gusto kong sugurin si Echo at sabunutan hanggang sa mapanok siya!

From: Hiroshin Iscalera

Si Zach? 

From: Echo Escobar

Hahaha. Hindi. Nagsisimula sa letter H ang pangalan niya. Hahaha.

From: Marife Mhae Garcia

Hoy, Echo! 

From: Echo Escobar

Halex Madrigal. Kakambal ni Zach. Hahaha.

From: Hiroshin Iscalera

Alex kasi 'yon. Tanga nito.

From: Echo Escobar

Ay hahaha. Alex pala. Sige na. Natahimik si Pikachu hahaha.

Nagdikit ang mga labi ko bago nag-type.

From: Marife Mhae Garcia

Sana hindi ka pansinin ng crush mo, Echo.

Tumawa lang siya nang tumawa habang inaasar ako. Nakakainis siya! Sana makarma talaga siya!

From: Echo Escobar

Mabuti pa mag-review na kayo. May long-quiz sa Math bukas. Nyehehe.

Impit akong napatili sa inis. Nakagigil 'tong Echo na 'to! 

Pero nawala rin ang inis kong 'yon nang mag-chat si Hiroshin.

From: Hiroshin Iscalera

May sasabihin pala ako sa'yo.

Kumabog nang malakas ang dibdib ko at nag-type kaagad ako ng reply.

To: Hiroshin Iscalera

Ano 'yon?

From: Hiroshin Iscalera

Simula pa no'ng una…

Natuod ako sa kinauupuan ko, hinihintay ang susunod niyang sasabihin.

From: Hiroshin Iscalera

Hindi na maintindihan nararamdaman.

To: Hiroshin Iscalera

Anong ibig mong sabihin?

From: Hiroshin Iscalera

Naging magkaibigan, ngunit 'di umabot ng magkaibigan.

Kumunot ang noo ko nang ma-realize na lyrics pala 'yon ng kanta. Napasimangot ako. Kinabahan pa naman ako kasi akala ko totoo na.

To: Hiroshin Iscalera

Lyrics prank?

Halos mapatalon ako sa kinauupuan ko nang mag-vedio call siya sa'kin. Sinagot ko iyon pero in-off ko ang camera ko.

"Pikachu," tawag niya habang tumatawa. Mukhang nasa loob pa siya ng kwarto niya dahil nakikita ko sa likod niya ang isang gitara na nakasandig sa gilid. Ang gulo rin ng buhok niya at mukhang kakagising niya lang talaga.

Kakagising lang niya sa lagay na 'yan? Ba't ang pogi.

"Pikachu, pakita ka nga. Naka-off cam ka, eh."

"Ewan ko sa'yo."

"Galit ka?" Tumawa siya. "Sorry na. Tinuruan ako ni Echo, eh. Ikaw ang first victim ko."

"Huwag mong gayahin si Echo kasi player 'yon," panenermon ko. "Pa'no na lang kapag may feelings talaga sa'yo 'yong babaeng pina-prank mo? Eh di aasa siya sa sinasabi mo? Tapos ano? Babawiin mo? Huwag kang gan'on. Nakakasakit ka ng damdamin."

Ngumuso siya. Kitang-kita ko sa screen ang pag-angat ng labi niya na parang bata. 

"Bakit? Gano'n ka rin ba? Sineryoso mo ba 'yong sinabi ko?"

"Oo!" mabilis na sagot ko. Huli na para mabawi ko.

Umawang ang bibig niya at dumaan ang pagkalito sa mga mata niya. Gusto kong kaltukan ang sarili ko. 

"N-Nasaktan ka? A-Alam mo namang mapagbiro ako, 'di ba?" Kumurap siya nang ilang beses.

"O-Oo nga! Hindi naman ako apektado ro'n," bawi ko. "Ang punto ko lang, huwag kang mag-prank ng gano'n sa ibang babae. Baka ma-misinterpret ka nila."

"Ikaw lang naman ang prinank ko nang gano'n kasi alam kong hindi mo mami-misinterpret." 

"Kaya nga. Paano kung may feelings nga ako sa'yo tapos biniro mo 'ko nang gano'n? Siempre masasaktan ako kasi akala ko totoo 'yon—"

"May tinatago ka ba sa'kin, Marife?" seryosong tanong niya na ikinatigil ko. 

Napalunok ako at hindi nakapagsalita. Hindi ko alam ang sasabihin ko.

Naging OA ba ako? Nakakahalata na ba siya?

"Kakapalan ko na ang mukha ko," patuloy niya. "Wala ka namang...hidden feelings para sa'kin, 'di ba?"

Pakiramdam ko ay huminto sa pagtibok ang puso ko sa tanong niyang 'yon. 

"Kasi hindi ka naman maaapektuhan nang gano'n kung wala, eh..." dagdag niya. "Ano, bakit hindi ka makasagot?"

Kinagat ko ang pang-itaas kong labi, mahigpit ang pagkakahawak sa phone ng kamay ko.

Kapag inamin ko sa kaniya, baka iwasan niya na ako. Baka masira lahat ng meron kaming dalawa. 

"Marife—"

"Wala. Wala akong gusto sa'yo," mariing sagot ko. 

Napakurap siya nang ilang ulit, iniintindi ang sinabi ko. Maya-maya lang ay napangiti siya.

"Kinabahan ako. Akala ko meron." Tumawa siya at napakamot sa batok.

Tuwang-tuwa? 

"Kamusta ang nanay mo?" pag-iiba ko ng topic. 

Nabura nang kaunti ang ngiti niya dahil sa tanong ko. "Ayon... nirereklamo 'yong mga masakit sa kaniya. Maghahanap nga ako ng iba pang trabaho para makapag-ipon ako at mapagamot ko siya."

"Huwag mong abusuhin ang sarili mo, Hiroshin. Nagtatrabaho ka na sa umaga. Gabi na lang ang pahinga mo," pagpapaalala ko.

"Kaya ko 'to…" Ngumiti siya. "Kakayanin para sa nanay ko."

Napabuntong-hininga na lang ako.

"Salamat nga pala kahapon. Hindi ka umalis sa tabi ko. Nakita mo tuloy 'yong pagdadrama ko." Kinamot niya ang batok niya. "Nababaklaan ka na ba sa'kin?"

Natawa ako. "Hindi. Hindi naman nakakabakla ang pag-iyak ng lalake. Sa totoo lang, nakita ko ang iba mong sides kahapon. Iyakin pero mapagmahal sa pamilya." Tumawa ako.

"Hindi naman ako iyakin," kontra niya. "Pagdating kasi sa pamilya ko, madali akong masaktan. At kahapon, kung kailan kita kasama, saka ako sumabog. Nagsabay-sabay lahat. Mabuti nga't nando'n ka para alalayan ako. Salamat talaga. Solid kang kaibigan." Ngumiti siya nang malawak.

Kaibigan. 

Gusto kong matawa.

Kung ang salitang kaibigan ang mag-uugnay sa atin, handa ako masaktan, huwag lang ako mawalan ng parte sa buhay mo.

Inubos ko ang oras ko sa pagre-review no'ng araw na 'yon dahil may long-quiz kami sa Math bukas. Pero ang nangyari, nakalimutan ko ang mga pinag-aralan ko kinabukasan. Ang siste, hindi ako sigurado kung masasagutan ko nang maayos ang quiz mamaya.

Pagdating ng lunch break ay sabay-sabay kami ni Echo at Tadeo na kumain. Si Hiroshin, kasabay na naman si Yumi. Medyo nasasanay na rin ako kasi 'yon naman ang magpapasaya sa kaniya, hinayaan ko na lang. At kapag mahal mo ang isang tao, mas gugustuhin mong maging masaya siya...kahit nasasaktan ka.

Pero ang hindi ko talaga maintindihan, bakit kailangang pati si Echo?

"Puntahan ko muna," nakangising sabi ni Echo nang makita niya ang crush niya sa kabilang mesa, kumakain mag-isa.

"Pati ba naman ikaw?" Sumimangot si Tadeo. "Nauubusan na 'ko ng tropa, ah! Ano, kami na lang ni Marife magsasabay?!"

"Tangina nito, ang OA." Binatukan siya ni Echo. "Makikisabay lang ako!"

"Huwag kayong magagalit ni Hiroshin kapag niligawan ko 'to si Marife!"

"Baka masapak kita kaliwa-kanan? Tropa natin 'yan!" 

"Joke lang!" bawi ni Tadeo. "Kay Hiroshin lang kakalampag 'yan, eh!" 

Binato ko siya ng tissue sa mukha. "Ingay mo."

"Sige na! Wish me luck!" paalam ni Echo bago umupo sa pwesto ng crush niya dala ang tray.

Nagkatinginan kami ni Tadeo at sabay kaming napakibit-balikat.

Ilang minuto ang lumipas at biglang tumayo si Tadeo, nakangisi na parang demonyo.

"Aasarin ko lang si Echo," sabi niya habang nakaturo sa pwesto ni Echo at ng crush nito.

"Bahala ka," sabi ko na lang at pinagpatuloy ang pagkain ko. 

Eh di naiwan akong mag-isa! Bahala sila! 

Tahimik akong kumakain nang biglang umupo sa harap ko si...ano nga bang pangalan ng lalakeng 'to?

Matagal-tagal na rin siyang hindi lumalapit sa aming mga taga-Night Class mula nang ma-suspend sila noong Grade 7 pa lang kami. Pinagbawalan kasi siya at saka mukhang natakot siya kay Zach.

"Mukhang wala kang kasama, ah."

"Hindi ba obvious?" pagtataray ko. 

"Matapang ka pa rin pala, ah. Akala ko pa naman, ikaw ang pinakamahinang babae sa Night Class."

"Akala mo lang 'yon."

Narinig ko ang pag-ismid niya bago siya umalis sa harap ko.

Tinapos ko na ang kinakain ko at nag-review na lang muna ako habang hindi pa tumutunog ang bell. Hindi pa ako tapos sa pagre-review pero tumunog na nga ang bell. Napabuntong-hininga ako at niligpit ang gamit ko.

"Iniwan ako?" inis na bulong ko nang hindi ko na nakita sila Echo, Hiroshin at Tadeo. "Gano'n ba ako kaliit para hindi nila makitang nandito pa ako?"

Nakasimangot na naglakad ako palabas ng canteen kasabay ng ibang taga-Regular Class. Nang nasa harap na ako ng Tennis court ay biglang may mga kamay na tumulak sa akin, dahilan para masubsob ako sa pavement. 

Napangiwi ako sa sakit at inangat ang braso ko para makita ang siko kong nasaktan dahil sa pagtukod ko. May kaunting dugo iyon.

"Okay ka lang?" 

Tumingala ako sa nagtanong sa'kin. Si Hope. Tinulungan niya akong makatayo at inalis niya rin ang mga dumi sa suot kong uniform.

"Tinulak ka rin ba niya?" tanong niya.

"Nino?" Kumunot ang noo ko.

"Si Martin."

"Bakit? Pa'no mo alam?"

"Nakita ko. Ako nga ang una niyang tinulak, eh." Pinakita niya ang siko niyang may kaunting sugat. "Pinatulan kasi siya ni Zach kanina kaya trip niya na naman ang Night Class 10. Nananakit siya ng mga babae."

"Ano?" Hindi lang ako ang trip niya ngayon?

"Tara sa clinic. Pagamot natin 'yan." Hinatak niya ako at hindi na lang ako umangal.

Hindi ko maintindihan kung bakit siya nag-eeffort  na kausapin ako ngayon. Hindi naman kami close at nag-uusap lang kami kapag may group activity.

Nang makarating kami sa clinic ay naabutan ko rin doon si Yumi...at si Hiroshin. Nasa isang kama si Yumi at ginagamot ng isang nurse ang tuhod niya.

"Oh, anong nangyari?" tanong ni Hope kay Yumi.

"May...tumulak sa'kin," sagot ni Yumi at saka tumingin sa'kin. "Mhae, anong nangyari sa'yo?"

Napalingon sa akin si Hiroshin at kumunot ang noo niya nang makita ako. Bumaba ang tingin niya sa siko ko.

Tumayo siya mula sa tabi ni Yumi at naglakad palapit sa akin para tingnan ang sugat ko.

"Anong meron? Ba't ang lampa n'yo ngayon?" biro niya kaya hinampas ko siya sa braso.

"Hindi kami lampa," kontra ni Hope. Nagulat ako nang makitang siya na ang kusang gumagamot ng sugat niya. "May tumulak kasi sa'min. At 'yang nangyari kay Yumi, siguradong si Martin din ang may gawa."

Kumunot ang noo ni Hiroshin at tumingin kay Hope. "Martin? 'Yong nakaaway natin noong Grade 7 tayo?"

Tumango si Hope bilang sagot. Biglang tumahimik si Hiroshin pero nakita ko ang pagkuyom ng kamao niya at ang paggalaw ng panga niya.

Nang matapos linisin ng nurse ang sugat ko ay sabay-sabay na kaming bumalik ng classroom namin. Wala pala kaming lecturer ngayon kaya magulo at maingay sila. Pero nang makita nila kaming pumasok ay natahimik sila.

Maraming nagtanong kung anong nangyari kay Yumi at Hope. Pero sa'kin? Si Tadeo at Echo lang. Silang tatlo lang naman ni Hiroshin ang may paki sa'kin dito.

"Bakit mo kasi iniwang mag-isa si Marife?" Binatukan ni Echo si Tadeo. 

"Malay ko bang pagtitripan siya ng Martin na 'yon?" katwiran ni Tadeo.

"Parehas n'yo naman akong iniwan, eh. Huwag na kayong magtalo," iritang sabad ko. 

"Saan ka tinulak?" tanong ni Hiroshin na kakaupo lang sa tabi ko. Kinausap niya pa kasi si Yumi doon sa likod.

"Doon sa may Tennis court," sagot ko. "Hindi ba magkasama kayo ni Yumi kanina? Pa'no siya natulak ni Martin?"

"Nalingat lang ako nang kaunti kasi may nagpa-picture. Pagtingin ko sa likod ko nakadapa na si Yumi. Sabi niya nasagi lang siya, 'yon pala tinulak."

"Ano ba trip ng lalakeng 'yon?" tanong ni Echo.

"Nag-aaway na naman siguro sila ni Zach," sagot ko.

"Hoy! Mga bugok na Night Class 10!"

Sabay-sabay kaming lahat na napatingin sa pinto at nakita namin si Martin na parang naghahamon ng away.

"Sinong nagsumbong sa inyo sa'kin kay Dean?!" Dinuro niya kami isa-isa. "Magsalita kayo!"

"Hoy! Lakas ng loob mong mag-angas dito, ah," nakangising sabi ni Echo. "Ngayon pa talaga, ah? Ngayong nalaman namin na ikaw ang nanakit sa tatlong babae rito."

"Bakit? Ayaw n'yo bang mabawasan kayo ng matatalino? Pasalamat nga kayo at 'yon lang ang ginawa ko! Inaangasan ako ni Zach, eh!"

Napatayo kaming mga nakaupo nang biglang sumugod si Zach kay Martin at kwinelyuhan ito. Kaagad lumapit si Alex at Vince para awatin ang kapatid.

"Tayo ang magkaaway, bakit mo dinamay ang iba?!" gigil na gigil na asik ni Zach.

"Pinagyayabang mo sila, 'di ba?!" 

"'Tol, ano ba! Tama na!" awat ni Alex. 

"Uy, gago! Awat na!" sigaw ni Vince na hindi makandaugaga sa kakahila kay Zach. "Puta, tigas mo, 'tol!

"Hoy! Tumigil na kayo!" sigaw ni Hope na lumapit na rin para umawat. "Zach, bitaw na! Bitaw na sabi!" 

Bumitaw din si Zach dahil sa sigaw ni Hope. Akala ko ay okay na pero biglang nawala sa tabi ko si Hiroshin at namalayan ko na lang na pasugod na siya kay Martin.

"Hiroshin!" nanlalaki ang mga matang sigaw ko. 

Pero parang wala siyang narinig dahil isang malakas na sipa sa dibdib ang binigay niya kay Martin. Sa lakas n'on ay tumalsik palabas ng classroom namin si Martin.

Dahil sa pagkabigla naming lahat ay hindi kaagad kami nakagalaw. Maging sila Zach ay napatulala sa ginawa ni Hiroshin.

Sa aming lahat, ako yata ang unang nakabawi. Tumakbo ako palabas ng classroom namin at nakita ko si Hiroshin na nakadagan sa tiyan ni Martin at kinikwelyuhan ito.

"Putangina mo! Bakit mo sila sinaktan?! Gago ka ba?!"

"Hiroshin!" Hinawakan ko ang braso niya nang akmang susuntukin niya si Martin. "Tama na, ano ka ba?! Hiroshin!"

Hinihingal na lumingon siya sa'kin at tumitig. "Tinulak ka nito, 'di ba? Si Yumi, tinulak niya rin. Si Hope! Anong karapatan niyang saktan kayo?!"

"Wala siyang karapatan at wala ka ring karapatan na iganti kami kasi mali rin 'yon! Kumalma ka!" 

Kumunot ang noo niya at umiwas ng tingin. Akala ko ay hindi pa rin siya magpapapigil pero tumayo na siya at marahas na bumuntong-hininga.

Saktong lumabas si Yumi kasunod ng mga lalake para ilayo si Martin kay Hiroshin.

"Dalhin n'yo na siya sa Dean's office," utos ni Hope sa mga lalakeng may hawak kay Martin.

Stressful ang mga pangyayari dahil nasermunan pa kami ni Ma'am Veronica nang malaman ang nangyari.

"At ikaw Hiroshin," baling ni Ma'am Veronica kay Hiroshin na nakayuko lang. "Sa inyong tatlo ni Tadeo at Echo, ikaw ang pinakahuling naisip ko na magiging bayolente."

"Ibang usapan na po kasi—" Siniko ko si Hiroshin para manahimik siya. "S-Sorry po." Yumuko siya ulit.

"Ma'am, pa'no bumati ang dagat sa isa't isa?" tanong bigla ni Tadeo.

Bumuntong-hininga si Ma'am Veronica at napahilot sa sentido. "Tadeo, hindi ito ang oras para makinig sa mga jokes mo. Tinuturuan ko kayo ng tamang—"

"Tanungin mo 'ko ng ano, Ma'am!" pamimilit ni Tadeo.

"Ano?" Bumuntong-hininga si Ma'am Veronica.

"They wave to each other!" 

Natampal ko ang noo ko sa sinabi ni Tadeo.

Napaka-corny kahit kailan.

Narinig ko ang impit na pagtawa ni Echo sa tabi ko at ng iba kong pang kaklase.

Kinagat ni Ma'am Veronica ang labi niya habang nakahalukipkip, halatang nagpipigil ng tawa.

"Tumawa kayo! Nakakatawa kaya 'yon!" pagpupumilit ni Tadeo.

"Hay! Dios ko!" Napatingala si Ma'am Veronica at hindi na napigilang tumawa habang umiiling. 

Bumulanghit ng tawa si Echo at narinig ko rin ang mahinang pagtawa ni Hiroshin sa tabi ko.

"Putangina..." Tumawa nang malakas si Echo habang umuubo-ubo pa. "Ang corny, amp." Sunod kong narinig ang malakas na pag-utot niya.

Natahimik kaming lahat at sabay-sabay na napatingin kay Echo. Tumigil siya sa pagtawa at napatingin sa amin isa-isa, nakangiwi. Dahan-dahan niyang inangat ang kamay niya sabay peace sign.

Tinakpan ko ang ilong ko dahil amoy na amoy ko ang utot niya.

"Ang baho naman niyan, Echo! Papatayin mo ba kami?!" reklamo ni Lovely dahil katabi siya mismo ni Echo. 

"You know how to lighten up the heavy atmosphere," natatawang sabi ni Ma'am Veronica.

Napuno ng tawanan ang classroom namin. Ang saya lang dahil mukha kaming walang pakialam sa isa't isa pero alam naming nandyan lang kami para sa isa't isa.

Natapos ang klase namin para sa araw na 'yon. Hindi na ako sumabay kay Echo at Tadeo sa pagbaba dahil nakaramdam ako ng tawag ng kalikasan. Kahit natatakot ako dahil gabi na at wala akong kasama, pumunta pa rin ako ng CR na nasa left wing ng second floor.

Nagmadali akong makatapos sa pag-ihi dahil natatakot ako. May mga kwento-kwento pa naman na may white lady na nagpapakita sa CR kapag gabi.

Nakahinga ako nang maluwag nang makalabas na ako. Pero muntik na akong mapamura nang may marinig akong nag-uusap sa gilid ng hallway na dinaanan ko kanina.

Sa tulong ng ilaw na galing sa poste ng Tennis court sa baba, nakita ko nang malinaw ang mukha ng isang lalake at isang babaeng nagtatalo.

Si Yumi at Hiroshin.

"Bakit kailangan mong manakit? Bakit kailangan na may murang lumabas diyan sa bibig mo? Hiroshin, alam mong ayaw ko ng gano'n," malumanay pero halatang inis na sabi ni Yumi. 

"Sorry na, please. Ayoko lang na may nananakit sa'yo," nakayukong sagot ni Hiroshin.

"Nagustuhan kita dahil hindi ka bayolente at hindi kung ano-anong salita ang lumalabas sa bibig mo, sana naman huwag mong sirain 'yon."

Napakamot sa batok si Hiroshin, nakayuko pa rin. "Hindi ko naman makokontrol 'yon, Yumi. Kapag galit ako, kusang lalabas 'yon."

"Kontrolin mo dahil ayoko ng gano'n."

"S-Sorry na." Hinawakan ni Hiroshin ang kamay ni Yumi. "Hindi ko na uulitin."

"Talagang hindi—"

Napahawak ako sa dibdib ko nang biglang yumuko si Hiroshin sa mukha ni Yumi para halikan ito.

Umawang ang bibig ko at pakiramdam ko ay nilamukos ang dibdib ko.

Gusto ko lang naman umihi. Bakit naman may paganito? Lord naman?

Humiwalay din kaagad si Hiroshin. "Forgiven na ba 'ko?"

"Hindi mo 'ko madadala sa halik mo." Tumalikod na si Yumi at naglakad na paalis. "Uuwi na ako. Huwag mo na akong ihatid sa sakayan."

Ayaw mo ng halik niya, Yumi? Itabi mo at ako na.

Nanatiling nakatayo si Hiroshin at sinundan na lamang ng tingin si Yumi. Bumuntong-hininga siya at hindi sinasadyang napabaling sa direksyon ko. Nagkagulatan kami at parehong nanlaki ang mga mata.

"M-Marife?"

Nang makabawi ako ay naglakad ako palapit sa kaniya. "S-Sorry. Galing ako sa CR. Paglabas ko, nandyan na kayo. Awkward naman kung dadaan ako habang...nag-aaway kayo."

Kinamot niya ang batok niya at bumuntong-hininga ulit. "Narinig mo, 'no? Nagalit siya sa'kin dahil sinaktan ko si Martin. Naiintindihan ko pa 'yon pero 'yong pagmumura ko? Hindi ko naman makontrol 'yon, eh. Kapag galit ako, galit ako."

"Gano'n talaga siya. Palasimba kasi ang pamilya nila at hindi talaga nagmumura," paliwanag ko. "Intindihin mo na lang. Ngayon ka pa ba magrereklamo? Parang dati lang ay gustong-gusto mo siya."

"Hindi naman ako nagrereklamo. Siempre bago pa lang kami at nag-aadjust sa ugali ng isa't isa." Ginulo niya ang buhok ko na ikinasimangot ko. "Buti na lang pwede akong magmura kapag ikaw kasama ko."

"Aray ko!" reklamo ko nang akbayan niya ako nang mahigpit at isinabay ako sa paglalakad niya. 

"Huwag ka ngang sumigaw. Baka mamaya isipin ng makakarinig na may ginagawa akong karumal-dumal na krimen sa'yo." 

Pinaikot ko ang mga mata ko.

Kinabukasan, nabalitaan namin na suspended si Martin dahil sa ginawa niya sa aming tatlo ni Yumi at Hope. 

Umupo ako sa tabi ni Hiroshin at binigay ang Pillows na paborito niya.

Inalis niya ang headset na nakapasak sa tenga niya at tiningnan ang Pillows bago tumingin sa akin, nakangiti.

"Ayaw mo?" 

"Gusto!" Kinuha niya ang Pillows at nilantakan. 

Nasa loob kami ng classroom pero kami lang ni Lovely at Tadeo ang nakabalik mula sa canteen. Si Lovely ay nagre-retouch habang si Tadeo ay kumakain ng mangga sa likod. Wala si Echo dahil may training siya sa Arnis. Hindi rin kasama ni Hiroshin si Yumi dahil hanggang ngayon ay galit pa rin daw sa kaniya si Yumi.

"Pakinggan mo." Binigay niya sa'kin ang isang earphone kaya kinuha ko naman iyon at pinasak sa tenga ko.

Napatingin kaagad ako sa kaniya nang marinig kung ano ang naka-play na music sa earphone niya.

"Sabihin mo na nilalaman ng puso mo at nararamdaman nito…" 

Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Ang kantang 'yon kasi...parang sinasabing umamin na ako kay Hiroshin.

"Oh, kuha ka." Inilahad niya ang Pillows. "Huwag ka na mahiya."

"Baka ako bumili niyan, 'no?" sarkastikong sambit ko pero mukhang wala siyang narinig. Kumuha na lang ako roon at kumain.

Maya-maya, naramdaman kong isinandig ni Hiroshin ang ulo niya sa balikat ko. Natigil ako sa pagnguya at napatingin sa kaniya. Kumabog nang malakas ang dibdib ko sa simpleng pagdidikit naming dalawa.

Tumikhim ako. "Hiroshin..." Inalis ko ang ulo niya sa balikat ko. "Ang init na nga, eh. Sumasandig ka pa."

"Ang labo niya..." tukoy niya kay Yumi. Mukhang maiiyak na siya.

"Palinawin mo," biro ko pero mukhang hindi effective dahil hindi siya tumawa.

Ano ba 'yan. Bakit ba ganyan si Yumi? Ako nga, pinapangarap ko na maging girlfriend ni Hiroshin, eh. Tapos siya, gaganituhin niya lang?

Hanggang sa matapos ang klase namin ay wala pa rin sa mood si Hiroshin. Inintindi ko na lang kasi wala naman akong magagawa, eh. 

"Hiroshin!" tawag ko bago kami maghiwalay. Ini-stretch ko ang magkabila kong pisngi para patawanin siya. "Ngiti na!"

Unti-unting gumuhit ang malawak na ngiti sa labi niya habang napapailing. Lumitaw tuloy ang malalim niyang biloy.

"Ingat!" sigaw niya bago sumunod kay Echo na mukhang nagmamadaling umuwi. 

Hindi ko alam na iyon ang huling ngiting makikita ko mula kay Hiroshin. Dahil pag-uwi ko ng boarding house, kung kailan patulog na ako, tumawag siya...umiiyak.

"M-Marife, sorry," bungad niya sa tawag. "N-Naistorbo ba kita?"

Bumangon ako mula sa higaan ko habang kinukusot ang sariling mga mata. "Hindi. Bakit?"

"S-Si Echo saka Tadeo hindi ko makontak. Si Yumi, ayaw pa rin akong kausapin kaya ikaw na lang tinawagan ko." Suminghot siya. Dinig na dinig ko 'yon kaya napuno ng pag-aalala ang dibdib ko.

"A-Anong nangyari? Bakit ka umiiyak?"

 "S-Si Nanay..." 

Kinabahan kaagad ako. Wala pa man ay nag-init na ang mga mata ko.

"S-Si Nanay...Si Nanay, hindi na siya magising...Si Nanay, Marife…"

Natutop ko ang bibig ko at kusang bumuhos ang mga luha ko.

"W-Wala na si Nanay..." umiiyak na patuloy ni Hiroshin.

"P-Pupunta ako riyan. Hintayin mo 'ko!"

Hindi ko na alam kung anong sinuot ko dahil sa kakamadali ko. Nanginginig ang mga kamay ko. Nag-aalala ako para kay Hiroshin. Nakita ko kung gaano niya kamahal ang nanay niya at alam kong sobrang sakit para sa kaniya ang nangyari. 

Sumakay ako ng tricycle papunta ng San Fernando para mapabilis. Wala akong pakialam kahit mahal ang siningil ng driver. Pagbaba ko sa tapat ng bahay ni Hiroshin ay nakita kong maraming tao ang nakikiusyoso sa may pinto. Nakita ko ang tita ni Hiroshin na lumabas. Kasunod niyang lumabas ang isang strecher. Kahit may takip ng kumot ay alam kong nanay iyon ni Hiroshin. Dinala iyon sa loob ng isang sasakyan.

Inilibot ko ang paningin ko para hanapin si Hiroshin pero hindi ko siya nakita. Nakipagsiksikan ako sa mga taong nakikiusyoso para makapasok ako sa loob. 

"Tumabi kayo!" malakas na sigaw ko sa mga nakaharang sa akin. Wala akong pakialam kahit tiningnan nila ako nang masama at dire-diretso lang ako sa papasok para hanapin si Hiroshin.

Nakita ko si Oliver na nakaupo sa sala. Nakayuko habang sabunot ang sariling buhok. Yumuyugyog ang balikat niya at alam kong umiiyak siya pero hindi siya ang ipinunta ko rito.

"Hiroshin?" tawag ko pagpasok ko ng kwarto niya. Naabutan ko siya sa aktong pag-inom ng alcohol. "Hiroshin!"

Tumakbo ako palapit sa kaniya at inagaw ang bote ng alcohol. 

"Ano bang ginagawa mo?!" naiiyak na sigaw ko sa kaniya.

Nang makita ko ang mukha niya ay gumuho ang mundo ko. Malayong-malayo sa Hiroshin na palangiti at palaging maaliwalas ang mukha. Madilim na ang mukha niyang punong-puno na ng pinaghalong pawis at mga luha. Gulo-gulo na rin ang buhok niya at halos hindi ko na siya makilala. 

Miserableng-miserable siya ngayon at nasasaktan ako.

"Ibigay mo na sa'kin 'yan!" Pilit niyang inaabot ang bote ng alcohol pero iniwas ko 'yon sa kaniya. 

"Tumigil ka na!" 

Pumunta ako sa banyo at tinapon ko lahat ng laman ng bote para hindi niya na tangkaing inumin. Habang ginagawa ko iyon ay panay ang tulo ng mga luha ko.

Dios ko, salamat po. Salamat po at hinayaan n'yong maabutan ko siya bago niya nainom 'to.

Sumunod si Hiroshin at pilit inagaw ang bote na ngayon ay wala nang laman.

"Oh, ayan!" Binato ko iyon sa dibdib niya. "Wala nang laman 'yan!"

"Bakit mo tinapon?!" 

"Ano ba, Hiroshin! Huwag mo namang gawin 'to! Nandito 'ko! Huwag namang ganito!"

"Hindi mo ba naiintindihan?! Wala na ang nanay ko! Siya ang dahilan kung bakit nagsusumikap akong mag-aral kahit nahihirapan akong isabay ang trabaho ko! Siya ang dahilan kung bakit ko tiniitiis ang lahat! At ngayong wala na siya, mas gugustuhin ko na lang na—"

Sinampal ko siya, sapat ang lakas n'on para matauhan siya.

"Naririnig mo ba 'yang sinasabi mo?! Namatayan ka ng nanay pero hindi pa katapusan ng mundo! Huwag ganito, Hiroshin! Pwede kang umiyak nang umiyak pero huwag ganito, please naman!"

Hindi siya nakasagot at yumuko na lamang, tahimik na umiiyak. Hinawakan ko ang magkabila niyang pisngi.

"N-Nandito 'ko, Hiroshin. Huwag mong sayangin ang buhay mo. Kaya mo 'to, kakayanin mo. Naririnig mo ba? Kakayanin mo 'to."

Nagkaroon ng tunog ang pag-iyak niya. Napaluhod siya sa sahig pero hindi ko siya binitawan. Lumuhod din ako sa harap niya.

"N-Nag-iipon ako..." putol-putol na sambit niya. "N-Nag-iipon ako para maipagamot siya. B-Balak ko pa ngang magtrabaho sa gabi para mapabilis ang pag-iipon ko kasi gustong-gusto ko siyang gumaling. T-Tapos...pag-uwi ko, hindi na siya gumigising. H-Hindi na gumising ang nanay ko para salubungin ako. 

"H-Hindi ko na siya makikita pa. M-Marami pa 'kong pangarap kasama siya, eh… Gusto ko pang iparanas sa kaniya 'yong buhay na hindi niya naranasan noon. Tangina, huli na ako…"

Sagana sa pagbuhos ang mga luha niya katulad ng sa'kin. Habang pinagmamasdan ko siyang umiyak, habang pinapakinggan ko ang mga salita niya ay pabigat nang pabigat nang nararamdaman ko.

"P-Pero hindi mo kailangang gawin 'to sa sarili mo, Hiroshin..." lumuluhang sambit ko. "Mahirap mawalan ng ina, alam ko 'yon kasi naranasan ko na. Naiintindihan kita. Kailangan mo ng karamay, nandito ako. Umiyak ka lang sa'kin, huwag mo lang gawin 'to...please…" 

Dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin sa akin at tumitig nang deretso sa mga mata ko. Bakas sa luhaan niyang mga mata ang lungkot at sakit. Niyakap ko siya. Mahigpit, para maramdaman niyang may karamay niya.

"U-Umiyak ka lang. Kahit mabasa ng mga luha mo ang balikat ko, okay lang. Kapag masyado nang mabigat ang mundo, dito ka lang sa balikat ko. Hinding-hindi kita iiwan…"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top