23. Totoong Pagkatao
C H A P T E R 23:
Totoong pagkatao
Trending ang HiroMi sa kahit saang social media: Tiktok, Twitter at maging sa Facebook.
Ewan ko ba sarili ko. Gusto ko yatang masaktan lalo dahil binabasa ko pa ang mga reaksyon ng HiroMi fans sa pagiging official na magkarelasyon ng idol nila.
Kung wala lang sana akong feelings para kay Hiroshin, magiging totoong masaya ako para sa kaniya. Deserve niya ang kasikatan na tinatamasa niya ngayon dahil mabuti siyang tao.
Verified na ang account ni Hiroshin sa Tiktok at umabot na ng 10.5M ang followers niya. Halos magkaparehas lang sila ng followers ni Yumi na nasa 10M na at verified na rin. Matagal na rin sila sa Tiktok, eh. Grade 7 pa lang kami ay sikat na sila. Kahit puro sayaw ang content nilang dalawa ay hindi sila nalalaos dahil sumasabay sila sa trend. May isa pa ngang kanta na napasikat nila dahil ginawan nila ng dance cover.
Hindi ko maitatanggi na malakas ang chemistry ng dalawa lalo na ngayong magkasama na sila sa iisang video sa Tiktok. Bagay na bagay sila. Perfect couple kumbaga. Parang ang hirap na nilang tibagin.
Kaniya-kaniyang komento ang mga netizens sa pagiging official ng dalawa. Maraming natuwa at kinilig. May ilan din na nagdududa dahil baka scripted lang para mas dumami ang likes at followers.
Natawa ako ng sarkastiko nang mabasa ang comment na 'yon.
Sana nga scripted na lang para hindi masyadong masakit. Pero wala, eh. Nasa real world tayo mga, 'te. Totoong sila na.
Maga pa yata ang mga mata ko pero pinilit ko na lang na mag-aral. Tulog na ang mga kasama ko sa kwarto kaya lumabas ako at pumwesto sa dining table namin. Ako na lang naman ang gising at walang makakaistorbo sa akin dito.
Nag-umpisa na akong mag-aral pero wala pang limang minuto nang mag-text nang sabay si Hiroshin at Yumi.
From: MayumiNot
Happy 18th Birthday, Mhae. More birthdays to come. Nga pala, sinagot ko na si Hiroshin. Alam ko naman na wala ka nang crush sa kaniya at nilinaw mo rin 'yon sa'kin. Sana maging masaya ka para sa'min. :)
Natawa ako nang sarkastiko sa nabasa ko. Ngayon ay pinagsisihan ko na nagsinungaling ako sa kaniya. Sana sinabi ko na lang ang totoo na crush ko pa rin si Hiroshin. Pero wala na akong magagawa. Nakatadhana na siguro talaga na mangyari ito.
Sunod kong binasa ang text ni Hiroshin.
From: Sasuke
Hi, Pikachu. Hahaha. Nabalitaan mo na? :D kami na ni Yumi. Saya ko. Hehe.
Napangiti ako nang mapait. Ang saya-saya niya. Sino ba ako para masaktan kung masaya naman siya sa nangyayari ngayon?
Hindi ako nagreply sa kanila. Ayokong maging plastik. Hindi ko naman pwedeng sabihin na masaya ako para sa kanila dahil hindi totoo 'yon.
Hindi na ako nakapag-focus sa inaaral ko kaya nagpasya akong ligpitin na ang mga gamit ko at pumasok na sa kwarto para matulog. Pero kahit anong pilit ko ay hindi ako makatulog. Bumangon ulit ako at kinuha ang isang notebook kung saan nakasulat ang mga kantang naisulat ko dahil kay Hiroshin.
Nagdesisyon akong lumabas ulit dala ang gitara ko. Gusto kong alisin ang sakit sa dibdib ko gamit ang musikang ako lang ang nakakaalam ng liriko.
Umupo ako sa pasimano ng malaki at nakabukas na bintana habang nakapatong sa hita ko ang gitara. Kitang-kita ko sa baba ang gate ng boarding house at nakita ko rin ang ilan sa mga boarders na nakatambay sa bakuran. Ang ilan sa kanila ay naghahabulan na parang mga bata, habang ang iba ay nakatutok lang sa mga cellphone nila.
Bumuntong-hininga ako at tumingala sa mabituing langit. Kitang-kita kasi iyon mula sa pwesto ko.
Kinalabit ko ang gitara at kusang pumikit ang mga mata ko. Isang malungkot na tugtog ang nilikha ng pagkalabit ng mga daliri ko sa string, sumasabay sa lungkot na nararamdaman ko.
Kinanta ko ang isang awitin na ako ang sumulat. Maikli lang iyon dahil chorus lang ang nagawa ko pero dinama iyon ng dibdib ko. Naramdaman ko ang pagtulo ng mainit na luha mula sa mga mata ko.
"H-Happiest...birthday... Marife," pabulong na sambit ko. "H-Happy birthday..."
***
Kinabukasan ay maaga akong gumising para pumasok ng Dreamy. Pagdating ko roon ay nakita ko si Hiroshin na pasipol-sipol habang naglilinis ng glass wall. Hindi pa siya nakasuot ng apron at nakasuot lang siya ng uniform.
"Oy, Marife!" Napangiti siya nang makita ako. "Kamusta?!"
Ang lawak ng ngiti niya ngayon at ang taas din ng energy niya. Ngumiti ako pabalik pero alam kong pilit iyon. Hanggang ngayon, parang wala akong ganang kumilos o makipag-usap kahit kanino pero pinipilit ko na lang.
Pumunta ako ng counter at nakita ko si Echo na nagsusulat sa logbook. Napatingin siya sa'kin at tiningnan ang kabuuan ko.
"Ano, okay ka na?" mahinang tanong niya, 'yong tipong hindi maririnig ni Hiroshin.
Umiling ako bilang sagot. Hindi naman siguro masama kung sasabihin ko sa kaniya ang totoo. Siya mismo ang nakasaksi kung paano ako nasaktan kagabi kaya hindi na ako nahihiyang mag-open up sa kaniya.
Bumuntong-hininga siya at tinapik ang balikat ko. "Nandito lang ako."
"Alam ko." Ngumiti ako.
Sinuot ko na ang uniform ko at saktong paglabas ko ng banyo ay nasa loob na rin ng counter si Hiroshin, nakikipagkwentuhan kay Echo.
"Pinakilala ko na siya kay Mama kahapon kaso..." Natigil si Hiroshin sa pagkwento nang makita ako. Inakbayan niya ako kaya naamoy ko ang pabango niya. "Na-miss kita, Pikachu!"
Siniko ko ang tiyan niya kaya binitawan niya ako, natatawa. "A-Anong Pikachu?"
"Napanuod ko kaya 'yong pinaggagawa mo sa bahay nila Tadeo. Lasing na lasing ka!"
"Oh, ano naman?" pagsusungit ko. Umalis ako sa tabi niya at kinuha ang apron, hairnet at visor ko.
"G-Galit ka?" Sumilip siya sa mukha ko pero tinulak ko ang mukha niya.
"Huwag kang magulo."
"Ano na namang ginawa ko?"
Hindi ako sumagot at inabala ko ang sarili ko sa pag-check ng mga ingredients sa preparation area.
"Marife....Nagalit ka ba dahil tinawag kitang Pikachu? Sorry na." Kinalabit niya ang balikat ko.
"Hindi ako galit. Masama lang ang pakiramdam ko."
Ayokong ma-guilty siya kung wala naman siyang ginagawang masama sa akin.
Hindi na siya nakasagot dahil may pumasok na costumer. Hindi na rin kami nakapag-usap dahil naging busy na rin kami. Hanggang sa dumating ang oras ng out namin ay sabay-sabay din kaming pumasok sa Henderson University. Tahimik lang ako at mukhang nahalata 'yon ni Hiroshin pero hindi na siya umimik pa.
Pagdating namin ng classroom ay sinalubong si Hiroshin ng panunukso ng mga kaklase namin. Hype na hype pa rin kasi ang balitang sila na ni Yumi.
Umupo na lang ako sa pwesto ko at nagpatay-malisya habang nag-iingay sila. Kung pwede lang ay i-off ko ang tenga ko para walang akong marinig pero wala, eh. Mas tinukso pa sila nang dumating si Yumi. Abot-tenga ang ngiti nila pareho at halatang masaya sila.
"Huwag na kayong maghihiwalay, ah! Bagay na bagay kayo!" sabi ni Apple. Palibhasa hopeless romantic kaya sa ibang relasyon na lang kinikilig.
Kinagat ko ang pang-itaas kong labi at binuksan na lang ang libro ko sa TLE dahil may quiz kami. Kinuha ko na rin ang ballpen at notebook ko para mag-take note ng mga importanteng phrases. Mas madali kasi sa'kin ang mag-review habang nagsusulat. Mas natatandaan iyon ng utak ko.
"Salamat sa suporta n'yong lahat. Solid kayo," nakangiting sambit ni Hiroshin. "At ikaw..." Napatingin ako sa kaniya kaya nakita kong hinawakan niya ang baba ni Yumi. "I love you."
Naibagsak ko ang kamay kong may hawak na ballpen dahil sa narinig ko. Naguhitan ko tuloy ang sinusulatan kong papel.
Hindi ko na narinig ang sagot ni Yumi dahil nagsitilian na ang mga kaklase kong babae. Para silang sinapian at hindi ko alam kung kinikilig lang sila o OA na.
Napahawak ako sa dibdib ko dahil naramdaman ko na naman ang kirot doon.
Nag-I love you siya kay Yumi.
Dahan-dahan akong umiwas ng tingin at tumingin ulit sa papel ko. Pumatak doon ang isang butil ng luha na hindi ko namalayang galing pala sa'kin. Pinunasan ko iyon at nagpatuloy na lang sa pagsusulat. Hinayaan ko silang magsiya at hindi na lang ako tumingin pa ulit, mas lalo lang akong masasaktan.
Naging gano'n ang routine ko tuwing pumapasok ako ng school. Habang lumilipas ang araw, nararamdaman ko ang unti-unting paglayo ni Hiroshin. Naiintindihan naman siya ni Tadeo at Echo pero maliban sa'kin. Napapaisip ako.
Required ba talaga na magbago ka kapag nagkaroon ka ng karelasyon?
Gustong-gusto ko siyang intindihin pero hirap na hirap ako.
Lumipas pa ang mga araw at natapos na rin ang Intrams namin para sa taon na ito. Maganda naman ang nangyari. Nag-perform ang Madrigal triplets at si Hiroshin ang vocalist sa gymnasium. At siempre, nag-trending na naman siya lalo na nang i-announce niya na aalis na siya sa Music club. Maski kami ni Echo ay nagulat sa announcement niya dahil wala kaming kaalam-alam.
"Ano 'yon? Bakit wala tayong alam?" inis na tanong ni Echo habang winawasiwas ang hawak na Arnis stick. Kaninang umaga kasi ay lumaban siya sa Arnis at nanalo siya.
Nasa labas na kami ng gymnasium at hinihintay na lumabas si Hiroshin. Maiingay ang mga estudyanteng nagsisilabasan kaya mas lalo akong nairita. Gustong-gusto kong magalit pero anong point? Wala naman akong karapatan. Kaibigan lang ako.
"Gano'n talaga kapag may girlfriend na. Hayaan n'yo na," sabi ni Tadeo bago ako binalingan. "Iyon siguro ang dahilan kung bakit ka kinausap ni Zach noong isang araw, 'no?"
Inalala ko ang araw na nilapitan ako ni Zach at niyaya akong sumali sa Music Club. Gusto kong sanang tanggapin ang alok niya pero tumanggi ako kasi takot ako sa maraming tao. Hindi nga ako makatingin nang diretso sa mga kausap ko, iyon pa kayang kumanta ako sa harap ng maraming tao?
"Oo. Kasi alam nilang aalis na si Hiroshin," sagot ko.
"Akala ko ba passion niya 'yong music? Bakit siya aalis?" kunot-noong tanong ni Echo.
Hindi ko siya nasagot dahil napatingin ako sa entrance ng gymnasium. Nakita ko si Hiroshin at Yumi na magkasamang pinipicturan ng mga babaeng fans nila. Yumakap pa ang mga iyon sa kanilang dalawa bago nagpaalam.
Pinanood ko si Hiroshin kung paano niya kausapin si Yumi. Hindi ko narinig ang sinabi niya dahil bukod sa malayo sila sa pwesto namin ay maiingay din ang mga estudyanteng dumadaan.
Hinawakan ni Hiroshin ang magkabilang pisngi ni Yumi bago ito hinalikan sa noo. Napaiwas kaagad ako ng tingin.
"Oh, nandyan na pala siya..." sabi ni Tadeo.
"Musta?!" narinig kong sabi ni Hiroshin. Hindi ako tumingin sa kaniya at tiningnan ko lang ang sapatos ko.
"Ano 'yon? Ba't ka umalis sa Music Club? At bakit hindi namin alam?" halatang inis na tanong ni Echo.
"Ah..." Tumikhim si Hiroshin. "Nakalimutan ko lang sabihin. Nahihirapan kasi akong pagsabayin 'yong pag-aaral saka 'yong club. Tapos nagtatrabaho pa tayo...kaya ayon."
"Sus. Busy ka lang kay Yumi, eh..." pagpaparinig ni Tadeo. "Kailan ka ba namin huling nakasama? Noong wala ka pang jowa!"
Napakamot si Hiroshin sa ulo niya. "Pasensya na. Alam n'yo naman na matagal ko nang pangarap maging girlfriend si Yumi. Hayaan n'yo na akong maging masaya."
"Hindi naman kami kontra sa pagiging masaya mo," sabad ni Echo. "Ang gusto lang namin, huwag mong kalimutan ipaalam sa amin ang mga desisyon mo sa buhay. Tropa tayo rito, 'di ba?"
"Pasensya na talaga." Mukha namang sising-sisi si Hiroshin sa nagawa niya.
Pero kahit gano'n ay hindi ko maiwasang mapairap.
"Pikachu..." Kinalabit niya ako sa tagiliran. "Okay ka lang?"
Tumango ako bilang sagot pero hindi ako tumingin sa kaniya. Alam kong alam niya na nagtatampo ako pero mas pinili niyang huwag na lang magsalita.
Nakakapanibago. Dati, ayaw niyang nagagalit ako sa kaniya, pero ngayon ay mukhang wala na siyang pakialam.
Naging busy kami pagkatapos ng Intrams. Ewan ko ba, ang hilig magpa-long quiz ng mga lecturers namin ngayon at sumasabay pa sa mga projects na kailangan i-submit. Si Hiroshin, ayon...pinagsasabay ang pagiging estudyante, empleyado ng Dreamy at pagiging boyfriend kay Yumi. Ang siste, hindi niya na kami nabibigyan ng atensyon ng mga kaibigan niya. Hinayaan na lang namin.
Pagdating ng weekend ay wala kaming pasok sa Dreamy pero inutusan kami ni Sir Mike na kumuha ng medical. Hindi nakasama si Echo kasi may training pa siya sa Arnis pagkatapos ng klase namin ng Sabado. Ang siste, kaming dalawa lang ni Hiroshin ang nagsama papunta sa laboratory na sinabi ni Sir Mike. Sinundo niya ako sa boarding house.
"Napapansin ko ang tahimik mo lately," panimula niya habang nag-aabang kami ng jeep sa tabi ng daan.
"Wala lang," matipid na sagot ko.
Dumaan na ang isang jeep kaya sumakay na kaming dalawa. Hanggang sa makarating kami ng lab ay hindi pa rin ako umiimik. Pinasak ko ang earphone sa tenga ko habang hinihintay ang result. Sinadya ko iyon para hindi niya ako kausapin. Total, busy naman siya sa kaka-chat kay Yumi.
Nauna akong pumasok kaya mas nauna akong nabigyan ng result. Tumayo na ako at handa nang umalis pero bigla akong tinawag ni Hiroshin. At dahil may nakapasak na earphone sa tenga ko ay nagkunwari akong walang narinig. Tuloy-tuloy akong lumabas ng laboratory.
"Pika-Marife! Hintayin mo 'ko!" sigaw niya. "Marife-Thank you, Ate! Godbless you!" Narinig ko ang pagtakbo niya para habulin ako.
Hindi ba siya nahihiya? Ang daming tao tapos sigaw siya nang sigaw?
Binilisan ko ang paglalakad ko pero malalaki ang biyas niya kaya naabutan niya ako. Nasa labas na kami nang hatakin niya ang braso ko at pinaharap niya ako sa kaniya.
"Kanina pa ako tawag nang tawag sa'yo," hinihingal na sambit niya, kunot ang noo. "Ang bilis mo maglakad. Nagmamadali ka ba?"
Kumunot ang noo ko kunwari at inalis ang earphone sa isa kong tenga.
"May sinasabi ka?" tanong ko.
Siya naman ang napakunot ang noo. "Kanina pa kita tinatawag," seryosong tugon niya sabay tingin sa earphone ko.
"Sorry. Nakikinig kasi ako ng music-"
"Hindi nakakabit, Marife..."
Umawang ang bibig ko at napatingin sa dulo ng earphone ko. Hindi nga nakakabit sa phone ko.
Tanga.
Kinagat ko ang pang-itaas kong labi at dahan-dahang tiningnan siya ulit. Salubong na ang mga kilay niya ngayon habang nakatingin sa akin kaya napaatras ako nang kaunti.
"Akala mo ba hindi ko nahahalata?" malamig ang boses na sambit niya.
Ngayon ko lang napagtanto na mas lumalim na ang boses niya dala ng pagbibinata. Naramdaman ko ang lamig sa gulugod ko sa paraan ng pagtitig niya.
"A-Ang alin?" nauutal na tanong ko.
"Iniiwasan mo 'ko. Matagal ko nang nahahalata. May nagawa ba ako? Nagtatampo ka ba dahil hindi ko na kayo nabibigyan ng atensyon nila Echo?"
Umiwas ako ng tingin at yumuko, hindi alam ang sasabihin. Hindi ko naman pwedeng sabihin na nasasaktan ako tuwing nakikita ko sila ni Yumi na magkasama.
"H-Huwag mo na akong intindihin." Umiling ako. "Masama lang ang pakiramdam ko."
"Ano bang sakit mo?"
"M-Masakit ang..."
"Ang ano?"
Ang puso ko, tanga.
Mabuti na lang at tumunog ang phone niya kaya na-distract siya sa kakatitig sa'kin. Nakahinga ako nang maluwag
Sinagot niya ang tumawag sa kaniya.
"Oliver, bakit?"
Kumunot ang noo ko nang banggitin niya ang pangalan na iyon.
Sino si Oliver?
"Ano?! Bakit mo pinabayaan?!" sigaw niya sa kausap. Nagsalubong ang mga kilay niya at napuno ng pag-aalala ang mga mata. "Hindi ba sinabi kong bantayan mo?! Anak naman ng..." Tumingin siya sa'kin at kitang-kita ko ang pagpipigil niya ng emosyon. "Hintayin mo 'ko riyan!" Pinatay niya ang tawag at napasabunot sa buhok.
"B-Bakit?" usisa ko.
Marahas siyang bumuntong-hininga bago tumingin sa'kin, nakita ko tuloy ang pamumula ng mga mata niya.
"S-Si Nanay..."
"Anong nangyari?"
Sa tinagal naming magkaibigan ay hindi ko pa nakita ang nanay niya. Kahit kasi sa PTA meeting ay hindi ito pumupunta at palaging sinasabi ni Hiroshin na busy ito.
"K-Kailangan ko nang mauna-"
"Sandali." Pinigilan ko ang braso niya. "Sasama ako."
Umawang ang bibig niya at napatingin sa'kin. "Hindi na-"
"Sasama ako." Ngayon ko lang siya nakitang nagkaganito. Naiiyak, natataranta at parang nawawala sa sarili.
"Tara na." Hinatak ko na siya para makasakay na kami ng jeep papuntang San Fernando. Hindi naman na siya umangal pa.
Panay ang punas niya ng mga luha sa pisngi niya habang nakasakay kami ng jeep. May pinipindot siya sa phone niya at alam kong si Yumi ang ka-text niya.
"H-Hello...Yumi..." Sinagot niya ang tawag. "M-May training kayo?" Tumigil siya sandali para pakinggan ang sinasabi ng kausap. "O-Okay. Wala naman. Sige. Pauwi na rin ako." Hinawakan niya sariling ulo at napapikit. "I love you."
"Bakit hindi mo sinabi?" tanong ko nang patayin niya na ang tawag.
Humawak siya sa hawakan sa taas bago tumingin sa akin, nakangiti nang tipid.
"Busy naman siya. Hayaan mo na. At saka...nandyan ka naman."
So, second option lang ako dahil hindi available ang girlfriend mo?
Pero okay lang. Kusa naman akong sumama. Alam ko kahit hindi niya sabihin ay kailangan niya ngayon ng kasama.
Lumipas ang maraming minuto at nakarating na kami sa bahay nila Hiroshin. Medyo malapit lang ang bahay nila sa bahay namin. Naalala ko tuloy si Ate Monica. Baka bisitahin ko siya mamaya.
Tumigil kami sa isang maliit na bahay na gawa lang sa yero. Iyong dingding nila sa harap ay malapit nang mabutas dahil sa kalawang. Wala rin silang gate.
"Oliver!" Kinatok ni Hiroshin ang pinto nilang gawa rin sa yero. "Buksan mo-"
Bumukas ang pinto at tumambad ang iritadong mukha ng isang matangkad na lalake.
Una kong napansin ang buhok niyang may kulay na katulad ng buhok ni Echo, pero ang pinagkaiba ay highlights lang ang sa kaniya. Pinagmasdan ko ang mukha niya at napagtanto ko na may pagkakahawig sila ni Hiroshin, mga mata lang ang pinagkaiba.
At oo nga pala, wala siyang suot na damit at naka-short lang siyang itim kaya umiwas ako ng tingin.
"Ang tagal mong buksan ang pinto. Ano bang ginagawa mo sa loob?" galit na tanong ni Hiroshin sa lalake.
"Bakit ba?" maangas na tanong ng lalake na Oliver ang pangalan. "Akala ko ba hahanapin mo si Nanay? Ba't nandito ka?" Tumingin siya sa'kin at tiningnan ako mula ulo hanggang paa. "Sino naman 'to?"
"Huwag mong tingnan nang ganyan si Marife at baka masapak kita," asik ni Hiroshin. "Sino bang mga kasama mo sa loob at ayaw mong maistorbo ka?" Akmang papasok siya sa loob pero tinulak siya ni Oliver.
"Hanapin mo na lang si Nanay. Sige na!"
"Ano bang problema mo?!" Tinulak din siya ni Hiroshin at muntik na siyang masubsob sa sahig.
Sasagot sana si Oliver pero sumulpot ang dalawang lalakeng mukhang kaedad lang namin. May mga tattoo sila sa katawan at mukhang...ayokong manglait pero mukha silang mga tambay sa kanto.
Kumunot ang noo ni Hiroshin at tinuro ang dalawang lalake habang nakatingin kay Oliver.
"Sino 'tong mga 'to?"
Umiwas ng tingin si Oliver. "M-Mga...kaibigan ko..."
"Kaibigan..." Tumawa nang sarkastiko si Hiroshin. "Umuwi na nga kayo!" asik niya sa dalawang lalake na mabilis namang umalis, natakot siguro. Pati tuloy ako ay natakot. Parang nag-iba siya ng pagkatao ngayon.
Nang tuluyang makaalis ang dalawa ay nanlaki ang mga mata ko nang tinulak ulit niya si Oliver. "Sinabihan na kita, 'di ba?! Tigilan mo na 'yang ginagawa mo!"
"Wala kaming ginagawa!"
"Anong wala?! Nawawala si Nanay tapos 'yan pa ang inuna mo! Anong klase kang anak?!"
"Eh di ikaw ang maghanap sa nanay mong baliw! Total perfect ka, 'di ba?!"
"Anong sabi mo?!"
Napasigaw ako nang biglang suntukin ni Hiroshin si Oliver. Napaupo ito sa sahig, sapo ang nasaktang panga.
Nanlalaki ang mga matang tiningnan ko si Hiroshin. Kuyom na kuyom ang mga kamao niya at bakas ang galit sa mga mata niya habang nakatingin kay Oliver.
Ngayon ko lang siya nakita na naging bayolente. Pakiramdam ko ay nakikita ko ngayon ang totoo niyang pagkatao.
"Tinawag mong baliw ang nanay natin? Nag-iisip ka ba?! Wala ka na bang gagawing tama?! Ganyan ka na lang lagi?! Tangina, Oliver! Napapagod din ako! Magtulungan naman tayo, oh! Magkapatid tayo, ano bang problema mo?!"
Natutop ko ang bibig ko dahil sa mga binitawang salita ni Hiroshin. Kahit wala ako sa sitwasyon niya ay nararamdaman ko pa rin ang sakit na nararamdaman niya. Kitang-kita ko 'yon sa mga mata niyang lumuluha na ngayon.
"Sabihin mo sa'kin! Anong kailangan kong gawin para tumino ka?! Ano!" Susugurin niya sana ulit si Oliver pero hinawakan ko ang braso niya.
"T-Tama na...Hiroshin...Tama na..." naiiyak na awat ko.
Tiningnan niya ako at kitang-kita ko ang walang awat na pagluha ng mga mata niya. Hindi ko kailanman inasahan na makikita kong ganito si Hiroshin. Nasasaktan ako para sa kaniya.
Nagawa ko siyang ilayo roon para maiwasan na mag-away sila. Tumambay muna kami sa isang saradong tindahan at doon ko siya pinakalma.
"Hiroshin..." tawag ko habang nakatayo ako sa harap niya.
Nakaupo siya sa upuang kahoy na naroon habang nakayuko at sinasabunutan ang sariling buhok.
"Kumalma ka..." bulong ko. "Hindi kayo magkakaintindihan kung magsisigawan kayo, eh."
"Ayoko na, puta. Pasensya na, Marife. Dapat hindi na lang kita sinama."
Bumuntong-hininga ako at hinawakan ang balikat niya. "Okay lang. Iiyak mo lang 'yan..." Umupo ako sa tabi niya para ipaalam sa kaniya na makikinig ako.
"H-Hindi madaling maging panganay," panimula niya. "Pasanin ko lahat kasi iniwan kami ng tatay ko. Ako...Ako ang sumalo ng lahat. Tapos...ganito pa ang gagawin niya. Hindi ko na alam ang gagawin ko."
"Nasabi niya na ba sa'yo kung anong problema niya?" tanong ko. Pasimple kong pinunasan ang mga luhang dumaloy sa pisngi ko.
"Hindi." Tumawa siya nang pagak. "Bata pa lang 'yon gano'n na talaga ang ugali. Ayaw mag-aral, puro barkada, tapos pati pagbabantay kay Nanay hindi magawa. Hindi naman ako mareklamo pero sobra na, eh."
"Tinawag niyang baliw si Nanay. Puta, kahit bali-baliktarin niya ang mundo, nanay pa rin namin 'yon. Kaso wala nang respeto sa'kin, eh. Ang katwiran niya, hindi naman daw kami magkapatid na buo at isang taon lang ang agwat ko sa kaniya. Pero tama ba 'yon? Ako, okay lang sa'kin na bastos-bastusin niya 'ko. Pero pagdating kay Nanay...kamao ko na ang didisiplina sa kaniya."
Habang pinapanood ko siyang magsalita ay panay ang punas ko sa pisngi ko. Naiiyak ako dahil sa mga sinasabi niya. Nararamdaman ko ang nararamdaman niya.
"Tangina, mahal na mahal ko ang nanay ko kahit gano'n 'yon. Tapos tatawagin niya lang na baliw...Hindi pwede sa'kin 'yon."
Tumikhim ako bago nagsalita. "Hiroshin...okay lang naman na magalit ka sa kaniya. Pero huwag mong kakalimutan na kahit anong mangyari, sa huli, kayong magkapatid pa rin ang magtutulungan. Mas matanda ka sa kaniya kaya dapat, mas intindihin mo ang sitwasyon. Mas lawakan mo ang pang-unawa mo."
Dahil nakikita ko ang sarili ko kay Oliver. Hindi ko man alam kung anong dahilan kung bakit siya gano'n, nararamdaman ko na gusto niya lang ng pag-intindi at atensyon-dahil 'yong mga bagay na 'yon ay matagal ko na ring hinahanap-hanap kay Ate Monica.
"A-Alam ko..." bulong niya
Tinitigan niya ako nang may tipid na ngiti sa mga labi. "P-Pasensya na, Marife. Pero...pwede mo ba 'kong samahan hanapin si Nanay?"
Ngumiti ako pabalik. "Oo naman."
"Bakit ka muna umiiyak?" mapang-asar na tanong niya.
Ang bilis niya mag-shift ng emosyon! Kanina lang ay umiiyak siya tapos ngayon ay nang-aasar na naman.
Pinunasan ko ang pisngi ko, natatawa. "S-Sorry. Nadala lang."
Natawa siya at pinunasan ang mga luha sa pisngi ko gamit ang hinlalaki niya.
"Huwag ka nang umiyak. Okay lang ako." Ngumiti siya nang malawak.
Gusto kong kiligin sa ginawa niya pero naaalala ko na mas sweet siya pagdating kay Yumi. Girlfriend niya 'yon, eh.
"Tara na." Tinulungan niya akong makatayo.
May batang nadapa sa harap namin dahil sa kakatakbo. Tumakbo rin siya ulit nang makabangon pero tinawag siya ni Hiroshin.
"Tikboy!"
Tumigil ang batang lalake at tumingin sa'min. Nanlaki ang mga mata niya. "Kuya Hiroshin!"
"Bakit ka tumatakbo?"
"Eh kasi nakita ko 'yong nanay mo!"
Nagkatinginan kami ni Hiroshin bago muling tumingin sa bata.
"Saan mo nakita?"
"Tinakbo na sa ospital! Nawalan kasi ng malay sa gitna ng kalsada!"
"Ano?!" Nanlaki ang mga mata ni Hiroshin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top