24. Dito Lang Ako
C H A P T E R 24:
Dito lang ako
Nakatanaw lang ako kay Hiroshin habang kausap niya ang isang babaeng mukhang mayaman base sa suot nito. Mukhang pinapagalitan siya ng babae dahil nakayuko lang siya habang tahimik na umiiyak.
Pinili kong lumayo muna para makapag-usap sila nang maayos. Siya kasi ang tinawagan ni Hiroshin bago kami pumunta rito sa ospital habang naka-confine ang nanay niya.
Ang sabi kasi ng doktor, may sakit sa kidney ang nanay ni Hiroshin. Marami ring babayaran sa hospital bills kaya humingi na siya ng tulong sa tita niya.
"Hindi kami mayaman, Hiroshin. Alam mo 'yan," sabi ng tita niya. "At kung tutuusin ay wala akong obligasyon sa nanay mo kasi hindi naman kami magkadugo. Patay na ang asawa kong kapatid ng nanay mo, wala na kaming koneksyon sa isa't isa. Hanggang hospital bills lang ang kaya kong bayaran."
"W-Wala na po kasi akong ibang mahihingian ng tulong," nakayukong sambit ni Hiroshin.
"Wala na, Hiroshin. Hanggang dito na lang, okay? Mukhang kaya pa naman ng nanay mo, eh. Sa iba ka na lang humingi ng tulong. Ipapa-discharge ko na siya—"
Nag-angat ng tingin si Hiroshin. "Pero kailangan po siyang i-confine dito sabi ng doktor," kontra niya.
"Hindi pwede. Ako ang masusunod dahil ako ang magbabayad." Iyon ang huling sinabi ng Tita niya bago siya nito tinalikuran.
Sumandig si Hiroshin sa pader at tumingala, panay ang buntong-hininga. Naglakad ako palapit sa kaniya at hinawakan ang balikat niya.
"Wala, eh." Ngumiti siya nang mapait. "May mga tao talagang hindi marunong tumanaw ng utang na loob."
"Bakit? Sino ba 'yon?" tanong ko kahit narinig ko naman kanina na asawa iyon ng kapatid ng nanay niya.
"Asawa siya ng tito ko. Naalala ko pa noon na tinulungan siya ni Nanay na makapagtapos ng pag-aaral kasi nabuntis siya ng tito ko. Tapos ngayon…" Nagkibit-balikat siya. "Hindi ko na alam ang gagawin ko. Ang sarap maglaho, tangina…"
"Paano na 'yong nanay mo? May sakit siya sa kidney. At hindi lang 'yon, high blood pa siya at malala na ang Diabetes niya. Idagdag mo pa 'yong mental illness niya na dala ng depression. Hiroshin, ang daming sakit ng nanay mo. Bakit ngayon mo lang alam 'to?"
Kung may pera lang sana ako, eh. Sana natulungan ko siya sa problema niya.
"Wala siyang pinakitang sintomas maliban sa pag-iyak niya tuwing gabi," sagot niya sa basag na boses. "At...kahit gusto ko siyang ipatingin sa doktor, wala rin kaming pera. Marife, ako ang bumubuhay sa pamilya ko. Hindi ko naman pwedeng hingian ng tulong 'yong tatay ni Oliver. Lasingero 'yon, eh. Kaya nga nagkaganyan ang nanay ko dahil sa konsumisyon sa kaniya."
"Eh 'yong…tatay mo?"
Napatingin siya sa'kin at nagkaroon ng pag-aalinlangan ang mga mata niya.
"Hindi kami okay ng tatay kong hapon."
"Japanese ang tatay mo?" Kaya pala iba ang pagka-tsinito niya. Pero hindi iyong tipong sobrang singkit na halos hindi na makita ang mga mata, nahaluan kasi ng pagka-Pilipino.
Tumango siya. "Siya ang nagpangalan sa'kin. Pero hindi ko nakuha ang apelyido niya kasi hindi naman sila kasal ni Nanay saka…naghiwalay din sila noong dalawang buwan pa lang ako."
Natahimik ako sa sinabi niya. Grabe, akala ko noon, ako na ang may pinakamalungkot na kwento dahil sa pagkamatay ng mga magulang ko. Hindi pala. Dahil 'yong iba...may mas malalang pinagdaraanan.
At isa na roon si Hiroshin.
Noong araw ding iyon ay na-discharge na ang nanay ni Hiroshin. Sumama ako pabalik sa bahay nila dahil ayoko munang iwan si Hiroshin at gusto kong tulungan siya sa pag-aalaga.
"Roland, siya ba 'yong kabit mo, ha?! Siya ba kabit mo?!" pagwawala ng nanay ni Hiroshin nang magising siya at nakita ako.
Napahawak tuloy ako sa dibdib ko dahil sa gulat. Ako? Kabit? At sino si Roland?
"Nay, ako 'to. Si Hiroshin, 'yong panganay mo," malumanay na paliwanag ni Hiroshin. Hawak niya sa magkabilang braso ang nanay niya para hindi magwala.
"Hindi, eh." Umiling ang nanay niya na parang bata. "Hindi ikaw si Hiroshin. Gwapo 'yon! Chinito at mukhang hapon 'yon! Ikaw si Roland, asawa kita! Kabit mo 'yang babaeng 'yan!"
Napatingin sa akin si Hiroshin at bakas sa mga mata niya ang paghingi ng pasensya. Tumango lang ako para iparating sa kaniya na okay lang ako.
"Nay, kaibigan ko 'yan. Marife ang pangalan niya," malumanay pa rin na paliwanag ni Hiroshin. "Nay, huwag n'yo nang uulitin 'yon, ah? Huwag kayong aalis dito sa bahay kasi nag-alala ako. At saka...may nararamdaman po pala kayo sa katawan n'yo, bakit hindi n'yo sinasabi?"
Ngumuso ang nanay niya at kinalikot ang dulo ng kanyang mahabang buhok.
"Bakit ko sasabihin? Wala ka naman palagi rito. Sinabi ko do'n kay ulupong pero hindi niya ako pinansin."
"Si Oliver po?"
Parang bata na tumango ito. "Bilisan mo kasi ang pag-uwi mo para maabutan mo akong gising. Palagi ka kasing late umuuwi, eh."
"Sorry, Nay." Yumuko si Hiroshin at suminghot. "Nag-aaral kasi ako para kapag nakapagtapos ako, magkakaroon ako ng trabaho at maipagagamot kita. Saka nagtatrabaho rin kasi ako kaya kailangan ko ring umalis nang maaga."
Humaba lalo ang nguso nito. "Bahala ka. Mami-miss mo rin ako kapag pagdating mo, wala na naman ako."
"Nay…" May himig ng pakiusap ang tinig ni Hiroshin. "Huwag n'yo nang gagawin ulit 'yon, please?"
"Okay. Paalisin mo muna 'yan." Tinuro niya ako. "Ayoko sa kaniya. Noong may dinala ka ritong babae, natakot siya sa'kin. Baka sumigaw din 'yan. Maririndi lang ako."
"Hindi po ako natatakot sa inyo," nakangiting sabi ko. Napatingin silang dalawa sa'kin. Si Hiroshin ay nakaawang ang bibig at nakasimangot naman ang mama niya sa'kin.
Naglakad ako palapit at umupo sa gilid ng kama katabi ni Hiroshin.
"A-Ako po si Marife. Kaibigan lang po ako ng anak n'yo."
"Ano ngayon?" pagtataray niya sabay irap. Para siyang bata na nakikipag-away. Gusto kong tumawa.
"Ah…" Tumikhim ako. "Hindi po ako natatakot sa inyo. Gusto ko lang po kayo makilala." Dahan-dahan kong inangat ang kamay ko para hawakan ang pisngi niya, pinagmamasdan ang mukha niya.
Lahat ng features ng mukha ni Hiroshin at Oliver ay sa kaniya nakuha maliban sa mga mata ni Hiroshin dahil sa tatay niya ito nagmana. Makinis din ang balat niya at halatang hindi pa siya gano'n katanda. Siguro ay palangiti siya noong...hindi pa siya ganito. Parang…si Mama…palangiti rin.
"Ang ganda-ganda n'yo po..." nakangiti ngunit naluluhang sambit ko. Nakita ko sa gilid ng mata ko na nakatingin sa akin si Hiroshin. "Pwede ko po kayong pagandahin lalo. Gusto n'yo po ba?"
Mula sa pagkasimangot ay unti-unting gumuhit ang matamis na ngiti sa labi niya.
"Sige!" Pumalakpak siya na parang bata kaya napangiti ako.
Umalis si Hiroshin para bigyan ako ng espasyo. Binigyan niya rin ako ng suklay at panali para ayusan ko ang nanay niya.
Tinaasan niya ako ng kilay, nagtatanong kung okay lang sa'kin at sinagot ko siya ng isang 'thumbs up'.
Pinanood niya akong suklayin ang buhok ng nanay niya. Tinirintas ko iyon mula sa tuktok ng ulo hanggang sa pinakadulo. Gano'n kasi ang madalas na gawin ko sa buhok ni Yumi noong elementary pa lang kami.
Habang ginagawa ko iyon ay panay ang singhot ko dahil naaalala ko sa kaniya si Mama. Nakaka-miss magkaroon ng isang ina. Nakaka-miss si Mama at Papa.
"Wow! Ang galing!" masayang bulalas niya nang makita ang sarili sa salamin na maliit. Hinawakan ko iyon para makita niya nang maigi ang ginawa ko sa buhok niya.
"Ang ganda-ganda ko lalo! Thank you, anak!" Humagikhik siya na parang bata habang nilalaro ang dulo ng tinirintas ko.
Tuluyan nang bumuhos ang mga luha ko nang tawagin niya akong anak. Tinakpan ko ang bibig ko para hindi niya marinig ang iyak ko.
Masakit isipin na sa ibang tao ko na lang nararamdaman ang presensya ng mga magulang ko, na kahit kailan ay hindi ko na sila makikita. Ilang taon na ang lumipas pero nasa dibdib ko pa rin ang sakit.
"Miss mo sila?"
Inayos ko ang pagkakalagay ng kumot sa nanay ni Hiroshin nang makatulog na siya.
Tiningnan ko si Hiroshin na nakaupo sa pinakadulo ng kama. "Sino?"
"Ang mama at papa mo?"
Nagbaba ako ng tingin at hindi nakasagot kaagad.
"Kahit pala papa'no, maswerte ako," dagdag niya at saka umupo sa tabi ng nanay niya. Hinaplos niya ang noo nito at masuyong pinagmasdan. "Nakikita at nakakasama ko pa ang nanay ko, pero ikaw hindi na."
Tumawa ako nang mahina, iniisip na paano kung naging ganito rin ang nanay ko? Kakayanin ko bang makita siya na nahihirapan sa mga sakit niya. Hindi siguro. Kahit gusto ko siya makasama, mas pipiliin ko na huwag siyang mahirapan nang ganito.
"Nagtataka ka siguro kung bakit hindi ko sinabi sa inyo na ganito ang sitwasyon ni Nanay," natatawa pero bakas ang lungkot na sambit ni Hiroshin maya-maya. "Uunahan na kita, ha? Hindi ko siya kinahihiya."
"Hindi ko naman inisip 'yon," tanggi ko kaagad. "Kitang-kita ko kung gaano mo siya kamahal."
"May isang beses kasi na...sinabi ko sa isa kong kaklase noong Grade 6 ako na ganito ang kondisyon ng nanay ko. Pero...pinagtawanan niya lang ako at tinawag na baliw ang nanay ko. At siempre, ayokong ginagano'n ang nanay ko sa harap ko pa man din."
"Nasuntok ko siya pero pinagsisihan ko kaagad 'yon. Madalas kasing ituro sa akin noon ni Nanay na huwag akong mananakit ng kapwa ko kahit ano pang ibato nila sa'kin. Pero mula no'n, hindi ko na pinagsabi sa iba ang kalagayan niya. Ayokong pagtawanan siya at laitin ng mga tao sa paligid ko. Hindi biro ang sakit niya, hindi biro ang depression na pinagdaanan ni Mama dahil kay Tito Roland."
"Si Tito Roland...siya ba ang tatay ni Oliver?" tanong ko at tumango naman siya bilang sagot.
"Kaya...nasaktan talaga ako nang makita ang reaksyon ni Yumi nang pinakilala ko siya kay Nanay."
Umawang ang bibig ko. "Pinakilala mo siya sa nanay mo?"
"Oo. At natakot siya." Tumawa siya nang mapait. "Pero naiintindihan ko naman. Nagwala kasi si Nanay noong dumating siya. Kagaya ng nangyari kanina, akala niya kabit ko si Yumi. Akala niya kasi ako si Tito Roland. Buti na lang...hindi ka natakot sa kaniya."
"Hindi naman nakakatakot ang Nanay mo," nakangiting sambit ko. "Ang ganda-ganda niya, eh."
Hindi siya sumagot at tumitig nang maiigi sa mukha ng nanay niya.
"Nay...sorry, ha? Wala kasi akong pera para mapa-confine ka. Sorry kasi wala pa akong magawa sa ngayon." Nabasag ang tinig niya kaya umiwas ako ng tingin. Tuwing nakikita ko siyang umiiyak ay napapaiyak din ako.
"Ang dami-dami mong sakit, Nay. Kaya mo pa ba? Kasi kung hindi na, pwede mong ipasa sa'kin lahat. Tanda mo ba na ganyan din ang palagi mong sinasabi sa'kin tuwing may sakit ako noon? Miss na miss ko na 'yon. Gustong-gusto kitang ipagamot pero wala akong magawa. Pakiramdam ko, wala akong kwentang anak kasi hindi ko nalaman kaagad ang sakit mo."
Mula sa gilid ng mata ko ay nakita ko na kinuha ni Hiroshin ang isang kamay ng nanay niya at pinisil-pisil iyon. "N-Nay, kayanin mo muna, ha? Huwag mo muna akong iiwan. Hintayin mo na makaahon tayo sa hirap. Gagawa ako ng paraan para maipagamot ka. Kapit lang, Nay, ha?"
Naramdaman ko ang pag-iinit ng mga mata ko habang pinapakinggan ko ang mga sinasabi ni Hiroshin sa nanay niya. Pakiramdam ko ay mas nakikilala ko pa si Hiroshin ngayon bilang isang mapagmahal na anak.
Hindi naman kasi nasusukat sa kayang gawin ng anak para sa kaniyang ina ang pagiging mabuting anak. Iyong kagustuhan niyang mapabuti ang ina niya ay sapat na para sa'kin, kasi kung walang perpektong magulang ay wala ring perpektong mga anak.
Nasa kalagitnaan kami ng iyakan nang pumasok sa kwarto si Oliver. Mukhang galing siya sa labas dahil nakasuot pa siya ng pantalon at isang denim jacket. Gwapo rin pala siya katulad ng kapatid niya lalo na kapag nakaayos. At ngayon ko lang na-realize na halos magsingtangkad na sila ni Hiroshin. Mukha tuloy silang kambal—moreno nga lang si Oliver habang si Hiroshin ay medyo maputi.
"Oh, nandito na pala 'yan." Tumaas ang sulok ng labi ni Oliver habang nakatingin sa nanay niya.
Pinunasan ni Hiroshin ang mukha niya gamit palad bago tumayo at humarap kay Oliver na nakatayo pa rin sa pinto.
"Amoy-alak ka na naman," puna niya sa kapatid. "Sa'n ka galing?"
"Sa bar. Bakit?" maangas na sagot ni Oliver.
"Siguro ganyan ang gawain mo kapag iniiwan ko sa'yo si Nanay. Iniiwan mo siya rito mag-isa."
"Ano naman ngayon? Matanda na 'yan. Hindi na kailangan pang bantayan."
Dumilim ang mukha ni Hiroshin. Pasugod pa lang siya ay tumayo na ako at pumagitna para awatin siya.
"Kalma ka lang..." bulong ko sa kaniya habang nakaharang ang dalawa kong palad sa dibdib niya.
"Sinasabi pala sa'yo ni Nanay na may masakit sa kaniya pero binalewala mo," mariing sambit niya. Halos marinig ko na ang pagdidikit ng mga ngipin niya sa sobrang galit. "Bakit hindi mo sinabi sa'kin?"
"Bakit pa? Umaarte lang naman 'yan."
"Hiroshin!" awat ko nang pasugod na naman siya. Mabuti na lang at nasa gitna ako at napigilan ko siya.
"Umaarte?" Tumawa nang sarkastiko si Hiroshin at bakas sa mga mata ang galit. "Gago ka, may sakit si Nanay! Diabetis, Kidney, High blood! Pag-iinarte pa 'yon, ha?!"
Nang hindi nakasagot si Oliver ay lumingon ako sa kaniya para makita ang reaksyon niya.
Nakaawang ang bibig niya habang nakatitig sa nanay niyang mahimbing pa rin na natutulog.
"Kung sinabi mo sana sa'kin ang mga bagay na 'yon, sana naagapan ang sakit niya. Pero wala, eh! Wala kang pakialam kay Nanay!"
"Hiroshin, tama na…" Sinubukan ko pa rin umawat kahit nakakatakot na siya ngayon.
Marahas siyang bumuntong-hininga bago ako hinila palabas ng kwartong iyon. Umupo kami sa maliit nilang sala na ang upuan ay gawa sa kahoy.
"Kumalma ka. Huwag kayong mag-away sa harap ng nanay n'yo," panenermon ko.
"Ang tagal ko nang nagtitimpi riyan kay Oliver," hinihingal na sambit niya, pilit pinapakalma ang sarili. "Ngayon lang talaga ako sumabog. Pasenya na kung kailangan mo pang makita 'yon."
"Okay lang. Pwede ko ba siyang kausapin?"
Tumingin siya sa'kin, nakakunot ang noo. "Bakit?"
"Gusto ko lang siyang kausapin—"
"Ayoko." Umiwas siya ng tingin at tumingin sa harap. "Baka bastusin ka pa n'on at masasapak ko lang siya."
"Kakausapin ko lang," pagpupumilit ko. "Sige na."
Umiling siya, ayaw talaga akong payagan. Pero buti na lang at tumunog ang phone niya. Tumawag yata si Yumi dahil nakita ko ang pagliwanag ng mukha niya.
"Sagutin ko lang 'to," paalam niya bago tumayo at lumayo nang kaunti mula sa'kin.
Nakatalikod siya sa direksyon ko kaya dahan-dahan akong tumayo at naglakad pabalik ng kwarto ng nanay niya. Naabutan ko roon si Oliver. Nakaupo siya sa gilid ng kama habang hawak ang isang kamay ng nanay niya. Yumuyugyog ang mga balikat niya at nakatalikod siya mula sa direksyon ko kaya hindi ko alam kung umiiyak siya.
"N-Nay, sorry…Hindi ko alam. Sorry..." bulong niya pero narinig ko pa rin kahit mas malakas ang hagulhol niya.
Bumuntong-hininga ako. Sabi na nga ba at concern din siya sa nanay niya. Iyong mga pinapakita niyang kaangasan ay hindi totoo. Hindi niya alam na marunong akong kumilatis ng mga taong nagpapanggap.
"Buti pa sa nanay mo nagso-sorry ka," sabi ko habang nakahalukipkip.
Tumigil sa pagyugyog ang balikat niya at dahan-dahan lumingon sa'kin ang ulo niya. Kumunot ang noo niya nang makita ako.
"Ba't ka nandito?" maangas na tanong niya bago tumayo at hinarap ako. Hindi siya nahiyang punasan ang mga luha sa pisngi niya gamit ang sleeve ng jacket niya.
"Gusto ko lang maging maayos kayo ng kuya mo," taas-noong tugon ko. Hindi ko alam kung saan ako humuhugot ng lakas ng loob para makipag-usap sa kaniya.
Tumaas ang sulok ng labi niya at dahan-dahang yumuko at pinantay ang mukha sa'kin.
"Sorry. Hindi ako sumusunod sa mas bata sa'kin."
Nanlaki ang mga mata ko at umawang ang bibig ko. "K-Kaedad ko lang ang kuya mo!"
"Ah gano'n?" Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. "Hindi halata. Sa liit mong 'yan."
Wow. Magkaibang-magkaiba sila ng ugali ni Hiroshin.
Umayos siya ng tayo pero hindi niya inalis ang tingin sa akin. "Syota mo ba ang kuya ko? Ang effort mo sa lagay na 'yan. Kinausap mo pa talaga ako para lang sa kaniya."
"Kaibigan ako ni Hiroshin at ayokong nakikita siyang nahihirapan—"
"Bakit mukha kang mahiyain kanina kapag nandyan si Hiroshin? Pero ngayon, para kang amazona sa tapang mong makipag-usap sa'kin."
Nameywang ako. "Bakit? Akala mo ba matatakot ako sa'yo?"
Hindi siya sumagot at may binunot siyang isang stick ng sigarilyo at lighter mula sa bulsa ng jacket niya. Inipit niya ang sigarilyo sa mga labi niya bago iyon sinindihan gamit ang lighter.
Napailing ako. "Alam mo, maaga kang mamatay—"
"Sa payat mong 'yan, mas mukhang ikaw ang mauunang mamatay sa ating dalawa," putol niya sa sinasabi ko sabay buga ng usok sa mismong harap ko.
Bastos 'tong lalakeng 'to, ah!
Suminghap ako, hindi makapaniwala na sinabi niya 'yon. Sa gigil ko ay inagaw ko ang sigarilyo na nasa bibig niya pa rin na ikinagulat niya.
Pero mas nagulat siya nang humithit ako roon at binuga rin sa kaniya ang usok mula sa bibig ko. Umawang ang bibig niya at napatitig sa'kin.
"Kung bastos ka, mas babastusin kita!" taas-noong asik ko sa kaniya bago binalik ang sigarilyo.
Hindi siya nakapagsalita, nabigla yata sa ginawa ko. Inirapan ko siya bago ako nagmartsa palabas ng kwarto. Nang tuluyan akong makalabas ay napaubo ako.
Ang pangit ng lasa! Hindi ko na uulitin 'yon! Pa'no ba nila natitiis hithitin 'yon?!
Nang makabalik ako ng sala ay nakita ko si Hiroshin na may kausap pa rin sa phone. Akala ko si Yumi pa rin iyon pero narinig ko ang kakaibang lenguwahe. Nihongo?
Pabalik-balik si Hiroshin sa paglalakad habang may kausap pa rin sa kabilang linya.
"No. I said I need your help. Helping my mother was like helping your son," matigas na sambit ni Hiroshin. Mukhang galit na siya dahil nakakuyom na ang isa niyang kamao at gumagalaw na rin ang mga panga niya.
"Don't...you ever said that again. She's not crazy. She's not—stop it…" Paulit-ulit siyang umiling, mabigat na ang paghinga. "She has been through a lot. You don't know what you're saying, you don't know a thing. You left us—Shut up!" Sumigaw na siya at kitang-kita ko ang paglitaw ng mga ugat sa leeg niya sa sobrang galit.
"I'm just asking for your help! You don't have to insult my mother! Of course you didn't love her! It was already clear to me, Haru! Your kindness was fake. It was all fake!"
Sinundan iyon ng sunod-sunod at mabilis na pagsasalita ng lenguwaheng Nihongo ni Hiroshin. At kahit anong lengwahe pa ang gamitin niya ay ramdam ko sa boses niya ang galit na nararamdaman niya para sa tatay niyang hapon.
"Gago ka, eh!" Biglang nag-shift ng lenguwahe si Hiroshin. "Alam mo, gago ka!" puno ng pagkasuklam na sambit niya habang pariin nang pariin ang pagkakahawak niya sa phone.
"Ewan ko na lang kung maintindihan mo 'to, Haru. Gago ka! Mas gago ka pa sa gago! Sana hindi na lang ikaw ang naging tatay ko! Wala kang kwentang ama! Iniwan mo kami ni Nanay! Pinabayaan mo kami! Tapos tatawagin mo siyang baliw? Eh kung tawagin kaya kitang kupal, ha?! Nahihiya ka kasi entertainer ang nanay ko noon sa Japan?! Iyon talaga ang dahilan mo?! Napakababaw mong hayop ka! Kaunting tulong lang ang hinihingi ko tapos iinsultuhin mo pa nanay ko?! Putangina mo pala, eh!"
Pinatay niya ang phone niya at akmang ihahagis pero napigilan ko ang kamay niya.
"Tama na!" awat ko, naiiyak na naman.
"Ah!!!" malakas na palahaw niya. "Pagod na pagod na 'ko! Tama na 'to! Ayoko na!"
"T-Tama na! Please!" Tuluyan nang bumuhos ang mga luha ko habang yakap ko siya.
Napaluhod siya sa sahig kaya lumuhod din ako habang hindi pa rin siya binibitawan. Umiiyak na siya, nararamdaman ko sa tuktok ng ulo ko ang pagtulo ng mga luha niya.
"P-Pagod na pagod na 'ko!" umiiyak na sigaw niya. "A-Awang-awa na 'ko sa nanay ko pero wala akong magawa! Wala akong kwenta!"
Tumititig ako sa kaniya, umiiling. "Huwag mong sabihin 'yan!"
"Pa'nong hindi? Ang daming sakit ng nanay ko, Marife! Ang dami niyang sakit pero pinabayaan ko lang! Tapos pati panggamot niya ay hindi ko magawan ng paraan! Ngayon mo sabihin na may kwenta ako!"
"Makinig ka sa'kin…" Pilit kong hinawakan ang magkabila niyang pisngi para tumitig siya sa'kin. "M-Mahal ka ng nanay mo..."
Umiling siya, paulit-ulit na para bang ayaw niyang pakinggan ang mga sinasabi ko. Pero hindi ako sumuko.
"Hiroshin..." Tumulo ang mga luha ko. "H-Hindi ka pinanganak ng nanay mo para tawagin mo ang sarili mong walang kwenta. Hindi ka niya pinanganak para sisihin mo ang sarili mo kapag may hindi ka nagawa para sa kaniya. At mas lalong hindi ka niya pinanganak para maliitin mo ang sarili mo kapag nakakagawa ka ng mali. Hiroshin, lahat tayo hindi perpekto... pero kayang-kaya nating lampasan ang mga ibinabato sa atin ng mundo kasi anak tayo ng nanay natin. Tandaan mo…ang mga nanay ang pinakamatapang na tao sa buong mundo. Kasi binuwis nila ang buhay nila para mailuwal tayo dito sa mundo."
Tanging hagulhol lang ang isinagot ni Hiroshin habang nakatitig siya sa mukha ko. Hinawakan niya ang mga kamay kong nasa pisngi niya habang sagana pa rin sa pagbuhos ang mga luha niya.
"S-Sorry.. " Yumuko siya. "S-Sorry..."
"Okay lang. Okay lang.." Niyakap ko siya nang mahigpit habang umiiyak pa rin.
Hinagod ko ang likod niya para iparamdam sa kaniya na nandito lang ako. Bawat hagulhol niya ay nagdadala ng libo-libong karayom sa puso ko kaya hindi ko siya kayang iwan ngayon.
Naramdaman ko ang pagpulupot ng mga braso niya sa likod ko at ang pagpatong ng noo niya sa balikat ko.
"Dito lang ako..." bulong ko sa kaniya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top