20. Sama-sama

C H A P T E R 20:
Sama-sama

Panibagong araw, panibagong kalbaryo na naman.

Ayaw na ayaw ko talaga kapag TLE Subject—hindi dahil sa mahirap ang mga lessons doon, kundi ang pag-zumba bago magsimula ang klase.

Hindi ako marunong sumayaw at mas lalong ayokong sumayaw! Pero dahil alam kong papagalitan ako ni Sir Caleb, napilitan akong makisabay. Tawa nang tawa si Echo sa akin kasi ang awkward ko raw sumayaw. Wala namang imik si Hiroshin na katabi ko pero nakikita ko sa gilid ng mata ko na nagpipigil siya ng tawa.

Eh di sila na ang dancerist! 

Gusto kong umirap dahil sa inis na nararamdaman ko pero mas nangingibabaw ang hiya ko.

Dahil sa lakas ng tugtog mula sa speaker na dala ni Sir Caleb, napapatingin tuloy sa amin ang mga napapadaan na lecturer at pati nga janitor.

"That's why I'm talking to the girl in the mirror, whoah!" pakikisabay ng mga G na G kong mga kaklase sa sikat na kanta ni Sofia Grace na 'Girl in the Mirror'.

Dahil sa araw-araw namin itong isinasayaw mula pa no'ng first day ay kabisado na namin ang bawat steps. Ang daming naaaliw sa amin na mga lecturers kapag napapadaan sa room namin, ang cute daw kasi ng steps. 

At dahil hype na hype ang klase namin ay hindi na napigilan ni Hiroshin, Echo at Tadeo na pumunta sa harapan at magpakitang-gilas sa pagsayaw. May ibubuga naman kasi talaga silang tatlo pero hinahaluan nila ng kalokohan kaya tawa lang kami nang tawa sa pinaggagawa nila. Iyong tipong may tatlong gwapo sa harap namin pero ang lambot ng katawan kung sumayaw, may pakembot-kembot pa ang tatlong timang. 

Close na namin si Sir Caleb at nakikisabay siya sa mga trip ng klase namin kaya pumayag siya na magpatugtog sila Hiroshin ng ibang kanta.

Ngayon ay kanta naman ni Bruno Mars ang pinatugtog na may pamagat na 'Uptown Funk'. Hinayaan na naming mag-perform 'yong tatlo sa harap dahil madalas naman nilang isayaw 'yon lalo na kapag MAPEH class.

Kinagat ko ang pang-itaas kong labi habang pinapanood si Hiroshin na sumayaw. Grabe, halos lahat nasa kaniya na. Gwapo, mabait, maganda ang boses, magaling sumayaw, matalino rin at palakaibigan. Gusto ko tuloy sampalin ang sarili ko dahil dapat ay galit ako sa kaniya, tapos ngayon ay pinupuri ko siya.

Nagsitilian ang mga kaklase kong babae habang pinapanood na sumayaw ang tatlo. May naghampasan at naghilaan pa ng buhok dahil sa kilig.

"Yiehh! Nagpapakitang-gilas kay Yumi!" pang-aasar ni Cathy kay Hiroshin nang matapos sila kakasayaw.

Ngumiti lang si Hiroshin sa kaniya bago umupo sa sariling upuan, hinihingal at pawis na pawis katulad ni Echo at Tadeo.

Lumingon ako kay Yumi para makita ang reaksyon niya at nakita kong nagpipigil siya ng ngiti. Halatang-halata na ini-enjoy niya ang panunukso sa kanila ni Hiroshin. 

Nang maramdaman niyang nakatingin ako ay bumaling siya sa'kin. Nabura ang ngiti niya pero unti-unti ring bumalik at ngumiti nang matamis sa'kin. Umiwas na ako ng tingin bago ko pa siya bigyan ng pekeng ngiti. Ayokong isipin niya na okay kami.

Pagkatapos ng TLE subject ay sabay-sabay kaming nag-lunch break ni Echo at Tadeo, hindi kasama si Hiroshin dahil nasa mesa ulit siya nila Yumi.

Tuwing tumitingin ako sa kaniya, nakikita ko sa mga mata niya ang tuwa—kumikislap at puno ng paghanga habang nakatingin kay Yumi. Iyong mga matang 'yon ay hindi ko nakikita tuwing sa akin siya sa nakatingin.

Umiwas na lang ako ng tingin at hinintay na matapos ang lunch break. Pagdating ng 1 PM, pumunta kaming lahat sa Computer lab dahil iyon ang subject namin ngayon. Hindi alphabetical ang sitting arrangement doon pero ang siste, katabi ko pa rin si Echo at Hiroshin. Sila ang kusang tumabi sa akin nang umupo ako sa pangalawang row ng mga computers. Ang pinagkaiba lang ay tumabi rin si Tadeo kay Echo kaya napalibutan ako ng makukulit.

"Hiroshin, bakit ka nandito? Doon ka na kay Yumi tumabi," sabi ni Tadeo sa nagtatampong tono.

"Lunch break ko lang siya sasamahan, tropa ko pa rin kayo, 'no," nakangiting sagot ni Hiroshin sabay tingin sa akin. 

Nagpatay-malisya lang ako at inabala ang sarili sa pagbubukas ng computer sa harap ko. Yumuko ako para pindutin ang power ng CPU pero humarang sa paningin ko ang isang balot ng Pillows.

Tumingin ako kay Hiroshin nang kunot ang noo bago ko tiningnan ulit 'yong Pillows.

"Ano 'to?" Tumingin ulit ako sa kaniya at ngumuso siya na para bang sinasabing kunin ko na ang hawak niyang Pillows.

"Peace na tayo," nagpapa-cute na sambit niya. "Favorite mo 'tong Pillows, 'di ba?"

Umayos ako ng upo at tiningnan ulit ang hawak niya. "Ikaw lang ang may favorite niyan."

"Kaya nga gusto kong i-share sa'yo ang favorite ko para malaman mong sincere ako."

Nilabas ko ang notebook at libro ko para sa Computer Education at nilapag sa harap ko, nagpipigil ng ngiti. Ang cute niyang mag-sorry. At ako naman 'tong si tanga na kunwari galit pa rin para mas lalo niya akong suyuin.

"Ayaw mo ba?" tanong niya. 

"Hindi naman ako galit sa'yo," giit ko.

"Talaga? Bakit hindi mo 'ko pinapansin?"

"Hindi naman kasi pwedeng palagi kitang pansinin. Baka magselos si Yumi."

"Huh?" Tumingin siya sa likod para tingnan si Yumi bago ibinalik ang tingin sa akin. "Hindi pa naman kami para magselos siya. At saka mukhang hindi naman siya gano'n."

"Sabagay, hindi naman ako 'yong tipo ng babaeng pwedeng pagselosan." Nagkibit-balikat ako.

Sa gulat ko ay bigla niyang kinurot ang ilong ko. Nang tingnan ko siya ay magkadikit ang mga ngipin niya at nakaangat ang pang-ibabang labi na para bang gigil na gigil.

"Masakit naman!" Tinampal ko ang kamay niya para bitawan niya ang ilong ko.

"Arte, hindi naman mariin 'yon," pang-aasar niya. "Pero bati na tayo?"

"Oo na." Hindi naman kita matiis, eh.

"Libre kita ng Pares mamaya." Tumaas-baba ang kilay niya.

Doon ko na hindi napigilan ang mapangiti. Magmula kasi nang matikman ko ang Pares ay naging paborito ko na 'yon. Madalas ay dumadaan kami sa pinagkainan namin dati para bumili n'on bago dumiretso sa trabaho.

"Naks, Pares lang pala ang katapat mo, eh." Ginulo niya ang buhok ko.

"Akin na nga 'yang Pillows mo!" Biglang inagaw ni Echo ang hawak ni Hiroshin. 

"Ano ka?! Akin 'yan!" Tumayo si Hiroshin at dumukwang para maabot ang Pillows na kinuha ni Echo. Napapagitnaan nila akong dalawa kaya nadadamay ako sa kakulitan nila. 

"Sa'yo pala pero bakit mo binibigay kay Marife?"

"Alam ko naman kasi na hindi niya kukunin!"

"Huwag na kayong mag-away! Akin na lang 'yan!" Nakisali na si Tadeo at inagaw ang Pillows mula kay Echo. Napailing na lang ako.

Tuluyan nang tumayo si Hiroshin at nakipag-agawan para sa Pillows niya. Nagpigil akong tumawa dahil parang maiiyak na siya. Pinagti-tripan kasi siya ni Echo at Tadeo.

"Tumigil na kayo, nandyan na si Ma'am Veronica," saway ni Hope.

Pero hindi tumigil ang tatlo kaya nasagi ni Hiroshin ang computer na nasa harap ko. Muntik pa 'yon na matumba at mabuti na lang ay nahawakan ko kaagad. Saktong dumating si Ma'am Veronica at nakita ang nangyari kaya umupo kaagad si Hiroshin.

"Hiroshin, Tadeo and Echo…" mariing sambit ni Ma'am Veronica sabay buntong-hininga. "Sinong nagsabi sa inyong tatlo na pwede kayong magtabi-tabi rito sa Computer lab?" 

"Ma'am! Pabigyan n'yo na kami! Dito lang kami pwedeng magtabi-tabi, eh!" giit ni Tadeo.

"That's the actual problem. Kapag magkasama kayong tatlo, baka hindi lang isang computer ang masira ninyo sa sobrang kakulitan ninyo. Bagay nga sa inyong tawagin na 'Maligalig trio'." Napailing si Ma'am Veronica.

Nagtawanan ang mga kaklase ko at maging ako ay natawa rin.

"Hiroshin. Remove your cap. Wala tayo sa labas."

Kaagad inalis ni Hiroshin ang cap niya at umayos ng upo. Ang cute-cute niya kapag pinapagalitan.

"Pagbibigyan ko kayong tatlo pero oras na may masira kayong gamit dito, kukurutin ko ang mga singit ninyo."

"Ay! Ang harsh, mader!" pagbibinakla ni Echo kaya natawa kaming lahat maging si Ma'am Veronica.

Pagkatapos ng Computer Education subject namin ay bumalik na kami ng classroom namin para sa Math. 

"Marife, you're doing well in my class," papuri ni Ma'am Caroline sa akin nang makitang naka-perfect score ako sa long quiz na ibinigay niya.

Nagpalakpakan ang mga kaklase ko pero hindi iyon kasinglakas ng palakpak kapag si Yumi ang napupuri. 

Favoritism at it's finest. 

"And you, Echo...Kung tutuusin ang pwede ko kayong ilaban sa mga Math contest pero sad to say na mula sa Regular Classes lang kukuha ng mga representative this year."

"Okay lang 'yon, Ma'am! Pahinga na rin kasi mula Grade 7 ay lumalaban na kami roon ni Yumi," sagot ni Echo.

"Oh, speaking of Yumi…" Bumaling si Ma'am Caroline kay Yumi. "Napapansin ko this week na...hindi ka masyadong active sa klase ko."

Lumingon kaming lahat kay Yumi na nabigla sa pagtawag sa kaniya ni Ma'am Caroline.

"M-Ma'am?"

"Are you zoning out, Yumi?" Tumaas ang kilay ni Ma'am Caroline. "I'm asking you a serious question here."

"I'm sorry po, Ma'am Caroline. Hindi ko po...narinig…" Nagbaba ng tingin si Yumi.

"Nevermind. Gusto ko lang malaman kung nahihirapan ka na ba sa subject ko dahil lately, nahahalata ko na nawawala ka sa focus."

"May nanliligaw na kasi…" pagpaparinig ni Lovely. Kaagad siyang siniko ni Echo para manahimik.

"Is that true?" tanong ni Ma'am Caroline kay Yumi. Nang tingnan ko si Hiroshin ay nakababa lang siya ng tingin.

"Ma'am…" Biglang nagtaas ng kamay si Hope.

"Yes, Hope?"

Tumayo siya at sumulyap kay Yumi na halatang nagulat, bago bumaling kay Ma'am Caroline.

"I think wala pong kinalaman ang pagkakaroon ni Yumi ng manliligaw sa dahilan kung bakit nawawala siya sa focus," seryosong sambit ni Hope. "Noon pa man ay marami na siyang manliligaw pero nagagawa niyang maging active sa klase. Ayaw niyang ipasabi pero—"

"Hope," pigil ni Yumi pero hindi man lang siya nito nilingon.

"Someone's trying to drag Yumi down," patuloy ni Hope. "Her books and notes were missing, the reason why she lost her focus lately." Inilibot niya ang paningin sa aming lahat. "May mga insecure dito sa loob at gustong lamangan si Yumi. At kapag nalaman ko kung sino 'yon, gagawin ko ang lahat para mapatalsik siya sa Night Class Program."

Napuno ng bulungan ang classroom namin dahil sa sinabi ni Hope. Nagkatinginan kami ni Hiroshin at bakas sa mga mata niya ang pag-aalala para kay Yumi. 

Lumingon ako kay Echo at binigyan niya ako ng nag-aakusang tingin.

"May kinalaman ka ba ro'n?" pabulong na tanong niya.

Umiling ako. "Hindi ko magagawa sa kaniya 'yon. Kahit anong galit ko, hinding-hindi ko gagawin 'yon kasi naging kaibigan ko rin siya," pabulong pero may diin na sagot ko.

"Kung gano'n, sino?"

Sino nga ba?

Lumagpas ang tingin ko kay Echo at nakita ko si Lovely na nakangisi habang nakatingin sa harap.

Mukhang alam ko na kung sino.

"Regardless of what happened, magagawan mo ng paraan 'yon, Yumi. Pwede kang manghiram ng notes sa mga kaklase mo. Alam n'yong ayoko ng may bumabagsak sa mga estudyante ko."

"Y-Yes, Ma'am Caroline. Sorry po," sagot ni Yumi. Tumingin ako sa kaniya at kitang-kita ko ang lungkot sa mga mata niya.

Oo, inggit na iinggit ako sa'yo, Yumi. Pero kahit kailan, hindi ko gagawin 'yon sa'yo. Alam kong malungkot ka ngayon, pero noong mga panahong malungkot ako, nasaan ka? Kasama mo mga bago mong kaibigan. Sana kayanin mo 'yan. Alam kong may iba ka pang pinagdadaanan pero ayaw mo lang magsalita. Sana alagaan ka nila Cathy.

Pagkatapos ng klase namin ay humanap ako ng tiyempo para kausapin si Lovely. Pinauna ko sila Echo at hinintay ko na lumabas si Lovely. Saktong paglabas niya ng classroom namin ay hinatak ko siya papunta sa gilid.

"Ano ba!" Pinalis niya ang kamay ko. "Problema mo, ha?!"

"Ikaw ang nagnakaw ng mga libro niya, 'no?" mariing tanong ko sa kaniya. 

"Wala akong ginagawa!"

"Talaga? Basang-basa na kita, eh! Dahil hindi mo siya magawang malampasan, gusto mong tirahin ang acads niya. Gusto mo siyang pabagsakin. Tama ba 'ko?"

Umawang ang bibig niya habang nakangisi. "Ang galing mo talaga. Palibhasa, parehas tayong naiinggit sa kaniya kaya parang iisa na rin ang utak nating dalawa. Alam na alam mo ang mga kaya kong gawin—"

"Binabalaan kita, Lovely," gigil na gigil na duro ko sa kaniya. "Huwag na huwag mong gagalawin si Yumi dahil iba magalit ang tulad ko. Tandaan mo 'yan."

Napasipol siya. "As if matatakot ako sa'yo. At saka huwag ka ngang ipokrita. Deep inside naman ay gusto mo ang nangyayari sa kaniya. Pwedeng-pwede ka na maging top one." Binalatan niya ang hawak na chewing gum at saka maarteng sinubo sa bibig bago nginuya.

Naglapat ang mga labi ko at sasagot sana pero nilayasan niya na ako. Tumaas-baba ang dibdib ko dahil sa galit. Pumikit ako nang mariin para pakalmahin ang sarili ko.

Hindi, eh. Wala akong maramdaman na saya sa nangyayari kay Yumi ngayon. Malakas ang kutob ko na may mabigat siyang pinagdadaanan pero ayaw niya lang ikwento sa lahat. 

Naabutan ko sila Echo at Hiroshin na hinihintay ako sa waiting shed.

"Bakit hinintay n'yo pa 'ko?" tanong ko sa kanilang dalawa. Pwede naman na mauna na sila.

"May riot sa kabilang kalsada, baka madamay ka," sagot ni Hiroshin. "Buti na lang naihatid ko na si Yumi."

"Ano nga bang balita ro'n kay Yumi?" usisa ni Echo habang panay ang inat ng leeg. Napagod yata siya sa training kanina no'ng tinawag siya n'ong coach nila sa Arnis.

"May problema raw siya pero ayaw niyang sabihin. Nakangiti pa nga siya kanina, eh. Nag-aalala tuloy ako," sagot ni Hiroshin habang nakanguso.

Napatingin ako sa phone ko at pilit nilalabanan ang sarili na i-text si Yumi. Napailing ako at namalayan ko na lang na nagta-type na ako ng message para kay Yumi.

To: MayumiNot

May problema ba kanila Tita Vicky at Tito Damian? Kamusta ka?

Ang bilis niyang mag-reply.

From: MayumiNot

Glad you texted me. :( Okay lang ako. Masaya ako na naalala mo 'ko. Miss you, Mhae.

Kinagat ko ang pang-itaas kong labi. Nakaramdam ako ng kirot sa puso ko.

Miss ko na rin siya pero ayoko nang maging plastik sa kaniya. Kaya mas mabuti na 'yong ganito. Mabuti na 'yong alam niyang nag-aalala pa rin ako sa kaniya.

"Oy!" Hinatak ako ni Hiroshin papunta sa tabi niya nang biglang may dumaan na motor sa gilid ko at muntik pa akong mahagip. "Tarantado ka, ah!" sigaw niya sa rider.

"Pft. Akala ko ba bawal magmura," natatawang puna ni Echo.

"Eh nakakainis 'yon, eh. Muntik nang mabangga si Marife. Dito ka nga sa kabila." Hinatak niya ako papunta sa gitna nila ni Echo. 

"Sus! Kapag 'yan na-fall..." pang-aasar ni Echo kaya palihim ko siyang kinurot. "Aray ko, putangina." 

"Manahimik ka nga. Hindi ako 'yong type ni Marife. Mga katulad ni Zach ang type niya." 

"Huh?" Tumingala ako kay Hiroshin. Kailan ko naging crush si Zach? Eh masama ugali n'on, eh.

"Nakalagay sa slumbook noong Grade 7 tayo, 'di ba?" pagpapaalala niya.

Ay oo nga pala. Iyon ang nilagay ko kasi ayokong malaman ng lahat kung sinong totoong crush ko. Pero hindi ko naman pinangalanan kung sino sa Madrigal triplets, ah. Siguro kasi alam niyang mas maraming nagkakagusto kay Zach kahit masama ang ugali ng lalakeng 'yon.

"Crush mo pa rin ba siya, Marife?" usisa ni Hiroshin. "Kasi kung oo, pwede kitang tulungan. Magkasama kami sa Music Club, eh."

"Sus. Taken na 'yon si Zach," kontra na naman ni Echo.

"Si Zach? May girlfriend na?" 

"Oo. Hindi nga lang alam ng babae na girlfriend siya ni Zach," natatawang sagot ni Echo.

"Tino mo talagang kausap."

Pagdating namin sa Dreamy ay naabutan namin ang isang babae na kausap si Jet, ang nakabantay sa counter. Mukhang paalis na siya kasama sila Ate Mon at Ate Max.

"Sila na lang po ang kausapin n'yo tungkol diyan," sambit ni Jet sabay turo sa aming tatlo. "Echo, pabilang na lang ng remit ko."

Para silang mga daga sa sobrang bilis nilang nawala sa paningin namin.

Humarap sa amin ang babaeng nakasuot ng corporate attire. Maputi, chinita at kulay brown ang buhok. Mukha siyang matangkad sa suot niyang heels. May suot siyang I.D at base sa nabasa ko sa lanyard ay mukhang taga-DOLE siya. Yakap niya ang isang makapal na folder at mukhang alam ko na kung bakit iwas na iwas sila Jet na kausapin siya.

Panay kasi ang bilin ni Ma'am Jade sa amin na kapag may pumuntang taga-DOLE dito sa Dreamy ay huwag daw naming sasabihin na wala kaming benefits na natatanggap mula sa kaniya.

Si Echo ang kumausap sa babae habang kami ni Hiroshin ang tumanggap ng mga orders sa mga costumers na pumasok. Panay ang sulat ng babae sa dala niyang form habang nakikinig sa mga sinasabi ni Echo.

15 minutes ang itinagal ng pag-uusap ng dalawa hanggang sa magpaalam na ang babae.

"Anong mga tinanong sa'yo?" usisa ni Hiroshin nang pumasok na sa counter si Echo.

"Kung may mga benefits daw tayo, incentives o kaya double-pay kapag holiday," sagot ni Echo, nakataas ang sulok ng labi. 

Nahulaan ko kaagad kung anong ginawa niya. "Sinabi mo ang totoo?"

"Oo."

Nanlaki ang mga mata ko at hinampas ko siya sa braso.

"Seryoso ka, men?" gulat na tanong ni Hiroshin. "Yari ka kay Ma'am Jade."

Itinali ni Echo ang apron niya bago sumagot. "Iyon nga ang gusto ko, eh. Para magalit siya sa'kin at pakawalan niya na ako. Gusto ko nang umalis dito. Dapat sumama rin kayo kasi ang tagal na nating nagtitiis dito."

"Binuking mo si Ma'am Jade. Pwedeng maapektuhan ang Dreamy sa ginawa mo," panenermon ni Hiroshin. "Paniguradong makakatanggap ng report si Ma'am Jade bukas galing sa DOLE."

"Hindi ko intensyon na sirain ang business niya. Gusto ko lang maging tama ang pamamalakad niya rito sa Dreamy kasi agrabyado tayong mga empleyado. Sila Jet, si Ate Mon at Ate Max, nagtitiis lang 'yon dito kasi wala silang choice. Tayo, sinasamantala niya na kailangan natin ng trabaho habang nag-aaral. Noong una, tanggap ko pa na wala tayong benefits kasi wala pa tayo sa tamang edad, eh. Pero ngayon? Disi-otso na tayo, wala pa rin? Kahit incentives, wala. Kuripot ang boss niyo."

Nagkatinginan kami ni Hiroshin. Nakukuha namin ang punto ni Echo. Tama naman siya, eh. Hindi na lang kami sumagot.

Nag-umpisa nang mamunas ng sa preparation area si Echo habang hindi pa rin tumitigil sa pagsasalita.

"Tama ang ginawa ko. Nasa batas 'yon, eh. Kung magne-negosyo siya, dapat isipin niya rin ang mga empleyado niya. Ang problema, sa sales lang ng Dreamy siya may concern. Basta may kita siya, okay na. Wala siyang pakialam sa atin kung nahihirapan tayo—Oy, nakikinig ba kayong dalawa?" 

Lumingon siya sa amin ni Hiroshin. Hindi ko natuloy ang pagsubo ko ng isang kutsarang kanin na may sarsa ng Menudo.

"Tangina, kumakain na pala kayo tapos salita ako nang salita rito. Pahingi nga!" 

"May baon ka naman, ah!" angil ni Hiroshin. "Hoy, hotdog ko 'yan!" reklamo niya nang kainin ni Echo ang isang piraso ng ulam niya.

"Ang liit naman ng hotdog mo!" ngumunguyang sambit ni Echo.

"Ikaw nga walang hotdog, eh! Nang-aagaw ka pa ng hotdog ng iba!"

Napailing na lang ako habang pinapakinggan ang bardagulan ng dalawa. Mabuti na lang at walang costumer.

Kinabukasan, 8 AM na at katatapos ko lang maglaba at nakapagluto na rin ako ng ulam ko. Mabuti na lang talaga at nasa school na ang mga ka-boardmates ko nang ganitong oras dahil wala akong kasabayan kumilos sa kusina.

Habang kumakain ng almusal ay napatingin ako phone ko nang mag-notification ang group chat naming tatlo ni Hiroshin at Echo.

Echo Escobar:

Putangina. Hahahaha.

Hiroshin Iscalera:

Aga-aga, mura kaagad. Minus 10 ka sa langit, men.

Echo Escobar:

Gagi, tinawagan ako ni Ma'am Jade. Galit na galit amp.

Nanlaki ang mga mata ko at nag-type kaagad ako ng sasabihin.

Marife Mhae Garcia:

Anong sabi? 

Echo Escobar: 

Nakatanggap siya ng report galing sa DOLE. Gusto niya na akong mag-resign sa Dreamy. Hahaha.

Hiroshin Iscalera:

Tuwang-tuwa kang wala ka nang trabaho?

Echo Escobar:

May Dreamy pa sa tapat ng Henderson University, 'di ba? Sabay tayong tatlo na mag-apply do'n. Hahahahaha.

Marife Mhae Garcia:

Dinamay pa kami.

Echo Escobar:

Damay talaga kayo. Sabi ko kay Ma'am Jade, magre-resign na rin kayong dalawa. Nyahaha.

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ni Echo. 

Marife Mhae Garcia:

Ano?!

Hiroshin Iscalera:

Pota ka.

Ay sorry, bad words.

Echo Escobar:

Now playing~Sama-sama tayo by Ex battalion. Nyahaha.

Natampal ko na lang ang noo ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top