21. Surprise

C H A P T E R 21:
Surprise

Totoo nga ang sinabi ni Echo. Sinama niya kami sa pag-resign niya. Kaya naman, magkakasama kami ngayon na nag-apply sa Dreamy na katapat ng Henderson University. 

Linggo ngayon at walang pasok kaya nag-desisyon kaming asikasuhin ang mga requirements namin. Nakausap namin ang manager na si Sir Mike at ni-interview kami isa-isa. Sa kabutihang palad, natanggap kami lalo na't nalaman niya na may experience kami sa dating Dreamy na pinagtrabahuhan namin.

Kumpara sa store ni Ma'am Jade, mas malaki ang main store ng Dreamy dito. Mas malawak ang dining at mas maraming tables at chairs. Higit sa lahat, mataas ang sahod kahit baguhan pa lang. 

Pag-uwi ko ng boarding house ay nagpahinga na kaagad ako dahil maaga ang pasok namin sa Dreamy bukas. 

Alam ni Sir Mike na working students kami kaya nilagay niya kami sa early morning. Ang siste, 6:00 AM to 10:AM ang working hours namin. 

Maganda iyon dahil makakapagpahinga na kami kapag galing ng school. Aagahan na lang namin ng gising tuwing umaga para pumasok ng trabaho sabay deretso na sa klase.

Deserve naman siguro namin ang ganito kasi ilang taon din kaming nagtiis sa trabahong nakakaubos ng lakas. 

Hindi madali ang maging working student, kaya naiinis talaga ako sa mga costumers namin na OA makapagreklamo kapag may kaunting pagkakamali kaming nagagawa. Hindi nila alam ang pagod na nararamdaman ng mga katulad namin na pagod na nga sa pag-aaral ay pagod na rin sa kakatrabaho.

Kinabukasan ay nag-umpisa na kaming tatlo sa pagtatrabaho. Hindi naman kami nahirapan dahil sanay na kami. Kailangan na lang namin mag-adjust para sa mga lagayan ng ingredients dahil mas organized ang mga gamit dito.

"Natapos din sa wakas!" Nag-inat si Echo nang makalabas na kami sa Dreamy. 

Nakasuot na kaming tatlo ng Henderson uniform kaya pinagtitinginan kami ng mga costumers. Hindi yata nila inakala na may working students pala mula sa Henderson. Akala ba nila ay mayayaman lang ang nakakapasok doon?

"Hi, classmates!" nakangising sambit ng nakasalubong naming grupo ng kalalakihan. Nakasuot sila ng uniform ng San Martino National High School, isang public school.

Naging okay naman ang takbo ng araw ko ngayon hanggang sa pag-uwi ko. Pagod na pagod nga lang ang katawan ko dahil sa trabaho kanina.

Nakapagbihis na ako ng pambahay at tapos na rin akong kumain nang biglang tumawag si Echo.

"Ano?" masungit na sagot ko. Nakakatulog na ako tapos tumawag pa.

"Punta ka rito sa bahay! Naaksidente si Hiroshin!" 

Parang sinapok ang dibdib ko nang marinig ko iyon. Nawala ang antok ko at napabangon ako sa higaan ko.

"N-Nasaan siya?" 

"Basta punta ka na lang dito! Magbihis ka, ah!"

"Hindi na! Papunta na 'ko!" Bumaba ako mula sa higaan at sinuot ang tsinelas ko.

"Magbihis ka sabi! Para bago mamatay si Hiroshin ay makita ka niyang maayos!" Nakarinig ako ng mura mula sa kabilang linya kaya napakunot ang noo ko.

"A-Anong mamatay? Walang mamatay! Sige na, magbibihis na 'ko!" 

"Okay, good!" Namatay na ang tawag.

Sa kamamadali ko ay kung ano-ano na lang sinuot ko. Isang pantalon at simpleng puting t-shirt lang ang naisuot ko. Inayos ko ang buhok ko at nagsuot din ako ng sneakers.

Bwesit. Bakit ba 'ko sumunod sa inutos ni Echo?

Pagkatapos ay dali-dali akong tumakbo palabas ng boarding house. Hindi na ako nakapagpaalam kay Aling Helga sa kamamadali.

Mabibilis ang hakbang ng mga paa ko habang walang tigil sa pagkabog nang malakas ang dibdib ko.

Nag-aalala ako kay Hiroshin. Baka kung anong nangyari sa kaniya habang nagba-bike siya pauwi. Mabilis pa naman magpatakbo 'yon.

Nanginginig ang mga kamay ko nang tawagan ko si Echo pero hindi siya sumasagot. 

Ano bang nangyari? Kinakabahan ako.

"Bilat mo!" 

Halos mapatalon ako sa gulat nang biglang may bumusina sa likod ko. Pagtingin ko ay nakita ko ang isang tricycle. Tumigil ito at narinig ko ang malakas na tawa ni Echo na siya palang driver.

"Echo!" inis na sigaw ko. Sinugod ko siya at sinabunutan pero tawa lang siya nang tawa. "Kaninong tricycle 'to?!"

"Aray ko. Sakit ng sabunot mo, putangina. Baka tricycle driver ang tatay ko, ano?" sarkastikong sagot niya habang nakahawak pa rin sa manibela. Tumingin siya sa loob ng side car. "Labas na nga. Ako tuloy nakatanggap ng sabunot."

Napakunot ang noo ko sa sinabi niya. Umikot ako papunta sa side car dahil hindi ko masyadong makita sa loob dahil madilim.

"Happy birthday!!!" 

Napaatras ako at napahawak sa dibdib nang makita ko si Hiroshin at Tadeo sa loob, tumatawa at nakaturo sa gulat na mukha ko. Ilang segundong nakaawang ang bibig ko habang nakatingin kay Hiroshin.

Okay naman siya, ah. Tawang-tawa pa nga, eh.

Hindi ko napigilan ang sarili kong paghahampasin silang dalawa. Tawa naman sila nang tawa habang nakaharang ang mga braso sa sarili.

Nakakainis sila! Kinabahan pa naman ako! Nakakainis! Nakakainis!

Tumigil lang ako nang inawat ako ni Echo. Hinawakan niya pa ako sa magkabilang braso para pigilan.

"Si Echo ang may pakana nito, eh. Sorry na..." malambing na sabi ni Hiroshin, 'yong tipong nakakatunaw.

Hindi na ako sumagot at ngumuso na lang ako. Maya-maya ay hinila ako ni Hiroshin papasok sa loob ng tricycle. Lumipat si Tadeo sa likod ni Echo kaya kaming dalawa na lang ni Hiroshin ang nasa loob.

"May surprise kami sa'yo..." nakangiting sabi ni Hiroshin. 

Tumitig ako sa kaniya at nakita kong suot niya na naman 'yong cap na niregalo ko sa kaniya noon. At dahil pabaliktad ang pagkakalagay, nakalitaw na naman ang mga hibla ng buhok sa noo niya. Nililipad ang mga 'yon na siyang dahilan kung bakit poging-pogi na naman ako sa kaniya.

Bumaba ang tingin ko sa suot niyang kulay gray na sweater at itim na pantalon. 

"Hindi mo ba alam na birthday mo bukas?" tanong niya, dahilan para bumalik ako sa katinuan.

"H-Hindi ko naalala," sagot sabay tikhim. Hindi ko naman talaga naalala. Masyado akong naapektuhan nang malaman kong nililigawan na ni Hiroshin si Yumi.

"Debut mo na bukas. Kaya kahit wala kaming pera, gumawa kami ng paraan para mapasaya ka. Advance nga lang." Tumawa siya. 

Hindi ako nakasagot dahil nakaramdam ako ng init na humaplos sa dibdib ko. Si Echo, Hiroshin at Tadeo...sila ang mga taong hindi ko inaasahan noon na bibigyan ako ng atensyon at mag-aaksaya ng oras para mapasaya lang ako.

Napangiti ako sa sarili ko at nakaramdam ako ng excitement sa surprise nila. Ilang minuto ang lumipas at tumigil kami sa tapat ng isang apartment.

"Saan 'to?" tanong ko kay Hiroshin nang makababa kami.

"Welcome sa apartment namin!" Humarang sa tapat ko si Tadeo habang nakangiti at nakataas ang dalawang kamay.

"A-Anong ginagawa natin dito?" tanong ko habang nakatingin sa may katatamtamang laki na apartment.

"Dito ka magde-debut." Si Echo ang sumagot na kakababa lang mula sa tricycle.

"Tara na, tara na!" Hinatak ni Hiroshin at Tadeo ang braso ko papasok doon at hindi ako nakaangal. 

Pagpasok ko sa loob ay tumambad sa akin ang isang maliit na mesa na may nakapatong na mga piraso ng...cupcakes?

Binitawan ako ni Tadeo at pumasok sa isang pinto, kusina yata nila.

Tumabi sa'kin si Hiroshin, kinakamot ang sariling ulo. "Sorry, wala pa kaming sahod kaya…cupcakes lang ang binili namin para sa'yo. Huwag kang mag-alala, nagpaluto kami sa mama ni Tadeo ng Pares. Paborito mo 'yon, 'di ba?"

Sunod na tumabi sa kaliwa ko si Echo habang nakatingin sa mga cupcakes na nasa mesa.

"Siguro malungkot ka kasi hindi totoong cake ang binili namin. May pa-surprise-surprise pa kaming nalalaman tapos ito lang pala ang dadatnan mo. Pasensya na, ganito lang kami—"

"Para kang tanga," naiiyak na sambit ko sabay hampas sa braso niya.

Sinilip ni Hiroshin ang mukha ko, gano'n din si Echo. Sabay kong tinulak ang mukha nila palayo at saka ko tinakpan ang mukha ko.

Kahit gaano kasimple ang ginawa nila, kahit cupcakes lang ang binili nila para sa'kin ay malaking bagay na 'yon. Isa ito sa mga bagay na gusto kong maranasan sa Ate Monica ko pero naging busy siya sa girlfriend niya. Hindi ko akalain na mag-eeffort sila para sa'kin. Ang sarap sa pakiramdam, hindi ko napigilan ang umiyak.

"Sinabi ba naming umiyak ka? Sana pala inasar na lang kita para mas malakas ang iyak mo," paismid na sambit ni Echo. 

Inalis ko ang mga kamay ko sa mukha ko at tiningnan nang masama si Echo.

"Tissue oh." Inabot ni Hiroshin ang tissue sa akin pero nang kukunin ko na iyon ay siya na ang kusang nagpunas ng mga luha sa pisngi ko. "Pa'no pa kaya kung bumili kami ng Black Forest, 'no? Baka ngumawa ka na."

"Salamat." Hindi ko pinansin ang pang-aasar niya. Tiningnan ko silang dalawa at nginitian kahit pa nahihiya ako sa itsura ko. "Salamat sa effort n'yo."

"Ewan ko lang kung magpasalamat ka pa mamaya…" natatawang bulong ni Echo pero narinig ko pa rin.

Tatanungin ko sana siya pero lumabas mula sa kusina si Tadeo kasama ang isang babae na medyo may katabaan pero mukha naman mabait.

"Ma, siya si Marife, kaibigan kong may birthday," pagpapakilala sa'kin ni Tadeo. "Marife, nanay ko."

Hindi niya pinakilala si Echo at Tadeo, siguro kilala na sila ng mama niya. Nagpaluto pa nga sila ng Pares, eh.

Pinunas ng mama ni Tadeo ang mga kamay sa suot na apron at nakangiting lumapit sa amin.

"Ikaw ba 'yong isa sa mga kaibigan ng anak ko?" 

Tumango ako at ngumiti. "Opo."

Hindi ko maiwasang mapatitig sa kaniya. Wala na sa ayos ang pagkakapusod ng buhok niya at pawisan na rin ang noo niya. Pero sa kabila ng nakikita kong pagod sa mga mata niya ay nakangiti pa rin siya nang malawak. 

Naalala ko tuloy si Mama.

Yumuko ako at kinuha ang kamay niya para magmano. Ngumiti siya sa'kin at hinawakan ang dalawang kamay ko. Ramdam ko ang pagiging welcoming niya, dama ko 'yon sa mga mata pa lang niya.

"Happy birthday, ha? Nagluto ako ng Pares. Paborito mo raw 'yon. Nag-ambagan sila Echo at Hiroshin para makabili ng baka at mga ingredients."

"Ako, Ma? May ambag naman ako, ah," sabad ni Tadeo.

"Si Tadeo naman ang namburaot," dagdag ng mama niya, tumatawa.

"Hahaha! Buraot!" pang-aasar ni Echo habang nakaturo sa mukha ni Tadeo.

"Pasensya ka na, ha? Pagluluto lang ang ambag ko, eh."

"O-Okay lang po. Nakakahiya nga po kasi rito pa kami magsi-celebrate ng birthday ko," nahihiyang sagot ko.

"Wala 'yon. Sabi kasi ni Echo, hindi pwede sa bahay nila kasi masungit ang papa niya. Kay Hiroshin naman, malayo raw. Kaya dito nila napili."

Tumingin ako kay Echo at Hiroshin na nakangiti lang sa'kin. Sa isip ko ay nagpapasalamat ako sa kanila.

Pagkatapos ay naghain na ng pagkain ang mama ni Tadeo. Kaunti lang pala ang Pares na niluto pero tama lang sa amin. Saktong dumating ang papa ni Tadeo na construction worker pala. Mukha rin siyang mabait at medyo payat siya dahil na rin siguro sa kakatrabaho.

Binati niya ako at nag-ayang uminom ng alak pero umangal kaagad ang mama ni Tadeo.

"Huwag mong turuan na uminom ang mga bata."

"Ano ka ba. 18 na ang mga 'yan." 

"Kahit na."

Pinanood ko lang silang dalawa na magtalo sa harap namin. Sa totoo lang ay ang cute nilang tingnan habang nag-aaway. Napapangiti tuloy ako habang humihigop ng sabaw ng Pares. 

"Pst, Marife..." tawag sa'kin ni Tadeo. Sa harap ko kasi siya nakaupo habang katabi ko naman sa magkabilaan si Hiroshin at Echo. "Masarap ba luto ni Mama?"

Ngumiti ako at nag-thumbs up. Totoo naman, eh. Masarap ang pagkakaluto. Bigla ko tuloy na-miss ang mga luto ni Mama noon.

"Masaya ka ba?" Dinunggo ni Echo ang braso ko kaya napatingin ako sa kaniya. "Seryoso. Pasensya na kung ganito lang—"

"Masaya ako." Ngumiti ako sa kaniya. "Masaya ako na kayo ang kasama ko ngayon."

Tumaas ang sulok ng labi niya at bumulong sa akin ng, "Masaya ka kasi kasama mo na naman si Hiroshin. Nye."

"Oo. Masaya talaga ako. Okay ka na?" bulong ko pabalik.

"Hoy, anong pinag-uusapan n'yo?" Kinalabit ako ni Hiroshin kaya umayos ako ng upo at bumaling sa kaniya. Natawa ako nang makitang nakanguso siya. "Hindi n'yo 'ko sinasama riyan, ah. Sige lang."

"Masaya daw siya—" Tinakpan ko kaagad ang bibig ni Echo para pigilan siya sa pagsasalita. 

"Ano 'yon?" usisa ni Hiroshin.

"Wala. Mabaho kasi ang hininga ni Echo kaya tinakpan ko ang bibig niya," sagot ko bago inalis ang kamay ko sa bibig ni Echo.

"Anong mabaho?"

"Kumain na nga lang kayo. Pag-untugin ko kayong tatlo, eh," saway ni Tadeo. Mukhang good boy siya kapag nandito sa bahay nila.

"Eto ka." Nag-dirty finger si Echo kay Tadeo pero kaagad kong hinila ang kamay niya pababa. Buti na lang at nagtatalo pa rin ang mama at papa ni Tadeo kaya hindi nila nakita.

Ano ba 'yan. Kahit saan mapunta 'tong mga 'to ay napakaligalig pa rin.

Pagkatapos naming kumain ay hinanda ng papa ni Tadeo ang TV nila at ni-connect sa videoke. May malaki kasi silang speaker at microphone kaya walang problema. 

Hinatak ako nila Hiroshin, Echo at Tadeo papunta sa gitna ng sala at nagsimulang isayaw ako habang kumakanta ng mga lovesongs ang mama ni Tadeo sa videoke.

Nahiya pa ako noong una kasi hindi ako sanay sa gano'n pero dahil ayokong maging killjoy ay nakisabay na rin ako.

"Kanina, nakita kong nakatitig ka kay Mama at Papa," sambit ni Tadeo habang nagsasayaw kami nang mabagal. Sweet kasi ang kinakanta ng mama niya. 

Nasa bewang ko ang mga kamay niya at nasa balikat naman niya ang sa'kin. Halos magpantay na lang kaming dalawa kaya gusto kong matawa.

"Naalala ko lang ang mga magulang ko. Nami-miss ko kasi sila," sagot ko. Hindi naman kasi gano'n kalakas ang tugtog kaya nagkakarinigan kami.

"Nabanggit nga sa'kin ni Echo na patay na raw ang mga magulang mo." Tumitig siya sa'kin na para bang may inaalala siya. "Alam mo...hindi mahilig makipagkaibigan sa mga babae si Echo. Kilalang-kilala ko na siya kaya nagtaka ako nang una kong malaman na close na kayo."

"Anong ibig mong sabihin?" Kumunot ang noo ko.

"Siguro may nakita siya sa ugali mo kaya pinili ka niyang maging kaibigan kahit babae ka."

"Katulad ng?"

"Hindi ka assumera," natatawang sagot niya. "Ayaw na ayaw niya kasi ng mga babaeng assumera. Kita mo si Lovely? Hindi niya tinuturing na kaibigan 'yon kasi nga ayaw niyang ma-misinterpret siya. Wala kasi siyang balak magkagusto sa mga kaklase niyang babae. At saka alam niyang si Hiroshin ang gusto mo kaya panatag siya—"

"S-Saan mo naman nakuha 'yan?" Pinutol ko na kaagad ang sinasabi niya bago pa siya marinig ni Hiroshin.

Mabuti na lang at abala si Hiroshin sa pakikipag-usap kay Echo sa sala, hinihintay na matapos si Tadeo sa pagsayaw sa'kin.

"Nahalata ko lang sa kilos mo," natatawang sagot niya. "Huwag kang mag-alala, hindi ko sasabihin kay Hiroshin."

Bumuntong-hininga ako at yumuko para itago ang mukha ko kaya tumawa siya.

Gano'n ba ako kahalata? Sana naman hindi 'yon mapansin ni Hiroshin. Mahirap na. Mukhang hindi niya naman ako ibubuking dahil kung may balak siya ay matagal niya nang sinabi.

"Wala akong masyadong alam sa mga ganyan kasi hindi pa ako nagkakagusto sa isang babae. Pero bilang kaibigan mo, gusto kong malaman mo na hindi mo kasalanan na gusto mo siya. Walang nagbabawal sa'yo. Pero kung alam mong masasaktan ka na, kailangan mo nang limitahan ang nararamdaman mo."

Tumango ako, iniintindi ang mga sinabi niya. Marunong din pala magseryoso 'to.

"Salamat."

"Happy birthday." Ngumiti siya sa'kin bago umalis sa harap ko. 

Patuloy pa rin ang pagkanta ang mama ni Tadeo ng mga sweet songs kaya tumayo si Echo para isayaw din ako.

"Kabado bente kasi isasayaw siya ni Hiroshin pagkatapos ko," pang-aasar niya. Matangkad siya kaya kailangan kong tumingala sa kaniya habang nagsasayaw kami.

Diniinan ko ang pagkakahawak ko balikat niya dahil sa inis. Napangiwi tuloy siya.

"Ikaw, nagiging sadista ka na, ah. Kaya hindi kita type, eh," reklamo niya.

"Malamang. Magaganda type mo, eh," bulong ko.

Tumawa siya. "Hindi ka sigurado ro'n."

Hindi ko na lang siya pinansin dahil panay lang ang pang-aasar niya sa'kin.

"Happy birthday. Pwede ka nang makulong. Hindi ka na minor," tumatawang pang-aasar niya na naman. Kinurot ko tuloy siya sa tagiliran bilang ganti.

Sunod na lumapit sa akin si Hiroshin. Kumalabog ang dibdib ko lalo na nang maglakad siya papunta sa akin.

Hindi ako nakasuot ng magandang gown, wala ring kahit anong bahid ng make up ang mukha ko pero pakiramdam ko ay isa akong prinsesa ngayon...na naghihintay na isayaw ng isang prinsepe na katulad niya.

Minsan lang naman mangarap, eh. At birthday ko naman. 

Nakangiti siya sa'kin hanggang sa tumigil siya sa harap ko. Dahan-dahan niyang nilabas mula sa likod niya ang isang red rose…na artificial. 

Natawa ako at pinagmasdan iyon. "Ano 'yan?"

"Debut mo kaya dapat may 18 roses ka kaso walang pera na pambili n'on." Kinamot niya ang kilay niya, natatawa. "Artificial rose muna galing sa vase nila Tadeo."

Kinagat ko ang pang-itaas kong labi, pinipigilan ang ngumiti.

"Hoy, Hiroshin! Balik mo 'yan sa vase ni Mama!" 

"Huwag ka ngang epal!" nakasimangot na asik ni Hiroshin. Nang tumingin siya ulit sa'kin ay bumalik ang ngiti niya. "Huwag mong pansinin 'yon."

"Salamat..." matipid na sagot ko. Sa sobrang saya ko ay hindi ko na alam kung anong sasabihin ko.

"Kapag naging successful ako, ibibili kita ng tunay…hindi 'yong artificial lang…"

"B-Bakit mo naman ako bibigyan ng tunay na bulaklak?" nahihiyang tanong ko. 

"Kasi kaibigan kita," nakangiting sagot niya.

Tumango ako. Kaibigan nga lang talaga.

"D-Dapat si Yumi lang ang bigyan mo ng mga gano'n..."

"Hindi ko ba pwedeng bigyan ng bulaklak ang nag-iisang babaeng kaibigan ko?" Tumaas ang kilay niya.

Oo na nga. Kaibigan na nga. Ulit-ulit, eh.

"Speaking of Yumi...alam mo bang niyaya ko siya na sumama rito?" kwento niya. "Pero ayaw niya, eh. Mukhang may problema siya."

Napakurap ako sa sinabi niya. Tumikhim ako. "Ano raw ang problema niya?"

Hindi naman masama ang loob ko na hindi siya pumunta ngayon. Mas nangingibabaw ang pag-aalala ko.

Nagkibit-balikat si Hiroshin. "Hindi niya sinabi, eh. Parang gusto niya ngang pumunta pero may pumipigil sa kaniya."

Hindi ako nakasagot. Napatingin lang ako sahig habang nag-iisip.

Ano bang nangyayari sa kaniya? Kung may problema siya, bakit hindi niya sinasabi?

"Huwag ka nang mag-isip ng kung ano-ano." Hinawakan ni Hiroshin ang baba ko para patingalain ako sa kaniya. "Alam kong nag-aalala ka. Akong bahala sa kaniya." Ngumiti siya at tinaas-baba ang mga kilay.

Nag-init ang pisngi ko sa ginawa niya kaya napaiwas ako ng tingin. Sunod kong narinig ang pagtawa niya.

"Alam mo...matagal ko nang napapansin, eh. Madalas kang umiwas ng tingin sa amin tuwing nakatitig kami sa mukha mo."

Kinagat ko ang pang-itaas kong labi, hindi alam ang sasabihin.

"Tumingin ka nga sa'kin," natatawang utos niya sabay hawak sa baba ko. 

"Huwag nga kasi…" saway ko at inalis ang kamay niya sa baba ko.

"Tagal na nating magkaibigan, naiilang ka pa rin? Bakit?" Kumunot ang noo niya.

"Hindi naman ako naiilang. Nahihiya lang ako sa pagmumukha ko."

"Ano?" Tumawa siya. "Bakit ka nahihiya?"

"Siempre ang pangit ko kaya," prangkang sagot ko.

"Hindi ka nga pangit. Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo 'yan?" Sumeryoso bigla ang boses niya.

Kung hindi ako pangit, bakit si Yumi ang gusto mo? Bakit hindi na lang ako?

Umiwas ulit ako ng tingin at ipinilig ang ulo ko. Hindi ko dapat iniisip 'yon. Hindi sa itsura tumitingin si Hiroshin. Nagkataon lang siguro na may nakita siya sa ugali ni Yumi na wala sa'kin o sa ibang babae.

"Hindi ka pangit, okay? Hindi mo kailangang baguhin ang sarili mo para lang magustuhan ka ng iba. Kasi baka sa pagiging abala mo na baguhin ang sarili mo, hindi mo mamalayan na nawawala na ang totoong ikaw."

Nakaramdam ako ng kirot sa dibdib ko nang sabihin iyon ni Hiroshin. Para bang alam na alam niya ang takbo ng utak ko.

Hinawakan niya ang isa kong kamay at itinaas para paikutin ako. Natawa siya sa itsura kong nabigla dahil sa ginawa niya.

Pagkatapos niya akong isayaw ay ang papa naman ni Tadeo ang sumunod. Palagi siyang nakangiti at binibiro niya pa ako habang nagsasayaw kami.

At dahil 18 years old na raw ako ay kailangan nila akong isayaw nang 18 na beses. Ang siste, salitan silang apat na lalake para isayaw ako hanggang sa makumpleto ang edad ko.

Matapos iyon ay tumigil muna sa pagkanta ang mama ni Tadeo dahil namamaos na siya. Kumain din kami ng cupcakes na ngayon ko lang napagtanto na 18 na piraso rin pala.

"Ikaw ang nag-bake nito?" tanong ko kay Tadeo habang kumakain kami ng cupcake.

"Oo. Kaunti nga lang ang nagawa ko kasi kulang sa ingredients," sagot ni Tadeo. "Masarap ba?"

Ngumiti ako at tumango bilang sagot.

"Masarap nga, naubos kaagad ni Hiroshin," sabi ni Echo sabay turo kay Hiroshin na umiinom na ng tubig.

Mahilig pala mag-bake si Tadeo. Infairness, kahit lalake siya ay marunong siyang mag-bake. Akala ko kasi mga babae lang ang marunong niyon.

Pagkatapos ay may binigay sa'kin si Echo na isang maliit at kulay dilaw na photo album na may design ni Pokemon. Nasa kwarto kami ni Tadeo dahil may ibibigay daw silang regalo sa'kin.

"Iyan lang ang nakaya namin sa ngayon. Alam mo na...marami kasing bayarin sa school," sambit ni Echo.

Nakangiting kinuha ko ang photo album kahit wala akong ideya kung anong nakalagay sa loob n'on.

"Marife, huwag ka magagalit sa'kin, ah… pakana 'yan ni Echo saka Tadeo," sabi ni Hiroshin habang kinakalikot ang mga kuko niya sa kamay.

"Bakit nadamay ako? Ako lang naman ang nagpa-develop niyan, ah!" angil ni Tadeo.

Napakunot ang noo ko sa pinag-uusapan nila. Palibhasa ay busy sa pagkanta sa sala ang mama at papa ni Tadeo kaya hindi sila nahihiyang magsigawan ngayon sa harap ko.

Nakita ko ang pagpigil ng tawa ni Echo habang nakaupo sa kama at hinihintay na buksan ko ang photo album.

Sinamaan ko siya ng tingin bago ko dahan-dahang binuksan ang photo album na hawak ko.

Nanlaki ang mga mata ko at muntik nang mapamura nang makita kong my mga ipis na nakaipit doon. Naihagis ko iyon sa sahig at napaatras pa ako dahil sa takot.

Takot ako sa ipis!

Sunod kong narinig ang malakas na pagtawa nila Echo, Hiroshin at Tadeo. Dahil sa inis ko ay sinugod ko silang tatlo at pinaghahampas sa mga braso nila.

"Sorry! Bwahaha!" Mamatay-matay na sa kakatawa si Hiroshin.

Ginaya naman ni Echo ang reaksyon ko habang tawa naman nang tawa si Tadeo habang pinapanood siya. 

Mga siraulo! Nakakainis!

"Aray ko! Bwahaha! Fake lang 'yon!" angil ni Echo nang sabunutan ko ang buhok niya. "Aray ko! Fake ipis nga lang 'yon!"

"Awat na," tumatawang sabi ni Hiroshin at inilayo ako kay Echo.

Pinulot ni Tadeo ang photo album at ipinakita sa akin ang loob.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang picture ko na tulog! Nakadikit ang pisngi ko sa desk ko at nakaawang pa ang bibig ko!

Binuklat ko pa sa kabilang page at nakita ko ang marami ko pang pictures na puro pangit ang pagkakuha. Kasama roon ang picture ko habang nasa oval kami at tumatakbo ako, 'yong mukha ko ay parang natatae. Tapos 'yong kumakain ako at nakanganga dahil sinusubo ko ang kutsarang may laman na kanin.

Nakakainis sila!

Kumuha ako ng unan at pinaghahampas si Echo. Alam kong siya ang nag-picture n'on at wala akong kaalam-alam!

Tawa sila nang tawa dahil naiinis ako. Iyon sila! Habang naiinis ako, mas natutuwa pa sila!

Tumigil lang ako sa pananakit sa kanila nang pumasok ang papa ni Tadeo at nag-ayang uminom.

"Inom tayo! Ngayon lang naman, eh!" aya ni Tadeo. "At ikaw, Marife. Pwede ka na uminom. Hindi ka na minor!"

"Huwag mo ngang idamay si Marife." Binatukan siya ni Hiroshin. "Saka may pasok pa kami bukas sa Dreamy."

"Hayaan mong si Marife ang magdesisyon," sabad ni Echo. "Hindi masamang mag-enjoy minsan."

"Ano, Marife? Iinom ka?" tanong ng papa ni Tadeo. 

Sasagot sana ako pero biglang sumulpot ang mama ni Tadeo at hinampas ang asawa nito sa braso.

"Bakit ba yaya ka nang yaya uminom? Dinadamay mo pa ang mga bata!" 

"Gusto ko lang naman na mag-enjoy sila. Hindi naman na bata ang mga 'yan, eh," katwiran ng papa ni Tadeo.

Pinanood ko lang sila habang nagtatalo sa harap namin at hindi ko namalayan ang panlalabo ng mga mata ko dahil sa luha.

Si Mama at Papa. Ganitong-ganito sila kapag nagtatalo. Pero 'yong pagtatalo na 'yon, hindi sila nagsasakitan, hindi sila nagsisigawan. 

Palaging sinasabi sa akin ni Papa at Mama noon na kapag nagkaroon na kami ng asawa, huwag kaming magtatalo sa harap ng mga magiging anak namin, dahil tatatak daw iyon sa utak ng mga bata hanggang sa paglaki nila. Hangga't maaari raw ay huwag nating pakitaan ng mga anumang klaseng karahasan ang mga bata.

"Iinom po ako..." 

Sabay-sabay silang napatingin sa'kin nang marinig ang sinabi ko. Isang malungkot na ngiti ang isinagot ko sa kanila.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top